Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
2 Cronica 21-22

Si Haring Jehoram ng Juda(A)

21 Si Jehoshafat ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno, at inilibing na kasama ng kanyang mga ninuno sa lunsod ni David. Si Jehoram na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.

Siya'y mayroong mga kapatid na lalaki, mga anak ni Jehoshafat: sina Azarias, Jeiel, Zacarias, Azarias, Micael, at Shefatias; lahat ng mga ito ay mga anak ni Jehoshafat na hari ng Israel.[a]

Binigyan sila ng kanilang ama ng maraming kaloob na pilak, ginto, at mahahalagang ari-arian, pati ng mga lunsod na may kuta sa Juda; ngunit ang kaharian ay ibinigay niya kay Jehoram, sapagkat siya ang panganay.

Nang si Jehoram ay makaakyat sa kaharian ng kanyang ama at naging matatag, kanyang pinatay sa pamamagitan ng tabak ang lahat niyang mga kapatid, gayundin ang ilan sa mga pinuno ng Israel.

Si Jehoram ay tatlumpu't dalawang taong gulang nang siya'y nagsimulang maghari; at siya'y naghari sa loob ng walong taon sa Jerusalem.

At siya'y lumakad sa landas ng mga hari ng Israel, gaya ng ginawa ng sambahayan ni Ahab, sapagkat asawa niya ang anak na babae ni Ahab. At siya'y gumawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon.

Gayunma'y(B) ayaw lipulin ng Panginoon ang sambahayan ni David, dahil sa tipan na kanyang ginawa kay David, at palibhasa'y kanyang ipinangako na bibigyan siya ng ilawan at ang kanyang mga anak magpakailanman.

Sa(C) kanyang mga araw ay naghimagsik ang Edom mula sa kapangyarihan ng Juda, at naglagay sila ng sarili nilang hari.

Nang magkagayo'y dumaan si Jehoram na kasama ang kanyang mga punong-kawal at lahat niyang mga karwahe at siya'y bumangon nang kinagabihan at pinatay ang mga Edomita na pumalibot sa kanya at sa mga punong-kawal ng mga karwahe.

10 Kaya't naghimagsik ang Edom mula sa kapangyarihan ng Juda hanggang sa araw na ito. Nang panahon ding iyon ay naghimagsik ang Libna mula sa kanyang pamumuno, sapagkat kanyang tinalikuran ang Panginoon, ang Diyos ng kanyang mga ninuno.

Ang Nakakatakot na Sulat ni Elias

11 Bukod dito'y gumawa siya ng matataas na dako sa maburol na lupain ng Juda, at inakay ang mga mamamayan ng Jerusalem sa kataksilan at iniligaw ang Juda.

12 May isang liham na dumating sa kanya mula kay Elias na propeta, na sinasabi, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ang Diyos ni David na iyong ama, ‘Sapagkat hindi ka lumakad sa mga landas ni Jehoshafat na iyong ama, o sa mga landas ni Asa na hari ng Juda;

13 kundi lumakad sa mga landas ng mga hari ng Israel, at iyong inakay ang Juda at ang mga mamamayan ng Jerusalem sa kataksilan, kung paanong inakay ng sambahayan ni Ahab ang Israel sa kataksilan, at pinatay mo rin ang iyong mga kapatid sa sambahayan ng iyong ama, na higit na mabuti kaysa iyo;

14 ang Panginoon ay magdadala ng napakalaking salot sa iyong bayan, sa iyong mga anak, mga asawa, at sa lahat ng iyong pag-aari.

15 Ikaw mismo ay magkakaroon ng malubhang sakit sa bituka, hanggang sa lumuwa ang iyong bituka araw-araw dahil sa sakit.’”

16 Pinag-alab ng Panginoon laban kay Jehoram ang galit ng mga Filisteo at ng mga taga-Arabia na malapit sa mga taga-Etiopia.

17 Sila'y dumating laban sa Juda at sinalakay ito, at dinala ang lahat ng pag-aari na natagpuan sa bahay ng hari, pati ang mga anak niya at kanyang mga asawa. Kaya't walang naiwang anak sa kanya, maliban kay Jehoahaz na bunso niyang anak.

Ang Pagkatalo at Kamatayan ni Jehoram

18 Pagkatapos ng lahat ng ito, sinaktan siya ng Panginoon sa kanyang bituka ng sakit na walang lunas.

19 Sa paglakad ng panahon, sa katapusan ng dalawang taon, ang kanyang bituka ay lumabas dahil sa kanyang sakit, at siya'y namatay sa matinding paghihirap. Ang kanyang mamamayan ay hindi gumawa ng apoy para sa kanyang karangalan, gaya ng apoy na ginawa para sa kanyang mga ninuno.

20 Siya'y tatlumpu't dalawang taong gulang nang siya'y nagsimulang maghari, at siya'y naghari sa Jerusalem sa loob ng walong taon. Siya'y namatay na walang nalungkot. Kanilang inilibing siya sa lunsod ni David, ngunit hindi sa mga libingan ng mga hari.

Si Haring Ahazias ng Juda(D)

22 Ginawang hari ng mga mamamayan ng Jerusalem si Ahazias na kanyang bunsong anak bilang hari na kapalit niya, sapagkat pinatay ng pulutong ng mga lalaking dumating na kasama ng mga taga-Arabia ang lahat ng nakatatandang anak na lalaki. Kaya't si Ahazias na anak ni Jehoram na hari ng Juda ay naghari.

Si Ahazias ay apatnapu't dalawang taong gulang nang nagsimulang maghari, at siya'y naghari sa loob ng isang taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Atalia na anak ni Omri.

Lumakad rin siya sa mga landas ng sambahayan ni Ahab, sapagkat ang kanyang ina ang kanyang tagapayo sa paggawa ng kasamaan.

Kanyang ginawa ang masama sa paningin ng Panginoon, gaya ng ginawa ng sambahayan ni Ahab; sapagkat pagkamatay ng kanyang ama sila ang kanyang mga tagapayo, na kanyang ikinapahamak.

Sumunod din siya sa kanilang payo, at sumama kay Jehoram na anak ni Ahab na hari ng Israel upang makidigma kay Hazael na hari ng Siria sa Ramot-gilead. At sinugatan ng mga taga-Siria si Joram.

At siya'y bumalik upang magpagaling sa Jezreel sa mga sugat na tinamo niya sa Rama, nang siya'y makipaglaban kay Hazael na hari ng Siria. At si Azarias na anak ni Jehoram na hari ng Juda ay lumusong upang tingnan si Joram na anak ni Ahab sa Jezreel, sapagkat siya'y may sakit.

Ngunit itinalaga na ng Diyos na ang pagbagsak ni Ahazias ay darating sa kanyang pagdalaw kay Joram. Sapagkat nang siya'y dumating doon, siya'y lumabas na kasama ni Jehoram upang salubungin si Jehu na anak ni Nimsi, na siyang binuhusan ng langis ng Panginoon upang wasakin ang sambahayan ni Ahab.

Nang si Jehu ay maglalapat ng kahatulan sa sambahayan ni Ahab, kanyang nakaharap ang mga pinuno ng Juda at ang mga anak ng mga kapatid ni Ahazias, na naglilingkod kay Ahazias, at kanyang pinatay sila.

Hinanap niya si Ahazias, na nahuli habang nagtatago sa Samaria, at dinala kay Jehu at siya'y pinatay. Kanilang inilibing siya, sapagkat kanilang sinabi, “Siya'y apo[b] ni Jehoshafat na humanap sa Panginoon nang buo niyang puso.” At ang sambahayan ni Ahazias ay wala ni isa mang may kakayahang mamuno sa kaharian.

Si Reyna Atalia ng Juda(E)

10 Nang makita ni Atalia na ina ni Ahazias na ang kanyang anak ay patay na, siya'y humanda upang patayin ang lahat ng angkan ng hari mula sa sambahayan ni Juda.

11 Ngunit kinuha ni Josabet, na anak na babae ng hari, si Joas na anak ni Ahazias, at ipinuslit siya mula sa mga anak ng hari na malapit nang patayin, at kanyang inilagay siya at ang kanyang yaya sa isang silid-tulugan. Gayon siya ikinubli ni Josabet, na anak ni Haring Jehoram, at asawa ng paring si Jehoiada, (sapagkat siya'y kapatid ni Ahazias) kay Atalia, kaya't siya'y hindi niya napatay.

12 At siya'y nanatiling kasama nila sa loob ng anim na taon, na nakatago sa bahay ng Diyos, habang si Atalia ay naghahari sa lupain.

Juan 14

Si Jesus ang Daan tungo sa Ama

14 “Huwag mabagabag ang inyong puso. Sumampalataya kayo sa Diyos, sumampalataya rin naman kayo sa akin.

Sa bahay ng aking Ama ay maraming tahanan. Kung hindi gayon, sasabihin ko ba sa inyo na ako'y paparoon upang ihanda ko ang lugar para sa inyo?

At kung ako'y pumunta roon at maihanda ko ang isang lugar para sa inyo, ako'y babalik at kayo'y tatanggapin ko sa aking sarili, upang kung saan ako naroroon, kayo rin ay naroroon.

Nalalaman ninyo ang daan patungo sa lugar na aking pupuntahan.”[a]

Sinabi sa kanya ni Tomas, “Panginoon, hindi namin alam kung saan ka pupunta. Paano namin malalaman ang daan?”

Sinabi sa kanya ni Jesus, “Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay. Sinuman ay hindi makakarating sa Ama kundi sa pamamagitan ko.

Kung ako'y kilala ninyo ay makikilala rin ninyo ang aking Ama. Mula ngayon siya'y inyong nakikilala at siya'y inyong nakita.”

Sinabi sa kanya ni Felipe, “Panginoon, ipakita mo sa amin ang Ama, at kami ay masisiyahan na.”

Sinabi sa kanya ni Jesus, “Mahabang panahon nang ako'y kasama ninyo, at hindi mo ako nakikilala, Felipe? Ang nakakita sa akin ay nakakita sa Ama. Paano mong nasabi, ‘Ipakita mo sa amin ang Ama?’

10 Hindi ka ba sumasampalataya na ako'y nasa Ama, at ang Ama ay nasa akin? Ang mga salitang aking sinasabi sa inyo'y hindi ko sinasabi mula sa aking sarili, kundi ang Ama na nananatili sa akin ang gumagawa ng kanyang mga gawa.

11 Sumampalataya kayo sa akin na ako'y nasa Ama at ang Ama ay nasa akin. Subalit kung hindi ay sumampalataya kayo sa akin dahil sa mga gawa.

12 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang sumasampalataya sa akin ay gagawin din ang mga gawang aking ginagawa, at lalong dakilang mga gawa kaysa rito ang gagawin niya, sapagkat ako'y pupunta sa Ama.

13 At anumang hingin ninyo sa aking pangalan ay aking gagawin, upang ang Ama ay maluwalhati sa Anak.

14 Kung kayo'y humingi ng anuman sa pangalan ko ay gagawin ko.

Ang Pangakong Espiritu Santo

15 “Kung ako'y inyong minamahal ay tutuparin ninyo ang aking mga utos.

16 At hihingin ko sa Ama, at kayo'y bibigyan niya ng isa pang Mang-aaliw,[b] upang makasama ninyo siya magpakailanman.

17 Ito ang Espiritu ng katotohanan na hindi kayang tanggapin ng sanlibutan; sapagkat siya'y hindi nito nakikita o nakikilala man. Siya'y nakikilala ninyo, sapagkat siya'y nananatiling kasama ninyo at siya ay mapapasa inyo.

18 Hindi ko kayo iiwang nag-iisa, ako'y darating sa inyo.

19 Kaunti pang panahon at hindi na ako makikita ng sanlibutan, ngunit makikita ninyo ako; sapagkat ako'y nabubuhay ay mabubuhay rin kayo.

20 Sa araw na iyon ay malalaman ninyong ako'y nasa aking Ama, at kayo'y nasa akin, at ako'y nasa inyo.

21 Siyang mayroon ng aking mga utos at tinutupad ang mga iyon ay siyang nagmamahal sa akin, at ang nagmamahal sa akin ay mamahalin ng aking Ama, at siya'y mamahalin ko, at ihahayag ko ang aking sarili sa kanya.”

22 Si Judas (hindi ang Iscariote) ay nagsabi sa kanya, “Panginoon, paano mong ihahayag ang iyong sarili sa amin, at hindi sa sanlibutan?”

23 Sumagot si Jesus sa kanya, “Kung ang isang tao ay nagmamahal sa akin, ay kanyang tutuparin ang aking salita, at siya'y mamahalin ng aking Ama, at kami'y lalapit sa kanya, at kami'y gagawa ng tahanang kasama siya.

24 Ang hindi nagmamahal sa akin ay hindi tumutupad ng aking mga salita, at ang salitang inyong narinig ay hindi akin, kundi sa Amang nagsugo sa akin.

25 Ang mga bagay na ito'y sinabi ko sa inyo, samantalang ako'y nananatiling kasama pa ninyo.

26 Subalit ang Mang-aaliw, ang Espiritu Santo na susuguin ng Ama sa aking pangalan, siya ang magtuturo sa inyo ng lahat ng mga bagay, at magpapaalala sa inyo ng lahat ng aking sinabi sa inyo.

27 Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo, ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo. Hindi gaya ng ibinibigay ng sanlibutan ang ibinibigay ko sa inyo. Huwag mabagabag ang inyong puso, o matakot man.

28 Narinig ninyong sinabi ko sa inyo, ‘Ako ay aalis, at babalik ako sa inyo. Kung ako'y inyong minamahal, kayo'y magagalak sapagkat ako'y pupunta sa Ama; sapagkat ang Ama ay higit na dakila kaysa akin.’

29 At ngayon ay sinabi ko sa inyo bago pa mangyari, upang kung ito'y mangyari, kayo ay maniwala.

30 Hindi na ako magsasalita pa ng marami sa inyo, sapagkat dumarating ang pinuno ng sanlibutan. Siya'y walang kapangyarihan sa akin.

31 Subalit ginagawa ko ang ayon sa iniutos sa akin ng Ama, upang malaman ng sanlibutan na minamahal ko ang Ama. Tumindig tayo at umalis na tayo rito.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001