Old/New Testament
Nanalangin si Haring Solomon para sa Karunungan(A)
1 Pinatatag ni Solomon na anak ni David ang sarili sa kanyang kaharian, at ang Panginoon niyang Diyos ay kasama niya at ginawa siyang lubhang dakila.
2 Nagsalita si Solomon sa buong Israel, sa mga punong-kawal ng libu-libo at ng daan-daan, sa mga hukom, at sa lahat ng mga pinuno sa buong Israel, na mga puno ng mga sambahayan.
3 Si Solomon at ang buong kapulungan na kasama niya ay pumunta sa mataas na dako na nasa Gibeon, sapagkat ang toldang tipanan ng Diyos na ginawa ni Moises na lingkod ng Panginoon sa ilang ay naroon.
4 Ngunit(B) ang kaban ng Diyos ay dinala ni David mula sa Kiryat-jearim hanggang sa dakong pinaghandaan ni David para dito sapagkat ito ay kanyang ipinagtayo ng tolda sa Jerusalem.
5 Bukod(C) dito, ang dambanang tanso na ginawa ni Bezalel na anak ni Uri, na anak ni Hur ay naroon sa harapan ng tabernakulo ng Panginoon. Doon ay sumangguni sa Panginoon si Solomon at ang kapulungan.
6 Si Solomon ay umakyat sa dambanang tanso sa harapan ng Panginoon na nasa toldang tipanan at nag-alay doon ng isang libong handog na sinusunog.
7 Nang gabing iyon, nagpakita ang Diyos kay Solomon at sinabi sa kanya, “Hingin mo ang dapat kong ibigay sa iyo.”
8 Sinabi ni Solomon sa Diyos, “Ikaw ay nagpakita ng malaki at tapat na pag-ibig kay David na aking ama, at ginawa mo akong hari na kapalit niya.
9 O(D) Panginoong Diyos, matupad nawa ngayon ang iyong pangako kay David na aking ama, sapagkat ginawa mo akong hari sa isang bayan na kasindami ng alabok sa lupa.
10 Bigyan mo ako ngayon ng karunungan at kaalaman upang ako'y makalabas-masok sa harapan ng bayang ito; sapagkat sinong makakapamahala dito sa iyong bayang napakalaki?”
11 Sinabi ng Diyos kay Solomon, “Sapagkat ito ay nasa iyong puso, at hindi ka humingi ng ari-arian, kayamanan, karangalan o ng buhay man ng mga napopoot sa iyo, at hindi ka man lamang humingi ng mahabang buhay, kundi humingi ka ng karunungan at kaalaman para sa iyong sarili, upang iyong mapamahalaan ang aking bayan na dito ay ginawa kitang hari,
12 ang karunungan at kaalaman ay ipinagkakaloob sa iyo. Bibigyan din kita ng kayamanan, ari-arian, at karangalan, na walang haring nauna o kasunod mo ang magkakaroon nang gayon.”
Ang Kapangyarihan at Kayamanan ni Haring Solomon(E)
13 Sa gayo'y umalis si Solomon mula sa mataas na dako na nasa Gibeon, mula sa harapan ng toldang tipanan patungo sa Jerusalem. At siya'y naghari sa Israel.
14 Nagtipon(F) si Solomon ng mga karwahe at mga mangangabayo; siya'y may isang libo at apatnaraang karwahe, labindalawang libong mangangabayo, na kanyang inilagay sa bayan ng mga karwahe, at kasama ng hari sa Jerusalem.
15 Ginawa ng hari ang pilak at ginto na karaniwan sa Jerusalem na gaya ng bato, at ginawa niya ang mga sedro na kasindami ng mga sikomoro ng Shefela.
16 Ang(G) mga kabayo ni Solomon ay inangkat mula sa Ehipto at Kue, at tinanggap ito ng mga mangangalakal ng hari mula sa Kue sa halagang umiiral.
17 Sila ay umangkat mula sa Ehipto ng isang karwahe sa halagang animnaraang siklong pilak, at ang isang kabayo sa halagang isandaan at limampu. Gayundin, sa pamamagitan nila, ang mga ito ay ipinagbili sa lahat ng mga hari ng mga Heteo, at sa mga hari ng Siria.
Mga Paghahanda para sa Pagtatayo ng Templo(H)
2 Si Solomon ay nagpasiyang magtayo ng templo para sa pangalan ng Panginoon, at ng isang maharlikang palasyo para sa kanyang sarili.
2 Si(I) Solomon ay nangalap ng pitumpung libong lalaki upang magbuhat ng mga pasan at walumpung libong lalaki upang tumibag ng bato sa maburol na lupain, at tatlong libo at animnaraan upang mamahala sa kanila.
3 At si Solomon ay nagpasabi kay Huram na hari ng Tiro, “Kung ano ang iyong ginawa kay David na aking ama na pinadalhan mo ng mga sedro upang magtayo siya ng bahay na matitirahan, gayundin ang gawin mo sa akin.
4 Malapit na akong magtayo ng bahay para sa pangalan ng Panginoon kong Diyos, at italaga ito sa kanya upang pagsunugan ng mabangong insenso sa harapan niya, at para sa palagiang handog na tinapay, at para sa mga handog na sinusunog sa umaga at hapon, sa mga Sabbath, sa mga bagong buwan, at sa mga takdang kapistahan ng Panginoon naming Diyos, gaya ng itinalaga magpakailanman para sa Israel.
5 Ang bahay na aking itatayo ay magiging dakila sapagkat ang aming Diyos ay higit na dakila kaysa lahat ng mga diyos.
6 Ngunit sinong makapagtatayo para sa kanya ng isang bahay, yamang sa langit, maging sa pinakamataas na langit ay hindi siya magkakasiya? Sino ako upang ipagtayo ko siya ng isang bahay, maliban sa isang dakong pagsusunugan ng insenso sa harapan niya?
7 Ngayo'y padalhan mo ako ng isang lalaki na bihasang gumawa sa ginto, pilak, tanso, bakal, at sa kulay-ube, matingkad na pula, at asul na tela, na sanay rin sa pag-ukit, upang makasama ng mga bihasang manggagawang kasama ko sa Juda at sa Jerusalem, na inilaan ni David na aking ama.
8 Padalhan mo rin ako ng mga kahoy na sedro, sipres, at algum na mula sa Lebanon, sapagkat alam ko na ang iyong mga lingkod ay marunong pumutol ng troso sa Lebanon. Ang aking mga lingkod ay makakasama ng iyong mga lingkod,
9 upang ipaghanda ako ng napakaraming kahoy, sapagkat ang bahay na aking itatayo ay magiging dakila at kahanga-hanga.
10 Ako'y magbibigay sa iyong mga lingkod na mga mamumutol ng kahoy ng dalawampung libong koro[a] ng binayong trigo, dalawampung libong koro,[b] ng sebada, dalawampung libong bat[c] ng alak, at dalawampung libong bat[d] ng langis.”
11 Si Huram na hari ng Tiro ay sumagot sa sulat na kanyang ipinadala kay Solomon, “Sapagkat minamahal ng Panginoon ang kanyang bayan ay ginawa ka niyang hari sa kanila.”
12 Sinabi rin ni Huram, “Purihin ang Panginoong Diyos ng Israel na gumawa ng langit at lupa na nagbigay kay Haring David ng isang pantas na anak, na pinagkalooban ng mahusay na pagpapasiya at pang-unawa, upang magtayo ng isang bahay para sa Panginoon, at ng isang maharlikang palasyo para sa kanyang sarili.
13 At ngayo'y nagsugo ako ng isang bihasa at matalinong lalaki, si Huramabi,
14 na anak ng isang babae sa mga anak ni Dan; at ang kanyang ama ay taga-Tiro. Siya ay sinanay sa paggawa sa ginto, pilak, tanso, bakal, bato at kahoy, at sa kulay-ube, asul, at sa matingkad na pula at pinong tela, at sa lahat ng uri ng pag-ukit at sa paggawa ng anumang palamuti na maaaring ipagawa sa kanya, kasama ng iyong mga bihasang manggagawa na mga manggagawa rin ng aking panginoong si David na iyong ama.
15 Kaya't ngayon, ang trigo at sebada, ang langis at ang alak na binanggit ng aking panginoon ay ipadala niya sa kanyang mga lingkod.
16 Aming puputulin ang gaano mang karaming troso na kailangan mo mula sa Lebanon, at aming dadalhin sa iyo na parang mga balsa na idaraan sa dagat hanggang sa Joppa, upang iyong madala sa Jerusalem.”
Pinasimulan ang Pagtatayo ng Templo(J)
17 Pagkatapos ay binilang ni Solomon ang lahat ng mga dayuhan na nasa lupain ng Israel, ayon sa pagbilang na ginawa sa kanila ni David na kanyang ama; at iyon ay umabot ng isandaan limampu't tatlong libo at animnaraan.
18 Pitumpung libo sa kanila ay kanyang itinalaga na tagabuhat ng pasan, walumpung libo na mga tagatibag ng bato sa maburol na lupain, at tatlong libo at animnaraan bilang kapatas upang mapagtrabaho ang taong-bayan.
3 Pinasimulang(K) itayo ni Solomon ang bahay ng Panginoon sa Jerusalem sa ibabaw ng Bundok Moria, na doon ay nagpakita ang Panginoon kay David na kanyang ama, sa lugar na itinakda ni David, sa giikan ni Ornan na Jebuseo.
2 Siya'y nagpasimulang magtayo nang ikalawang buwan ng ikaapat na taon ng kanyang paghahari.
3 Ang mga ito ang sukat na ginamit ni Solomon para sa pagtatayo ng bahay ng Diyos. Ang haba sa mga siko ayon sa matandang panukat ay animnapung siko, at ang luwang ay dalawampung siko.
4 Ang portiko na nasa harapan ng bahay ay dalawampung siko, kasinluwang ng bahay; at ang taas ay isandaan at dalawampung siko. Ito ay kanyang binalutan ng lantay na ginto sa loob.
5 Mismong ang bahay ay kanyang nilagyan ng kisame ng kahoy na sipres, at binalot ito ng lantay na ginto, at ginawan ito ng mga palma at mga tanikala.
6 Kanyang pinalamutian ang bahay ng mga mamahaling bato. Ang ginto ay mula sa Parvaim.
7 Kanyang binalutan ng ginto ang bahay, ang mga biga, mga pasukan, mga dingding, at ang mga pinto; at inukitan niya ng mga kerubin ang mga dingding.
8 Kanyang(L) ginawa ang dakong kabanal-banalan; ang haba nito ay katumbas ng luwang ng bahay, dalawampung siko, at ang luwang nito ay dalawampung siko. Kanyang binalutan ito ng dalisay na ginto na may timbang na animnaraang talento.
9 Ang bigat ng mga pako ay limampung siklong ginto. At kanyang binalutan ng ginto ang mga silid sa itaas.
10 Sa(M) dakong kabanal-banalan ay gumawa siya ng dalawang kerubin na yari sa kahoy at binalot ang mga ito ng ginto.
11 Ang mga pakpak ng mga kerubin na sama-samang nakabuka ay dalawampung siko ang haba; ang pakpak ng isa ay limang siko na abot sa dingding ng bahay; at ang kabilang pakpak na limang siko ay abot sa pakpak ng unang kerubin.
12 Ang pakpak ng isang kerubin ay limang siko na abot sa dingding ng bahay; at ang kabilang pakpak ay limang siko rin na nakalapat sa pakpak ng unang kerubin.
13 Ang mga pakpak ng mga kerubing ito ay umaabot ng dalawampung siko; ang mga kerubin ay nakatayo sa kanilang mga paa, nakaharap sa bahay.
14 Ginawa(N) niya ang tabing na asul, ube, matingkad na pulang tela at pinong lino, at ginawan ang mga ito ng mga kerubin.
15 Sa harapan ng bahay ay gumawa siya ng dalawang haligi na tatlumpu't limang siko ang taas, at ang kapitel na nasa ibabaw ng bawat isa sa mga iyon ay limang siko.
16 Siya'y gumawa ng mga tanikalang gaya ng kuwintas at inilagay sa ibabaw ng mga haligi; at siya'y gumawa ng isandaang granada, at inilagay sa mga tanikala.
17 Kanyang itinayo ang mga haligi sa harapan ng templo, ang isa'y sa timog, at ang isa'y sa hilaga; ang nasa timog ay tinawag na Jakin,[e] at ang nasa hilaga ay Boaz.[f]
Ang Mabuting Pastol
10 “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang pumapasok sa hindi pintuan ng kulungan ng mga tupa kundi umaakyat sa ibang daan, ang taong iyon ay tulisan at magnanakaw.
2 Ngunit ang pumapasok sa pintuan ay siyang pastol ng mga tupa.
3 Pinagbubuksan siya ng bantay sa pinto; at pinapakinggan ng mga tupa ang kanyang tinig. Tinatawag niya ang kanyang mga tupa sa pangalan, at sila'y inihahatid papalabas.
4 Kapag nailabas na niya ang lahat ng kanya, ay nangunguna siya sa kanila at sumusunod sa kanya ang mga tupa, sapagkat kilala nila ang kanyang tinig.
5 Ngunit hindi sila susunod kailanman sa iba, kundi lalayo sila sa kanya, sapagkat hindi nila kilala ang tinig ng iba.”
6 Sinabi ni Jesus sa kanila ang paghahambing na ito, subalit hindi nila naunawaan ang mga bagay na sinasabi niya sa kanila.
Si Jesus ang Mabuting Pastol
7 Kaya't muling sinabi sa kanila ni Jesus, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ako ang pintuan ng mga tupa.
8 Ang lahat ng nauna sa akin ay mga tulisan at mga magnanakaw, subalit hindi sila pinakinggan ng mga tupa.
9 Ako ang pintuan. Ang sinumang pumasok sa pamamagitan ko ay maliligtas, at papasok at lalabas, at makakatagpo ng pastulan.
10 Ang magnanakaw ay dumarating lamang upang magnakaw, pumatay, at pumuksa. Ako'y pumarito upang sila'y magkaroon ng buhay, at magkaroon nito nang may kasaganaan.
11 Ako ang mabuting pastol. Ibinibigay ng mabuting pastol ang kanyang buhay para sa mga tupa.
12 Ang upahan at hindi pastol, at hindi may-ari ng mga tupa, nang makitang dumarating ang asong-gubat ay pinababayaan ang mga tupa at tumatakas. At inaagaw sila ng asong-gubat, at ikinakalat.
13 Siya'y tumatakas sapagkat siya'y upahan, at walang malasakit sa mga tupa.
14 Ako ang mabuting pastol. Kilala ko ang sariling akin, at kilala ako ng sariling akin.
15 Gaya(A) ng pagkakilala sa akin ng Ama, at ng pagkakilala ko sa Ama, at ibinibigay ko ang aking buhay para sa mga tupa.
16 Mayroon akong ibang mga tupa na wala sa kulungang ito. Kailangan ko rin silang dalhin dito at kanilang papakinggan ang aking tinig. Kaya't magkakaroon ng isang kawan na may isang pastol.
17 Dahil dito'y minamahal ako ng Ama, sapagkat ibinibigay ko ang aking buhay, upang ito'y kunin kong muli.
18 Walang nag-aalis nito sa akin, kundi kusa kong ibinibigay. May kapangyarihan akong ibigay ito, at may kapangyarihan akong kunin itong muli. Tinanggap ko ang utos na ito mula sa aking Ama.”
19 At muling nagkaroon ng pagkakabaha-bahagi sa mga Judio dahil sa mga salitang ito.
20 At marami sa kanila ang nagsasabi, “Mayroon siyang demonyo, at siya'y nauulol, bakit ninyo siya pinapakinggan?”
21 Sinasabi naman ng iba, “Hindi ito ang mga salita ng isang may demonyo. Kaya ba ng demonyo na magbukas ng mga mata ng bulag?”
Itinakuwil si Jesus
22 Nang panahong iyon, sa Jerusalem ay kapistahan ng Pagtatalaga. Noon ay tagginaw,
23 at naglalakad si Jesus sa templo sa portiko ni Solomon.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001