Old/New Testament
Si Haring Ahaz ng Juda(A)
28 Si Ahaz ay dalawampung taong gulang nang siya'y nagsimulang maghari, at siya'y naghari sa loob ng labing-anim na taon sa Jerusalem. Hindi niya ginawa ang matuwid sa paningin ng Panginoon, na gaya ni David na kanyang ninuno,
2 kundi siya'y lumakad sa mga landas ng mga hari ng Israel. Gumawa rin siya ng mga larawang hinulma para sa mga Baal.
3 At nagsunog siya ng insenso sa libis ng anak ni Hinom, at sinunog ang kanyang mga anak bilang handog, ayon sa mga karumaldumal na kaugalian ng mga bansang pinalayas ng Panginoon sa harapan ng mga anak ni Israel.
4 Siya'y nag-alay at nagsunog ng insenso sa matataas na dako sa mga burol, at sa ilalim ng bawat sariwang punungkahoy.
Pakikidigma sa Siria at sa Israel(B)
5 Kaya't(C) ibinigay siya ng Panginoon niyang Diyos sa kamay ng hari ng Siria, na gumapi sa kanya at binihag ang malaking bilang ng kanyang kababayan at dinala sila sa Damasco. Ibinigay rin siya sa kamay ng hari ng Israel na gumapi sa kanya at napakarami ang napatay.
6 Sapagkat si Peka na anak ni Remalias ay pumatay sa Juda ng isandaan at dalawampung libo sa isang araw, lahat sila ay matatapang na mandirigma, sapagkat kanilang tinalikuran ang Panginoon, ang Diyos ng kanilang mga ninuno.
7 Pinatay ni Zicri, na isang matapang na mandirigma sa Efraim, si Maasias na anak ng hari, at si Azricam na pinuno sa palasyo at si Elkana na pangalawa sa hari.
8 At dinalang-bihag ng mga anak ni Israel ang dalawandaang libo sa kanilang mga kapatid, mga babae, mga anak na lalaki at babae. Kumuha rin sila ng maraming samsam mula sa kanila at dinala ang samsam sa Samaria.
Si Propeta Oded
9 Ngunit isang propeta ng Panginoon ang naroon na ang pangalan ay Oded; at siya'y lumabas upang salubungin ang hukbo na dumating sa Samaria, at sinabi sa kanila, “Sapagkat ang Panginoon, ang Diyos ng inyong mga ninuno, ay nagalit sa Juda, kanyang ibinigay sila sa inyong kamay, ngunit inyong pinatay sila sa matinding galit na umabot hanggang sa langit.
10 At ngayo'y binabalak ninyong lupigin ang mga anak ni Juda at ng Jerusalem, lalaki at babae, bilang inyong mga alipin. Wala ba kayong mga kasalanan laban sa Panginoon ninyong Diyos?
11 Ngayo'y pakinggan ninyo ako, at pabalikin ninyo ang mga bihag na inyong kinuha mula sa inyong mga kapatid, sapagkat ang matinding galit ng Panginoon ay nasa inyo.”
12 Ilan rin sa mga pinuno sa mga anak ni Efraim, si Azarias na anak ni Johanan, si Berequias na anak ni Mesillemot, si Jehizkias na anak ni Shallum, at si Amasa na anak ni Hadlai, ay nagsitayo laban sa kanila na nanggaling sa pakikidigma.
13 At sinabi sa kanila, “Huwag ninyong dadalhin dito ang mga bihag, sapagkat binabalak ninyong dalhan kami ng pagkakasala laban sa Panginoon, na dagdag sa aming kasalukuyang mga kasalanan at paglabag. Sapagkat ang ating pagkakasala ay napakalaki na at may malaking poot laban sa Israel.”
14 Kaya't iniwan ng mga lalaking may sandata ang mga bihag at ang mga samsam sa harapan ng mga pinuno at ng buong kapulungan.
15 At ang mga lalaking nabanggit ang pangalan ay tumindig at kinuha ang mga bihag, at sa pamamagitan ng samsam ay binihisan ang lahat ng hubad sa kanila. Dinamitan sila at binigyan ng sandalyas, pinakain, pinainom, at binuhusan ng langis. Nang maisakay ang lahat ng mahihina sa kanila sa mga asno, kanilang dinala sila sa kanilang mga kapatid sa Jerico, na lunsod ng mga puno ng palma. Pagkatapos ay bumalik sila sa Samaria.
Humingi ng Tulong si Ahaz sa Asiria(D)
16 Nang panahong iyon ay nagsugo si Haring Ahaz sa mga hari ng Asiria upang humingi ng tulong.
17 Sapagkat muling sinalakay ng mga Edomita at ginapi ang Juda, at nakadala ng mga bihag.
18 At ang mga Filisteo ay nagsagawa ng mga paglusob sa mga bayan sa Shefela at sa Negeb ng Juda, at sinakop ang Bet-shemes, Ayalon, Gederot, ang Soco at ang mga nayon niyon, ang Timna at ang mga nayon niyon, at ang Gimzo at ang mga nayon niyon; at sila'y nanirahan doon.
19 Sapagkat ibinaba ng Panginoon ang Juda dahil kay Ahaz na hari ng Israel; sapagkat siya'y gumawa ng masama sa Juda at naging taksil sa Panginoon.
20 Kaya't si Tilgatpilneser na hari ng Asiria ay dumating laban sa kanya, at pinahirapan siya, sa halip na palakasin siya.
21 Sapagkat si Ahaz ay kumuha sa bahay ng Panginoon at sa bahay ng hari at ng mga pinuno at nagbigay ng buwis sa hari ng Asiria, ngunit hindi ito nakatulong sa kanya.
Ang mga Kasalanan ni Ahaz
22 At sa panahon ng kanyang kagipitan ay lalo pa siyang naging taksil sa Panginoon, ito ring si Haring Ahaz.
23 Sapagkat siya'y nag-alay sa mga diyos ng Damasco na gumapi sa kanya, at sinabi niya, “Sapagkat tinulungan sila ng mga diyos ng mga hari ng Siria, ako'y mag-aalay sa kanila, upang tulungan nila ako.” Ngunit sila ang naging kapahamakan niya at ng buong Israel.
24 Tinipon ni Ahaz ang mga kagamitan ng bahay ng Diyos, at pinagputul-putol ang mga kagamitan ng bahay ng Diyos. Kanyang isinara ang mga pinto ng bahay ng Panginoon at siya'y gumawa para sa sarili ng mga dambana sa bawat sulok ng Jerusalem.
25 Sa bawat lunsod ng Juda ay gumawa siya ng matataas na dako upang pagsunugan ng insenso sa mga ibang diyos, at ginalit ang Panginoon, ang Diyos ng kanyang mga ninuno.
26 Ang iba pa sa kanyang mga gawa, at ang lahat niyang mga lakad, mula una hanggang katapusan, ay nakasulat sa Aklat ng mga Hari ng Juda at Israel.
27 At(E) si Ahaz ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno, at inilibing nila siya sa lunsod, sa Jerusalem; sapagkat siya'y hindi nila dinala sa mga libingan ng mga hari sa Israel. Si Hezekias na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.
Si Haring Hezekias ng Juda(F)
29 Si Hezekias ay nagsimulang maghari nang siya'y dalawampu't limang taong gulang, at siya'y naghari ng dalawampu't siyam na taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Abias na anak ni Zacarias.
2 At ginawa niya ang matuwid sa paningin ng Panginoon, ayon sa lahat ng ginawa ni David na kanyang ninuno.
Ang Paglilinis sa Templo
3 Sa unang buwan ng unang taon ng kanyang paghahari, kanyang binuksan ang mga pintuan ng bahay ng Panginoon, at kinumpuni ang mga iyon.
4 Kanyang ipinatawag ang mga pari at mga Levita, at tinipon sila sa liwasan sa silangan.
5 Kanyang sinabi sa kanila, “Pakinggan ninyo ako, mga Levita! Magpakabanal kayo ngayon, at pabanalin ninyo ang bahay ng Panginoon, ang Diyos ng inyong mga ninuno, at ilabas ninyo ang dumi mula sa dakong banal.
6 Sapagkat ang ating mga ninuno ay hindi naging tapat, at gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon nating Diyos. Kanilang pinabayaan siya, at inilayo nila ang kanilang mga mukha mula sa tahanan ng Panginoon, at sila'y nagsitalikod.
7 Kanila ring isinara ang mga pinto ng portiko, at pinatay ang mga ilawan, at hindi nagsunog ng insenso ni naghandog man ng mga handog na sinusunog sa dakong banal para sa Diyos ng Israel.
8 Kaya't ang poot ng Panginoon ay dumating sa Juda at Jerusalem, at ginawa silang tampulan ng sindak, pagtataka at pagkutya, gaya ng nakikita ng inyong mga mata.
9 Ang ating mga ninuno ay nabuwal sa pamamagitan ng tabak, at ang ating mga anak na lalaki at babae at ang ating mga asawa ay nabihag dahil dito.
10 Ngayon nga'y nasa aking puso na makipagtipan sa Panginoon, sa Diyos ng Israel, upang ang kanyang matinding galit ay maalis sa atin.
11 Mga anak ko, huwag kayo ngayong magpabaya, sapagkat pinili kayo ng Panginoon upang tumayo sa harap niya, upang maglingkod sa kanya at maging kanyang mga lingkod at magsunog ng insenso sa kanya.”
12 At tumindig ang mga Levita, si Mahat na anak ni Amasai, at si Joel na anak ni Azarias, mula sa mga anak ng mga Kohatita; at mula sa mga anak ni Merari, si Kish na anak ni Abdi, at si Azarias na anak ni Jehalelel; mula sa mga Gershonita, si Joah na anak ni Zima, at si Eden na anak ni Joah;
13 at sa mga anak ni Elisafan, sina Simri at Jeiel; sa mga anak ni Asaf, si Zacarias at si Matanias;
14 sa mga anak ni Heman, sina Jeiel at Shimei; at sa mga anak ni Jedutun, sina Shemaya at Uziel.
15 Tinipon nila ang kanilang mga kapatid, at nagpakabanal, at pumasok ayon sa utos ng hari, sa pamamagitan ng mga salita ng Panginoon, upang linisin ang bahay ng Panginoon.
16 Ang mga pari ay pumasok sa loob na bahagi ng bahay ng Panginoon upang linisin ito, at kanilang inilabas ang lahat ng karumihan na kanilang natagpuan sa templo ng Panginoon tungo sa bulwagan ng bahay ng Panginoon. At kinuha ito ng mga Levita at inilabas ito sa batis ng Cedron.
17 Sila'y nagpasimulang magpakabanal sa unang araw ng unang buwan, at sa ikawalong araw ng buwan ay pumunta sila sa portiko ng Panginoon. Pagkatapos ay kanilang itinalaga ang bahay ng Panginoon sa loob ng walong araw; at sa ikalabing-anim na araw ng unang buwan ay nakatapos sila.
Ang Templo ay Muling Itinalaga
18 Pagkatapos ay pumunta sila kay Hezekias na hari, at kanilang sinabi, “Nalinis na namin ang buong bahay ng Panginoon, ang dambana ng handog na sinusunog at ang lahat ng kasangkapan nito, at ang hapag para sa tinapay na handog, pati ang lahat ng kasangkapan nito.
19 Lahat ng kasangkapang inalis ni Haring Ahaz sa kanyang paghahari nang siya'y di-tapat ay aming inihanda at itinalaga, ang mga ito ay nasa harapan ng dambana ng Panginoon.”
20 Nang magkagayo'y maagang bumangon si Hezekias na hari at tinipon ang mga pinuno ng lunsod at umakyat sa bahay ng Panginoon.
21 Sila'y nagdala ng pitong baka, pitong tupa, pitong kordero, at pitong kambing na lalaki, bilang handog pangkasalanan para sa kaharian, sa santuwaryo, at sa Juda. At siya'y nag-utos sa mga pari na mga anak ni Aaron na ihandog ang mga iyon sa dambana ng Panginoon.
22 Kaya't kanilang pinatay ang mga baka, at tinanggap ng mga pari ang dugo, at iwinisik sa dambana. Kanilang pinatay ang mga tupa at iwinisik ang dugo sa dambana; pinatay rin nila ang mga kordero at iwinisik ang dugo sa dambana.
23 Kanilang inilapit ang mga kambing na lalaki na handog pangkasalanan sa harapan ng hari at ng kapulungan, at ipinatong nila ang kanilang mga kamay sa mga iyon.
24 Ang mga iyon ay pinatay ng mga pari at sila'y gumawa ng isang handog pangkasalanan sa pamamagitan ng dugo ng mga iyon sa ibabaw ng dambana, upang ipantubos sa buong Israel. Sapagkat iniutos ng hari na ang handog na sinusunog at ang handog pangkasalanan ay dapat gawin para sa buong Israel.
25 Kanyang inilagay ang mga Levita sa bahay ng Panginoon na may mga pompiyang, mga salterio, at mga alpa, ayon sa utos ni David at ni Gad na propeta ng hari, at ni Natan na propeta; sapagkat ang utos ay mula sa Panginoon sa pamamagitan ng kanyang mga propeta.
26 Ang mga Levita ay tumayo na may mga panugtog ni David, at ang mga pari na may mga trumpeta.
27 At si Hezekias ay nag-utos na ang handog na sinusunog ay ialay sa ibabaw ng dambana. Nang ang handog na sinusunog ay pinasimulan, ang awit sa Panginoon ay pinasimulan din, pati ang mga trumpeta, sa saliw ng mga panugtog ni David na hari ng Israel.
28 At ang buong kapulungan ay sumamba, at ang mga mang-aawit ay umawit, at ang mga trumpeta ay tumunog; lahat ng ito ay nagpatuloy hanggang sa ang handog na sinusunog ay natapos.
29 Nang matapos ang paghahandog, ang hari at ang lahat ng naroroong kasama niya ay yumukod at sumamba.
30 At iniutos ni Haring Hezekias at ng mga pinuno sa mga Levita na umawit ng mga papuri sa Panginoon sa pamamagitan ng mga salita ni David at ni Asaf na propeta. At sila'y umawit ng mga papuri na may kagalakan, at sila'y yumukod at sumamba.
31 Pagkatapos ay sinabi ni Hezekias, “Ngayo'y naitalaga na ninyo ang inyong mga sarili sa Panginoon; kayo'y magsilapit, magdala kayo ng mga alay at mga handog ng pasasalamat sa bahay ng Panginoon.” At nagdala ang kapulungan ng mga alay at ng mga handog ng pasasalamat; at lahat ng may kusang kalooban ay nagdala ng mga handog na sinusunog.
32 At ang bilang ng mga handog na sinusunog na dinala ng kapulungan ay pitumpung baka, isandaang tupang lalaki at dalawandaang kordero. Lahat ng mga ito ay para sa handog na sinusunog sa Panginoon.
33 At ang mga handog na itinalaga ay animnaraang baka at tatlong libong tupa.
34 Ngunit ang mga pari ay kakaunti at hindi nila kayang balatan ang lahat ng handog na sinusunog. Kaya't tinulungan sila ng kanilang mga kapatid na mga Levita, hanggang sa natapos ang gawain, at hanggang sa makapagpabanal ang nalabi sa mga pari—sapagkat ang mga Levita ay higit na matuwid ang puso kaysa mga pari sa pagpapabanal.
35 Bukod sa napakalaking bilang ng mga handog na sinusunog, mayroong taba ng mga handog pangkapayapaan, at mayroong mga handog na inumin para sa handog na susunugin. Sa gayo'y naibalik ang paglilingkod sa bahay ng Panginoon.
36 At si Hezekias at ang buong bayan ay nagalak, dahil sa ginawa ng Diyos para sa bayan; sapagkat ang bagay na iyon ay biglang nangyari.
Nanalangin si Jesus para sa Kanyang mga Alagad
17 Nang masabi na ni Jesus ang mga bagay na ito, tumingala siya sa langit at sinabi, “Ama, dumating na ang oras, luwalhatiin mo ang iyong Anak, upang luwalhatiin ka ng Anak,
2 yamang binigyan mo siya ng awtoridad sa lahat ng laman upang bigyan niya ng buhay na walang hanggan ang lahat ng ibinigay mo sa kanya.
3 At ito ang buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala nila na iisang Diyos na tunay, at si Jesu-Cristo na iyong sinugo.
4 Niluwalhati kita sa lupa, sa pagtatapos ko ng gawaing ibinigay mo sa akin.
5 At ngayon, Ama, luwalhatiin mo ako sa iyong harapan ng kaluwalhatiang aking tinaglay sa harapan mo bago nagkaroon ng sanlibutan.
6 Ipinahayag ko ang iyong pangalan sa mga taong ibinigay mo sa akin mula sa sanlibutan. Sila ay sa iyo, at sila'y ibinigay mo sa akin, at tinupad nila ang iyong salita.
7 Ngayon ay nalalaman nila na ang lahat ng mga bagay na ibinigay mo sa akin ay mula sa iyo;
8 sapagkat ang mga salitang ibinigay mo sa akin ay ibinigay ko sa kanila, at kanilang tinanggap, at totoong nalaman na ako ay nagmula sa iyo, at naniwala silang ikaw ang nagsugo sa akin.
9 Idinadalangin ko sila. Hindi ang sanlibutan ang idinadalangin ko, kundi para doon sa mga ibinigay mo sa akin, sapagkat sila'y iyo.
10 Ang lahat ng sa akin ay iyo, at ang sa iyo ay akin, at ako'y naluluwalhati sa kanila.
11 At ngayon ay wala na ako sa sanlibutan, subalit ang mga ito ay nasa sanlibutan, at ako'y papariyan sa iyo. Amang Banal, ingatan mo sila sa iyong pangalan, sila na ibinigay mo sa akin, upang sila'y maging isa, na gaya naman natin na iisa.
12 Habang(A) ako'y kasama nila, iningatan ko sila sa iyong pangalan, sila na ibinigay mo sa akin. Sila'y binantayan ko, at isa man sa kanila ay walang napahamak, maliban sa anak ng kapahamakan, upang matupad ang kasulatan.
13 Ngunit ngayon ay pupunta ako sa iyo. Ang mga bagay na ito ay sinabi ko sa sanlibutan, upang sila'y magkaroon ng aking kagalakang ganap sa kanilang sarili.
14 Ibinigay ko sa kanila ang iyong salita at napoot sa kanila ang sanlibutan, sapagkat hindi sila taga-sanlibutan, gaya ko naman na hindi taga-sanlibutan.
15 Hindi ko hinihiling na alisin mo sila sa sanlibutan, kundi ingatan mo sila mula sa masama.
16 Hindi sila taga-sanlibutan, na gaya ko na hindi taga-sanlibutan.
17 Pabanalin mo sila sa katotohanan; ang salita mo ay katotohanan.
18 Kung paanong ako'y iyong sinugo sa sanlibutan, sila ay sinugo ko rin sa sanlibutan.
19 At dahil sa kanila'y pinabanal ko ang aking sarili, upang sila naman ay pabanalin sa katotohanan.
20 Gayunma'y hindi lamang sila ang idinadalangin ko, kundi sila rin naman na mga sumasampalataya sa akin sa pamamagitan ng kanilang salita,
21 upang silang lahat ay maging isa. Gaya mo, Ama, na nasa akin at ako'y sa iyo, sana sila'y manatili sa atin, upang ang sanlibutan ay sumampalataya na ako'y sinugo mo.
22 At ang kaluwalhatiang ibinigay mo sa akin ay ibinigay ko sa kanila, upang sila'y maging isa, na gaya naman natin na iisa.
23 Ako'y nasa kanila at ikaw ay nasa akin, upang sila'y maging ganap na isa upang malaman ng sanlibutan na ikaw ang nagsugo sa akin at sila'y iyong minahal kung paanong ako'y iyong minahal.
24 Ama, nais kong ang mga ibinigay mo sa akin ay makasama ko kung saan ako naroroon, upang makita nila ang kaluwalhatiang ibinigay mo sa akin, sapagkat ako'y iyong minahal bago pa natatag ang sanlibutan.
25 O Makatarungang Ama, hindi ka nakikilala ng sanlibutan, ngunit nakikilala kita, at nakikilala ng mga ito na ikaw ang nagsugo sa akin.
26 Ipinakilala ko sa kanila ang pangalan mo, at aking ipapakilala, upang ang pag-ibig mo sa akin ay mapasakanila, at ako'y sa kanila.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001