Old/New Testament
Si David sa Kanyang Katandaan
1 Si Haring David ay matanda na at mahaba na rin ang buhay at kahit kanilang lagyan siya ng mga kumot, siya'y hindi naiinitan.
2 Kaya't sinabi ng mga lingkod niya sa kanya, “Ihanap ang aking panginoong hari ng isang dalaga at maglingkod siya sa harap ng hari, at kanyang alagaan siya; at mahiga siya sa iyong kandungan, upang ang aking panginoong hari ay mainitan.”
3 Kaya't kanilang inihanap siya ng isang magandang dalaga sa buong nasasakupan ng Israel, at natagpuan si Abisag na Sunamita, at dinala siya sa hari.
4 Ang dalaga ay napakaganda at siya ang naging tagapag-alaga ng hari at naglingkod sa kanya; ngunit hindi siya nakilala ng hari.
Si Adonias ay Nagtangkang Maging Hari
5 Samantala,(A) nagmataas si Adonias na anak ni Hagit, na nagsabi, “Ako'y magiging hari.” At siya'y naghanda ng mga karwahe at mga mangangabayo, at limampung lalaking tatakbo sa unahan niya.
6 Hindi siya kailanman pinagdamdam ng kanyang ama sa pagsasabing, “Bakit ka gumawa ng ganyan?” Siya rin ay napakagandang lalaki at ipinanganak kasunod ni Absalom.
7 Siya'y nakipag-usap kay Joab na anak ni Zeruia, at kay Abiatar na pari, at kanilang tinulungan si Adonias.
8 Ngunit si Zadok na pari, si Benaya na anak ni Jehoiada, si Natan na propeta, si Shimei, si Rei, at ang magigiting na mandirigma ni David ay hindi pumanig kay Adonias.
9 Naghandog si Adonias ng mga tupa, mga baka at ng mga pinatabang hayop sa bato ng Zohelet,[a] na nasa tabi ng En-rogel, at kanyang inanyayahan ang lahat ng kanyang kapatid na mga anak na lalaki ng hari, at ang lahat ng lalaki sa Juda na mga lingkod ng hari.
10 Ngunit si Natan na propeta, si Benaya, at ang magigiting na mandirigma at si Solomon na kanyang kapatid ay hindi niya inanyayahan.
11 Nang(B) magkagayo'y sinabi ni Natan kay Batseba na ina ni Solomon, “Hindi mo ba nabalitaan na si Adonias na anak ni Hagit ay siya ngayong hari at ito ay hindi nalalaman ni David na ating panginoon?
12 Pumarito ka ngayon at papayuhan kita upang mailigtas mo ang iyong sariling buhay, at ang buhay ng iyong anak na si Solomon.
13 Pumunta ka agad kay Haring David, at sabihin mo sa kanya, ‘Di ba, panginoon ko, isinumpa mo sa iyong lingkod, na iyong sinasabi, Si Solomon na iyong anak ay maghahari pagkamatay ko, at siya'y uupo sa aking trono? Kung gayo'y bakit si Adonias ang hari?’
14 Samantalang nagsasalita ka pa sa hari ay papasok ako na kasunod mo, at aking patototohanan ang iyong mga salita.”
Tumutol si Batseba
15 Kaya't pinasok ni Batseba ang hari sa silid; (noon ang hari ay lubhang matanda na; at si Abisag na Sunamita ay siyang nag-aalaga sa hari.)
16 Si Batseba ay yumukod at nagbigay-galang sa hari. At sinabi ng hari, “Anong ibig mo?”
17 Sinabi niya sa kanya, “Panginoon ko, isinumpa mo sa iyong lingkod sa pamamagitan ng Panginoon mong Diyos na sinasabi, ‘Tunay na si Solomon na iyong anak ay maghahari pagkamatay ko, at siya'y uupo sa aking trono.’
18 At ngayo'y si Adonias ay naging hari bagaman hindi mo ito nalalaman, panginoon kong hari.
19 Siya'y nag-alay ng mga baka, mga pinatabang hayop, ng napakaraming tupa, at inanyayahan ang lahat ng anak na lalaki ng hari, at si Abiatar na pari, at si Joab na puno ng hukbo; ngunit si Solomon na iyong lingkod ay hindi niya inanyayahan.
20 Panginoon kong hari, ang paningin[b] ng buong Israel ay nakatuon sa iyo, upang iyong sabihin sa kanila kung sino ang uupo sa trono ng aking panginoong hari pagkamatay niya.
21 Kung hindi, mangyayari na kapag ang aking panginoong hari ay natutulog na kasama ng kanyang mga ninuno, ako at ang aking anak na si Solomon ay mabibilang sa mga may sala.”
Sinang-ayunan ni Natan si Batseba sa Pagtutol
22 Samantalang siya'y nakikipag-usap pa sa hari, pumasok si Natan na propeta.
23 Kanilang isinaysay sa hari, na sinasabi, “Narito si Natan na propeta.” Nang siya'y dumating sa harap ng hari, siya'y yumukod na ang kanyang mukha ay nasa lupa.
24 At sinabi ni Natan, “Panginoon kong hari, iyo bang sinabi, ‘Si Adonias ay maghahari pagkamatay ko, at siya'y uupo sa aking trono’?
25 Sapagkat siya'y lumusong nang araw na ito, at nag-alay ng mga baka, mga pinatabang hayop, at ng napakaraming tupa, at inanyayahan ang lahat ng anak na lalaki ng hari, at ang mga pinuno ng hukbo, at si Abiatar na pari; at narito, sila'y nagkakainan at nag-iinuman sa harap niya at nagsasabi, ‘Mabuhay si Haring Adonias!’
26 Ngunit akong iyong lingkod, si Zadok na pari, si Benaya na anak ni Jehoiada, at ang iyong lingkod na si Solomon ay hindi niya inanyayahan.
27 Ang bagay bang ito ay ginawa ng aking panginoong hari, at hindi mo ipinaalam sa iyong mga lingkod kung sino ang uupo sa trono ng aking panginoong hari pagkatapos niya?”
28 Nang magkagayo'y sumagot si Haring David, “Papuntahin ninyo sa akin si Batseba.” At siya'y pumasok at tumayo sa harap ng hari.
29 Sumumpa ang hari na nagsasabi, “Habang nabubuhay ang Panginoon na tumubos ng aking kaluluwa mula sa lahat ng kagipitan,
30 kung paanong sumumpa ako sa iyo sa pangalan ng Panginoon, ang Diyos ng Israel, na sinasabi, ‘Si Solomon na iyong anak ang maghahari pagkamatay ko, at siya'y uupo sa aking trono na kahalili ko;’ katotohanang gayon ang aking gagawin sa araw na ito.”
31 Nang magkagayo'y iniyukod ni Batseba ang kanyang mukha sa lupa, at nagbigay-galang sa hari, at nagsabi, “Mabuhay magpakailanman ang aking panginoon na haring si David!”
Si Solomon ay Binuhusan ng Langis Upang Maging Hari
32 Sinabi ni Haring David, “Tawagin ninyo sa akin si Zadok na pari, at si Natan na propeta, at si Benaya na anak ni Jehoiada.” At sila'y pumasok sa harap ng hari.
33 At sinabi ng hari sa kanila, “Isama ninyo ang mga lingkod ng inyong panginoon, at pasakayin ninyo ang aking anak na si Solomon sa aking sariling mola, at ilusong ninyo siya sa Gihon.
34 Doon ay buhusan siya ng langis ni Zadok na pari at ni Natan na propeta upang siya'y maging hari sa Israel; at kayo'y humihip ng trumpeta at inyong sabihin, ‘Mabuhay si Haring Solomon!’
35 Pagkatapos ay aahon kayong kasunod niya; siya'y paparito at uupo sa aking trono, sapagkat siya'y magiging hari na kapalit ko. Itinalaga ko siyang maging pinuno sa Israel at sa Juda.”
36 At si Benaya na anak ni Jehoiada ay sumagot sa hari, “Amen! Nawa ang Panginoon, ang Diyos ng aking panginoong hari ay magsabi ng gayon.
37 Kung paanong ang Panginoon ay sumama sa aking panginoong hari ay gayundin nawa niya samahan si Solomon, at gawin nawa ang kanyang trono na lalong dakila kaysa trono ng aking panginoong haring si David.”
38 Sa gayo'y si Zadok na pari, si Natan na propeta, si Benaya na anak ni Jehoiada, ang mga Kereteo, at ang mga Peleteo ay lumusong at pinasakay si Solomon sa mola ni Haring David, at dinala siya sa Gihon.
39 Kinuha ni Zadok na pari ang sungay na sisidlan ng langis mula sa Tolda, at binuhusan ng langis si Solomon. Pagkatapos sila'y humihip ng trumpeta, at ang buong bayan ay nagsabi, “Mabuhay si Haring Solomon!”
40 At ang buong bayan ay umahong kasunod niya na humihihip ng mga plauta at nagagalak ng malaking kagalakan kaya't ang lupa ay nayanig dahil sa kanilang ingay.
41 Narinig ito ni Adonias at ng lahat ng panauhing kasama niya pagkatapos nilang makakain. Nang marinig ni Joab ang tunog ng trumpeta ay kanyang sinabi, “Anong kahulugan ng pagkakaingay na ito sa lunsod?”
42 Samantalang siya'y nagsasalita pa, si Jonathan na anak ni Abiatar na pari ay dumating. Sinabi ni Adonias, “Pumasok ka, sapagkat ikaw ay taong karapat-dapat, at nagdadala ka ng mabuting balita.”
43 Si Jonathan ay sumagot kay Adonias, “Hindi! Sa katunayan, ginawang hari si Solomon ng ating panginoong haring si David.
44 Sinugo ng hari na kasama niya si Zadok na pari, si Natan na propeta, si Benaya na anak ni Jehoiada, ang mga Kereteo at ang mga Peleteo at kanilang pinasakay siya sa mola ng hari.
45 Siya'y binuhusan ng langis bilang hari ni Zadok na pari at ni Natan na propeta sa Gihon. Sila'y umahong galak na galak mula roon, kaya't ang lunsod ay nagkakagulo. Ito ang ingay na iyong narinig.
46 Si Solomon ngayon ay nakaupo sa trono ng hari.
47 Bukod dito, ang mga lingkod ng hari ay pumaroon upang purihin ang ating panginoong haring si David, na nagsasabi, ‘Gawin nawa ng iyong Diyos ang pangalan ni Solomon na higit na tanyag kaysa iyong pangalan, at gawin ang kanyang trono na lalong dakila kaysa iyong trono.’ At ang hari ay yumukod sa kanyang higaan.
48 Ganito pa ang sinabi ng hari, ‘Purihin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel, na siyang nagpahintulot sa akin na ang isa sa aking mga supling ay makaupo sa aking trono na nakikita ng aking mga mata.’”
Si Adonias ay Natakot
49 At ang lahat ng panauhin ni Adonias ay natakot at tumindig, at humayo ang bawat isa sa kanyang sariling lakad.
50 Natakot si Adonias kay Solomon at siya'y tumindig at humayo, at humawak sa mga sungay ng dambana.
51 Ipinaalam kay Solomon, “Si Adonias ay natatakot sa Haring Solomon, sapagkat siya'y humawak sa mga sungay ng dambana, na nagsasabi, ‘Isumpa ng Haring Solomon sa akin sa araw na ito na hindi niya papatayin ng tabak ang kanyang lingkod.’”
52 Sinabi ni Solomon, “Kung siya'y magpapakilala bilang taong karapat-dapat ay walang malalaglag sa lupa na isa mang buhok niya, ngunit kung kasamaan ang matagpuan sa kanya, siya'y mamamatay.”
53 Sa gayo'y nagsugo si Haring Solomon, at kanilang ibinaba siya mula sa dambana. At siya'y naparoon at nagbigay-galang kay Haring Solomon; at sinabi ni Solomon sa kanya, “Umuwi ka sa iyong bahay.”
Ang Huling Habilin ni David kay Solomon
2 Nang malapit na ang oras ng pagkamatay ni David, nagbilin siya ng ganito kay Solomon na kanyang anak:
2 “Ako'y patungo na sa daan ng buong lupa. Magpakalakas ka at magpakalalaki;
3 at ingatan mo ang bilin ng Panginoon mong Diyos. Lumakad ka sa kanyang mga daan, at ingatan ang kanyang mga tuntunin, mga utos, mga batas, at mga patotoo, ayon sa nasusulat sa kautusan ni Moises, upang ikaw ay magtagumpay sa lahat ng iyong ginagawa, at maging saan ka man bumaling.
4 Upang pagtibayin ng Panginoon ang kanyang salita na kanyang sinabi tungkol sa akin, na sinasabi, ‘Kung ang iyong mga anak ay mag-iingat sa kanilang lakad, na lalakad sa harap ko na may katapatan ng kanilang buong puso at ng kanilang buong kaluluwa, hindi ka mawawalan ng lalaki sa trono ng Israel.’
5 “Bukod(C) dito'y alam mo rin ang ginawa ni Joab na anak ni Zeruia sa akin, ang ginawa niya sa dalawang pinuno ng mga hukbo ng Israel, kay Abner na anak ni Ner, at kay Amasa na anak ni Jeter na kanyang pinaslang at nagpadanak ng dugo ng digmaan sa kapayapaan. At kanyang inilagay ang dugo ng digmaan sa kanyang sinturon na nasa kanyang baywang at sa loob ng kanyang mga sandalyas na nasa kanyang mga paa.
6 Kaya't kumilos ka ayon sa iyong karunungan, at huwag mong hayaang ang kanyang uban sa ulo ay bumabang payapa sa Sheol.
7 Ngunit(D) pagpakitaan mo ng kagandahang-loob ang mga anak ni Barzilai na Gileadita, at maging kabilang sila sa kumakain sa iyong hapag; sapagkat gayon sila naging tapat sa akin nang ako'y tumakas kay Absalom na iyong kapatid.
8 Nasa(E) iyo rin si Shimei na anak ni Gera na Benjaminita, na taga-Bahurim, na lumait sa akin ng matindi nang araw na ako'y pumaroon sa Mahanaim, ngunit nang lumusong siya upang salubungin ako sa Jordan, ay isinumpa ko sa kanya sa Panginoon, na sinasabi, ‘Hindi kita papatayin ng tabak.’
9 Ngayon nga'y huwag mo siyang ituring na walang sala, sapagkat ikaw ay lalaking matalino at malalaman mo kung ano ang dapat gawin sa kanya, at iyong ibababa na may dugo ang kanyang uban sa ulo sa Sheol.”
Namatay si David
10 Pagkatapos, si David ay natulog[c] na kasama ng kanyang mga ninuno, at inilibing sa lunsod ni David.
11 Ang(F) mga panahon na naghari si David sa Israel ay apatnapung taon; pitong taong naghari siya sa Hebron, at tatlumpu't tatlong taon siyang naghari sa Jerusalem.
12 At(G) si Solomon ay umupo sa trono ni David na kanyang ama, at ang kanyang kaharian ay matibay na itinatag.
Hiniling ni Adonias na Maging Asawa si Abisag
13 Pagkatapos, si Adonias na anak ni Hagit ay naparoon kay Batseba na ina ni Solomon. Kanyang sinabi, “Naparito ka bang payapa?” At sinabi niya, “Payapa.”
14 Sinabi pa niya, “Mayroon pa akong sasabihin sa iyo.” At sinabi niya, “Sabihin mo.”
15 At kanyang sinabi, “Alam mo na ang kaharian ay naging akin, at umasa ang buong Israel na ako ang maghahari; ngunit ang kaharian ay nagbago, at napunta sa aking kapatid, sapagkat iyon ay kanya mula sa Panginoon.
16 Ngayo'y mayroon akong isang kahilingan sa iyo, huwag mo akong tanggihan.” At sinabi niya sa kanya, “Sabihin mo.”
17 At(H) kanyang sinabi, “Ipinapakiusap ko sa iyo na iyong hingin kay Haring Solomon, sapagkat hindi ka niya tatanggihan, na ibigay niya sa akin si Abisag na Sunamita bilang asawa.”
18 Sinabi ni Batseba, “Mabuti; ako'y makikipag-usap sa hari para sa iyo.”
Pinatay si Adonias
19 Kaya't si Batseba ay pumaroon kay Haring Solomon upang ipakiusap sa kanya si Adonias. Tumindig ang hari upang salubungin siya at yumukod siya sa kanya. Pagkatapos ay umupo siya sa kanyang trono, at nagpakuha ng upuan para sa ina ng hari. Si Batseba ay umupo sa kanyang kanan.
20 Nang magkagayo'y sinabi niya, “Ako'y may isang munting kahilingan sa iyo. Huwag mo akong tanggihan.” At sinabi ng hari sa kanya, “Hilingin mo, ina ko, sapagkat hindi kita tatanggihan.”
21 Sinabi ni Batseba, “Ibigay mong asawa si Abisag na Sunamita sa iyong kapatid na si Adonias.”
22 At si Haring Solomon ay sumagot, at nagsabi sa kanyang ina, “At bakit mo hinihiling si Abisag na Sunamita para kay Adonias? Hilingin mo na rin para sa kanya ang kaharian; sapagkat siya'y nakatatanda kong kapatid. At nasa kanyang panig si Abiatar na pari at si Joab na anak ni Zeruia.”
23 Nang magkagayo'y sumumpa si Haring Solomon sa Panginoon, na sinasabi, “Hatulan ako ng Diyos, at lalo na, kung hindi ang buhay ni Adonias ang maging kabayaran sa salitang ito!
24 Ngayon, habang nabubuhay ang Panginoon na nagtatag sa akin, at naglagay sa akin sa trono ni David na aking ama, at siyang gumawa para sa akin ng isang bahay, gaya ng kanyang ipinangako, tunay na si Adonias ay papatayin sa araw na ito.”
25 Isinugo ni Haring Solomon si Benaya na anak ni Jehoiada at kanyang sinunggaban si Adonias[d] at siya'y namatay.
26 Sinabi(I) ng hari kay Abiatar na pari, “Umuwi ka sa Anatot, sa iyong sariling bukid. Ikaw ay karapat-dapat na mamatay, ngunit sa panahong ito'y hindi kita papatayin, sapagkat iyong pinasan ang kaban ng Panginoong Diyos sa harap ni David na aking ama, at sapagkat ikaw ay nakibahagi sa lahat ng kahirapan ng aking ama.”
27 Kaya't(J) tinanggal ni Solomon si Abiatar sa pagkapari sa Panginoon, upang kanyang matupad ang salita ng Panginoon, na kanyang sinabi sa Shilo tungkol sa sambahayan ni Eli.
Pinatay si Joab
28 Nang ang balita ay dumating kay Joab, sapagkat si Joab ay kumampi kay Adonias, bagaman hindi siya kumampi kay Absalom, si Joab ay tumakas patungo sa Tolda ng Panginoon, at humawak sa mga sungay ng dambana.
29 Nang ibalita kay Haring Solomon na, “Si Joab ay tumakas patungo sa Tolda ng Panginoon, siya'y nasa tabi ng dambana.” Nang magkagayo'y sinugo ni Solomon si Benaya na anak ni Jehoiada, na sinasabi, “Humayo ka, sunggaban mo siya.”
30 Si Benaya ay pumunta sa Tolda ng Panginoon, at nagsabi sa kanya, “Ganito ang sabi ng hari, ‘Lumabas ka.’” At kanyang sinabi, “Hindi. Dito ako mamamatay.” Muling ipinaabot ni Benaya sa hari ang salita, na sinasabi, “Ganito ang sinabi ni Joab, at ganito ang isinagot sa akin.”
31 Sinabi ng hari sa kanya, “Gawin kung paano ang sinabi niya, at patayin mo siya at ilibing upang iyong maalis ang dugong pinadanak ni Joab nang walang kadahilanan sa akin at sa sambahayan ng aking ama.
32 Ibabalik ng Panginoon ang kanyang madudugong gawa sa kanyang sariling ulo, sapagkat kanyang sinunggaban ang dalawang lalaki na lalong matuwid at mas mabuti kaysa kanya, at pinatay ng tabak, nang hindi nalalaman ng aking amang si David. Siya ay si Abner na anak ni Ner, na pinuno ng hukbo ng Israel, at si Amasa na anak ni Jeter, na pinuno ng hukbo ng Juda.
33 Kaya't ang kanilang dugo ay mababalik sa ulo ni Joab, at sa ulo ng kanyang binhi magpakailanman. Ngunit kay David, sa kanyang binhi, at sa kanyang sambahayan, sa kanyang trono ay magkakaroon ng kapayapaan magpakailanman mula sa Panginoon.”
34 Nang magkagayo'y umahon si Benaya na anak ni Jehoiada, siya'y sinunggaban at pinatay; at siya'y inilibing sa kanyang sariling bahay sa ilang.
35 At inilagay ng hari si Benaya na anak ni Jehoiada na kahalili niya sa hukbo, at si Zadok na pari ay inilagay ng hari bilang kahalili ni Abiatar.
Si Shimei ay Hindi na Pinaalis sa Jerusalem
36 Pagkatapos, ang hari ay nagsugo at ipinatawag si Shimei, at sinabi sa kanya, “Magtayo ka ng isang bahay sa Jerusalem, at manirahan roon, at huwag kang umalis mula roon patungo saanmang lugar.
37 Sapagkat sa araw na ikaw ay lumabas at tumawid sa batis ng Cedron, dapat mong alamin na ikaw ay tiyak na mamamatay. Ang iyong dugo ay sasaiyong sariling ulo.”
38 At sinabi ni Shimei sa hari, “Ang sinabi mo ay mabuti. Kung paanong sinabi ng aking panginoong hari, gayon gagawin ng iyong lingkod.” At si Shimei ay tumira sa Jerusalem ng maraming araw.
39 Ngunit sa katapusan ng tatlong taon, dalawa sa mga alipin ni Shimei ay lumayas, at pumaroon kay Achis, na anak ni Maaca, hari sa Gat. At kanilang sinabi kay Shimei, “Narito, ang iyong mga alipin ay nasa Gat.”
40 Tumindig si Shimei, inihanda ang kanyang asno, at nagtungo sa Gat kay Achis, upang hanapin ang kanyang mga alipin. Si Shimei ay umalis at kinuha ang kanyang mga alipin mula sa Gat.
41 Nang ibalita kay Solomon na si Shimei ay naparoon sa Gat mula sa Jerusalem, at bumalik uli,
42 ang hari ay nagsugo at ipinatawag si Shimei, at nagsabi sa kanya, “Di ba pinasumpa kita sa Panginoon, at taimtim na ipinayo ko sa iyo, ‘Dapat mong malaman na sa araw na lumabas ka at pumunta saanman ay tiyak na mamamatay ka’? At iyong sinabi sa akin, ‘Ang iyong sinabi na aking narinig ay mabuti.’
43 Bakit hindi mo iningatan ang iyong sumpa sa Panginoon, at ang utos na aking ibinilin sa iyo?”
44 Sinabi pa ng hari kay Shimei, “Alam mo sa iyong puso ang lahat ng kasamaan na iyong ginawa kay David na aking ama. Kaya't ibabalik ng Panginoon ang iyong kasamaan sa iyong sariling ulo.
45 Ngunit si Haring Solomon ay pagpapalain, at ang trono ni David ay magiging matatag sa harap ng Panginoon magpakailanman.”
46 Sa gayo'y inutusan ng hari si Benaya na anak ni Jehoiada; at siya'y lumabas, at dinaluhong siya, at siya'y namatay. Sa gayo'y tumatag ang kaharian sa kamay ni Solomon.
Ang Matagumpay na Pagpasok sa Jerusalem(A)
28 Nang masabi niya ang mga bagay na ito, nagpatuloy siya na umakyat tungo sa Jerusalem.
29 Nang siya'y malapit na sa Betfage at Betania, sa bundok na tinatawag na Olibo, ay sinugo niya ang dalawa sa mga alagad,
30 na sinasabi, “Pumunta kayo sa katapat na nayon at sa pagpasok ninyo roon, ay makikita ninyo ang isang nakataling batang asno na hindi pa nasasakyan ng tao. Kalagan ninyo iyon at dalhin ninyo rito.
31 At kung may magtanong sa inyo, ‘Bakit ninyo kinakalagan iyan? Ganito ang inyong sasabihin, ‘Kailangan siya ng Panginoon.’”
32 Ang mga sinugo ay pumunta at natagpuan ang ayon sa sinabi niya sa kanila.
33 Nang kinakalagan nila ang batang asno, ay sinabi sa kanila ng mga may-ari nito, ‘Bakit ninyo kinakalagan ang batang asno?’
34 At sinabi nila, “Kailangan ito ng Panginoon.”
35 Dinala nila ito kay Jesus at ipinatong nila ang kanilang mga damit sa batang asno at isinakay nila si Jesus doon.
36 At samantalang siya'y nakasakay, inilalatag ng mga tao[a] ang kanilang mga damit sa daan.
37 Nang malapit na siya sa libis ng bundok ng mga Olibo, ang lahat ng napakaraming mga alagad ay nagpasimulang magalak at magpuri sa Diyos nang may malakas na tinig dahil sa lahat ng mga makapangyarihang gawa na kanilang nakita,
38 na(B) sinasabi,
“Mapalad ang Hari
na dumarating sa pangalan ng Panginoon!
Kapayapaan sa langit,
at kaluwalhatian sa kataas-taasan!”
39 Ilan sa mga Fariseo na mula sa maraming tao ay nagsabi sa kanya, “Guro, sawayin mo ang iyong mga alagad.”
40 At sumagot siya, “Sinasabi ko sa inyo na kung tatahimik ang mga ito, ang mga bato'y sisigaw.”
Iniyakan ni Jesus ang Jerusalem
41 Nang malapit na siya at nakita ang lunsod, ito'y kanyang iniyakan,
42 na sinasabi, “Kung sa araw na ito ay alam mo sana ang mga bagay na tungo sa kapayapaan! Subalit ngayo'y nakakubli ito sa iyong mga mata.
43 Sapagkat darating sa iyo ang mga araw, na ang mga kaaway mo ay magtatayo ng muog sa palibot mo at papaligiran ka, at gigipitin ka sa bawat panig.
44 At ibabagsak ka sa lupa, ikaw at ang iyong mga anak na nasa iyo. Sa iyo'y hindi sila mag-iiwan ng bato sa ibabaw ng kapwa bato; sapagkat hindi mo kinilala ang panahon ng pagdalaw sa iyo.”
Nilinis ni Jesus ang Templo(C)
45 At pumasok siya sa templo, at pinasimulang itaboy sa labas ang mga nagtitinda,
46 na(D) sinasabi sa kanila, “Nasusulat,
‘Ang aking bahay ay magiging bahay-dalanginan,’
subalit ginawa ninyo itong yungib ng mga magnanakaw.”
47 Nagturo(E) siya araw-araw sa templo. Ngunit pinagsisikapan ng mga punong pari, ng mga eskriba, at ng mga pinuno ng bayan na siya'y patayin.
48 Ngunit wala silang nakitang magagawa nila, sapagkat nakatuon ang pansin ng buong bayan sa kanyang mga salita.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001