Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Bilang 35-36

Ang mga Lunsod para sa mga Levita

35 At(A) nagsalita ang Panginoon kay Moises sa mga kapatagan ng Moab sa tabi ng Jordan sa Jerico, na sinasabi,

“Iutos mo sa mga anak ni Israel na kanilang bigyan ang mga Levita mula sa mana na kanilang pag-aari, ng mga lunsod na matitirahan. Ang mga pastulan sa palibot ng mga lunsod na iyon ay ibibigay rin ninyo sa mga Levita.

Magiging kanila ang mga lunsod upang tirahan; at ang kanilang mga pastulan ay para sa kanilang mga kawan, mga pag-aari, at sa lahat nilang mga hayop.

Ang mga pastulan sa mga lunsod na inyong ibibigay sa mga Levita ay isang libong siko sa palibot mula sa pader ng lunsod hanggang sa dakong labas.

Ang inyong susukatin sa labas ng lunsod sa dakong silangan ay dalawang libong siko, at sa dakong timog ay dalawang libong siko, at sa kanluran ay dalawang libong siko, at sa dakong hilaga ay dalawang libong siko, na ang lunsod ay sa gitna. Ito ang magiging kanilang mga pastulan sa mga lunsod.

Ang mga lunsod na inyong ibibigay sa mga Levita ay ang anim na lunsod na kanlungan, na siya ninyong ibibigay na matatakasan ng nakamatay ng tao. Bukod pa dito ay magbibigay kayo ng apatnapu't dalawang lunsod.

Lahat ng mga lunsod na inyong ibibigay sa mga Levita ay apatnapu't walong lunsod; kasama ang kanilang mga pastulan.

Tungkol sa mga lunsod na inyong ibibigay mula sa ari-arian ng mga anak ni Israel ay kukuha kayo ng marami mula sa malalaking lipi at sa maliliit na lipi ay kukuha kayo ng kaunti; bawat isa ayon sa kanyang mana na kanyang minamana ay magbibigay ng kanyang mga lunsod sa mga Levita.”

Mga Lunsod-Kanlungan(B)

At(C) nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,

10 “Magsalita ka sa mga anak ni Israel at sabihin mo sa kanila, ‘Pagtawid ninyo ng Jordan sa lupain ng Canaan,

11 ay pipili kayo ng mga lunsod na magiging lunsod-kanlungan para sa inyo, upang ang nakamatay ng sinumang tao nang hindi sinasadya ay makatakas patungo doon.

12 Ang mga lunsod na iyon ay magiging sa inyo'y kanlungan laban sa tagapaghiganti upang ang nakamatay ay huwag mamatay, hanggang sa siya'y tumayo sa harap ng kapulungan para hatulan.

13 Ang mga lunsod na inyong ibibigay ay ang inyong anim na lunsod-kanlungan.

14 Magbibigay kayo ng tatlong lunsod sa kabila ng Jordan, at tatlong lunsod ang ibibigay ninyo sa lupain ng Canaan upang maging mga lunsod-kanlungan.

15 Ang anim na lunsod na ito ay magiging kanlungan para sa mga anak ni Israel, mga dayuhan, at sa mga makikipamayan sa kanila, upang ang bawat nakamatay ng sinumang tao nang hindi sinasadya ay makatakas patungo doon.

16 Ngunit kung kanyang hampasin ang kanyang kapwa ng isang kasangkapang bakal, na anupa't namatay, siya nga'y mamamatay-tao; ang mamamatay-tao ay tiyak na papatayin.

17 Kung kanyang pukpukin ng isang batong nasa kamay na ikamamatay at namatay nga, siya ay mamamatay-tao; ang mamamatay-tao ay tiyak na papatayin.

18 O kung kanyang saktan ng isang sandatang kahoy na hawak sa kamay na ikamamatay ng tao, at namatay nga, siya ay mamamatay-tao; ang mamamatay-tao ay tiyak na papatayin.

19 Ang tagapaghiganti ng dugo ay siyang papatay sa pumatay. Kapag natagpuan niya ay kanyang papatayin.

20 Kung kanyang itinulak dahil sa poot, o kanyang pinukol ng isang bagay, na nagbabanta, anupa't siya'y namatay;

21 o sa pakikipag-away ay nanuntok na anupa't namatay, ang nanuntok ay tiyak na papatayin; siya'y mamamatay-tao; ang tagapaghiganti ng dugo ay siyang papatay sa pumatay, kapag kanyang natagpuan siya.

Ang mga Lunsod-Kanlungan para sa Nakamatay

22 “Ngunit kung sa pagkabigla ay kanyang maitulak na walang alitan, o mahagisan niya ng anumang bagay na hindi tinambangan,

23 o ng anumang bato na ikamamatay ng tao, na hindi niya nakikita at kanyang naihagis sa kanya, na anupa't namatay at hindi niya kaaway, at hindi niya pinaghahangaran ng masama;

24 kung gayon ang kapulungan ang siyang hahatol sa mamamatay-tao at sa tagapaghiganti ng dugo, ayon sa mga batas na ito.

25 Ililigtas ng kapulungan ang nakamatay sa kamay ng tagapaghiganti ng dugo, at siya'y pababalikin ng kapulungan sa kanyang lunsod-kanlungan na kanyang tinakasan at siya'y mananatili roon hanggang sa pagkamatay ng pinakapunong pari, na binuhusan ng banal na langis.

26 Ngunit kung ang nakamatay ay lumabas sa anumang panahon sa hangganan ng kanyang lunsod-kanlungan na kanyang tinakasan,

27 at nakita siya ng tagapaghiganti ng dugo sa labas ng hangganan ng kanyang lunsod-kanlungan, at patayin ng tagapaghiganti ng dugo ang nakamatay, hindi siya mananagot sa dugo,

28 sapagkat ang tao ay dapat manatili sa kanyang lunsod-kanlungan hanggang sa pagkamatay ng pinakapunong pari; ngunit pagkamatay ng pinakapunong pari ang nakamatay ay makakabalik sa lupain na kanyang pag-aari.

Ang Batas tungkol sa Mamamatay-Tao

29 “Ang mga bagay na ito ay magiging isang tuntunin at batas sa inyo sa buong panahon ng inyong mga salinlahi sa lahat ng inyong mga tirahan.

30 Kung(D) ang sinuman ay pumatay ng isang tao, ang pumatay ay papatayin sa patotoo ng mga saksi; ngunit walang taong maaaring patayin sa patotoo ng isang saksi.

31 Bukod dito, huwag kayong tatanggap ng suhol para sa buhay ng mamamatay-tao na nagkasala ng pagpatay, kundi siya'y papatayin.

32 Huwag kayong tatanggap ng suhol sa kaninumang tumakas sa kanyang lunsod-kanlungan, upang siya'y makabalik at manirahan sa kanyang lupain bago mamatay ang pinakapunong pari.

33 Kaya't huwag ninyong parurumihin ang lupain na inyong kinaroroonan, sapagkat ang dugo ay nagpaparumi ng lupain at walang paglilinis na magagawa sa lupa dahil sa dugo na dumanak doon, maliban sa pamamagitan ng dugo ng taong nagpadanak niyon.

34 Huwag ninyong durungisan ang lupain na inyong tinitirhan, sa kalagitnaan na aking tinitirhan; sapagkat ako ang Panginoon ay naninirahan sa gitna ng mga anak ni Israel.”

Tungkol sa Pag-aasawa ng mga Tagapagmanang Babae

36 Ang mga puno ng mga sambahayan ng mga ninuno ng mga anak ni Gilead, na anak ni Makir, na anak ni Manases, sa mga angkan ng mga anak ni Jose, ay lumapit at nagsalita sa harap ni Moises at ng mga pinuno, na mga puno sa mga sambahayan ng mga ninuno ng mga anak ni Israel.

Sinabi(E) nila, “Ang Panginoon ay nag-utos sa aking panginoon na ibigay sa pamamagitan ng palabunutan ang lupain na pinakamana sa mga anak ni Israel at inutusan din naman ng Panginoon ang aking panginoon na ibigay ang mana ni Zelofehad na aming kapatid sa kanyang mga anak na babae.

Kung sila'y mag-asawa sa kaninuman sa mga anak ng ibang mga lipi ng mga anak ni Israel ay aalisin ang mana nila na mula sa mana ng aming mga ninuno, at idaragdag sa mana ng lipi na kinabibilangan nila; sa gayo'y aalisin ito sa manang nauukol sa amin.

At pagdating ng jubileo ng mga anak ni Israel ay idaragdag ang kanilang mana sa mana ng lipi na kanilang kinabibilangan; sa gayo'y ang kanilang mana ay aalisin sa mana ng lipi ng aming mga ninuno.”

At iniutos ni Moises sa mga anak ni Israel ayon sa salita ng Panginoon, na sinasabi, “Tama ang sinasabi ng lipi ng mga anak ni Jose.”

Ito ang bagay na iniutos ng Panginoon tungkol sa mga anak na babae ni Zelofehad, na sinasabi, ‘Hayaan silang mag-asawa sa sinumang iniisip nila na pinakamabuti; ngunit sa angkan ng lipi lamang ng kanilang ama.

Sa gayon ay walang mana ng mga anak ni Israel ang magpapalipat-lipat sa iba't ibang lipi, sapagkat ang mga anak ni Israel ay mananatili sa isa sa mana ng lipi ng kanyang mga ninuno.

Bawat anak na babae na nagmamay-ari sa anumang lipi ng mga anak ni Israel ay mag-aasawa sa isa sa mga angkan ng lipi ng kanyang ama, upang mapanatili ng bawat isa sa mga anak ni Israel ang mana ng kanyang mga ninuno.

Sa gayon ay hindi magpapalipat-lipat ang mana sa ibang lipi; sapagkat dapat manatili ang bawat lipi ng mga anak ni Israel sa kanyang sariling mana.

10 Kung paanong iniutos ng Panginoon kay Moises ay gayon ang ginawa ng mga anak na babae ni Zelofehad;

11 sapagkat sina Mahla, Tirsa, Holga, Milca, at Noa, na mga anak na babae ni Zelofehad ay nagsipag-asawa sa mga anak ng mga kapatid ng kanilang ama.

12 Sila'y nag-asawa sa mga angkan ng mga anak ni Manases na anak ni Jose; at ang kanilang mana ay naiwan sa lipi ng angkan ng ama nila.

13 Ito ang mga utos at ang mga batas, na iniutos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises sa mga anak ni Israel sa mga kapatagan ng Moab sa tabi ng Jordan sa Jerico.

Marcos 10:1-31

Tungkol sa Paghihiwalay ng Mag-asawa(A)

10 Mula roon, siya'y umalis at pumunta sa lupain ng Judea at sa kabila ng Jordan. At muling nagtipon ang napakaraming tao sa paligid niya at tulad ng kanyang nakaugalian, muli niyang tinuruan sila.

Dumating ang mga Fariseo at upang subukin siya ay kanilang itinanong, “Ipinahihintulot ba sa lalaki na makipaghiwalay sa kanyang asawa?”

At sumagot siya sa kanila, “Ano ba ang iniutos sa inyo ni Moises?”

Sinabi(B) nila, “Ipinahintulot ni Moises na sumulat ang isang lalaki ng kasulatan ng paghihiwalay, at makipaghiwalay sa babae.”

Ngunit sinabi sa kanila ni Jesus, “Dahil sa katigasan ng inyong puso, isinulat niya ang utos na ito sa inyo.

Ngunit(C) buhat pa sa pasimula ng paglikha, ‘ginawa sila ng Diyos na lalaki at babae.’

‘Dahil(D) dito'y iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina, at makikipisan sa kanyang asawa;

at ang dalawa ay magiging isang laman!’ Kaya't hindi na sila dalawa, kundi isang laman.

Kaya't ang pinagsama ng Diyos ay huwag hayaang paghiwalayin ng tao.”

10 Sa bahay naman ay muling tinanong siya ng mga alagad tungkol sa bagay na ito.

11 At(E) sinabi niya sa kanila, “Ang sinumang makipaghiwalay sa kanyang asawang babae at mag-asawa sa iba ay nagkakasala ng pangangalunya laban sa kanya.

12 Kung nakipaghiwalay siya sa kanyang asawang lalaki at mag-asawa sa iba, nagkakasala siya ng pangangalunya.”

Binasbasan ni Jesus ang Maliliit na Bata(F)

13 At dinadala ng mga tao sa kanya ang maliliit na bata upang sila'y kanyang hipuin, ngunit sinaway sila ng mga alagad.

14 Ngunit nang ito'y makita ni Jesus, nagalit siya at sinabi sa kanila, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang maliliit na bata. Huwag ninyo silang pagbawalan, sapagkat sa mga ganito nauukol ang kaharian ng Diyos.

15 Tunay(G) na sinasabi ko sa inyo, ang sinumang hindi tumanggap sa kaharian ng Diyos na tulad sa isang maliit na bata, ay hindi makakapasok doon.”

16 At kinalong niya sila, ipinatong ang kanyang mga kamay sa kanila at binasbasan sila.

Ang Lalaking Mayaman(H)

17 Nang siya'y naghahanda na sa kanyang paglalakbay, may isang lalaking patakbong lumapit sa kanya, at pagluhod sa kanyang harapan, siya'y tinanong, “Mabuting Guro, ano ang dapat kong gawin upang magmana ng buhay na walang hanggan?”

18 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Bakit tinatawag mo akong mabuti? Walang mabuti kundi ang Diyos lamang.

19 Nalalaman(I) mo ang mga utos: ‘Huwag kang pumatay; Huwag kang mangalunya; Huwag kang magnakaw; Huwag kang sumaksi sa kasinungalingan; Huwag kang mandaya; Igalang mo ang iyong ama at ina.’”

20 At sinabi niya sa kanya, “Guro, ang lahat ng mga bagay na ito'y aking tinupad mula pa sa aking kabataan.”

21 Si Jesus, pagtingin sa kanya ay minahal siya at sinabi, “Isang bagay ang kulang sa iyo. Humayo ka, ipagbili mo ang lahat at ibigay mo ang salapi[a] sa dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. At pumarito ka, sumunod ka sa akin.”

22 Subalit siya'y nanlumo sa sinabing ito, at siya'y umalis na nalulungkot sapagkat siya'y maraming ari-arian.

23 At sa pagtingin ni Jesus sa palibot ay sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Napakahirap para sa mga may kayamanan na pumasok sa kaharian ng Diyos.”

24 At namangha ang mga alagad sa kanyang mga salita. Ngunit muling sumagot sa kanila si Jesus, “Mga anak, napakahirap pumasok sa kaharian ng Diyos.

25 Mas madali pa para sa isang kamelyo ang dumaan sa butas ng isang karayom kaysa isang mayaman ang pumasok sa kaharian ng Diyos.”

26 Sila'y lalong nagtaka at sinabi sa kanya, “Sino nga kaya ang maliligtas?”

27 Tiningnan sila ni Jesus at sinabi, “Sa mga tao, ito'y hindi maaaring mangyari ngunit hindi sa Diyos; sapagkat sa Diyos ang lahat ng mga bagay ay maaaring mangyari.”

28 Si Pedro ay nagsimulang magsabi sa kanya, “Tingnan mo, iniwan namin ang lahat at sumunod kami sa iyo.”

29 Sinabi ni Jesus, “Katotohanan ang sinasabi ko sa inyo, walang taong nag-iwan ng bahay, o mga kapatid na lalaki, o mga kapatid na babae, o ina, o ama, o mga anak, o mga bukid, dahil sa akin, at dahil sa magandang balita,

30 ang hindi makakatanggap ng isandaang ulit, ngayon sa panahong ito, ng mga bahay, at mga kapatid na lalaki, mga kapatid na babae, mga ina at mga anak, at mga bukid, na may mga pag-uusig; at sa darating na panahon ay walang hanggang buhay.

31 Ngunit(J) ang maraming nauuna ay mahuhuli, at ang huli ay mauuna.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001