Old/New Testament
13 “Kung may lumitaw sa inyo na isang propeta, o isang mapanaginipin ng mga panaginip, at bigyan ka niya ng isang tanda o kababalaghan,
2 at ang tanda o ang kababalaghan ay mangyari, na kanyang sabihin sa iyo, ‘Sumunod tayo sa ibang mga diyos,’ na hindi mo kilala, ‘at ating paglingkuran sila,’
3 huwag mong papakinggan ang mga salita ng propetang iyon, o ng mapanaginiping iyon sapagkat sinusubok kayo ng Panginoon ninyong Diyos, upang malaman kung iniibig ninyo ang Panginoon ninyong Diyos ng inyong buong puso at kaluluwa.
4 Kayo'y lalakad ayon sa Panginoon ninyong Diyos, at matatakot sa kanya, tutupad ng kanyang mga utos, susunod sa kanyang tinig, maglilingkod sa kanya, at mananatili sa kanya.
5 At ang propetang iyon o ang mapanaginiping iyon ay papatayin, sapagkat siya'y nagsalita ng paghihimagsik laban sa Panginoon ninyong Diyos na naglabas sa inyo sa lupain ng Ehipto, at tumubos sa iyo sa bahay ng pagkaalipin, upang iligaw ka sa daan na iniutos ng Panginoon mong Diyos upang iyong lakaran. Ganito mo aalisin ang kasamaan sa gitna mo.
6 “Kung ang iyong kapatid na lalaki, na anak ng iyong ina, o ang iyong anak na lalaki o babae, o ang asawa ng iyong kaibigan, o ang iyong kaibigan na parang iyong sariling kaluluwa, ay humimok sa iyo nang lihim, na magsabi, ‘Tayo'y humayo at maglingkod sa ibang mga diyos,’ na hindi mo nakilala, ninyo o ng iyong mga ninuno;
7 sa mga diyos ng mga bayan na nasa palibot ninyo na malapit sa iyo, o malayo sa iyo, mula sa isang dulo ng lupa hanggang sa kabilang dulo ng lupa;
8 ay huwag kang padadala sa kanya o papakinggan siya; ni huwag mong titingnan siya ng may awa, ni patatawarin, ni ikukubli siya;
9 kundi papatayin mo siya. Ikaw ang mangunguna upang patayin siya, at pagkatapos ay ang buong bayan.
10 Iyong babatuhin siya ng mga bato upang siya'y mamatay, sapagkat kanyang pinagsikapang ilayo ka sa Panginoon mong Diyos, na naglabas sa iyo sa lupain ng Ehipto, sa bahay ng pagkaalipin.
11 At maririnig ng buong Israel, at matatakot, at hindi na gagawa ng anumang kasamaang gaya nito sa gitna mo.
12 “Kung iyong marinig sa isa sa iyong mga lunsod na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos upang manirahan ka roon,
13 na ilang masasamang tao mula sa mga kasama mo ang umalis at iniligaw ang mga naninirahan sa lunsod, na sinasabi, ‘Tayo'y humayo at maglingkod sa ibang mga diyos,’ na hindi ninyo nakilala;
14 ay iyo ngang usisain at siyasatin, at itanong na mabuti; at kung totoo na nagawa sa gitna mo ang gayong karumaldumal na bagay;
15 ay iyong lilipulin ang mga naninirahan sa lunsod na iyon sa pamamagitan ng talim ng tabak at iyong lubos na pupuksain ang lahat ng naroon at ang mga hayop doon sa pamamagitan ng talim ng tabak.
16 At iyong titipunin sa liwasan ang lahat ng nasamsam doon, at iyong susunugin sa apoy ang lunsod, at ang lahat ng nasamsam doon, bilang handog na sinusunog para sa Panginoon mong Diyos. Ito ay magiging isang bunton magpakailanman; hindi na muling maitatayo.
17 Huwag mong hayaang lumapat sa iyong kamay ang anumang bagay na itinalaga, upang talikuran ng Panginoon ang bagsik ng kanyang galit, pagpakitaan ka niya ng kaawaan, mahabag sa iyo at paramihin ka, gaya ng ipinangako niya sa iyong mga magulang,
18 kapag pinakinggan mo ang tinig ng Panginoon mong Diyos, at iyong sinunod ang lahat ng kanyang mga utos na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito, at iyong ginawa ang matuwid sa paningin ng Panginoon mong Diyos.
Mga Bawal na Kaugalian sa Pagluluksa
14 “Kayo'y(A) mga anak ng Panginoon ninyong Diyos; huwag ninyong susugatan ang inyong sarili, ni kakalbuhin ang inyong noo dahil sa patay.
2 Sapagkat(B) ikaw ay isang banal na bayan sa Panginoon mong Diyos, at ikaw ay pinili ng Panginoon upang maging bayan na kanyang sariling pag-aari, mula sa lahat ng mga bayan na nasa balat ng lupa.
Malilinis at Maruruming mga Hayop(C)
3 “Huwag kang kakain ng anumang bagay na marurumi.
4 Ito ang mga hayop na maaari ninyong kainin: ang baka, ang tupa, at ang kambing,
5 ang malaking usa, at ang maliit na usa, at ang lalaking usa, at ang mailap na kambing, at ang kambing sa bundok, at ang kambing sa kapatagan, at ang tupang bundok.
6 At bawat hayop na may hati ang paa, biyak at ngumunguya, sa mga hayop, ay maaari ninyong kainin.
7 Gayunman, ang mga ito ay hindi dapat kakainin sa mga ngumunguya, o sa biyak ang paa: ang kamelyo, ang liebre, at ang kuneho, sapagkat sila'y ngumunguya, ngunit walang hati ang paa; ang mga ito ay marumi sa inyo.
8 At ang baboy, sapagkat may hati ang paa, ngunit hindi ngumunguya, ito'y marumi sa inyo; ang laman nila'y huwag ninyong kakainin, at ang kanilang bangkay ay huwag hihipuin.
9 “Lahat ng mga ito na nasa tubig ay maaari ninyong kainin: anumang may mga kaliskis at mga palikpik, ay maaari ninyong kainin.
10 Anumang walang kaliskis at palikpik ay huwag ninyong kakainin; marumi ito para sa inyo.
11 “Maaari ninyong kainin ang lahat ng ibong malilinis.
12 Ngunit ang mga ito'y hindi ninyo dapat kainin: ang agila, ang buwitre, at ang buwitreng itim,
13 at ang malaking lawin, at ang falkon, ayon sa kanilang uri;
14 at lahat ng uwak ayon sa kanilang uri;
15 ang avestruz, panggabing lawin, ang lawing dagat, at ang lawin, ayon sa kanilang uri;
16 ang munting kuwago, ang malaking kuwago, ang puting kuwago;
17 ang pelikano, ang buwitre, at ang somormuho;
18 ang puting tagak, ang tagak na kulay-ube, ayon sa kanilang uri; ang paniki, at ang kabág.
19 Lahat ng may pakpak na gumagapang ay marumi sa inyo; huwag ninyong kakainin ang mga ito.
20 Maaari ninyong kainin ang lahat ng ibong malilinis.
21 “Huwag(D) kayong kakain ng anumang bagay na kusang namatay; maaari mong ibigay sa dayuhang nasa loob ng iyong mga bayan, upang kanyang kainin; o maaari mong ipagbili sa dayuhan; sapagkat ikaw ay isang banal na bayan sa Panginoon mong Diyos.
“Huwag mong lulutuin ang guyang kambing sa gatas ng kanyang ina.”
Ang Kautusan tungkol sa Ikapu
22 “Kukunan(E) mo ng ikasampung bahagi ang lahat ng bunga ng iyong binhi na nanggagaling sa iyong bukid taun-taon.
23 Iyong kakainin sa harapan ng Panginoon mong Diyos, sa dakong kanyang pipiliin na patatahanan sa kanyang pangalan, ang ikasampung bahagi ng iyong trigo, ng iyong alak at ng iyong langis, at ang mga panganay sa iyong bakahan at sa iyong kawan upang lagi kang matutong matakot sa Panginoon mong Diyos.
24 At kung ang daan ay napakahaba para sa iyo, na anupa't hindi mo madala ang ikapu kapag pinagpala ka ng Diyos, sapagkat napakalayo sa iyo ang dakong pinili ng Panginoon mong Diyos na paglalagyan ng kanyang pangalan,
25 ay iyo ngang tutumbasan ng salapi at itatali mo ang salapi sa iyong kamay at pupunta ka sa dakong pipiliin ng Panginoon mong Diyos;
26 at iyong gugulin ang salapi sa anumang nais mo: baka, tupa, alak, matapang na inumin, o sa anumang iyong nasain. Ikaw ay kakain doon sa harapan ng Panginoon mong Diyos, at ikaw at ang iyong sambahayan ay magalak.
27 Ang Levita na nasa loob ng iyong mga bayan ay huwag mong pababayaan, sapagkat siya'y walang bahagi ni pamana na kasama mo.
28 “Sa katapusan ng bawat tatlong taon ay iyong kukunin ang buong ikasampung bahagi ng iyong bunga ng taong iyon, at iyong ilalagay sa loob ng iyong mga bayan.
29 At ang Levita, sapagkat siya'y walang bahagi ni pamana na kasama mo, at ang dayuhan, ang ulila, ang babaing balo na nasa loob ng iyong mga bayan ay pupunta roon at kakain at mabubusog, upang pagpalain ka ng Panginoon mong Diyos sa lahat ng gawain na iyong ginagawa.
Ang Ikapitong Taon(F)
15 “Sa katapusan ng bawat pitong taon ay magpapatawad ka ng iyong mga pautang.
2 Ito ang paraan ng pagpapatawad: bawat nagpapautang ay magpapatawad ng kanyang ipinautang sa kanyang kapwa; huwag niyang sisingilin iyon sa kanyang kapwa at sa kanyang kapatid, sapagkat ang pagpapatawad ng Panginoon ay ipinahayag.
3 Sa isang dayuhan ay maaari kang maningil; ngunit anumang pag-aari mo na nasa iyong kapatid ay ipatatawad mo.
4 Ngunit hindi magkakaroon ng dukha sa inyo sapagkat pagpapalain ka ng Panginoon sa lupain na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos na pinakamana upang iyong angkinin,
5 kung masikap mong papakinggan ang tinig ng Panginoon mong Diyos, at gagawin ang lahat ng utos na ito na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito.
6 Sapagkat pagpapalain ka ng Panginoon mong Diyos, na gaya ng ipinangako niya sa iyo. Ikaw ay magpapautang sa maraming bansa, ngunit hindi ka mangungutang; at ikaw ay maghahari sa maraming bansa, ngunit hindi ka nila paghaharian.
7 “Kung(G) mayroon sa inyong isang dukha, na isa sa iyong mga kapatid, na nasa loob ng iyong mga bayan sa lupaing ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos, ay huwag mong pagmamatigasin ang iyong puso, ni maging maramot sa iyong dukhang kapatid;
8 kundi iyo ngang bubuksan ang iyong kamay sa kanya, at papautangin mo siya ng sapat para sa kanyang pangangailangan maging anuman iyon.
9 Pag-ingatan mong huwag mag-isip ng masama, na iyong iisipin, ‘Ang ikapitong taon, na taon ng pagpapatawad ay malapit na;’ at tiningnan mo ng masama ang iyong dukhang kapatid at wala kang ibinigay sa kanya. Siya ay maaaring dumaing sa Panginoon laban sa iyo, at ito'y magiging kasalanan mo.
10 Siya nga'y bibigyan mo, at ang iyong puso'y huwag magdamdam kapag binibigyan mo siya; sapagkat dahil sa bagay na ito'y pagpapalain ka ng Panginoon mong Diyos sa lahat ng iyong gawa, at sa lahat ng hipuin ng iyong kamay.
11 Yamang(H) hindi mawawalan ng dukha sa lupain kailanman, kaya't aking iniutos sa iyo, ‘Buksan mo ang iyong kamay sa iyong kapatid na nangangailangan, at sa dukha na nasa iyong lupain.’
Ang Pakikitungo sa mga Alipin(I)
12 “Kung(J) ang iyong kapatid na Hebreong lalaki o babae ay ipagbili sa iyo, at maglingkod sa iyo ng anim na taon, sa ikapitong taon ay palalayain mo siya.
13 At kapag pinalaya mo siya, ay huwag mo siyang paalisin na walang dala;
14 bibigyan mo siya nang sagana mula sa bunga ng iyong kawan, sa iyong giikan at mula sa iyong pisaan ng alak. Kung paanong pinagpala ka ng Panginoon mong Diyos, ay gayon mo siya bibigyan.
15 At aalalahanin mo na ikaw ay naging alipin sa lupain ng Ehipto, at tinubos ka ng Panginoon mong Diyos, kaya't iniuutos ko sa iyo ngayon ang bagay na ito.
16 Kung sabihin niya sa iyo, ‘Hindi ako aalis sa iyo;’ sapagkat mahal ka niya at ang iyong sambahayan, sapagkat kinalulugdan mo siya,
17 ay kukuha ka ng isang pambutas at butasan mo ang kanyang tainga sa pintuan, at siya'y magiging iyong alipin magpakailanman. Gayundin ang iyong gagawin sa iyong aliping babae.
18 Hindi dapat maging mabigat sa iyo kapag pinalaya mo na siya mula sa iyo, sapagkat sa kalahati ng halaga ng isang upahang alipin ay naglingkod siya sa iyo ng anim na taon, at pagpapalain ka ng Panginoon mong Diyos sa lahat ng iyong ginagawa.
19 “Lahat(K) ng panganay na lalaki na ipinanganak sa iyong bakahan at sa iyong kawan ay iyong itatalaga sa Panginoon mong Diyos. Huwag mong pagtatrabahuhin ang panganay ng iyong baka, ni gugupitan ang panganay ng iyong kawan.
20 Kakainin mo ito, ikaw at ng iyong sambahayan sa harapan ng Panginoon mong Diyos taun-taon sa lugar na pipiliin ng Panginoon.
21 At kung ito ay may anumang kapintasan, pilay o bulag, anumang masamang kapintasan, ay huwag mong ihahandog sa Panginoon mong Diyos.
22 Kakainin mo ito sa loob ng iyong mga bayan; ang marumi at ang malinis ay kapwa kakain nito, na para itong maliit na usa o malaking usa.
23 Huwag(L) mo lamang kakainin ang dugo niyon; ibubuhos mo iyon sa lupa na parang tubig.
Ang Pangunahing Utos(A)
28 Lumapit(B) ang isa sa mga eskriba, at narinig niya ang kanilang pagtatalo, at palibhasa'y nalalamang mabuti ang pagkasagot niya sa kanila ay tinanong siya, “Alin ang pangunahing utos sa lahat?”
29 Sumagot(C) si Jesus, “Ang pangunahin ay, ‘Pakinggan mo Israel: Ang Panginoon nating Diyos, ang Panginoon ay iisa.
30 Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, nang buong kaluluwa mo, nang buong pag-iisip mo, at nang buong lakas mo.’
31 Ang(D) pangalawa ay ito, ‘Ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili. Wala nang ibang utos na higit pang dakila sa mga ito.’”
32 Sinabi(E) sa kanya ng eskriba, “Tama ka, Guro; katotohanan ang sinabi mo na siya'y iisa; at wala nang iba maliban sa kanya.
33 Ang(F) siya'y ibigin nang buong puso, buong pagkaunawa, buong lakas, at ibigin ang kapwa niya na gaya ng kanyang sarili, ay higit pa kaysa lahat ng mga handog na sinunog at mga alay.”
34 Nang makita ni Jesus na siya'y sumagot na may katalinuhan, sinabi niya sa kanya, “Hindi ka malayo sa kaharian ng Diyos.” Pagkatapos noon, wala nang nangahas na magtanong pa sa kanya ng anuman.
Ang Tanong ni Jesus tungkol sa Anak ni David(G)
35 Habang nagtuturo si Jesus sa templo, ay sinabi niya, “Paanong nasasabi ng mga eskriba na ang Cristo ay anak ni David?
36 Si(H) David mismo ang nagpahayag sa pamamagitan ng Espiritu Santo,
‘Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon,
“Maupo ka sa aking kanan,
hanggang sa ilagay ko ang iyong mga kaaway
sa ilalim ng iyong mga paa.”’
37 Tinawag din siya ni David na Panginoon; kaya't paano siyang magiging anak ni David?” At ang napakaraming tao ay tuwang-tuwa na nakikinig sa kanya.
Babala Laban sa mga Eskriba(I)
38 Sinabi niya sa kanyang pagtuturo, “Mag-ingat kayo sa mga eskriba, na ibig magpalakad-lakad na may mahahabang damit, at batiin na may paggalang sa mga pamilihan.
39 At ibig nila ang pangunahing upuan sa mga sinagoga at ang mga upuang pandangal sa mga handaan.
40 Sinasakmal nila ang mga bahay ng mga babaing balo at bilang pakitang-tao, nananalangin sila ng mahahaba. Ang mga ito'y tatanggap ng lalong malaking kahatulan.”
Ang Pagbibigay ng Babaing Balo(J)
41 Umupo siya sa tapat ng kabang-yaman at minasdan ang mga taong naghuhulog ng salapi sa kabang-yaman. Maraming mayayaman ang naghuhulog ng malalaking halaga.
42 Dumating ang isang babaing balo at siya'y naghulog ng dalawang kusing na ang halaga'y halos isang pera.
43 Pinalapit niya sa kanya ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo na ang dukhang balong ito ay naghulog ng higit kaysa lahat nang naghuhulog sa kabang-yaman.
44 Sapagkat silang lahat ay naghulog mula sa kanilang kasaganaan, ngunit siya sa kanyang kasalatan ay inihulog ang lahat ng nasa kanya, ang kanyang buong kabuhayan.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001