Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
2 Cronica 15-16

Si Asa ay Gumawa ng Pagbabago

15 Ang Espiritu ng Diyos ay dumating kay Azarias na anak ni Obed,

at siya'y lumabas upang salubungin si Asa, at sinabi sa kanya, “Pakinggan ninyo ako, Asa, at buong Juda at Benjamin: Ang Panginoon ay nasa panig ninyo samantalang kayo'y nasa panig niya. Kung inyong hahanapin siya, siya'y matatagpuan ninyo; ngunit kung siya'y tatalikuran ninyo, kanyang tatalikuran kayo.

Sa loob ng mahabang panahon ang Israel ay walang tunay na Diyos, walang tagapagturong pari, at walang kautusan.

Ngunit nang sa kanilang kahirapan ay nanumbalik sila sa Panginoon, ang Diyos ng Israel, at kanilang hinanap siya, kanilang natagpuan siya.

Nang mga panahong iyon ay walang kapayapaan sa taong lumabas, o sa taong pumasok, sapagkat malalaking ligalig ang nagpahirap sa lahat ng naninirahan sa mga lupain.

Sila'y nagkadurug-durog, bansa laban sa bansa, at lunsod laban sa lunsod sapagkat niligalig sila ng Diyos ng bawat uri ng kaguluhan.

Ngunit kayo, magpakatapang kayo! Huwag ninyong hayaang manghina ang inyong mga kamay, sapagkat ang inyong mga gawa ay gagantimpalaan.”

Nang marinig ni Asa ang mga salitang ito, ang propesiya ni Azarias na anak ni Obed, lumakas ang loob niya. Inalis niya ang mga karumaldumal na diyus-diyosan sa buong lupain ng Juda at ng Benjamin, at sa mga lunsod na kanyang sinakop sa lupaing maburol ng Efraim. Kanyang inayos ang dambana ng Panginoon na nasa harapan ng portiko ng Panginoon.

At kanyang tinipon ang buong Juda at Benjamin, at ang mga galing sa Efraim, Manases, at Simeon na nakikipamayang kasama nila, sapagkat napakalaki ang bilang ng tumakas patungo sa kanya mula sa Israel nang kanilang makita na ang Panginoon niyang Diyos ay kasama niya.

10 Sila'y nagtipon sa Jerusalem sa ikatlong buwan ng ikalabinlimang taon ng paghahari ni Asa.

11 Sila'y naghandog sa Panginoon nang araw na iyon, mula sa samsam na kanilang dinala, pitong daang baka at pitong libong tupa.

12 At sila'y nakipagtipan upang hanapin ang Panginoon, ang Diyos ng kanilang mga ninuno, ng kanilang buong puso at kaluluwa.

13 Sinumang ayaw humanap sa Panginoong Diyos ng Israel ay papatayin, maging bata o matanda, lalaki o babae.

14 Sila'y sumumpa sa Panginoon na may malakas na tinig, may mga sigawan, may mga trumpeta, at may mga tambuli.

15 Ikinagalak ng buong Juda ang panata, sapagkat sila'y namanata ng kanilang buong puso, at hinanap siya ng buo nilang hangarin. At siya'y natagpuan nila at binigyan sila ng Panginoon ng kapahingahan sa palibot.

16 Maging si Maaca na kanyang ina ay inalis ni Haring Asa sa pagiging inang reyna, sapagkat siya'y gumawa ng kasuklamsuklam na larawan para sa sagradong poste.[a] Pinutol ni Asa ang kanyang larawan, dinurog ito, at sinunog sa batis ng Cedron.

17 Ngunit ang matataas na dako ay hindi inalis sa Israel. Gayunma'y ang puso ni Asa ay tapat sa lahat ng kanyang mga araw.

18 At kanyang ipinasok sa bahay ng Diyos ang mga kaloob na itinalaga ng kanyang ama, at ang mga sarili niyang kaloob na kanyang itinalaga—pilak, ginto, at mga sisidlan.

19 Hindi nagkaroon ng digmaan hanggang sa ikatatlumpu't limang taon ng paghahari ni Asa.

Mga Kaguluhan sa Israel(A)

16 Nang ikatatlumpu't anim na taon ng paghahari ni Asa, si Baasha na hari ng Israel ay pumunta laban sa Juda, at itinayo ang Rama, upang mahadlangan niya ang sinumang lalabas o pupunta kay Asa na hari ng Juda.

At kumuha si Asa ng pilak at ginto mula sa mga kayamanan ng bahay ng Panginoon at sa bahay ng hari, at ipinadala ang mga ito kay Ben-hadad, na hari ng Siria, na naninirahan sa Damasco, na sinasabi,

“Magkaroon nawa ng pagkakasundo sa pagitan nating dalawa, gaya ng sa aking ama at sa iyong ama. Ako'y nagpapadala sa iyo ng pilak at ginto; humayo ka, sirain mo ang iyong pakikipagkasundo kay Baasha na hari ng Israel upang siya'y lumayo sa akin.”

At nakinig si Ben-hadad kay Haring Asa, at sinugo niya ang mga pinunong-kawal ng kanyang mga hukbo laban sa mga bayan ng Israel, at kanilang nasakop ang Ijon, Dan, Abel-maim, at ang lahat ng mga bayang imbakan ng Neftali.

Nang mabalitaan ito ni Baasha, inihinto niya ang pagtatayo ng Rama, at ipinatigil ang kanyang paggawa.

Pagkatapos ay isinama ni Haring Asa ang buong Juda; at kanilang dinala ang mga bato ng Rama at ang kahoy nito, na ginagamit ni Baasha sa pagtatayo at ginamit din niya sa pagtatayo ng Geba at Mizpah.

Si Propeta Hanani

Nang panahong iyon ay pumunta kay Asa na hari sa Juda si Hanani na propeta, at sinabi sa kanya, “Sapagkat ikaw ay umasa sa hari ng Siria, at hindi ka umasa sa Panginoon mong Diyos, tinakasan ka ng hukbo ng hari ng Siria.

Hindi ba ang mga taga-Etiopia at ang mga Lubim ay isang napakalaking hukbo na may napakaraming mga karwahe at mangangabayo? Ngunit sapagkat ikaw ay umasa sa Panginoon, kanyang ibinigay sila sa iyong kamay.

Sapagkat ang mga mata ng Panginoon ay nagpaparoo't parito sa palibot ng buong lupa, upang ipakita ang kanyang kapangyarihan alang-alang sa kanila na ang mga puso ay tapat sa kanya. Ikaw ay gumawang may kahangalan sa bagay na ito; sapagkat mula ngayo'y magkakaroon ka ng mga digmaan.”

10 Nang magkagayo'y nagalit si Asa sa propeta at inilagay siya sa bilangguan sapagkat siya'y nagalit sa kanya dahil sa bagay na ito. At pinagmalupitan ni Asa ang ilan sa mga taong-bayan nang panahon ding iyon.

Ang Katapusan ng Paghahari ni Asa(B)

11 Ang mga gawa ni Asa, mula una hanggang sa katapusan ay nakasulat sa Aklat ng mga Hari ng Juda at Israel.

12 Nang ikatatlumpu't siyam na taon ng kanyang paghahari, si Asa ay nagkaroon ng karamdaman sa kanyang mga paa; ang kanyang sakit ay naging malubha. Gayunman, maging sa kanyang pagkakasakit ay hindi niya hinanap ang Panginoon, kundi humingi ng tulong sa mga manggagamot.

13 Si Asa ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno, at namatay sa ikaapatnapu't isang taon ng kanyang paghahari.

14 Kanilang inilibing siya sa libingan na kanyang ipinagawa para sa kanyang sarili sa lunsod ni David. Kanilang inihiga siya sa higaan na nilagyan ng iba't ibang uri ng espesia na inihanda ng manggagawa ng mga pabango. Sila'y gumawa ng isang napakalaking apoy para sa kanyang karangalan.

Juan 12:27-50

Nagsalita si Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan

27 “Ngayon ay nababagabag ang aking kaluluwa. At ano ang aking sasabihin? ‘Ama, iligtas mo ako sa oras na ito?’ Ngunit dahil dito ay dumating ako sa oras na ito.

28 Ama, luwalhatiin mo ang iyong pangalan.” At dumating ang isang tinig mula sa langit, “Niluwalhati ko na, at muli kong luluwalhatiin.”

29 Narinig ito ng maraming taong nakatayo roon at sinabi nilang kumulog. Sinabi naman ng iba na, “Isang anghel ang nakipag-usap sa kanya.”

30 Sumagot si Jesus, “Ang tinig na ito'y dumating para sa inyo, hindi para sa akin.

31 Ngayon ang paghatol sa sanlibutang ito. Ngayon ang pinuno ng sanlibutang ito ay palalayasin.

32 At ako, kapag ako'y itinaas na mula sa lupa, ang lahat ng mga tao ay papalapitin ko sa aking sarili.”

33 Ito'y sinabi niya, upang ipahiwatig kung sa anong uri ng kamatayan ang ikamamatay niya.

34 Sinagot(A) siya ng mga tao, “Aming narinig mula sa kautusan na ang Cristo ay nananatili magpakailanman. Paano mong nasabi na ang Anak ng Tao ay kailangang itaas? Sino itong Anak ng Tao?”

35 Kaya't sinabi sa kanila ni Jesus, “Ang ilaw ay kasama ninyo ng kaunti pang panahon. Kayo'y lumakad habang nasa inyo ang ilaw, upang huwag kayong abutin ng dilim. Ang lumalakad sa dilim ay hindi nalalaman kung saan siya tutungo.

36 Samantalang nasa inyo ang ilaw, sumampalataya kayo sa ilaw, upang kayo'y maging mga anak ng ilaw.” Nang masabi ni Jesus ang mga bagay na ito siya'y umalis at nagtago sa kanila.

37 Bagama't gumawa siya sa harapan nila ng maraming mga tanda, sila ay hindi naniwala sa kanya;

38 upang(B) matupad ang sinabi ni propeta Isaias:

“Panginoon, sino ang naniwala sa aming balita?
At kanino nahayag ang bisig ng Panginoon?”

39 Kaya't hindi sila makapaniwala, sapagkat sinabi rin ni Isaias,

40 “Binulag(C) niya ang kanilang mga mata,
    at pinatigas niya ang kanilang mga puso;
upang sila'y huwag makakita sa pamamagitan ng kanilang mga mata,
    at makaunawa sa pamamagitan ng kanilang puso, at magbalik-loob,
at sila'y pagalingin ko.”

41 Ang mga bagay na ito'y sinabi ni Isaias, sapagkat nakita niya ang kanyang kaluwalhatian, at nagsalita tungkol sa kanya.

42 Gayunman, maging sa mga pinuno ay maraming sumampalataya sa kanya; subalit dahil sa takot sa mga Fariseo ay hindi nila ito ipinahayag, baka sila'y mapalayas sa sinagoga,

43 sapagkat inibig nila ang papuri ng mga tao kaysa papuri ng Diyos.

Paghatol sa Pamamagitan ng mga Salita ni Jesus

44 Si Jesus ay sumigaw at nagsabi, “Ang sumasampalataya sa akin ay hindi sa akin sumasampalataya, kundi doon sa nagsugo sa akin.

45 At ang nakakita sa akin ay nakakita doon sa nagsugo sa akin.

46 Ako'y naparito na isang ilaw sa sanlibutan, upang ang sinumang sumampalataya sa akin ay huwag manatili sa kadiliman.

47 Kung ang sinuman ay nakikinig sa aking mga salita, at hindi tumutupad ng mga iyon ay hindi ko siya hinahatulan, sapagkat hindi ako naparito upang humatol sa sanlibutan, kundi upang iligtas ang sanlibutan.

48 Ang nagtatakuwil sa akin at hindi tumatanggap sa aking mga salita ay mayroong isang humahatol sa kanya. Ang salitang aking sinabi ang siyang hahatol sa kanya sa huling araw.

49 Sapagkat ako'y hindi nagsasalita mula sa aking sarili kundi ang Ama na nagsugo sa akin ay siyang nagbigay sa akin ng utos, kung ano ang dapat kong sabihin, at kung ano ang dapat kong bigkasin.

50 Nalalaman ko na ang kanyang utos ay buhay na walang hanggan. Kaya't ang mga bagay na sinasabi ko ay aking sinasabi ayon sa sinabi ng Ama.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001