Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Esther 3-5

Pagkatapos ng mga bagay na ito ay itinaas ni Haring Ahasuerus sa tungkulin si Haman na anak ni Amedata na Agageo, at itinaas siya at binigyan ng katungkulang[a] mataas kaysa lahat ng mga pinuno na kasama niya.

At lahat ng mga lingkod ng hari na nasa pintuan ng hari ay yumukod at nagbigay-galang kay Haman sapagkat iniutos na gayon ng hari tungkol sa kanya. Ngunit si Mordecai ay hindi yumukod o gumalang man sa kanya.

Nang magkagayo'y sinabi kay Mordecai ng mga lingkod ng hari na nasa pintuan ng hari, “Bakit mo sinusuway ang utos ng hari?”

Nang sila'y makipag-usap sa kanya araw-araw at sila'y ayaw niyang pakinggan, kanilang sinabi kay Haman upang makita kung mangingibabaw ang mga salita ni Mordecai, sapagkat sinabi niya sa kanila na siya'y Judio.

Nang makita ni Haman na si Mordecai ay hindi yumuyukod, o gumagalang man sa kanya, napuno ng poot si Haman.

Ngunit inisip niyang walang kabuluhan na mag-isang patayin si Mordecai. Kaya't yamang ipinaalam nila sa kanya ang pinagmulan ni Mordecai, inisip ni Haman na lipulin ang lahat ng mga Judio, samakatuwid ay ang kababayan ni Mordecai sa buong nasasakupan ng kaharian ni Ahasuerus.

Nang unang buwan, na siyang buwan ng Nisan, nang ikalabindalawang taon ni Haring Ahasuerus, kanilang pinagpalabunutan ang Pur sa harapan ni Haman para sa araw at buwan. Ang palabunutan ay tumapat sa ikalabintatlong araw ng ikalabindalawang buwan, na siyang buwan ng Adar.

At sinabi ni Haman kay Haring Ahasuerus, “May mga taong nakakalat at nakahiwalay sa gitna ng mga bayan sa lahat ng mga lalawigan ng iyong kaharian. Ang kanilang kautusan ay kaiba sa bawat ibang bayan at hindi nila sinusunod ang mga kautusan ng hari; kaya't walang pakinabang ang hari na sila'y pabayaang magpatuloy.

Kung ikalulugod ng hari, hayaang ipag-utos na sila'y lipulin. Ako'y magbabayad ng sampung libong talentong pilak sa mga kamay ng mga namamahala ng gawain ng hari, upang ilagay ang mga iyon sa mga kabang-yaman ng hari.”

10 Nang magkagayo'y hinubad ng hari ang singsing sa kanyang kamay, at ibinigay kay Haman na anak ni Amedata na Agageo, na kaaway ng mga Judio.

11 At sinabi ng hari kay Haman, “Ang salapi ay ibinibigay sa iyo, gayundin ang mga tao upang gawin mo sa kanila kung ano ang inaakala mong mabuti.”

Inisip ni Haman na Lipulin ang mga Judio

12 Nang magkagayo'y ipinatawag ang mga kalihim ng hari nang ikalabintatlong araw ng unang buwan. Isang utos, ayon sa lahat na iniutos ni Haman, ang ipinasulat sa mga tagapamahala ng hari, at sa mga tagapamahala ng lahat ng lalawigan, at sa mga pinuno ng bawat bayan, sa bawat lalawigan ayon sa sarili nitong pagsulat, at sa bawat bayan ayon sa kanilang wika; ito'y isinulat sa pangalan ni Haring Ahasuerus at tinatakan ng singsing ng hari.

13 Ipinadala ang mga sulat sa pamamagitan ng mga sugo sa lahat ng mga lalawigan ng hari, upang wasakin, patayin at lipulin ang lahat ng Judio, bata at matanda, ang mga bata at ang mga babae sa loob ng isang araw, sa ikalabintatlong araw ng ikalabindalawang buwan, na siyang buwan ng Adar, at upang samsamin ang kanilang mga ari-arian.

14 Ang isang sipi ng sulat ay ibibigay bilang utos sa bawat lalawigan sa pamamagitan ng paghahayag sa lahat ng bayan na sila'y maging handa para sa araw na iyon.

15 Mabilis na umalis ang mga sugo sa utos ng hari, at ang batas ay pinalabas sa kabisera ng Susa. Ang hari at si Haman ay naupo upang uminom; ngunit ang lunsod ng Susa ay nagkagulo.

Pinakiusapan ni Mordecai si Esther na Mamagitan

Nang malaman ni Mordecai ang lahat ng ginawa ni Haman, pinunit ni Mordecai ang kanyang suot, at nagsuot ng damit-sako at may mga abo sa ulo. At lumabas siya sa gitna ng bayan, at tumangis nang malakas na may mapait na pagsigaw.

Siya'y umakyat sa pasukan ng pintuan ng hari, sapagkat walang makakapasok sa loob ng pintuan ng hari na nakasuot ng damit-sako.

Sa bawat lalawigan, sa tuwing darating ang utos at batas ng hari, ay nagkaroon ng malaking pagluluksa sa mga Judio, na may pag-aayuno, iyakan, at taghuyan; at karamihan sa kanila ay nahihigang may suot damit-sako at may mga abo sa ulo.

Nang dumating ang mga babaing alalay ni Esther at ang kanyang mga eunuko at ibalita iyon sa kanya, ang reyna ay lubhang nabahala. Siya'y nagpadala ng bihisan upang isuot ni Mordecai, upang hubarin niya ang kanyang damit-sako, ngunit ayaw niyang tanggapin ang mga ito.

Nang magkagayo'y ipinatawag ni Esther si Hatac, na isa sa mga eunuko ng hari, na itinalaga na mag-alaga sa kanya, at inutusan niyang pumunta kay Mordecai, upang malaman kung ano iyon, at kung bakit gayon.

Sa gayo'y lumabas si Hatac patungo kay Mordecai, sa liwasang-bayan na nasa harapan ng pintuan ng hari.

Isinalaysay sa kanya ni Mordecai ang lahat na nangyari sa kanya, at ang halaga ng salaping ipinangako ni Haman na ibabayad sa mga kabang-yaman ng hari para sa pagpatay sa mga Judio.

Binigyan din siya ni Mordecai ng sipi ng utos na ipinahayag sa Susa upang patayin sila, upang ipakita ito kay Esther, at ipaliwanag ito sa kanya. Ipinagbilin niya sa kanya na siya'y pumunta sa hari upang makiusap at humiling sa kanya alang-alang sa kanyang bayan.

At si Hatac ay pumunta, at sinabi kay Esther ang mga sinabi ni Mordecai.

10 Nang magkagayo'y nagsalita si Esther kay Hatac, at nagpasabi kay Mordecai,

11 “Lahat ng lingkod ng hari at ang bayan ng mga lalawigan ng hari ay nakakaalam, na may isang kautusan na kung ang sinumang lalaki o babae ay pumunta sa hari sa pinakaloob na bulwagan na hindi ipinatatawag ay papatayin. Malibang paglawitan siya ng hari ng gintong setro, maaaring mabuhay ang taong iyon. Ako'y tatlumpung araw nang hindi ipinatatawag ng hari.”

12 At sinabi nila kay Mordecai ang mga sinabi ni Esther.

13 Nang magkagayo'y ipinabalik sa kanila ni Mordecai ang sagot kay Esther: “Huwag mong isipin na sa palasyo ng hari ay makakatakas ka na higit kaysa lahat ng ibang mga Judio.

14 Sapagkat kung ikaw ay tatahimik sa panahong ito, ang tulong at kaligtasan ay babangon para sa mga Judio mula sa ibang lugar, ngunit ikaw at ang sambahayan ng iyong ninuno ay mapapahamak. At sinong nakakaalam na kung kaya ka nakarating sa kaharian ay dahil sa pagkakataong ganito?”

15 At sinabi ni Esther sa kanila na sagutin si Mordecai,

16 “Ikaw ay humayo, tipunin mo ang lahat na Judio na matatagpuan sa Susa at ipag-ayuno ninyo ako. Huwag kayong kumain o uminom man sa loob ng tatlong araw, gabi o araw. Ako at ang aking mga babaing alalay ay mag-aayuno ring gaya ninyo. Pagkatapos ay pupunta ako sa hari bagaman labag sa batas. At kung ako'y mamamatay, ay mamatay.”

17 Sa gayo'y umalis si Mordecai at ginawa ang ayon sa lahat na iniutos ni Esther sa kanya.

Ang Hari at si Haman sa Handaan ni Esther

Nang ikatlong araw, nagsuot si Esther ng kanyang damit pang-reyna, at tumayo sa pinakaloob na bulwagan ng palasyo ng hari, sa tapat ng tirahan ng hari. Ang hari ay nakaupo sa kanyang trono sa loob ng palasyo, sa tapat ng pasukan ng palasyo.

Nang makita ng hari si Reyna Esther na nakatayo sa bulwagan, nakuha ng reyna ang paglingap ng hari. Kaya't inilawit ng hari kay Esther ang gintong setro na nasa kanyang kamay. At lumapit si Esther at hinipo ang dulo ng setro.

Itinanong ng hari sa kanya, “Ano iyon, Reyna Esther? Ano ang iyong kahilingan? Ibibigay ko sa iyo kahit kalahati ng aking kaharian.”

Sinabi ni Esther, “Kung ikalulugod ng hari, pumunta sa araw na ito ang hari at si Haman sa salu-salong inihanda ko para sa hari.”

At sinabi ng hari, “Dalhin mong madali dito si Haman upang magawa namin ang gaya ng nais ni Esther.” Kaya't pumunta ang hari at si Haman sa salu-salo na inihanda ni Esther.

Samantalang umiinom sila ng alak, sinabi ng hari kay Esther, “Ano ang iyong kahilingan? Ipagkakaloob iyon sa iyo. Ano ang iyong kahilingan? Kahit kalahati ng kaharian ay ipagkakaloob sa iyo.”

At sumagot si Esther, “Ang aking kahilingan ay ito:

Kung ako'y nakatagpo ng paglingap sa paningin ng hari, at kung kalugdan ng hari na ipagkaloob ang aking kahilingan, pumunta ang hari at si Haman sa salu-salo na aking ihahanda sa kanila, at bukas ay aking gagawin ang gaya ng sinabi ng hari.”

Nagpagawa si Haman ng Bitayan para kay Mordecai

Lumabas si Haman nang araw na iyon na galak na galak at may masayang puso. Ngunit nang makita ni Haman si Mordecai sa pintuan ng hari, na hindi siya tumayo o nanginig man sa harapan niya, siya'y napuno ng poot laban kay Mordecai.

10 Gayunma'y nagpigil si Haman sa kanyang sarili, at umuwi sa bahay. Siya'y nagsugo at ipinasundo ang kanyang mga kaibigan at si Zeres na kanyang asawa.

11 Ikinuwento ni Haman sa kanila ang karangyaan ng kanyang mga kayamanan, ang bilang ng kanyang mga anak na lalaki, at lahat ng pagkataas ng katungkulan na ipinarangal ng hari sa kanya, at kung paanong kanyang itinaas siya nang higit kaysa mga pinuno at mga lingkod ng hari.

12 Dagdag pa ni Haman, “Maging si Reyna Esther ay hindi nagpapasok ng sinuman na kasama ng hari sa kapistahan na kanyang inihanda kundi ako lamang. At bukas ay inaanyayahan na naman niya ako na kasama ng hari.

13 Gayunma'y ang lahat ng ito'y walang kabuluhan sa akin habang aking nakikita ang Judiong si Mordecai na nakaupo sa pintuan ng hari.”

14 Nang magkagayo'y sinabi sa kanya ni Zeres na kanyang asawa at ng lahat niyang kaibigan, “Magpagawa ka ng isang bitayan na may limampung siko ang taas, at kinaumagahan ay sabihin mo sa hari na bitayin doon si Mordecai. Pagkatapos ay lumakad kang masaya na kasama ng hari sa kapistahan.” Ang payong ito ay nagustuhan ni Haman at kanyang ipinagawa ang bitayan.

Mga Gawa 5:22-42

22 Ngunit nang pumunta ang mga bantay sa bilangguan, hindi sila natagpuan doon. Bumalik sila at nag-ulat,

23 na nagsasabi, “Nadatnan naming nakasusing mabuti ang bilangguan, at nakatayo sa mga pintuan ang mga bantay ngunit nang aming buksan ang mga ito ay wala kaming natagpuan sa loob.”

24 Nang marinig ng kapitan ng templo at ng mga punong pari ang mga salitang ito, naguluhan sila at nagtataka kung ano kaya ang nangyayari.

25 At may dumating at nagsabi sa kanila, “Tingnan ninyo, ang mga lalaking ibinilanggo ninyo ay nakatayo sa templo at nagtuturo sa mga tao!”

26 Nang magkagayo'y sumama ang kapitan sa bantay ng templo at sila'y dinala ngunit walang dahas, sapagkat natatakot na baka sila'y batuhin ng taong-bayan.

27 Nang kanilang madala sila, pinatayo sila sa harap ng Sanhedrin. Tinanong sila ng pinakapunong pari,

28 “Hindi(A) ba't mahigpit naming ipinagbawal sa inyo na huwag kayong magturo sa pangalang ito, ngunit tingnan ninyo, pinuno ninyo ang Jerusalem ng inyong aral, at ibig pa ninyong iparatang sa amin ang dugo ng taong ito!”

29 Ngunit sumagot si Pedro at ang mga apostol, “Kailangang sa Diyos kami sumunod, sa halip na sa mga tao.

30 Ibinangon ng Diyos ng ating mga ninuno si Jesus, na inyong pinatay nang ibitin siya sa isang punungkahoy.

31 Siya'y itinaas ng Diyos sa kanyang kanang kamay bilang Pinuno at Tagapagligtas, upang bigyan ang Israel ng pagkakataong magsisi,[a] at ng kapatawaran ng mga kasalanan.

32 Kami'y mga saksi sa mga bagay na ito, gayundin ang Espiritu Santo na ibinigay ng Diyos sa mga sumusunod sa kanya.”

33 Nang marinig nila ito, sila'y napoot at ninais na sila'y patayin.

34 Ngunit may isang Fariseo sa Sanhedrin na ang pangalan ay Gamaliel, guro ng kautusan, iginagalang ng buong bayan, ang tumindig at nag-utos na ilabas na sandali ang mga lalaki.

35 Sinabi niya sa kanila, “Kayong mga lalaking taga-Israel, mag-ingat kayo sa inyong sarili tungkol sa inyong gagawin sa mga taong ito.

36 Sapagkat bago pa ang mga araw na ito ay lumitaw na si Teudas, na nagsabing siya'y dakila; at sumama sa kanya ang may apatnaraang tao ang bilang, ngunit siya'y pinatay at ang lahat ng sumunod sa kanya ay nagkawatak-watak at nawalan ng kabuluhan.

37 Pagkatapos nito ay lumitaw si Judas na taga-Galilea nang mga araw ng pagpapatala at nakaakit siya ng mga taong sumunod sa kanya; siya man ay napahamak at ang lahat ng sumunod sa kanya'y nagkawatak-watak.

38 Ngayo'y sinasabi ko sa inyo, iwasan ninyo ang mga taong ito, at hayaan ninyo sila; sapagkat kung ang panukalang ito, o ang gawang ito ay mula sa tao, ito'y mawawasak.

39 Ngunit kung ito'y sa Diyos, hindi ninyo sila makakayang wasakin. Baka matagpuan pa kayong nakikipaglaban sa Diyos!”

40 Sila'y napaniwala niya. Nang maipatawag nila ang mga apostol, hinagupit sila at inutusang huwag nang magsalita sa pangalan ni Jesus, at sila'y pinalaya.

41 Sa kanilang pag-alis sa Sanhedrin, nagalak sila na ituring na karapat-dapat magtiis ng kahihiyan alang-alang sa Pangalan.

42 Araw-araw, sa templo at sa mga bahay-bahay, hindi sila tumigil sa pagtuturo at pangangaral na si Jesus ang Cristo.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001