Old/New Testament
Pinatay ni Abimelec ang mga Anak ni Gideon
9 Si Abimelec na anak ni Jerubaal ay nagtungo sa Shekem sa mga kapatid ng kanyang ina, at sinabi sa kanila at sa buong angkan ng sambahayan ng kanyang ina,
2 “Sabihin ninyo sa pandinig ng lahat ng mga lalaki sa Shekem, ‘Alin ang mas mabuti para sa inyo, na lahat ng pitumpung anak na lalaki ni Jerubaal ay mamuno sa inyo, o isa ang mamuno sa inyo?’ Alalahanin din naman ninyo na ako ay inyong buto at inyong laman.”
3 At sinalita ng mga kamag-anak ng kanyang ina ang lahat ng mga salitang ito sa pandinig ng lahat ng mga lalaki sa Shekem, at ang kanilang puso ay sumunod kay Abimelec, sapagkat kanilang sinabi, “Siya'y ating kapatid.”
4 Kanilang binigyan siya ng pitumpung pirasong pilak mula sa templo ni Baal-berit, na siyang iniupa ni Abimelec sa mga taong bandido at mga palaboy, na ang mga ito'y ang sumunod sa kanya.
5 Siya'y naparoon sa bahay ng kanyang ama sa Ofra, at pinatay ang kanyang mga kapatid na mga anak ni Jerubaal, na pitumpung katao, sa ibabaw ng isang bato. Ngunit si Jotam na bunsong anak ni Jerubaal ay nalabi, sapagkat siya'y nagtago.
6 Lahat ng mga lalaki sa Shekem ay nagtipun-tipon pati ang buong Bet-milo. Sila'y humayo at kanilang ginawang hari si Abimelec, sa tabi ng ensina ng haliging nasa Shekem.
Ang Pabula ni Jotam
7 Nang ito ay napabalita kay Jotam, siya'y humayo at tumayo sa tuktok ng bundok Gerizim, at pasigaw na sinabi sa kanila, “Pakinggan ninyo ako, kayong mga lalaki sa Shekem, upang pakinggan kayo ng Diyos.
8 Minsan, ang mga punungkahoy ay humayo upang magtalaga ng hari sa kanila; at kanilang sinabi sa puno ng olibo, ‘Maghari ka sa amin.’
9 Ngunit sinabi ng puno ng olibo sa kanila, ‘Akin bang iiwan ang aking katabaan, na nakapagpaparangal sa mga diyos at sa mga tao, upang makipagsayawan sa mga punungkahoy?’
10 At sinabi ng mga punungkahoy sa puno ng igos, ‘Halika, at maghari ka sa amin.’
11 Ngunit sinabi ng puno ng igos sa kanila, ‘Akin bang iiwan ang aking katamisan at ang aking mabuting bunga, at hahayo upang makipagsayawan sa mga punungkahoy?’
12 At sinabi ng mga punungkahoy sa ubas, ‘Halika, at maghari ka sa amin.’
13 Ngunit sinabi ng ubas sa kanila, ‘Akin bang iiwan ang aking alak na nagpapasaya sa mga diyos at sa mga tao, at hahayo upang makipagsayawan sa mga punungkahoy?’
14 Pagkatapos ay sinabi ng lahat ng mga punungkahoy sa dawag, ‘Halika, at maghari ka sa amin.’
15 At sinabi ng dawag sa mga punungkahoy, ‘Kung tunay na ako'y inyong itinatalagang hari sa inyo, pumarito nga kayo at manganlong kayo sa aking lilim. Kung hindi, hayaan ninyong lumabas ang apoy sa dawag at lamunin ang mga sedro ng Lebanon.’
16 “Ngunit ngayon, kung tapat at matuwid ninyong ginawang hari si Abimelec, at kung nakitungo kayo ng mabuti kay Jerubaal at sa kanyang sambahayan, at kayo'y gumawa sa kanya ng marapat sa kanyang mga gawa,
17 sapagkat ipinaglaban kayo ng aking ama at isinuong ang kanyang buhay, at iniligtas kayo sa kamay ng Midian,
18 at kayo'y bumangon laban sa sambahayan ng aking ama sa araw na ito, at pinatay ninyo ang kanyang mga anak, na pitumpung lalaki sa ibabaw ng isang bato, at ginawa ninyong hari si Abimelec, na anak ng kanyang asawang-lingkod, sa mga mamamayan sa Shekem, sapagkat siya'y inyong kapatid,
19 kung tapat nga at matuwid na kayo'y gumanti kay Jerubaal at sa kanyang sambahayan sa araw na ito, magalak nga kayo kay Abimelec at magalak naman siya sa inyo.
20 Ngunit kung hindi, ay lumabas ang apoy mula kay Abimelec, at lamunin ang mga mamamayan ng Shekem, at Bet-milo; at lumabas ang apoy sa mga mamamayan ng Shekem, at Bet-milo at lamunin si Abimelec.”
21 Pagkatapos, si Jotam ay patakbong tumakas, nagtungo sa Beer at nanirahan doon dahil sa takot kay Abimelec na kanyang kapatid.
22 Si Abimelec ay namuno sa Israel sa loob ng tatlong taon.
23 At nagsugo ang Diyos ng isang masamang espiritu sa pagitan ni Abimelec at ng mga lalaki sa Shekem; at ang mga lalaki sa Shekem ay nagtaksil kay Abimelec.
24 Ito ay nangyari upang ang karahasan na ginawa sa pitumpung anak ni Jerubaal ay maipaghiganti,[a] at ang kanilang dugo ay singilin kay Abimelec na kanilang kapatid, na siyang pumatay sa kanila, at sa mga lalaki sa Shekem na nagpalakas ng kanyang mga kamay upang patayin ang kanyang mga kapatid.
25 Kaya't tinambangan siya ng mga lalaki sa Shekem sa mga tuktok ng mga bundok; kanilang pinagnakawan ang lahat na dumaan sa daang iyon at ibinalita ito kay Abimelec.
Ang Tangka ni Gaal Laban kay Abimelec
26 Nang dumating sa Shekem si Gaal na anak ni Ebed na kasama ang kanyang mga kapatid, inilagak ng mga lalaki sa Shekem ang kanilang tiwala sa kanya.
27 Sila'y lumabas sa bukid, namitas sa kanilang mga ubasan, pinisa, at nagpista. Pagkatapos ay pumasok sila sa bahay ng kanilang diyos, nagkainan at nag-inuman, at nilait si Abimelec.
28 At sinabi ni Gaal na anak ni Ebed, “Sino ba si Abimelec at sino ba tayo sa Shekem, upang ating paglingkuran siya? Hindi ba ang anak ni Jerubaal at si Zebul na kanyang pinuno ay naglingkod sa mga tauhan ni Hamor na ama ni Shekem? Bakit tayo maglilingkod sa kanya?
29 Sana ang bayang ito'y mapasailalim ng aking kamay. Kung magkagayon aking paaalisin si Abimelec. Sasabihin ko sa kanya, ‘Dagdagan mo ang iyong kawal at lumabas ka.’”
30 Nang marinig ni Zebul na pinuno ng lunsod ang mga salita ni Gaal na anak ni Ebed, ay nagningas ang kanyang galit.
31 At nagpadala siya ng mga sugo kay Abimelec, na nagsabi, “Si Gaal na anak ni Ebed at ang kanyang mga kapatid ay naparoon sa Shekem; at kanilang sinusulsulan[b] ang lunsod laban sa iyo.
32 Kaya't ngayon, umalis kayo sa gabi, ikaw at ang mga lalaking kasama mo, at mag-abang kayo sa bukid.
33 Kinaumagahan, pagsikat ng araw, ay maaga kang bumangon at lusubin mo ang lunsod. Kapag siya at ang mga taong kasama niya ay lumabas laban sa iyo, ay magagawa mo sa kanila ang hinihingi ng pagkakataon.”
Nagapi ni Abimelec si Gaal
34 Kinagabihan si Abimelec at ang lahat ng apat na pulutong ng mga lalaking kasama niya ay nag-abang sa Shekem.
35 Lumabas si Gaal na anak ni Ebed at tumayo sa pasukan ng pintuang-bayan. Si Abimelec at ang mga taong kasama niya ay tumindig sa pananambang.
36 Nang sila ay makita ni Gaal, kanyang sinabi kay Zebul, “May mga lalaking bumababa mula sa mga tuktok ng bundok!” Sinabi ni Zebul sa kanya, “Ang iyong nakikita'y mga anino ng mga bundok na parang mga lalaki.”
37 Nagsalita uli si Gaal, “Tingnan mo, may mga lalaking bumababa mula sa kalagitnaan ng lupain, at ang isang pulutong ay dumarating mula sa daan ng ensina ng Meonenim.”
38 Nang magkagayo'y sinabi ni Zebul sa kanya, “Nasaan ngayon ang iyong bibig, na iyong sinabi, ‘Sino ba si Abimelec upang tayo'y maglingkod sa kanya?’ Hindi ba ito ang mga taong iyong hinamak? Lumabas ka ngayon at lumaban sa kanila.”
39 At lumabas si Gaal sa unahan ng mga lalaki ng Shekem, at nilabanan si Abimelec.
40 Hinabol siya ni Abimelec at siya'y tumakas sa harap niya, at maraming nabuwal na sugatan hanggang sa pasukan ng pintuang-bayan.
41 Kaya't si Abimelec ay nanirahan sa Aruma; at pinalayas ni Zebul si Gaal at ang kanyang mga kapatid, kaya't sila'y hindi makapanirahan sa Shekem.
42 Nang sumunod na araw ang mga tao ay lumabas sa parang at ibinalita ito kay Abimelec.
43 Kinuha niya ang kanyang mga tauhan at hinati niya sa tatlong pangkat, at nagbantay sa parang. Siya'y tumingin, at kanyang nakita na ang mga tao ay lumalabas sa bayan, siya ay bumangon laban sa kanila at pinatay sila.
44 Si Abimelec at ang pangkat na kasama niya ay sumugod at tumayo sa pasukan ng pintuan ng lunsod, habang ang dalawang pulutong ay sumusugod doon sa lahat ng nasa bukid, at sila'y pinatay nila.
45 Lumaban si Abimelec sa lunsod nang buong araw na iyon. Kanyang sinakop ang lunsod, at pinatay ang mga taong nasa loob niyon. Kanyang giniba ang lunsod at sinabuyan ng asin.
Binihag ang Shekem at ang Tebez
46 Nang mabalitaan iyon ng lahat ng mga lalaki sa Tore ng Shekem, pumasok sila sa kuta ng bahay ng El-berit.
47 Ibinalita kay Abimelec na ang lahat ng mga tao sa Tore ng Shekem ay nagtitipon.
48 Kaya't umakyat si Abimelec sa bundok ng Zalmon at ang mga lalaking kasama niya. Kumuha si Abimelec ng isang palakol, at pumutol ng isang bigkis ng mga kahoy at ipinasan sa kanyang balikat. At sinabi niya sa mga taong kasama niya, “Kung ano ang nakita ninyong ginagawa ko, magmadali kayo, at gawin ninyo ang aking ginawa.”
49 Kaya't bawat isa sa mga tao ay pumutol ng kanya-kanyang bigkis, at sumunod kay Abimelec. Ipinaglalagay nila iyon sa kuta, at sinunog ang kuta sa pamamagitan niyon. Kaya't ang lahat ng mga tao sa Tore ng Shekem ay namatay rin, na may mga isang libong lalaki at babae.
50 Pagkatapos ay pumunta si Abimelec sa Tebez, at nagkampo laban sa Tebez, at sinakop iyon.
51 Ngunit may isang matibay na tore sa loob ng lunsod, at tumakas ang lahat ng lalaki at babae at ang lahat na nasa lunsod at pinagsarhan ang kanilang sarili doon. Pagkatapos ay umakyat sila sa bubungan ng tore.
52 Pumunta si Abimelec sa tore at lumaban, at lumapit sa pintuan ng tore upang sunugin iyon ng apoy.
53 Ngunit(A) may isang babae na naghagis ng isang pang-ibabaw na bato ng gilingan sa ulo ni Abimelec at nabasag ang kanyang bungo.
54 Nang magkagayo'y dali-dali niyang tinawag ang kabataang lalaki na kanyang tagadala ng sandata, at sinabi niya sa kanya, “Bunutin mo ang iyong tabak, at patayin mo ako, baka sabihin tungkol sa akin ng mga tao, ‘Isang babae ang pumatay sa kanya.’” At sinaksak siya ng kanyang batang tauhan, at siya'y namatay.
55 Nang makita ng Israel na patay na si Abimelec, umuwi ang bawat lalaki sa kanya-kanyang bahay.
56 Gayon pinagbayad ng Diyos si Abimelec sa kasamaang ginawa niya sa kanyang ama, sa pagpatay sa kanyang pitumpung kapatid.
57 At ang buong kasamaan ng mga lalaki sa Shekem ay ipinataw ng Diyos sa kanilang mga ulo; at dumating sa kanila ang sumpa ni Jotam na anak ni Jerubaal.
Si Tola at si Jair
10 Pagkatapos ni Abimelec, bumangon upang iligtas ang Israel si Tola na anak ni Pua, na anak ni Dodo, na lalaking mula sa Isacar; at siya'y nanirahan sa Samir sa lupaing maburol ng Efraim.
2 Siya'y naghukom sa Israel ng dalawampu't tatlong taon; pagkatapos siya'y namatay at inilibing sa Samir.
3 Pagkatapos niya'y bumangon si Jair na Gileadita; na naghukom sa Israel nang dalawampu't dalawang taon.
4 Siya'y may tatlumpung anak na lalaki na sumasakay sa tatlumpung asno, at sila'y may tatlumpung lunsod na tinatawag na Havot-jair hanggang sa araw na ito, na nasa lupain ng Gilead.
5 At namatay si Jair at inilibing sa Camon.
Ang Israel ay Muling Tumalikod sa Diyos
6 Ginawa uli ng mga anak ni Israel ang kasamaan sa paningin ng Panginoon, at naglingkod sa mga Baal, kay Astarte, sa mga diyos ng Siria, Sidon, Moab, ng mga Ammonita at sa mga diyos ng mga Filisteo; at pinabayaan nila ang Panginoon at hindi naglingkod sa kanya.
7 Kaya't ang galit ng Panginoon ay nagningas laban sa Israel, at kanyang ipinagbili sila sa kamay ng mga Filisteo at ng mga anak ni Ammon.
8 Kanilang pinahirapan at inapi ang mga anak ni Israel nang taong iyon. Labingwalong taon nilang pinahirapan ang lahat ng mga anak ni Israel na nasa dako roon ng Jordan sa lupain ng mga Amoreo, na nasa Gilead.
9 Ang mga anak ni Ammon ay tumawid sa Jordan upang labanan din ang Juda, ang Benjamin, at ang sambahayan ni Efraim; anupa't ang Israel ay lubhang nahirapan.
10 Kaya't dumaing ang mga anak ni Israel sa Panginoon, “Kami ay nagkasala laban sa iyo, sapagkat aming pinabayaan ang aming Diyos, at kami ay naglingkod sa mga Baal.”
11 At sinabi ng Panginoon sa mga anak ni Israel, “Hindi ba't iniligtas ko kayo mula sa mga Ehipcio, sa mga Amoreo, sa mga anak ni Ammon, at sa mga Filisteo?
12 Gayundin ang mga Sidonio, mga Amalekita, at ang mga Maonita ay nagpahirap sa inyo. Kayo'y dumaing sa akin, at iniligtas ko kayo sa kanilang mga kamay.
13 Gayunma'y pinabayaan ninyo ako, at kayo'y naglingkod sa ibang mga diyos, kaya't hindi ko na kayo ililigtas.
14 Humayo kayo at dumaing sa mga diyos na inyong pinili; hayaang iligtas nila kayo sa panahon ng inyong kapighatian.”
15 At sinabi ng mga anak ni Israel sa Panginoon, “Kami ay nagkasala. Gawin mo sa amin ang anumang gusto mo, iligtas mo lamang kami sa araw na ito.”
16 Kaya't kanilang inalis sa kanila ang ibang mga diyos, at naglingkod sa Panginoon at ang kanyang kaluluwa ay nagdalamhati dahil sa kapighatian ng Israel.
17 Pagkatapos ang mga anak ni Ammon ay nagtipon, at nagkampo sa Gilead. At ang mga anak ni Israel ay nagtitipon, at nagkampo sa Mizpa.
18 Ang taong-bayan, at ang mga pinuno sa Gilead ay nag-usap, “Sino ang lalaking magpapasimulang lumaban sa mga anak ni Ammon? Siya'y magiging pinuno sa lahat ng taga-Gilead.”
Pinagaling ni Jesus ang Isang Lalaking Lumpo(A)
17 Isang araw, habang siya'y nagtuturo, may nakaupong mga Fariseo at mga guro ng kautusan, na nagmula sa bawat nayon ng Galilea, Judea at Jerusalem; at ang kapangyarihan ng Panginoon ay nasa kanya upang magpagaling.
18 At may dumating na mga lalaking may dalang isang lalaking lumpo na nasa isang higaan at sinikap nilang maipasok ang lumpo sa bahay at mailagay sa harap ni Jesus.[a]
19 Subalit dahil wala silang makitang daan dahil sa dami ng tao, umakyat sila sa bubungan ng bahay at ibinaba siya pati na ang kanyang higaan mula sa binutas nilang bubungan sa gawing gitna, sa harapan ni Jesus.
20 Nang makita niya ang kanilang pananampalataya ay sinabi niya, “Lalaki, pinatatawad ka na sa iyong mga kasalanan.”
21 Ang mga eskriba at mga Fariseo ay nagsimulang magtanong, “Sino ba ito na nagsasalita ng mga kalapastanganan? Sino ang makapagpapatawad ng mga kasalanan maliban sa Diyos lamang?”
22 Subalit batid ni Jesus ang kanilang mga iniisip at sinabi sa kanila, “Bakit ninyo ito pinag-aalinlanganan sa inyong mga puso?
23 Alin ba ang mas madali, ang sabihing, ‘Pinatatawad na ang iyong mga kasalanan,’ o ang sabihing, ‘Tumindig ka at lumakad?’
24 Ngunit upang malaman ninyo na ang Anak ng Tao ay may awtoridad sa ibabaw ng lupa na magpatawad ng mga kasalanan,”—sinabi niya ito sa lumpo, “Sinasabi ko sa iyo, tumindig ka, buhatin mo ang iyong higaan, at umuwi ka sa bahay mo.”
25 Kaagad siyang tumindig sa harapan nila, binuhat ang kanyang hinigaan, at umuwi sa kanyang bahay na niluluwalhati ang Diyos.
26 Labis na namangha ang lahat at niluwalhati nila ang Diyos. Napuno sila ng takot, na nagsasabi, “Nakakita kami ngayon ng mga bagay na kataka-taka.”
Tinawag ni Jesus si Levi(B)
27 Pagkatapos nito ay umalis si Jesus[b] at nakita ang isang maniningil ng buwis, na ang pangalan ay Levi, na nakaupo sa tanggapan ng buwis. At sinabi niya sa kanya, “Sumunod ka sa akin.”
28 Iniwan niya ang lahat, tumayo, at sumunod sa kanya.
29 Ipinaghanda siya ni Levi ng isang malaking piging sa kanyang bahay at napakaraming maniningil ng buwis at iba pa na nakaupong kasalo nila.
30 Nagbulung-bulungan(C) ang mga Fariseo at ang kanilang mga eskriba laban sa kanyang mga alagad na sinasabi, “Bakit kayo'y kumakain at umiinom na kasalo ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan?”
31 Sumagot si Jesus sa kanila, “Ang malulusog ay hindi nangangailangan ng manggagamot kundi ang mga maysakit.
32 Hindi ako pumarito upang tawagin ang mga matuwid, kundi ang mga makasalanan tungo sa pagsisisi.”
Ang Katanungan tungkol sa Pag-aayuno(D)
33 At sinabi nila sa kanya, “Ang mga alagad ni Juan ay malimit mag-ayuno at mag-alay ng mga panalangin, gayundin ang mga alagad ng mga Fariseo, subalit ang sa iyo ay kumakain at umiinom.”
34 At sinabi ni Jesus sa kanila, “Maaari bang pag-ayunuhin ninyo ang mga abay sa kasalan samantalang ang lalaking ikakasal ay kasama pa nila?
35 Subalit darating ang mga araw kapag kinuha sa kanila ang lalaking ikakasal, saka pa lamang sila mag-aayuno sa mga araw na iyon.”
36 Sinabi rin niya sa kanila ang isang talinghaga: “Walang taong pumipilas sa bagong damit at itinatagpi sa lumang damit. Kapag gayon, mapupunit ang bago at ang tagping mula sa bago ay di bagay sa luma.
37 At walang taong naglalagay ng bagong alak sa mga lumang sisidlang balat. Kung gayon, papuputukin ng bagong alak ang mga balat, at matatapon, at masisira ang mga balat.
38 Sa halip, ang bagong alak ay dapat ilagay sa mga bagong sisidlang balat.
39 At walang sinumang matapos uminom ng alak na laon ay magnanais ng bago, sapagkat sinasabi niya, ‘Masarap ang laon.’”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001