Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Ezra 6-8

Muling Natuklasan ang Utos ni Ciro

Nang magkagayo'y nag-utos si Haring Dario, at gumawa ng pagsasaliksik sa Babilonia, sa bahay ng mga aklat na kinalalagyan ng mga kasulatan.

Sa Ecbatana[a] sa palasyong nasa lalawigan ng Media, isang balumbon ang natagpuan na doo'y nakasulat ang ganito: “Isang tala.

Nang unang taon ni Haring Ciro, si Haring Ciro ay nagbigay ng utos: Tungkol sa bahay ng Diyos sa Jerusalem, hayaang muling maitayo ang bahay, ang lugar na kanilang pinag-aalayan ng mga handog at dinadala ang handog na sinusunog. Ang taas nito ay magiging animnapung siko, at ang luwang nito'y animnapung siko,

na may tatlong hanay ng malalaking bato at isang hanay ng kahoy; at ang magugugol ay babayaran mula sa kabang-yaman ng kaharian.

Gayundin, ang mga kagamitang ginto at pilak ng bahay ng Diyos na inilabas ni Nebukadnezar sa templo na nasa Jerusalem, at dinala sa Babilonia, ay isauli at ibalik sa templo na nasa Jerusalem, bawat isa'y sa kanyang lugar, at ilagay mo ang mga iyon sa bahay ng Diyos.”

“Kaya't ngayon, Tatenai, na tagapamahala ng lalawigan sa kabila ng Ilog, Setarboznai, at ang inyong mga kasamang tagapamahala na nasa mga lalawigan sa kabila ng Ilog, lumayo kayo.

Hayaan ninyo ang gawain sa bahay na ito ng Diyos; hayaan ninyong muling itayo ng tagapamahala ng mga Judio at ng matatanda ng mga Judio ang bahay na ito ng Diyos sa lugar nito.

Bukod dito'y gumagawa ako ng utos kung ano ang inyong gagawin sa matatandang ito ng mga Judio para sa muling pagtatayo ng bahay na ito ng Diyos. Ang magugugol ay ibigay ng buo sa mga taong ito at walang pagkaantala mula sa kinita ng kaharian, mula sa buwis ng lalawigan sa kabila ng Ilog.

At anumang kailangan—mga batang toro, mga tupa, o mga kordero para sa mga handog na sinusunog para sa Diyos ng langit, trigo, asin, alak, o langis, ayon sa kailangan ng mga pari na nasa Jerusalem, ay patuloy ninyong ibigay sa kanila araw-araw,

10 upang sila'y makapaghandog ng mga alay na kalugud-lugod sa Diyos ng langit, at idalangin ang buhay ng hari at ng kanyang mga anak.

11 Gayundin, ako'y gumagawa ng utos na sinumang bumago ng kautusang ito, isang biga ang huhugutin sa kanyang bahay, at siya'y tutuhugin doon, at ang kanyang bahay ay magiging tambakan ng dumi.

12 Ang Diyos na siyang gumawa upang makapanirahan ang kanyang pangalan doon, nawa'y ibagsak ang sinumang hari o bayan na mag-uunat ng kanilang kamay upang ito'y baguhin, o gibain ang bahay na ito ng Diyos na nasa Jerusalem. Akong si Dario ang gumawa ng utos; ipatupad ito nang buong sikap.”

Itinalaga ang Templo

13 Pagkatapos, ayon sa salitang ipinadala ni Haring Dario, buong sikap na ginawa ni Tatenai na tagapamahala sa lalawigan sa kabila ng Ilog, ni Setarboznai, at ng kanilang mga kasama ang iniutos ni Haring Dario.

14 Ang(A) matatanda ng mga Judio ay nagtayo at umunlad sa pamamagitan ng ginawang propesiya ni Hagai na propeta at ni Zacarias na anak ni Iddo. Natapos nila ang pagtatayo sa utos ng Diyos ng Israel, at sa utos nina Ciro, Dario, at Artaxerxes na hari ng Persia.

15 Ang bahay na ito ay nayari nang ikatlong araw ng buwan ng Adar, nang ikaanim na taon ng paghahari ni Haring Dario.

16 At ang mga anak ni Israel, ang mga pari, mga Levita, at ang iba pa sa mga bumalik na bihag ay nagdiwang na may galak sa pagtatalaga ng bahay na ito ng Diyos.

17 Sila'y naghandog sa pagtatalaga ng bahay na ito ng Diyos ng isandaang toro, dalawandaang lalaking tupa, apatnaraang kordero; at bilang handog pangkasalanan para sa buong Israel ay labindalawang kambing na lalaki, ayon sa bilang ng mga lipi ng Israel.

18 At kanilang inilagay ang mga pari sa kani-kanilang mga pangkat, at ang mga Levita sa kanilang mga paghali-halili, para sa paglilingkod sa Diyos sa Jerusalem, gaya ng nakasulat sa aklat ni Moises.

Ang Paskuwa

19 Nang(B) ikalabing-apat na araw ng unang buwan, ang mga bumalik na bihag ay nangilin ng Paskuwa.

20 Sapagkat ang mga pari at ang mga Levita ay magkakasamang naglinis ng kanilang sarili, silang lahat ay malilinis. Kaya't kanilang pinatay ang kordero ng Paskuwa para sa lahat ng bumalik na bihag, para sa mga kapatid nilang pari, at para sa kanilang sarili.

21 Ito ay kinain ng mga anak ni Israel na bumalik mula sa pagkabihag, at gayundin ng bawat isa na sumama sa kanila at inihiwalay ang sarili sa karumihan ng mga bansa ng lupain upang sumamba sa Panginoon, ang Diyos ng Israel.

22 At kanilang isinagawa na may kagalakan ang kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa sa loob ng pitong araw. Pinasaya sila ng Panginoon, at ikiniling sa kanila ang puso ng hari ng Asiria, kaya't kanyang tinulungan sila sa paggawa ng bahay ng Diyos, ang Diyos ng Israel.

Si Ezra ay Dumating sa Jerusalem

Pagkatapos ng mga bagay na ito, sa paghahari ni Artaxerxes na hari ng Persia, si Ezra na anak ni Seraya, na anak ni Azarias, na anak ni Hilkias,

na anak ni Shallum, na anak ni Zadok, na anak ni Ahitub,

na anak ni Amarias, na anak ni Azarias, na anak ni Meraiot,

na anak ni Zeraias, na anak ni Uzi, na anak ni Buki,

na anak ni Abisua, na anak ni Finehas, na anak ni Eleazar, na anak ni Aaron, na punong pari—

ang Ezrang ito ay umahon mula sa Babilonia. Siya'y isang eskribang dalubhasa sa kautusan ni Moises na ibinigay ng Panginoong Diyos ng Israel. Ipinagkaloob sa kanya ng hari ang lahat niyang hiniling, sapagkat ang Panginoon niyang Diyos ay kasama niya.

At umahon din patungo sa Jerusalem sa ikapitong taon ni Artaxerxes na hari, ang ilan sa mga anak ni Israel, at ilan sa mga pari at mga Levita, ang mga mang-aawit at mga tanod sa pinto, at ang mga lingkod sa templo.

Siya'y dumating sa Jerusalem nang ikalimang buwan, sa ikapitong taon ng hari.

Sa unang araw ng unang buwan ay nagsimula siyang umahon mula sa Babilonia, at sa unang araw ng ikalimang buwan ay dumating siya sa Jerusalem, sapagkat ang mabuting kamay ng kanyang Diyos ay nasa kanya.

10 Inilagak ni Ezra ang kanyang puso upang saliksikin ang kautusan ng Panginoon, upang sundin ito at ituro sa Israel ang kanyang mga batas at mga tuntunin.

Ang Sulat ni Artaxerxes kay Ezra

11 Ito ang sipi ng sulat na ibinigay ng Haring Artaxerxes kay Ezra na pari, ang eskriba, isang marunong sa mga bagay ng mga utos ng Panginoon at ng kanyang mga alituntunin sa Israel:

12 “Si Artaxerxes, hari ng mga hari, kay Ezra na pari, na kalihim[b] ng kautusan ng Diyos ng langit. At ngayon,

13 ako'y gumagawa ng utos na sinumang kabilang sa bayan ng Israel o ang kanilang mga pari o mga Levita sa aking kaharian na nagnanais pumunta sa Jerusalem, ay maaaring sumama sa iyo.

14 Sapagkat ikaw ay sinugo ng hari at ng kanyang pitong tagapayo upang mag-usisa tungkol sa Juda at Jerusalem ayon sa kautusan ng iyong Diyos na nasa iyong kamay,

15 at upang dalhin din ang pilak at ginto na kusang inihandog ng hari at ng kanyang mga tagapayo sa Diyos ng Israel na ang tahanan ay nasa Jerusalem,

16 kasama ang lahat ng pilak at ginto na iyong matatagpuan sa buong lalawigan ng Babilonia, pati ang kusang-loob na handog ng taong-bayan at ng mga pari na mga kusang-loob na ipinanata para sa bahay ng kanilang Diyos na nasa Jerusalem.

17 Sa pamamagitan ng salaping ito, buong sikap kang bibili ng mga toro, mga lalaking tupa, mga kordero, pati ng mga handog na butil at ng mga inuming handog ng mga iyon, at ang mga iyon ay iyong ihahandog sa ibabaw ng dambana ng bahay ng inyong Diyos na nasa Jerusalem.

18 Anumang inaakala mo at ng iyong mga kapatid na mabuting gawin sa nalabi sa pilak at ginto, maaari ninyong gawin ayon sa kalooban ng inyong Diyos.

19 Ang mga kagamitang ibinigay sa iyo para sa paglilingkod sa bahay ng iyong Diyos ay dalhin mo sa harapan ng Diyos ng Jerusalem.

20 Anumang kakailanganin pa sa bahay ng iyong Diyos na may pagkakataon kang magbigay, ay magbigay ka mula sa kabang-yaman ng hari.

21 “At ako, si Haring Artaxerxes, ay gumagawa ng utos para sa lahat ng ingat-yaman sa lalawigan sa kabila ng Ilog: Anumang hingin sa inyo ni Ezra na pari, na eskriba ng kautusan ng Diyos ng langit ay gawin nang buong sikap,

22 hanggang sa isandaang talentong pilak, isandaang takal ng trigo, isandaang takal[c] na alak, isandaang takal na langis, at asin na walang takdang dami.

23 Anumang iniutos ng Diyos ng langit, gawin ito nang lubos para sa bahay ng Diyos ng langit; baka ang kanyang poot ay maging laban sa kaharian ng hari at ng kanyang mga anak.

24 Ipinagbibigay alam din namin sa inyo na hindi matuwid na patawan ng buwis, buwis sa kalakal, o upa ang sinuman sa mga pari, mga Levita, mga mang-aawit, mga tanod sa pinto, mga lingkod sa templo, o ang iba pang lingkod ng bahay na ito ng Diyos.

25 “At ikaw, Ezra, ayon sa karunungan ng iyong Diyos na taglay mo, humirang ka ng mga mahistrado at mga hukom na makakahatol sa buong bayan sa lalawigan sa kabila ng Ilog, yaong lahat na nakakaalam ng mga kautusan ng iyong Diyos; at yaong mga hindi nakakaalam niyon ay inyong turuan.

26 Sinumang hindi susunod sa kautusan ng iyong Diyos at sa kautusan ng hari, mahigpit na igagawad sa kanya ang hatol, maging sa kamatayan o sa pagtatapon o sa pagsamsam ng kanyang mga ari-arian, o sa pagkabilanggo.”

27 Purihin ang Panginoon, ang Diyos ng ating mga ninuno na naglagay ng ganitong bagay sa puso ng hari, upang pagandahin ang bahay ng Panginoon na nasa Jerusalem;

28 at nagpaabot sa akin ng kanyang tapat na pag-ibig sa harapan ng hari, at ng kanyang mga tagapayo, at sa harapan ng lahat ng mga makapangyarihang pinuno ng hari. Ako'y nagkaroon ng tapang, sapagkat ang kamay ng Panginoon kong Diyos ay nasa akin, at tinipon ko ang mga pangunahing lalaki mula sa Israel upang pumuntang kasama ko.

Ang mga Taong Bumalik mula sa Pagkabihag

Ito ang mga puno ng mga sambahayan ng kanilang mga ninuno, at ito ang talaan ng angkan ng mga naglakbay na kasama ko mula sa Babilonia, sa panahon ng paghahari ni Haring Artaxerxes:

Sa mga anak ni Finehas, si Gershon; sa mga anak ni Itamar, si Daniel; sa mga anak ni David, si Hatus,

sa mga anak ni Shecanias. Sa mga anak ni Paros, si Zacarias, na kasama niyang itinala ang isandaan at limampung lalaki.

Sa mga anak ni Pahat-moab, si Eliehoenai na anak ni Zeraias, at kasama niya'y dalawandaang lalaki.

Sa mga anak ni Shecanias, ang anak ni Jahaziel; at kasama niya'y tatlong daang lalaki.

Sa mga anak ni Adin, si Ebed na anak ni Jonathan; at kasama niya ay limampung lalaki.

Sa mga anak ni Elam, si Jeshaias na anak ni Atalia, at kasama niya'y pitumpung lalaki.

Sa mga anak ni Shefatias, si Zebadias na anak ni Micael, at kasama niya'y walumpung lalaki.

Sa mga anak ni Joab, si Obadias na anak ni Jehiel, at kasama niya'y dalawandaan at labing walong lalaki.

10 Sa mga anak ni Shelomit, ang anak ni Josifias, at kasama niya'y isandaan at animnapung lalaki.

11 Sa mga anak ni Bebai, si Zacarias na anak ni Bebai, at kasama niya ay dalawampu't walong lalaki.

12 Sa mga anak ni Azgad, si Johanan na anak ni Hakatan, at kasama niya ay isandaan at sampung lalaki.

13 Sa mga anak ni Adonikam, na mga huling dumating, ito ang kanilang mga pangalan: Elifelet, Jeiel, at Shemaya, at kasama nila ay animnapung lalaki.

14 Sa mga anak ni Bigvai, sina Utai at Zacur[d] at kasama nila ay pitumpung lalaki.

Naghanap si Ezra ng mga Levita para sa Templo

15 Tinipon ko sila sa ilog na umaagos patungo sa Ahava at doo'y nagkampo kami sa loob ng tatlong araw. Habang aking sinisiyasat ang taong-bayan at ang mga pari, wala akong natagpuan doon na mga anak ni Levi.

16 Nang magkagayo'y ipinasundo ko sina Eliezer, Ariel, Shemaya, Elnatan, Jarib, Elnatan, Natan, Zacarias, at si Mesulam, na mga pangunahing lalaki, at sina Joiarib at Elnatan, na mga tagapagturo,

17 at isinugo ko sila kay Iddo na pangunahing lalaki sa lugar ng Casipia. Sinabi ko sa kanila na kanilang sabihin kay Iddo at sa kanyang mga kapatid na mga lingkod sa templo sa lugar ng Casipia, na sila'y magpadala sa amin ng mga tagapaglingkod sa bahay ng aming Diyos.

18 At sa pamamagitan ng mabuting kamay ng aming Diyos na sumasaamin, sila ay nagdala sa amin ng isang lalaking may karunungan mula sa mga anak ni Mahli, na anak ni Levi, na anak ni Israel, si Sherebias, kasama ang kanyang mga anak na lalaki at mga kapatid, na labingwalo.

19 Kasama rin si Hashabias, at pati si Jeshaias mula sa mga anak ni Merari, kasama ang kanyang mga kapatid at kanyang mga anak na lalaki, na dalawampu.

20 Bukod sa dalawandaan at dalawampung mga lingkod sa templo, na ibinukod ni David at ng kanyang mga pinuno upang tumulong sa mga Levita, silang lahat ay binanggit ayon sa pangalan.

Nanguna si Ezra sa Pag-aayuno at Pananalangin

21 Pagkatapos ay nagpahayag ako roon ng ayuno, sa ilog ng Ahava, upang kami'y magpakumbaba sa harapan ng aming Diyos, upang humanap sa kanya ng matuwid na daan, para sa aming sarili, at sa aming mga anak, at sa lahat ng aming mga pag-aari.

22 Ako'y nahiyang humingi sa hari ng isang pangkat ng mga kawal at mga mangangabayo upang ingatan kami laban sa mga kaaway sa aming daraanan; yamang aming sinabi sa hari, “Ang kamay ng aming Diyos ay para sa kabutihan ng lahat na humahanap sa kanya, at ang kapangyarihan ng kanyang poot ay laban sa lahat ng tumatalikod sa kanya.”

23 Kaya't kami'y nag-ayuno at nagsumamo sa aming Diyos dahil dito, at siya'y nakinig sa aming pakiusap.

Mga Kaloob para sa Templo

24 Nang magkagayo'y ibinukod ko ang labindalawa sa mga pangunahing pari: sina Sherebias, Hashabias, gayundin ang kanilang mga kamag-anak.

25 At tinimbang ko sa kanila ang pilak, ginto, at ang mga kagamitan, ang handog para sa bahay ng aming Diyos, na inihandog ng hari, ng kanyang mga tagapayo, mga pinuno at ng buong Israel na nakaharap doon.

26 Aking tinimbang sa kanilang kamay ang animnaraan at limampung talentong pilak, at mga sisidlang pilak na may halagang isandaang talento, at isandaang talentong ginto,

27 dalawampung mangkok na ginto na may halagang isang libong dariko, at dalawang sisidlan na pinong makinang na tanso na kasinghalaga ng ginto.

28 At sinabi ko sa kanila, “Kayo'y banal sa Panginoon, ang mga kagamitan ay banal, at ang pilak at ginto ay kusang-loob na handog sa Panginoon, ang Diyos ng inyong mga ninuno.

29 Bantayan ninyo at ingatan ang mga ito hanggang sa inyong matimbang sa harapan ng mga punong pari, ng mga Levita, at ng mga puno ng mga sambahayan ng Israel sa Jerusalem, sa loob ng mga silid ng bahay ng Panginoon.”

30 Sa gayo'y tinanggap ng mga pari at ng mga Levita ang timbang ng pilak, ginto, at ng mga kagamitan, upang dalhin sa Jerusalem, sa bahay ng aming Diyos.

Ang Pagbabalik sa Jerusalem

31 Pagkatapos ay umalis kami sa ilog ng Ahava nang ikalabindalawang araw ng unang buwan, upang pumunta sa Jerusalem. Ang kamay ng aming Diyos ay kasama namin, at kanyang iniligtas kami sa kamay ng kaaway at sa mga pagtambang sa daan.

32 Dumating kami sa Jerusalem at namalagi roon sa loob ng tatlong araw.

33 Sa ikaapat na araw, sa loob ng bahay ng aming Diyos, ang pilak, ginto at ang mga kagamitan ay tinimbang sa kamay ng paring si Meremot, na anak ni Urias at kasama niya si Eleazar na anak ni Finehas, at kasama nila ang mga Levitang si Jozabad na anak ni Jeshua, at si Noadias na anak ni Binui.

34 Ang kabuuan ay binilang at tinimbang, at ang timbang ng lahat ay itinala.

35 Nang panahong iyon, ang mga dumating mula sa pagkabihag, ang mga bumalik na ipinatapon ay nag-alay ng handog na sinusunog sa Diyos ng Israel, labindalawang toro para sa buong Israel, siyamnapu't anim na lalaking tupa, pitumpu't pitong kordero, at labindalawang kambing na lalaki bilang handog pangkasalanan. Lahat ng ito'y handog na sinusunog sa Panginoon.

36 Ibinigay rin nila ang mga bilin ng hari sa mga tagapamahala ng hari, at sa mga gobernador ng lalawigan sa kabila ng Ilog; at kanilang tinulungan ang taong-bayan at ang bahay ng Diyos.

Juan 21

Nagpakita si Jesus sa Pitong Alagad

21 Pagkatapos ng mga bagay na ito ay nagpakitang muli si Jesus sa mga alagad sa tabi ng dagat ng Tiberias, at siya'y nagpakita sa ganitong paraan.

Magkakasama noon sina Simon Pedro, si Tomas na tinatawag na Kambal, at si Nathanael na taga-Cana ng Galilea, at ang mga anak ni Zebedeo, at dalawa pa sa kanyang mga alagad.

Sinabi(A) sa kanila ni Simon Pedro, “Mangingisda ako.” Sinabi nila sa kanya, “Kami ay sasama rin sa iyo.” Sila'y umalis at sumakay sa bangka. Nang gabing iyon ay wala silang nahuli.

Ngunit nang mag-uumaga na, si Jesus ay tumayo sa tabing-dagat. Subalit hindi nakilala ng mga alagad na iyon ay si Jesus.

Sinabi ni Jesus sa kanila, “Mga anak, mayroon ba kayong nahuling isda?” Sumagot sila sa kanya, “Wala.”

At(B) sinabi niya sa kanila, “Ihulog ninyo ang lambat sa kanang bahagi ng bangka at mayroon kayong makikita.” Inihulog nga nila, at hindi na nila ito mahila dahil sa dami ng mga isda.

Kaya't ang alagad na minamahal ni Jesus ay nagsabi kay Pedro, “Ang Panginoon iyon.” Kaya't nang marinig ni Simon Pedro na iyon ang Panginoon, ay nagbigkis siya ng kanyang tunika (sapagkat siya'y walang damit), at tumalon sa dagat.

Subalit ang ibang alagad ay lumapit sa bangka na hila ang lambat na punô ng isda, sapagkat sila'y hindi malayo sa lupa, kundi halos siyamnapung metro[a] ang layo.

Nang sila'y makadaong sa lupa, nakakita sila roon ng mga nagbabagang uling, at may isdang nakalagay sa ibabaw, at tinapay.

10 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Dalhin ninyo rito ang ilang isdang nahuli ninyo ngayon.”

11 Kaya't si Simon Pedro ay sumampa sa bangka, at hinila ang lambat sa lupa na punô ng malalaking isda, na isandaan at limampu't tatlo, at kahit gayon karami ay hindi nasira ang lambat.

12 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Halikayo at mag-almusal.” Sinuman sa mga alagad ay hindi nangahas na siya'y tanungin, “Sino ka?” yamang alam nila na iyon ay ang Panginoon.

13 Lumapit si Jesus, dinampot ang tinapay, at ibinigay sa kanila pati ang isda.

14 Ito nga ang ikatlong pagpapakita ni Jesus sa mga alagad, pagkatapos na siya'y bumangon mula sa mga patay.

Inatasan si Pedro

15 Pagkatapos nilang makapag-almusal, sinabi ni Jesus kay Simon Pedro, “Simon, anak ni Juan, minamahal mo ba ako nang higit kaysa mga ito?” Sinabi niya sa kanya, “Opo, Panginoon, nalalaman mo na minamahal kita.” Sinabi ni Jesus[b] sa kanya, “Pakainin mo ang aking mga kordero.”

16 Sa ikalawang pagkakataon ay sinabi niya sa kanya, “Simon, anak ni Juan, minamahal mo ba ako?” Sinabi niya sa kanya, “Opo, Panginoon; nalalaman mo na minamahal kita.” Sinabi niya sa kanya, “Alagaan mo ang aking mga tupa.”

17 Sinabi niya sa kanya sa ikatlong pagkakataon, “Simon, anak ni Juan, minamahal mo ba ako?” Nalungkot si Pedro sapagkat tatlong ulit nang sinabi sa kanya, “Minamahal mo ba ako?” At sinabi niya sa kanya, “Panginoon, nalalaman mo ang lahat ng mga bagay. Nalalaman mo na minamahal kita.” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Pakainin mo ang aking mga tupa.

18 Katotohanang sinasabi ko sa iyo, nang ikaw ay bata pa, binibigkisan mo ang iyong sarili at lumalakad ka kung saan mo ibig; ngunit pagtanda mo'y iuunat mo ang iyong mga kamay, at bibigkisan ka ng iba, at dadalhin ka kung saan hindi mo ibig.”

19 Ito'y sinabi niya upang ipahiwatig kung sa anong kamatayan luluwalhatiin niya ang Diyos. At pagkatapos nito ay sinabi niya sa kanya, “Sumunod ka sa akin.”

Si Jesus at ang Ibang Alagad

20 Pagtalikod(C) ni Pedro, nakita niya ang alagad na minamahal ni Jesus na sumusunod. Siya rin iyong nakahilig na malapit kay Jesus sa hapunan at nagsabi, “Panginoon, sino ang magkakanulo sa iyo?”

21 Nang makita siya ni Pedro ay sinabi niya kay Jesus, “Panginoon, at paano naman ang taong ito?”

22 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Kung ibig kong siya'y manatili hanggang sa ako'y dumating ay ano nga sa iyo? Sumunod ka sa akin.”

23 Kaya't kumalat ang sabi-sabi sa mga kapatid na ang alagad na iyon ay hindi mamamatay. Subalit hindi sinabi ni Jesus sa kanya na hindi siya mamamatay, kundi, “Kung ibig kong siya'y manatili hanggang sa ako'y dumating ay ano nga sa iyo?”

24 Ito ang alagad na nagpapatotoo sa mga bagay na ito at ang sumulat ng mga ito; at nalalaman namin na ang kanyang patotoo ay tunay.

Pagtatapos

25 Subalit marami pa ring ibang mga bagay na ginawa si Jesus, na kung susulating isa-isa, sa palagay ko, kahit sa sanlibutan mismo ay hindi magkakasiya ang mga aklat na isusulat.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001