Old/New Testament
Ang Paghihimagsik Laban kay Atalia(A)
23 Ngunit sa ikapitong taon ay lumakas ang loob ni Jehoiada, at nakipagtipan siya sa mga punong-kawal ng daan-daan, kina Azarias na anak ni Jeroham, Ismael na anak ni Jehohanan, Azarias na anak ni Obed, Maasias na anak ni Adaya, at kay Elisafat na anak ni Zicri.
2 Kanilang nilibot ang Juda at tinipon ang mga Levita mula sa lahat ng bayan ng Juda, at ang mga puno ng mga sambahayan ng mga ninuno ng Israel, at sila'y dumating sa Jerusalem.
3 Ang(B) buong kapulungan ay nakipagtipan sa hari sa bahay ng Diyos. At sinabi ni Jehoiada[a] sa kanila, “Narito, ang anak ng hari! Hayaan siyang maghari gaya nang sinabi ng Panginoon tungkol sa mga anak ni David.
4 Ito ang bagay na inyong gagawin: sa inyong mga pari at mga Levita na magtatapos ang paglilingkod sa Sabbath, ikatlong bahagi sa inyo ang magiging mga bantay-pinto.
5 Ang ikatlong bahagi ay sa bahay ng hari, at ang ikatlong bahagi ay sa Pintuan ng Saligan; at ang buong bayan ay sa mga bulwagan ng bahay ng Panginoon.
6 Walang papapasukin sa bahay ng Panginoon maliban sa mga pari at mga naglilingkod na Levita. Sila'y maaaring pumasok, sapagkat sila'y banal, ngunit ang buong bayan ay susunod sa tagubilin ng Panginoon.
7 Palilibutan ng mga Levita ang hari, bawat isa'y may sandata sa kanyang kamay; at sinumang pumasok sa bahay ay papatayin. Samahan ninyo ang hari sa kanyang pagpasok at sa kanyang paglabas.”
8 Ginawa ng mga Levita at ng buong Juda ang ayon sa lahat ng iniutos ng paring si Jehoiada. Bawat isa'y nagdala ng kanyang mga tauhan, ang mga matatapos ang paglilingkod sa Sabbath, kasama ng mga magsisimulang maglingkod sa Sabbath, sapagkat hindi pinauwi ng paring si Jehoiada ang mga pangkat.
9 Ibinigay ng paring si Jehoiada sa mga pinunong-kawal ang mga sibat, at ang malalaki at maliliit na mga kalasag na dating kay Haring David, na nasa bahay ng Diyos.
10 Kanyang inilagay ang buong bayan bilang bantay para sa hari, bawat tao'y may sandata sa kanyang kamay, mula sa gawing timog ng bahay hanggang sa gawing hilaga ng bahay, sa palibot ng dambana at ng bahay.
11 Pagkatapos ay kanyang inilabas ang anak ng hari, at ipinutong nila ang korona sa kanya, at ibinigay sa kanya ang patotoo, at ipinahayag siyang hari. Binuhusan siya ng langis ni Jehoiada at ng kanyang mga anak, at kanilang sinabi, “Mabuhay ang hari.”
12 Nang marinig ni Atalia ang ingay ng taong-bayan na nagtatakbuhan at nagpupuri sa hari, siya'y lumabas patungo sa mga tao sa loob ng bahay ng Panginoon.
13 Nang siya'y tumingin, naroon ang hari na nakatayo sa tabi ng kanyang haligi sa pasukan, at ang mga punong-kawal at ang mga manunugtog ng trumpeta ay nasa tabi ng hari. Ang lahat ng mga taong-bayan ng lupain ay nagagalak at humihihip ng mga trumpeta, ang mga mang-aawit dala ang kanilang panugtog na nangunguna sa pagdiriwang. Kaya't pinunit ni Atalia ang kanyang damit, at sumigaw: “Kataksilan! Kataksilan!”
14 Kaya't inilabas ng paring si Jehoiada ang mga pinunong-kawal na inilagay sa hukbo, at sinabi sa kanila, “Palabasin ninyo siya sa pagitan ng mga hanay; sinumang sumunod sa kanya ay papatayin ng tabak.” Sapagkat sinabi ng pari, “Huwag ninyo siyang patayin sa loob ng bahay ng Panginoon.”
15 Kaya't kanilang binigyang-daan siya at siya'y pumasok sa pintuan ng kabayo sa bahay ng hari, at siya'y kanilang pinatay roon.
Mga Pagbabagong Ginawa ni Jehoiada(C)
16 Si Jehoiada ay gumawa ng tipan sa pagitan niya, ng buong bayan at ng hari na sila'y magiging bayan ng Panginoon.
17 At ang buong bayan ay pumaroon sa bahay ni Baal at giniba ito. Pinagputul-putol nila ang kanyang mga dambana at ang kanyang mga larawan, at pinatay nila si Mattan na pari ni Baal sa harapan ng mga dambana.
18 Naglagay si Jehoiada ng mga bantay para sa bahay ng Panginoon sa pangangasiwa ng mga Levitang pari at ng mga Levitang binuo ni David upang mangasiwa sa bahay ng Panginoon, upang mag-alay ng mga handog na sinusunog sa Panginoon, gaya ng nasusulat sa kautusan ni Moises, na may kagalakan at pag-aawitan, ayon sa utos ni David.
19 Kanyang inilagay ang mga bantay-pinto sa mga pintuan ng bahay ng Panginoon, upang huwag pumasok ang sinuman na sa anumang paraan ay marumi.
20 Kanyang isinama ang mga pinunong-kawal, ang mga maharlika, ang mga tagapamahala ng bayan, at ang mga taong-bayan ng lupain, at ibinaba nila ang hari mula sa bahay ng Panginoon, at dumaan sa pinakamataas na pintuan patungo sa bahay ng hari. Iniluklok nila ang hari sa trono ng kaharian.
21 Kaya't ang mga taong-bayan ng lupain ay nagalak, at ang lunsod ay natahimik, pagkatapos na si Atalia ay mapatay ng tabak.
Si Haring Joas ng Juda(D)
24 Si Joas ay pitong taong gulang nang siya'y nagsimulang maghari, at siya'y naghari sa loob ng apatnapung taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Sibia na taga-Beer-seba.
2 At gumawa si Joas ng matuwid sa paningin ng Panginoon sa lahat ng mga araw ng paring si Jehoiada.
3 Si Jehoiada ay kumuha para sa kanya ng dalawang asawang babae, at siya'y nagkaroon ng mga anak na lalaki at mga babae.
4 Pagkatapos nito, ipinasiya ni Joas na kumpunihin ang bahay ng Panginoon.
5 At kanyang tinipon ang mga pari at ang mga Levita, at sinabi sa kanila, “Pumunta kayo sa mga lunsod ng Juda, at lumikom kayo mula sa buong Israel ng salapi upang kumpunihin ang bahay ng inyong Diyos taun-taon, at sikapin ninyo na mapabilis ang bagay na ito.” Subalit hindi ito minadali ng mga Levita.
6 Kaya't(E) ipinatawag ng hari si Jehoiada na pinuno, at sinabi sa kanya, “Bakit hindi mo inatasan ang mga Levita na dalhin mula sa Juda at Jerusalem ang buwis na iniatang ni Moises, na lingkod ng Panginoon, sa kapulungan ng Israel para sa tolda ng patotoo?”
7 Sapagkat pinasok ng mga anak ni Atalia, ang masamang babaing iyon, ang bahay ng Diyos, at ginamit din nila ang lahat ng mga itinalagang bagay sa bahay ng Panginoon para sa mga Baal.
8 Kaya't nag-utos ang hari, at sila'y gumawa ng isang kaban, at inilagay ito sa labas ng pintuan ng bahay ng Panginoon.
9 Isang pahayag ang ginawa sa buong Juda at Jerusalem na dalhin para sa Panginoon ang buwis na iniatang ni Moises, na tao ng Diyos sa Israel sa ilang.
10 Lahat ng mga pinuno at ang buong bayan ay nagalak at dinala ang kanilang buwis at inihulog ito sa kaban, hanggang sa sila'y makatapos.
11 Tuwing dadalhin ng mga Levita ang kaban sa mga pinuno ng hari, kapag kanilang nakita na maraming salapi sa loob nito, ang kalihim ng hari at ang pinuno ng punong pari ay darating at aalisan ng laman ang kaban at kukunin at ibabalik ito sa kanyang kinaroroonan. Ganito ang kanilang ginagawa araw-araw, at nakalikom sila ng maraming salapi.
12 Ito ay ibinigay ng hari at ni Jehoiada sa nangangasiwa ng gawain sa bahay ng Panginoon. Sila'y umupa ng mga kantero at mga karpintero upang kumpunihin ang bahay ng Panginoon, gayundin ng mga manggagawa sa bakal at tanso upang kumpunihin ang bahay ng Panginoon.
13 Kaya't nagtrabaho ang mga kasali sa paggawa at ang pagkukumpuni ay nagpatuloy sa kanilang mga kamay, at kanilang ibinalik ang bahay ng Diyos sa kanyang nararapat na kalagayan at pinatibay ito.
14 Nang kanilang matapos, kanilang dinala ang nalabing salapi sa harapan ng hari at ni Jehoiada, at sa pamamagitan nito ay gumawa ng mga sisidlan para sa bahay ng Panginoon, maging para sa paglilingkod at para sa mga handog na sinusunog, ng mga sandok para sa kamanyang, at mga sisidlang ginto at pilak. At sila'y patuloy na nag-alay ng mga handog na sinusunog sa bahay ng Panginoon sa lahat ng mga araw ni Jehoiada.
Binago ang mga Patakaran ni Jehoiada
15 Ngunit si Jehoiada ay tumanda at napuspos ng mga araw at siya'y namatay. Siya'y isandaan at tatlumpung taon nang siya'y mamatay.
16 Kanilang inilibing siya sa lunsod ni David kasama ng mga hari, sapagkat siya'y gumawa ng mabuti sa Israel, sa Diyos at sa kanyang sambahayan.
17 Pagkamatay ni Jehoiada, dumating ang mga pinuno ng Juda at nagbigay-galang sa hari, at nakinig sa kanila ang hari.
18 Kanilang pinabayaan ang bahay ng Panginoon, ang Diyos ng kanilang mga ninuno, at naglingkod sa mga sagradong poste[b] at sa mga diyus-diyosan. At ang poot ay dumating sa Juda at Jerusalem dahil sa pagkakasala nilang ito.
19 Gayunma'y nagsugo siya ng mga propeta sa kanila upang ibalik sila sa Panginoon; ang mga ito'y sumaksi laban sa kanila ngunit ayaw nilang makinig.
20 At(F) nilukuban ng Espiritu ng Diyos si Zacarias na anak ng paring si Jehoiada; at siya'y tumayo sa itaas ng bayan, at sinabi sa kanila, “Ganito ang sabi ng Diyos, ‘Bakit kayo'y lumalabag sa mga utos ng Panginoon, kaya't kayo'y hindi maaaring umunlad? Sapagkat inyong pinabayaan ang Panginoon, pinabayaan din niya kayo.’”
21 Ngunit sila'y nagsabwatan laban sa kanya, at sa utos ng hari ay pinagbabato siya sa bulwagan ng bahay ng Panginoon.
22 Sa ganito ay hindi naalala ng haring si Joas ang kagandahang-loob na ipinakita sa kanya ni Jehoiada na ama ni Zacarias,[c] sa halip ay pinatay ang kanyang anak. Nang siya'y naghihingalo, kanyang sinabi, “Nawa'y tumingin at maghiganti ang Panginoon!”
Ang Katapusan ng Paghahari ni Joas
23 Sa pagtatapos ng taon, ang hukbo ng mga taga-Siria ay dumating laban kay Joas. Sila'y dumating sa Juda at Jerusalem at nilipol ang lahat ng mga pinuno ng bayan na kasama nila, at ipinadala ang lahat ng kanilang samsam sa hari ng Damasco.
24 Bagaman ang hukbo ng mga taga-Siria ay dumating na may iilang tauhan, ibinigay ng Panginoon ang isang napakalaking hukbo sa kanilang kamay, sapagkat kanilang tinalikuran ang Panginoon, ang Diyos ng kanilang mga ninuno. Sa gayo'y ginawaran nila ng hatol si Joas.
25 Nang sila'y umalis, na iniwan siyang lubhang sugatan, ang kanyang mga lingkod ay nagsabwatan laban sa kanya dahil sa dugo ng mga anak[d] ni Jehoiada na pari, at pinatay siya sa kanyang higaan. Gayon siya namatay at kanilang inilibing siya sa lunsod ni David, ngunit siya'y hindi nila inilibing sa mga libingan ng mga hari.
26 Ang mga nagsabwatan laban sa kanya ay si Zabad na anak ni Shimeat na babaing Ammonita, at si Jehozabad na anak ni Simrit na babaing Moabita.
27 Ang tungkol sa kanyang mga anak, at ang maraming mga pahayag laban sa kanya, at ang muling pagtatayo ng bahay ng Diyos ay nakasulat sa Kasaysayan ng Aklat ng mga Hari. At si Amasias na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.
Si Jesus ang Tunay na Puno ng Ubas
15 “Ako ang tunay na puno ng ubas, at ang aking Ama ang tagapag-alaga.
2 Ang bawat sanga sa akin na hindi nagbubunga ay inaalis niya; at ang bawat sanga na nagbubunga ay nililinis niya upang lalong magbunga.
3 Kayo'y malilinis na sa pamamagitan ng salita na aking sinabi sa inyo.
4 Kayo'y manatili sa akin, at ako'y sa inyo. Gaya ng sanga na hindi magbubunga buhat sa kanyang sarili malibang nakakabit sa puno, gayundin naman kayo, malibang kayo'y manatili sa akin.
5 Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga. Ang nananatili sa akin at ako'y sa kanya ay siyang nagbubunga ng marami. Sapagkat kung kayo'y hiwalay sa akin ay wala kayong magagawa.
6 Kung ang sinuman ay hindi manatili sa akin, siya'y itatapong katulad ng sanga at matutuyo, at sila ay titipunin at ihahagis sa apoy at masusunog.
7 Kung kayo'y mananatili sa akin, at ang mga salita ko'y mananatili sa inyo, hingin ninyo ang anumang inyong nais, at ito'y gagawin para sa inyo.
8 Sa pamamagitan nito'y naluluwalhati ang aking Ama, na kayo'y magbunga ng marami, at maging mga alagad ko.
9 Kung paanong minahal ako ng Ama, ay gayundin naman minamahal ko kayo. Manatili kayo sa aking pagmamahal.
10 Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos, ay mananatili kayo sa aking pag-ibig gaya ng aking pagtupad sa mga utos ng aking Ama, at ako'y nananatili sa kanyang pag-ibig.
11 Ang mga bagay na ito ay sinabi ko sa inyo upang ang aking kagalakan ay mapasainyo, at ang inyong kagalakan ay malubos.
12 Ito(A) ang aking utos, na kayo'y magmahalan sa isa't isa, gaya ng pagmamahal ko sa inyo.
13 Walang may higit pang dakilang pag-ibig kaysa rito, na ibigay ng isang tao ang kanyang buhay dahil sa kanyang mga kaibigan.
14 Kayo'y aking mga kaibigan kung ginagawa ninyo ang mga bagay na aking iniuutos sa inyo.
15 Hindi ko na kayo tatawaging mga alipin, sapagkat hindi nalalaman ng alipin kung ano ang ginagawa ng kanyang panginoon. Ngunit tinatawag ko kayong mga kaibigan sapagkat ang lahat ng mga bagay na narinig ko sa aking Ama ay ipinaalam ko sa inyo.
16 Ako'y hindi ninyo pinili, ngunit kayo'y pinili ko, at itinalaga ko kayo upang kayo'y humayo at magbunga, at ang mga bunga ninyo'y mananatili, upang ang anumang inyong hingin sa Ama sa aking pangalan ay ibigay niya sa inyo.
17 Ang mga bagay na ito ay iniuutos ko sa inyo, upang kayo'y magmahalan sa isa't isa.
Poot ng Sanlibutan
18 “Kung kayo'y kinapopootan ng sanlibutan, ay alamin ninyo na ako muna ang kinapootan nito bago kayo.
19 Kung kayo'y taga-sanlibutan, iibigin kayo ng sanlibutan na parang sa kanya. Ngunit dahil kayo'y hindi taga-sanlibutan, kundi kayo'y pinili ko mula sa sanlibutan, kaya napopoot sa inyo ang sanlibutan.
20 Alalahanin(B) ninyo ang salitang sinabi ko sa inyo, ‘Ang alipin ay hindi higit na dakila kaysa kanyang panginoon.’ Kung ako'y kanilang inusig, kayo man ay kanilang uusigin din; kung tinupad nila ang aking salita, ang inyo man ay tutuparin din nila.
21 Subalit ang lahat ng mga bagay na ito ay gagawin nila sa inyo dahil sa aking pangalan, sapagkat hindi nila nakikilala ang nagsugo sa akin.
22 Kung hindi ako dumating at nagsalita sa kanila ay hindi sana sila nagkasala. Subalit ngayo'y wala na silang maidadahilan sa kanilang kasalanan.
23 Ang napopoot sa akin ay napopoot din sa aking Ama.
24 Kung ako'y hindi gumawa sa gitna nila ng mga gawang hindi ginawa ng sinuman, hindi sana sila nagkaroon ng kasalanan. Subalit ngayon ay kanilang nakita at kinapootan nila ako at ang aking Ama.
25 Ito(C) ay upang matupad ang salitang nasusulat sa kanilang kautusan, ‘Ako'y kinapootan nila nang walang kadahilanan.’
26 Subalit kapag dumating na ang Mang-aaliw, na aking susuguin sa inyo mula sa Ama, ang Espiritu ng katotohanan, na mula sa Ama, siya ang magpapatotoo tungkol sa akin.
27 At kayo rin ay magpapatotoo, sapagkat kayo'y nakasama ko buhat pa nang simula.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001