Old/New Testament
Ang Paskuwa(A)
16 “Magdiriwang(B) ka sa buwan ng Abib, at ipangingilin ang paskuwa sa Panginoon mong Diyos; sapagkat sa buwan ng Abib ay inilabas ka ng Panginoon mong Diyos sa Ehipto sa gabi.
2 At iyong iaalay ang paskuwa sa Panginoon mong Diyos, mula sa kawan at sa bakahan, sa lugar na pipiliin ng Panginoon na titirahan ng kanyang pangalan.
3 Huwag kang kakain ng tinapay na may pampaalsa. Pitong araw na kakainin mo sa paskuwa ang tinapay na walang pampaalsa, ang tinapay ng kahirapan; sapagkat umalis kang nagmamadali sa lupain ng Ehipto, upang iyong maalala ang araw nang umalis ka sa lupain ng Ehipto sa lahat ng mga araw ng iyong buhay.
4 Walang makikitang pampaalsa sa iyo sa lahat ng iyong mga nasasakupan sa loob ng pitong araw. Alinman sa laman na iyong inihandog sa paglubog ng araw sa unang araw ay walang mananatili sa magdamag hanggang sa umaga.
5 Huwag mong ihahandog ang paskuwa sa loob ng alinman sa iyong mga bayan na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos,
6 kundi sa lugar na pipiliin ng Panginoon mong Diyos na titirahan ng kanyang pangalan. Doon mo ihahandog ang paskuwa sa pagtatakipsilim, sa paglubog ng araw, sa panahon nang ikaw ay umalis sa Ehipto.
7 Ito ay iyong lulutuin at kakainin sa lugar na pipiliin ng Panginoon mong Diyos. Kinaumagahan ay babalik ka at uuwi sa iyong mga tolda.
8 Anim na araw na kakain ka ng tinapay na walang pampaalsa, at sa ikapitong araw ay magiging isang taimtim na pagtitipon sa Panginoon mong Diyos; huwag kang gagawa ng anumang gawa sa araw na iyan.
Kapistahan ng Pag-aani(C)
9 “Pitong(D) sanlinggo ang iyong bibilangin; mula sa panahong pinasimulan mong ilagay ang panggapas sa mga nakatayong trigo ay magpapasimula kang bumilang ng pitong sanlinggo.
10 At ipagdiwang mo ang Pista ng mga Sanlinggo sa Panginoon mong Diyos na may parangal na kusang-loob na handog, na iyong ibibigay ayon sa pagpapala sa iyo ng Panginoon mong Diyos;
11 ikaw at ang iyong anak na lalaki at babae, ang iyong aliping lalaki at babae, ang Levita na nasa loob ng iyong mga bayan, ang dayuhan, ang ulila, ang babaing balo na kasama mo ay magagalak sa harapan ng Panginoon sa lugar na pipiliin ng Panginoon mong Diyos na titirahan ng kanyang pangalan.
12 Iyong aalalahanin na ikaw ay naging alipin sa Ehipto. Masikap mong gawin ang mga tuntuning ito.
Kapistahan ng mga Tolda(E)
13 “Iyong(F) ipagdiriwang nang pitong araw ang Pista ng mga Tolda,[a] pagkatapos mong matipon ang aning mula sa iyong giikan at sa pisaan ng ubas.
14 Ikaw at ang iyong anak na lalaki at babae, at ang iyong aliping lalaki at babae, ang Levita, ang dayuhan, ang ulila, at ang babaing balo na kasama ng iyong mga bayan ay magagalak sa iyong pagpipista.
15 Pitong araw na ipagdiriwang mo ang pista sa Panginoon mong Diyos sa lugar na pipiliin ng Panginoon, sapagkat pagpapalain ka ng Panginoon mong Diyos sa lahat ng iyong bunga, at sa lahat ng gawa ng iyong mga kamay, at ikaw ay lubos na magagalak.
16 “Tatlong ulit sa isang taon na ang iyong mga kalalakihan ay haharap sa Panginoon mong Diyos sa lugar na kanyang pipiliin: sa Pista ng Tinapay na walang Pampaalsa, sa Pista ng mga Sanlinggo, at sa Pista ng mga Tolda. Huwag silang haharap sa Panginoon na walang dala.
17 Bawat lalaki ay magbibigay ng kanyang kaya, ayon sa pagpapala na ibinigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos.
Ang Pagsasagawa ng Katarungan
18 “Magtatalaga ka ng mga hukom at ng mga pinuno sa lahat ng mga bayan na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos, ayon sa iyong mga lipi, at sila'y maggagawad sa bayan ng matuwid na paghatol.
19 Huwag(G) mong babaluktutin ang katarungan; huwag kang magtatangi ng mga tao, ni tatanggap ng suhol; sapagkat ang suhol ay bumubulag ng mga mata ng marunong, at inililiko ang mga salita ng matuwid.
20 Tanging ang katarungan at katarungan lamang ang iyong susundin, upang mabuhay ka at magmana ng lupaing ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos.
21 “Huwag(H) kang magtatanim ng anumang puno tulad ng sagradong poste[b] sa tabi ng dambana na iyong gagawin para sa Panginoon mong Diyos.
22 Ni(I) huwag kang magtatayo ng haligi na kinapopootan ng Panginoon mong Diyos.
17 “Huwag kang maghahandog sa Panginoon mong Diyos ng baka o tupa na may dungis o anumang kapintasan; sapagkat ito'y karumaldumal sa Panginoon mong Diyos.
2 “Kung may matagpuan sa gitna mo, sa loob ng alinman sa iyong mga bayan na ibinigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos, na lalaki o babae na gumagawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon mong Diyos, na lumalabag sa kanyang tipan,
3 at(J) umalis at naglingkod sa ibang mga diyos, at sumamba sa kanila, o sa araw, sa buwan, o sa anumang bagay na nasa langit na ipinagbabawal ko,
4 at ito ay masabi sa iyo, at iyong mabalitaan, ay iyo ngang sisiyasating mabuti. Kung totoo na ang gayong karumaldumal na bagay ay nagawa sa Israel,
5 ay iyo ngang ilalabas sa iyong mga pintuang-bayan ang lalaki o babaing iyon na gumawa ng bagay na masama at iyong babatuhin ng mga bato ang lalaki at babae, hanggang sila'y mamatay.
6 Sa(K) bibig ng dalawa o tatlong saksi ay papatayin ang dapat mamatay; sa bibig ng isang saksi ay hindi siya papatayin.
7 Ang(L) kamay ng mga saksi ay siyang unang papatay sa kanya at pagkatapos ay ang kamay ng buong bayan. Ganito mo aalisin ang kasamaan sa gitna mo.
8 “Kung magkakaroon ng usapin na napakahirap para sa iyo na hatulan, sa isang uri ng pagpatay at iba pa, karapatang ayon sa batas at iba pa, isang uri ng pananakit at iba pa o anumang usapin sa loob ng iyong mga bayan, ikaw nga'y titindig at pupunta sa lugar na pipiliin ng Panginoon mong Diyos.
9 Ikaw ay pupunta sa mga paring Levita, at sa magiging hukom sa mga araw na iyon at iyong sisiyasatin; at kanilang ipapaalam sa iyo ang hatol.
10 Iyong ilalapat ang hatol na kanilang ipinaalam sa iyo mula sa lugar na pipiliin ng Panginoon; at masikap na isasagawa ang lahat na kanilang ituturo sa iyo.
11 Ayon sa kautusan na kanilang ituturo sa iyo, at ayon sa hatol na kanilang sasabihin sa iyo ay gagawin mo; huwag kang lilihis sa hatol na kanilang ipinaalam sa iyo, maging sa kanan o sa kaliwa man.
12 Ang taong gumagawa nang may kapangahasan, at hindi nakikinig sa pari na tumatayo upang mangasiwa doon sa harapan ng Panginoon mong Diyos, o sa hukom, ang taong iyon ay papatayin at gayon mo aalisin ang kasamaan sa Israel.
13 At maririnig ng buong bayan at matatakot, at di na gagawa pa nang may kapangahasan.
Mga Tagubilin tungkol sa Isang Hari
14 “Kapag(M) dumating ka na sa lupaing ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos, at iyong maangkin ito, at iyong matirahan, at iyong sasabihin, ‘Ako'y maglalagay ng isang hari na gaya ng lahat ng mga bansang nasa palibot ko’;
15 ilalagay mong hari sa iyo ang pipiliin ng Panginoon mong Diyos. Isa sa iyong mga kapatid ang ilalagay mong hari; huwag kang maglalagay ng isang dayuhan na hindi mo kapatid.
16 Huwag(N) lamang siyang magpaparami ng mga kabayo para sa kanyang sarili, ni pababalikin niya ang bayan sa Ehipto upang siya'y makapagparami ng mga kabayo, sapagkat sinabi sa inyo ng Panginoon, ‘Huwag na ninyong babalikan mula ngayon ang daang iyon.’
17 Ni(O) huwag siyang magpaparami ng mga asawa para sa kanyang sarili, upang huwag maligaw ang kanyang puso, ni huwag siyang magpaparami ng pilak at ginto.
18 “Kapag siya'y uupo sa trono ng kanyang kaharian, ay kanyang susulatin ang isang sipi ng kautusang ito sa isang aklat, na nasa harapan ng mga paring Levita;
19 at iyon ay mamamalagi sa kanya, at kanyang babasahin sa lahat ng mga araw ng kanyang buhay, upang siya'y matutong matakot sa Panginoon niyang Diyos, upang isagawa ang lahat ng mga salita ng kautusang ito at ng mga tuntuning ito;
20 upang ang kanyang puso ay huwag magmataas sa kanyang mga kapatid at huwag siyang tumalikod sa utos, maging sa kanan o sa kaliwa, upang mapahaba niya at ng kanyang mga anak ang kanyang paghahari sa Israel.
Ang Karapatan ng mga Levita
18 “Ang mga paring Levita, na buong lipi ni Levi, ay hindi magkakaroon ng bahagi ni mana na kasama ng Israel. Sila'y kakain ng mga handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy, at ng kanyang mana.
2 Sila'y(P) hindi magkakaroon ng mana na kasama ng kanilang mga kapatid; ang Panginoon ang kanilang mana gaya ng sinabi niya sa kanila.
3 At ito ang magiging bahagi ng mga pari sa bayan, mula sa kanila na naghahandog ng alay, maging baka o tupa. Kanilang ibibigay sa pari ang balikat, ang dalawang pisngi, at ang tiyan.
4 Ang mga unang bunga ng iyong trigo, alak, langis, at ang unang balahibo ng iyong mga tupa ay ibibigay mo sa kanya.
5 Sapagkat pinili siya ng Panginoon mong Diyos sa lahat ng iyong mga lipi upang tumayong tagapaglingkod sa pangalan ng Panginoon, siya at ang kanyang mga anak magpakailanman.
6 “Kung ang isang Levita ay umalis sa alinman sa iyong mga bayan mula sa Israel kung saan siya naninirahan, at pumaroon siya sa dakong pipiliin ng Panginoon, at maaari siyang pumaroon kapag gusto niya,
7 ay maglilingkod nga siya sa pangalan ng Panginoon niyang Diyos, na gaya ng ginagawa ng lahat ng kanyang mga kapatid na mga Levita, na tumatayo upang maglingkod sa harapan ng Panginoon.
8 Sila'y magkakaroon ng magkakaparehong bahagi na kakainin, bukod sa magmumula sa pinagbilhan sa pamana ng kanyang ama.
Ipinagbabawal ang Pagsasakripisyo ng Anak at mga Salamangka
9 “Pagpasok mo sa lupaing ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos ay huwag kang mag-aaral gumawa ng ayon sa mga karumaldumal na gawain ng mga bansang iyon.
10 Huwag(Q) makakatagpo sa iyo ng sinumang nagsusunog sa apoy ng kanyang anak na lalaki o babae bilang isang handog, ng manghuhula, o manggagaway o engkantador, o mangkukulam,
11 o(R) gumagamit ng anting-anting, o nagpapagamit sa masasamang espiritu, o salamangkero, o sumasangguni sa mga patay.
12 Sapagkat sinumang gumagawa ng mga bagay na ito ay karumaldumal sa Panginoon, at dahil sa mga karumaldumal na gawaing ito ay pinalalayas sila ng Panginoon mong Diyos sa harapan mo.
13 Dapat(S) kang manatiling walang kapintasan sa Panginoon mong Diyos.
14 Sapagkat ang mga bansang ito na iyong aagawan ay nakikinig sa mga manggagaway at mga manghuhula; ngunit tungkol sa iyo, hindi ka pinahintulutan ng Panginoon mong Diyos na gawin mo ang gayon.
Ang Pangako na Magsusugo ng Propeta
15 “Palilitawin(T) ng Panginoon mong Diyos para sa iyo ang isang propeta na gaya ko mula sa iyong sariling mga kapatid. Sa kanya kayo makikinig.
16 Ito ang inyong hiniling sa Panginoon mong Diyos sa Horeb, sa araw ng pagtitipon nang inyong sabihin, ‘Huwag mong muling iparinig sa akin ang tinig ng Panginoon kong Diyos, ni ipakita pa sa akin itong malaking apoy, upang huwag akong mamatay.’
17 At sinabi ng Panginoon sa akin, ‘Tama ang sinasabi nila.
18 Ako'y hihirang para sa kanila ng isang propeta na gaya mo mula sa kanilang mga kapatid at aking ilalagay ang aking mga salita sa bibig niya at kanyang sasabihin sa kanila ang lahat ng aking iuutos sa kanya.
19 At(U) sinumang hindi makikinig sa aking mga salita na kanyang bibigkasin sa aking pangalan ay pananagutin ko tungkol doon.
Ang Bulaang Propeta
20 Ngunit ang propetang magsasalita ng salitang may kapangahasan sa aking pangalan, na hindi ko iniutos na kanyang sabihin o magsasalita sa pangalan ng ibang mga diyos, ang propetang iyon ay mamamatay.’
21 At kung iyong sasabihin sa iyong puso, ‘Paano namin malalaman ang salita na hindi sinabi ng Panginoon?’
22 Kapag ang isang propeta ay nagsasalita sa pangalan ng Panginoon, kung ang bagay na sinasabi ay hindi naganap ni nagkatotoo, ang salitang iyon ay hindi sinabi ng Panginoon; ang propetang iyon ay nagsalita nang may kapangahasan, huwag mo siyang katatakutan.
Ang tungkol sa Pagkawasak ng Templo(A)
13 Sa paglabas niya sa templo, sinabi sa kanya ng isa sa kanyang mga alagad, “Guro, tingnan mo! Pagkalalaking mga bato, at pagkalalaking mga gusali!”
2 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Nakikita mo ba ang malalaking gusaling ito? Walang matitira ditong isa mang bato sa ibabaw ng kapwa bato na hindi ibabagsak.”
Mga Kaguluhan at Pag-uusig na Darating(B)
3 Samantalang siya'y nakaupo sa bundok ng mga Olibo sa tapat ng templo, tinanong siya nang lihim nina Pedro, Santiago, Juan, at Andres,
4 “Sabihin mo sa amin, kailan mangyayari ang mga bagay na ito at ano ang magiging tanda kapag malapit nang maganap ang lahat ng mga bagay na ito?”
5 Si Jesus ay nagsimulang magsabi sa kanila, “Mag-ingat kayo, na baka mailigaw kayo ng sinuman.
6 Maraming darating sa aking pangalan na magsasabi, ‘Ako siya!’ at maililigaw nila ang marami.
7 Subalit kapag nakarinig kayo ng mga digmaan at ng mga bali-balita ng mga digmaan, huwag kayong mabahala. Ang mga bagay na ito'y dapat mangyari ngunit hindi pa iyon ang wakas.
8 Sapagkat maghihimagsik ang bansa laban sa bansa at ang kaharian laban sa kaharian; at lilindol sa iba't ibang dako; magkakaroon ng taggutom. Ang mga ito'y pasimula lamang ng paghihirap.
9 Ngunit(C) para sa inyong mga sarili, mag-ingat kayo; sapagkat kayo'y ibibigay nila sa mga Sanhedrin at kayo'y hahampasin sa mga sinagoga. Kayo'y tatayo sa harap ng mga gobernador at ng mga hari dahil sa akin, bilang patotoo sa kanila.
10 At kailangan munang maipangaral ang ebanghelyo sa lahat ng mga bansa.
11 Kapag kayo'y dinala nila sa paglilitis at kayo'y ipinadakip, huwag kayong mabalisa kung ano ang inyong sasabihin, ngunit sabihin ninyo ang anumang ipagkaloob sa inyo sa oras na iyon, sapagkat hindi kayo ang magsasalita, kundi ang Espiritu Santo.
12 Ipagkakanulo ng kapatid sa kamatayan ang kapatid at ng ama ang kanyang anak; at maghihimagsik ang mga anak laban sa mga magulang at sila'y ipapapatay.
13 Kayo(D) nama'y kapopootan ng lahat dahil sa aking pangalan, ngunit ang makapagtiis hanggang sa wakas ay siyang maliligtas.
Ang Karumaldumal na Paglapastangan(E)
14 “Ngunit(F) kapag nakita ninyo ang karumaldumal na paglapastangan na nakatayo sa dakong hindi niya dapat kalagyan (unawain ng bumabasa), kung magkagayo'y dapat nang tumakas sa mga bundok ang mga nasa Judea.
15 At(G) ang nasa bubungan ay huwag nang bumaba, o pumasok upang maglabas ng anuman sa kanyang bahay.
16 Ang nasa bukid ay huwag nang bumalik upang kumuha ng kanyang balabal.
17 Kahabag-habag ang mga nagdadalang-tao at ang mga nagpapasuso ng mga sanggol sa mga araw na iyon!
18 Subalit ipanalangin ninyo na ito'y huwag nawang mangyari sa taglamig.
19 Sapagkat(H) sa mga araw na iyon ay magkakaroon ng kapighatian, na ang gayo'y hindi pa nangyari buhat sa pasimula ng paglikha na nilalang ng Diyos hanggang ngayon, at hindi na mangyayari kailanman.
20 At malibang paikliin ng Panginoon ang mga araw, walang taong[a] makakaligtas, ngunit dahil sa mga hinirang na kanyang pinili, pinaikli niya ang mga araw na iyon.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001