Old/New Testament
Nagmalasakit si Nehemias sa Jerusalem
1 Ang mga salita ni Nehemias na anak ni Hacalias.
Sa buwan ng Chislev, nang ikadalawampung taon, samantalang ako'y nasa Susa na siyang kabisera,[a]
2 si Hanani, isa sa aking mga kapatid, ay dumating na kasama ang ilang lalaki mula sa Juda. Tinanong ko sila tungkol sa mga Judio na natirang buháy, na nakatakas sa pagkabihag, at tungkol sa Jerusalem.
3 Sinabi nila sa akin, “Ang mga natirang buháy sa lalawigan na nakatakas sa pagkabihag ay nasa isang malubhang kalagayan at kahihiyan. Ang pader ng Jerusalem ay wasak at ang mga pintuan nito ay natupok ng apoy.”
4 Nang marinig ko ang mga salitang ito, ako'y umupo, umiyak, at tumangis nang ilang araw; at ako'y nagpatuloy sa pag-aayuno at pananalangin sa harapan ng Diyos ng langit.
5 Aking sinabi “O, Panginoong Diyos ng langit, ang dakila at kasindak-sindak na Diyos, na nag-iingat ng tipan at ng tapat na pag-ibig sa mga umiibig sa kanya, at nag-iingat ng kanyang mga utos;
6 makinig ka sana ngayon at imulat ang iyong mga mata upang makinig sa dalangin ng iyong lingkod, na aking idinadalangin ngayon sa harap mo araw at gabi para sa mga anak ni Israel na iyong mga lingkod. Aking ipinahahayag ang mga kasalanan ng mga anak ni Israel, na aming nagawa laban sa iyo. Ako at ang aking sambahayan ay nagkasala.
7 Napakasama ng aming nagawa laban sa iyo, at hindi namin iningatan ang mga utos, mga tuntunin, o ang mga batas na iyong iniutos sa iyong lingkod na si Moises.
8 Alalahanin(A) mo ang salita na iyong iniutos sa iyong lingkod na si Moises, na sinasabi, ‘Kapag kayo'y hindi tapat, ikakalat ko kayo sa lahat ng mga bayan;
9 ngunit(B) kung kayo'y manumbalik sa akin, at ingatan ninyo ang aking mga utos at gawin ang mga ito, bagaman ang inyong pagkawatak-watak ay nasa kadulu-duluhang bahagi ng mga langit, aking titipunin sila mula roon at dadalhin ko sila sa lugar na aking pinili upang patirahin doon ang aking pangalan.’
10 Ang mga ito ang iyong mga lingkod at ang iyong bayan, na tinubos mo sa pamamagitan ng iyong dakilang kapangyarihan at sa pamamagitan ng iyong malakas na kamay.
11 O Panginoon, pakinggan mo nawa ang panalangin ng iyong lingkod na nalulugod na igalang ang iyong pangalan. Pagtagumpayin mo ngayon ang iyong lingkod, at pagkalooban mo siya ng kaawaan sa paningin ng lalaking ito.”
Noon ay tagapagdala ako ng kopa ng hari.
Nagtungo si Nehemias sa Jerusalem
2 Sa buwan ng Nisan, nang ikadalawampung taon ni Artaxerxes na hari, samantalang mayroong alak sa harapan niya, kinuha ko ang alak at ibinigay ko sa hari. Hindi pa ako naging malungkot nang gayon sa kanyang harapan.
2 At sinabi ng hari sa akin, “Bakit malungkot ang iyong mukha, samantalang wala ka namang sakit? Ito'y walang iba kundi kalungkutan ng puso.” Nang magkagayo'y lubha akong natakot.
3 Sinabi(C) ko sa hari, “Mabuhay ang hari magpakailanman! Bakit hindi malulungkot ang aking mukha, gayong ang lunsod, ang lugar ng mga libingan ng aking mga ninuno ay giba, at ang mga pintuan nito ay natupok ng apoy?”
4 Nang magkagayo'y sinabi ng hari sa akin, “Ano ang iyong kahilingan?” Kaya't ako'y nanalangin sa Diyos ng langit.
5 Sinabi ko sa hari, “Kung ikakalugod ng hari at kung ang iyong lingkod ay nakatagpo ng biyaya sa iyong paningin, suguin mo ako sa Juda, sa lunsod ng libingan ng aking mga ninuno, upang aking muling maitayo ito.”
6 Sinabi ng hari sa akin, (ang reyna ay nakaupo sa tabi niya), “Gaano katagal kang mawawala, at kailan ka babalik?” Sa gayo'y ikinalugod ng hari na suguin ako, at nagtakda ako sa kanya ng panahon.
7 Sinabi ko naman sa hari, “Kung ikakalugod ng hari, bigyan sana ako ng mga sulat para sa mga tagapamahala ng lalawigan sa kabila ng Ilog, upang ako'y kanilang paraanin hanggang sa ako'y makarating sa Juda;
8 at isang sulat para kay Asaf na tagapag-ingat ng gubat ng hari, upang bigyan niya ako ng mga troso upang gawing mga biga sa mga pintuan ng kuta ng templo at para sa pader ng lunsod at sa bahay na aking papasukan.” Ipinagkaloob sa akin ng hari ang aking hiniling, sapagkat ang mabuting kamay ng aking Diyos ay nasa akin.
9 At ako'y pumunta sa mga tagapamahala ng lalawigan sa kabila ng Ilog, at ibinigay ko sa kanila ang mga sulat ng hari. Ang hari ay nagsugo na kasama ko ang mga punong-kawal ng hukbo at mga mangangabayo.
10 Subalit nang mabalitaan ito ni Sanballat na Horonita at ni Tobias na lingkod na Ammonita, ikinayamot nila nang husto na may isang dumating para sa kapakanan ng mga anak ni Israel.
11 Kaya't dumating ako sa Jerusalem at tumigil doon sa loob ng tatlong araw.
12 Kinagabihan, bumangon ako at ang ilang lalaking kasama ko. Wala akong pinagsabihan kung ano ang inilagay ng aking Diyos sa aking puso upang gawin para sa Jerusalem. Wala akong kasamang hayop maliban sa hayop na aking sinakyan.
13 Kinagabihan, ako'y lumabas sa Pintuan ng Libis tungo sa Balon ng Dragon at sa Pintuan ng Dumi, at aking siniyasat ang mga pader ng Jerusalem na winasak at ang mga pintuan nito na tinupok ng apoy.
14 Pagkatapos ay nagtungo ako sa Pintuan ng Bukal at sa Tipunan ng Tubig ng hari; ngunit walang madaanan ang hayop na sinasakyan ko.
15 Kinagabihan, ako'y umahon sa libis at siniyasat ang pader. Pagkatapos ako'y bumalik at pumasok sa Pintuan ng Libis; gayon ako bumalik.
16 Hindi nalaman ng mga pinuno kung saan ako nagpunta, o kung ano ang ginagawa ko. Hindi ko pa sinasabi sa mga Judio, sa mga pari, sa mga maharlika, sa mga pinuno, at sa iba pang gagawa ng gawain.
17 Pagkatapos ay sinabi ko sa kanila, “Nakikita ninyo ang magulong kalagayan natin, kung paanong ang Jerusalem ay guho at ang mga pintuan nito ay nasunog. Halikayo, itayo natin ang pader ng Jerusalem upang hindi na tayo magdanas ng kahihiyan.”
18 Sinabi ko sa kanila ang tungkol sa kamay ng aking Diyos na naging mabuti sa akin, at gayundin ang mga salitang sinabi sa akin ng hari. At kanilang sinabi, “Magsimula na tayong magtayo.” Kaya't itinalaga nila ang kanilang mga sarili para sa ikabubuti ng lahat.
19 Ngunit nang ito'y mabalitaan nina Sanballat na Horonita, ni Tobias na lingkod na Ammonita, at ni Gesem na taga-Arabia, kanilang pinagtawanan at hinamak kami at sinabi, “Ano itong bagay na inyong ginagawa? Naghihimagsik ba kayo laban sa hari?”
20 Nang magkagayo'y sumagot ako sa kanila, “Pagtatagumpayin kami ng Diyos ng langit at kaming mga lingkod niya ay magsisimula nang magtayo; ngunit kayo'y walang bahagi, o karapatan, o alaala man sa Jerusalem.”
Muling Itinayo ang Pader ng Jerusalem
3 Nang magkagayo'y si Eliasib na pinakapunong pari ay tumayong kasama ng kanyang mga kasamahang pari at kanilang itinayo ang Pintuan ng mga Tupa. Ito ay kanilang itinalaga at inilagay ang mga pinto niyon; kanilang itinalaga ito hanggang sa Tore ng Sandaan at hanggang sa Tore ng Hananel.
2 Kasunod niya ay nagtayo ang mga lalaki ng Jerico. At kasunod nila ay nagtayo si Zacur na anak ni Imri.
3 Ang Pintuan ng mga Isda ay itinayo ng mga anak ni Senaa; kanilang inilapat ang mga biga nito, at inilagay ang mga pinto, mga kandado, at ang mga halang.
4 Kasunod nila ay nagkumpuni si Meremot na anak ni Urias, na anak ni Hakoz. At kasunod nila ay nagkumpuni si Mesulam, na anak ni Berequias, na anak ni Mesezabel. At kasunod nila ay nagkumpuni si Zadok na anak ni Baana.
5 Kasunod nila ay nagkumpuni ang mga Tekoita; ngunit hindi inilagay ng kanilang mga maharlika ang kanilang mga leeg sa gawain ng kanilang mga panginoon.
6 Ang Matandang Pintuan ay kinumpuni nina Joiada na anak ni Pasea at ni Mesulam na anak ni Besodias; kanilang inilapat ang mga biga nito, at inilagay ang mga pinto, mga kandado, at ang mga halang niyon.
7 Kasunod nila ay nagkumpuni sina Melatias na Gibeonita, Jadon na Meronotita, at ang mga lalaking taga-Gibeon at taga-Mizpa, na nasa ilalim ng pamamahala ng gobernador ng lalawigan sa kabila ng Ilog.
8 Kasunod nila ay nagkumpuni si Uziel na anak ni Harhaias na panday-ginto. At kasunod nila ay nagkumpuni si Hananias na isa sa mga gumagawa ng pabango, at kanilang muling itinayo ang Jerusalem hanggang sa Maluwang na Pader.
9 Kasunod nila ay nagkumpuni si Refaias na anak ni Hur, na pinuno ng kalahating distrito ng Jerusalem.
10 Kasunod nila ay nagkumpuni si Jedias na anak ni Harumaf, sa tapat ng kanyang bahay. At kasunod niya ay nagkumpuni si Hatus na anak ni Hashabneias.
11 Ang ibang bahagi at ang Tore ng mga Pugon ay kinumpuni nina Malkia na anak ni Harim at Hashub na anak ni Pahat-moab.
12 Kasunod nila ay nagkumpuni si Shallum na anak ni Hallohes, na pinuno ng kalahating distrito ng Jerusalem, siya at ang kanyang mga anak na babae.
13 Kinumpuni ni Hanun at ng mga mamamayan ng Zanoa ang Pintuan ng Libis; muli nila itong itinayo at inilagay ang mga pinto, mga kandado, at mga halang niyon, at kinumpuni ang isang libong siko ng pader, hanggang sa Pintuan ng Dumi.
14 Ang Pintuan ng Dumi ay kinumpuni ni Malkia na anak ni Recab, na pinuno ng distrito ng Bet-hacquerim; muli niya itong itinayo at inilagay ang mga pinto, mga kandado, at ang mga halang niyon.
15 Ang Pintuan ng Bukal ay kinumpuni ni Shallum na anak ni Colhoze, na pinuno ng distrito ng Mizpa; muli niya itong itinayo at tinakpan, inilagay ang mga pinto, kandado, at mga halang niyon. Kanyang ginawa ang pader ng Tipunan ng Tubig ng Shela sa tabi ng halamanan ng hari, hanggang sa mga baytang na paibaba mula sa lunsod ni David.
16 Pagkatapos niya ay nagkumpuni si Nehemias na anak ni Azbuk, na pinuno ng kalahating distrito ng Bet-zur, hanggang sa dakong katapat ng mga libingan ni David, hanggang sa tipunan ng tubig na gawa ng tao, at hanggang sa bahay ng mga mandirigma.
Mga Levitang Gumawa sa Pader
17 Kasunod niya ay nagkumpuni ang mga Levita: si Rehum na anak ni Bani. Kasunod niya, si Hashabias na pinuno ng kalahating distrito ng Keila ay nagkumpuni para sa kanyang distrito.
18 Kasunod niya ay nagkumpuni ang kanilang mga kapatid: si Binui na anak ni Henadad, na pinuno ng kalahating distrito ng Keila.
19 Kasunod niya ay kinumpuni ni Eser na anak ni Jeshua, na pinuno ng Mizpa, ang ibang bahagi sa tapat ng gulod sa taguan ng mga sandata sa pagliko.
20 Kasunod niya ay masikap na kinumpuni ni Baruc na anak ni Zabbai ang ibang bahagi, mula sa may pagliko hanggang sa pintuan ng bahay ni Eliasib na pinakapunong pari.
21 Pagkatapos niya ay kinumpuni ni Meremot, na anak ni Urias na anak ni Hakoz ang ibang bahagi mula sa pintuan ng bahay ni Eliasib hanggang sa dulo ng bahay ni Eliasib.
Ang mga Paring Gumawa sa Pader
22 Pagkatapos niya ay nagkumpuni ang mga pari, ang mga lalaking mula sa Kapatagan.
23 Pagkatapos nila ay nagkumpuni sina Benjamin at Hashub sa tapat ng kanilang bahay. Pagkatapos nila ay nagkumpuni si Azarias na anak ni Maasias, na anak ni Ananias, sa tabi ng kanyang sariling bahay.
24 Pagkatapos niya ay kinumpuni ni Binui na anak ni Henadad ang ibang bahagi, mula sa bahay ni Azarias hanggang sa pagliko, at hanggang sa sulok.
25 Si Paal na anak ni Uzai ay nagkumpuni sa tapat ng pagliko, at sa toreng lumalabas mula sa mas mataas na bahay ng hari na nasa tabi ng bulwagan ng bantay. Pagkatapos niya, si Pedaya na anak ni Faros,
26 at ang mga lingkod sa templo na nakatira sa Ofel ay nagkumpuni hanggang sa dakong nasa tapat ng Pintuan ng Tubig sa dakong silangan at sa toreng nakalabas.
27 Kasunod niya ay kinumpuni ng mga Tekoita ang ibang bahagi sa tapat ng malaking tore na nakalabas hanggang sa pader ng Ofel.
28 Sa itaas ng Pintuan ng Kabayo, ang mga pari ay nagkumpuni, bawat isa sa tapat ng kanyang sariling bahay.
29 Pagkatapos niya ay nagkumpuni si Zadok na anak ni Imer sa tapat ng kanyang sariling bahay. Kasunod niya ay nagkumpuni si Shemaya na anak ni Shecanias na bantay sa Silangang Pintuan.
30 Pagkatapos niya ay kinumpuni nina Hananias na anak ni Shelemias, at ni Anun na ikaanim na anak ni Salaf, ang ibang bahagi. Kasunod nila ay kinumpuni ni Mesulam na anak ni Berequias ang tapat ng kanyang silid.
31 Pagkatapos niya ay nagkumpuni si Malkia na isa sa mga panday-ginto, hanggang sa bahay ng mga lingkod sa templo at ng mga mangangalakal sa tapat ng Pintuan ng Hamifcad, at sa itaas na silid ng panulukan.
32 At sa pagitan ng itaas na silid ng panulukan at ng Pintuan ng mga Tupa, ang mga panday-ginto at ang mga mangangalakal ay nagkumpuni.
Ang Pagdating ng Espiritu Santo
2 Nang(A) dumating ang araw ng Pentecostes, silang lahat ay nagkakatipon sa isang lugar.
2 Biglang dumating mula sa langit ang isang ugong na gaya ng isang humahagibis na hanging malakas, at pinuno nito ang buong bahay kung saan sila'y nakaupo.
3 Sa kanila'y may nagpakitang parang mga dilang apoy na nahahati at lumapag sa bawat isa sa kanila.
4 Silang lahat ay napuspos ng Espiritu Santo, at nagsimulang magsalita ng iba't ibang wika, ayon sa ipinagkaloob sa kanila ng Espiritu.
5 Noon ay may mga naninirahan sa Jerusalem na mga relihiyosong Judio, buhat sa bawat bansa sa ilalim ng langit.
6 Dahil sa ugong na ito ay nagkatipon ang maraming tao at nagkagulo sapagkat naririnig nila ang bawat isa na nagsasalita sa kani-kanilang sariling wika.
7 Sila ay nagtaka, namangha at nagsabi, “Tingnan ninyo, hindi ba mga taga-Galilea ang lahat ng mga nagsasalitang ito?
8 Paanong naririnig natin, ng bawat isa sa atin, ang ating sariling wikang kinagisnan?
9 Ang mga Parto, at mga Medo, at mga Elamita, at mga naninirahan sa Mesopotamia, sa Judea, at sa Capadocia, sa Ponto at sa Asia,
10 sa Frigia at Pamfilia, sa Ehipto at sa mga lupain ng Libya na sakop ng Cirene at mga panauhing taga-Roma, mga Judio, at gayundin ang mga naging Judio,
11 mga Creteo at mga Arabe, ay naririnig nating nagsasalita sa ating mga wika tungkol sa mga makapangyarihang gawa ng Diyos.”
12 Silang lahat ay nagtaka at naguluhang sinasabi sa isa't isa, “Ano ang kahulugan nito?”
13 Ngunit ang mga iba'y nanlilibak na nagsabi, “Sila'y lasing sa bagong alak.”
Nangaral si Pedro
14 Ngunit si Pedro, na nakatayong kasama ng labing-isa, ay nagtaas ng kanyang tinig, at nagpahayag sa kanila, “Kayong mga kalalakihan ng Judea at kayong lahat na naninirahan sa Jerusalem, malaman sana ninyo ito, at makinig kayo sa aking sasabihin.
15 Ang mga ito'y hindi lasing, na gaya ng inyong inaakala, sapagkat ngayo'y ikatlong oras[a] pa lamang.
16 Ngunit ito ay yaong ipinahayag sa pamamagitan ni propeta Joel:
17 ‘At(B) sa mga huling araw, sabi ng Diyos,
mula sa aking Espiritu ay magbubuhos ako sa lahat ng laman;
at ang inyong mga anak na lalaki at mga anak na babae ay magsasalita ng propesiya,
at ang inyong mga kabataang lalaki ay makakakita ng mga pangitain,
ang inyong matatandang lalaki ay mananaginip ng mga panaginip.
18 Maging sa aking mga aliping lalaki at mga aliping babae,
sa mga araw na iyon ay magbubuhos ako mula sa aking Espiritu;
at sila'y magsasalita ng propesiya.
19 At magpapakita ako ng mga kababalaghan sa langit sa itaas,
at mga tanda sa lupa sa ibaba, dugo, at apoy, at makapal na usok.
20 Ang araw ay magiging kadiliman,
at ang buwan ay dugo, bago dumating ang dakila at maluwalhating araw ng Panginoon.
21 At mangyayari na ang bawat tumatawag sa pangalan ng Panginoon ay maliligtas.’
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001