Old/New Testament
Si Miriam ay Nagkaketong
12 Sina Miriam at Aaron ay nagsalita laban kay Moises dahil sa babaing Cusita na kanyang napangasawa (sapagkat talagang nag-asawa siya ng isang babaing Cusita).
2 At kanilang sinabi, “Ang Panginoon ba'y nagsasalita sa pamamagitan lamang ni Moises? Hindi ba nagsalita rin naman siya sa pamamagitan natin?” At narinig ito ng Panginoon.
3 Ang lalaki ngang si Moises ay napakaamo, higit kaysa lahat ng lalaki sa ibabaw ng lupa.
4 At sinabi agad ng Panginoon kina Moises, Aaron at Miriam, “Lumabas kayong tatlo patungo sa toldang tipanan.” At silang tatlo ay lumabas.
5 Ang Panginoon ay bumaba sa isang haliging ulap, at tumayo sa pintuan ng tolda, at tinawag sina Aaron at Miriam at sila'y kapwa lumapit.
6 At kanyang sinabi, “Pakinggan ninyo ngayon ang aking mga salita. Kung mayroon sa gitna ninyo na isang propeta, akong Panginoon ay magpapakilala sa kanya sa pangitain, at kakausapin ko siya sa panaginip.
7 Ang(A) aking lingkod na si Moises ay hindi gayon; ipinagkatiwala ko sa kanya ang aking buong sambahayan.
8 Sa kanya'y nakikipag-usap ako nang harapan,[a] nang maliwanag, at hindi sa malabong salitaan; at ang anyo ng Panginoon ay kanyang nakikita. Bakit hindi kayo natakot na magsalita laban sa aking lingkod na si Moises?”
9 Ang galit ng Panginoon ay nag-alab laban sa kanila; at siya'y umalis.
10 Nang ang ulap ay lumayo sa tolda, si Miriam ay naging ketongin na kasimputi ng niyebe. Tiningnan ni Aaron si Miriam, at nakita na ito'y ketongin.
11 At sinabi ni Aaron kay Moises, “O panginoon ko, huwag mo kaming parusahan,[b] sapagkat gumawa kaming may kahangalan, at kami ay nagkasala.
12 Huwag mong itulot sa kanya, isinasamo ko sa iyo, na maging parang isang patay na naagnas ang kalahati ng kanyang laman paglabas sa tiyan ng kanyang ina.”
13 At tumawag si Moises sa Panginoon, “Pagalingin mo siya, O Diyos, ipinapakiusap ko sa iyo.”
14 Sinabi(B) ng Panginoon kay Moises, “Kung siya'y niluraan ng kanyang ama sa kanyang mukha, hindi ba niya dadalhin ang kanyang kahihiyan nang pitong araw? Kulungin siyang pitong araw sa labas ng kampo, at pagkatapos ay madadala siyang muli sa loob.”
15 Si Miriam ay pitong araw na kinulong sa labas ng kampo at ang bayan ay hindi umalis upang maglakbay hanggang si Miriam ay nadalang muli sa loob.
16 Pagkatapos nito ay naglakbay ang bayan mula sa Haserot, at nagkampo sa ilang ng Paran.
Nagpadala ng mga Espiya sa Canaan(C)
13 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
2 “Magsugo ka ng mga lalaki upang lihim na siyasatin ang lupain ng Canaan, na aking ibibigay sa mga anak ni Israel. Isang lalaki sa bawat isa sa mga lipi ng kanilang mga ninuno ay susuguin ninyo, na bawat isa'y pinuno sa kanila.”
3 Kaya't sinugo sila ni Moises mula sa ilang ng Paran ayon sa utos ng Panginoon. Silang lahat ay mga lalaking pinuno sa mga anak ni Israel.
4 At ito ang kanilang mga pangalan: mula sa lipi ni Ruben ay si Samua na anak ni Zacur;
5 mula sa lipi ni Simeon ay si Shafat na anak ni Hori;
6 mula sa lipi ni Juda ay si Caleb na anak ni Jefone;
7 mula sa lipi ni Isacar ay si Igal na anak ni Jose;
8 mula sa lipi ni Efraim ay si Hosheas na anak ni Nun;
9 mula sa lipi ni Benjamin ay si Palti na anak ni Rafu;
10 mula sa lipi ni Zebulon ay si Gadiel na anak ni Sodi;
11 mula sa lipi ni Jose, samakatuwid ay sa lipi ni Manases ay si Gaddi na anak ni Susi;
12 mula sa lipi ni Dan ay si Amiel na anak ni Gemalli;
13 mula sa lipi ni Aser ay si Sethur na anak ni Micael;
14 mula sa lipi ni Neftali ay si Nahabi na anak ni Vapsi;
15 mula sa lipi ni Gad ay si Geuel na anak ni Maci.
16 Ito ang mga pangalan ng mga lalaki na isinugo ni Moises upang lihim na siyasatin ang lupain. At tinawag ni Moises na Josue si Hosheas na anak ni Nun.
17 Isinugo sila ni Moises upang lihim na siyasatin ang lupain ng Canaan at sinabi sa kanila, “Umakyat kayo sa Negeb at umakyat kayo sa mga kaburulan.
18 Tingnan ninyo kung ano ang lupain, at ang mga taong naninirahan doon, kung sila'y malakas o mahina, kung sila'y kaunti o marami;
19 at kung ano ang lupain na kanilang tinatahanan, kung mabuti o masama; at kung ano ang mga lunsod na kanilang tinatahanan, kung sa mga kampo o sa mga may pader,
20 at kung ang lupain ay mataba o payat, kung mayroong kahoy o wala. Magpakatapang kayo at magdala kayo rito ng mga bunga ng lupain.” Ang panahong iyon ay panahon ng mga unang hinog na ubas.
21 Kaya't sila'y umakyat, at kanilang lihim na siniyasat ang lupain mula sa ilang ng Zin hanggang sa Rehob, sa pagpasok sa Hamat.
22 Sila'y umakyat sa Negeb, at sila'y nakarating sa Hebron; at si Ahiman, si Sesai at si Talmai, na mga anak ni Anak, ay naroon. (Ang Hebron ay itinayo pitong taon bago ang Zoan sa Ehipto).
23 At sila'y dumating sa libis ng Escol, at sila'y pumutol doon ng isang sangang may isang kumpol na ubas, at dinala sa isang pingga ng dalawa sa kanila. Sila'y nagdala rin ng mga prutas na granada, at mga igos.
24 Ang dakong iyon ay tinawag na libis ng Escol, dahil sa kumpol na pinutol ng mga anak ni Israel mula doon.
Ang Masamang Balita ng mga Espiya
25 At sila'y nagbalik pagkatapos na lihim na siyasatin ang lupain, sa katapusan ng apatnapung araw.
26 Sila'y dumating kina Moises at Aaron at sa buong sambayanan ng mga anak ni Israel, sa ilang ng Paran, sa Kadesh; at kanilang dinalhan sila ng balita at ang buong sambayanan, at kanilang ipinakita sa kanila ang bunga ng lupain.
27 Kanilang sinabi sa kanya, “Kami ay dumating sa lupaing iyon na kung saan ay sinugo mo kami, at tunay na iyon ay dinadaluyan ng gatas at pulot; at ito ang bunga niyon.
28 Gayunman, ang mga tao na tumitira sa lupaing iyon ay malalakas, at ang mga bayan ay may pader at napakalalaki; at saka aming nakita roon ang mga anak ni Anak.
29 Ang Amalekita ay naninirahan sa lupain ng Negeb, ang mga Heteo, ang mga Jebuseo, at ang mga Amoreo ay naninirahan sa mga bundok. Ang mga Cananeo ay naninirahan sa tabi ng dagat, at sa mga pampang ng Jordan.”
30 Ngunit pinatahimik ni Caleb ang bayan sa harapan ni Moises, at sinabi, “Ating akyatin agad at sakupin sapagkat kayang kaya nating lupigin iyon.”
31 Ngunit sinabi ng mga lalaking umakyat na kasama niya, “Hindi tayo makakaakyat laban sa mga taong iyon, sapagkat sila'y malalakas kaysa atin.
32 Kaya't sila'y nagdala ng masamang balita tungkol sa lupaing kanilang siniyasat, sa mga anak ni Israel, na sinasabi, “Ang lupain na aming pinaroonan upang lihim na siyasatin ay isang lupain na nilalamon ang mga naninirahan doon; at lahat ng tao na aming nakita roon ay malalaking tao.
33 At(D) nakita namin doon ang mga Nefilim, ang mga anak ni Anak, na mula sa mga Nefilim; at kami sa aming sariling paningin ay naging parang mga tipaklong, at gayundin kami sa kanilang paningin.”
Tumutol ang Buong Kapulungan
14 Kaya't ang buong kapulungan ay sumigaw nang malakas; at ang taong-bayan ay umiyak nang gabing iyon.
2 At nagreklamo ang lahat ng mga anak ni Israel laban kina Moises at Aaron. Sinabi sa kanila ng buong sambayanan, “Namatay na sana tayo sa lupain ng Ehipto! O kaya'y namatay na sana tayo sa ilang na ito!
3 Bakit kaya tayo dinala ng Panginoon sa lupaing ito, upang tayo'y bumagsak sa tabak? Ang ating mga asawa at ang ating mga anak ay magiging biktima. Hindi ba mas mabuti para sa atin na tayo'y magbalik sa Ehipto?”
4 Kaya't sinabi nila sa isa't isa, “Maglagay tayo ng isang pinuno at tayo'y magbalik sa Ehipto.”
5 Nang magkagayon, sina Moises at Aaron ay nagpatirapa sa harap ng buong kapulungan ng bayan ng mga anak ni Israel.
6 Si Josue na anak ni Nun, at si Caleb na anak ni Jefone, na mga kasama ng mga nagsiyasat nang lihim sa lupain, ay pinunit ang kanilang mga damit.
7 At sinabi nila sa buong kapulungan ng mga anak ni Israel, “Ang lupain na aming pinuntahan upang lihim na siyasatin ay isang napakagandang lupain.
8 Kung kalulugdan tayo ng Panginoon ay dadalhin nga niya tayo sa lupaing iyon, at ibibigay niya sa atin; isang lupain na dinadaluyan ng gatas at pulot.
9 Huwag(E) lamang kayong maghimagsik laban sa Panginoon ni matakot sa mga tao ng lupaing iyon, sapagkat sila'y para lamang tinapay sa atin; ang kanyang kalinga ay inalis sa kanila, at ang Panginoon ay kasama natin; huwag kayong matakot sa kanila.”
10 Subalit pinagbantaan sila ng buong sambayanan na babatuhin sila ng mga bato. At ang kaluwalhatian ng Panginoon ay lumitaw sa toldang tipanan sa lahat ng mga anak ni Israel.
Ang Babala ng Panginoon at ang Pagsamo ni Moises
11 At sinabi ng Panginoon kay Moises, “Hanggang kailan ako hahamakin ng bayang ito? At hanggang kailan sila hindi maniniwala sa akin, sa kabila ng mga tanda na aking ginawa sa kanila?
12 Hahampasin ko sila ng salot, at tatanggalan ko sila ng mana at gagawin kitang isang bansang mas malaki at mas matibay kaysa kanila.”
13 Ngunit(F) sinabi ni Moises sa Panginoon, “Kung gayo'y mababalitaan ito ng mga taga-Ehipto, sapagkat dinala mo ang bayang ito ng iyong kapangyarihan mula sa kanila;
14 at kanilang sasabihin sa mga naninirahan sa lupaing ito. Kanilang nabalitaan na ikaw Panginoon ay nasa gitna ng bayang ito, sapagkat ikaw Panginoon ay nagpakita nang mukhaan, at ang iyong ulap ay nakatindig sa ibabaw ng mga iyon, at ikaw ay nangunguna sa kanila, sa isang haliging ulap sa araw, at sa isang haliging apoy sa gabi.
15 Kung papatayin mo ang bayang ito na parang isang tao, magsasalita nga ang mga bansang nakarinig ng iyong katanyagan at kanilang sasabihin,
16 ‘Sapagkat hindi kayang dalhin ng Panginoon ang bayang ito sa lupain na kanyang ipinangakong ibibigay sa kanila, kaya't kanyang pinaslang sila sa ilang.’
17 At ngayon, idinadalangin ko sa iyo, hayaan mong ang kapangyarihan ng Panginoon ay maging dakila, ayon sa iyong ipinangako,
18 ‘Ang(G) Panginoon ay mabagal sa pagkagalit at sagana sa tapat na pag-ibig, na nagpapatawad ng kasamaan at ng pagsuway, ngunit kailanman ay hindi pinapawalang-sala ang may sala, na dinadalaw ang kasamaan ng mga magulang sa mga anak sa ikatlo at sa ikaapat na salinlahi.
19 Hinihiling ko sa iyo, patawarin mo ang kasamaan ng bayang ito ayon sa kadakilaan ng iyong tapat na pag-ibig, at ayon sa iyong pagpapatawad sa bayang ito, mula sa Ehipto hanggang ngayon.”
20 At sinabi ng Panginoon, “Ako'y nagpatawad ayon sa iyong salita;
21 gayunman,(H) na kung paanong ako'y buháy at kung paanong mapupuno ng kaluwalhatian ng Panginoon ang buong lupa,
22 wala sa mga taong iyon na nakakita ng aking kaluwalhatian at ng aking mga tanda na aking ginawa sa Ehipto at sa ilang, ngunit tinukso pa rin ako nitong makasampung ulit, at hindi dininig ang aking tinig,
23 ang makakakita sa lupain na aking ipinangako sa kanilang mga ninuno, at walang sinuman sa kanila na humamak sa akin ang makakakita nito.
24 Ngunit(I) ang aking lingkod na si Caleb, sapagkat siya'y nagtaglay ng ibang espiritu at sumunod nang lubos sa akin, ay dadalhin ko sa lupain na kanyang pinaroonan; at aariin ng kanyang mga binhi.
25 Ngayon, sapagkat ang mga Amalekita at ang mga Cananeo ay naninirahan sa libis, bumalik kayo bukas at kayo'y maglakbay sa daang patungo sa Dagat na Pula.”
Ang Parusa sa Israel
26 At nagsalita ang Panginoon kina Moises at Aaron, na sinasabi,
27 “Hanggang kailan magrereklamo laban sa akin ang masamang kapulungang ito? Aking narinig ang mga reklamo ng mga anak ni Israel na kanilang sinasabi laban sa akin.
28 Sabihin mo sa kanila, ‘Ako'y buháy, sabi ng Panginoon, kung ano ang sinabi ninyo sa aking pandinig ay gayon ang gagawin ko sa inyo.
29 Ang(J) inyong mga bangkay ay mabubuwal sa ilang na ito; at ang lahat na nabilang sa inyo ayon sa inyong kabuuang bilang, mula sa dalawampung taong gulang pataas na nagreklamo laban sa akin,
30 ay hindi papasok sa lupaing aking ipinangako na patitirahan ko sa inyo, maliban kay Caleb na anak ni Jefone at kay Josue na anak ni Nun.
31 Ngunit ang inyong mga bata, na inyong sinabing magiging mga biktima ay aking papapasukin, at kanilang makikilala ang lupain na inyong itinakuwil.
32 Ngunit tungkol sa inyo, ang inyong mga bangkay ay mabubuwal sa ilang na ito.
33 At(K) ang inyong mga anak ay magiging palaboy sa ilang na apatnapung taon, at magdurusa dahil sa kawalan ninyo ng pananampalataya, hanggang sa ang huli sa inyong mga bangkay ay humandusay sa ilang.
34 Ayon sa bilang ng mga araw na inyong lihim na ipinagsiyasat sa lupain, samakatuwid ay apatnapung araw, sa bawat araw ay isang taon, inyong pananagutan ang inyong mga kasamaan, nang apatnapung taon, at inyong makikilala ang aking sama ng loob!
35 Akong Panginoon ang nagsalita, tunay na ito'y aking gagawin sa buong masamang kapulungang ito, na nagtitipon laban sa akin. Sa ilang na ito, sila'y magwawakas, at dito sila mamamatay.’”
36 Ang mga lalaki na sinugo ni Moises upang lihim na magsiyasat sa lupain, na bumalik at naging dahilan upang magreklamo ang buong kapulungan laban sa kanya dahil sa paghahatid ng masamang balita laban sa lupain,
37 samakatuwid ay ang mga taong naghatid ng masamang balita tungkol sa lupain ay namatay sa salot sa harap ng Panginoon.
38 Ngunit si Josue na anak ni Nun, at si Caleb na anak ni Jefone ay naiwang buháy sa mga taong iyon na pumaroon upang lihim na siyasatin ang lupain.
Hinabol Hanggang sa Horma(L)
39 At sinabi ni Moises ang mga salitang ito sa lahat ng mga anak ni Israel at ang bayan ay lubhang nanangis.
40 Kinaumagahan, sila'y maagang bumangon at umakyat sa taluktok ng bundok, na sinasabi, “Narito kami, at kami ay aakyat sa dakong ipinangako ng Panginoon, sapagkat kami ay nagkasala.”
41 Ngunit sinabi ni Moises, “Bakit sinusuway ninyo ngayon ang utos ng Panginoon? Iyan ay hindi magtatagumpay.
42 Huwag kayong umahon, baka kayo'y masaktan sa harap ng mga kaaway, sapagkat ang Panginoon ay hindi ninyo kasama.
43 Sapagkat naroon ang mga Amalekita at ang mga Cananeo sa harap ninyo, at kayo'y babagsak sa tabak, sapagkat kayo'y tumalikod sa pagsunod sa Panginoon, kaya't ang Panginoon ay hindi ninyo makakasama.”
44 Ngunit sila'y nagpumilit umakyat sa taluktok ng bundok; gayunman ang kaban ng tipan ng Panginoon at si Moises ay hindi lumabas sa kampo.
45 Nang magkagayon ang mga Amalekita at ang mga Cananeo na naninirahan sa bundok na iyon ay bumaba, nilupig sila at hinabol hanggang sa Horma.
Binuhay ang Anak ni Jairo at Pinagaling ang Isang Babae(A)
21 Nang si Jesus ay muling tumawid sakay ng bangka sa kabilang ibayo, nagtipon sa palibot niya ang napakaraming tao; at siya'y nasa tabi ng dagat.
22 Pagkatapos ay dumating ang isa sa mga pinuno ng sinagoga na nagngangalang Jairo. Pagkakita sa kanya, nagpatirapa siya sa kanyang paanan,
23 at nagsumamo sa kanya, na sinasabi, “Ang aking munting anak na babae ay naghihingalo. Pumaroon ka at ipatong mo ang iyong mga kamay sa kanya upang siya'y gumaling at mabuhay.”
24 Siya'y sumama sa kanya. Sinundan siya ng napakaraming tao at siya'y siniksik nila.
25 May isang babae na labindalawang taon nang dinudugo,
26 at lubhang naghirap na sa maraming manggagamot. Nagugol na niya ang lahat ng nasa kanya at hindi siya gumaling ni kaunti man, kundi lalo pang lumubha.
27 Narinig niya ang tungkol kay Jesus, lumapit siya sa karamihan sa likuran niya, at hinipo ang kanyang damit.
28 Sapagkat sinasabi niya, “Kung mahipo ko man lamang ang kanyang damit ay gagaling na ako.”
29 Kaagad napigil ang kanyang pagdurugo, at kanyang naramdaman sa kanyang katawan na magaling na siya sa malubha niyang sakit.
30 Pagkabatid na may lumabas na kapangyarihan mula sa kanya, bumaling si Jesus sa karamihan at nagsabi, “Sino ang humipo sa aking damit?”
31 Sinabi sa kanya ng kanyang mga alagad, “Nakikita mong sinisiksik ka ng karamihan, at sinasabi mo pang ‘Sino ang humipo sa akin?’”
32 Tumingin siya sa buong paligid upang makita kung sino ang gumawa niyon.
33 Ngunit ang babae palibhasa'y nalalaman ang nangyari sa kanya ay lumapit na natatakot at nanginginig, nagpatirapa sa harap niya, at sinabi sa kanya ang buong katotohanan.
34 At sinabi ni Jesus sa kanya, “Anak, pinagaling ka ng pananampalataya mo; umalis kang payapa, at gumaling ka sa sakit mo.”
35 Samantalang nagsasalita pa siya, may mga taong dumating na galing sa bahay ng pinuno ng sinagoga, na nagsasabi, “Namatay na ang anak mong babae. Bakit mo pa inaabala ang Guro?”
36 Ngunit hindi pinansin[a] ni Jesus ang sinabi, at sinabi niya sa pinuno ng sinagoga, “Huwag kang matakot; manampalataya ka lamang.”
37 At hindi niya ipinahintulot na may sumunod sa kanya, maliban kina Pedro, Santiago, at Juan na kapatid ni Santiago.
38 Nang makarating sila sa bahay ng pinuno ng sinagoga, nakita niya ang pagkakagulo, ang mga pagtangis at malakas na iyakan.
39 Pagkapasok niya ay kanyang sinabi sa kanila, “Bakit kayo nagkakagulo at nag-iiyakan? Hindi patay ang bata, kundi natutulog lamang.”
40 Siya'y kanilang pinagtawanan, ngunit pinalabas niya ang lahat at isinama niya ang ama at ang ina ng bata at ang kanyang mga kasamahan. Pumasok sila sa kinaroroonan ng bata.
41 Hinawakan niya ang kamay ng bata at sinabi sa kanya, “Talitha cum,”[b] na ang kahulugan ay “Munting batang babae, sinasabi ko sa iyo, bumangon ka!”
42 Kaagad bumangon ang batang babae at nagpalakad-lakad (siya'y may labindalawang taon na). Kaagad silang namangha ng ganoon na lamang.
43 Mahigpit niyang ipinag-utos sa kanila na walang dapat makaalam nito; at sinabi niya sa kanila na ang bata[c] ay bigyan ng makakain.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001