Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
1 Mga Hari 10-11

Dumalaw ang Reyna ng Seba(A)

10 Nang(B) mabalitaan ng reyna ng Seba ang katanyagan ni Solomon tungkol sa pangalan ng Panginoon, pumunta siya upang kanyang subukin siya ng mahihirap na tanong.

Siya'y pumunta sa Jerusalem na may napakaraming alalay, may mga kamelyo na may pasang mga pabango at napakaraming ginto at mamahaling bato; at nang siya'y dumating kay Solomon ay kanyang sinabi sa kanya ang lahat ng laman ng kanyang isipan.

Sinagot ni Solomon ang lahat ng kanyang mga tanong; walang bagay na lihim sa hari na hindi niya ipinaliwanag sa kanya.

Nang makita ng reyna ng Seba ang lahat ng karunungan ni Solomon, at ang bahay na kanyang itinayo,

at ang pagkain sa kanyang hapag, ang pagkakaayos ng kanyang mga lingkod, ang paglilingkod ng kanyang mga tagapangasiwa, ang kanilang mga pananamit, ang kanyang mga tagahawak ng saro, ang kanyang mga handog na sinusunog na kanyang inialay sa bahay ng Panginoon, ay nawalan na siya ng diwa.

At sinabi niya sa hari, “Totoo ang balita na aking narinig sa aking sariling lupain tungkol sa iyong mga kalagayan at karunungan.

Gayunma'y hindi ko pinaniwalaan ang mga balita hanggang sa ako'y dumating, at nakita ng aking mga mata. Wala pang kalahati ang nasabi sa akin; ang iyong karunungan at kasaganaan ay higit kaysa ulat na aking narinig.

Mapapalad ang iyong mga tauhan, mapapalad ang iyong mga lingkod na ito na patuloy na nakatayo sa harapan mo, at nakakarinig ng iyong karunungan.

Purihin ang Panginoon mong Diyos na nalulugod sa iyo, at naglagay sa iyo sa trono ng Israel. Sapagkat minamahal ng Panginoon ang Israel magpakailanman, ginawa ka niyang hari upang maglapat ng katarungan at katuwiran.”

10 Siya'y nagbigay sa hari ng isandaan at dalawampung talentong ginto, napakaraming mga pabango at mamahaling bato. Kailanma'y hindi muling nagkaroon ng gayong kasaganaan ng mga pabango, gaya ng mga ito na ibinigay ng reyna ng Seba kay Haring Solomon.

11 Ang mga sasakyang dagat naman ni Hiram na nagsipagdala ng ginto mula sa Ofir, ay nagsipagdala ng napakaraming kahoy na almug at mamahaling bato mula sa Ofir.

12 Ginawa ng hari ang mga kahoy na almug na mga haligi sa bahay ng Panginoon, at sa bahay ng hari; at ginawa ring mga lira at mga alpa para sa mga mang-aawit; kailanma'y hindi dumating o nakita man ang mga gayong kahoy na almug hanggang sa araw na ito.

13 At si Haring Solomon ay nagbigay sa reyna ng Seba ng lahat niyang naibigan, at lahat niyang hiningi, bukod doon sa ibinigay ni Solomon sa kanya na kaloob ng hari. Sa gayo'y bumalik siya at ang kanyang mga lingkod sa kanyang sariling lupain.

Ang Kayamanan at Katanyagan ni Solomon(C)

14 Ang timbang ng ginto na dumating kay Solomon sa isang taon ay animnaraan at animnapu't anim na talentong ginto,

15 bukod doon sa nagmula sa mga nakikipagpalitan at sa kalakal ng mga mangangalakal, at mula sa lahat ng hari ng Arabia at mga gobernador ng lupain.

16 Si Haring Solomon ay gumawa ng dalawang daang malalaking kalasag ng pinitpit na ginto; animnaraang siklong ginto ang ginamit sa bawat kalasag.

17 At siya'y gumawa pa ng tatlong daang kalasag na pinitpit na ginto; tatlong librang ginto ang ginamit sa bawat kalasag, at inilagay ito ng hari sa Bahay ng Gubat ng Lebanon.

18 Bukod dito'y gumawa ang hari ng isang malaking tronong garing,[a] at binalot iyon ng pinakamataas na uring ginto.

19 May anim na baytang sa trono, at sa likod ng trono ay may ulo ng guya at may mga patungan ng kamay sa bawat tagiliran ng upuan, at may dalawang leon na nakatayo sa tabi ng mga patungan ng kamay,

20 at may labindalawang leon na nakatayo roon, isa sa magkabilang dulo ng anim na baytang. Walang nagawang tulad niyon sa alinmang kaharian.

21 At ang lahat ng sisidlang inuman ni Haring Solomon ay yari sa ginto, at ang lahat ng sisidlan sa Bahay ng Gubat ng Lebanon ay lantay na ginto; walang yari sa pilak sapagkat hindi mahalaga iyon sa mga araw ni Solomon.

22 Sapagkat ang hari ay may mga sasakyang pandagat na yari sa Tarsis na kasama ng mga sasakyang dagat ni Hiram. Minsan sa bawat tatlong taon ay dumarating ang mga sasakyang dagat na yari sa Tarsis na nagdadala ng ginto, pilak, garing, mga unggoy, at mga pabo real.[b]

23 Sa gayo'y si Haring Solomon ay nakakahigit sa lahat ng mga hari sa daigdig sa kayamanan at karunungan.

24 Nais ng buong daigdig na makaharap si Solomon upang makinig sa kanyang karunungan na inilagay ng Diyos sa kanyang puso.

25 Bawat isa sa kanila ay nagdala ng kanya-kanyang kaloob, mga kagamitang pilak at ginto, mga damit, mga sandata, mga pabango, mga kabayo, at mga mola, na napakarami taun-taon.

Ang mga Karwahe at mga Kabayo ni Solomon

26 Nagtipon(D) si Solomon ng mga karwahe at ng mga mangangabayo; siya'y may isang libo't apatnaraang karwahe at labindalawang libong mangangabayo na kanyang inilagay sa mga lunsod para sa mga karwahe, at mayroon ding kasama ng hari sa Jerusalem.

27 Ginawa(E) ng hari na karaniwan ang pilak sa Jerusalem na tulad ng bato, at ang mga sedro ay ginawa niyang kasindami ng mga puno ng sikomoro ng Shefela.

28 Ang(F) mga kabayo na pag-aari ni Solomon ay inangkat pa sa Ehipto at Kue; at ang mga mangangalakal ng hari ay bumibili ng mga iyon mula sa Kue sa takdang halaga.

29 Ang isang karwahe ay maaangkat sa Ehipto sa halagang animnaraang siklong pilak, at ang isang kabayo ay isandaan at limampu, at sa gayong paraan ay kanilang iniluwas sa lahat ng hari ng mga Heteo, at sa mga hari ng Siria.

Ang mga Pagkakasala ni Solomon

11 Si(G) Haring Solomon ay umibig sa maraming babaing banyaga: sa anak ni Faraon, sa mga babaing Moabita, Ammonita, Edomita, Sidonia, at Heteo;

mula(H) sa mga bansa na tungkol sa mga iyon ay sinabi ng Panginoon sa mga anak ni Israel, “Kayo'y huwag makihalubilo sa kanila, at sila man ay huwag makihalubilo sa inyo, sapagkat tiyak na kanilang ililigaw ang inyong puso sa pagsunod sa kanilang mga diyos.” Nahumaling si Solomon sa mga ito dahil sa pag-ibig.

Siya'y nagkaroon ng pitong daang asawa, mga prinsesa, at tatlong daang asawang-lingkod, at iniligaw ng kanyang mga asawa ang kanyang puso.

Sapagkat nang si Solomon ay matanda na, iniligaw ng kanyang mga asawa ang kanyang puso sa ibang mga diyos, at ang kanyang puso ay hindi naging lubos na tapat sa Panginoon niyang Diyos, gaya ng puso ni David na kanyang ama.

Sapagkat si Solomon ay sumunod kay Astarte, diyosa ng mga Sidonio, at kay Malcam, na karumaldumal ng mga Ammonita.

Sa gayon gumawa si Solomon ng masama sa paningin ng Panginoon, at hindi lubos na sumunod sa Panginoon, gaya ng ginawa ni David na kanyang ama.

Pagkatapos ay ipinagtayo ni Solomon ng mataas na dako si Cemos na karumaldumal ng Moab, sa bundok na nasa silangan ng Jerusalem at si Molec na kasuklamsuklam ng mga anak ni Ammon.

Gayon ang ginawa niya para sa lahat ng kanyang mga asawang banyaga, na nagsunog ng mga insenso at naghain sa kani-kanilang mga diyos.

Kaya't ang Panginoon ay nagalit kay Solomon, sapagkat ang kanyang puso ay lumayo sa Panginoon, sa Diyos ng Israel, na nagpakita sa kanya ng dalawang ulit;

10 at siyang nag-utos sa kanya tungkol sa bagay na ito na siya'y huwag sumunod sa ibang mga diyos; ngunit hindi niya iningatan ang iniutos ng Panginoon.

11 Kaya't sinabi ng Panginoon kay Solomon, “Yamang ito'y nagawa mo, at hindi mo tinupad ang aking tipan, at ang aking mga tuntunin na aking iniutos sa iyo, tiyak na aking aagawin ang kaharian sa iyo at aking ibibigay sa iyong lingkod.

12 Gayunma'y hindi ko ito gagawin sa iyong mga araw alang-alang kay David na iyong ama; kundi aagawin ko ito sa kamay ng iyong anak.

13 Gayunma'y hindi ko aagawin ang buong kaharian kundi ibibigay ko ang isang lipi sa iyong anak alang-alang kay David na aking lingkod, at alang-alang sa Jerusalem na aking pinili.”

14 At pinadalhan ng Panginoon si Solomon ng isang kaaway, si Hadad na Edomita; siya'y mula sa sambahayan ng hari sa Edom.

15 Sapagkat nang si David ay nasa Edom, at si Joab na pinuno ng hukbo ay umahon upang ilibing ang mga napatay, pinatay niya ang lahat ng lalaki sa Edom,

16 (sapagkat si Joab at ang buong Israel ay nanirahan doon ng anim na buwan, hanggang sa kanyang mapatay ang lahat ng lalaki sa Edom;)

17 ngunit si Hadad ay tumakas patungo sa Ehipto, kasama ang ilan sa mga Edomita na mga tauhan ng kanyang ama. Si Hadad noo'y munting bata pa.

18 Sila'y umalis sa Midian at dumating sa Paran. Sila'y nagsama ng mga lalaki mula sa Paran at sila'y nagsiparoon sa Ehipto, kay Faraon na hari sa Ehipto na siyang nagbigay sa kanya ng bahay, pagkain, at lupain.

19 At si Hadad ay nakatagpo ng malaking biyaya sa paningin ni Faraon, kaya't ibinigay ng Faraon sa kanya upang maging kanyang asawa ang kapatid ng kanyang sariling asawa, ang kapatid ni Tapenes na reyna.

20 Naging anak ng kapatid ni Tapenes sa kanya ang batang lalaking si Genubat, na inalagaan ni Tapenes sa bahay ni Faraon; at si Genubat ay nasa bahay ni Faraon na kasama ng mga anak ni Faraon.

21 Nang mabalitaan ni Hadad sa Ehipto na si David ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno, at si Joab na pinuno ng hukbo ay namatay na, sinabi ni Hadad kay Faraon, “Payagan mong humayo ako upang makauwi sa aking sariling lupain.”

22 Ngunit sinabi ni Faraon sa kanya, “Anong ipinagkukulang mo sa akin at ngayon ay nais mong umuwi sa iyong sariling lupain?” At siya'y sumagot, “Wala; gayunma'y ipinapakiusap ko sa iyo na payagan mo akong umalis.”

23 Pinadalhan ng Diyos si Solomon ng isa pang kaaway, si Rezon na anak ni Eliada, na tumakas sa kanyang panginoong si Hadadezer na hari ng Soba.

24 Siya'y nagtipon ng mga lalaki at naging pinuno ng isang pangkat ng magnanakaw, pagkatapos na patayin ni David. Sila'y pumunta sa Damasco at nanirahan doon at ginawa siyang hari sa Damasco.

25 Siya'y naging kaaway ng Israel sa lahat ng araw ni Solomon, na gumagawa ng kaguluhan tulad ni Hadad; at kanyang kinapootan ang Israel at naghari sa Siria.

Si Jeroboam ay Naghimagsik sa Hari

26 Si Jeroboam na anak ni Nebat, isang Efrateo sa Zereda na lingkod ni Solomon, na ang pangalan ng ina ay Zerua, isang babaing balo, ay nagtaas din ng kanyang kamay laban sa hari.

27 Ito ang kadahilanan ng pagtataas niya ng kanyang kamay laban sa hari: itinayo ni Solomon ang Milo at sinarhan ang butas sa lunsod ni David na kanyang ama.

28 Ang lalaking si Jeroboam ay makapangyarihang lalaki at matapang, at nang nakita ni Solomon na masipag ang kabataan, kanyang ipinagkatiwala sa kanya ang lahat ng sapilitang gawain ng sambahayan ni Jose.

29 Nang panahong iyon, nang si Jeroboam ay lumabas sa Jerusalem, nakasalubong niya sa daan si propeta Ahias na Shilonita. Si Ahias noon ay may suot na bagong kasuotan; at silang dalawa lamang ang tao sa parang.

30 Hinubad ni Ahias ang bagong kasuotan niya, at pinagpunit-punit ng labindalawang piraso.

31 At kanyang sinabi kay Jeroboam, “Kunin mo para sa iyo ang sampung piraso, sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel, ‘Aking aagawin ang kaharian sa kamay ni Solomon, at ibibigay ko ang sampung lipi sa iyo.

32 Ang isang lipi ay mananatili sa kanya alang-alang sa aking lingkod na si David at alang-alang sa Jerusalem, ang lunsod na aking pinili sa lahat ng mga lipi ng Israel.

33 Ito ay sapagkat kanilang tinalikuran ako, at sinamba si Astarte na diyosa ng mga Sidonio, si Cemos na diyos ng Moab, at si Malcam na diyos ng mga anak ni Ammon. Sila'y hindi lumakad sa aking mga daan upang gawin ang matuwid sa aking paningin, at upang tuparin ang aking mga tuntunin at mga batas, gaya ng ginawa ni David na kanyang ama.

34 Gayunma'y hindi ko kukunin ang buong kaharian sa kanyang kamay, kundi gagawin ko siyang pinuno sa lahat ng araw ng kanyang buhay, alang-alang kay David na aking lingkod na aking pinili, sapagkat kanyang tinupad ang aking mga utos at mga tuntunin.

35 Ngunit aking kukunin ang kaharian sa kamay ng kanyang anak at ibibigay ko sa iyo ang sampung lipi.

36 Sa kanyang anak ay ibibigay ko ang isang lipi upang si David na aking lingkod ay magkaroon ng ilawan magpakailanman sa harap ko sa Jerusalem, ang lunsod na aking pinili upang ilagay ang aking pangalan doon.

37 Kukunin kita at ikaw ay maghahari ayon sa buong ninanasa ng iyong kaluluwa, at magiging hari ka sa Israel.

38 Kung iyong diringgin ang lahat ng aking iniuutos sa iyo, at lalakad sa aking mga daan, at gagawin ang matuwid sa aking paningin, upang tuparin ang aking mga tuntunin at mga utos, gaya ng ginawa ni David na aking lingkod; sasamahan kita at ipagtatayo kita ng isang panatag na sambahayan, gaya ng aking itinayo para kay David, at ibibigay ko sa iyo ang Israel.

39 Dahil dito'y aking pahihirapan ang binhi ni David, ngunit hindi magpakailanman.’”

40 Pinagsikapan ni Solomon na patayin si Jeroboam, ngunit si Jeroboam ay tumindig, at tumakas patungo sa Ehipto, kay Shishac, na hari ng Ehipto, at tumira sa Ehipto hanggang sa pagkamatay ni Solomon.

41 Ngayon, ang iba sa mga gawa ni Solomon, at ang lahat ng kanyang ginawa, at ang kanyang karunungan, hindi ba nasusulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Gawa ni Solomon?

42 At ang panahon na naghari si Solomon sa Jerusalem sa buong Israel ay apatnapung taon.

43 At natulog si Solomon na kasama ng kanyang mga ninuno, at inilibing sa lunsod ni David na kanyang ama; at si Rehoboam na kanyang anak ay naghari na kapalit niya.

Lucas 21:20-38

Nagsalita si Jesus tungkol sa Pagbagsak ng Jerusalem(A)

20 “Subalit kapag nakita ninyong pinaliligiran ng mga hukbo ang Jerusalem, alamin nga ninyo na ang kanyang pagkawasak ay malapit na.

21 Kaya't ang mga nasa Judea ay dapat tumakas patungo sa mga bundok; at ang mga nasa loob ng lunsod ay lumabas, at ang mga nasa labas ng lupain ay huwag pumasok doon;

22 sapagkat(B) ito ang mga araw ng paghihiganti, upang matupad ang lahat ng mga bagay na nasusulat.

23 Kahabag-habag ang mga buntis at ang mga nagpapasuso sa mga araw na iyon! Sapagkat magkakaroon ng malaking pagdurusa sa ibabaw ng lupa at poot laban sa sambayanang ito.

24 Sila'y mabubuwal sa pamamagitan ng talim ng tabak at dadalhing bihag sa lahat ng mga bansa. Yuyurakan ang Jerusalem ng mga Hentil, hanggang sa matupad ang mga panahon ng mga Hentil.

Ang Pagdating ng Anak ng Tao(C)

25 “At(D) magkakaroon ng mga tanda sa araw, at buwan, at mga bituin, at sa lupa'y magkakaroon ng kahirapan sa mga bansa, na nalilito dahil sa ugong ng dagat at mga daluyong.

26 Ang mga tao ay manlulupaypay dahil sa takot, at mangangamba sa mga bagay na darating sa daigdig, sapagkat ang mga kapangyarihan sa mga langit ay mayayanig.

27 Pagkatapos(E) ay makikita nila ang Anak ng Tao na dumarating na nasa isang ulap na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian.

28 Kapag nagsimulang mangyari ang mga bagay na ito, tumingala kayo at itaas ninyo ang inyong mga ulo, sapagkat malapit na ang katubusan ninyo.”

Ang Aral tungkol sa Puno ng Igos(F)

29 At isinalaysay niya sa kanila ang isang talinghaga: “Masdan ninyo ang puno ng igos at ang lahat ng mga punungkahoy;

30 kapag mayroon na silang mga dahon ay nakikita mismo ninyo at nalalaman na malapit na ang tag-araw.

31 Gayundin naman kayo, kapag nakita ninyong nangyayari ang mga bagay na ito, nalalaman ninyo na malapit na ang kaharian ng Diyos.

32 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, hindi lilipas ang salinlahing ito, hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay.

33 Ang langit at ang lupa ay lilipas, subalit ang aking salita ay hindi lilipas.

Kailangang Magbantay

34 “Subalit mag-ingat kayo sa inyong sarili, baka magumon ang inyong mga puso sa katakawan, at kalasingan, at sa mga alalahanin ukol sa buhay na ito, at biglang dumating ang araw na iyon na parang bitag.

35 Sapagkat ito ay darating sa lahat ng nabubuhay sa ibabaw ng lupa.

36 Subalit maging handa kayo sa bawat panahon, na nananalanging magkaroon kayo ng lakas upang makatakas sa lahat ng mga bagay na ito na mangyayari, at upang makatayo kayo sa harapan ng Anak ng Tao.”

37 Araw-araw(G) ay nagtuturo siya sa templo; subalit sa gabi ay lumalabas siya at ginugugol ang magdamag sa bundok na tinatawag na Olibo.

38 At lahat ng mga tao ay maagang pumaparoon sa kanya sa templo upang pakinggan siya.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001