Old/New Testament
Nabalitaan ni Ezra ang Pag-aasawa sa mga Di-Judio
9 Pagkatapos na magawa ang mga bagay na ito, nilapitan ako ng mga pinuno at sinabi, “Ang taong-bayan ng Israel at ang mga pari at mga Levita ay hindi pa humihiwalay sa mga taong-bayan ng mga lupain ayon sa kanilang mga karumihan, sa mga Cananeo, Heteo, Perezeo, Jebuseo, Ammonita, Moabita, Ehipcio, at mga Amoreo.
2 Sapagkat kumuha sila sa kanilang mga anak na babae para mapangasawa nila at ng kanilang mga anak na lalaki, anupa't ang banal na lahi ay humalo sa mamamayan ng mga lupain. Sa ganitong kataksilan, ang kamay ng mga pinuno at ng mga punong lalaki ay nangunguna.”
3 Nang marinig ko ito, pinunit ko ang aking suot at ang aking balabal, binatak ang buhok sa aking ulo at balbas, at ako'y umupong natitigilan.
4 Lahat ng nanginig sa mga salita ng Diyos ng Israel, dahil sa kataksilan ng mga bumalik na bihag, ay nagtipun-tipon sa paligid ko habang ako'y nakaupong natitigilan hanggang sa oras ng paghahandog sa hapon.
5 Sa panahon ng paghahandog sa hapon, bumangon ako sa aking pag-aayuno na punit ang aking suot at ang aking balabal, at ako'y lumuhod at iniunat ko ang aking mga kamay sa Panginoon kong Diyos,
6 na sinasabi, “O Diyos ko, ako'y nahihiya at namumula na itaas ang aking mukha sa iyo, aking Diyos, sapagkat ang aming mga kasamaan ay tumaas nang higit kaysa aming ulo, at ang aming pagkakasala ay umabot hanggang sa langit.
7 Mula sa mga araw ng aming mga ninuno hanggang sa araw na ito, kami ay nasa napakalaking pagkakasala. Dahil sa aming mga kasamaan, kami, ang aming mga hari, at ang aming mga pari ay ibinigay sa kamay ng mga hari ng mga lupain, sa tabak, sa pagkabihag, sa pagkasamsam, at sa ganap na kahihiyan gaya sa araw na ito.
8 Subalit ngayon, sa maikling panahon ang biyaya ay ipinakita ng Panginoon naming Diyos, upang mag-iwan sa amin ng isang nalabi, at bigyan kami ng isang tulos sa loob ng kanyang dakong banal, upang palinawin ng aming Diyos ang aming mga mata, at bigyan kami ng kaunting ikabubuhay sa aming pagkaalipin.
9 Bagaman kami ay mga alipin, gayunma'y hindi kami pinabayaan ng aming Diyos sa aming pagkaalipin, kundi ipinaabot sa amin ang kanyang tapat na pag-ibig sa harapan ng mga hari ng Persia, upang bigyan kami ng ikabubuhay sa pagtatayo ng bahay ng aming Diyos, at upang kumpunihin ang mga guho niyon, at upang bigyan kami ng pader sa Juda at sa Jerusalem.
10 “At ngayon, O aming Diyos, ano ang aming sasabihin pagkatapos nito? Sapagkat tinalikuran namin ang iyong mga utos,
11 na iyong iniutos sa pamamagitan ng iyong mga lingkod na mga propeta, na sinasabi, ‘Ang lupain na inyong pinapasok upang angkinin, ay isang maruming lupain na may karumihan ng mga mamamayan ng mga lupain, dahil sa kanilang karumihang pumunô sa magkabilang dulo ng kanilang mga kahalayan.
12 Kaya't(A) huwag ninyong ibigay ang inyong mga anak na babae sa kanilang mga anak na lalaki, ni kunin man ninyo ang kanilang mga anak na babae para sa inyong mga anak na lalaki, ni hanapin ang kanilang kapayapaan o pag-unlad, upang kayo'y lumakas at kainin ang buti ng lupain, at iwan ninyo bilang pamana sa inyong mga anak magpakailanman.’
13 At pagkatapos ng lahat na sumapit sa amin dahil sa aming masamang mga gawa, at dahil sa aming napakalaking pagkakasala, yamang ikaw na aming Diyos ay nagparusa sa amin ng kaunti kaysa nararapat sa aming mga kasamaan at binigyan mo kami ng ganitong nalabi.
14 Muli ba naming sisirain ang iyong mga utos at mag-aasawa sa mga taong gumagawa ng mga karumihan na ito? Hindi ka ba magagalit sa amin hanggang sa mapuksa mo kami, kaya't hindi magkakaroon ng nalabi, o ng sinumang makakatakas?
15 O Panginoon, Diyos ng Israel, ikaw ay matuwid, sapagkat kami ay naiwan na isang nalabi na nakatakas, na gaya sa araw na ito. Narito, kami ay nasa harapan mo sa aming pagkakasala, sapagkat walang makakatayo sa harapan mo dahil dito.”
Ang Pasiya tungkol sa Magkahalong Pag-aasawa
10 Habang si Ezra ay nananalangin at nagpapahayag ng kasalanan na umiiyak at nagpapatirapa sa harapan ng bahay ng Diyos, isang napakalaking pagtitipon ng mga lalaki, mga babae, at mga bata ang nagtipun-tipon sa kanya mula sa Israel; at ang taong-bayan ay umiyak din na may kapaitan.
2 At si Shecanias na anak ni Jehiel, isa sa mga anak ni Elam ay nagsalita kay Ezra: “Kami ay nagkasala laban sa ating Diyos at nag-asawa ng mga banyagang babae mula sa mga mamamayan ng lupain, subalit kahit ngayon ay may pag-asa sa Israel sa kabila nito.
3 Ngayon ay makipagtipan tayo sa ating Diyos na paalisin ang lahat ng mga asawang ito at ang kanilang mga anak, ayon sa payo ng aking panginoon at ng mga nanginginig sa utos ng ating Diyos; at gawin ito ayon sa kautusan.
4 Bumangon ka, sapagkat ito ay gawain mo, at kami ay kasama mo. Magpakalakas ka at gawin mo.”
5 Nang magkagayo'y tumindig si Ezra at pinasumpa ang mga namumunong pari, ang mga Levita at ang buong Israel, na kanilang gagawin ang ayon sa sinabi. Kaya't sumumpa sila.
6 Pagkatapos ay tumindig si Ezra mula sa harapan ng bahay ng Diyos, at pumasok sa silid ni Jehohanan na anak ni Eliasib, na doon ay nagpalipas siya ng magdamag, at hindi kumain ng tinapay ni uminom man ng tubig, kundi siya'y nanangis dahil sa kataksilan ng mga bihag.
7 Ginawa ang isang pahayag sa buong Juda at Jerusalem sa lahat ng mga bumalik na bihag na sila'y magtipun-tipon sa Jerusalem;
8 at kung sinuman ay hindi dumating sa loob ng tatlong araw, ayon sa utos ng mga pinuno at ng matatanda, lahat ng kanyang ari-arian ay sasamsamin, at siya mismo ay ititiwalag sa kapulungan ng mga bihag.
9 Nang magkagayon, ang lahat ng kalalakihan ng Juda at Benjamin ay nagtipun-tipon sa Jerusalem sa loob ng tatlong araw; noon ay ikasiyam na buwan nang ikadalawampung araw ng buwan. Ang buong bayan ay naupo sa liwasang-bayan sa harapan ng bahay ng Diyos na nanginginig dahil sa bagay na ito at dahil sa malakas na ulan.
10 Ang paring si Ezra ay tumayo at sinabi sa kanila, “Kayo'y lumabag at nag-asawa ng mga babaing banyaga, kaya't lumaki ang pagkakasala ng Israel.
11 Ngayon nga'y mangumpisal kayo sa Panginoon, sa Diyos ng inyong mga ninuno, at inyong gawin ang kanyang kalooban. Humiwalay kayo sa mga mamamayan ng lupain at sa mga asawang banyaga.”
12 Nang magkagayon ang buong kapisanan ay sumagot nang malakas na tinig, “Gayon nga, dapat naming gawin ang ayon sa sinabi mo.
13 Ngunit ang mamamayan ay marami, at ngayon ay tag-ulan; kami ay hindi makakatagal sa labas. Ito ay isang gawain na hindi magagawa sa isang araw o dalawa, sapagkat kami ay nakagawa ng napakalaking pagkakasala sa bagay na ito.
14 Hayaang tumayo ang aming mga pinuno para sa buong kapisanan, at pumarito sa takdang panahon ang lahat sa aming mga mamamayan na kumuha ng mga asawang banyaga, at pumaritong kasama nila ang matatanda at mga hukom ng lahat ng lunsod, hanggang sa ang mabangis na poot ng aming Diyos tungkol sa bagay na ito ay maiiwas sa amin.”
15 Si Jonathan lamang na anak ni Asahel, at si Jaazias na anak ni Tikva ang sumalungat dito, si Mesulam at si Sabetai na Levita ang tumulong sa kanila.
16 Gayon ang ginawa ng mga bihag na bumalik. Ang paring si Ezra ay pumili ng mga lalaki, mga puno ng mga sambahayan ng mga ninuno, ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno, bawat isa sa kanila ay itinalaga ayon sa pangalan. Sa unang araw ng ikasampung buwan sila ay umupo upang suriin ang pangyayari.
17 At sa pagdating ng unang araw ng unang buwan sila ay dumating sa katapusan ng lahat ng mga lalaking nag-asawa ng mga babaing banyaga.
Ang mga Lalaking may Asawang Banyaga
18 Sa mga anak ng mga pari na nag-asawa ng mga babaing banyaga ay natagpuan sina Maasias, Eliezer, Jarib, at Gedalias na mga anak ni Jeshua, na anak ni Jozadak, at ang kanyang mga kapatid.
19 Sila'y nangako na hihiwalayan ang kanilang mga asawa; at ang kanilang handog para sa budhing maysala ay isang lalaking tupa mula sa kawan para sa budhing maysala.
20 Sa mga anak ni Imer: sina Hanani at Zebadias.
21 Sa mga anak ni Harim: sina Maasias, Elias, Shemaya, Jehiel, at Uzias.
22 Sa mga anak ni Pashur: sina Elioenai, Maasias, Ismael, Natanael, Jozabad, at Elasa.
23 At sa mga Levita: sina Jozabad, Shimei, Kelaia (na siya ring Kelita), Petaya, Juda, at Eliezer.
24 Sa mga mang-aawit: si Eliasib; at sa mga bantay-pinto: sina Shallum, Telem, at Uri.
25 Sa Israel; sa mga anak ni Paros: sina Ramia, Izzias, Malkia, Mijamin, Eleazar, Hashabias, at Benaya.
26 Sa mga anak ni Elam: sina Matanias, Zacarias, Jehiel, Abdi, Jeremot, at Elia.
27 Sa mga anak ni Zatu: sina Elioenai, Eliasib, Matanias, Jeremot, Zabad, at Aziza.
28 Sa mga anak ni Bebai: sina Jehohanan, Hananias, Zabai, at Atlai.
29 Sa mga anak ni Bani: sina Mesulam, Malluc, Adaya, Jasub, Seal, at Ramot.
30 Sa mga anak ni Pahat-moab: sina Adna, Cheleal, Benaya, Maasias, Matanias, Besaleel, Binui, at Manases.
31 Sa mga anak ni Harim: sina Eliezer, Issia, Malkia, Shemaya, at Simeon;
32 Benjamin, Malluc, at Shemarias.
33 Sa mga anak ni Hasum: sina Matenai, Matata, Zabad, Elifelet, Jeremai, Manases, at Shimei.
34 Sa mga anak ni Bani: sina Maadi, Amram, at Uel;
35 Benaya, Bedias, Cheluhi;
36 Vanias, Meremot, Eliasib;
37 Matanias, Matenai, Jaasai;
38 Bani, Binui, Shimei;
39 Shelemias, Natan, Adaya;
40 Macnadbai, Sasai, Sarai;
41 Azarel, Shelemias, Shemarias;
42 Shallum, Amarias, at Jose.
43 Sa mga anak ni Nebo: sina Jehiel, Matithias, Zabad, Zebina, Jadau, Joel, at Benaya.
44 Lahat ng mga ito'y nagsipag-asawa ng mga babaing banyaga, at kanilang pinaalis sila kasama ang kanilang mga anak.
1 O(A) Teofilo, sa unang aklat ay isinulat ko ang tungkol sa lahat ng ginawa at itinuro ni Jesus mula sa simula,
2 hanggang sa araw na iakyat siya sa langit pagkatapos na makapagbigay ng mga tagubilin sa pamamagitan ng Espiritu Santo sa mga apostol na kanyang hinirang.
3 Pagkatapos na siya'y magdusa ay buháy siyang nagpakita sa kanila sa pamamagitan ng maraming mga katunayan. Nagpakita siya sa kanila sa loob ng apatnapung araw at nagsalita ng mga bagay tungkol sa kaharian ng Diyos.
4 Habang(B) kasalo nila, ipinagbilin niya sa kanila na huwag umalis sa Jerusalem, kundi hintayin ang pangako ng Ama. Sinabi niya, “Ito ang narinig ninyo sa akin;
5 sapagkat(C) si Juan ay nagbautismo sa tubig; subalit hindi na aabutin ng maraming araw mula ngayon, na kayo'y babautismuhan sa Espiritu Santo.”
Ang Pag-akyat ni Jesus sa Langit
6 Nang sila'y nagkakatipon, siya'y kanilang tinanong, “Panginoon, ito ba ang panahon na panunumbalikin mo ang kaharian sa Israel?”
7 At sinabi niya sa kanila, “Hindi ukol sa inyo na malaman ang mga oras o ang mga panahon na itinakda ng Ama sa pamamagitan ng kanyang sariling awtoridad.
8 Ngunit(D) tatanggap kayo ng kapangyarihan pagbaba sa inyo ng Espiritu Santo; at kayo'y magiging mga saksi ko sa Jerusalem, sa buong Judea at Samaria, at hanggang sa kadulu-duluhang bahagi ng lupa.”
9 Pagkasabi(E) niya ng mga bagay na ito, habang sila'y nakatingin, dinala siya sa itaas at siya'y ikinubli ng ulap sa kanilang mga paningin.
10 Samantalang nakatitig sila sa langit at siya'y papalayo, biglang may dalawang lalaki ang tumayo sa tabi nila na may puting damit,
11 na nagsabi, “Kayong mga lalaking taga-Galilea, bakit kayo'y nakatayong tumitingin sa langit? Itong si Jesus, na dinala sa langit mula sa inyo ay darating na gaya rin ng inyong nakitang pagpunta niya sa langit.”
Ang Kapalit ni Judas
12 Pagkatapos ay bumalik sila sa Jerusalem buhat sa tinatawag na bundok ng mga Olibo, malapit sa Jerusalem, na isang araw ng Sabbath lakarin.[a]
13 Nang(F) sila'y makapasok sa lunsod, umakyat sila sa silid sa itaas na doon ay nakatira sina Pedro, Juan, Santiago at Andres, Felipe at Tomas, Bartolome at Mateo, si Santiago na anak ni Alfeo, si Simon na Makabayan,[b] at si Judas na anak ni Santiago.
14 Sama-samang itinalaga ng lahat ng mga ito ang kanilang sarili para sa pananalangin, kasama ang mga babae at si Maria na ina ni Jesus, at ang kanyang mga kapatid.
15 At nang mga araw na ito, tumindig si Pedro sa gitna ng mga kapatid at nagsabi (at nagkakatipon ang maraming tao, na may isandaan at dalawampu),
16 “Mga kapatid, kailangang matupad ang kasulatan, na ipinahayag noong una ng Espiritu Santo sa pamamagitan ni David tungkol kay Judas, na siyang nanguna sa mga humuli kay Jesus.
17 Sapagkat siya'y ibinilang sa atin at siya'y tumanggap ng kanyang bahagi sa paglilingkod na ito.”
18 (Bumili(G) nga ang taong ito ng isang bukid mula sa kabayaran ng kanyang kasamaan; at nang bumagsak ng patiwarik ay pumutok ang kanyang tiyan,[c] at sumambulat ang lahat ng kanyang mga lamang loob.
19 At ito'y nahayag sa lahat ng mga naninirahan sa Jerusalem; kaya't tinawag ang bukid na iyon sa kanilang wika na Akeldama, na ang kahulugan ay, ‘Ang Bukid ng Dugo’.)
20 “Sapagkat(H) nasusulat sa aklat ng Mga Awit,
‘Hayaang mawalan ng tao ang kanyang tahanan,
at huwag bayaang tumira doon ang sinuman;’
at,
‘Hayaang kunin ng iba ang kanyang katungkulan.’
21 Kaya't isa sa mga taong nakasama namin sa buong panahong ang Panginoong Jesus ay kasama namin,
22 magmula(I) sa pagbabautismo ni Juan, hanggang sa araw na siya'y iakyat sa itaas mula sa atin—isa sa mga ito'y dapat maging saksi na kasama natin sa kanyang muling pagkabuhay.”
23 Kanilang iminungkahi ang dalawa, si Jose na tinatawag na Barsabas, na tinatawag ding Justo, at si Matias.
24 Sila'y nanalangin at nagsabi, “Panginoon, ikaw na nakakaalam ng puso ng lahat, ipakita mo kung sino sa dalawang ito ang iyong pinili,
25 upang pumalit sa paglilingkod na ito at sa pagka-apostol na tinalikuran ni Judas, upang siya'y pumunta sa sarili niyang lugar.”
26 At sila'y nagpalabunutan para sa kanila at ang nabunot ay si Matias; at siya'y ibinilang sa labing-isang apostol.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001