Old/New Testament
Hinabol ni David ang Amalekita
30 Nang si David at ang kanyang mga tauhan ay dumating sa Siclag nang ikatlong araw, ang mga Amalekita ay sumalakay sa Negeb at sa Siclag. Nagapi nila ang Siclag at sinunog ito ng apoy.
2 Dinala nilang bihag ang mga babae at ang lahat ng naroroon, ang hamak at ang dakila. Hindi nila pinatay ang sinuman kundi kanilang dinala at nagpatuloy ng kanilang lakad.
3 Nang si David at ang kanyang mga tauhan ay dumating sa bayan, natagpuan nila itong sunog ng apoy; at ang kanilang mga asawa, at mga anak na lalaki at babae ay dinalang-bihag.
4 Kaya't si David at ang mga taong kasama niya ay sumigaw at umiyak hanggang sa sila'y maubusan ng lakas sa pag-iyak.
5 Ang(A) dalawang asawa ni David ay nabihag din, si Ahinoam na taga-Jezreel, at si Abigail, na balo ni Nabal, na taga-Carmel.
6 Lubhang naguluhan si David sapagkat pinag-usapan ng mga tao na batuhin siya. Ang buong bayan ay masama ang kalooban, dahil sa kanya-kanyang mga anak na lalaki at babae. Ngunit pinalakas ni David ang kanyang sarili sa Panginoon niyang Diyos.
7 Sinabi(B) ni David kay Abiatar na pari, na anak ni Ahimelec, “Dalhin mo rito sa akin ang efod.” Kaya't dinala roon ni Abiatar ang efod kay David.
8 At sumangguni si David sa Panginoon, “Hahabulin ko ba ang pangkat na ito? Aabutan ko kaya sila?” At sinagot siya ng Panginoon,[a] “Habulin mo, sapagkat tiyak na aabutan mo at tiyak na maililigtas mo.”
9 Kaya't umalis si David at ang animnaraang lalaking kasama niya at sila'y dumating sa batis ng Besor na kinaroroonan ng mga naiwan sa likuran.
10 Ngunit ipinagpatuloy ni David at ng apatnaraang lalaki ang paghabol. Naiwan ang dalawandaan sa hulihan na pagod na pagod upang tumawid sa batis ng Besor.
11 Nakakita sila ng isang Ehipcio sa parang at kanilang dinala siya kay David. Kanilang binigyan siya ng tinapay na makakain at tubig na maiinom.
12 Kanilang binigyan din siya ng isang pirasong tinapay na igos at dalawang buwig na ubas. Pagkatapos niyang kumain, ang kanyang diwa ay nagbalik sapagkat hindi siya kumain ng tinapay o uminom man ng tubig sa loob ng tatlong araw at tatlong gabi.
13 At sinabi ni David sa kanya, “Kanino ka kabilang? Taga-saan ka?” At sinabi niya, “Ako'y isang binatang Ehipcio, lingkod ng isang Amalekita. Iniwan ako ng aking panginoon sapagkat ako'y nagkasakit tatlong araw na ang nakalilipas.
14 Kami ay sumalakay sa Negeb ng mga Kereteo, at sa mga pag-aari ng Juda, at sa Negeb ng Caleb; at aming sinunog ng apoy ang Siclag.”
15 Sinabi ni David sa kanya, “Sasamahan mo ba ako sa pangkat na ito?” At kanyang sinabi, “Sumumpa ka sa akin sa pamamagitan ng Diyos na hindi mo ako papatayin, o ibibigay man sa mga kamay ng aking panginoon, at ilulusong kita sa pangkat na ito.”
16 Nang kanyang mailusong siya, sila'y nakakalat na nagkakainan, nag-iinuman at nagsasayawan sa buong lupain dahil sa napakaraming samsam na kanilang nakuha sa lupain ng mga Filisteo at Juda.
17 At sinalakay sila ni David mula sa takipsilim hanggang sa paglubog ng araw nang sumunod na araw. Walang taong nakatakas sa kanila liban sa apatnaraang katao na nakasakay sa mga kamelyo.
18 Binawi ni David ang lahat ng nakuha ng mga Amalekita, at iniligtas ni David ang kanyang dalawang asawa.
19 Walang nawawala, kahit hamak o dakila man, kahit mga anak na lalaki o babae man, kahit samsam man, kahit anumang bagay na nakuha nila sa kanila; ibinalik na lahat ni David.
20 Kinuha rin ni David ang lahat ng kawan at bakahan at dinala nang una sa ibang mga hayop. Sinasabi ng mga tao, “Ito'y samsam ni David.”
21 At dumating si David sa dalawandaang lalaki na pagod na pagod upang makasunod kay David, na naiwan sa batis ng Besor. Sila'y lumabas upang salubungin si David at ang mga taong kasama niya. Nang mapalapit si David sa taong-bayan, siya'y nagpugay sa kanila.
22 Nang magkagayo'y sumagot ang lahat ng masasamang tao, at mga taong mababang uri na lumabang[b] kasama ni David, “Sapagkat hindi sila lumabang kasama namin, hindi namin sila bibigyan ng samsam na aming nabawi, maliban sa bawat lalaki na makukuha niya ang kanyang asawa at ang kanyang mga anak at umalis.”
23 Ngunit sinabi ni David, “Mga kapatid ko, huwag ninyong gagawin ang gayon sa ibinigay sa atin ng Panginoon. Kanyang iningatan tayo at ibinigay sa ating kamay ang pulutong na dumating laban sa atin.
24 Sino ang makikinig sa inyo sa bagay na ito? Sapagkat kung gaano ang bahagi ng lumusong sa labanan ay gayundin ang bahagi ng naiwan sa dala-dalahan. Sila'y magkakaroon ng pare-parehong bahagi.”
25 Mula noon, ginawa niya iyon na isang tuntunin at batas para sa Israel hanggang sa araw na ito.
26 Nang dumating si David sa Siclag, siya'y nagpadala ng bahagi ng mga samsam sa kanyang mga kaibigan, ang matatanda ng Juda, na sinasabi, “Narito ang isang kaloob sa inyo mula sa samsam ng mga kaaway ng Panginoon;”
27 iyon ay para sa Bethel, sa Ramot ng Negeb, sa nasa Jatir;
28 sa Aroer, sa Sifmot, sa Estemoa;
29 sa Rachal, sa mga lunsod ng mga Jerameelita, sa mga lunsod ng mga Kineo;
30 sa Horma, sa Chorasan, sa Atach;
31 sa Hebron, at sa lahat ng dako na karaniwang pinupuntahan ni David at ng kanyang mga tauhan.
Pinatay si Saul at ang Kanyang Anak(C)
31 Ang mga Filisteo ay lumaban sa Israel at ang mga kalalakihan ng Israel ay tumakas sa harap ng mga Filisteo, at patay na nabuwal sa bundok ng Gilboa.
2 Inabutan ng mga Filisteo si Saul at ang kanyang mga anak at pinatay nila sina Jonathan, Abinadab, at Malkishua, na mga anak ni Saul.
3 At ang labanan ay naging mabigat para kay Saul, at inabutan siya ng mga mamamana; at siya'y malubhang sinugatan ng mga mamamana.
4 Nang magkagayo'y sinabi ni Saul sa kanyang tagadala ng sandata, “Bunutin mo ang iyong tabak at saksakin mo ako niyon; baka dumating ang mga hindi tuling ito at ako'y saksakin, at ako'y kanilang paglaruan.” Ngunit tumanggi ang kanyang tagadala ng sandata sapagkat siya'y takot na takot. Kaya't kinuha ni Saul ang kanyang tabak, at ibinuwal ang sarili doon.
5 Nang makita ng kanyang tagadala ng sandata na si Saul ay patay na, ibinuwal rin niya ang kanyang sarili sa kanyang tabak at nagpakamatay na kasama niya.
6 Gayon namatay si Saul kasama ng kanyang tatlong anak, ang kanyang tagadala ng sandata, at ang lahat niyang mga tauhan nang araw na iyon na magkakasama.
Si Saul at ang Kanyang mga Anak ay Inilibing sa Jabes-gilead
7 Nang makita ng mga kalalakihan ng Israel na nasa kabilang dako ng libis at ng mga nasa kabila ng Jordan, na ang mga kalalakihan ng Israel ay tumakas, at si Saul at ang kanyang mga anak ay patay na, kanilang iniwan ang kanilang mga lunsod at tumakas; at dumating ang mga Filisteo at nanirahan sa mga iyon.
8 Kinabukasan, nang ang mga Filisteo ay dumating upang hubaran ang mga patay, natagpuan nila si Saul at ang kanyang tatlong anak na nabuwal sa bundok ng Gilboa.
9 Kanilang pinugot ang kanyang ulo at hinubad ang kanyang mga baluti, at nagpadala ng mga sugo sa buong lupain ng mga Filisteo upang dalhin ang mabuting balita sa kanilang mga diyus-diyosan at sa mga tao.
10 Kanilang inilagay ang kanyang baluti sa templo ni Astarte; at kanilang ipinako ang bangkay niya sa pader ng Bet-shan.
11 Ngunit nang mabalitaan ng mga naninirahan sa Jabes-gilead ang tungkol sa ginawa ng mga Filisteo kay Saul,
12 lahat ng matatapang na lalaki ay tumayo at nagsilakad sa buong gabi at kinuha ang bangkay ni Saul at ng kanyang mga anak sa pader ng Bet-shan; at sila'y pumunta sa Jabes at kanilang sinunog doon.
13 Kanilang kinuha ang kanilang mga buto at ibinaon sa ilalim ng isang puno ng tamarisko sa Jabes, at nag-ayuno sila ng pitong araw.
23 At may nagsabi sa kanya, “Panginoon, kakaunti ba ang maliligtas?” At sinabi niya sa kanila,
24 “Magsikap kayong pumasok sa makipot na pintuan, sapagkat sinasabi ko sa inyo na marami ang magsisikap na pumasok at hindi makakapasok.
25 Kapag tumayo na ang may-ari ng bahay at maisara na ang pinto, magsisimula kayong tumayo sa labas at tutuktok sa pintuan, na magsasabi, ‘Panginoon, pagbuksan mo kami.’ At siya'y sasagot sa inyo, ‘Hindi ko alam kung saan kayo nanggaling.’
26 Kaya't magsisimula kayong magsabi, ‘Kami ay kasama mong kumain at uminom at nagturo ka sa aming mga lansangan.’
27 Subalit(A) sasabihin niya, ‘Hindi ko alam kung saan kayo nanggaling. Lumayas kayo, kayong lahat na gumagawa ng kasamaan!’
28 Magkakaroon(B) ng pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin kapag nakita na ninyo sina Abraham, Isaac, Jacob at ang lahat ng mga propeta sa kaharian ng Diyos, at kayo mismo'y inihahagis sa labas.
29 At(C) may mga taong manggagaling sa silangan at kanluran, sa timog at hilaga, at uupo sa hapag sa kaharian ng Diyos.
30 Sa(D) katunayan, may mga huling magiging una at may mga unang magiging huli.”
Ang Pag-ibig ni Jesus para sa Jerusalem(E)
31 Dumating nang oras ding iyon ang ilang Fariseo na nagsabi sa kanya, “Lumabas ka na at umalis dito, sapagkat ibig kang patayin ni Herodes.”
32 At sinabi niya sa kanila, “Humayo kayo at inyong sabihin sa asong-gubat na iyon, ‘Narito, nagpapalayas ako ng mga demonyo at nagpapagaling ngayon at bukas, at sa ikatlong araw ay matatapos ko ang aking gawain.
33 Gayunma'y kailangang ako'y magpatuloy sa aking lakad ngayon at bukas at sa makalawa, sapagkat hindi maaari na ang isang propeta ay mamatay sa labas ng Jerusalem.’
34 O Jerusalem, Jerusalem, na pumapatay sa mga propeta at bumabato sa mga sinugo sa kanya! Makailang ulit kong ninais na tipunin ang iyong mga anak, na gaya ng pagtitipon ng inahing manok sa kanyang sariling mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak, at ayaw ninyo!
35 Tingnan ninyo,(F) sa inyo'y iniwan ang inyong bahay. At sinasabi ko sa inyo, hindi ninyo ako makikita, hanggang sa inyong sabihin, ‘Mapalad ang dumarating sa pangalan ng Panginoon.’”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001