Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Bilang 32-34

Ang Ruben, Gad, at ang Kalahati ng Lipi ni Manases ay Nanirahan sa Gilead(A)

32 Ang mga anak ni Ruben, at ang mga anak ni Gad ay may lubhang napakaraming hayop. Nang kanilang makita ang lupain ng Jazer at ang lupain ng Gilead ay mabuting lugar iyon para sa hayop,

lumapit at nagsalita ang mga anak ni Gad at ang mga anak ni Ruben kay Moises, sa paring si Eleazar, at sa mga pinuno ng sambayanan, na sinasabi:

“Ang Atarot, Dibon, Jazer, Nimra, Hesbon, Eleale, Saban, Nebo, at ang Beon,

na lupaing winasak ng Panginoon sa harap ng kapulungan ng Israel ay lupaing mabuti para sa hayop, at ang iyong mga lingkod ay may mga hayop.”

At sinabi nila, “Kung kami ay nakatagpo ng biyaya sa iyong paningin ay ibigay sa iyong mga lingkod ang lupaing ito bilang ari-arian; at huwag mo na kaming patawirin sa Jordan.”

Sinabi ni Moises sa mga anak ni Gad at sa mga anak ni Ruben, “Pupunta ba ang inyong mga kapatid sa pakikipaglaban, samantalang kayo'y nakaupo rito?

At bakit pinanghihina ninyo ang loob ng mga anak ni Israel, upang huwag magpatuloy sa lupain na ibinigay ng Panginoon sa kanila?

Ganyan(B) ang ginawa ng inyong mga ninuno nang sila'y aking suguin, mula sa Kadesh-barnea upang lihim na siyasatin ang lupain.

Sapagkat nang sila'y makaahon sa libis ng Escol at makita ang lupain, ay kanilang pinanghina ang loob ng mga anak ni Israel upang huwag pumasok sa lupain na ibinigay ng Panginoon sa kanila.

10 Ang(C) galit ng Panginoon ay nagningas nang araw na iyon, at siya'y sumumpa na sinasabi,

11 ‘Tunay na walang taong lumabas sa Ehipto, mula sa dalawampung taong gulang pataas na makakakita ng lupain na aking ipinangako kina Abraham, Isaac, at Jacob; sapagkat sila'y hindi lubos na sumunod sa akin;

12 liban kay Caleb na anak ni Jefone na Kenizeo, at si Josue na anak ni Nun sapagkat sila'y lubos na sumunod sa Panginoon.’

13 Ang galit ng Panginoon ay nagningas laban sa Israel, at kanyang pinagala-gala sila sa ilang nang apatnapung taon hanggang sa ang buong salinlahing iyon na gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon ay nalipol.

14 At, ngayo'y bumangon kayo na kapalit ng inyong mga ninuno, supling ng mga taong makasalanan, upang dagdagan pa ninyo ang matinding galit ng Panginoon sa Israel.

15 Sapagkat kung kayo'y lumihis ng pagsunod sa kanya ay kanyang muling iiwan sila sa ilang; at inyong lilipulin ang buong bayang ito.”

16 Sila'y lumapit sa kanya, at nagsabi, “Gagawa kami rito ng mga kulungan para sa aming mga hayop, at ng mga bayan para sa aming mga bata.

17 Ngunit kami ay maghahandang lumaban upang magpauna sa mga anak ni Israel hanggang sa aming madala sila sa kanilang lugar; at ang aming mga bata ay maninirahan sa mga bayang may pader dahil sa mga naninirahan sa lupain.

18 Kami ay hindi babalik sa aming mga bahay, hanggang sa ang lahat ng mga anak ni Israel ay magkaroon ng kanilang sariling pag-aari,

19 sapagkat hindi kami makikihati sa kanilang mana sa kabilang ibayo ng Jordan, at sa dako pa roon; sapagkat tinanggap na namin ang aming mana rito sa dakong silangan ng Jordan.”

20 At sinabi ni Moises sa kanila, “Kung gagawin ninyo ang bagay na ito; kung kayo'y maghahandang lumaban upang pumaroon sa harap ng Panginoon sa pakikipaglaban,

21 at bawat may sandata sa inyo ay tatawid sa Jordan sa harap ng Panginoon, hanggang sa kanyang mapalayas ang kanyang mga kaaway sa harap niya;

22 at ang lupain ay mapasuko sa harap ng Panginoon; kung gayon ay makababalik kayo at magiging malaya sa pananagutan sa Panginoon at sa Israel; at ang lupaing ito ay magiging inyong pag-aari sa harap ng Panginoon.

23 Ngunit kung hindi ninyo gagawin ang ganito, kayo'y magkakasala laban sa Panginoon at tiyak na tutugisin kayo ng inyong kasalanan.

24 Igawa ninyo ng mga lunsod ang inyong mga bata, at ng mga kulungan ang inyong mga tupa; at gawin ninyo ang inyong sinabi.”

25 Nagsalita ang mga anak nina Gad at ang mga anak ni Ruben kay Moises, na sinasabi, “Gagawin ng iyong mga lingkod ang gaya ng iniutos ng aking panginoon.

26 Ang aming mga bata, mga asawa, kawan at buong bakahan ay mananatili riyan sa mga bayan ng Gilead.

27 Ngunit ang iyong mga lingkod ay tatawid, bawat lalaki na may sandata sa pakikipaglaban, sa harap ng Panginoon upang makipaglaban gaya ng sinabi ng aking panginoon.”

28 Sa(D) gayo'y nag-utos si Moises tungkol sa kanila sa paring si Eleazar, kay Josue na anak ni Nun, at sa mga pinuno sa mga sambahayan ng mga ninuno ng mga lipi ng mga anak ni Israel.

29 At sinabi sa kanila ni Moises, “Kung ang mga anak ni Gad at ang mga anak ni Ruben ay tatawid na kasama ninyo sa Jordan, ang lahat ng lalaki na may sandata sa pakikipaglaban, sa harap ng Panginoon; at kung ang lupain ay mapasuko sa harap ninyo ay ibibigay ninyo sa kanila bilang ari-arian ang lupain ng Gilead.

30 Ngunit kung sila'y hindi tatawid na kasama ninyo na may sandata, magkakaroon sila ng pag-aari na kasama ninyo sa lupain ng Canaan.”

31 Ang mga anak nina Gad at Ruben ay sumagot, “Kung ano ang sinabi ng Panginoon sa iyong mga lingkod ay gayon ang gagawin namin.

32 Kami ay tatawid na may sandata sa harap ng Panginoon sa lupain ng Canaan, at ang magiging pag-aari naming mana ay sa dakong ito ng Jordan.”

33 At ibinigay ni Moises sa mga anak nina Gad, at sa mga anak ni Ruben, at sa kalahati ng lipi ni Manases na anak ni Jose ang kaharian ni Sihon na hari ng mga Amoreo, at ang kaharian ni Og na hari sa Basan, ang lupain at ang mga bayan niyon, sa loob ng mga hangganan niyon, samakatuwid ay ang mga bayan sa buong lupain.

34 Itinayo ng mga anak ni Gad ang Dibon, ang Atarot, ang Aroer,

35 ang Atarot-sofan, ang Jazer, ang Jogbeha,

36 ang Bet-nimra at ang Bet-haran: na mga bayang may pader, at kulungan din naman ng mga tupa.

37 Itinayo naman ng mga anak ni Ruben ang Hesbon, Eleale, Kiryataim,

38 ang Nebo, Baal-meon, (na ang pangalan ng mga iyon ay pinalitan,) at ang Sibma. Binigyan nila ng ibang mga pangalan ang mga bayan na kanilang itinayo.

39 Ang mga anak ni Makir na anak ni Manases ay pumunta sa Gilead, sinakop ito, at pinalayas ang mga Amoreo na naroroon.

40 Ibinigay ni Moises ang Gilead kay Makir na anak ni Manases; at kanyang tinirhan.

41 Si Jair na anak ni Manases ay pumaroon at sinakop ang mga bayan niyon at tinawag ang mga ito na Havot-jair.

42 Si Noba ay pumaroon at sinakop ang Kenat at ang mga nayon niyon. Tinawag ito na Noba, ayon sa kanyang sariling pangalan.

Ang Talaan ng Paglalakbay ng Israel

33 Ito ang mga paglalakbay[a] ng mga anak ni Israel, nang sila'y lumabas sa lupain ng Ehipto, ayon sa kanilang mga hukbo sa ilalim ng pamumuno nina Moises at Aaron.

Isinulat ni Moises kung saan sila nagsimula, yugtu-yugto, alinsunod sa utos ng Panginoon, at ito ang kanilang mga paglalakbay ayon sa kanilang mga lugar na pinagsimulan.

Sila'y naglakbay mula sa Rameses nang ikalabinlimang araw ng unang buwan. Kinabukasan, pagkatapos ng paskuwa ay buong tapang na umalis ang mga anak ni Israel sa paningin ng lahat ng mga Ehipcio,

samantalang inililibing ng mga Ehipcio ang lahat ng kanilang panganay na nilipol ng Panginoon sa gitna nila, pati ang kanilang mga diyos ay hinatulan ng Panginoon.

Ang mga anak ni Israel ay naglakbay mula sa Rameses at nagkampo sa Sucot.

Sila'y naglakbay mula sa Sucot at nagkampo sa Etam na nasa gilid ng ilang.

Sila'y naglakbay mula sa Etam, at lumiko sa Pihahirot, na nasa silangan ng Baal-zefon at nagkampo sa tapat ng Migdol.

Sila'y naglakbay mula sa Pihahirot, at nagdaan sa gitna ng dagat hanggang sa ilang; sila'y naglakbay ng tatlong araw sa ilang ng Etam at nagkampo sa Mara.

Sila'y naglakbay mula sa Mara, at dumating sa Elim at sa Elim ay may labindalawang bukal ng tubig at pitumpung puno ng palma; at sila'y nagkampo roon.

10 Sila'y naglakbay mula sa Elim at nagkampo sa tabi ng Dagat na Pula.[b]

11 Sila'y naglakbay mula sa Dagat na Pula at nagkampo sa ilang ng Zin.

12 Sila'y naglakbay mula sa ilang ng Zin at nagkampo sa Dofca.

13 Sila'y naglakbay mula sa Dofca at nagkampo sa Alus.

14 Sila'y naglakbay mula sa Alus at nagkampo sa Refidim na doon ay walang tubig na mainom ang mga taong-bayan.

15 Sila'y naglakbay mula sa Refidim at nagkampo sa ilang ng Sinai.

16 Sila'y naglakbay mula sa ilang ng Sinai at nagkampo sa Kibrot-hataava.

17 Sila'y naglakbay mula sa Kibrot-hataava at nagkampo sa Haserot.

18 Sila'y naglakbay mula sa Haserot at nagkampo sa Ritma.

19 Sila'y naglakbay mula sa Ritma at nagkampo sa Rimon-peres.

20 Sila'y naglakbay mula sa Rimon-peres at nagkampo sa Libna.

21 Sila'y naglakbay mula sa Libna at nagkampo sa Risa.

22 Sila'y naglakbay mula sa Risa at nagkampo sa Ceelata.

23 Sila'y naglakbay mula sa Ceelata at nagkampo sa bundok ng Sefer.

24 Sila'y naglakbay mula sa bundok ng Sefer at nagkampo sa Harada.

25 Sila'y naglakbay mula sa Harada at nagkampo sa Macelot.

26 Sila'y naglakbay mula sa Macelot at nagkampo sa Tahat.

27 Sila'y naglakbay mula sa Tahat at nagkampo sa Terah.

28 Sila'y naglakbay mula sa Terah at nagkampo sa Mitca.

29 Sila'y naglakbay mula sa Mitca at nagkampo sa Hasmona.

30 Sila'y naglakbay mula sa Hasmona at nagkampo sa Moserot.

31 Sila'y naglakbay mula sa Moserot at nagkampo sa Ben-yaakan.

32 Sila'y naglakbay mula sa Ben-yaakan at nagkampo sa Horhagidgad.

33 Sila'y naglakbay mula sa Horhagidgad at nagkampo sa Jotbata.

34 Sila'y naglakbay mula sa Jotbata at nagkampo sa Abrona.

35 Sila'y naglakbay mula sa Abrona at nagkampo sa Ezion-geber.

36 Sila'y naglakbay mula sa Ezion-geber at nagkampo sa ilang ng Zin (na siya ring Kadesh).

37 At sila'y naglakbay mula sa Kadesh at nagkampo sa bundok ng Hor, sa gilid ng lupain ng Edom.

Ang Pagkamatay ni Aaron

38 Ang(E) paring si Aaron ay umakyat sa bundok ng Hor sa utos ng Panginoon, at namatay roon nang unang araw ng ikalimang buwan, sa ikaapatnapung taon, pagkaalis ng mga anak ni Israel sa lupain ng Ehipto.

39 Si Aaron ay isandaan at dalawampu't tatlong taon nang siya'y mamatay sa bundok ng Hor.

40 Nabalitaan(F) ng Cananeo na hari sa Arad, na naninirahan sa Negeb sa lupain ng Canaan, ang pagdating ng mga anak ni Israel.

41 Sila'y naglakbay mula sa bundok ng Hor at nagkampo sa Salmona.

42 Sila'y naglakbay mula sa Salmona at nagkampo sa Funon.

43 Sila'y naglakbay mula sa Funon at nagkampo sa Obot.

44 Sila'y naglakbay mula sa Obot at nagkampo sa Ije-abarim, sa hangganan ng Moab.

45 Sila'y naglakbay mula sa Ije-abarim at nagkampo sa Dibon-gad.

46 Sila'y naglakbay mula sa Dibon-gad at nagkampo sa Almon-diblataim.

47 Sila'y naglakbay mula sa Almon-diblataim at nagkampo sa mga bundok ng Abarim, sa harap ng Nebo.

48 Sila'y naglakbay mula sa mga bundok ng Abarim at nagkampo sa mga kapatagan ng Moab, sa tabi ng Jordan, sa Jerico.

49 Sila'y nagkampo sa tabi ng Jordan, mula sa Bet-jesimot hanggang sa Abel-sitim, sa mga kapatagan ng Moab.

50 At nagsalita ang Panginoon kay Moises sa mga kapatagan ng Moab sa tabi ng Jordan, sa Jerico, na sinasabi,

51 “Sabihin mo sa mga anak ni Israel, ‘Pagtawid ninyo sa Jordan sa lupain ng Canaan,

52 inyong palalayasin ang lahat ng naninirahan sa lupain sa harap ninyo, at inyong sisirain ang lahat ng kanilang mga batong hinugisan, at inyong sisirain ang lahat ng kanilang mga larawang hinulma, at inyong sisirain ang lahat ng kanilang matataas na dako.

53 Angkinin ninyo ang lupain at manirahan kayo roon, sapagkat sa inyo ko ibinigay ang lupain upang angkinin.

54 Inyong(G) mamanahin ang lupain sa pamamagitan ng palabunutan ayon sa inyong mga angkan; sa malaki ay magbibigay kayo ng malaking mana, at sa maliit ay magbibigay kayo ng maliit na mana. Kung kanino matapat ang palabunutan sa bawat tao, ay iyon ang magiging kanya; ayon sa mga lipi ng inyong mga ninuno ay inyong mamanahin.

55 Ngunit kung hindi ninyo palalayasin ang mga naninirahan sa lupain sa harap ninyo ay magiging parang mga puwing sa inyong mga mata, at parang mga tinik sa inyong mga tagiliran ang mga ititira ninyo sa kanila, at kanilang guguluhin kayo sa lupaing pinaninirahan ninyo.

56 At mangyayari na gagawin ko sa inyo ang inisip kong gawin sa kanila.’”

Ang mga Hangganan ng Lupain

34 Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,

“Iutos mo sa mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila, ‘Pagpasok ninyo sa lupain ng Canaan, na ito ang lupaing magiging inyong mana, ang lupain ng Canaan ayon sa mga hangganan niyon,

ang inyong lugar sa timog ay mula sa ilang ng Zin hanggang sa gilid ng Edom, at ang inyong hangganan sa timog ay magiging mula sa dulo ng Dagat ng Asin sa gawing silangan.

Ang inyong hangganan ay paliko sa dakong timog sa gulod ng Acrabim, at patuloy hanggang sa Zin, at ang mga dulo niyon ay sa dakong timog ng Kadesh-barnea; at mula rito ay patungo sa Hazar-adar, at magpapatuloy sa Azmon;

at ang hangganan ay paliko mula sa Azmon hanggang sa batis ng Ehipto, at matatapos iyon sa dagat.

“Ang inyong magiging hangganan sa kanluran ay ang Malaking Dagat at ang baybayin niyon; ito ang magiging hangganan ninyo sa kanluran.

Ito ang inyong magiging hangganan sa hilaga; mula sa Malaking Dagat ay inyong gagawing palatandaan ang bundok ng Hor;

mula sa bundok ng Hor ay inyong gagawing palatandaan ang pasukan ng Hamat; at ang dulo ng hangganan ay sa Zedad;

ang magiging hangganan ay hanggang sa Zifron, at ang dulo nito ay ang Hazar-enan. Ito ang magiging hangganan ninyo sa hilaga.

10 Inyong gagawing palatandaan ang inyong hangganan sa silangan mula sa Hazar-enan hanggang Shefam;

11 ang hangganan ay pababa mula sa Shefam hanggang sa Ribla, sa dakong silangan ng Ain; at ang hangganan ay pababa at abot hanggang sa gilid ng dagat ng Cineret sa dakong silangan.

12 Ang hangganan ay pababa sa Jordan, at ang dulo niyon ay abot sa Dagat ng Asin. Ito ang magiging inyong lupain ayon sa mga hangganan niyon sa palibot.”

13 Iniutos(H) (I) ni Moises sa mga anak ni Israel, na sinasabi, “Ito ang lupain na inyong mamanahin sa pamamagitan ng palabunutan, na iniutos ng Panginoon na ibigay sa siyam na lipi, at sa kalahating lipi;

14 sapagkat ang lipi ng mga anak ni Ruben ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno, at ang lipi ng mga anak ni Gad ayon sa sambahayan ng kanilang mga ninuno ay tumanggap na, at gayundin naman ang kalahating lipi ni Manases ay tumanggap na ng kanilang mana.

15 Ang dalawang lipi na ito, at ang kalahating lipi ay tumanggap na ng kanilang mana sa kabila ng Jordan sa dakong silangan ng Jerico, sa dakong sinisikatan ng araw.”

16 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,

17 “Ito ang mga pangalan ng mga lalaki na magbabahagi ng lupain sa inyo bilang mana: ang paring si Eleazar at si Josue na anak ni Nun.

18 Maglalagay kayo ng isang pinuno sa bawat lipi upang maghati ng lupain bilang mana.

19 Ito ang mga pangalan ng mga lalaki: sa lipi ni Juda ay si Caleb na anak ni Jefone.

20 Sa lipi ng mga anak ni Simeon ay si Samuel na anak ni Amihud.

21 Sa lipi ni Benjamin ay si Elidad na anak ni Chislon.

22 Sa lipi ng mga anak ni Dan ay ang pinunong si Buki na anak ni Jogli.

23 Sa mga anak ni Jose: sa lipi ng mga anak ni Manases ay ang pinunong si Haniel na anak ni Efod,

24 sa lipi ng mga anak ni Efraim ay ang pinunong si Chemuel na anak ni Siftan;

25 sa lipi ng mga anak ni Zebulon ay ang pinunong si Elisafan na anak ni Farnac;

26 sa lipi ng mga anak ni Isacar ay ang pinunong si Paltiel na anak ni Azan;

27 sa lipi ng mga anak ni Aser ay ang pinunong si Ahiud na anak ni Selomi;

28 at sa lipi ng mga anak ni Neftali ay ang pinunong si Pedael na anak ni Amihud.

29 Ito ang mga inutusan ng Panginoon na mamahagi ng mana sa mga anak ni Israel sa lupain ng Canaan.”

Marcos 9:30-50

Muling Binanggit ni Jesus ang tungkol sa Kanyang Kamatayan(A)

30 Umalis sila roon at nagdaan sa Galilea at ayaw niyang malaman ito ng sinuman.

31 Sapagkat tinuturuan niya ang kanyang mga alagad na sa kanila'y sinasabi, “Ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa mga kamay ng tao at siya'y papatayin nila. Tatlong araw matapos siyang patayin, siya'y muling mabubuhay.”

32 Ngunit hindi nila naunawaan ang kanyang sinabi at natakot silang magtanong sa kanya.

Sino ang Pinakadakila?(B)

33 Nakarating sila sa Capernaum at nang siya'y nasa bahay na ay tinanong niya sila, “Ano ang pinagtatalunan ninyo sa daan?”

34 Ngunit(C) sila'y tumahimik, sapagkat sa daan ay pinagtatalunan nila kung sino ang pinakadakila.

35 Siya'y(D) umupo, tinawag ang labindalawa at sa kanila'y sinabi, “Kung sinuman ang nagnanais na maging una, siya'y dapat maging huli sa lahat at lingkod ng lahat.”

36 Kinuha niya ang isang maliit na bata at inilagay sa gitna nila. Siya'y kanyang kinalong at sa kanila'y sinabi,

37 “Ang(E) sinumang tumatanggap sa isa sa mga ganitong bata sa aking pangalan, ako ang tinatanggap at ang sinumang tumatanggap sa akin ay hindi ako ang tinatanggap, kundi ang nagsugo sa akin.”

Ang Hindi Laban sa Atin ay Panig sa Atin(F)

38 Sinabi sa kanya ni Juan, “Guro, nakita namin ang isang tao na nagpapalayas ng mga demonyo sa pangalan mo at pinagbawalan namin siya, sapagkat hindi siya sumusunod sa atin.”

39 Ngunit sinabi ni Jesus, “Huwag ninyo siyang pagbawalan, sapagkat walang taong gumagawa ng makapangyarihang gawa sa pangalan ko ang agad na makapagsasalita ng masama tungkol sa akin.

40 Sapagkat(G) ang sinumang hindi laban sa atin ay panig sa atin.

41 Sapagkat(H) tunay na sinasabi ko sa inyo, ang sinumang magpainom sa inyo ng isang tasang tubig dahil sa kayo'y kay Cristo, ay hindi mawawalan ng kanyang gantimpala.

Mga Batong-Katitisuran(I)

42 “At kung ang sinuman ay magbigay ng katitisuran sa isa sa maliliit na ito na sumasampalataya sa akin, mabuti pang bitinan ang kanyang leeg ng isang malaking gilingang bato at itapon sa dagat.

43 Kung(J) ang kamay mo ay nakapagpapatisod sa iyo, putulin mo ito. Mas mabuti pa sa iyo ang pumasok sa buhay na baldado, kaysa may dalawang kamay at mapunta sa impiyerno, sa apoy na hindi mapapatay,

[44 na kung saan ang kanilang mga uod ay hindi namamatay, at ang apoy ay hindi napapatay.]

45 Kung ang paa mo'y nakapagpapatisod sa iyo, putulin mo ito. Mas mabuti pa sa iyo ang pumasok sa buhay na pilay kaysa may dalawang paa ka at maitapon sa impiyerno,

[46 na kung saan ang kanilang mga uod ay hindi namamatay, at ang apoy ay hindi napapatay.]

47 Kung(K) ang mata mo'y nakapagpapatisod sa iyo, dukitin mo ito. Mas mabuti pa sa iyo ang pumasok sa kaharian ng Diyos na may isang mata, kaysa may dalawang mata at mabulid sa impiyerno,

48 na(L) kung saan ang kanilang mga uod ay hindi namamatay, at ang apoy ay hindi napapatay.

49 Sapagkat bawat isa'y aasinan ng apoy.[a]

50 Mabuti(M) ang asin ngunit kung tumabang ang asin, ano ang inyong ipagpapaalat dito? Magkaroon kayo ng asin sa inyong mga sarili at kayo'y magkaroon ng kapayapaan sa isa't isa.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001