Old/New Testament
Ang Pakikipaglaban sa mga Filisteo
13 Si Saul ay …[a] taong gulang nang siya'y magsimulang maghari; at siya'y naghari ng … at dalawang[b] taon sa Israel.
2 Pumili si Saul ng tatlong libong lalaki sa Israel. Ang dalawang libo ay kasama ni Saul sa Mikmas at sa maburol na lupain ng Bethel, at ang isang libo ay kasama ni Jonathan sa Gibea ng Benjamin. Ang nalabi sa mga tao ay pinauwi niya, bawat isa sa kanyang tolda.
3 Ginapi ni Jonathan ang tanggulan ng mga Filisteo na nasa Geba at ito ay nabalitaan ng mga Filisteo. At hinipan ni Saul ang trumpeta sa buong lupain, na sinasabi, “Makinig ang mga Hebreo.”
4 At narinig ng buong Israel na nagapi ni Saul ang tanggulan ng mga Filisteo, at ang Israel naman ay naging kasuklamsuklam sa mga Filisteo. At ang taong-bayan ay tinawagan upang sumanib kay Saul sa Gilgal.
Si Saul sa Gilgal
5 Ang mga Filisteo ay nagtipun-tipon upang lumaban sa Israel, tatlumpung libong karwahe at anim na libong mangangabayo, at ang hukbo ay gaya ng buhangin sa baybayin ng dagat sa dami; at sila'y umahon at humimpil sa Mikmas sa silangan ng Bet-haven.
6 Nang makita ng mga kalalakihan ng Israel na sila'y nasa kagipitan, (sapagkat ang taong-bayan ay naiipit) ang taong-bayan ay nagkubli sa mga yungib, mga lungga, batuhan, mga libingan, at sa mga balon.
7 Ang iba sa mga Hebreo ay tumawid sa Jordan patungo sa lupain ng Gad at ng Gilead; ngunit si Saul ay nasa Gilgal at ang buong bayan ay sumunod sa kanya na nanginginig.
8 Siya'y(A) naghintay ng pitong araw ayon sa panahong itinakda ni Samuel; ngunit si Samuel ay hindi dumating sa Gilgal; at ang taong-bayan ay nagsimulang humiwalay kay Saul.[c]
9 Kaya't sinabi ni Saul, “Dalhin dito sa akin ang handog na susunugin, at ang handog pangkapayapaan.” At kanyang inialay ang handog na sinusunog.
10 Pagkatapos niyang maialay ang handog na sinusunog, si Samuel ay dumating. Lumabas si Saul upang salubungin siya at batiin.
Maling Paghahandog ni Saul
11 Sinabi ni Samuel, “Anong ginawa mo?” At sinabi ni Saul, “Nang aking makita na ang taong-bayan ay humihiwalay sa akin, at hindi ka dumating sa loob ng mga takdang araw, at ang mga Filisteo ay nagkatipon sa Mikmas;
12 ay aking sinabi, ‘Ngayo'y lulusungin ako ng mga Filisteo sa Gilgal, at hindi ko pa nahihingi ang biyaya ng Panginoon;’ kaya't pinilit ko ang aking sarili at inialay ko ang handog na sinusunog.”
13 Sinabi ni Samuel kay Saul, “Kahangalan ang ginagawa mo. Hindi mo tinupad ang utos ng Panginoon mong Diyos na iniutos niya sa iyo. Ngayo'y itinatag sana ng Panginoon ang iyong kaharian sa Israel magpakailanman.
14 Ngunit(B) ngayon ay hindi na magpapatuloy ang iyong kaharian. Ang Panginoon ay humanap na ng isang lalaking ayon sa kanyang sariling puso, at itinalaga siya ng Panginoon upang maging pinuno sa kanyang bayan, sapagkat hindi mo tinupad ang iniutos ng Panginoon sa iyo.”
15 Tumindig si Samuel at umahon mula sa Gilgal patungo sa Gibea ng Benjamin. Binilang ni Saul ang mga taong kasama niya, may animnaraang lalaki.
16 Si Saul, si Jonathan na kanyang anak, at ang mga taong kasama nila ay tumigil sa Geba ng Benjamin; ngunit ang mga Filisteo ay humimpil sa Mikmas.
17 At ang mga mananalakay ay lumabas na tatlong pangkat sa kampo ng mga Filisteo. Ang isang pangkat ay lumiko sa daang patungo sa Ofra, na patungo sa lupain ng Sual.
18 Ang isa pang pangkat ay lumiko sa daang patungo sa Bet-horon, at ang isang pangkat ay lumiko sa hangganan na palusong sa libis ng Zeboim patungo sa ilang.
Walang Sandata ang Israel
19 Noon ay walang panday na matagpuan sa buong lupain ng Israel, sapagkat sinasabi ng mga Filisteo, “Baka ang mga Hebreo ay gumawa ng kanilang mga tabak o mga sibat;”
20 ngunit nilusong ng lahat ng mga Israelita ang mga Filisteo upang ihasa ng bawat lalaki ang kanyang pang-araro, asarol, palakol, at piko;
21 gayunma'y mayroon silang pangkikil para sa mga piko, asarol, kalaykay, at sa mga palakol, at panghasa ng mga panundot.[d]
22 Kaya't sa araw ng paglalaban ay wala kahit tabak o sibat mang matatagpuan sa kamay ng sinuman sa mga taong kasama nina Saul at Jonathan. Sina Saul at Jonathan na kanyang anak lamang ang mayroon ng mga ito.
23 At ang pulutong ng mga Filisteo ay lumabas patungo sa lagusan ng Mikmas.
Ang Mapangahas na Ginawa ni Jonathan
14 Isang araw, sinabi ni Jonathan na anak ni Saul sa kabataang tagadala ng kanyang sandata, “Halika at tayo'y dumaan sa himpilan ng mga Filisteo na nasa kabilang ibayo.” Ngunit hindi niya ipinagbigay-alam sa kanyang ama.
2 Si Saul ay namamalagi sa mga karatig-pook ng Gibea sa ilalim ng puno ng granada na nasa Migron. Ang mga taong kasama niya ay may animnaraang lalaki,
3 at si Achias na anak ni Achitob, na kapatid ni Icabod, na anak ni Finehas, na anak ni Eli, na pari ng Panginoon sa Shilo, na may suot na efod. Hindi nalalaman ng taong-bayan na si Jonathan ay nakaalis na.
4 Sa pagitan ng mga lagusan na pinagsikapan ni Jonathan na daanan tungo sa himpilan ng mga Filisteo ay mayroong isang batong maraming tulis sa isang dako at isang batong maraming tulis sa kabilang dako. Ang pangalan ng isa ay Boses at ang pangalan ng isa pa ay Sene.
5 Ang isang tulis ay pataas sa hilaga sa tapat ng Mikmas, at ang isa ay sa timog sa tapat ng Geba.
6 Sinabi ni Jonathan sa kabataang tagadala ng kanyang sandata, “Halika at tayo ay dumaan sa himpilan ng mga hindi tuling ito. Marahil ang Panginoon ay tutulong sa atin sapagkat walang makakahadlang sa Panginoon na magligtas sa pamamagitan ng marami o ng kaunti.”
7 At sinabi sa kanya ng kanyang tagadala ng sandata, “Gawin mo ang lahat ng nasa isip mo; ako'y kasama mo, kung ano ang nasa isip mo ay gayundin ang sa akin.”
8 Nang magkagayo'y sinabi ni Jonathan, “Ngayon ay lampasan natin ang mga lalaking iyon, at ipakita natin ang ating sarili sa kanila.
9 Kapag sinabi nila sa atin, ‘Maghintay kayo hanggang sa kami ay dumating sa inyo;’ ay maghihintay nga tayo sa ating lugar at hindi aahon sa kanila!
10 Ngunit kapag sinabi nila, ‘Umahon kayo sa amin,’ ay aahon nga tayo sapagkat ibinigay sila ng Panginoon sa ating kamay. Ito ang magiging tanda sa atin.”
11 Kaya't kapwa sila nagpakita sa himpilan ng mga Filisteo. Sinabi ng mga Filisteo, “Tingnan ninyo, ang mga Hebreo ay lumabas sa mga lungga na kanilang pinagtaguan.”
12 Tinawag ng mga lalaki sa himpilan si Jonathan at ang kanyang tagadala ng sandata, at sinabi, “Umahon kayo rito at mayroon kaming ipapakita sa inyo.” At sinabi ni Jonathan sa kanyang tagadala ng sandata, “Umahon ka na kasunod ko, sapagkat ibinigay sila ng Panginoon sa kamay ng Israel.”
13 At umakyat si Jonathan sa pamamagitan ng kanyang mga kamay at paa at ang kanyang tagadala ng sandata ay kasunod niya. Ang mga Filisteo[e] ay nabuwal sa harap ni Jonathan; at ang mga iyo'y pinagpapatay ng kanyang tagadala ng sandata na kasunod niya.
14 Sa unang pagpatay na iyon na ginawa ni Jonathan at ng kanyang tagadala ng sandata, may dalawampung lalaki ang napatay sa nasasakupan ng kalahating tudling sa isang acre[f] ng lupa.
15 Nagkaroon ng kaguluhan sa kampo, sa parang, at sa buong bayan. Ang himpilan at ang mga mandarambong ay nanginig din; nayanig ang lupa, at ito'y naging isang napakalaking pagkasindak.
Nagapi ang mga Filisteo
16 Ang mga bantay ni Saul sa Gibea ng Benjamin ay nakamasid habang ang napakaraming tao ay nagpaparoo't parito.
17 Nang magkagayo'y sinabi ni Saul sa mga taong kasama niya, “Magbilang kayo ngayon at tingnan ninyo kung sino ang umalis sa atin.” Nang sila'y magbilang, si Jonathan at ang kanyang tagadala ng sandata ay wala roon.
18 Sinabi ni Saul kay Achias, “Dalhin dito ang kaban ng Diyos.” Ang kaban ng Diyos nang panahong iyon ay kasama ng mga anak ni Israel.
19 Samantalang nakikipag-usap si Saul sa pari, ang kaguluhan sa kampo ng mga Filisteo ay lumaki nang lumaki. Sinabi ni Saul sa pari, “Iurong mo ang iyong kamay.”
20 At si Saul at ang buong bayang kasama niya ay nagsama-sama at pumunta sa labanan. Ang tabak ng bawat isa ay laban sa kanyang kapwa at nagkaroon ng malaking pagkalito.
21 Ang mga Hebreo na nakasama ng mga Filisteo nang una pa at umahong kasama nila sa kampo ay pumanig na rin sa mga Israelita na kasama nina Saul at Jonathan.
22 Gayundin, nang mabalitaan ng mga lalaki ng Israel na nagkubli sa lupaing maburol ng Efraim na ang mga Filisteo ay tumakas, sila man ay humabol rin sa kanila sa pakikipaglaban.
23 Kaya't iniligtas ng Panginoon ang Israel nang araw na iyon; at ang pakikipaglaban ay lumampas pa sa kabila ng Bet-haven.
Ang Pangyayari Pagkalipas ng Digmaan
24 Ang mga lalaki ng Israel ay namanglaw nang araw na iyon. Sumumpa si Saul sa taong-bayan, na sinasabi, “Sumpain ang taong kumain ng anumang pagkain hanggang sa kinahapunan at ako'y makaganti sa aking mga kaaway.” Kaya't walang sinuman sa bayan ang tumikim ng pagkain.
25 Ang buong bayan ay dumating sa gubat at may pulot sa ibabaw ng lupa.
26 Nang makapasok ang bayan sa gubat, ang pulot ay tumutulo ngunit walang tao na naglagay ng kanyang kamay sa kanyang bibig sapagkat ang taong-bayan ay natakot sa sumpa.
27 Ngunit hindi narinig ni Jonathan nang magbilin ang kanyang ama sa taong-bayan na may sumpa. Kaya't kanyang iniunat ang dulo ng tungkod na nasa kanyang kamay at inilubog ito sa pulot, at inilagay ang kanyang kamay sa kanyang bibig, at ang kanyang mga mata ay nagliwanag.
28 Nang magkagayo'y sinabi ng isa sa mga tauhan, “Ang iyong ama ay mahigpit na nagbilin na may sumpa sa taong-bayan, na sinasabi, ‘Sumpain ang taong kumain ng pagkain sa araw na ito.’” At ang taong-bayan ay patang-pata.
29 Nang magkagayo'y sinabi ni Jonathan, “Ginugulo ng aking ama ang lupain. Tingnan ninyo, kung paanong ang aking mga mata ay nagliwanag nang ako'y tumikim ng kaunti sa pulot na ito.
30 Gaano pa kaya kung ang taong-bayan ay malayang kumain ngayon mula sa sinamsam sa kanilang mga kaaway na kanilang natagpuan. Sa ngayon, ang pagpatay sa mga Filisteo ay hindi gaanong malaki.”
31 Kanilang pinatay ang mga Filisteo nang araw na iyon mula sa Mikmas hanggang sa Aijalon; at ang taong-bayan ay talagang patang-pata.
32 Kaya't ang taong-bayan ay dumaluhong sa samsam, at kumuha ng mga tupa, mga baka, mga guyang baka, at pinagpapatay ang mga iyon sa lupa. Kinain ng taong-bayan ang mga iyon, pati ang dugo.
33 At(C) kanilang sinabi kay Saul, “Tingnan mo, ang bayan ay nagkakasala laban sa Panginoon dahil sa kanilang pagkain ng may dugo.” At kanyang sinabi, “Kayo'y gumawa ng kasamaan. Igulong ninyo rito ang isang malaking bato sa harapan ko.”
34 At sinabi ni Saul, “Magsikalat kayo sa bayan at inyong sabihin sa kanila, ‘Dalhin sa akin dito ng bawat tao ang kanyang baka, at tupa, at patayin dito, at kainin at huwag nang magkasala laban sa Panginoon sa pamamagitan ng pagkain ng dugo.’” Kaya't dinala ng bawat isa sa buong bayan ang kanyang baka nang gabing iyon at pinatay roon.
35 At nagtayo si Saul ng isang dambana sa Panginoon; iyon ang unang dambana na itinayo niya sa Panginoon.
36 Sinabi ni Saul, “Ating lusungin ang mga Filisteo sa gabi at atin silang samsaman hanggang sa pagliliwanag sa umaga, at huwag tayong magtira ng isang tao sa kanila.” At kanilang sinabi, “Gawin mo ang inaakala mong mabuti sa iyo.” Subalit sinabi ng pari, “Tayo'y lumapit dito sa Diyos.”
37 At si Saul ay sumangguni sa Diyos, “Lulusungin ko ba ang mga Filisteo? Ibibigay mo ba sila sa kamay ng Israel?” Ngunit hindi siya sinagot nang araw na iyon.
38 Sinabi ni Saul, “Lumapit kayo rito, kayong lahat na puno ng taong-bayan. Alamin natin kung paano bumangon ang kasalanang ito sa araw na ito.
39 Sapagkat kung paanong buháy ang Panginoon na nagliligtas sa Israel, kahit na ito ay si Jonathan na aking anak, siya ay tiyak na mamamatay.” Ngunit walang sinumang tao sa buong bayan na sumagot sa kanya.
40 Nang magkagayo'y sinabi niya sa buong Israel, “Lumagay kayo sa isang dako, at ako at si Jonathan na aking anak ay lalagay sa kabilang dako.” At sinabi ng taong-bayan kay Saul, “Gawin mo ang inaakala mong mabuti para sa iyo.”
41 Kaya(D) sinabi ni Saul, “O Panginoong Diyos ng Israel, bakit hindi mo sinasagot ang iyong lingkod sa araw na ito? Kung ang pagkakasalang ito ay nasa akin o kay Jonathan na aking anak, O Panginoon, Diyos ng Israel, ibigay mo ang Urim. Ngunit kung ang pagkakasala ay nasa iyong bayang Israel, ibigay mo ang Tumim.” At sina Jonathan at Saul ang napili, ngunit ang bayan ay nakaligtas.
42 At sinabi ni Saul, “Magpalabunutan sa pagitan ko at ni Jonathan na aking anak.” At si Jonathan ang napili.
43 Pagkatapos ay sinabi ni Saul kay Jonathan, “Sabihin mo sa akin kung ano ang iyong ginawa.” At sinabi ni Jonathan sa kanya, “Talagang ako'y tumikim ng kaunting pulot sa dulo ng tungkod na nasa aking kamay. Narito ako, ako'y nararapat mamatay.”
44 Sinabi ni Saul, “Gayon ang gawin ng Diyos sa akin at higit pa, sapagkat ikaw ay tiyak na mamamatay, Jonathan!”
45 At sinabi ng taong-bayan kay Saul, “Mamamatay ba si Jonathan, siya na gumawa nitong dakilang kaligtasan sa Israel? Huwag nawang mangyari! Habang buháy ang Panginoon, hindi malalaglag kahit ang isang buhok ng kanyang ulo sa lupa, sapagkat siya'y gumawang kasama ng Diyos sa araw na ito.” Kaya't tinubos ng taong-bayan si Jonathan, at siya'y hindi namatay.
46 Pagkatapos ay huminto na si Saul sa pagtugis sa mga Filisteo; at ang mga Filisteo ay umuwi sa kanilang sariling lugar.
Ang Paghahari ni Saul at ang Kanyang Sambahayan
47 Nang makuha na ni Saul ang paghahari sa Israel, nakipaglaban siya sa lahat niyang mga kaaway sa bawat lugar, laban sa Moab, sa mga anak ni Ammon, sa Edom, sa mga hari ng Soba, at laban sa mga Filisteo. Saanman siya bumaling ay kanyang tinatalo sila.
48 Siya'y lumabang may katapangan, pinatay ang mga Amalekita, at iniligtas ang Israel sa kamay ng mga sumamsam sa kanila.
49 Ang mga anak ni Saul ay sina Jonathan, Isui, at Malkishua, at ito ang pangalan ng kanyang dalawang anak na babae: ang pangalan ng panganay ay Merab, at ang pangalan ng nakababata ay Mical;
50 ang pangalan ng asawa ni Saul ay Ahinoam, na anak ni Ahimaaz; at ang pangalan ng kanyang kapitan sa hukbo ay Abner na anak ni Ner, amain ni Saul.
51 Si Kish ang ama ni Saul; at si Ner na ama ni Abner ay anak ni Abiel.
52 Nagkaroon ng mahigpit na pakikipaglaban sa mga Filisteo sa lahat ng mga araw ni Saul; at sa tuwing makakakita si Saul ng sinumang malakas o matapang na lalaki ay kanyang kinukuha upang maglingkod sa kanya.
Isinugo ni Jesus ang Pitumpu
10 Pagkatapos ng mga bagay na ito, ang Panginoon ay humirang ng pitumpu,[a] at sila'y sinugong dala-dalawa, na una sa kanya sa bawat bayan at dako na kanyang pupuntahan.
2 At(A) sinabi niya sa kanila, “Totoong marami ang aanihin, subalit kakaunti ang mga manggagawa. Kaya't idalangin ninyo sa Panginoon ng pag-aani na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang aanihin.
3 Humayo(B) kayo, sinusugo ko kayong gaya ng mga kordero sa gitna ng mga asong-gubat.
4 Huwag(C) kayong magdadala ng lalagyan ng salapi, o supot, o mga sandalyas, at huwag ninyong batiin ang sinuman sa daan.
5 Sa alinmang bahay kayo pumasok, sabihin muna ninyo, ‘Kapayapaan nawa sa bahay na ito.’
6 At kung doon ay may anak ng kapayapaan, ang inyong kapayapaan ay mananatili sa kanya. Subalit kung wala, ito ay babalik sa inyo.
7 At(D) manatili kayo sa bahay ring iyon. Kainin at inumin ninyo ang anumang ihain nila, sapagkat ang manggagawa ay karapat-dapat sa kanyang sahod. Huwag kayong magpalipat-lipat ng bahay.
8 At sa alinmang bayan kayo pumasok at kayo'y kanilang tanggapin ay kainin ninyo ang anumang inihahain sa inyo.
9 Pagalingin ninyo ang mga maysakit na naroroon at sabihin ninyo sa kanila, ‘Ang kaharian ng Diyos ay lumapit na sa inyo.’
10 Subalit(E) sa alinmang bayan kayo pumasok at hindi kayo tanggapin, lumabas kayo sa mga lansangan nito at inyong sabihin,
11 ‘Maging ang alikabok ng inyong bayan na kumakapit sa aming paa ay ipinapagpag namin laban sa inyo; subalit alamin ninyo ito, ang kaharian ng Diyos ay lumapit na sa inyo.’
12 Sinasabi(F) ko sa inyo, higit pang mapagtitiisan sa araw na iyon ang Sodoma kaysa bayang iyon.
Ang Bayang Hindi Sumampalataya(G)
13 “Kahabag-habag(H) ka Corazin! Kahabag-habag ka, Bethsaida! Sapagkat kung ang mga makapangyarihang gawa na ginawa sa inyo ay ginawa sa Tiro at Sidon, matagal na sana silang nagsisi, na nakaupong may damit-sako at abo.
14 Subalit higit na mapagtitiisan pa sa paghuhukom ang Tiro at Sidon kaysa inyo.
15 At(I) ikaw, Capernaum, itataas ka ba hanggang sa langit? Ikaw ay ibababa sa Hades.
16 “Ang(J) nakikinig sa inyo ay sa akin nakikinig, at ang nagtatakuwil sa inyo ay ako ang itinatakuwil, at ang nagtatakuwil sa akin ay itinatakuwil ang nagsugo sa akin.”
Ang Pagbabalik ng Pitumpu
17 Bumalik ang pitumpu na may kagalakan na nagsabi, “Panginoon, maging ang mga demonyo ay nagpapasakop sa amin sa iyong pangalan!”
18 At sinabi niya sa kanila, “Nakita ko si Satanas na nahulog na gaya ng kidlat mula sa langit.
19 Tingnan ninyo,(K) binigyan ko kayo ng awtoridad na tapakan ang mga ahas at mga alakdan, at sa ibabaw ng lahat ng kapangyarihan ng kaaway; at walang makakapanakit sa inyo.
20 Gayunman, huwag ninyong ikagalak ito, na ang mga espiritu ay nagpapasakop sa inyo, kundi inyong ikagalak na ang inyong mga pangalan ay nakasulat sa langit.”
Nagalak si Jesus(L)
21 Nang oras ding iyon, nagalak siya sa Espiritu Santo[b] at sinabi, “Ako'y nagpapasalamat sa iyo, Ama, Panginoon ng langit at lupa, na iyong ikinubli ang mga bagay na ito sa mga marurunong at matatalino at ipinahayag mo ang mga ito sa mga sanggol. Oo, Ama, sapagkat gayon ang nakakalugod sa iyong harapan.
22 Ang(M) lahat ng mga bagay ay ibinigay na sa akin ng aking Ama. Walang nakakakilala sa Anak, maliban sa Ama, at kung sino ang Ama maliban sa Anak at kaninumang ninanais ng Anak na pagpahayagan niya.”
23 At pagharap niya sa mga alagad ay palihim niyang sinabi, “Mapapalad ang mga matang nakakakita ng inyong nakikita.
24 Sapagkat sinasabi ko sa inyo, na maraming propeta at mga hari ang naghangad na makita ang inyong nakikita at hindi nila nakita, at marinig ang inyong naririnig at hindi nila narinig.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001