Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
2 Mga Hari 13-14

Si Haring Jehoahaz ng Israel

13 Nang ikadalawampu't tatlong taon ni Joas na anak ni Ahazias na hari ng Juda, si Jehoahaz na anak ni Jehu ay nagsimulang maghari sa Israel sa Samaria; at siya'y naghari sa loob ng labimpitong taon.

Gumawa siya ng kasamaan sa paningin ng Panginoon, at sumunod sa mga kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nebat, na naging sanhi ng pagkakasala ng Israel; hindi niya iniwan ang mga iyon.

Ang galit ng Panginoon ay nagningas laban sa Israel, kaya't paulit-ulit niyang ibinigay sila sa kamay nina Hazael na hari ng Siria at ni Ben-hadad na anak ni Hazael.

Ngunit si Jehoahaz ay nanalangin sa harap ng Panginoon, at pinakinggan siya ng Panginoon, sapagkat nakita niya ang pagmamalupit sa Israel, kung paanong pinagmalupitan sila ng hari ng Siria.

Kaya't binigyan ng Panginoon ang Israel ng isang tagapagligtas, at sila'y nakatakas mula sa kamay ng mga taga-Siria; at ang mamamayan ng Israel ay nanirahan sa kanilang mga tolda gaya ng dati.

Gayunma'y hindi nila tinalikuran ang mga kasalanan ng sambahayan ni Jeroboam, na dahil dito'y ibinunsod niya ang Israel sa pagkakasala, kundi lumakad sila sa mga ito; ang Ashera ay nanatili rin sa Samaria.

Kaya't walang naiwan kay Jehoahaz na hukbo na higit pa sa limampung mangangabayo at sampung karwahe at sampung libong taong lakad; sapagkat pinuksa ang mga iyon ng hari ng Siria na gaya ng alabok sa giikan.

Ang iba sa mga gawa ni Jehoahaz, at ang lahat niyang ginawa, at ang kanyang kapangyarihan, di ba nakasulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan[a] ng mga Hari ng Israel?

Kaya't si Jehoahaz ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno, at inilibing nila siya sa Samaria. Si Joas na kanyang anak ang nagharing kapalit niya.

Si Haring Jehoas ng Israel

10 Nang ikatatlumpu't pitong taon ni Joas na hari ng Juda, si Jehoas na anak ni Jehoahaz ay nagsimulang maghari sa Israel sa Samaria, at siya'y naghari sa loob ng labing-anim na taon.

11 Siya'y gumawa rin ng masama sa paningin ng Panginoon. Siya'y hindi humiwalay sa lahat ng kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nebat, na dahil dito'y ibinunsod niya sa pagkakasala ang Israel, kundi lumakad siya sa mga iyon.

12 Ang iba sa mga gawa ni Joas, at ang lahat niyang ginawa, at ang kanyang kapangyarihan na kanyang ipinakipaglaban kay Amasias na hari ng Juda, hindi ba't ang mga iyon ay nakasulat sa Aklat ng mga Kasaysayan[b] ng mga Hari ng Israel?

13 At si Joas ay namatay na kasama ng kanyang mga ninuno, at si Jeroboam ay naupo sa kanyang trono. Si Joas ay inilibing sa Samaria na kasama ng mga hari ng Israel.

Namatay si Eliseo

14 Nang(A) si Eliseo ay nagkasakit ng karamdaman na kanyang ikinamatay, si Joas na hari ng Israel ay pumunta sa kanya at umiyak sa harapan niya, “Ama ko, ama ko! Ang mga karwahe ng Israel at ang kanyang mga mangangabayo!”

15 Sinabi ni Eliseo sa kanya, “Kumuha ka ng pana at mga palaso.” At siya'y kumuha ng pana at mga palaso.

16 At sinabi niya sa hari ng Israel, “Ilagay mo ang iyong kamay sa pana”; at inilagay niya ang kanyang kamay. At inilagay ni Eliseo ang kanyang mga kamay sa mga kamay ng hari.

17 At kanyang sinabi, “Buksan mo ang bintana sa dakong silangan”; at binuksan niya ito. Nang magkagayo'y sinabi ni Eliseo, “Panain mo;” at siya'y pumana. At kanyang sinabi, “Ang palaso ng pagtatagumpay ng Panginoon, ang palaso ng pagtatagumpay laban sa Siria! Sapagkat lalabanan mo ang mga taga-Siria sa Afec, hanggang sa sila'y iyong malipol.”

18 Siya'y nagpatuloy, “Kunin mo ang mga palaso;” at kinuha niya ang mga iyon. At sinabi niya sa hari ng Israel, “Ipana mo ang mga iyon sa lupa;” at siya'y pumana nang tatlong ulit, at tumigil.

19 Ang tao ng Diyos ay nagalit sa kanya, at nagsabi, “Pumana ka sana nang lima o anim na ulit; nang sa gayon ay napabagsak mo sana ang Siria hanggang sa iyong malipol. Ngunit ngayo'y papanain mo ang Siria nang tatlong ulit lamang.”

20 Namatay si Eliseo at kanilang inilibing siya. Noon ang mga pulutong ng mga Moabita ay laging sumasalakay sa lupain sa panahon ng tagsibol.

21 At habang inililibing ang isang lalaki, kanilang natanaw ang isang sumasalakay na pulutong. At ang lalaki ay naihagis sa libingan ni Eliseo; at nang sumagi ang tao sa mga buto ni Eliseo, siya'y muling nabuhay at tumayo sa kanyang mga paa.

22 Pinahirapan naman ni Hazael na hari ng Siria ang Israel sa lahat ng mga araw ni Jehoahaz.

23 Ngunit ang Panginoo'y naging mapagpala sa kanila at nahabag sa kanila, at siya'y bumaling sa kanila, dahil sa kanyang tipan kina Abraham, Isaac, at Jacob; at ayaw niya silang lipulin, ni palayasin man sa kanyang harapan hanggang sa ngayon.

24 Nang namatay si Hazael na hari ng Siria, si Ben-hadad na kanyang anak ay naging hari kapalit niya.

25 At binawi ni Jehoas na anak ni Jehoahaz sa kamay ni Ben-hadad na anak ni Hazael ang mga lunsod na kanyang kinuha sa pakikidigma mula sa kamay ni Jehoahaz, na kanyang ama. Tatlong ulit siyang tinalo ni Joas at nabawi ang mga lunsod ng Israel.

Si Haring Amasias ng Juda(B)

14 Nang ikalawang taon ni Joas na anak ni Jehoahaz na hari ng Israel, si Amasias na anak ni Joas na hari ng Juda ay nagsimulang maghari.

Siya'y dalawampu't limang taon nang siya'y magsimulang maghari; at siya'y naghari ng dalawampu't siyam na taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Jehoaddin na taga-Jerusalem.

Siya'y gumawa ng matuwid sa paningin ng Panginoon, gayunman ay hindi gaya ni David na kanyang magulang; kanyang ginawa ang ayon sa lahat ng ginawa ni Joas na kanyang ama.

Ngunit ang matataas na dako ay hindi inalis; ang taong-bayan ay nagpatuloy na nag-alay at nagsunog ng insenso sa matataas na dako.

Nang matatag na ang kaharian sa kanyang kamay, pinatay niya ang kanyang mga lingkod na pumatay sa kanyang amang hari.

Ngunit(C) hindi niya pinatay ang mga anak ng mga mamamatay-tao ayon sa nasusulat sa aklat ng kautusan ni Moises, gaya ng iniutos ng Panginoon, na sinasabi, “Ang mga ama ay hindi papatayin dahil sa mga anak, o ang mga anak man ay papatayin dahil sa mga ama; kundi ang bawat tao ay mamamatay dahil sa kanyang sariling kasalanan.”

Siya'y pumatay ng sampung libong Edomita sa Libis ng Asin, at sinakop ang Sela nang salakayin niya ito, at tinawag itong Jokteel, na siyang pangalan nito hanggang sa araw na ito.

Nang magkagayo'y nagpadala ng mga sugo si Amasias kay Jehoas na anak ni Jehoahaz na anak ni Jehu, na hari ng Israel, na sinasabi, “Halika, tayo'y magharap sa isa't isa.”

At si Jehoas na hari ng Israel ay nagpasabi kay Amasias na hari ng Juda, “Ang isang damo na nasa Lebanon ay nagpasabi ng ganito sa isang sedro na nasa Lebanon, na sinasabi, ‘Ibigay mo ang iyong anak na babae upang maging asawa ng aking anak;’ at dumaan ang isang mabangis na hayop ng Lebanon at tinapakan ang damo.

10 Tunay na sinaktan mo ang Edom, at pinapagmataas ka ng iyong puso. Masiyahan ka sa iyong kaluwalhatian, at manatili ka sa bahay; sapagkat bakit ka gagawa ng kaguluhan upang ikaw ay mabuwal, ikaw at ang Juda na kasama mo?”

11 Ngunit ayaw makinig ni Amasias. Kaya't umahon si Jehoas na hari ng Israel, siya at si Amasias na hari ng Juda ay nagharap sa labanan sa Bet-shemes na sakop ng Juda.

12 Ang Juda ay nagapi ng Israel; at bawat isa ay tumakas patungo sa kanya-kanyang tirahan.

13 Nabihag ni Jehoas na hari ng Israel si Amasias na hari ng Juda, na anak ni Jehoas na anak ni Ahazias, sa Bet-shemes, at dumating sa Jerusalem, at ibinagsak ang pader ng Jerusalem na may habang apatnaraang siko mula sa pintuang-bayan ng Efraim hanggang sa pintuang-bayan ng Panulukan.

14 Kanyang sinamsam ang lahat ng ginto at pilak, at ang lahat ng sisidlang matatagpuan sa bahay ng Panginoon at sa kabang-yaman ng bahay ng hari, pati ang mga bihag, at siya'y bumalik sa Samaria.

15 Ang iba sa mga gawa ni Jehoas na kanyang ginawa, at ang kanyang kapangyarihan, at kung paanong siya'y nakipaglaban kay Amasias na hari ng Juda, di ba nakasulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan[c] ng mga Hari ng Israel?

16 At natulog si Jehoas na kasama ng kanyang mga ninuno, at inilibing sa Samaria na kasama ng mga hari sa Israel; at si Jeroboam na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.

Ang Pagkamatay ni Haring Amasias ng Juda(D)

17 Si Amasias na anak ni Joas, na hari ng Juda ay nabuhay pa ng labinlimang taon pagkamatay ni Jehoas na anak ni Jehoahaz na hari ng Israel.

18 Ang iba sa mga gawa ni Amasias, di ba nakasulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan[d] ng mga Hari ng Juda?

19 Sila'y nagsabwatan laban sa kanya sa Jerusalem, at siya'y tumakas patungong Lakish. Ngunit kanilang pinasundan siya sa Lakish at pinatay siya roon.

20 Kanilang dinala siya na sakay ng mga kabayo, at siya'y inilibing sa Jerusalem na kasama ng kanyang mga ninuno sa lunsod ni David.

21 Kinuha ng buong bayan ng Juda si Azarias na labing-anim na taong gulang, at ginawa siyang haring kapalit ng kanyang amang si Amasias.

22 Kanyang itinayo ang Elat at isinauli ito sa Juda, pagkatapos na ang hari ay matulog na kasama ng kanyang mga ninuno.

23 Nang ikalabinlimang taon ni Amasias na anak ni Joas na hari ng Juda, si Jeroboam na anak ni Joas, na hari ng Israel ay nagsimulang maghari sa Samaria, at siya'y naghari ng apatnapu't isang taon.

24 At gumawa siya ng masama sa paningin ng Panginoon. Hindi niya tinalikdan ang lahat ng kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nebat, na dito'y ibinunsod niya ang Israel sa pagkakasala.

25 Kanyang(E) ibinalik ang hangganan ng Israel mula sa pasukan ng Hamat hanggang sa dagat ng Araba, ayon sa salita ng Panginoon, ang Diyos ng Israel, na kanyang sinabi sa pamamagitan ng kanyang lingkod na si propeta Jonas na anak ni Amitai, na mula sa Gat-hefer.

26 Sapagkat nakita ng Panginoon na ang paghihirap ng Israel ay totoong masaklap, sapagkat walang naiwan, laya man o bihag, at walang tumulong sa Israel.

27 Ngunit hindi sinabi ng Panginoon na kanyang papawiin ang pangalan ng Israel mula sa silong ng langit, kaya't kanyang iniligtas sila sa pamamagitan ng kamay ni Jeroboam na anak ni Joas.

28 Ang iba sa mga gawa ni Jeroboam, at ang lahat ng kanyang ginawa, at ang kanyang kapangyarihan, kung paanong siya'y nakipagdigma, at kung paanong binawi niya para sa Israel ang Damasco at ang Hamath, na dating sakop ng Juda, di ba nakasulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan[e] ng mga Hari ng Israel?

29 At si Jeroboam ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno, ang mga hari ng Israel. At si Zacarias na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.

Juan 2

Ang Kasalan sa Cana

Nang ikatlong araw ay nagkaroon ng isang kasalan sa Cana ng Galilea at naroon ang ina ni Jesus.

Inanyayahan din si Jesus at ang kanyang mga alagad sa kasalan.

Nang magkulang ng alak, sinabi ng ina ni Jesus sa kanya, “Wala silang alak.”

Sinabi sa kanya ni Jesus, “Babae, anong kinalaman niyon sa akin at sa iyo? Ang aking oras ay hindi pa dumating.”

Sinabi ng kanyang ina sa mga lingkod, “Gawin ninyo ang anumang sabihin niya sa inyo.”

Doon ay mayroong anim na tapayang bato para sa kaugaliang paglilinis ng mga Judio na naglalaman ang bawat isa ng dalawa o tatlong bangang tubig.

Sinabi sa kanila ni Jesus, “Punuin ninyo ng tubig ang mga tapayan.” Kanilang pinuno ang mga ito hanggang sa labi.

Sinabi niya sa kanila, “Kumuha kayo ngayon, at inyong dalhin sa pinuno ng handaan.” At kanila ngang dinala.

Nang matikman ng pinuno ng handaan ang tubig na naging alak, at hindi niya alam kung saan ito nanggaling (subalit nalalaman ng mga lingkod na kumuha ng tubig), tinawag ng pinuno ng handaan ang lalaking bagong kasal.

10 At sinabi sa kanya, “Ang bawat tao ay unang naghahain ng mataas na uring alak, pagkatapos ay ang mababang uring alak kapag ang mga panauhin ay nakainom na. Subalit hanggang ngayon ay itinabi mo ang mabuting alak.”

11 Ginawa ito ni Jesus, ang una sa kanyang mga tanda, sa Cana ng Galilea, at ipinahayag ang kanyang kaluwalhatian; at sumampalataya sa kanya ang kanyang mga alagad.

12 Pagkatapos(A) nito ay bumaba siya sa Capernaum, kasama ang kanyang ina, mga kapatid, at ang kanyang mga alagad. Sila'y tumigil doon nang ilang araw.

Nilinis ni Jesus ang Templo(B)

13 Malapit(C) na noon ang Paskuwa ng mga Judio, at umahon si Jesus patungo sa Jerusalem.

14 Natagpuan niya sa templo ang mga nagtitinda ng mga baka, mga tupa, mga kalapati, at ang mga nagpapalit ng salapi na nakaupo.

15 Gumawa siya mula sa mga lubid ng isang panghagupit at itinaboy niya silang lahat papalabas sa templo kasama ang mga tupa at mga baka. Ibinuhos din niya ang salapi ng mga mamamalit, at itinaob ang kanilang mga mesa.

16 Sa mga nagtitinda ng mga kalapati ay sinabi niya, “Alisin ninyo rito ang mga bagay na ito; huwag ninyong gawing bahay-pamilihan ang bahay ng aking Ama.”

17 Naalala(D) ng kanyang mga alagad na nasusulat, “Ang sigasig para sa iyong bahay ang tutupok sa akin.”

18 Ang mga Judio ay sumagot sa kanya, “Anong tanda ang maipapakita mo sa amin sa paggawa mo ng mga bagay na ito?”

19 Sinagot(E) sila ni Jesus, “Gibain ninyo ang templong ito at aking itatayo sa loob ng tatlong araw.”

20 Sinabi ng mga Judio, “Apatnapu't anim na taon ang pagtatayo ng templong ito, at itatayo mo sa loob ng tatlong araw?”

21 Subalit siya'y nagsasalita tungkol sa templo ng kanyang katawan.

22 Kaya't nang siya ay muling bumangon mula sa mga patay, naalala ng kanyang mga alagad na sinabi niya ito. At naniwala sila sa kasulatan at sa salitang sinabi ni Jesus.

Alam ni Jesus ang Likas ng Tao

23 Nang siya ay nasa Jerusalem nang kapistahan ng Paskuwa, marami ang sumampalataya sa kanyang pangalan, nang kanilang makita ang mga ginawa niyang tanda.

24 Subalit hindi ipinagkatiwala ni Jesus ang kanyang sarili sa kanila sapagkat kilala niya ang lahat ng mga tao,

25 at hindi niya kailangan ang sinuman upang magpatotoo tungkol sa tao, sapagkat alam niya ang isinasaloob ng tao.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001