Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
2 Samuel 6-8

Ang Kaban ay Dinala sa Jerusalem(A)

Muling tinipon ni David ang lahat ng piling lalaki sa Israel na tatlumpung libo.

Si(B) David at ang buong bayang kasama niya ay umalis mula sa Baale-juda upang iahon mula roon ang kaban ng Diyos, na tinatawag sa pangalan ng Panginoon ng mga hukbo na nakaupo sa mga kerubin.

Kanilang(C) inilagay ang kaban ng Diyos sa isang bagong karwahe, at kanilang inilabas sa bahay ni Abinadab na nasa burol. Sina Uzah at Ahio, na mga anak ni Abinadab, ang siyang nagpatakbo ng bagong karwahe,

na kinaroroonan ng kaban ng Diyos, at si Ahio ay nauna sa kaban.

Si David at ang buong sambahayan ni Israel ay nagsasaya sa harap ng Panginoon ng kanilang buong lakas, na may mga awitan, mga alpa, mga salterio, mga pandereta, mga kastaneta, at ng mga pompiyang.

Nang sila'y dumating sa giikan ni Nacon, iniunat ni Uzah ang kanyang kamay sa kaban ng Diyos, at hinawakan ito sapagkat ang mga baka ay natalisod.

Ang galit ng Panginoon ay nagningas laban kay Uzah; at pinatay siya roon ng Diyos sapagkat humawak siya sa kaban. Namatay siya doon sa tabi ng kaban ng Diyos.

Nagalit si David sapagkat pinarusahan ng Panginoon si Uzah; at ang lugar na iyon ay tinawag na Perez-uza hanggang sa araw na ito.

Kaya't natakot si David sa Panginoon sa araw na iyon, at kanyang sinabi, “Paanong madadala rito sa akin ang kaban ng Panginoon?”

10 Kaya't hindi nais ni David na dalhin ang kaban ng Panginoon sa lunsod ni David, kundi dinala ito ni David sa bahay ni Obed-edom na Geteo.

11 Ang(D) kaban ng Panginoon ay nanatili sa bahay ni Obed-edom na Geteo ng tatlong buwan; at pinagpala ng Panginoon si Obed-edom, at ang kanyang buong sambahayan.

12 Sinabi sa Haring David, “Pinagpala ng Panginoon ang sambahayan ni Obed-edom, at ang lahat ng nauukol para sa kanya, dahil sa kaban ng Diyos.” Humayo si David at iniahon ang kaban ng Diyos mula sa bahay ni Obed-edom patungo sa lunsod ni David na may kagalakan.

13 Nang ang mga nagdadala ng kaban ng Panginoon ay makalakad ng anim na hakbang, siya'y naghandog ng isang dumalagang baka at isang pinatabang baka.

14 Nagsayaw si David ng kanyang buong lakas sa harap ng Panginoon; at si David ay may bigkis ng isang efod na lino.

15 Sa gayo'y iniahon ni David at ng buong sambahayan ng Israel ang kaban ng Panginoon na may sigawan at may tunog ng tambuli.

16 Sa pagdating ng kaban ng Panginoon sa lunsod ni David, si Mical na anak ni Saul ay dumungaw sa bintana, at nakita si Haring David na naglululukso at nagsasayaw sa harap ng Panginoon; at kanyang hinamak siya sa kanyang puso.

17 Kanilang ipinasok ang kaban ng Panginoon, at inilagay sa kanyang lugar, sa loob ng tolda na itinayo ni David. Naghandog si David ng mga handog na sinusunog at mga handog pangkapayapaan sa harap ng Panginoon.

18 Nang makatapos si David sa paghahandog ng mga handog na sinusunog at ng mga handog pangkapayapaan, kanyang binasbasan ang bayan sa pangalan ng Panginoon ng mga hukbo.

19 Ang(E) kanyang ipinamahagi sa buong bayan, sa buong karamihan ng Israel, sa mga lalaki at sa mga babae, at sa bawat isa ay isang tinapay, isang karne, at isang tinapay na pasas. Pagkatapos nito, ang buong bayan ay umuwi sa kanya-kanyang bahay.

20 Bumalik si David upang basbasan ang kanyang sambahayan. Subalit si Mical na anak ni Saul ay lumabas upang salubungin si David, at sinabi, “Niluwalhati ngayon ng hari ng Israel ang kanyang sarili, na siya'y naghubad ngayon sa paningin ng mga babaing alipin ng kanyang mga lingkod, gaya ng kahiyahiyang paghuhubad ng isang taong malaswa.”

21 Sinabi ni David kay Mical, “Iyon ay sa harap ng Panginoon na siyang pumili sa akin na higit sa iyong ama, at higit sa buong sambahayan niya, upang hirangin ako bilang pinuno ng Israel, ang bayan ng Panginoon, kaya't ako'y magsasaya sa harap ng Panginoon.

22 Gagawin ko ang aking sarili na higit pang hamak kaysa rito, at ako'y magpapakababa sa iyong paningin; ngunit sa mga babaing lingkod na iyong binanggit, sa pamamagitan nila ako ay pararangalan.”

23 At si Mical na anak ni Saul ay hindi nagkaanak hanggang sa araw ng kanyang kamatayan.

Pabalita ni Natan kay David(F)

At nangyari nang ang hari ay nakatira na sa kanyang bahay, at binigyan siya ng Panginoon ng kapahingahan sa lahat niyang mga kaaway sa palibot.

Sinabi ng hari kay Natan na propeta, “Tingnan mo ngayon, ako'y tumitira sa isang bahay na sedro, ngunit ang kaban ng Diyos ay nakatira sa loob ng mga tabing.”

At sinabi ni Natan sa hari, “Humayo ka, gawin mo ang lahat ng nasa iyong isipan; sapagkat ang Panginoon ay kasama mo.”

Subalit nang gabi ring iyon, ang salita ng Panginoon ay dumating kay Natan, na sinasabi,

“Humayo ka at sabihin mo sa aking lingkod na si David, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon: Ikaw ba ang magtatayo ng aking bahay na matitirahan?

Sapagkat hindi pa ako nakakatira sa isang bahay mula ng araw na aking iahon ang mga anak ni Israel mula sa Ehipto hanggang sa araw na ito, kundi ako'y nagpapalipat-lipat sa tolda para sa aking tirahan.

Sa lahat ng dako na aking nilakarang kasama ng lahat ng mga anak ni Israel, nagsalita ba ako ng isang salita sa isa sa mga lipi ng Israel na aking inutusan upang maging pastol ng aking bayang Israel, na nagsasabi, “Bakit hindi ninyo ako ipinagtayo ng isang bahay na sedro?”’

Ngayon nga'y ganito ang iyong sasabihin sa aking lingkod na si David, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Kinuha kita mula sa kulungan ng tupa, sa pagsunod sa tupa, upang ikaw ay maging pinuno sa aking bayang Israel.

Ako'y naging kasama mo saan ka man pumunta, at aking inihiwalay ang lahat ng iyong mga kaaway sa harap mo; at gagawin kitang isang dakilang pangalan, gaya ng pangalan ng mga dakila na nasa lupa.

10 Pipili ako ng isang lugar para sa aking bayang Israel, at aking itatatag sila, upang sila'y manirahan sa kanilang sariling lugar, at huwag ng gambalain pa. Hindi na sila pahihirapan pa ng mga taong malulupit, na gaya nang una,

11 mula sa araw na ako'y humirang ng mga hukom sa aking bayang Israel; at bibigyan kita ng kapahingahan sa lahat ng iyong mga kaaway. Bukod sa rito ay sinasabi sa iyo ng Panginoon na igagawa ka ng Panginoon ng isang bahay.

12 Kapag(G) ang iyong mga araw ay naganap na at ikaw ay matutulog na kasama ng iyong mga ninuno, aking ibabangon ang iyong binhi pagkatapos mo, na magmumula sa iyong katawan, at aking itatatag ang kanyang kaharian.

13 Siya'y magtatayo ng bahay para sa aking pangalan, at aking itatatag ang trono ng kanyang kaharian magpakailanman.

14 Ako'y(H) magiging kanyang ama at siya'y magiging aking anak. Kapag siya'y gumawa ng kasamaan, parurusahan ko siya ng pamalo ng mga tao, at ng panghampas ng mga anak ng mga tao;

15 ngunit hindi ko aalisin sa kanya ang aking tapat na pag-ibig gaya ng aking pagkaalis nito kay Saul, na aking inalis sa harap mo.

16 Ang(I) iyong sambahayan at ang iyong kaharian ay matitiwasay magpakailanman sa harap ko; ang iyong trono ay matatatag magpakailanman.’”

17 Ayon sa lahat ng mga salitang ito, at ayon sa lahat ng pangitaing ito ay nagsalita si Natan kay David.

Panalangin ng Pagpapasalamat ni David(J)

18 Nang magkagayo'y pumasok si Haring David at umupo sa harap ng Panginoon, at kanyang sinabi, “Sino ako, O Panginoong Diyos, at ano ang aking sambahayan na ako'y iyong dinala sa ganito kalayo?

19 Ito'y munting bagay pa sa iyong paningin, O Panginoong Diyos; at ikaw ay nagsalita rin tungkol sa sambahayan ng iyong lingkod hanggang sa matagal na panahong darating; at ipinakita mo sa akin ang hinaharap na salinlahi, O Panginoong Diyos!

20 At ano pa ang masasabi ni David sa iyo? Sapagkat kilala mo ang iyong lingkod, O Panginoong Diyos.

21 Dahil sa iyong pangako at ayon sa iyong sariling puso, iyong ginawa ang lahat ng kadakilaang ito upang malaman ng iyong lingkod.

22 Kaya't ikaw ay dakila, O Panginoong Diyos; sapagkat walang gaya mo, o may ibang Diyos pa bukod sa iyo, ayon sa lahat nang naririnig ng aming mga tainga.

23 Anong(K) bansa sa lupa ang gaya ng iyong bayang Israel? Mayroon bang ibang bansa sa lupa na tinubos ng Diyos upang maging kanyang bayan, at gumawa para sa kanya ng isang pangalan, na gumagawa para sa kanila ng mga dakila at mga kakilakilabot na mga bagay, sa pamamagitan ng pagpapalayas sa harap ng iyong bayan ng mga bansa at ng kanilang mga diyos?

24 At itinatag mo sa iyong sarili ang iyong bayang Israel upang maging iyong bayan magpakailanman; at ikaw, Panginoon, ay naging kanilang Diyos.

25 At ngayon, O Panginoong Diyos, pagtibayin mo magpakailanman ang salita na iyong sinalita tungkol sa iyong lingkod, at tungkol sa kanyang sambahayan, at iyong gawin gaya ng iyong sinalita,

26 at ang iyong pangalan ay dadakilain magpakailanman, na sinasabi, ‘Ang Panginoon ng mga hukbo ay Diyos sa Israel’ at ang sambahayan ng iyong lingkod na si David ay matatatag sa harap mo.

27 Sapagkat ikaw, O Panginoon ng mga hukbo, ang Diyos ng Israel ang gumawa ng ganitong pahayag sa iyong lingkod, na sinasabi, ‘Ipagtatayo kita ng isang bahay’; kaya't ang iyong lingkod ay nagkaroon ng tapang na manalangin ng ganito sa iyo.

28 At ngayon, O Panginoong Diyos, ikaw ay Diyos at ang iyong mga salita ay katotohanan, at iyong ipinangako ang mabuting bagay na ito sa iyong lingkod;

29 kaya't ngayon nga'y kalugdan mong pagpalain ang sambahayan ng iyong lingkod, upang ito'y magpatuloy magpakailanman sa harap mo. Sapagkat ikaw, O Panginoong Diyos ay nagsalita, at sa pamamagitan ng iyong pagpapala ay maging mapalad nawa ang sambahayan ng iyong lingkod magpakailanman.”

Ang mga Tagumpay ni David sa Digmaan(L)

Pagkatapos nito, nilupig ni David ang mga Filisteo at pinasuko sila, at kinuha ni David ang Meteg-ama mula sa kamay ng mga Filisteo.

Nilupig din niya ang Moab at kanyang pinahiga sila sa lupa at sinukat sila sa pamamagitan ng isang tali. Bawat dalawang sukat ng tali ay ipinapatay, at isang sukat para sa ililigtas. At ang mga Moabita ay naging mga alipin ni David at nagdala ng mga buwis.

Nilupig din ni David si Hadadezer na anak ni Rehob, na hari ng Soba, habang siya'y humahayo upang ibalik ang kanyang kapangyarihan sa Ilog Eufrates.

Kinuha ni David mula sa kanya ang isanlibo at pitong daang mangangabayo, at dalawampung libong kawal na lakad. At pinilayan ni David ang lahat ng kabayo na pangkarwahe, ngunit nag-iwan siya ng sapat para sa isandaang karwahe.

Nang dumating ang mga taga-Siria mula sa Damasco upang tumulong kay Hadadezer na hari sa Soba, pinatay ni David sa mga taga-Siria ang dalawampu't dalawang libong tao.

Pagkatapos ay naglagay si David ng mga kuta sa Aram ng Damasco; at ang mga taga-Siria ay naging mga alipin ni David at nagsipagdala ng buwis. At binigyan ng Panginoon si David ng pagtatagumpay saanman siya pumunta.

Kinuha ni David ang mga kalasag na ginto na dinala ng mga lingkod ni Hadadezer, at dinala ang mga iyon sa Jerusalem.

Mula sa Beta at Berotai na mga bayan ni Hadadezer ay kumuha si Haring David ng napakaraming tanso.

Nang mabalitaan ni Toi na hari ng Hamat na nilupig ni David ang buong hukbo ni Hadadezer,

10 sinugo ni Toi si Joram na kanyang anak kay Haring David upang bumati sa kanya at purihin siya sapagkat siya'y lumaban kay Hadadezer at kanyang nilupig siya. Si Hadadezer ay madalas na lumalaban noon kay Toi. Nagdala si Joram ng mga kagamitang pilak, kagamitang ginto, at mga kagamitang tanso;

11 ang mga ito naman ay itinalaga ni David sa Panginoon na kasama ng pilak at ng ginto na kanyang itinalaga mula sa lahat ng mga bansa na kanyang pinasuko;

12 mula sa Edom, Moab, sa mga Ammonita, sa mga Filisteo, sa Amalek, at sa nasamsam kay Hadadezer na anak ni Rehob na hari sa Soba.

13 At(M) napabantog si David. Nang siya'y bumalik, nakapatay siya ng labingwalong libong mga Edomita sa Libis ng Asin.

14 Naglagay siya ng mga kuta sa Edom; sa buong Edom ay naglagay siya ng mga kuta, at ang lahat ng Edomita ay naging mga alipin ni David. At binigyan ng Panginoon si David ng pagtatagumpay saanman siya pumunta.

15 Kaya't naghari si David sa buong Israel; at naggawad si David ng katarungan at pagkakapantay-pantay sa kanyang buong bayan.

16 At si Joab na anak ni Zeruia ay pinuno ng hukbo; at si Jehoshafat na anak ni Ahilud ay tagapagtala;

17 si Zadok na anak ni Ahitub at si Ahimelec na anak ni Abiatar ay mga pari; at si Seraya ay kalihim;

18 si Benaya na anak ni Jehoiada ay pinuno ng mga Kereteo at Peleteo; at ang mga anak ni David ay mga pari.

Lucas 15:1-10

Ang Nawalang Tupa(A)

15 Noon,(B) ang mga maniningil ng buwis at mga makasalanan ay lumalapit sa kanya upang makinig.

Ang mga Fariseo at mga eskriba ay nagbulung-bulungan, na nagsasabi, “Tinatanggap ng taong ito ang mga makasalanan at kumakaing kasalo nila.”

Kaya't isinalaysay niya sa kanila ang talinghagang ito:

“Sino sa inyo na mayroong isandaang tupa at mawalan ng isa sa mga iyon ay hindi iiwan ang siyamnapu't siyam sa ilang at hahanapin ang nawawala, hanggang sa ito'y kanyang matagpuan?

At kapag natagpuan niya, pinapasan niya ito sa kanyang balikat na nagagalak.

Pag-uwi niya sa tahanan, tinatawag niya ang kanyang mga kaibigan at ang kanyang mga kapitbahay na sinasabi sa kanila, ‘Makigalak kayo sa akin, sapagkat natagpuan ko na ang aking tupang nawala.’

Sinasabi ko sa inyo, magkakaroon ng higit na kagalakan sa langit dahil sa isang makasalanang nagsisisi, kaysa siyamnapu't siyam na taong matutuwid na hindi nangangailangan ng pagsisisi.

Ang Nawalang Pilak

“O sinong babae na may sampung pirasong pilak,[a] na kung mawalan siya ng isang piraso, ay hindi ba magsisindi ng isang ilawan at magwawalis ng bahay, at naghahanap na mabuti hanggang ito'y matagpuan niya?

At kapag matagpuan niya ito ay tinatawag niya ang kanyang mga kaibigan at mga kapitbahay, na nagsasabi, ‘Makigalak kayo sa akin, sapagkat natagpuan ko na ang pilak na nawala sa akin.’

10 Gayundin, sinasabi ko sa inyo, may kagalakan sa harapan ng mga anghel ng Diyos dahil sa isang makasalanang nagsisisi.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001