Old/New Testament
7 Nang ang pader ay naitayo na at nailagay ko na ang mga pinto, ang mga bantay-pinto, mga mang-aawit, at ang mga Levita ay nahirang na,
2 aking ibinigay kay Hanani na aking kapatid at kay Hananias na tagapamahala ng kuta, ang pamamahala sa Jerusalem, sapagkat siya'y isang higit na tapat na lalaki at natatakot sa Diyos kaysa marami.
3 Sinabi ko sa kanila, “Huwag bubuksan ang mga pintuan ng Jerusalem hanggang sa ang araw ay uminit; at samantalang sila'y nagbabantay, isara nila at ikandado ang mga pinto. Humirang kayo ng mga bantay mula sa mga mamamayan ng Jerusalem, bawat isa'y sa kanyang binabantayan, at bawat isa'y sa tapat ng kanyang bahay.”
Ang Talaan ng mga Bumalik mula sa Pagkabihag(A)
4 Ang lunsod ay maluwang at malaki, ngunit ang mga tao sa loob nito ay kakaunti at wala pang mga bahay na naitatayo.
5 Inilagay ng Diyos sa aking puso na tipunin ang mga maharlika, mga pinuno, at ang taong-bayan upang magpatala ayon sa talaan ng lahi. Aking natagpuan ang aklat ng talaan ng lahi ng mga nagsiahon noong una, at aking natagpuang nakasulat doon:
6 Ang mga ito ang mga tao ng lalawigan na nagsiahon mula sa pagkabihag na dinala ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia; sila'y nagsibalik sa Jerusalem at sa Juda, bawat isa'y sa kanyang bayan.
7 Sila'y dumating na kasama nina Zerubabel, Jeshua, Nehemias, Azarias, Raamias, Nahamani, Mordecai, Bilsan, Misperet, Bigvai, Nehum, at Baana. Ang bilang ng mga lalaki ng Israel ay ito:
8 ang mga anak ni Paros, dalawang libo isandaan at pitumpu't dalawa.
9 Ang mga anak ni Shefatias, tatlong daan at pitumpu't dalawa.
10 Ang mga anak ni Arah, animnaraan at limampu't dalawa.
11 Ang mga anak ni Pahat-moab, na mga anak ni Jeshua at ni Joab, dalawang libo't walong daan at labingwalo.
12 Ang mga anak ni Elam, isang libo dalawandaan at limampu't apat.
13 Ang mga anak ni Zatu, walong daan at apatnapu't lima.
14 Ang mga anak ni Zacai, pitong daan at animnapu.
15 Ang mga anak ni Binui, animnaraan at apatnapu't walo.
16 Ang mga anak ni Bebai, animnaraan at dalawampu't walo.
17 Ang mga anak ni Azgad, dalawang libo tatlong daan at dalawampu't dalawa.
18 Ang mga anak ni Adonikam, animnaraan at animnapu't pito.
19 Ang mga anak ni Bigvai, dalawang libo at animnapu't pito.
20 Ang mga anak ni Adin, animnaraan at limampu't lima.
21 Ang mga anak ni Ater, kay Hezekias, siyamnapu't walo.
22 Ang mga anak ni Hasum, tatlong daan at dalawampu't walo.
23 Ang mga anak ni Besai, tatlong daan at dalawampu't apat.
24 Ang mga anak ni Harif, isandaan at labindalawa.
25 Ang mga anak ng Gibeon, siyamnapu't lima.
26 Ang mga lalaki ng Bethlehem at ng Netofa, isandaan at walumpu't walo.
27 Ang mga lalaki ng Anatot, isandaan at dalawampu't walo.
28 Ang mga lalaki ng Betazmavet, apatnapu't dalawa.
29 Ang mga lalaki ng Kiryat-jearim, ng Cefira, at ng Beerot, pitong daan at apatnapu't tatlo.
30 Ang mga lalaki ng Rama at ng Geba, animnaraan at dalawampu't isa.
31 Ang mga lalaki ng Mikmas, isandaan at dalawampu't dalawa.
32 Ang mga lalaki ng Bethel at ng Ai, isandaan at dalawampu't tatlo.
33 Ang mga lalaki ng isa pang Nebo, limampu't dalawa.
34 Ang mga anak ng isa pang Elam, isang libo dalawandaan at limampu't apat.
35 Ang mga anak ni Harim, tatlong daan at dalawampu.
36 Ang mga anak ng Jerico, tatlong daan at apatnapu't lima.
37 Ang mga anak ng Lod, Hadid at Ono, pitong daan at dalawampu't isa.
38 Ang mga anak ni Senaa, tatlong libo siyamnaraan at tatlumpu.
39 Ang mga pari: ang mga anak ni Jedias sa sambahayan ni Jeshua, siyamnaraan at pitumpu't tatlo.
40 Ang mga anak ni Imer, isang libo at limampu't dalawa.
41 Ang mga anak ni Pashur, isang libo dalawandaan at apatnapu't pito.
42 Ang mga anak ni Harim, isang libo at labimpito.
43 Ang mga Levita: ang mga anak ni Jeshua, ni Cadmiel sa mga anak ni Odevia, pitumpu't apat.
44 Ang mga mang-aawit: ang mga anak ni Asaf, isandaan at apatnapu't walo.
45 Ang mga bantay-pinto: ang mga anak ni Shallum, ang mga anak ni Ater, ang mga anak ni Talmon, ang mga anak ni Akub, ang mga anak ni Hatita, ang mga anak ni Sobai, isandaan at tatlumpu't walo.
46 Ang mga lingkod sa templo:[a] ang mga anak ni Ziha, ang mga anak ni Hasufa, ang mga anak ni Tabaot;
47 ang mga anak ni Keros, ang mga anak ni Sia, ang mga anak ni Fadon;
48 ang mga anak ni Lebana, ang mga anak ni Hagaba, ang mga anak ni Salmai;
49 ang mga anak ni Hanan, ang mga anak ni Giddel, ang mga anak ni Gahar;
50 ang mga anak ni Reaya, ang mga anak ni Rezin, ang mga anak ni Nekoda;
51 ang mga anak ni Gazam, ang mga anak ni Uza, ang mga anak ni Pasea;
52 ang mga anak ni Besai, ang mga anak ni Meunim, ang mga anak ni Nephisesim;
53 ang mga anak ni Bacbuc, ang mga anak ni Hacufa, ang mga anak ni Harhur;
54 ang mga anak ni Baslit, ang mga anak ni Mehida, ang mga anak ni Harsa;
55 ang mga anak ni Barkos, ang mga anak ni Sisera, ang mga anak ni Tema;
56 ang mga anak ni Nesia, ang mga anak ni Hatifa.
57 Ang mga anak ng mga lingkod ni Solomon; ang mga anak ni Sotai, ang mga anak ni Soferet, ang mga anak ni Perida;
58 ang mga anak ni Jahala, ang mga anak ni Darkon, ang mga anak ni Giddel;
59 ang mga anak ni Shefatias, ang mga anak ni Hattil, ang mga anak ni Pochereth-hazzebaim, ang mga anak ni Amon.
60 Lahat ng mga lingkod sa templo, at ang mga anak ng mga lingkod ni Solomon ay tatlong daan at siyamnapu't dalawa.
61 At sumusunod ay yaong umahon mula sa Telmelah, Telharsa, Kerub, Addon, at Imer, ngunit hindi nila mapatunayan ang mga sambahayan ng kanilang mga ninuno, kung sila ba ay kabilang sa Israel:
62 ang mga anak ni Delaia, ang mga anak ni Tobias, ang mga anak ni Nekoda, animnaraan at apatnapu't dalawa.
63 At sa mga pari: ang mga anak ni Hobaias, ang mga anak ni Hakoz, ang mga anak ni Barzilai, (na nag-asawa sa anak ni Barzilai na Gileadita, at tinawag ayon sa kanilang pangalan).
64 Hinanap ng mga ito ang kanilang talaan ng lahi doon sa mga nakatala sa talaan ng lahi, ngunit iyon ay hindi natagpuan doon, kaya't sila'y ibinilang na marurumi at inalis sa pagkapari.
65 Sinabi(B) sa kanila ng tagapamahala na huwag kakain ng kabanal-banalang pagkain, hanggang sa tumayo ang isang pari na may Urim at may Tumim.
66 Ang buong kapisanang magkakasama ay apatnapu't dalawang libo at tatlong daan at animnapu,
67 bukod sa kanilang mga lingkod na lalaki at babae na may pitong libo at tatlong daan at tatlumpu't pito; at sila'y may dalawandaan at apatnapu't limang mang-aawit na lalaki at babae.
68 Ang kanilang mga kabayo ay pitong daan at tatlumpu't anim; ang kanilang mga mola ay dalawandaan at apatnapu't lima;
69 ang kanilang mga kamelyo ay apatnaraan at tatlumpu't lima; ang kanilang mga asno ay anim na libo pitong daan at dalawampu.
Ang Salapi ay Ibinigay para sa Templo
70 Ang ilan sa mga puno ng mga sambahayan ng mga ninuno ay nagbigay ng tulong sa gawain. Ang tagapamahala ay nagbigay sa kabang-yaman ng isang libong darikong ginto, limampung mangkok, limang daan at tatlumpung bihisan ng mga pari.
71 Ang ilan sa mga puno ng mga sambahayan ng mga ninuno ay nagbigay sa kabang-yaman ng gawain ng dalawampung libong darikong ginto, at dalawang libo at dalawandaang librang pilak.
72 Ang ibinigay na tulong ng nalabi sa bayan ay dalawampung libong darikong ginto, dalawang libong librang pilak, at animnapu't pitong bihisan ng mga pari.
73 Kaya't(C) ang mga pari, mga Levita, mga bantay-pinto, mga mang-aawit, ang ilan sa mga mamamayan, at ang mga lingkod sa templo, at ang buong Israel ay nanirahan sa kanilang mga bayan. Nang dumating ang ikapitong buwan ang mga anak ni Israel ay nasa kanilang mga bayan.
Ang Kautusan ay Binasa ni Ezra sa Harap ng mga Tao
8 Ang buong bayan ay nagtipun-tipon na parang isang tao sa liwasang-bayan na nasa harapan ng Pintuang Tubig. Kanilang sinabi kay Ezra na eskriba na dalhin ang aklat ng kautusan ni Moises na ibinigay ng Panginoon sa Israel.
2 Dinala ng paring si Ezra ang aklat ng kautusan sa harapan ng kapulungan, na mga lalaki at mga babae, at sa lahat na makakarinig na may pang-unawa, nang unang araw ng ikapitong buwan.
3 Siya'y bumasa mula roon sa harapan ng liwasan na nasa harapan ng Pintuang Tubig, mula sa madaling-araw hanggang sa katanghaliang-tapat sa harapan ng mga lalaki at mga babae at ng mga nakakaunawa; at ang mga pandinig ng buong bayan ay nakatuon sa pakikinig sa aklat ng kautusan.
4 Si Ezra na eskriba ay tumayo sa pulpitong kahoy na kanilang ginawa para sa layuning ito. Sa tabi niya ay nakatayo sina Matithias, Shema, Anaias, Urias, Hilkias, at si Maasias ay nasa kanyang kanan. At sa kanyang kaliwa ay sina Pedaya, Misael, Malkia, Hasum, Hasbedana, Zacarias, at Mesulam.
5 Binuksan ni Ezra ang aklat sa paningin ng buong bayan; (sapagkat siya'y nasa itaas ng buong bayan;) at nang ito'y kanyang buksan, ang buong bayan ay tumayo:
6 Pinuri ni Ezra ang Panginoon, ang dakilang Diyos. At ang buong bayan ay sumagot, “Amen, Amen,” na nakataas ang kanilang mga kamay; at kanilang iniyukod ang kanilang mga ulo at sumamba sa Panginoon na ang kanilang mga mukha'y nakatungo sa lupa.
7 Gayundin sina Jeshua, Bani, Sherebias, Jamin, Akub, Sabetai, Hodias, Maasias, Kelita, Azarias, Jozabed, Hanan, Pelaia, ang mga Levita ay tumulong sa taong-bayan upang maunawaan ang kautusan, samantalang ang taong-bayan ay nanatili sa kanilang kinatatayuan.
8 Kaya't sila'y bumasa mula sa aklat, sa kautusan ng Diyos, na may pakahulugan. Kanilang ibinigay ang diwa, kaya't naunawaan ng mga tao ang binasa.
9 Si Nehemias na tagapamahala, ang pari at eskribang si Ezra, at ang mga Levita na nagturo sa bayan ay nagsabi sa buong bayan, “Ang araw na ito ay banal sa Panginoon ninyong Diyos; huwag kayong tumangis, ni umiyak man.” Sapagkat ang buong bayan ay umiyak nang kanilang marinig ang mga salita ng kautusan.
10 Pagkatapos ay kanyang sinabi sa kanila, “Humayo kayo sa inyong lakad, kumain kayo ng masarap na pagkain at uminom kayo ng matamis na alak, at magpadala kayo ng mga bahagi sa mga walang naihanda, sapagkat ang araw na ito ay banal sa ating Panginoon. Huwag kayong malungkot, sapagkat ang kagalakan sa Panginoon ang inyong kalakasan.”
11 Sa gayo'y napatahimik ng mga Levita ang buong bayan, na sinasabi, “Kayo'y tumahimik, sapagkat ang araw na ito ay banal; huwag kayong malungkot.”
12 Ang buong bayan ay humayo sa kanilang lakad upang kumain at uminom at magdala ng mga bahagi, at para gumawa ng malaking kasayahan, sapagkat kanilang naunawaan ang mga salitang ipinahayag sa kanila.
Ang Pista ng mga Kubol
13 Sa ikalawang araw ay nagtipun-tipon ang mga puno ng mga sambahayan ng mga ninuno ng buong bayan kasama ang mga pari, at ang mga Levita kay Ezra na eskriba upang pag-aralan ang mga salita ng kautusan.
14 Kanilang(D) napag-alamang nakasulat sa kautusan na iniutos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises na ang mga anak ni Israel ay manirahan sa mga kubol[b] sa kapistahan ng ikapitong buwan,
15 at dapat nilang ibalita at ipahayag ang ganito sa lahat ng kanilang mga bayan at sa Jerusalem, “Lumabas kayo sa bundok at kumuha kayo ng mga sanga ng olibo, mga sanga ng olibong-ligaw, mirto, palma, at iba pang madahong punungkahoy upang gumawa ng mga kubol, gaya ng nakasulat.”
16 Kaya't lumabas ang bayan at dinala ang mga iyon at gumawa ng mga kubol, bawat isa'y sa bubungan ng kanilang bahay, mga bulwagan, sa mga bulwagan ng bahay ng Diyos, sa liwasan sa Pintuang Tubig, at sa liwasan sa Pintuan ng Efraim.
17 Ang buong kapulungan nang bumalik mula sa pagkabihag ay gumawa ng mga kubol, at nanirahan sa mga kubol; sapagkat mula sa mga araw ni Josue na anak ni Nun hanggang sa araw na iyon ay hindi gumawa ang mga anak ni Israel ng gayon. Nagkaroon ng napakalaking kasayahan.
18 At araw-araw, mula sa unang araw hanggang sa huling araw, siya ay bumasa mula sa aklat ng kautusan ng Diyos. Kanilang ipinagdiwang ang kapistahan sa loob ng pitong araw, at sa ikawalong araw ay nagkaroon ng isang taimtim na pagtitipon, ayon sa batas.
Ipinahayag ng Bayan ang Kanilang mga Kasalanan
9 Nang ikadalawampu't apat na araw ng buwang ito ang bayang Israel ay nagtipun-tipon na may pag-aayuno at nakasuot ng damit-sako, at may lupa sa mga ulo nila.
2 Ang mga Israelita ay humiwalay sa lahat ng mga dayuhan, at nagtayo at nagpahayag ng kanilang mga kasalanan at ng mga kasamaan ng kanilang mga ninuno.
3 Sila'y tumayo sa kanilang lugar at bumasa sa aklat ng kautusan ng Panginoon nilang Diyos sa loob ng isang ikaapat na bahagi ng araw; at sa ibang ikaapat na bahagi nito ay nagpahayag ng kasalanan at sumamba sa Panginoon nilang Diyos.
4 Tumayo sa mga baytang ng mga Levita sina Jeshua, Bani, Cadmiel, Sebanias, Buni, Sherebias, Bani, at si Chenani at sumigaw nang malakas na tinig sa Panginoon nilang Diyos.
5 Ang mga Levitang sina Jeshua, Cadmiel, Bani, Hashabneias, Sherebias, Hodias, Sebanias, at Petaya, ay nagsabi, “Tumayo kayo at purihin ang Panginoon ninyong Diyos mula sa walang pasimula hanggang sa walang hanggan. Purihin ang iyong maluwalhating pangalan na nataas nang higit sa lahat ng pagpapala at pagpuri.”
6 “Ikaw ang Panginoon, ikaw lamang. Ikaw ang gumawa ng langit, ng langit ng mga langit, pati ng lahat ng natatanaw roon, ng lupa at ng lahat na bagay na naroon, ng mga dagat at ng lahat na naroon, at pinananatili mo silang lahat; at ang hukbo ng langit ay sumasamba sa iyo.
7 Ikaw(E) ang Panginoon, ang Diyos na siyang pumili kay Abram at naglabas sa kanya sa Ur ng mga Caldeo, at nagbigay sa kanya ng pangalang Abraham.
8 Natagpuan(F) mong tapat ang kanyang puso sa harapan mo, at nakipagtipan ka sa kanya upang ibigay sa kanyang mga binhi ang lupain ng mga Cananeo, Heteo, Amoreo, Perezeo, Jebuseo, at Gergeseo, at tinupad mo ang iyong pangako, sapagkat ikaw ay matuwid.
9 “Iyong(G) nakita ang paghihirap ng aming mga ninuno sa Ehipto, at iyong pinakinggan ang kanilang daing sa tabi ng Dagat na Pula.
10 Nagpakita(H) ka ng mga tanda at mga kababalaghan laban kay Faraon at sa lahat niyang mga lingkod at sa lahat ng mga tao ng kanyang lupain, sapagkat iyong nalaman na sila'y gumawa na may kapalaluan laban sa aming mga ninuno at ikaw ay gumawa para sa iyo ng pangalan na nananatili hanggang sa araw na ito.
11 Iyong(I) hinawi ang dagat sa harapan nila, kaya't sila'y dumaan sa gitna ng dagat sa tuyong lupa. Ang mga humahabol sa kanila ay iyong itinapon sa mga kalaliman na gaya ng isang bato sa malalim na tubig.
12 Sa(J) pamamagitan ng isang haliging ulap ay pinatnubayan mo sila sa araw, at sa pamamagitan ng isang haliging apoy sa gabi upang tumanglaw sa kanila sa daan na kanilang dapat lakaran.
13 Ikaw(K) ay bumaba sa bundok ng Sinai at nagsalita ka sa kanila mula sa langit, at binigyan mo sila ng mga matuwid na batas at mga tunay na kautusan, mabuting mga tuntunin at mga utos.
14 Ipinakilala mo sa kanila ang iyong banal na Sabbath, at nag-utos ka sa kanila ng mga utos, at ng mga tuntunin at ng kautusan sa pamamagitan ni Moises na iyong lingkod.
15 Binigyan(L) mo sila ng tinapay mula sa langit para sa kanilang pagkagutom at nagpalabas ka ng tubig para sa kanila mula sa malaking bato para sa kanilang uhaw, at sinabi mo sa kanila na pumasok upang angkinin ang lupain na iyong ipinangakong ibibigay sa kanila.
16 “Ngunit(M) sila at ang aming mga ninuno ay kumilos na may kapangahasan, at pinatigas ang kanilang leeg at hindi tinupad ang iyong mga utos.
17 Ayaw(N) nilang sumunod, at hindi inalala ang mga kababalaghan na iyong ginawa sa gitna nila, kundi naging matigas ang kanilang ulo[c] at pumili ng isang pinuno upang bumalik sa kanilang pagkabihag sa Ehipto. Ngunit ikaw ay Diyos na handang magpatawad, mapagpala at mahabagin, hindi magagalitin, sagana sa tapat na pag-ibig, at hindi mo sila pinabayaan,
18 maging(O) nang sila'y gumawa ng isang guyang hinulma at magsabi, ‘Ito ang iyong Diyos na nag-ahon sa iyo mula sa Ehipto,’ at gumawa ng mabibigat na paglapastangan.
19 Ikaw,(P) sa iyong dakilang kaawaan ay hindi mo sila pinabayaan sa ilang. Ang haliging ulap na pumatnubay sa kanila sa daan ay hindi humiwalay sa kanila sa araw, maging ang haliging apoy man sa gabi na nagbigay ng liwanag sa kanila sa kanilang dapat lakaran.
20 Ibinigay mo ang iyong mabuting Espiritu upang turuan sila, at hindi mo ipinagkait ang iyong manna mula sa kanilang bibig, at binigyan mo sila ng tubig para sa kanilang uhaw.
21 Sa loob ng apatnapung taon ay inalalayan mo sila sa ilang, at hindi sila nagkulang ng anuman; ang kanilang mga suot ay hindi naluma, at ang kanilang mga paa ay hindi namaga.
22 Binigyan(Q) mo sila ng mga kaharian at mga bayan, na iyong ibinahagi sa kanila ang bawat sulok; kaya't kanilang inangkin ang lupain ni Sihon, na hari ng Hesbon, at ang lupain ni Og na hari ng Basan.
23 Pinarami(R) mo ang kanilang mga anak gaya ng mga bituin sa langit, at dinala mo sila sa lupain na iyong sinabi sa kanilang mga ninuno na pasukin at angkinin.
24 Kaya't(S) ang taong-bayan ay pumasok at inangkin ang lupain. Iyong pinasuko sa harapan nila ang mga naninirahan sa lupain, ang mga Cananeo, at ibinigay mo sa kanilang mga kamay, pati ang kanilang mga hari at ang mga tao ng lupain, upang magawa nila sa kanila kung ano ang kanilang naisin.
25 Kanilang(T) nasakop ang mga bayang nakukutaan at ang mayamang lupain, at inangkin ang mga bahay na punô ng lahat ng mabubuting bagay, ang mga balon na hinukay, mga ubasan, mga olibohan, mga punungkahoy na may bungang sagana; kaya't sila'y kumain, nabusog, tumaba, at nalugod sa iyong dakilang kabutihan.
26 “Gayunma'y(U) naging masuwayin sila at naghimagsik laban sa iyo, at tinalikuran ang iyong kautusan at pinatay ang iyong mga propeta na nagbabala sa kanila upang mapanumbalik sa iyo, at sila'y gumawa ng mabibigat na paglapastangan.
27 Kaya't ibinigay mo sila sa kamay ng kanilang mga kaaway, na siyang nagpahirap sa kanila. At sa panahon ng kanilang paghihirap ay dumaing sila sa iyo, at dininig mo sila mula sa langit; at ayon sa iyong dakilang kaawaan ay binigyan mo sila ng mga tagapagligtas na nagligtas sa kanila sa kamay ng kanilang mga kaaway.
28 Ngunit pagkatapos na sila'y magkaroon ng kapahingahan, muli silang gumawa ng kasamaan sa harapan mo at iniwan mo sila sa kamay ng kanilang mga kaaway. Kaya't sila'y nagkaroon ng kapamahalaan sa kanila; ngunit nang sila'y manumbalik at dumaing sa iyo, iyong dininig mula sa langit at maraming ulit na iyong iniligtas sila ayon sa iyong mga kaawaan.
29 At(V) iyong binalaan sila upang maibalik sila sa iyong kautusan. Ngunit kumilos silang may kapangahasan, at hindi tinupad ang iyong mga utos, kundi nagkasala laban sa iyong mga batas, na kung tutuparin ito ng isang tao, siya'y mabubuhay, at iniurong ang balikat at pinatigas ang kanilang leeg at hindi sumunod.
30 Maraming(W) taon mo silang tiniis, at nagbabala sa kanila ang iyong Espiritu sa pamamagitan ng iyong mga propeta, gayunma'y ayaw nilang makinig. Kaya't ibinigay mo sila sa kamay ng mga tao ng mga lupain.
31 Gayunma'y sa iyong dakilang mga kaawaan ay hindi mo sila winakasan o tinalikuran man sila; sapagkat ikaw ay mapagpala at maawaing Diyos.
32 “Kaya't(X) ngayon, aming Diyos, ang dakila, makapangyarihan, at kasindak-sindak na Diyos, na nag-iingat ng tipan at ng tapat na pag-ibig, huwag mong ituring na munting bagay sa harapan mo ang hirap na dumating sa amin, sa aming mga hari, mga pinuno, mga pari, mga propeta, mga ninuno, at sa iyong buong bayan, mula sa panahon ng mga hari ng Asiria hanggang sa araw na ito.
33 Gayunma'y naging makatarungan ka sa lahat ng sumapit sa amin; sapagkat kumilos kang may katapatan, ngunit kumilos kaming may kasamaan.
34 Ang aming mga hari, mga pinuno, mga pari, at ang aming mga ninuno ay hindi sumunod sa iyong kautusan, o nakinig man sa iyong mga utos at sa iyong mga babala na iyong ibinigay sa kanila.
35 Hindi sila naglingkod sa iyo sa kanilang kaharian, at sa iyong dakilang kabutihan na iyong ibinigay sa kanila, at sa malaki at mayamang lupain na iyong ibinigay sa harapan nila, at hindi sila humiwalay sa kanilang masasamang gawa.
36 Narito kami, mga alipin sa araw na ito, sa lupain na iyong ibinigay sa aming mga ninuno upang tamasahin ang bunga niyon, at ang mabubuting kaloob niyon. Narito, kami ay mga alipin.
37 Ang kanyang mayamang bunga ay napupunta sa mga hari na iyong inilagay sa amin dahil sa aming mga kasalanan; may kapangyarihan din sila sa aming mga katawan at sa aming hayop ayon sa ikasisiya nila, at kami ay nasa malaking pagkabalisa.”
Lumagda ang Bayan sa Isang Kasunduan
38 Dahil sa lahat ng ito, kami ay gumawa ng matibay na kasunduan at isinusulat ito, at ang aming mga pinuno, ang aming mga Levita, at ang aming mga pari ay naglagay ng kanilang tatak dito.
Ang Pagpapagaling sa Lumpo
3 Isang araw, sina Pedro at Juan ay pumanhik sa templo sa oras ng pananalangin, nang ikasiyam na oras.[a]
2 At may isang lalaking lumpo mula pa sa pagkapanganak ang noon ay ipinapasok. Araw-araw siya'y inilalagay nila sa pintuan ng templo na tinatawag na Maganda, upang manghingi ng limos sa mga pumapasok sa templo.
3 Nang nakita niya sina Pedro at Juan na papasok sa templo, humingi siya ng limos.
4 Ngunit pagtitig sa kanya ni Pedro, kasama si Juan, ay sinabi, “Tingnan mo kami.”
5 Itinuon niya ang kanyang pansin sa kanila na umaasang mayroong tatanggapin mula sa kanila.
6 Ngunit sinabi ni Pedro, “Wala akong pilak at ginto, ngunit ang nasa akin ay siya kong ibinibigay sa iyo. Sa pangalan ni Jesu-Cristong taga-Nazaret,[b] tumayo ka at lumakad.”
7 Kanyang hinawakan siya sa kanang kamay, at siya'y itinindig at agad na lumakas ang kanyang mga paa at mga bukung-bukong.
8 Siya'y lumukso, tumayo at nagpalakad-lakad; pumasok siya sa templo na kasama nila, lumalakad, lumulukso, at nagpupuri sa Diyos.
9 Nakita siya ng lahat ng tao na lumalakad at nagpupuri sa Diyos.
10 Nakilala nila na siya nga ang dating nakaupo at namamalimos sa Pintuang Maganda ng templo; at sila'y napuno ng pagtataka at pagkamangha sa nangyari sa kanya.
Nangaral si Pedro sa Portiko ni Solomon
11 Samantalang siya'y nakahawak kina Pedro at Juan, sama-samang nagtakbuhan sa kanila ang mga tao, na lubhang namangha, sa tinatawag na portiko ni Solomon.
12 Nang makita ito ni Pedro, nagsalita siya sa mga tao, “Kayong mga Israelita, bakit ninyo ito ikinamamangha? Bakit ninyo kami tinititigan na para bang sa pamamagitan ng aming sariling kapangyarihan o kabanalan ay napalakad namin siya?
13 Niluwalhati ng(A) Diyos ni Abraham, ng Diyos ni Isaac, at ng Diyos ni Jacob, at ng Diyos ng ating mga ninuno ang kanyang lingkod[c] na si Jesus na inyong ibinigay at inyong itinakuwil sa harap ni Pilato, bagaman siya'y nagpasiyang pawalan siya.
14 Ngunit(B) inyong itinakuwil ang Banal at ang Matuwid at inyong hininging ipagkaloob sa inyo ang isang mamamatay-tao,
15 at inyong pinatay ang May-akda ng buhay, na muling binuhay ng Diyos mula sa mga patay; mga saksi kami sa bagay na ito.
16 At sa pamamagitan ng pananampalataya sa kanyang pangalan, ang kanyang pangalan ang nagpalakas sa taong ito na inyong nakikita at nakikilala. Ang pananampalataya sa pamamagitan ni Jesus ang nagkaloob sa taong ito ng ganitong sakdal na kalusugan sa harapan ninyong lahat.
17 “At ngayon, mga kapatid, nalalaman kong ginawa ninyo iyon sa inyong kamangmangan tulad ng inyong mga pinuno.
18 Ngunit sa ganitong paraan ay tinupad ng Diyos ang kanyang ipinahayag na mangyayari sa pamamagitan ng lahat ng mga propeta, na ang kanyang Cristo ay magdurusa.
19 Kaya nga magsisi kayo at magbalik-loob upang mapawi ang inyong mga kasalanan,
20 upang ang mga panahon ng kaginhawahan ay dumating mula sa harapan ng Panginoon; at upang kanyang suguin ang Cristo na itinalaga sa inyo, si Jesus.
21 Siya'y dapat manatili sa langit hanggang sa mga panahon ng pagpapanumbalik ng lahat ng mga bagay, na sinabi ng Diyos noong una sa pamamagitan ng bibig ng kanyang mga banal na propeta.
22 Tunay(C) na sinabi ni Moises, ‘Ang Panginoong Diyos ay pipili para sa inyo ng isang propetang gaya ko mula sa inyong mga kapatid.[d] Pakinggan ninyo siya sa lahat ng bagay na sabihin niya sa inyo.
23 Ang(D) bawat tao na hindi makinig sa propetang iyon ay lubos na pupuksain mula sa bayan.’[e]
24 At ang lahat ng mga propeta, mula kay Samuel at ang mga sumunod sa kanya, sa dami ng mga nagsalita, ay nagpahayag din tungkol sa mga araw na ito.
25 Kayo(E) ang mga anak ng mga propeta, at ng tipan na ibinigay ng Diyos sa inyong mga ninuno, na sinasabi kay Abraham, ‘At sa pamamagitan ng iyong binhi ay pagpapalain ang lahat ng mga angkan sa lupa.’
26 Nang piliin ng Diyos ang kanyang lingkod siya ay kanyang unang isinugo sa inyo, upang kayo'y pagpalain sa pamamagitan ng pagtalikod ng bawat isa sa inyo sa inyong mga kasamaan.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001