Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
1 Samuel 10-12

10 Nang magkagayo'y kinuha ni Samuel ang sisidlan ng langis at ibinuhos ang langis sa ulo ni Saul[a] at hinagkan siya; at sinabi, “Hindi ba hinirang ka ng Panginoon upang maging pinuno sa kanyang mana?

Pag-alis mo sa akin ngayon, masasalubong mo ang dalawang lalaki sa tabi ng libingan ni Raquel, sa nasasakupan ng Benjamin sa Selsa; sasabihin nila sa iyo, ‘Ang mga asno na iyong hinahanap ay natagpuan na at ngayon ay hindi na inaalala ng iyong ama ang mga asno at ang inaalala ay kayo na sinasabi, “Ano ang aking gagawin sa aking anak?”’

Kung magkagayo'y magpapatuloy ka mula roon, at darating ka sa ensina ng Tabor. Masasalubong ka roon ng tatlong lalaki na paahon sa Diyos sa Bethel; ang isa'y may dalang tatlong batang kambing, ang isa'y may dalang tatlong tinapay, at ang isa'y may dalang isang balat na sisidlan ng alak.

Babatiin ka nila at bibigyan ka ng dalawang tinapay na iyong tatanggapin mula sa kanila.

Pagkatapos ay darating ka sa burol ng Diyos na kinaroroonan ng isang himpilan ng mga Filisteo. Pagdating mo sa lunsod, makakasalubong ka ng isang pangkat ng mga propeta na lumulusong mula sa mataas na dako, na may alpa, pandereta, plauta, at lira sa harap nila; na nagpapahayag ng propesiya.

Pagkatapos, ang Espiritu ng Panginoon ay makapangyarihang lulukob sa iyo, at magsasalita ka ng propesiya na kasama nila at magiging ibang lalaki.

Kapag ang mga tandang ito ay nangyari sa iyo, gawin mo ang anumang nakikita mong nararapat sapagkat ang Diyos ay kasama mo.

Ikaw ay lulusong na una sa akin sa Gilgal; at, ako'y darating sa iyo upang maghandog ng mga handog na sinusunog, at mag-alay ng mga alay na handog pangkapayapaan. Maghihintay ka ng pitong araw hanggang sa ako'y dumating sa iyo at ipapakita ko sa iyo kung ano ang iyong gagawin.”

Si Saul, Kasama ng Ibang mga Propeta

Nang siya ay tumalikod upang iwan si Samuel ay binigyan siya ng Diyos ng ibang puso; at ang lahat na mga tandang ito ay nangyari sa araw na iyon.

10 Pagdating nila sa Gibea, isang pangkat ng mga propeta ang sumalubong sa kanya; at ang Espiritu ng Diyos ay makapangyarihang sumakanya, at siya'y nagsalita ng propesiya kasama nila.

11 Nang makita ng lahat ng nakakakilala sa kanya nang una kung paano siya magsalita ng propesiya kasama ng mga propeta, ang bayan ay nagsabi sa isa't isa, “Ano itong nangyari sa anak ni Kish? Si Saul ba ay isa na rin sa mga propeta?”

12 Isang(A) lalaking taga-roon ang sumagot at nagsabi, “At sino ang kanilang ama?” Kaya't naging kasabihan, “Si Saul ba ay isa na rin sa mga propeta?”

13 Nang siya'y makatapos makapagsalita ng propesiya, siya'y pumunta sa isang mataas na dako.

14 Sinabi ng tiyo ni Saul sa kanya at sa kanyang lingkod, “Saan kayo pumunta?” At kanyang sinabi, “Upang hanapin ang mga asno at nang ito ay hindi namin matagpuan ay pumunta kami kay Samuel.”

15 Sinabi ng tiyo ni Saul, “Sabihin mo sa akin kung ano ang sinabi ni Samuel sa inyo.”

16 Sinabi ni Saul sa kanyang tiyo, “Sinabi niyang maliwanag sa amin na ang mga asno ay natagpuan na.” Ngunit tungkol sa bagay ng kaharian na sinabi ni Samuel, hindi niya iyon sinabi sa kanya.

Si Saul ay Ipinagbunyi Bilang Hari

17 At tinipon ni Samuel ang bayan sa Panginoon sa Mizpa

18 at sinabi niya sa mga anak ni Israel, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel, ‘Iniahon ko ang Israel mula sa Ehipto, at pinalaya ko kayo sa kamay ng mga taga-Ehipto, at sa kamay ng lahat ng mga kaharian na nagpahirap sa inyo.’

19 Ngunit itinakuwil ninyo sa araw na ito ang inyong Diyos na nagligtas sa inyo mula sa lahat ng inyong kapahamakan at mga kapighatian. Sinabi ninyo sa kanya, ‘Hindi, kundi maglagay ka sa amin ng isang hari.’ Ngayon nga'y humarap kayo sa Panginoon ayon sa inyu-inyong mga lipi, at ayon sa inyong mga libu-libo.”

20 Sa gayo'y pinalapit ni Samuel ang lahat ng mga lipi, at ang lipi ni Benjamin ang nakuha sa palabunutan.

21 Kanyang inilapit ang lipi ni Benjamin ayon sa kanyang mga angkan; at ang angkan ni Matri ay siyang napili. Si Saul na anak ni Kish ay siyang napili ngunit nang kanilang hanapin siya ay hindi natagpuan.

22 Kaya't muli nilang itinanong sa Panginoon, “May lalaki pa bang pupunta rito?” At ang Panginoon ay sumagot, “Tingnan mo, siya'y nagtago sa mga dala-dalahan.”

23 Sila'y tumakbo at kanilang kinuha siya mula roon. Nang siya'y tumayo sa gitna ng taong-bayan, siya ay mas mataas kaysa sinuman sa taong-bayan, mula sa kanyang mga balikat pataas.

24 Sinabi ni Samuel sa buong bayan, “Nakikita ba ninyo siya na pinili ng Panginoon? Walang gaya niya sa buong bayan.” Ang buong bayan ay sumigaw at nagsabi, “Mabuhay ang hari!”

25 Pagkatapos ay sinabi ni Samuel sa taong-bayan ang mga karapatan at katungkulan ng hari; at isinulat niya sa isang aklat at inilagay sa harap ng Panginoon. Pinauwi ni Samuel ang buong bayan, bawat tao sa kanyang bahay.

26 Si Saul man ay umuwi sa kanyang bahay sa Gibea; at humayong kasama niya ang mga mandirigma na ang mga puso ay kinilos ng Diyos.

27 Ngunit sinabi ng ilang hamak na tao, “Paano tayo ililigtas ng taong ito?” At kanilang hinamak siya at hindi nila dinalhan ng kaloob. Ngunit siya'y hindi umimik.

Nagapi ni Saul ang mga Ammonita

11 Pagkalipas ng halos isang buwan[b] sumalakay si Nahas na Ammonita at kinubkob ang Jabes-gilead; at sinabi kay Nahas ng lahat ng lalaki sa Jabes, “Makipagkasundo ka sa amin, at kami ay maglilingkod sa iyo.”

Ngunit sinabi ni Nahas na Ammonita sa kanila, “Makikipagkasundo ako sa inyo kung ipadudukit ninyo sa akin ang inyong mga kanang mata upang mailagay sa kahihiyan ang buong Israel.”

At sinabi sa kanya ng matatanda ng Jabes, “Bigyan mo kami ng palugit na pitong araw upang kami ay makapagpadala ng mga sugo sa buong nasasakupan ng Israel. At kung wala ngang magliligtas sa amin, ibibigay namin ang aming sarili sa iyo.”

Nang dumating sa Gibea ang mga sugo kay Saul, ibinalita nila ang bagay na ito sa pandinig ng taong-bayan at ang buong bayan ay umiyak nang malakas.

Noon, si Saul ay dumarating mula sa bukid sa hulihan ng mga baka; at sinabi ni Saul, “Anong nangyayari sa taong-bayan at sila'y umiiyak?” Kaya't kanilang sinabi sa kanya ang balita ng mga lalaki mula sa Jabes.

At ang Espiritu ng Diyos ay makapangyarihang lumukob kay Saul nang kanyang marinig ang mga salitang iyon, at ang kanyang galit ay lubhang nag-alab.

Siya'y kumuha ng dalawang magkatuwang na baka at kanyang kinatay, at ipinadala niya ang mga piraso sa lahat ng nasasakupan ng Israel sa pamamagitan ng mga sugo, na sinasabi, “Sinumang hindi lumabas upang sumunod kina Saul at Samuel ay ganito rin ang gagawin sa kanyang mga baka.” At ang takot sa Panginoon ay dumating sa mga tao, at sila'y lumabas na parang iisang tao.

Nang kanyang tipunin sila sa Bezec, ang mga anak ni Israel ay tatlongdaang libo, at ang mga lalaki ng Juda ay tatlumpung libo.

At sinabi nila sa mga sugong dumating, “Ganito ang inyong sasabihin sa mga lalaki sa Jabes-gilead, ‘Bukas, sa kainitan ng araw ay magkakaroon ng kaligtasan.’” Nang dumating ang mga sugo at sabihin sa mga lalaki sa Jabes, sila ay natuwa.

10 Kaya't sinabi ng mga lalaki sa Jabes, “Bukas ay ibibigay namin ang aming sarili sa inyo at maaari ninyong gawin sa amin ang lahat ng inaakala ninyong mabuti sa inyo.”

11 Kinabukasan, inilagay ni Saul ang taong-bayan sa tatlong pangkat. Sila'y pumasok sa gitna ng kampo nang mag-umaga na, at pinatay ang mga Ammonita hanggang sa kainitan ng araw. Ang mga nalabi ay nangalat, anupa't walang dalawang naiwang magkasama.

12 At sinabi ng taong-bayan kay Samuel, “Sino ba ang nagsabi, ‘Maghahari ba si Saul sa amin?’ Dalhin dito ang mga taong iyon upang aming patayin sila.”

13 Ngunit sinabi ni Saul, “Walang taong papatayin sa araw na ito, sapagkat ngayo'y gumawa ang Panginoon ng pagliligtas sa Israel.”

14 Nang magkagayo'y sinabi ni Samuel sa taong-bayan, “Halikayo at tayo'y pumunta sa Gilgal, at doon ay ating ibabalik ang kaharian.”

15 At ang buong bayan ay pumunta sa Gilgal at doo'y ginawa nilang hari sa Gilgal si Saul sa harapan ng Panginoon. Doon ay nag-alay sila ng handog pangkapayapaan sa harapan ng Panginoon. Si Saul at ang lahat ng mga lalaki ng Israel ay labis na nagalak doon.

Nagsalita si Samuel sa Bayan

12 Sinabi ni Samuel sa buong Israel, “Narito, aking pinakinggan ang inyong tinig sa lahat ng inyong sinabi sa akin, at naglagay ako ng isang hari para sa inyo.

Tingnan ninyo, ang hari ang nangunguna sa inyo ngayon. Ako'y matanda na at ubanin, ngunit ang aking mga anak ay kasama ninyo. Nanguna ako sa inyo mula sa aking kabataan hanggang sa araw na ito.

Narito ako; sumaksi kayo laban sa akin sa harap ng Panginoon, at sa harap ng kanyang binuhusan ng langis. Kaninong baka ang kinuha ko? O kaninong asno ang kinuha ko? O sino ang aking dinaya? Sino ang aking inapi? O kaninong kamay ako kumuha ng suhol upang bulagin niyon ang aking mga mata? Sumaksi kayo laban sa akin at aking isasauli sa inyo.”

Kanilang sinabi, “Hindi ka nandaya sa amin, ni inapi kami, ni tumanggap man ng anuman sa kamay ng sinuman.”

At sinabi niya sa kanila, “Ang Panginoon ay saksi laban sa inyo at ang kanyang binuhusan ng langis ay saksi sa araw na ito na hindi kayo nakatagpo ng anuman sa aking kamay.” At kanilang sinabi, “Siya'y saksi.”

At(B) sinabi ni Samuel sa bayan, “Ang Panginoon ang siyang humirang kina Moises at Aaron at siyang naglabas sa inyong mga ninuno mula sa lupain ng Ehipto.

Ngayon nga'y tumayo kayo, upang ako'y makiusap na kasama ninyo sa harap ng Panginoon tungkol sa lahat ng matuwid na gawa ng Panginoon na kanyang ginawa sa inyo at sa inyong mga ninuno.

Nang(C) si Jacob ay makapasok sa Ehipto, at ang inyong mga ninuno ay dumaing sa Panginoon, sinugo ng Panginoon sina Moises at Aaron, na siyang naglabas sa inyong mga ninuno mula sa Ehipto, at pinatira sila sa lugar na ito.

Ngunit(D) nilimot nila ang Panginoon nilang Diyos. Kanyang ipinagbili sila sa kamay ni Sisera, na pinuno ng hukbo ni Hazor, at sa kamay ng mga Filisteo, at sa kamay ng hari sa Moab; at sila'y nakipaglaban sa kanila.

10 Sila'y(E) dumaing sa Panginoon at nagsabi, ‘Kami ay nagkasala, sapagkat tinalikuran namin ang Panginoon at naglingkod kami sa mga Baal at sa mga Astarot; ngunit ngayo'y iligtas mo kami sa kamay ng aming mga kaaway at kami ay maglilingkod sa iyo.’

11 Kaya't(F) isinugo ng Panginoon sina Jerubaal, Bedan,[c] Jefta, at si Samuel, at iniligtas kayo sa kamay ng inyong mga kaaway sa bawat dako, at kayo'y nanirahang tiwasay.

12 Nang(G) makita ninyo na si Nahas na hari ng mga anak ni Ammon ay dumating laban sa inyo, ay inyong sinabi sa akin, ‘Hindi, kundi isang hari ang maghahari sa amin;’ bagaman ang Panginoon ninyong Diyos ay siya ninyong hari.

13 Ngayon nga'y masdan ninyo ang hari na inyong pinili, na siya ninyong hiningi: at, tingnan ninyo, nilagyan kayo ng Panginoon sa inyo ng isang hari.

14 Kung kayo'y matatakot sa Panginoon, maglilingkod sa kanya, makikinig sa kanyang tinig, at hindi maghihimagsik laban sa utos ng Panginoon, at kung kayo at ang hari na naghahari sa inyo ay magiging masunurin sa Panginoon ninyong Diyos, ito ay magiging mabuti.

15 Ngunit kung hindi ninyo papakinggan ang tinig ng Panginoon, kundi maghihimagsik kayo laban sa utos ng Panginoon, ay magiging laban sa inyo ang kamay ng Panginoon gaya ng sa inyong mga ninuno.

16 Ngayon ay tumahimik kayo at tingnan ninyo ang dakilang bagay na ito na gagawin ng Panginoon sa harap ng inyong mga paningin.

17 Hindi ba pag-aani ng trigo ngayon? Ako'y tatawag sa Panginoon upang siya'y magpadala ng kulog at ulan; at inyong malalaman at makikita na napakalaki ang kasamaan na inyong ginawa sa paningin ng Panginoon sa paghingi ninyo para sa inyong sarili ng isang hari.”

18 Kaya't tumawag si Samuel sa Panginoon at ang Panginoon ay nagpadala ng kulog at ulan nang araw na iyon. Ang buong bayan ay lubhang natakot sa Panginoon at kay Samuel.

19 Sinabi ng buong bayan kay Samuel, “Ipanalangin mo ang iyong mga lingkod sa Panginoon mong Diyos upang huwag kaming mamatay; sapagkat aming idinagdag sa lahat ng aming mga kasalanan ang kasamaan ng paghingi para sa amin ng isang hari.”

20 At sinabi ni Samuel sa bayan, “Huwag kayong matakot, tunay na inyong ginawa ang buong kasamaang ito; gayunma'y huwag kayong lumihis mula sa pagsunod sa Panginoon, kundi kayo'y maglingkod nang buong puso sa Panginoon.

21 Huwag kayong bumaling sa pagsunod sa mga bagay na walang kabuluhan na hindi magbibigay ng pakinabang o makapagliligtas, sapagkat ang mga iyon ay walang kabuluhan.

22 Sapagkat hindi itatakuwil ng Panginoon ang kanyang bayan alang-alang sa kanyang dakilang pangalan, sapagkat kinalugdan ng Panginoon na gawin kayong bayan para sa kanya.

23 Bukod dito, sa ganang akin, huwag nawang mangyari sa akin na ako'y magkasala laban sa Panginoon sa paghinto ng pananalangin para sa inyo, kundi ituturo ko sa inyo ang mabuti at matuwid na daan.

24 Matakot lamang kayo sa Panginoon, at maglingkod kayo nang tapat sa kanya ng inyong buong puso. Alalahanin ninyo ang mga dakilang bagay na kanyang ginawa sa inyo.

25 Ngunit kung kayo'y gagawa pa rin ng kasamaan, kayo at ang inyong hari ay mapupuksa.”

Lucas 9:37-62

Pinagaling ni Jesus ang Batang Lalaki(A)

37 Nang sumunod na araw, pagbaba nila mula sa bundok ay sinalubong siya ng napakaraming tao.

38 At may isang lalaki mula sa maraming tao ang sumigaw, “Guro, nakikiusap ako sa iyo na tingnan mo ang aking anak na lalaki, sapagkat siya'y aking kaisa-isang anak.

39 Walang anu-ano'y inaalihan siya ng isang espiritu at biglang nagsisigaw. Siya'y pinangingisay nito hanggang sa bumula ang kanyang bibig, at siya'y binubugbog, at halos ayaw siyang hiwalayan.

40 Hiniling ko sa iyong mga alagad na palayasin ito subalit hindi nila kaya.”

41 Sumagot si Jesus, “O lahing walang pananampalataya at napakasama, hanggang kailan ako makikisama sa inyo at magtitiis sa inyo? Dalhin mo rito ang iyong anak.”

42 Samantalang siya'y lumalapit ay itinumba siya ng demonyo, at pinapangisay. Subalit sinaway ni Jesus ang karumaldumal na espiritu, pinagaling ang bata, at isinauli siya sa kanyang ama.

Muling Binanggit ni Jesus ang tungkol sa Kanyang Kamatayan(B)

43 Ang lahat ay namangha sa kadakilaan ng Diyos. Subalit habang ang lahat ay namamangha sa lahat ng kanyang ginagawa ay sinabi niya sa kanyang mga alagad,

44 “Hayaang ang mga salitang ito ay pumasok sa inyong mga tainga, sapagkat ang Anak ng Tao ay ibibigay sa mga kamay ng mga tao.”

45 Subalit hindi nila naunawaan ang pananalitang ito at ito'y inilihim sa kanila, upang ito'y hindi nila mabatid. At natakot silang magtanong sa kanya tungkol sa salitang ito.

Sino ang Pinakadakila(C)

46 Nagkaroon(D) ng isang pagtatalo sa kanila kung sino sa kanila ang pinakadakila.

47 Subalit dahil batid ni Jesus ang iniisip ng kanilang puso, kumuha siya ng isang maliit na bata at inilagay sa kanyang tabi.

48 At(E) sinabi sa kanila, “Sinumang tumanggap sa maliit na batang ito sa aking pangalan ay tinatanggap ako, at ang sinumang tumanggap sa akin, ay tinatanggap ang nagsugo sa akin, sapagkat ang pinakahamak sa inyong lahat ay siyang dakila.”

Sinumang Hindi Laban sa Inyo ay Kapanalig Ninyo(F)

49 Sumagot si Juan, “Panginoon, may nakita kaming nagpapalayas ng mga demonyo sa pangalan mo at aming pinagbawalan siya, sapagkat hindi siya sumusunod na kasama namin.”

50 Subalit sinabi sa kanya ni Jesus, “Huwag ninyo siyang pagbawalan, sapagkat ang hindi laban sa inyo ay kapanalig ninyo.”

Hindi Tinanggap si Jesus sa Nayon ng mga Samaritano

51 Nang malapit na ang mga araw upang siya'y tanggapin sa itaas, itinutok niya ang kanyang sarili[a] sa pagpunta sa Jerusalem.

52 Nagpadala siya ng mga sugo na una sa kanya. Humayo sila at pumasok sa isang nayon ng mga Samaritano upang maghanda para sa kanya.

53 Subalit hindi nila tinanggap siya, sapagkat siya[b] ay nakatutok sa Jerusalem.

54 At(G) nang makita ito nina Santiago at Juan na kanyang mga alagad ay sinabi nila, “Panginoon, ibig mo bang kami ay magpababa ng apoy mula sa langit upang sila'y tupukin?”[c]

55 Subalit humarap siya at sila'y sinaway.[d] At sila'y pumunta sa ibang nayon.

Ang mga Nais Sumunod kay Jesus(H)

57 Habang naglalakad sila sa daan ay may nagsabi sa kanya, “Ako'y susunod sa iyo saan ka man magpunta.”

58 At sinabi sa kanya ni Jesus, “Ang mga asong-gubat ay may mga lungga at ang mga ibon sa himpapawid ay may mga pugad, subalit ang Anak ng Tao ay walang mapaghiligan man lamang ng kanyang ulo.”

59 Sinabi niya sa iba, “Sumunod ka sa akin.” Subalit siya'y sumagot, “Panginoon, hayaan mo muna akong umalis at ilibing ko ang aking ama.”

60 Subalit sinabi ni Jesus[e] sa kanya, “Hayaan mong ilibing ng mga patay ang kanilang sariling patay. Subalit para sa iyo, humayo ka at ipahayag mo ang kaharian ng Diyos.”

61 At(I) sinabi naman ng isa pa, “Ako'y susunod sa iyo, Panginoon, subalit hayaan mo muna akong magpaalam sa mga nasa bahay ko.”

62 Subalit sinabi sa kanya ni Jesus, “Walang sinumang humahawak sa araro at tumitingin sa mga nasa likuran ang karapat-dapat sa kaharian ng Diyos.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001