Old/New Testament
Handog sa Pista ng mga Trumpeta(A)
29 Sa unang araw ng ikapitong buwan ay magkakaroon kayo ng isang banal na pagtitipon. Huwag kayong gagawa ng anumang mabigat na gawain. Ito ay araw para sa inyo na paghihip ng mga trumpeta.
2 Kayo'y maghahandog ng isang handog na sinusunog na mabangong samyo sa Panginoon, ng isang batang toro, isang lalaking tupa, pitong korderong lalaki na isang taong gulang at walang kapintasan.
3 Ang handog na butil ng mga iyon, na piling harina, na hinaluan ng langis, ay tatlong ikasampung bahagi para sa toro, dalawang ikasampung bahagi para sa lalaking tupa,
4 at isang ikasampung bahagi para sa bawat kordero sa pitong kordero,
5 at isang kambing na lalaki na handog pangkasalanan upang ipantubos sa inyo,
6 bukod pa sa handog na sinusunog sa bagong buwan, at sa handog na butil niyon, at sa palagiang handog na sinusunog at sa handog na butil niyon, at sa mga inuming handog niyon, ayon sa kanilang tuntunin na mabangong samyo na handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy.
Mga Handog sa Araw ng Pagtubos(B)
7 At(C) sa ikasampung araw nitong ikapitong buwan ay magkakaroon kayo ng isang banal na pagtitipon at inyong pahihirapan ang inyong mga kaluluwa, at huwag kayong gagawa ng anumang gawa,
8 kundi kayo'y maghahandog sa Panginoon ng isang handog na sinusunog na mabangong samyo; isang batang toro, isang tupang lalaki, pitong korderong lalaki na isang taong gulang, mga walang kapintasan para sa inyo.
9 Ang handog na butil ng mga iyon, na piling harina na hinaluan ng langis, ay tatlong ikasampung bahagi para sa toro, dalawang ikasampung bahagi para sa isang lalaking tupa,
10 isang ikasampung bahagi para sa bawat kordero sa pitong kordero;
11 isang kambing na lalaki na handog pangkasalanan, bukod pa sa handog pangkasalanan na pantubos at sa palagiang handog na sinusunog, at sa handog na butil, at sa mga inuming handog ng mga iyon.
Mga Handog sa Pista ng mga Kubol(D)
12 Sa(E) ikalabinlimang araw ng ikapitong buwan ay magkakaroon kayo ng isang banal na pagtitipon; huwag kayong gagawa ng anumang mabigat na gawain at mangingilin kayo sa loob ng pitong araw para sa Panginoon.
13 Maghahandog kayo ng isang handog na sinusunog, handog na pinaraan sa apoy na mabangong samyo para sa Panginoon: labintatlong batang toro, dalawang tupang lalaki, labing-apat na korderong lalaki na isang taong gulang, na mga walang kapintasan.
14 Ang handog na butil ng mga iyon, na piling harina na hinaluan ng langis ay tatlong ikasampung bahagi ng efa para sa bawat toro sa labintatlong toro, dalawang ikasampung bahagi sa bawat lalaking tupa para sa dalawang lalaking tupa,
15 at isang ikasampung bahagi para sa bawat kordero sa labing-apat na kordero;
16 isang kambing na lalaki na handog pangkasalanan; bukod pa sa palagiang handog na sinusunog, at sa handog na butil niyon at sa inuming handog niyon.
17 Sa ikalawang araw ay maghahandog kayo ng labindalawang batang toro, dalawang lalaking tupa, labing-apat na korderong lalaki na isang taong gulang at walang kapintasan.
18 Ang handog na harina ng mga iyon, at ang mga handog na inumin para sa mga toro, sa mga lalaking tupa, at sa mga kordero ayon sa bilang ng mga iyon, alinsunod sa tuntunin;
19 isang kambing na lalaki na handog pangkasalanan; bukod pa sa palagiang handog na sinusunog, at sa handog na butil, at sa mga handog na inumin ng mga iyon.
20 Sa ikatlong araw ay labing-isang toro, dalawang lalaking tupa, labing-apat na korderong lalaki na isang taong gulang at walang kapintasan,
21 handog na butil at ang mga inuming handog para sa mga toro, sa mga lalaking tupa, at sa mga kordero ayon sa kanilang bilang, alinsunod sa tuntunin,
22 at isang kambing na lalaki na handog pangkasalanan; bukod pa sa palagiang handog na sinusunog, at sa handog na butil niyon, at sa handog na inumin niyon.
23 Sa ikaapat na araw ay sampung toro, dalawang lalaking tupa, labing-apat na korderong lalaki na isang taong gulang na walang kapintasan,
24 handog na butil ng mga iyon at ang mga handog na inumin para sa mga toro, sa mga lalaking tupa, at sa mga kordero ayon sa kanilang bilang, alinsunod sa tuntunin;
25 at isang kambing na lalaki na handog pangkasalanan; bukod pa sa palagiang handog na sinusunog, sa handog na butil niyon, at sa handog na inumin niyon.
26 Sa ikalimang araw ay siyam na toro, dalawang lalaking tupa, labing-apat na korderong lalaki na isang taong gulang na walang kapintasan,
27 kasama ang handog na butil at ang handog na inumin para sa mga toro, sa mga lalaking tupa, at sa mga kordero, ayon sa kanilang bilang, alinsunod sa tuntunin;
28 at isang kambing na lalaki na handog pangkasalanan; bukod pa sa palagiang handog na sinusunog, at sa handog na butil niyon, at sa handog na inumin niyon.
29 At sa ikaanim na araw ay walong toro, dalawang lalaking tupa, labing-apat na korderong lalaki na isang taong gulang at walang kapintasan,
30 kasama ang handog na butil at mga handog na inumin para sa mga toro, sa mga lalaking tupa at sa mga kordero, ayon sa kanilang bilang, alinsunod sa tuntunin;
31 at isang kambing na lalaki na handog pangkasalanan; bukod pa sa palagiang handog na sinusunog, sa handog na butil niyon, at sa mga inuming handog niyon.
32 Sa ikapitong araw ay pitong toro, dalawampung tupang lalaki, labing-apat na korderong lalaki na isang taong gulang at walang kapintasan,
33 kasama ang handog na butil ng mga iyon, at ang mga inuming handog para sa mga toro, sa mga lalaking tupa, at sa mga kordero, ayon sa kanilang bilang, alinsunod sa tuntunin;
34 at isang kambing na lalaki na handog pangkasalanan; bukod pa sa palagiang handog na sinusunog, sa handog na butil niyon, at sa inuming handog niyon.
35 Sa ikawalong araw ay magkakaroon kayo ng isang taimtim na pagpupulong; huwag kayong gagawa ng anumang mabigat na gawain,
36 kundi kayo'y maghahandog ng isang handog na sinusunog, isang handog na pinaraan sa apoy na mabangong samyo sa Panginoon: isang toro, isang lalaking tupa, pitong korderong lalaki na isang taong gulang, walang kapintasan.
37 Ang handog na butil ng mga iyon at ang mga inuming handog para sa toro, sa lalaking tupa, at sa mga kordero, ayon sa kanilang bilang alinsunod sa tuntunin;
38 isang kambing na lalaki na handog pangkasalanan; bukod pa sa palagiang handog na sinusunog, at sa handog na butil niyon, at sa inuming handog niyon.
39 “Ang mga ito ay inyong ihahandog sa Panginoon sa inyong mga takdang kapistahan, bukod pa sa inyong mga ipinangakong handog, at sa inyong mga kusang handog, para sa inyong mga handog na sinusunog, mga handog na butil, at mga inuming handog, at mga handog pangkapayapaan.
40 At sinabi ni Moises sa mga anak ni Israel ang lahat ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
Ang Batas tungkol sa mga Panata
30 Nagsalita si Moises sa mga pinuno ng mga lipi ng mga anak ni Israel, na sinasabi, “Ito ang ipinag-uutos ng Panginoon.
2 Kapag(F) ang isang lalaki ay namanata ng isang panata sa Panginoon, o sumumpa ng isang sumpa, na itinali ang kanyang sarili sa pamamagitan ng isang panata, ay huwag niyang sisirain ang kanyang salita. Kanyang tutuparin ang ayon sa lahat ng lumabas sa kanyang bibig.
3 Kapag ang isang babae naman ay namanata ng isang panata sa Panginoon at itinali ang kanyang sarili sa pamamagitan ng isang sumpa, samantalang nasa bahay ng kanyang ama, sa kanyang pagkadalaga,
4 at narinig ng kanyang ama ang kanyang panata, at ang kanyang sumpa na doon ay itinali niya ang kanyang sarili, at ang kanyang ama ay walang sinabi sa kanya, lahat nga ng kanyang panata ay magkakabisa, at bawat panata na kanyang ipinanata sa kanyang sarili ay magkakabisa.
5 Ngunit kung sawayin siya ng kanyang ama sa araw na narinig niya ito, alinman sa kanyang panata o pangako na kanyang ginawa ay hindi magkakabisa, at patatawarin siya ng Panginoon sapagkat sinaway siya ng kanyang ama.
6 At kung siya'y may asawa at mamanata o magbitiw sa kanyang labi ng anumang salita na hindi pinag-isipan na doo'y itinali niya ang kanyang sarili,
7 at marinig ng kanyang asawa at walang sinabi sa kanya sa araw na marinig iyon, magkakabisa nga ang kanyang mga panata at pangako na doo'y itinali niya ang kanyang sarili.
8 Ngunit kung sawayin siya ng kanyang asawa sa araw na marinig iyon, mawawalan ng kabuluhan ang kanyang panata at ang binitiwang pangako ng kanyang mga labi na doo'y itinali niya ang kanyang sarili, at patatawarin siya ng Panginoon.
9 Ngunit anumang panata ng isang babaing balo, o ng isang hiniwalayan ng asawa ay magkakabisa sa bawat bagay na doo'y itinali niya ang kanyang sarili.
10 Kung siya'y mamanata sa bahay ng kanyang asawa, o kanyang itinali ang kanyang sarili sa isang pananagutan na kaakbay ng isang sumpa,
11 at narinig ng kanyang asawa, at walang sinabi sa kanya at hindi siya sinaway, kung gayon ay magkakabisa ang lahat niyang panata, at bawat pananagutan na kanyang itinali sa kanyang sarili ay magkakabisa.
12 Ngunit kung ang mga iyon ay pawawalang-bisa ng kanyang asawa sa araw na marinig, hindi magkakabisa ang anumang bagay na binitiwan ng kanyang mga labi tungkol sa kanyang mga panata o tungkol sa itinali niya sa kanyang sarili. Patatawarin siya ng Panginoon.
13 Bawat panata o bawat pananagutan na pinagtibay ng sumpa, na makapagpapahirap ng sarili, ay mabibigyang bisa ng kanyang asawa, o mapawawalang bisa ng kanyang asawa.
14 Ngunit kung ang kanyang asawa ay walang sinabi sa kanya sa araw-araw, pinagtibay nga niya ang lahat niyang panata, o ang lahat ng kanyang pananagutan, sapagkat hindi siya umimik nang araw na kanyang marinig ang mga ito.
15 Ngunit kung kanyang pawawalang-bisa ito pagkatapos na kanyang marinig, tataglayin nga niya ang kasamaan ng kanyang asawa.
16 Ito ang mga tuntunin na iniutos ng Panginoon kay Moises, sa mag-asawa at sa mag-ama samantalang ang anak na dalaga ay nasa bahay ng kanyang ama sa panahon ng kanyang kabataan.
Paghihiganti sa Midianita
31 Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
2 “Ipaghiganti mo ang mga anak ni Israel sa mga Midianita; pagkatapos nito'y ititipon ka sa iyong bayan.”
3 At sinabi ni Moises sa bayan, “Kayong mga lalaki ay maghanda ng sandata para sa pakikipaglaban upang labanan ang Midianita at igawad ang paghihiganti ng Panginoon sa Midian.
4 Sa bawat lipi ay isang libo ang susuguin ninyo sa pakikipaglaban.”
5 Sa gayo'y sinugo ang libu-libong Israelita, isang libo sa bawat lipi, labindalawang libong may sandata para sa pakikipaglaban.
6 Sinugo sila ni Moises sa pakikipaglaban, isang libo sa bawat lipi, sila at si Finehas na anak ng paring si Eleazar, na may mga kasangkapan ng santuwaryo at may mga trumpeta na panghudyat sa kanyang kamay.
7 Nakipaglaban sila sa Midian gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises, at kanilang pinatay ang bawat lalaki.
8 Pinatay nila ang mga hari sa Midian: sina Evi, Rekem, Zur, Hur, at Reba, limang hari sa Midian. Sina Balaam na anak ni Beor ay kanilang pinatay rin ng tabak.
9 At binihag ng mga anak ng Israel ang mga babae sa Midian at ang kanilang mga bata. Ang lahat ng kanilang mga hayop at mga kawan, at ang lahat ng kanilang ari-arian ay kanilang sinamsam.
10 Ang lahat ng kanilang mga bayan sa mga dakong kanilang tinitirhan at ang lahat nilang mga tolda ay kanilang sinunog sa apoy.
11 Kanilang dinala ang lahat ng kanilang nakuha, at ang lahat ng kanilang nasamsam, maging tao at hayop.
12 Ang mga bihag, ang nasamsam, at ang mga natangay ay kanilang dinala kay Moises at sa paring si Eleazar, at sa kapulungan ng mga anak ni Israel na nasa kampo sa mga kapatagan ng Moab, na nasa tabi ng Jordan sa Jerico.
13 Si Moises at ang paring si Eleazar, at ang lahat ng mga pinuno sa kapulungan, ay lumabas upang salubungin sila sa labas ng kampo.
14 Si Moises ay nagalit sa mga pinuno ng hukbo, sa mga pinuno ng libu-libo at sa mga pinuno ng daan-daan na nanggaling sa pakikipaglaban.
15 Sinabi ni Moises sa kanila, “Hinayaan ba ninyong mabuhay ang lahat ng mga babae?
16 Ang(G) mga babaing ito, dahil sa payo ni Balaam, ang naging dahilan upang ang mga anak ni Israel ay magtaksil sa Panginoon sa nangyari sa Peor, kaya't nagkasalot sa kapulungan ng Panginoon.
17 Ngayon ay patayin ninyo ang lahat ng mga batang lalaki at bawat babae na nakakilala na ng lalaki sa pamamagitan ng pagsiping sa mga ito.
18 Ngunit ang lahat ng mga dalaga na hindi pa nakakilala ng lalaki dahil hindi pa nasisipingan ang mga ito ay hayaan ninyong mabuhay upang mapasainyo.
19 Manatili kayo sa labas ng kampo sa loob ng pitong araw. Sinuman sa inyo na nakamatay ng sinumang tao, at nakahawak ng anumang pinatay ay maglilinis sa ikatlong araw at sa ikapitong araw, kayo at ang inyong mga bihag.
20 Ang bawat kasuotan, lahat ng yari sa balat, sa balahibo ng kambing, at lahat ng bagay na yari sa kahoy ay linisin ninyo.
Pagbabahagi ng Samsam at Bihag
21 Sinabi ng paring si Eleazar sa mga mandirigma ng hukbo na pumunta sa pakikipaglaban, “Ito ang tuntunin ng kautusan na iniutos ng Panginoon kay Moises:
22 Ang ginto, pilak, tanso, bakal, lata, tingga,
23 at bawat bagay na hindi natutupok sa apoy ay inyong pararaanin sa apoy, at iyon ay magiging malinis. Gayunma'y inyong lilinisin iyon ng tubig para sa karumihan at ang lahat na hindi nakakatagal sa apoy ay inyong pararaanin sa tubig.
24 Inyong lalabhan ang inyong mga damit sa ikapitong araw, at kayo'y magiging malinis, at pagkatapos nito'y makakapasok kayo sa kampo.”
25 Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
26 “Ang samsam na nakuha ninyo maging tao o hayop ay bilangin mo at ng paring si Eleazar, at ng mga puno ng mga sambahayan ng mga ninuno sa kapulungan.
27 Hatiin mo sa dalawa ang samsam, sa mga lalaking mandirigma na lumabas sa pakikipaglaban at sa buong kapulungan.
28 Bigyan mo ng buwis ang Panginoon para sa mga lalaking mandirigma na pumunta sa pakikipaglaban: isa sa bawat limang daang tao, at gayundin sa mga hayop, at sa mga asno at mga kawan.
29 Sa kalahating nauukol sa kanila ay kukunin mo iyon at ibibigay mo sa paring si Eleazar na handog sa Panginoon.
30 Sa kalahati na nauukol sa mga anak ni Israel ay kunin mo ang isang samsam sa bawat limampu, sa mga tao, mga baka, mga asno, mga kawan, sa lahat ng hayop at ibigay mo sa mga Levita na siyang namamahala sa tabernakulo ng Panginoon.”
31 Ginawa nga ni Moises at ng paring si Eleazar ang ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.
32 Ang nabihag bukod pa sa nasamsam ng mga taong nakipaglaban ay animnaraan at pitumpu't limang libong tupa,
33 pitumpu't dalawang libong baka,
34 animnapu't isang libong asno,
35 at tatlumpu't dalawang libong tao lahat, mga babae na hindi pa nakakilala ng lalaki sa pamamagitan ng pagsiping sa mga ito.
36 Ang kalahati, na siyang bahagi niyong mga pumunta sa pakikipaglaban ay umaabot sa bilang na tatlong daan tatlumpu't pitong libo at limang daang tupa.
37 Ang buwis na tupa sa Panginoon ay animnaraan at pitumpu't lima.
38 Ang mga baka ay tatlumpu't anim na libo; at ang buwis sa Panginoon ay pitumpu't dalawa.
39 Ang mga asno ay tatlumpung libo at limang daan; at ang buwis sa Panginoon ay animnapu't isa.
40 Ang mga tao ay labing-anim na libo; at ang buwis sa Panginoon ay tatlumpu't dalawang tao.
41 Ibinigay ni Moises ang buwis, na ukol sa handog sa Panginoon, sa paring si Eleazar, gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
42 Ang kalahati ay sa mga anak ni Israel, na inihiwalay ni Moises sa mga taong nakipaglaban.
43 Ang kalahati na nauukol sa kapisanan ay tatlong daan at tatlumpu't pitong libo at limang daang tupa,
44 tatlumpu't anim na libong baka,
45 tatlumpung libo't limang daang asno,
46 at labing-anim na libong tao.
47 Ang kalahati na nauukol sa mga anak ni Israel ay kinuha ni Moises, ang isa sa bawat limampu, sa tao at gayundin sa hayop, at ibinigay sa mga Levita na namamahala sa tabernakulo ng Panginoon; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
48 Ang mga pinuno na namamahala sa libu-libo ng hukbo, ang mga pinuno ng libu-libo, at ang mga pinuno ng daan-daan ay lumapit kay Moises.
49 Sinabi nila kay Moises, “Binilang ng iyong mga lingkod ang mga lalaking mandirigma na nasa aming kapangyarihan, at walang kulang kahit isa man sa amin.
50 Aming dinala bilang handog sa Panginoon ang nakuha ng bawat lalaki na mga hiyas na ginto, mga panali sa braso, at mga pulseras, mga singsing na pantatak, mga hikaw, at mga kuwintas sa leeg upang ipantubos sa aming mga sarili sa harap ng Panginoon.”
51 At kinuha ni Moises at ng paring si Eleazar ang kanilang ginto na lahat ay nasa anyong hiyas.
52 Ang lahat ng gintong handog na kanilang inihandog sa Panginoon, ng mga pinuno ng libu-libo, at ng mga pinuno ng daan-daan, ay labing-anim na libo pitong daan at limampung siklo.
53 (Sapagkat ang mga lalaki na nakipaglaban ay kanya-kanyang nag-uwi ng mga samsam.)
54 At kinuha ni Moises at ng paring si Eleazar ang ginto ng mga pinuno ng libu-libo at ng daan-daan, at ipinasok sa toldang tipanan bilang alaala sa mga anak ni Israel sa harap ng Panginoon.
9 Sinabi niya sa kanila, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, may ilan sa nakatayo rito na hindi makakatikim ng kamatayan, hanggang sa makita nila ang kaharian ng Diyos na dumarating na may kapangyarihan.”
Ang Pagbabagong Anyo ni Jesus(A)
2 Pagkaraan(B) ng anim na araw, isinama ni Jesus sina Pedro, Santiago at Juan, at dinala silang bukod sa isang mataas na bundok. Siya'y nagbagong-anyo sa harap nila;
3 at ang kanyang damit ay naging nagniningning na puti na walang sinuman sa lupa na makapagpapaputi ng gayon.
4 At doo'y nagpakita sa kanila si Elias na kasama si Moises at sila'y nakikipag-usap kay Jesus.
5 Sinabi ni Pedro kay Jesus, “Rabi, mabuti sa atin ang dumito. Hayaan ninyong gumawa kami ng tatlong kubol; isa sa iyo, isa kay Moises, at isa kay Elias.”
6 Sapagkat hindi niya alam kung ano ang sasabihin dahil sila'y lubhang natakot.
7 Pagkatapos,(C) nililiman sila ng isang ulap at may isang tinig na nanggaling sa ulap, “Ito ang aking Anak, ang Minamahal;[a] siya ang inyong pakinggan!”
8 Nang bigla silang tumingin sa paligid, wala silang nakitang sinumang kasama nila maliban kay Jesus lamang.
9 Habang bumababa sila sa bundok, iniutos niya sa kanila na huwag sabihin kaninuman ang kanilang nakita, hanggang sa ang Anak ng Tao ay magbangon mula sa mga patay.
10 Kaya't kanilang iningatan ang pananalitang ito sa kanilang sarili, na pinag-uusapan kung ano ang kahulugan ng pagbangon mula sa mga patay.
11 At(D) tinanong nila siya, “Bakit sinasabi ng mga eskriba na kinakailangang dumating muna si Elias?”
12 Sinabi niya sa kanila, “Tunay na si Elias ay unang dumarating at nagpapanumbalik ng lahat ng mga bagay. At paanong nasusulat ang tungkol sa Anak ng Tao na siya'y magdurusa ng maraming bagay at itatakuwil?
13 Ngunit sinasabi ko sa inyo, tunay na dumating na si Elias at ginawa nila sa kanya ang anumang kanilang naibigan ayon sa nasusulat tungkol sa kanya.”
Pinagaling ni Jesus ang Batang Inaalihan ng Masamang Espiritu(E)
14 Nang dumating sila sa mga alagad, nakita nilang napakaraming tao sa kanilang paligid at ang mga eskriba na nakikipagtalo sa kanila.
15 Nang makita siya ng maraming tao, agad silang namangha at tumakbo upang batiin siya.
16 Sila'y kanyang tinanong, “Ano ang ipinakikipagtalo ninyo sa kanila?”
17 At isa sa maraming tao ay sumagot sa kanya, “Guro, dinala ko sa iyo ang aking anak na lalaki na may isang piping espiritu.
18 Tuwing siya'y aalihan nito, ibinubuwal siya, nagbububula ang kanyang bibig, nagngangalit ang kanyang mga ngipin at siya'y naninigas. Sinabi ko sa iyong mga alagad na palayasin iyon ngunit hindi nila magawa.”
19 Sumagot siya at sinabi sa kanila, “Kayong lahing walang pananampalataya, hanggang kailan pa ako makikisama sa inyo? Hanggang kailan pa ako magtitiis sa inyo? Dalhin ninyo siya sa akin.”
20 At dinala nila ang batang lalaki sa kanya. Nang makita siya ng espiritu, agad nitong pinangisay ang bata at siya'y nalugmok sa lupa, at nagpagulung-gulong na bumubula ang bibig.
21 Tinanong ni Jesus[b] ang ama, “Gaano katagal nang nangyayari ito sa kanya?” Sinabi niya, “Mula pa sa pagkabata.
22 Madalas na siya'y inihahagis nito sa apoy at sa tubig upang siya'y puksain, ngunit kung mayroon kang bagay na magagawa, maawa ka sa amin at tulungan mo kami.”
23 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Kung kaya mo! Ang lahat ng bagay ay maaaring mangyari sa kanya na nananampalataya.”
24 Agad sumigaw ang ama ng bata na sinasabi, “Nananampalataya ako; tulungan mo ang kawalan ko ng pananampalataya!”
25 At nang makita ni Jesus na dumarating na sama-samang tumatakbo ang maraming tao, sinaway niya ang masamang espiritu, na sinasabi, “Ikaw na pipi at binging espiritu, iniuutos ko sa iyo, lumabas ka sa kanya at huwag ka nang papasok muli sa kanya.”
26 Pagkatapos magsisigaw at lubhang pangisayin ang bata, lumabas ito at ang bata'y naging anyong patay, kaya't marami ang nagsabing siya'y patay na.
27 Ngunit hinawakan siya ni Jesus sa kamay, at siya'y ibinangon at nagawa niyang tumayo.
28 Nang pumasok siya sa bahay, palihim na tinanong siya ng kanyang mga alagad, “Bakit hindi namin iyon napalayas?”
29 Sinabi niya sa kanila, “Ang ganitong uri ay napapalayas lamang sa pamamagitan ng panalangin.”[c]
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001