Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
2 Samuel 12-13

Sinaway ni Natan si David

12 At(A) isinugo ng Panginoon si Natan kay David. Siya'y pumaroon sa kanya at sinabi sa kanya, “May dalawang lalaki sa isang lunsod, ang isa ay mayaman at ang isa ay mahirap.

Ang mayaman ay mayroong napakaraming kawan at bakahan;

ngunit ang mahirap ay walang anumang bagay liban sa isang munting babaing kordero na kanyang binili. Kanyang inalagaan ito at lumaki sa piling niya at ng kanyang mga anak. Kumakain ito ng kanyang sariling pagkain at umiinom sa kanyang sariling inuman, at humihiga sa kanyang kandungan, at sa kanya'y parang isang anak na babae.

Noon ay may dumating na manlalakbay sa mayaman. Ayaw niyang kumuha mula sa kanyang sariling kawan at sa kanyang sariling bakahan para sa manlalakbay na dumating sa kanya. Sa halip ay kinuha niya ang kordero ng taong mahirap at inihanda sa lalaking dumating sa kanya.”

At ang galit ni David ay labis na nagningas laban sa lalaki; at kanyang sinabi kay Natan, “Habang buháy ang Panginoon, ang lalaking gumawa nito ay karapat-dapat na mamatay;

kanyang ibabalik ang kordero na may dagdag na apat, sapagkat kanyang ginawa ang bagay na ito, at sapagkat siya'y walang habag.”

Sinabi ni Natan kay David, “Ikaw ang lalaking iyon. Ganito ang sabi ng Panginoon, ang Diyos ng Israel, ‘Binuhusan kita ng langis upang maging hari ng Israel, at iniligtas kita sa kamay ni Saul.

Ibinigay ko sa iyo ang bahay ng iyong panginoon, ang mga asawa ng iyong panginoon sa iyong kandungan, at ang sambahayan ng Israel at ng Juda; at kung ito ay maliit pa ay daragdagan pa kita ng higit.

Bakit mo hinamak ang salita ng Panginoon upang gumawa ng masama sa kanyang paningin? Tinaga mo ng tabak si Urias na Heteo, at kinuha mo ang kanyang asawa upang maging iyong asawa, at pinaslang mo siya sa pamamagitan ng tabak ng mga Ammonita.

10 Kaya ngayon ay hindi hihiwalay kailanman ang tabak sa iyong sambahayan; sapagkat hinamak mo ako, at kinuha mo ang asawa ni Urias na Heteo upang maging iyong asawa.’

11 Ganito(B) ang sabi ng Panginoon, ‘Ako'y magpapabangon ng kasamaan laban sa iyo mula sa iyong sariling sambahayan, at kukunin ko ang iyong mga asawa sa harap ng iyong paningin, at aking ibibigay sa iyong kapwa; at kanyang sisipingan ang iyong mga asawa sa liwanag ng araw na ito.

12 Lihim mo itong ginawa, ngunit gagawin ko ang bagay na ito sa harap ng buong Israel, at sa harap ng araw.’”

13 At sinabi ni David kay Natan, “Ako'y nagkasala laban sa Panginoon.” At sinabi ni Natan kay David, “Inalis din ng Panginoon ang iyong kasalanan; hindi ka mamamatay.

14 Gayunman, sapagkat sa pamamagitan ng gawang ito'y binigyan mo ng dahilan ang mga kaaway ng Panginoon, na lumapastangan,[a] ang bata naman na ipinanganak sa iyo ay mamamatay.”

Namatay ang Anak ni David

15 Pagkatapos, si Natan ay umuwi sa kanyang bahay. Sinaktan ng Panginoon ang bata na ipinanganak ng asawa ni Urias kay David, at ito ay nagkasakit.

16 Kaya't nagmakaawa si David sa Diyos para sa bata; at si David ay nag-ayuno at pumasok at humiga sa lupa buong magdamag.

17 Ang matatanda sa kanyang bahay ay tumatayo sa tabi niya upang itindig siya sa lupa; ngunit ayaw niya, ni hindi siya kumain ng tinapay na kasalo nila.

18 Nang ikapitong araw, ang bata ay namatay. Natakot ang mga lingkod ni David na sabihin sa kanya na ang bata ay patay na; sapagkat kanilang sinabi, “Samantalang ang bata ay buháy pa, tayo ay nakipag-usap sa kanya, at hindi siya nakinig sa atin; kaya't paano natin sasabihin sa kanya na ang bata ay patay na? Baka saktan niya ang kanyang sarili.”

19 Ngunit nang makita ni David na ang kanyang mga lingkod ay nagbubulung-bulungan, nahiwatigan ni David na ang bata ay patay na. Kaya't itinanong ni David sa kanyang mga lingkod, “Patay na ba ang bata?” At kanilang sinabi, “Siya'y patay na.”

20 Nang magkagayo'y bumangon si David sa lupa at naligo, nagbuhos at nagbihis ng kanyang damit; at siya'y pumunta sa bahay ng Panginoon at sumamba. Pagkatapos ay pumunta siya sa kanyang sariling bahay; at nang siya'y humingi, kanilang hinainan siya ng pagkain at siya'y kumain.

21 Sinabi sa kanya ng kanyang mga lingkod, “Anong bagay ito na iyong ginawa? Ikaw ay nag-ayuno at umiyak dahil sa bata nang siya'y buháy pa; ngunit nang mamatay ang bata, ikaw ay bumangon at kumain ng tinapay.”

22 At kanyang sinabi, “Nang ang bata'y buháy pa, ako'y nag-ayuno at umiyak, sapagkat aking sinabi, ‘Sino ang nakakaalam kung maaawa sa akin ang Panginoon, upang ang bata'y mabuhay?’

23 Ngunit ngayo'y patay na siya; bakit pa ako mag-aayuno? Maibabalik ko pa ba siya? Ako'y pupunta sa kanya, ngunit siya'y hindi babalik sa akin.”

Ipinanganak si Solomon

24 At inaliw ni David si Batseba na kanyang asawa, lumapit siya sa kanya, at sumiping sa kanya. Siya'y nanganak ng isang lalaki, at tinawag niya ang kanyang pangalan na Solomon. Minahal siya ng Panginoon;

25 at nagpadala ng mensahe sa pamamagitan ni Natan na propeta; kaya't tinawag niya ang kanyang pangalan na Jedidiah,[b] dahil sa Panginoon.

Nasakop ni David ang Rabba(C)

26 Noon ay nakipaglaban si Joab sa Rabba ng mga Ammonita at sinakop ang pangunahing lunsod.

27 Nagpadala si Joab ng mga sugo kay David, at nagsabi, “Ako'y nakipaglaban sa Rabba, bukod dito, aking sinakop ang lunsod ng tubig.

28 Ngayo'y tipunin mo ang nalabi sa bayan, at humimpil ka laban sa lunsod, at sakupin mo; baka sakupin ko ang lunsod at tawagin ito ayon sa aking pangalan.”

29 Tinipon ni David ang buong bayan at pumunta sa Rabba, at lumaban doon at sinakop ito.

30 Kinuha niya ang korona ng kanilang hari sa kanyang ulo; ang bigat niyon ay isang talentong ginto, at sa mga iyon ay may mahahalagang bato; at ipinutong iyon sa ulo ni David. Siya'y naglabas ng napakaraming samsam sa lunsod.

31 At kanyang inilabas ang mga taong naroon, at pinagawa sa pamamagitan ng mga lagari, mga suyod na bakal, mga palakol na bakal, at sa mga lutuan ng laryo. Gayon ang ginawa niya sa lahat ng mga bayan ng mga Ammonita. Pagkatapos, si David at ang buong bayan ay bumalik sa Jerusalem.

Sina Amnon at Tamar

13 Samantala, si Absalom na anak ni David ay mayroong isang kapatid na magandang babae na ang pangalan ay Tamar. At umibig sa kanya si Amnon na anak ni David.

At si Amnon ay lubhang naligalig, kaya't siya'y gumawa ng paraan upang magkasakit dahil sa kanyang kapatid na si Tamar; sapagkat siya'y birhen at inaakala ni Amnon na napakahirap siyang gawan ng anumang bagay.

Ngunit si Amnon ay may isang kaibigan na ang pangala'y Jonadab, na anak ni Shimeah na kapatid ni David. At si Jonadab ay isang taong napakatuso.

Sinabi niya sa kanya, “O anak ng hari, bakit tuwing umaga ay mukhang may sakit ka? Hindi mo ba sasabihin sa akin?” At sinabi ni Amnon sa kanya, “Umiibig ako kay Tamar na kapatid ng kapatid kong si Absalom.”

Sinabi ni Jonadab sa kanya, “Mahiga ka sa iyong higaan at magsakit-sakitan ka. Kapag dumating ang iyong ama upang tingnan ka, sabihin mo sa kanya, ‘Papuntahin mo rito ang aking kapatid na si Tamar at bigyan ako ng tinapay na makakain, at maghanda ng pagkain sa aking harapan na aking nakikita, at kainin iyon mula sa kanyang kamay.’”

Kaya't nahiga si Amnon at nagsakit-sakitan. Nang dumating ang hari upang tingnan siya, sinabi ni Amnon sa hari, “Hinihiling ko sa iyo na papuntahin mo rito ang aking kapatid na si Tamar, at igawa ako ng dalawang maliit na tinapay sa aking harapan upang aking makain mula sa kanyang kamay.”

Nang magkagayo'y ipinasundo ni David si Tamar na sinasabi, “Pumunta ka ngayon sa bahay ng iyong kapatid na si Amnon at ipaghanda mo siya ng pagkain.”

Kaya't pumunta si Tamar sa bahay ng kanyang kapatid na si Amnon na doon ay nakahiga siya. Siya'y kumuha ng isang masa, minasa ito at ginawang mga tinapay sa kanyang harapan, at nilutong mga munting tinapay.

Kinuha niya ang kawali at inalis ang laman sa harap ni Amnon[c] ngunit ayaw niyang kumain. At sinabi ni Amnon, “Palabasin ang lahat ng tao sa harap ko.” Kaya't silang lahat ay lumabas sa harap niya.

10 Sinabi ni Amnon kay Tamar, “Dalhin mo sa silid ang pagkain upang aking kainin mula sa iyong kamay.” At kinuha ni Tamar ang mga tinapay na kanyang ginawa at dinala sa silid kay Amnon na kanyang kapatid.

11 Ngunit nang ilapit niya sa kanya upang kainin, kanyang hinawakan siya, at sinabi niya sa kanya, “Halika, sumiping ka sa akin, kapatid ko.”

12 Sumagot siya, “Huwag, kapatid ko, huwag mo akong pilitin. Sapagkat ang ganyang bagay ay hindi ginagawa sa Israel. Huwag kang gumawa ng ganitong kalokohan.

13 At tungkol sa akin, saan ko dadalhin ang aking hiya? At tungkol sa iyo, ikaw ay magiging gaya ng isa sa mga hangal sa Israel. Ngayon nga, hinihiling ko sa iyo, makipag-usap ka sa hari, sapagkat hindi niya ako ipagkakait sa iyo.”

14 Gayunma'y hindi siya nakinig kay Tamar. Palibhasa'y mas malakas kaysa babae, kanyang pinilit ito na sumiping sa kanya.

15 Pagkatapos ay kinapootan siya nang matindi ni Amnon at ang poot na kanyang ikinapoot sa kanya ay mas matindi kaysa pag-ibig na iniukol niya sa kanya. At sinabi ni Amnon sa kanya, “Bangon, umalis ka na.”

16 Ngunit sinabi niya sa kanya, “Huwag, kapatid ko, sapagkat itong kasamaan sa pagpapaalis mo sa akin ay higit pa kaysa ginawa mo sa akin.” Ngunit ayaw niyang makinig sa kanya.

17 Tinawag niya ang kabataang naglingkod sa kanya at sinabi, “Ilabas mo ang babaing ito at ikandado mo ang pintuan paglabas niya.”

18 Siya'y may suot na mahabang damit na may manggas; sapagkat gayon ang damit na isinusuot ng mga birheng anak na babae ng hari. Kaya't inilabas siya ng kanyang lingkod at ikinandado ang pintuan pagkalabas niya.

19 Naglagay si Tamar ng mga abo sa kanyang ulo, at pinunit ang mahabang damit na suot niya. Ipinatong niya ang kanyang kamay sa kanyang ulo at umalis na umiiyak nang malakas sa daan.

20 At sinabi sa kanya ni Absalom na kanyang kapatid, “Nakasama mo ba ang kapatid mong si Amnon? Ngayo'y tumahimik ka, kapatid ko. Siya'y iyong kapatid; huwag mong damdamin ang bagay na ito.” Kaya't si Tamar ay nanatili na isang babaing malungkot sa bahay ng kanyang kapatid na si Absalom.

21 Ngunit nang mabalitaan ni Haring David ang lahat ng mga bagay na ito, siya'y galit na galit.

22 Ngunit si Absalom ay hindi nagsalita ng mabuti o masama kay Amnon, sapagkat kinapopootan ni Absalom si Amnon dahil hinalay niya ang kanyang kapatid na si Tamar.

Naghiganti si Absalom

23 Pagkalipas ng dalawang buong taon, si Absalom ay mayroong mga tagagupit ng tupa sa Baal-hazor na malapit sa Efraim at inanyayahan ni Absalom ang lahat ng mga anak na lalaki ng hari.

24 Pumunta si Absalom sa hari, at sinabi niya, “Ang iyong lingkod ay may mga tagagupit ng mga tupa. Hinihiling ko sa iyo na ang hari at ang kanyang mga lingkod ay sumama sa iyong lingkod.”

25 Ngunit sinabi ng hari kay Absalom, “Huwag, anak ko. Huwag mo kaming papuntahing lahat, baka maging pabigat kami sa iyo.” Kanyang pinilit siya, subalit hindi siya sumama, ngunit ibinigay niya ang kanyang basbas.

26 Nang magkagayo'y sinabi ni Absalom, “Kung hindi, hinihiling ko sa iyo na pasamahin mo sa amin ang aking kapatid na si Amnon.” At sinabi ng hari sa kanya, “Bakit siya sasama sa iyo?”

27 Ngunit pinilit siya ni Absalom, kaya't kanyang pinasama sa kanya si Amnon at ang lahat ng mga anak ng hari.

28 Iniutos ni Absalom sa kanyang mga lingkod, “Tandaan ninyo ngayon, kapag ang puso ni Amnon ay masaya na dahil sa alak, at kapag sinabi ko sa inyo, ‘Saktan ninyo si Amnon,’ ay patayin nga ninyo siya. Huwag kayong matakot; hindi ba ako ang nag-uutos sa inyo? Kayo'y magpakalakas at magpakatapang.”

29 Ginawa ng mga lingkod ni Absalom kay Amnon kung ano ang iniutos ni Absalom. Nang magkagayo'y tumindig ang lahat ng mga anak ng hari, at sumakay ang bawat lalaki sa kanyang mola at tumakas.

30 Samantalang sila'y nasa daan, may balitang nakarating kay David na sinasabing, “Pinatay ni Absalom ang lahat ng mga anak ng hari, at walang nalabing isa man sa kanila.”

31 Nang magkagayo'y tumindig ang hari at pinunit ang kanyang mga suot, at humiga sa lupa; at ang lahat niyang mga lingkod na nakatayo sa palibot niya ay pinunit ang kanilang mga damit.

32 Ngunit si Jonadab na anak ni Shimeah na kapatid ni David ay sumagot at nagsabi, “Huwag akalain ng aking panginoon na kanilang pinatay ang lahat ng mga binatang anak ng hari, sapagkat si Amnon lamang ang pinatay. Sapagkat sa utos ni Absalom, ito ay itinakda na, mula nang araw na kanyang halayin ang kanyang kapatid na si Tamar.

33 Ngayon nga'y huwag itong damdamin ng aking panginoong hari na akalaing ang lahat ng mga anak ng hari ay patay na; sapagkat si Amnon lamang ang patay.”

Si Absalom ay Tumakas sa Geshur

34 Ngunit si Absalom ay tumakas. Nang ang kabataang nagbabantay ay nagtaas ng kanyang mga mata, at tumingin at nakita niya ang maraming taong dumarating mula sa daang Horonaim sa gilid ng bundok.

35 Sinabi ni Jonadab sa hari, “Ang mga anak ng hari ay dumating na; ayon sa sinabi ng inyong lingkod, ay gayon nga.”

36 Pagkatapos niyang makapagsalita, ang mga anak ng hari ay nagdatingan, at inilakas ang kanilang tinig at umiyak; ang hari at ang lahat niyang mga lingkod ay mapait na umiyak.

37 Ngunit(D) tumakas si Absalom at pumunta kay Talmai na anak ni Amihud na hari ng Geshur. At tinangisan ni David ang kanyang anak na lalaki araw-araw.

38 Kaya't tumakas si Absalom at pumunta sa Geshur at nanirahan doon sa loob ng tatlong taon.

39 Si Haring David ay nanabik na puntahan si Absalom, sapagkat siya'y naaliw na tungkol kay Amnon, yamang siya ay patay na.

Lucas 16

Ang Tusong Katiwala

16 Sinabi rin ni Jesus[a] sa mga alagad, “May isang taong mayaman na may isang katiwala, at isinumbong sa kanya na nilulustay ng taong ito ang kanyang mga kayamanan.

At kanyang tinawag siya, at sa kanya'y sinabi, ‘Ano itong nababalitaan ko tungkol sa iyo? Magbigay-sulit ka ng ipinagkatiwala sa iyo, sapagkat hindi ka na maaaring maging katiwala pa.’

Sinabi ng katiwala sa kanyang sarili, ‘Anong gagawin ko yamang inaalis sa akin ng aking panginoon ang pagiging katiwala? Hindi ko kayang maghukay at nahihiya akong mamalimos.

Naipasiya ko na ang aking gagawin, upang matanggap ako ng mga tao sa kanilang bahay kapag pinaalis na ako sa pagiging katiwala.’

Kaya't nang tawagin niyang isa-isa ang mga may utang sa kanyang panginoon, ay sinabi niya sa una, ‘Magkano ang utang mo sa aking panginoon?’

At sinabi niya, ‘Isang daang takal na langis.’ At sinabi niya sa kanya, ‘Kunin mo ang iyong kasulatan at maupo ka at isulat mo kaagad ang limampu.’

Pagkatapos ay sinabi niya sa iba, ‘Magkano ang utang mo?’ Sinabi niya, ‘Isang daang takal na trigo.’ Sinabi niya sa kanya, ‘Kunin mo ang iyong kasulatan at isulat mo ang walumpu.’

At pinuri ng panginoon ang madayang katiwala, sapagkat siya'y gumawang may katusuhan, sapagkat ang mga anak ng sanlibutang ito ay higit na tuso sa pakikitungo sa sarili nilang lahi kaysa mga anak ng liwanag.

At sinasabi ko sa inyo, makipagkaibigan kayo para sa inyong mga sarili sa pamamagitan ng mga kayamanan ng kalikuan upang kung ito'y maubos na, ay kanilang tanggapin kayo sa mga walang hanggang tahanan.[b]

10 “Ang tapat sa kakaunti ay tapat din naman sa marami at ang di-tapat sa kakaunti ay di rin naman tapat sa marami.

11 Kung kayo nga'y hindi naging tapat sa kayamanan ng kalikuan, sino ang magtitiwala sa inyo ng mga tunay na kayamanan?

12 At kung hindi kayo naging tapat sa kayamanan ng iba, sino ang sa inyo'y magbibigay ng sarili ninyong pag-aari.

13 Walang(A) aliping makapaglilingkod sa dalawang panginoon, sapagkat kapopootan niya ang isa, at iibigin ang ikalawa, o kaya'y magiging tapat sa isa at hahamakin ang ikalawa. Hindi kayo makapaglilingkod sa Diyos at sa mga kayamanan.”[c]

Ang Kautusan at ang Kaharian ng Diyos(B)

14 Narinig ng mga Fariseo na pawang maibigin sa salapi ang lahat ng mga bagay na ito at kanilang tinuya si Jesus.[d]

15 At sinabi niya sa kanila, “Kayo ang mga nagmamatuwid sa inyong sarili sa paningin ng mga tao, subalit nalalaman ng Diyos ang inyong mga puso. Sapagkat ang dinadakila ng mga tao ay kasuklamsuklam sa paningin ng Diyos.

16 “Ang(C) kautusan at ang mga propeta ay hanggang kay Juan; mula noon, ang magandang balita ng kaharian ng Diyos ay ipinangangaral, at ang bawat isa ay sapilitang pumapasok doon.[e]

17 Ngunit(D) mas madali pa para sa langit at lupa na lumipas, kaysa maalis ang isang kudlit sa kautusan.

18 “Ang(E) bawat humihiwalay sa kanyang asawang babae at nag-asawa ng iba ay nagkakasala ng pangangalunya, at ang nag-aasawa sa babaing hiniwalayan ng kanyang asawa ay nagkakasala ng pangangalunya.

Ang Mayamang Lalaki at si Lazaro

19 “Mayroong isang taong mayaman na nagsusuot ng kulay ube at pinong lino at nagpipista araw-araw sa maraming pagkain.

20 At sa kanyang pintuan ay nakahandusay ang isang pulubi na ang pangala'y Lazaro, na punô ng mga sugat,

21 na naghahangad na makakain mula sa mga nahuhulog sa hapag ng mayaman. Maging ang mga aso ay lumalapit at hinihimuran ang kanyang mga sugat.

22 At nangyari, namatay ang pulubi at siya'y dinala ng mga anghel sa kandungan ni Abraham. Namatay din naman ang mayaman at inilibing.

23 At mula sa Hades na kanyang pinagdurusahan ay tumingala siya at nakita sa malayo si Abraham at si Lazaro sa kanyang kandungan.

24 Siya'y sumigaw at sinabi, ‘Amang Abraham, maawa ka sa akin, at suguin mo si Lazaro, upang itubog niya sa tubig ang dulo ng kanyang daliri, at palamigin ang aking dila, sapagkat naghihirap ako sa apoy na ito.’

25 Subalit sinabi ni Abraham, ‘Anak, alalahanin mo na sa iyong buhay ay tinanggap mo ang iyong mabubuting bagay, at si Lazaro naman ay ang masasamang bagay. Subalit ngayon ay inaaliw siya rito at ikaw ay nagdurusa.

26 Bukod dito, may isang malaking banging inilagay sa pagitan natin, upang ang mga nagnanais tumawid buhat dito patungo sa inyo ay hindi maaari at wala ring makatatawid mula riyan patungo sa amin.’

27 At sinabi niya, ‘Kung gayo'y ipinapakiusap ko sa iyo, ama, na isugo mo siya sa bahay ng aking ama,

28 sapagkat ako'y may limang kapatid na lalaki, upang magpatotoo sa kanila nang hindi rin sila mapunta sa dakong ito ng pagdurusa.

29 Subalit sinabi ni Abraham, ‘Nasa kanila si Moises at ang mga propeta, hayaan mo silang makinig sa kanila.’

30 Sinabi niya, ‘Hindi, amang Abraham, subalit kung ang isang mula sa mga patay ay pumunta sa kanila, sila'y magsisisi.’

31 At sinabi niya sa kanya, ‘Kung hindi nila pinapakinggan si Moises at ang mga propeta, hindi rin sila mahihikayat, kahit may isang bumangon mula sa mga patay.’”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001