Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Levitico 21-22

Ang Kabanalan ng mga Pari

21 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Sabihin mo ang ganito sa mga pari na mga anak ni Aaron: Hindi dapat dungisan ng sinuman ang kanyang sarili nang dahil sa patay na kasama ng kanyang bayan,

maliban sa kanyang malapit na kamag-anak: sa kanyang ina, ama, anak na lalaki at babae, kapatid na lalaki,

at sa kanyang kapatid na dalaga na malapit sa kanya, sapagkat siya ay walang asawa, ay maaaring madungisan niya ang kanyang sarili dahil sa dalaga.[a]

Hindi niya dapat dungisan ang kanyang sarili bilang isang asawang lalaki sa gitna ng kanyang bayan at malapastanganan ang sarili.

Huwag(A) silang gagawa ng kalbong bahagi sa kanilang ulo, o gugupitin man ang dulo ng kanilang balbas, o hihiwaan man ang kanilang laman.

Sila'y magiging banal sa kanilang Diyos, at huwag nilang lalapastanganin ang pangalan ng kanilang Diyos; sapagkat sila ang nag-aalay ng mga handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy, na tinapay ng kanilang Diyos, kaya't sila'y magiging banal.

Huwag silang mag-aasawa ng isang babaing upahan[b] o babaing nadungisan, ni mag-aasawa sa isang babaing hiwalay na sa kanyang asawa, sapagkat ang pari[c] ay banal sa kanyang Diyos.

Siya ay iyong ituturing na banal, sapagkat siya ang naghahandog ng tinapay ng inyong Diyos. Siya'y magiging banal sa inyo; sapagkat akong Panginoon na nagpapabanal sa inyo ay banal.

Kapag dinungisan ng anak na babae ng isang pari ang kanyang sarili sa pamamagitan ng pagpapaupa[d] ay kanyang nilalapastangan ang kanyang ama; siya'y susunugin sa apoy.

10 “Ang pari na pangunahin sa kanilang magkakapatid, na binuhusan ng langis ang ulo at ang kamay, at itinalaga upang magsuot ng kasuotan ng pari, hindi dapat maglugay ng kanyang buhok, ni sirain ang kanyang damit.

11 Huwag siyang lalapit sa anumang bangkay, ni dungisan ang kanyang sarili, maging dahil sa kanyang ama, o dahil sa kanyang ina;

12 ni lalabas siya sa santuwaryo, ni lalapastanganin ang santuwaryo ng kanyang Diyos; sapagkat ang pagtalaga ng langis na pambuhos ng kanyang Diyos ay nasa kanya: Ako ang Panginoon.

13 Siya'y mag-aasawa sa isang dalagang birhen.

14 Hindi siya mag-aasawa sa isang balo, o sa hiniwalayan, o sa isang babaing nadungisan, o sa isang upahang babae; kundi kukuha siya ng isang dalagang malinis sa kanyang sariling bayan bilang asawa.

15 Upang hindi niya malapastangan ang kanyang mga anak sa gitna ng kanyang mga kamag-anak, sapagkat ako ang Panginoon na nagpapabanal sa kanya.”

Karapatan sa Pagkapari

16 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,

17 “Sabihin mo kay Aaron: Sinuman sa iyong mga anak sa buong panahon ng kanilang salinlahi na may kapintasan ay hindi maaaring lumapit upang maghandog ng tinapay sa kanyang Diyos.

18 Sapagkat sinumang mayroong kapintasan ay huwag lalapit, ang taong bulag, pilay, nasira ang mukha, sobrang mahaba ang paa o kamay;

19 ang taong nabalian ng paa o nabalian ng kamay;

20 kuba, unano, ang taong may kapansanan sa kanyang mata, sakit ng pangangati, galisin, o nadurog ang itlog.

21 Walang tao mula sa binhi ni Aaron na pari na mayroong kapintasan ang lalapit upang mag-alay ng mga handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy yamang siya'y may kapintasan; siya'y huwag lalapit upang mag-alay ng tinapay sa kanyang Diyos.

22 Makakakain siya ng tinapay ng kanyang Diyos, ang kabanal-banalan at ang mga bagay na banal;

23 subalit hindi siya makakalapit sa tabing, o lalapit man sa dambana, sapagkat siya'y may kapintasan upang hindi niya malapastangan ang aking mga santuwaryo; sapagkat ako ang Panginoon na nagpapabanal sa kanila.”

24 Gayon ang sinabi ni Moises kay Aaron at sa kanyang mga anak, at sa lahat ng mga anak ni Israel.

Ang Kabanalan ng mga Handog

22 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,

“Sabihin mo kay Aaron at sa kanyang mga anak na sila'y magsilayo sa mga banal na bagay ng mga anak ni Israel, na kanilang itinalaga sa akin upang huwag nilang lapastanganin ang aking banal na pangalan: Ako ang Panginoon.

Sabihin mo sa kanila, ‘Sinuman sa lahat ng inyong binhi sa buong panahon ng inyong salinlahi na lumapit sa mga banal na bagay na itinalaga ng mga anak ni Israel sa Panginoon na nasa kalagayang marumi, ang taong iyon ay ititiwalag sa aking harapan: Ako ang Panginoon.

Sinuman sa binhi ni Aaron na may ketong o may tulo ay hindi kakain ng mga banal na bagay hanggang siya'y maging malinis. At ang humipo ng alinmang bagay na marumi dahil sa patay, o lalaking nilabasan ng binhi nito,

o sinumang humipo ng anumang gumagapang na makakapagparumi sa kanya o humipo sa lalaking makakapagparumi sa kanya, sa pamamagitan ng alinman sa kanyang karumihan,

ang tao na humipo sa gayon ay magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw. Huwag siyang kakain ng mga banal na bagay, kundi paliliguan niya ang kanyang katawan sa tubig.

Pagkalubog ng araw, siya ay magiging malinis at pagkatapos ay makakakain na siya ng mga banal na bagay, sapagkat iyon ay kanyang pagkain.

Hindi niya kakainin ang anumang kusang namatay o nilapa ng hayop, sapagkat marurumihan niya ang kanyang sarili sa pamamagitan nito: Ako ang Panginoon.’

Kaya't tutuparin nila ang aking bilin, at hindi nila iyon ipagkakasala, upang sila ay huwag mamatay kapag kanilang nilapastangan ito: Ako ang Panginoon na nagpapabanal sa kanila.

10 “Ang isang taga-ibang bayan ay huwag kakain ng mga banal na bagay; sinumang manunuluyan sa pari, o aliping upahan niya ay huwag kakain ng banal na bagay.

11 Ngunit kung ang pari ay bumili ng isang tao sa pamamagitan ng kanyang salapi, siya ay makakakain din nito; gayundin ang ipinanganak sa kanyang bahay ay makakakain ng kanyang tinapay.

12 Kung ang isang anak na babae ng pari ay mag-asawa sa isang dayuhan, ang babae ay hindi makakakain ng handog ng mga banal na bagay.

13 Subalit kung ang anak na babae ng pari ay balo o hiwalay sa asawa at walang anak at bumalik sa bahay ng kanyang ama na gaya rin nang kanyang kabataan, siya ay makakakain ng tinapay ng kanyang ama, ngunit ang sinumang dayuhan ay hindi makakakain niyon.

14 At kung ang sinumang lalaki ay magkamaling kumain ng banal na bagay, iyon ay kanyang daragdagan ng ikalimang bahagi at ibibigay iyon sa pari kasama ng banal na bagay.

15 Huwag lalapastanganin ng mga pari ang mga banal na bagay ng mga anak ni Israel, na kanilang inihahandog sa Panginoon;

16 sapagkat iyon ay magbubunga ng pagpasan nila ng kasamaan at pagkakasala sa pamamagitan ng pagkain ng kanilang mga banal na bagay; sapagkat ako ang Panginoon na nagpapabanal sa kanila.”

17 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,

18 “Sabihin mo kay Aaron, sa kanyang mga anak, at sa lahat ng mga anak ni Israel: Sinuman sa sambahayan ni Israel o sa mga dayuhan sa Israel, na maghahandog ng kanyang alay, maging kabayaran sa isang panata o bilang inialay sa Panginoon bilang handog na sinusunog,

19 upang tanggapin, ang inyong ihahandog ay isang lalaki na walang kapintasan, mula sa mga toro, sa mga tupa, o sa mga kambing.

20 Huwag(B) ninyong ihahandog ang anumang may kapintasan, sapagkat ito ay hindi tatanggapin para sa inyo.

21 At kapag ang isang tao ay naghandog sa Panginoon ng handog pangkapayapaan, sa pagtupad ng isang panata o kaya'y kusang-loob na handog mula sa bakahan o sa kawan, ito ay kailangang sakdal upang matanggap; ito ay kailangang walang kapintasan.

22 Ang bulag, may bali, may kapansanan, may tulo, may pangangati, o may galis, ay huwag ninyong ihahandog sa Panginoon, ni gagawin ang mga ito bilang handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy sa ibabaw ng dambana.

23 Ang toro o tupa na may bahaging napakahaba o napakaikli ay maaari mong ialay bilang kusang-loob na handog, subalit hindi matatanggap para sa isang panata.

24 Anumang hayop na nasira ang kasarian, nadurog, o naputol ay huwag ninyong ihahandog sa Panginoon, o iaalay sa loob ng inyong lupain.

25 Huwag ninyong ihahandog bilang pagkain ng inyong Diyos ang anumang gayong hayop na nakuha mula sa isang dayuhan, yamang ang mga ito ay may kapintasan dahil sa kanilang kapansanan; hindi iyon tatanggapin para sa inyo.”

26 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,

27 “Kapag ipinanganak ang isang baka, tupa, o kambing, ito ay mananatili sa kanyang ina sa loob ng pitong araw; at mula sa ikawalong araw hanggang sa haharapin ito ay tatanggapin bilang alay, handog na pinaraan sa apoy para sa Panginoon;

28 subalit huwag ninyong papatayin sa gayon ding araw ang baka, o tupa at ang kanyang anak.

29 Kapag kayo'y maghahandog ng handog na pasasalamat sa Panginoon, iaalay ninyo ito upang kayo ay tanggapin;

30 at ito ay kakainin sa araw ding iyon, huwag kayong magtitira ng anuman hanggang sa umaga: Ako ang Panginoon.

31 “Kaya't inyong iingatan ang aking mga utos, at inyong tuparin ang mga iyon: Ako ang Panginoon.

32 Huwag ninyong lalapastanganin ang aking banal na pangalan; kundi ako'y pakakabanalin sa bayan ng Israel; ako ang Panginoon na nagpapabanal sa inyo,

33 na naglabas sa inyo mula sa lupain ng Ehipto, upang ako'y maging inyong Diyos: Ako ang Panginoon.”

Mateo 28

Muling Nabuhay si Jesus(A)

28 Pagkatapos ng Sabbath, sa pagbubukang-liwayway ng unang araw ng sanlinggo, si Maria Magdalena at ang isa pang Maria ay pumaroon upang tingnan ang libingan.

At biglang nagkaroon ng malakas na lindol, sapagkat bumaba mula sa langit ang isang anghel ng Panginoon, na naparoon at iginulong ang bato, at umupo sa ibabaw nito.

Ang kanyang anyo ay tulad sa kidlat at ang kanyang pananamit ay maputing parang busilak.

At sa takot sa kanya, nanginig ang mga bantay, at naging tulad sa mga patay.

Ngunit sumagot ang anghel at sinabi sa mga babae, “Huwag kayong matakot, sapagkat nalalaman kong hinahanap ninyo si Jesus na ipinako sa krus.

Wala siya rito, sapagkat siya'y binuhay, tulad ng sinabi niya. Halikayo, tingnan ninyo ang dakong hinigaan niya.[a]

Pagkatapos ay magmadali kayong umalis at sabihin ninyo sa kanyang mga alagad na siya'y binuhay mula sa mga patay. Siya'y mauuna sa inyo sa Galilea. Makikita ninyo siya roon. Ito ang nasabi ko na sa inyo.”

Sila nga'y dali-daling umalis sa libingan na may takot at malaking kagalakan, at tumakbo sila upang magbalita sa kanyang mga alagad.

At doo'y sinalubong sila ni Jesus, na nagsasabi, “Kapayapaan ay sumainyo.” At paglapit nila sa kanya ay niyakap ang kanyang mga paa at siya'y sinamba.

10 Pagkatapos ay sinabi ni Jesus sa kanila, “Huwag kayong matakot. Humayo kayo at sabihin ninyo sa aking mga kapatid na pumunta sila sa Galilea, at doon ay makikita nila ako.”

Ang Ulat ng mga Bantay

11 Habang patungo sila roon, ang ilan sa mga bantay ay pumunta sa lunsod at ibinalita sa mga punong pari ang lahat ng mga bagay na nangyari.

12 Pagkatapos makipagpulong sa matatanda, nagpanukala sila na magbigay ng sapat na salapi sa mga kawal,

13 na sinasabi, “Sabihin ninyo, ‘Ang kanyang mga alagad ay dumating nang gabi at siya'y kanilang ninakaw samantalang kami'y natutulog.’

14 Kung mabalitaan ito ng gobernador, hihikayatin namin siya, at ilalayo namin kayo sa gulo.”

15 At ginawa nga ng mga tumanggap ng salapi ang ayon sa itinuro sa kanila. Ang salitang ito ay kumalat sa mga Judio hanggang sa araw na ito.

Sinugo ni Jesus ang mga Alagad(B)

16 Samantala,(C) ang labing-isang alagad ay pumunta sa Galilea, sa bundok na itinuro sa kanila ni Jesus.

17 At nang siya'y kanilang makita, ay kanilang sinamba siya. Subalit ang ilan ay nag-alinlangan.

18 Lumapit si Jesus at sinabi sa kanila, “Ang lahat ng awtoridad sa langit at sa ibabaw ng lupa ay ibinigay na sa akin.

19 Kaya't(D) sa paghayo ninyo, gawin ninyong alagad ang lahat ng mga bansa, bautismuhan ninyo sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo,

20 at turuan silang sundin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo. At narito, ako'y kasama ninyong palagi, hanggang sa katapusan ng panahon.”[b][c]

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001