Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
1 Mga Hari 16-18

Ang Propesiya ni Jehu

16 Ang salita ng Panginoon ay dumating kay Jehu na anak ni Hanani, laban kay Baasa, na nagsasabi,

“Yamang itinaas kita mula sa alabok, at ginawa kitang pinuno sa aking bayang Israel, at ikaw ay lumakad sa landas ni Jeroboam, at ikaw ang sanhi ng pagkakasala ng aking bayang Israel, upang ibunsod mo ako sa galit dahil sa kanilang mga kasalanan,

aking lubos na lilipulin si Baasa at ang kanyang sambahayan, at gagawin ko ang iyong sambahayan na gaya ng sambahayan ni Jeroboam na anak ni Nebat.

Ang sinumang kabilang kay Baasa na mamatay sa lunsod ay kakainin ng mga aso; at ang sinumang kabilang sa kanya na mamatay sa parang ay kakainin ng mga ibon sa himpapawid.”

Ang iba pa sa mga gawa ni Baasa, at ang kanyang ginawa, at ang kanyang kapangyarihan, hindi ba nasusulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan[a] ng mga hari ng Israel?

At natulog si Baasa na kasama ng kanyang mga ninuno at inilibing sa Tirsa; at si Ela na kanyang anak ay naghari na kapalit niya.

Bukod dito, sa pamamagitan ng propetang si Jehu na anak ni Hanani, ay dumating ang salita ng Panginoon laban kay Baasa, at laban sa kanyang sambahayan, dahil sa lahat ng kasamaan na kanyang ginawa sa paningin ng Panginoon, upang galitin siya sa pamamagitan ng gawa ng kanyang mga kamay, sa pagtulad sa sambahayan ni Jeroboam, at dahil din sa paglipol niya rito.

Si Ela ay Naghari sa Israel

Nang ikadalawampu't anim na taon ni Asa na hari ng Juda ay nagsimula si Ela na anak ni Baasa na maghari sa Israel sa Tirsa, at naghari siya ng dalawang taon.

Ngunit ang kanyang lingkod na si Zimri na punong-kawal sa kalahati ng kanyang mga karwahe ay nakipagsabwatan laban sa kanya. Nang siya'y nasa Tirsa na umiinom na nilalasing ang sarili sa bahay ni Arsa, na siyang katiwala sa sambahayan sa Tirsa,

10 pumasok si Zimri, sinalakay siya at pinatay nang ikadalawampu't pitong taon ni Asa na hari ng Juda, at siya'y naghari na kapalit niya.

11 Nang siya'y magsimulang maghari, pag-upong pag-upo niya sa kanyang trono, ay kanyang pinagpapatay ang buong sambahayan ni Baasa. Hindi siya nag-iwan ng isa man lamang lalaki sa kanyang kamag-anak o sa mga kaibigan.

12 Sa gayo'y nilipol ni Zimri ang buong sambahayan ni Baasa, ayon sa salita ng Panginoon, na kanyang sinabi laban kay Baasa, sa pamamagitan ni Jehu na propeta,

13 dahil sa lahat ng mga kasalanan ni Baasa, at sa mga kasalanan ni Ela na kanyang anak, na kanilang ginawa, na sanhi ng pagkakasala ng Israel upang ibunsod sa galit ang Panginoon, ang Diyos ng Israel sa pamamagitan ng kanilang mga diyus-diyosan.

14 Ang iba pa sa mga gawa ni Ela, at ang lahat na kanyang ginawa, hindi ba nasusulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan[b] ng mga hari ng Israel?

Si Zimri ay Naghari sa Israel

15 Nang ikadalawampu't pitong taon ni Asa na hari sa Juda, naghari si Zimri ng pitong araw sa Tirsa. Ang mga kawal ay nagkampo laban sa Gibeton na sakop ng mga Filisteo.

16 At narinig ng mga kawal na nagkakampo na si Zimri ay nakipagsabwatan at kanyang pinatay ang hari; kaya't si Omri na punong-kawal ng hukbo ay ginawang hari sa Israel nang araw na iyon sa kampo.

17 Kaya't si Omri ay umahon mula sa Gibeton, at ang buong Israel ay kasama niya, at kanilang kinubkob ang Tirsa.

18 Nang makita ni Zimri na ang lunsod ay nasakop na, siya'y pumunta sa kastilyo ng bahay ng hari, sinunog ng apoy ang bahay na kinaroroonan ng hari at siya'y namatay,

19 dahil sa kanyang mga kasalanan na kanyang ginawa sa pamamagitan ng paggawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon, sa paglakad sa landas ni Jeroboam, at sa kanyang kasalanan na kanyang ginawa, na naging sanhi ng pagkakasala ng Israel.

20 Ang iba pa sa mga gawa ni Zimri, at ang pakikipagsabwatan na kanyang ginawa, hindi ba nasusulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan[c] ng mga hari ng Israel?

21 Pagkatapos ang bayan ng Israel ay nahati sa dalawa: ang kalahati ng bayan ay sumunod kay Tibni na anak ni Ginat, upang gawin siyang hari; at ang kalahati ay sumunod kay Omri.

22 Ngunit ang mga taong sumunod kay Omri ay nanaig laban sa mga taong sumunod kay Tibni na anak ni Ginat; sa gayo'y namatay si Tibni at naging hari si Omri.

23 Nang ikatatlumpu't isang taon ni Asa na hari ng Juda, nagsimula si Omri na maghari sa Israel, at naghari ng labindalawang taon; anim na taong naghari siya sa Tirsa.

24 At binili niya ang burol ng Samaria mula kay Semer sa halagang dalawang talentong pilak. Siya'y nagtayo ng kuta sa burol at tinawag ang pangalan ng lunsod na kanyang itinayo na Samaria, ayon sa pangalan ni Semer, na may-ari ng burol.

25 Gumawa si Omri ng kasamaan sa paningin ng Panginoon, at gumawa ng mas masama kaysa lahat ng nauna sa kanya.

26 Sapagkat siya'y lumakad sa lahat ng landas ni Jeroboam na anak ni Nebat, at sa kanyang mga kasalanan na naging sanhi ng pagkakasala ng Israel upang ibunsod sa galit ang Panginoon, ang Diyos ng Israel sa pamamagitan ng kanilang mga diyus-diyosan.

27 Ang iba pa sa mga gawa ni Omri na kanyang ginawa, at ang kapangyarihang kanyang ipinamalas, hindi ba nasusulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan[d] ng mga hari ng Israel?

28 Natulog si Omri na kasama ng kanyang mga ninuno at inilibing sa Samaria. Si Ahab na kanyang anak ay naghari na kapalit niya.

Si Ahab ay Naghari sa Israel

29 Nang ikatatlumpu't walong taon ni Asa na hari ng Juda, nagsimula si Ahab na anak ni Omri na maghari sa Israel. At si Ahab na anak ni Omri ay naghari sa Israel sa Samaria nang dalawampu't dalawang taon.

30 Si Ahab na anak ni Omri ay gumawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon nang higit kaysa lahat ng nauna sa kanya.

31 Waring isang magaang bagay para sa kanya na lumakad sa mga kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nebat, siya'y nag-asawa kay Jezebel, na anak ni Et-baal na hari ng mga Sidonio, at siya'y humayo at naglingkod kay Baal, at sumamba sa kanya.

32 Kanyang ipinagtayo ng dambana si Baal sa bahay ni Baal, na kanyang itinayo sa Samaria.

33 At gumawa si Ahab ng sagradong poste[e]. Gumawa pa ng higit si Ahab upang galitin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel, kaysa lahat ng mga hari ng Israel na nauna sa kanya.

34 Sa(A) kanyang mga araw, itinayo ni Hiel na taga-Bethel ang Jerico. Inilagay niya ang pundasyon niyon na ang katumbas ay buhay ni Abiram na kanyang panganay na anak. At itinayo niya ang mga pintuang-bayan niyon na ang katumbas ay ang buhay ng kanyang bunsong anak na si Segub, ayon sa salita ng Panginoon na kanyang sinabi sa pamamagitan ni Josue na anak ni Nun.

Ipinahayag ni Elias na Magkakaroon ng Tagtuyot

17 Si(B) Elias na Tisbita, na nakikipamayan sa Gilead, ay nagsabi kay Ahab, “Habang nabubuhay ang Panginoon, ang Diyos ng Israel! Ako'y nakatayo sa harap niya, hindi magkakaroon ng hamog o ulan man sa mga taong ito, maliban sa pamamagitan ng aking salita.”

At ang salita ng Panginoon ay dumating sa kanya, na sinasabi,

“Umalis ka rito, lumiko ka patungong silangan, at magkubli ka sa tabi ng batis Cherit na nasa silangan ng Jordan.

Ikaw ay iinom sa batis, at aking iniutos sa mga uwak na pakainin ka roon.”

Kaya't pumunta siya roon at ginawa ang ayon sa salita ng Panginoon, siya'y pumaroon at nanirahan sa tabi ng batis Cherit na nasa silangan ng Jordan.

Dinalhan siya ng mga uwak ng tinapay at karne sa umaga, at tinapay at karne sa hapon, at siya'y uminom sa batis.

Pagkaraan ng ilang panahon, ang batis ay natuyo sapagkat walang ulan sa lupain.

At ang salita ng Panginoon ay dumating sa kanya,

“Bumangon(C) ka. Pumaroon ka sa Zarefta na sakop ng Sidon, at manirahan ka roon. Aking inutusan ang isang balong babae roon na pakainin ka.”

10 Kaya't bumangon siya at pumunta sa Zarefta. Nang siya'y dumating sa pintuan ng lunsod, naroon ang isang babaing balo na namumulot ng mga patpat. Kanyang tinawag siya, at sinabi, “Dalhan mo ako ng kaunting tubig sa isang sisidlan upang ako'y makainom.”

11 Nang siya'y pumunta na upang kumuha, kanyang tinawag siya, at sinabi, “Dalhan mo ako ng isang pirasong tinapay.”

12 At sinabi niya, “Kung paanong ang Panginoon mong Diyos ay buháy, ako'y walang nalutong anuman, tanging isang dakot na harina sa tapayan, at kaunting langis sa banga. At ngayon, ako'y namumulot ng ilang patpat upang ako'y makauwi at ihanda iyon para sa akin at sa aking anak, upang aming makain iyon, bago kami mamatay.”

13 Sinabi ni Elias sa kanya, “Huwag kang matakot. Humayo ka, at gawin mo ang iyong sinabi, ngunit igawa mo muna ako ng munting tinapay. Pagkatapos ay dalhin mo rito sa akin, at saka ka gumawa para sa iyo at sa iyong anak.

14 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel, ‘Ang tapayan ng harina ay hindi magkukulang, o ang banga ng langis man ay mauubusan hanggang sa araw na magpaulan ang Panginoon sa ibabaw ng lupa.’”

15 Siya'y humayo, at ginawa ang ayon sa sinabi ni Elias. At ang babae, siya at ang sambahayan ng babae ay kumain nang maraming araw.

16 Ang tapayan ng harina ay hindi nagkulang, o ang banga ng langis man ay naubusan, ayon sa salita ng Panginoon na kanyang sinabi sa pamamagitan ni Elias.

Binuhay ni Elias ang Anak ng Balo

17 Pagkatapos ng mga bagay na ito, ang anak na lalaki ng babae, na may-ari ng bahay ay nagkasakit. Ang kanyang sakit ay napakalubha kaya't walang naiwang hininga.

18 At sinabi niya kay Elias, “Anong mayroon ka laban sa akin, O ikaw na tao ng Diyos? Naparito ka sa akin upang ipaalala mo ang aking kasalanan, at upang patayin ang aking anak!”

19 Sinabi ni Elias sa kanya, “Ibigay mo sa akin ang iyong anak.” At kinuha niya sa kanyang kandungan, at dinala niya sa silid sa itaas na kanyang tinutuluyan, at inihiga sa kanyang sariling higaan.

20 At siya'y nanangis sa Panginoon, “O Panginoon kong Diyos, dinalhan mo rin ba ng kapahamakan ang balo na aking tinutuluyan sa pamamagitan ng pagpatay sa kanyang anak?”

21 Siya'y(D) umunat sa bata ng tatlong ulit, at nanangis sa Panginoon, “O Panginoon kong Diyos, idinadalangin ko sa iyo, pabalikin mo sa batang ito ang kanyang buhay.”

22 Dininig ng Panginoon ang tinig ni Elias; at ang buhay ng bata ay bumalik sa kanya, at siya'y muling nagkamalay.

23 Kinuha ni Elias ang bata, ibinaba sa loob ng bahay mula sa silid sa itaas, at ibinigay siya sa kanyang ina; at sinabi ni Elias, “Tingnan mo, buháy ang iyong anak.”

24 At sinabi ng babae kay Elias, “Ngayo'y alam ko na ikaw ay isang tao ng Diyos, at ang salita ng Panginoon sa iyong bibig ay katotohanan.”

Nagkita sina Elias at Obadias

18 Pagkaraan ng maraming araw, ang salita ng Panginoon ay dumating kay Elias nang ikatlong taon, na nagsasabi, “Humayo ka. Magpakita ka kay Ahab at ako'y magpapaulan sa lupa.”

Kaya't si Elias ay humayo at nagpakita kay Ahab. Noon, ang taggutom ay malubha sa Samaria.

Tinawag ni Ahab si Obadias na siyang katiwala sa bahay. (Si Obadias nga ay lubhang natatakot sa Panginoon.

Sapagkat nang itiwalag ni Jezebel ang mga propeta ng Panginoon, kumuha si Obadias ng isandaang propeta, at ikinubli na lima-limampu sa isang yungib, at pinakain sila ng tinapay at tubig.)

At sinabi ni Ahab kay Obadias, “Libutin mo ang lupain, hanggang sa lahat ng mga bukal ng tubig at mga libis. Marahil tayo'y makakatagpo ng damo, at maililigtas nating buháy ang mga kabayo at mga mola upang huwag tayong mawalan ng hayop.”

Kaya't pinaghatian nila ang lupain sa gitna nila upang lakarin. Si Ahab ay lumakad ng kanyang sarili sa isang daan, at si Obadias ay lumakad ng kanyang sarili sa kabilang daan.

Samantalang si Obadias ay nasa daan, nakasalubong siya ni Elias. Kanyang nakilala siya, at nagpatirapa, at nagsabi, “Ikaw ba iyan, ang panginoon kong Elias?”

Siya'y sumagot sa kanya, “Ako nga. Humayo ka. Sabihin mo sa iyong panginoon, narito si Elias.”

At kanyang sinabi, “Saan ako nagkasala at ibibigay mo ang iyong lingkod sa kamay ni Ahab upang ako'y patayin?”

10 Habang buháy ang Panginoon mong Diyos, walang bansa o kaharian man na roo'y hindi ka hinanap ng aking panginoon. Kapag kanilang sinasabi, ‘Siya'y wala rito, kanyang pinasusumpa ang kaharian at bansa na hindi kinatatagpuan sa iyo.

11 At ngayo'y iyong sinasabi, ‘Humayo ka, sabihin mo sa iyong panginoon na narito si Elias.’

12 Pagkaalis na pagkaalis ko sa iyo, dadalhin ka ng Espiritu ng Panginoon sa hindi ko nalalaman; at kapag ako'y pumaroon at sabihin ko kay Ahab, at hindi ka niya natagpuan, papatayin niya ako, bagaman akong iyong lingkod ay may takot sa Panginoon mula pa sa aking pagkabata.

13 Hindi pa ba nasabi sa aking panginoon, kung ano ang aking ginawa nang patayin ni Jezebel ang mga propeta ng Panginoon? Kung paanong itinago ko ang isandaan sa mga propeta ng Panginoon, lima-limampu sa isang yungib, at pinakain ko sila ng tinapay at tubig?

14 Ngayo'y iyong sinasabi, ‘Humayo ka, sabihin mo sa iyong panginoon, “Narito si Elias”’; papatayin niya ako.”

15 At sinabi ni Elias, “Habang buháy ang Panginoon ng mga hukbo, na sa harap niya'y nakatayo ako, ako'y tiyak na magpapakita sa kanya ngayon.”

Nagkita si Elias at si Ahab

16 Sa gayo'y humayo si Obadias upang salubungin si Ahab, at sinabi sa kanya. At si Ahab ay humayo upang salubungin si Elias.

17 Nang makita ni Ahab si Elias, sinabi ni Ahab sa kanya, “Ikaw ba iyan, ikaw na nanggugulo sa Israel?”

18 Siya'y sumagot, “Hindi ako ang nanggugulo sa Israel; kundi ikaw at ang sambahayan ng iyong ama, sapagkat inyong tinalikuran ang mga utos ng Panginoon, at sumunod sa mga Baal.

19 Ngayon nga'y magsugo ka, at tipunin mo sa akin ang buong Israel sa bundok Carmel, ang apatnaraan at limampung propeta ni Baal, at ang apatnaraang propeta ni Ashera na kumakain sa hapag ni Jezebel.”

Ang Paligsahan sa Bundok ng Carmel

20 Kaya't nagsugo si Ahab sa lahat ng mga anak ni Israel, at tinipon ang mga propeta sa bundok Carmel.

21 Si Elias ay lumapit sa buong bayan, at nagsabi, “Hanggang kailan kayo magpapatalun-talon sa dalawang magkaibang kuru-kuro? Kung ang Panginoon ay Diyos, sumunod kayo sa kanya, ngunit kung si Baal, sa kanya kayo sumunod.” At ang bayan ay hindi sumagot sa kanya kahit isang salita.

22 Nang magkagayo'y sinabi ni Elias sa bayan, “Ako at ako lamang ang naiwang propeta ng Panginoon; ngunit ang mga propeta ni Baal ay apatnaraan at limampung lalaki.

23 Bigyan ninyo kami ng dalawang baka; pumili sila para sa kanila ng isang baka, katayin, ilagay sa ibabaw ng kahoy, at huwag lagyan ng apoy sa ilalim. Ihahanda ko naman ang isang baka at ilalagay ko sa kahoy, at hindi ko ito lalagyan ng apoy.

24 Tawagin ninyo ang pangalan ng inyong diyos, at tatawagin ko ang pangalan ng Panginoon. Ang Diyos na sumagot sa pamamagitan ng apoy, ay siyang Diyos.” At ang buong bayan ay sumagot, “Mabuti ang pagkasabi.”

25 Pagkatapos ay sinabi ni Elias sa mga propeta ni Baal, “Pumili kayo ng isang baka para sa inyo, at una ninyong ihanda sapagkat kayo'y marami. Tawagin ninyo ang pangalan ng inyong diyos, ngunit huwag ninyong lagyan ng apoy.”

26 Kanilang kinuha ang baka na ibinigay sa kanila, kanilang inihanda, at tumawag sa pangalan ni Baal mula umaga hanggang tanghaling tapat, na nagsasabi, “O Baal, dinggin[f] mo kami.” Ngunit walang tinig at walang sumasagot. At sila'y lumukso sa palibot ng kanilang ginawang dambana.

27 Nang tanghaling tapat na, nilibak sila ni Elias, na sinasabi, “Sumigaw kayo nang malakas, sapagkat siya'y isang diyos; baka siya'y nagmumuni-muni, o nananabi, o nasa paglalakbay, o baka siya'y natutulog at kailangang gisingin.”

28 At sila'y nagsisigaw nang malakas, at sila'y naghiwa sa kanilang sarili ng tabak at mga patalim ayon sa kanilang kaugalian hanggang sa bumulwak ang dugo sa kanila.

29 Nang makaraan ang tanghaling tapat, sila'y nagngangawa hanggang sa oras ng paghahandog ng alay sa hapon, ngunit wala kahit tinig, walang sumasagot, walang nakikinig.

30 Pagkatapos ay sinabi ni Elias sa buong bayan, “Lumapit kayo sa akin.” At ang buong bayan ay lumapit sa kanya. Kanyang inayos ang bumagsak na dambana ng Panginoon.

31 Kumuha(E) si Elias ng labindalawang bato, ayon sa bilang ng mga lipi ng mga anak ni Jacob, na sa kanya ay dumating ang salita ng Panginoon na sinasabi, “Israel ang magiging pangalan mo.”

32 Sa pamamagitan ng mga bato ay nagtayo siya ng dambana sa pangalan ng Panginoon; at kanyang nilagyan ng hukay ang palibot ng dambana na ang lalim ay masisidlan ng dalawang takal na binhi.

33 Kanyang iniayos ang kahoy, kinatay ang baka at ipinatong sa kahoy. At kanyang sinabi, “Punuin ninyo ang apat na tapayan ng tubig, at ibuhos ninyo sa handog na sinusunog at sa kahoy.”

34 Kanyang sinabi, “Gawin ninyo ng ikalawang ulit,” at kanilang ginawa ng ikalawang ulit. At kanyang sinabi, “Gawin ninyo ng ikatlong ulit;” at kanilang ginawa ng ikatlong ulit.

35 Ang tubig ay umagos sa palibot ng dambana at napuno ng tubig ang hukay.

36 Sa oras ng paghahandog ng alay sa hapon, si Elias na propeta ay lumapit, at nagsabi, “O Panginoon, Diyos ni Abraham, ni Isaac, at ni Israel. Ipakilala mo sa araw na ito, na ikaw ay Diyos sa Israel, at ako ay iyong lingkod, at aking ginawa ang lahat ng bagay na ito sa iyong pag-uutos.

37 Sagutin mo ako, O Panginoon. Sagutin mo ako, upang malaman ng bayang ito na ikaw Panginoon ay Diyos, at iyong pinanunumbalik ang kanilang mga puso.”

38 Nang magkagayo'y ang apoy ng Panginoon ay bumagsak at tinupok ang handog na sinusunog, ang kahoy, mga bato, alabok, at dinilaan ang tubig na nasa hukay.

39 Nang makita iyon ng buong bayan, sila'y nagpatirapa at kanilang sinabi, “Ang Panginoon ang siyang Diyos; ang Panginoon ang siyang Diyos.”

40 At sinabi ni Elias sa kanila, “Hulihin ninyo ang mga propeta ni Baal; huwag hayaang makatakas ang sinuman sa kanila.” At kanilang dinakip sila; sila'y ibinaba ni Elias sa batis ng Kison at pinatay roon.

Ang Katapusan ng Tagtuyot

41 Sinabi ni Elias kay Ahab, “Umahon ka, kumain ka at uminom sapagkat may hugong ng rumaragasang ulan.”

42 Kaya't(F) umahon si Ahab upang kumain at uminom. Si Elias ay umakyat sa tuktok ng Carmel; siya'y yumukod sa lupa at inilagay ang kanyang mukha sa pagitan ng kanyang mga tuhod.

43 Kanyang sinabi sa kanyang lingkod, “Umahon ka ngayon, tumingin ka sa dagat.” At siya'y umahon at tumingin, at sinabi, “Wala akong nakikita.” At kanyang sinabi, “Humayo ka ng pitong ulit.”

44 Sa ikapitong pagkakataon, ay kanyang sinabi, “Tingnan mo, may lumitaw na isang ulap mula sa dagat na kasinliit ng kamay ng isang lalaki.” At kanyang sinabi, “Humayo ka. Sabihin mo kay Ahab, ‘Ihanda mo ang iyong karwahe, at ikaw ay lumusong baka mapigil ka ng ulan.’”

45 Pagkaraan ng ilang sandali, ang langit ay nagdilim sa ulap at hangin, at nagkaroon ng malakas na ulan. At si Ahab ay sumakay at pumunta sa Jezreel.

46 Ngunit ang kamay ng Panginoon ay na kay Elias. Kanyang binigkisan ang kanyang mga balakang at tumakbong nauuna kay Ahab sa pasukan ng Jezreel.

Lucas 22:47-71

Ang Pagdakip kay Jesus(A)

47 Samantalang nagsasalita pa siya, dumating ang maraming tao, at ang lalaking tinatawag na Judas, na isa sa labindalawa ay nangunguna sa kanila. Siya'y lumapit kay Jesus upang ito'y hagkan;

48 subalit sinabi ni Jesus sa kanya, “Judas, ipinagkakanulo mo ba ang Anak ng Tao sa pamamagitan ng isang halik?”

49 Nang makita ng mga kasama niya ang mangyayari ay kanilang sinabi, “Panginoon, mananaga ba kami sa pamamagitan ng tabak?”

50 At tinaga ng isa sa kanila ang alipin ng pinakapunong pari at tinagpas ang kanang tainga nito.

51 At sumagot si Jesus, “Tigil! Tama na!” At hinawakan niya ang tainga at pinagaling siya.

52 Pagkatapos ay sinabi ni Jesus sa mga punong pari, sa mga punong-kawal sa templo, at sa matatanda, na dumating laban sa kanya, “Kayo ba'y lumabas na parang laban sa isang tulisan, na may mga tabak at mga panghampas?

53 Nang(B) ako'y kasama ninyo sa templo araw-araw, hindi ninyo binuhat ang inyong mga kamay laban sa akin. Subalit ito ang inyong oras, at ng kapangyarihan ng kadiliman.”

Ipinagkaila ni Pedro si Jesus(C)

54 At kanilang dinakip siya, inilayo, at dinala sa bahay ng pinakapunong pari. Si Pedro ay sumunod mula sa malayo.

55 At nang makapagpaningas sila ng apoy sa gitna ng patyo at makaupong magkakasama, si Pedro ay nakiupong kasama nila.

56 Samantalang siya'y nakaupo sa liwanag ng apoy, nakita siya ng isang alilang babae, tumitig sa kanya at nagsabi, “Ang taong ito ay kasama rin niya.”

57 Subalit itinanggi niya ito at sinabi, “Babae, hindi ko siya nakikilala.”

58 Pagkaraan ng isang sandali ay nakita siya ng isa pa at sinabi, “Ikaw ay isa rin sa kanila.” Subalit sinabi ni Pedro, “Ginoo, hindi ako.”

59 Nang makaraan ang may isang oras, may isa pa na nagpipilit na nagsasabi, “Tiyak na ang taong ito'y kasama rin niya, sapagkat siya'y taga-Galilea.”

60 Subalit sinabi ni Pedro, “Ginoo, hindi ko nalalaman ang sinasabi mo.” At kaagad, samantalang siya'y nagsasalita pa, tumilaok ang isang manok.

61 Lumingon ang Panginoon at tumingin kay Pedro. At naalala ni Pedro ang salita ng Panginoon, kung paanong sinabi niya sa kanya, “Bago tumilaok ang manok ngayon, ay ipagkakaila mo ako ng tatlong ulit.”

62 At siya'y lumabas, at umiyak nang buong pait.

Nilibak at Hinampas si Jesus(D)

63 Nilibak at hinampas si Jesus ng mga lalaking nagbabantay sa kanya.

64 Siya'y piniringan din nila at pinagtatanong, “Hulaan mo! Sino ang humampas sa iyo?”

65 Nagsalita pa sila ng maraming mga panlalait laban sa kanya.

Si Jesus sa Harapan ng Sanhedrin(E)

66 Nang mag-umaga na, nagkatipon ang kapulungan ng matatanda sa bayan, ang mga punong pari, at gayundin ang mga eskriba. Kanilang dinala siya sa kanilang Sanhedrin, at sinabi nila,

67 “Kung ikaw ang Cristo, sabihin mo sa amin.” Subalit sinabi niya sa kanila, “Kung sasabihin ko sa inyo, hindi ninyo ako paniniwalaan;

68 at kung kayo'y aking tanungin ay hindi kayo sasagot.

69 Ngunit magmula ngayon ang Anak ng Tao ay mauupo sa kanan ng kapangyarihan ng Diyos.”

70 Sinabi nilang lahat, “Kung gayo'y ikaw ba ang Anak ng Diyos?” At sinabi niya sa kanila, “Kayo ang nagsasabi na ako nga.”

71 Sinabi nila, “Kailangan pa ba natin ng saksi? Tayo na mismo ang nakarinig mula sa kanyang bibig.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001