Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
2 Samuel 16-18

Sina David at Ziba

16 Nang(A) si David ay makalampas ng kaunti sa tuktok, sinalubong siya ni Ziba na lingkod ni Mefiboset na may isang pares na magkatuwang na asno na may pasang dalawandaang tinapay, isandaang kumpol na pasas, isandaang prutas sa tag-araw, at alak sa isang sisidlang balat.

Sinabi ng hari kay Ziba, “Bakit ka nagdala ng mga ito?” Sumagot si Ziba, “Ang mga asno ay upang sakyan ng sambahayan ng hari; ang tinapay at ang prutas sa tag-araw ay upang makain ng mga kabataan, at ang alak ay upang mainom ng napapagod sa ilang.”

Sinabi(B) ng hari, “Nasaan ang anak ng iyong panginoon?” At sinabi ni Ziba sa hari, “Siya'y nakatira sa Jerusalem; sapagkat kanyang sinabi, ‘Ngayo'y ibabalik sa akin ng sambahayan ng Israel ang kaharian ng aking ama.’”

Nang magkagayo'y sinabi ng hari kay Ziba, “Narito, ang lahat ng pag-aari ni Mefiboset ay sa iyo na ngayon.” At sinabi ni Ziba, “Ako'y yumuyukod; makatagpo nawa ako ng biyaya sa paningin mo, panginoon kong hari.”

Sina David at Shimei

Nang dumating si Haring David sa Bahurim, may lumabas na isang lalaki mula sa angkan ng sambahayan ni Saul, na ang pangala'y Shimei, na anak ni Gera. Habang siya'y lumalabas, siya'y patuloy na nagmumura.

Kanyang pinagbabato si Haring David at ang lahat ng kanyang mga lingkod. Ang buong bayan, at ang lahat ng mga mandirigma ay nasa kanyang kanan at sa kanyang kaliwa.

Ganito ang sinasabi ni Shimei habang siya'y nagmumura, “Lumayas ka, lumayas ka, ikaw na mamamatay-tao, ikaw na taong walang kabuluhan!

Ipinaghiganti sa iyo ng Panginoon ang lahat ng dugo ng sambahayan ni Saul na siya mong pinalitan sa pagiging hari. At ibinigay ng Panginoon ang kaharian sa kamay ni Absalom na iyong anak. Tingnan mo, dinatnan ka ng pagkawasak sapagkat ikaw ay mamamatay-tao.”

Nang magkagayo'y sinabi ni Abisai na anak ni Zeruia sa hari, “Bakit lalaitin nitong asong patay ang aking panginoong hari? Patawirin mo ako, at pupugutin ko ang kanyang ulo.”

10 Subalit sinabi ng hari, “Anong pakialam ko sa inyo, kayong mga anak ni Zeruia? Kung siya'y nanlalait sapagkat sinabi ng Panginoon sa kanya, ‘Laitin mo si David,’ sino nga ang magsasabi, ‘Bakit ka gumawa ng ganyan?’”

11 At sinabi ni David kay Abisai at sa lahat niyang mga lingkod, “Ang aking buhay ay tinutugis ng sarili kong anak; gaano pa nga kaya ang Benjaminitang ito? Bayaan ninyo siya, hayaan ninyo siyang manlait sapagkat inutusan siya ng Panginoon.

12 Marahil ay titingnan ng Panginoon ang aking paghihirap, at gagantihan ako ng mabuti ng Panginoon sa panlalait sa akin sa araw na ito.”

13 Kaya't nagpatuloy ng paglakad si David at ang kanyang mga tauhan, samantalang si Shimei ay humayo sa tagiliran ng bundok sa tapat niya. Habang humahayo, kanyang nilalait, binabato at sinasabuyan ng alabok si David.

14 At ang hari at ang mga taong kasama niya ay pagod na dumating at nagpahinga siya roon.

Si Absalom sa Jerusalem

15 Samantala, si Absalom at ang buong bayan ng Israel ay dumating sa Jerusalem, at si Ahitofel ay kasama niya.

16 Nang si Husai na Arkita, na kaibigan ni David, ay dumating kay Absalom, sinabi ni Husai kay Absalom, “Mabuhay ang hari, mabuhay ang hari.”

17 Sinabi ni Absalom kay Husai, “Ito ba ang katapatan mo sa iyong kaibigan? Bakit hindi ka sumama sa iyong kaibigan?”

18 Sinabi ni Husai kay Absalom, “Hindi, kundi kung sinong piliin ng Panginoon, ng bayang ito, at ng lahat ng lalaki sa Israel, sa kanya ako sasama, at sa kanya ako mananatili.

19 At saka, kanino ako maglilingkod? Hindi ba sa kanyang anak? Kung paanong ako'y naglingkod sa iyong ama, ay maglilingkod ako sa iyo.”

20 Nang magkagayo'y sinabi ni Absalom kay Ahitofel, “Ibigay ninyo ang inyong payo, ano ang ating gagawin?”

21 At sinabi ni Ahitofel kay Absalom, “Sipingan mo ang mga asawang-lingkod ng iyong ama na kanyang iniwan upang pangalagaan ang bahay. Mababalitaan ng buong Israel na pinasama mo ang iyong sarili sa iyong ama. Kung magkagayo'y lalakas ang mga kamay ng lahat ng kasama mo.”

22 Kaya't(C) ipinagtayo nila si Absalom ng isang tolda sa bubungan ng bahay; at sinipingan ni Absalom ang mga asawang-lingkod ng kanyang ama sa paningin ng buong Israel.

23 Nang mga araw na iyon, ang payong ibinibigay ni Ahitofel ay para na ring ang isang tao ay sumangguni sa salita ng Diyos. Kaya't lahat ng payo ni Ahitofel ay pinapahalagahan, maging ni David o ni Absalom.

Iniligaw ni Husai si Absalom

17 Bukod dito'y sinabi ni Ahitofel kay Absalom, “Papiliin mo ako ng labindalawang libong lalaki, at ako'y titindig at aking hahabulin si David sa gabing ito.

Ako'y darating sa kanya samantalang siya'y pagod at nanlulupaypay, at akin siyang tatakutin; at ang lahat ng taong kasama niya ay tatakas. Ang hari lamang ang aking sasaktan;

at ibabalik ko sa iyo ang buong bayan gaya ng isang babaing ikakasal na pauwi sa kanyang asawa. Ang iyong tinutugis ay buhay ng isang tao lamang, at ang buong bayan ay mapapayapa.”

Ang payo ay nagustuhan ni Absalom at ng lahat ng matatanda sa Israel.

Nang magkagayo'y sinabi ni Absalom, “Tawagin mo rin si Husai na Arkita, at pakinggan natin ang kanyang masasabi.”

Nang dumating si Husai kay Absalom, sinabi ni Absalom sa kanya, “Ganito ang sinabi ni Ahitofel; atin bang gagawin ang kanyang sinabi? Kung hindi, magsalita ka.”

At sinabi ni Husai kay Absalom, “Sa pagkakataong ito, ang payong ibinigay ni Ahitofel ay hindi mabuti.”

Bukod dito'y sinabi ni Husai, “Nalalaman mo na ang iyong ama at ang kanyang mga tauhan ay mga mandirigma at sila'y mababagsik na gaya ng isang oso na ninakawan ng kanyang mga anak sa parang. Bukod dito, ang iyong ama ay lalaking bihasa sa digmaan, hindi niya gugugulin ang gabi na kasama ng bayan.

Siya'y nagkukubli ngayon sa isa sa mga hukay, o sa ibang lugar. Kapag ang ilan sa kanila ay nabuwal sa unang pagsalakay, sinumang makarinig roon ay magsasabi, ‘May patayan sa mga taong sumusunod kay Absalom.’

10 Kung gayon, maging ang matapang, na ang puso ay gaya ng puso ng leon, ay lubos na matutunaw sa takot; sapagkat nalalaman ng buong Israel na ang iyong ama ay isang mandirigma at ang mga tauhang kasama niya ay magigiting na mandirigma.

11 Ngunit aking ipinapayo na ang buong Israel ay matipon sa iyo, mula sa Dan hanggang sa Beer-seba, na gaya ng buhangin na nasa tabi ng dagat ang dami; at ikaw ay pumaroon sa labanan.

12 Sa gayo'y darating tayo sa kanya sa ibang dako na katatagpuan natin sa kanya, at tayo'y babagsak sa kanya na gaya ng hamog na bumabagsak sa lupa. Sa kanya at sa lahat ng mga tauhang kasama niya ay walang maiiwan kahit isa.

13 Kung siya'y umurong sa isang lunsod, ang buong Israel ay magdadala ng mga lubid sa lunsod na iyon, at ating babatakin iyon sa libis, hanggang sa walang matagpuan doon kahit isang maliit na bato.”

14 At si Absalom at ang lahat na lalaki sa Israel ay nagsabi, “Ang payo ni Husai na Arkita ay higit na mabuti kaysa payo ni Ahitofel.” Sapagkat ipinasiya ng Panginoon na madaig ang mabuting payo ni Ahitofel, upang madalhan ng Panginoon ng kasamaan si Absalom.

15 Nang magkagayo'y sinabi ni Husai kay Zadok at kay Abiatar na mga pari, “Ganoon at ganito ang ipinayo ni Ahitofel kay Absalom at sa mga matanda sa Israel; ganoon at ganito naman ang aking ipinayo.

Binalaan si David na Tumakas

16 Ngayon magsugo kayo agad at sabihin kay David, ‘Huwag kang tumigil sa gabing ito sa mga tawiran sa ilang, kundi sa anumang paraan ay tumawid ka; kung hindi ang hari at ang buong bayang kasama niya ay mauubos.’”

17 Si Jonathan at si Ahimaaz ay naghihintay sa En-rogel. Isang alilang babae ang laging pumupunta at nagsasabi sa kanila, at sila'y pumupunta at nagsasabi kay Haring David; sapagkat hindi sila dapat makitang pumapasok sa lunsod.

18 Ngunit nakita sila ng isang batang lalaki at nagsabi kay Absalom; kaya't sila'y kapwa mabilis na umalis at sila'y dumating sa bahay ng isang lalaki sa Bahurim, na may isang balon sa kanyang looban; at sila'y lumusong doon.

19 Ang babae ay kumuha ng isang panakip at inilatag sa bunganga ng balon, at kinalatan ng mga trigo ang ibabaw nito; at walang nakaalam nito.

20 Nang ang mga lingkod ni Absalom ay dumating sa babae na nasa bahay ay kanilang sinabi, “Saan naroon sina Ahimaaz at Jonathan?” At sinabi ng babae sa kanila, “Sila'y tumawid sa batis ng tubig.” Nang sila'y maghanap at hindi nila matagpuan, bumalik na sila sa Jerusalem.

21 Pagkatapos na sila'y makaalis, ang mga lalaki ay umahon sa balon, humayo at nagbalita kay Haring David. Sinabi nila kay David, “Tumindig kayo, at tumawid agad sa tubig, sapagkat ganoon at ganito ang ipinayo ni Ahitofel laban sa inyo.”

22 Kaya't tumindig si David at ang lahat ng taong kasama niya, at sila'y tumawid sa Jordan. Sa pagbubukang-liwayway ay walang naiwan kahit isa sa kanila na hindi nakatawid sa Jordan.

23 Nang makita ni Ahitofel na ang kanyang payo ay hindi sinunod, kanyang inihanda ang kanyang asno at umuwi sa kanyang sariling lunsod. Inayos niya ang kanyang bahay at nagbigti. Siya'y namatay at inilibing sa libingan ng kanyang ama.

24 Pagkatapos ay pumaroon si David sa Mahanaim. At si Absalom ay tumawid sa Jordan kasama ang lahat ng lalaki ng Israel.

25 Inilagay ni Absalom si Amasa sa hukbo sa halip na si Joab. Si Amasa ay anak ng isang lalaki na ang pangalan ay Itra, na Israelita, na napakasal kay Abigal na anak na babae ni Nahas, na kapatid ni Zeruia, na ina ni Joab.

26 At ang Israel at si Absalom ay humimpil sa lupain ng Gilead.

27 Nang dumating si David sa Mahanaim, si Sobi na anak ni Nahas na taga-Rabba sa mga anak ni Ammon, si Makir na anak ni Amiel na taga-Lodebar, at si Barzilai na Gileadita na taga-Rogelim,

28 ay nagdala ng mga higaan, mga palanggana, mga sisidlang yari sa luwad, trigo, sebada, harina, butil na sinangag, mga patani, at pagkaing sinangag,

29 pulot-pukyutan, mantekilya, mga tupa, at keso ng baka para kay David at sa mga taong kasama niya upang kainin; sapagkat kanilang sinabi, “Ang mga tao ay gutom, pagod, at uhaw sa ilang.”

Si Absalom ay Natalo at Pinatay

18 Pagkatapos ay tinipon ni David ang mga tauhang kasama niya, at naglagay sa kanila ng mga pinuno sa mga libu-libo at pinuno ng mga daan-daan.

Pinahayo ni David ang hukbo, ang isang ikatlong bahagi ay sa pamumuno ni Joab, at ang isa pang ikatlong bahagi ay sa pamumuno ni Abisai na anak ni Zeruia, na kapatid ni Joab, at ang isa pang ikatlong bahagi ay sa pamumuno ni Itai na Geteo. At sinabi ng hari sa hukbo, “Ako man ay lalabas ding kasama ninyo.”

Ngunit sinabi ng mga tao, “Hindi ka dapat lumabas, sapagkat kung kami man ay tumakas, hindi nila kami papansinin. Kung ang kalahati sa amin ay mamatay, hindi nila kami papansinin. Ngunit ang katumbas mo ay sampung libo sa amin; kaya't mas mabuti na ikaw ay magpadala ng tulong sa amin mula sa lunsod.”

Sinabi ng hari sa kanila, “Kung ano ang inaakala ninyong mabuti ay aking gagawin.” At ang hari ay tumayo sa tabi ng pintuang-bayan, samantalang ang buong hukbo ay lumabas na daan-daan at libu-libo.

At ang hari ay nag-utos kina Joab, Abisai, at Itai, “Pakitunguhan ninyong may kaawaan ang kabataang si Absalom, alang-alang sa akin.” At narinig ng buong bayan nang nagbilin ang hari sa lahat ng punong-kawal tungkol kay Absalom.

Kaya't lumabas ang hukbo sa kaparangan laban sa Israel; at ang labanan ay naganap sa gubat ng Efraim.

Ang hukbo ng Israel ay natalo doon ng mga lingkod ni David, at nagkaroon ng malaking patayan doon sa araw na iyon na may dalawampung libong katao.

Ang labanan ay kumalat sa ibabaw ng buong lupain; at ang gubat ay lumamon ng mas maraming tao sa araw na iyon kaysa sa tabak.

Nakasagupa ni Absalom ang mga lingkod ni David. Si Absalom ay nakasakay sa kanyang mola, at ang mola ay nagdaan sa ilalim ng mayabong na mga sanga ng isang malaking ensina. Ang kanyang ulo ay nasabit sa ensina, at siya'y naiwang nakabitin sa pagitan ng langit at lupa, samantalang ang molang nasa ilalim niya ay nagpatuloy.

10 Nakita siya ng isang lalaki at sinabi kay Joab, “Tingnan ninyo, nakita ko si Absalom na nakabitin sa isang ensina.”

11 Sinabi ni Joab sa lalaking nagsabi sa kanya, “Ano, nakita mo siya! Bakit hindi mo siya agad pinatay doon? Matutuwa sana akong bigyan ka ng sampung pirasong pilak at isang pamigkis.”

12 Ngunit sinabi ng lalaki kay Joab, “Kahit maramdaman ko sa aking kamay ang bigat ng isang libong pirasong pilak, hindi ko iuunat ang aking kamay laban sa anak ng hari; sapagkat sa aming pandinig ay ibinilin ng hari sa iyo, kay Abisai, at kay Itai, ‘Alang-alang sa akin ay ingatan ninyo ang kabataang si Absalom.’

13 Sa ibang paraan, kung ako'y gumawa ng pagtataksil laban sa kanyang buhay (at walang bagay na maikukubli sa hari), ikaw man sa iyong sarili ay hindi mananagot.”

14 Nang magkagayo'y sinabi ni Joab, “Hindi ako magsasayang ng panahon na gaya nito sa iyo.” At siya'y kumuha ng tatlong palaso sa kanyang kamay at itinusok sa puso ni Absalom, samantalang siya'y buháy pa sa gitna ng ensina.

15 Sampung kabataang lalaki na tagadala ng sandata ni Joab ang pumalibot kay Absalom at kanilang pinatay siya.

16 Hinipan ni Joab ang trumpeta at ang hukbo ay bumalik mula sa pagtugis sa Israel; sapagkat pinigil sila ni Joab.

17 Kanilang kinuha si Absalom at kanilang inihagis siya sa isang malaking hukay sa gubat, at tinabunan siya ng isang malaking bunton ng bato. At ang buong Israel ay tumakas, bawat isa sa kanyang tolda.

18 Si Absalom noong nabubuhay pa ay kumuha at nagtayo para sa kanyang sarili ng haligi na nasa libis ng hari, sapagkat kanyang sinabi, “Wala akong anak na lalaki na mag-iingat ng alaala ng aking pangalan,” at kanyang tinawag ang haligi ayon sa kanyang sariling pangalan at ito ay tinawag na bantayog ni Absalom hanggang sa araw na ito.

Ibinalita kay David ang Pagkamatay ni Absalom

19 Sinabi ni Ahimaaz na anak ni Zadok, “Patakbuhin mo ako ngayon upang magdala ng balita sa hari na iniligtas siya ng Panginoon sa kamay ng kanyang mga kaaway.”

20 At sinabi ni Joab sa kanya, “Hindi ka magdadala ng balita sa araw na ito; magdadala ka ng balita sa ibang araw. Ngunit sa araw na ito ay hindi ka magdadala ng balita, sapagkat ang anak ng hari ay patay na.”

21 Nang magkagayo'y sinabi ni Joab sa Cusita, “Humayo ka, sabihin mo sa hari kung ano ang iyong nakita.” At ang Cusita ay yumukod kay Joab at tumakbo.

22 Sinabing muli ni Ahimaaz na anak ni Zadok kay Joab, “Anuman ang mangyari, hayaan mong tumakbo rin akong kasunod ng Cusita.” At sinabi ni Joab, “Bakit ka tatakbo, anak ko, gayong wala kang makukuhang gantimpala para sa balita?”

23 “Kahit anong mangyari, ako ay tatakbo,” ang sabi niya. Kaya't sinabi niya sa kanya, “Tumakbo ka.” Nang magkagayo'y tumakbo si Ahimaaz sa daan ng kapatagan, at naunahan ang Cusita.

24 Noon si David ay nakaupo sa pagitan ng dalawang pintuang-bayan; at ang bantay ay umakyat sa bubong ng pintuang-bayan sa may pader, at nang tumanaw siya sa malayo, nakita niya ang isang lalaking tumatakbong nag-iisa.

25 Sumigaw ang bantay at sinabi sa hari. At sinabi ng hari, “Kung siya'y nag-iisa, may balita sa kanyang bibig.” At siya'y nagpatuloy at lumapit.

26 At ang bantay ay nakakita ng isa pang lalaki na tumatakbo at tinawag ng bantay ang bantay-pinto, at sinabi, “Tingnan ninyo, may isa pang lalaking tumatakbong nag-iisa.” At sinabi ng hari, “Siya'y may dala ring balita.”

27 Sinabi ng bantay, “Sa palagay ko'y ang takbo ng nauuna ay gaya ng takbo ni Ahimaaz na anak ni Zadok.” At sinabi ng hari, “Siya'y mabuting tao at dumarating na may dalang mabuting balita.”

28 Tumawag si Ahimaaz sa hari, “Lahat ay mabuti.” At siya'y nagpatirapa sa lupa sa harap ng hari, at nagsabi, “Purihin ang Panginoon mong Diyos na nagbigay ng mga lalaking nagtaas ng kanilang kamay laban sa aking panginoong hari.”

29 At sinabi ng hari, “Ligtas ba ang kabataang si Absalom?” Sumagot si Ahimaaz, “Nang ako'y suguin ni Joab na iyong lingkod, ako'y nakakita ng isang malaking kaguluhan, ngunit hindi ko alam kung ano iyon.”

30 Sinabi ng hari, “Tumabi ka at tumayo ka doon.” Siya nga'y tumabi at tumayong tahimik.

31 At ang Cusita ay dumating; at sinabi ng Cusita, “Mabuting balita para sa aking panginoong hari! Sapagkat iniligtas ka ng Panginoon sa araw na ito mula sa kamay ng lahat ng naghimagsik laban sa iyo.”

32 Sinabi ng hari sa Cusita, “Ligtas ba ang kabataang si Absalom?” At sumagot ang Cusita, “Ang mga kaaway ng aking panginoong hari, at ang lahat ng naghimagsik laban sa iyo upang gawan ka ng masama ay maging gaya nawa ng kabataang iyon.”

33 [a] Nabagbag ang damdamin ng hari at umakyat siya sa silid na nasa ibabaw ng pintuang-bayan, at umiyak. Habang siya'y humahayo ay sinasabi niya, “O anak kong Absalom, anak ko, anak kong Absalom! Ako na sana ang namatay sa halip na ikaw, O Absalom, anak ko, anak ko!”

Lucas 17:20-37

Ang Pagdating ng Kaharian(A)

20 Palibhasa'y tinanong si Jesus[a] ng mga Fariseo kung kailan darating ang kaharian ng Diyos, kanyang sinagot sila, “Ang kaharian ng Diyos ay hindi darating na may mga palatandaang makikita.

21 At di rin nila sasabihin, ‘Tingnan ninyo, naririto o naroroon!’ Sapagkat masdan ninyo, ang kaharian ng Diyos ay nasa inyo.”

22 Sinabi niya sa mga alagad, “Darating ang mga araw na hahangarin ninyong makita ang isa sa mga araw ng Anak ng Tao at hindi ninyo ito makikita.

23 At sasabihin nila sa inyo, ‘Tingnan ninyo, naroroon’ o ‘Tingnan ninyo, naririto!’ Huwag kayong pumaroon o sumunod sa kanila.

24 Sapagkat kung paanong ang kidlat ay kumikislap at pinaliliwanag ang langit mula sa isang panig hanggang sa kabila, gayundin naman ang Anak ng Tao sa kanyang araw.

25 Subalit kailangan muna siyang magdusa ng maraming bagay at itakuwil ng lahing ito.

26 At(B) kung paano ang nangyari sa mga araw ni Noe, ay gayundin naman ang mangyayari sa mga araw ng Anak ng Tao.

27 Sila'y(C) kumakain at umiinom, nag-aasawa at sila'y pinag-aasawa, hanggang sa araw na pumasok sa daong si Noe at dumating ang baha, at nilipol silang lahat.

28 Gayundin(D) ang nangyari sa mga araw ni Lot. Sila'y kumakain at umiinom, bumibili at nagbibili, nagtatanim at nagtatayo.

29 Subalit nang araw na umalis sa Sodoma si Lot, umulan ng apoy at asupre mula sa langit at pinuksa silang lahat.

30 Gayundin naman ang mangyayari sa araw na ang Anak ng Tao ay mahayag.

31 Sa(E) araw na iyon, ang nasa bubungan na ang pag-aari niya ay nasa bahay, ay huwag nang manaog upang kunin ang mga ito. Gayundin, ang nasa bukid ay huwag nang bumalik.

32 Alalahanin(F) ninyo ang asawa ni Lot.

33 Sinumang(G) nagsisikap ingatan ang kanyang buhay ay mawawalan nito, subalit ang sinumang nawalan ng kanyang buhay ay maiingatan iyon.

34 Sinasabi ko sa inyo, sa gabing iyon ay may dalawa sa isang higaan; ang isa'y kukunin, at ang isa'y iiwan.

35 May dalawang magkasamang magtatrabaho sa gilingan, kukunin ang isa, at ang isa'y iiwan.”

36 (Pupunta sa bukid ang dalawang lalaki; ang isa'y kukunin at ang isa'y iiwan.)

37 At sinabi nila sa kanya, “Saan, Panginoon?” Sinabi niya sa kanila, “Kung saan naroon ang bangkay ay doon magtitipon ang mga buwitre.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001