Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
2 Cronica 32-33

Pinagbantaan ng Asiria ang Jerusalem(A)

32 Pagkatapos ng mga bagay na ito at ng ganitong gawa ng katapatan, si Senakerib na hari ng Asiria ay dumating at sinalakay ang Juda at kinubkob ang mga lunsod na may kuta, na iniisip na sakupin ang mga iyon para sa kanyang sarili.

Nang makita ni Hezekias na si Senakerib ay dumating at nagbabalak labanan ang Jerusalem,

nakipagsanggunian siya sa kanyang mga pinuno at sa kanyang mga mandirigma na patigilin ang tubig sa mga bukal na nasa labas ng lunsod; at kanilang tinulungan siya.

Napakaraming tao ang nagtipon at kanilang pinatigil ang lahat ng bukal at ang batis na umaagos sa lupain, na sinasabi, “Bakit paparito ang mga hari ng Asiria, at makakatagpo ng maraming tubig?”

At si Hezekias[a] ay gumawang may katatagan, at itinayo ang lahat ng pader na bumagsak, at pinataas ang mga muog, at sa labas nito ay nagtayo siya ng iba pang pader. Pinatibay niya ang Milo sa lunsod ni David. Gumawa rin siya ng maraming sandata at mga kalasag.

Siya'y naglagay ng mga pinunong mandirigma upang mamuno sa mga tao, at sila'y tinipon niya sa liwasang-bayan sa pintuan ng lunsod at nagsalita ng pampalakas-loob sa kanila, na sinasabi,

“Kayo'y magpakalakas at magpakatapang na mabuti. Huwag kayong matakot o manlupaypay sa harapan ng hari ng Asiria at sa lahat ng mga hukbong kasama niya sapagkat sa panig natin ay mayroong lalong dakila kaysa kanya.

Ang nasa kanya ay isang kamay na laman, ngunit kasama natin ang Panginoon nating Diyos na tutulong at lalaban sa ating mga pakikipaglaban.” At ang bayan ay nagtiwala mula sa mga salita ni Hezekias na hari ng Juda.

Pagkatapos nito, sinugo ni Senakerib na hari ng Asiria, na noo'y sumasalakay sa Lakish kasama ang lahat ng mga tauhan, ang kanyang mga lingkod sa Jerusalem kay Hezekias na hari ng Juda at sa lahat ng mamamayan ng Juda na nasa Jerusalem, na sinasabi,

10 “Ganito ang sabi ni Senakerib na hari ng Asiria, ‘Sa ano kayo umaasa upang kayo'y makatagal na nakukubkob sa Jerusalem?

11 Hindi ba't inililigaw kayo ni Hezekias, upang kayo'y maibigay niya upang mamatay sa gutom at uhaw, nang sabihin niya sa inyo, “Ililigtas tayo ng Panginoon nating Diyos sa kamay ng hari ng Asiria?”

12 Hindi ba ang Hezekias ding ito ang nag-alis ng kanyang matataas na dako at mga dambana at nag-utos sa Juda at sa Jerusalem, “Kayo'y magsisisamba sa harapan ng isang dambana, at sa ibabaw niyon ay magsusunog kayo ng inyong mga handog?”

13 Hindi ba ninyo nalalaman kung ano ang ginawa ko at ng aking mga ninuno sa lahat ng mga tao ng ibang mga lupain? Ang mga diyos ba ng mga bansa ng mga lupaing iyon ay nakapagligtas sa kanilang lupain sa aking kamay?

14 Sino sa lahat ng mga diyos ng mga bansang iyon na lubos na giniba ng aking mga ninuno ang nakapagligtas ng kanyang bayan sa aking kamay, na magagawa ng inyong Diyos na kayo'y mailigtas sa aking kamay?

15 Kaya't ngayo'y huwag kayong padaya kay Hezekias o hayaang iligaw kayo sa ganitong paraan. Huwag ninyo siyang paniwalaan, sapagkat walang diyos ng alinmang bansa o kaharian na nakapagligtas ng kanyang bayan sa aking kamay at sa kamay ng aking mga ninuno. Gaano pa kaya ang inyong Diyos na makapagliligtas sa inyo sa aking kamay!’”

16 Ang kanyang mga lingkod ay nagsalita ng marami pa laban sa Panginoong Diyos at sa kanyang lingkod na si Hezekias.

17 Siya'y sumulat ng mga liham upang alipustain ang Panginoong Diyos ng Israel at upang magsalita laban sa kanya, “Gaya ng mga diyos ng mga bansa ng mga lupain na hindi nakapagligtas ng kanilang bayan sa aking kamay, gayundin hindi maililigtas ng Diyos ni Hezekias ang kanyang bayan sa aking kamay.”

18 Iyon ay kanilang isinigaw sa malakas na tinig sa wika ng Juda sa mga mamamayan ng Jerusalem na nasa pader, upang takutin at sindakin sila, upang kanilang masakop ang lunsod.

19 At sila'y nagsalita tungkol sa Diyos ng Jerusalem na gaya ng sa mga diyos ng mga bayan sa lupa, na gawa ng mga kamay ng mga tao.

Pinahiya at Pinatay si Senakerib

20 Kaya't si Haring Hezekias at si propeta Isaias na anak ni Amos, ay nanalangin dahil dito at dumaing sa langit.

21 At ang Panginoon ay nagsugo ng isang anghel na siyang pumatay sa lahat ng malalakas na mandirigma, at mga pinuno at mga punong-kawal sa kampo ng hari ng Asiria. Kaya't siya'y bumalik sa kanyang sariling lupain na nahihiya. Nang siya'y dumating sa bahay ng kanyang diyos, pinatay siya roon ng tabak ng ilan sa kanyang sariling mga anak.

22 Sa gayon iniligtas ng Panginoon si Hezekias at ang mga mamamayan ng Jerusalem mula sa kamay ni Senakerib na hari ng Asiria at sa kamay ng lahat niyang mga kaaway; at kanyang binigyan sila ng kapahingahan sa bawat panig.

23 At maraming nagdala ng mga kaloob sa Panginoon sa Jerusalem at ng mahahalagang bagay kay Hezekias na hari ng Juda, anupa't siya'y dinakila sa paningin ng lahat ng mga bansa mula noon.

Ang Karamdaman at Kapalaluan ni Hezekias(B)

24 Nang mga araw na iyon ay nagkasakit si Hezekias at malapit nang mamatay. Siya'y nanalangin sa Panginoon at kanyang sinagot siya at binigyan ng isang tanda.

25 Ngunit si Hezekias ay hindi tumugon ayon sa kabutihang ginawa sa kanya, sapagkat ang kanyang puso ay naging palalo. Kaya't ang poot ay dumating sa kanya, sa Juda, at sa Jerusalem.

26 Subalit nagpakababa si Hezekias dahil sa pagmamataas ng kanyang puso, siya at ang mga mamamayan ng Jerusalem, kaya't ang poot ng Panginoon ay hindi dumating sa kanila sa mga araw ni Hezekias.

Ang Kayamanan at Karangalan ni Hezekias

27 Si Hezekias ay nagkaroon ng napakalaking kayamanan at karangalan. Siya'y gumawa para sa kanyang sarili ng mga kabang-yaman para sa pilak, ginto, mga mamahaling bato, mga pabango, mga kalasag, at ng lahat ng uri ng mga mamahaling bagay;

28 ng mga kamalig para sa inaning butil, alak, at langis at ng mga silungan para sa lahat ng uri ng hayop, at mga kulungan ng tupa.

29 Bukod dito'y naglaan siya para sa kanyang sarili ng mga lunsod, at maraming mga kawan at mga bakahan sapagkat binigyan siya ng Diyos ng napakaraming pag-aari.

30 Ang Hezekias ding ito ang nagpasara ng pang-itaas na labasan ng tubig ng Gihon at pinadaloy pababa sa dakong kanluran ng lunsod ni David. At si Hezekias ay nagtagumpay sa lahat ng kanyang mga gawa.

31 Kaya't tungkol sa mga sugo ng mga pinuno ng Babilonia, na isinugo sa kanya upang mag-usisa tungkol sa tanda na ginawa sa lupain, ipinaubaya ito sa kanya ng Diyos, upang subukin siya at upang malaman ang lahat ng nasa kanyang puso.

Ang Katapusan ng Paghahari ni Hezekias(C)

32 Ang iba pa sa mga ginawa ni Hezekias, at ang kanyang mabubuting gawa ay nakasulat sa pangitain ni propeta Isaias na anak ni Amos, sa Aklat ng mga Hari ng Juda at Israel.

33 At si Hezekias ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno, at kanilang inilibing siya sa gulod ng mga libingan ng mga anak ni David. Binigyan siya ng parangal ng buong Juda at ng mga mamamayan ng Jerusalem sa kanyang kamatayan. At si Manases na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.

Si Haring Manases ng Juda(D)

33 Si Manases ay labindalawang taong gulang nang siya'y nagsimulang maghari; at siya'y naghari ng limampu't limang taon sa Jerusalem.

Siya'y(E) gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon, ayon sa mga karumaldumal na kaugalian ng mga bansang pinalayas ng Panginoon sa harapan ng mga anak ni Israel.

Sapagkat kanyang muling itinayo ang matataas na dako na iginiba ni Hezekias na kanyang ama. Siya'y nagtayo ng mga dambana para sa mga Baal, at gumawa ng mga sagradong poste,[b] at sumamba sa lahat ng mga hukbo ng langit, at naglingkod sa mga iyon.

Siya'y(F) nagtayo ng mga dambana sa bahay ng Panginoon, na tungkol doon ay sinabi ng Panginoon, “Sa Jerusalem ay ilalagay ang aking pangalan magpakailanman.”

Siya'y nagtayo rin ng mga dambana para sa lahat ng hukbo ng langit sa dalawang bulwagan ng bahay ng Panginoon.

Kanyang sinunog ang kanyang mga anak na lalaki bilang handog sa libis ng anak ni Hinom, at siya'y gumawa ng panghuhula, pangkukulam, at panggagaway, at sumangguni sa masasamang espiritu, at sa mga salamangkero. Siya'y gumawa ng maraming kasamaan sa paningin ng Panginoon at kanyang ginalit siya.

Ang(G) larawan ng diyus-diyosan na kanyang ginawa ay inilagay niya sa bahay ng Diyos, na tungkol doon ay sinabi ng Diyos kay David at kay Solomon na kanyang anak, “Sa bahay na ito, at sa Jerusalem na aking pinili mula sa lahat ng mga lipi ni Israel, aking ilalagay ang aking pangalan magpakailanman.

Hindi ko na aalisin pa ang paa ng Israel sa lupain na aking itinakda para sa inyong mga ninuno, kung kanila lamang iingatan ang lahat ng aking iniutos sa kanila, ang buong kautusan at ang mga tuntunin at ang mga batas na ibinigay sa pamamagitan ni Moises.”

Inakit ni Manases ang Juda at ang mga mamamayan ng Jerusalem, kaya't sila'y gumawa ng higit pang kasamaan kaysa ginawa ng mga bansang nilipol ng Panginoon sa harapan ng mga anak ni Israel.

10 Ang Panginoon ay nagsalita kay Manases at sa kanyang bayan, ngunit hindi nila binigyang-pansin.

11 Kaya't dinala ng Panginoon sa kanila ang mga punong-kawal ng hukbo ng hari ng Asiria, na siyang nagdala kay Manases na nakagapos at itinali siya ng mga kadenang tanso at dinala sa Babilonia.

12 Nang siya'y nasa paghihirap, siya'y sumamo sa Panginoon niyang Diyos, at lubos na nagpakumbaba sa harapan ng Diyos ng kanyang mga ninuno.

13 Siya'y nanalangin sa kanya at tinanggap ang kanyang pakiusap at pinakinggan ang kanyang daing, at ibinalik siya sa Jerusalem sa kanyang kaharian. Nang magkagayo'y nakilala ni Manases na ang Panginoon ay siyang Diyos.

14 Pagkatapos nito ay nagtayo siya ng isang panlabas na pader para sa lunsod ni David, sa dakong kanluran ng Gihon, sa libis, at para sa pasukan patungo sa Pintuang-Isda, at ipinalibot sa Ofel, at itinaas nang napakataas. Naglagay rin siya ng mga pinunong hukbo sa lahat ng lunsod na may kuta sa Juda.

15 Kanyang inalis ang mga ibang diyos at ang diyus-diyosan sa bahay ng Panginoon, at ang lahat ng dambana na kanyang itinayo sa bundok ng bahay ng Panginoon at sa Jerusalem, at itinapon ang mga iyon sa labas ng lunsod.

16 Ibinalik rin niya sa dati ang dambana ng Panginoon at nag-alay doon ng mga handog pangkapayapaan at pasasalamat; at inutusan niya ang Juda na maglingkod sa Panginoong Diyos ng Israel.

17 Gayunman, ang taong-bayan ay patuloy pa ring nag-alay sa matataas na dako, ngunit tanging sa Panginoon nilang Diyos.

Ang Katapusan ng Paghahari ni Manases(H)

18 Ang iba pa sa mga gawa ni Manases, at ang kanyang panalangin sa kanyang Diyos, at ang mga propeta na nagsalita sa kanya sa pangalan ng Panginoong Diyos ng Israel, ay nasa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel.

19 At ang kanyang panalangin, at kung paanong tinanggap ng Diyos ang kanyang pakiusap, ang lahat niyang kasalanan at kataksilan, at ang mga dakong kanyang pinagtayuan ng matataas na dako at ng mga sagradong poste[c] at ng mga larawang inanyuan, bago siya nagpakumbaba, ay nakasulat sa Kasaysayan ni Hozai.

20 Kaya't natulog si Manases na kasama ng kanyang mga ninuno, at kanilang inilibing siya sa kanyang sariling bahay. Si Amon na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.

Si Haring Amon ng Juda(I)

21 Si Amon ay dalawampu't dalawang taon nang siya'y nagsimulang maghari; at siya'y naghari sa loob ng dalawang taon sa Jerusalem.

22 Kanyang ginawa ang masama sa paningin ng Panginoon, gaya ng ginawa ni Manases na kanyang ama. Si Amon ay naghandog sa lahat ng larawang inanyuan na ginawa ni Manases na kanyang ama, at naglingkod sa mga iyon.

23 Siya'y hindi nagpakumbaba sa harapan ng Panginoon, gaya ng pagpapakumbaba ni Manases na kanyang ama, kundi ang Amon ding ito ay nagbunton ng higit pang pagkakasala.

24 At ang kanyang mga lingkod ay nagsabwatan laban sa kanya at pinatay siya sa kanyang sariling bahay.

25 Ngunit pinatay ng mga taong-bayan ng lupain ang lahat ng nagsabwatan laban kay Haring Amon; at ginawang hari ng mga taong-bayan ng lupain si Josias na kanyang anak bilang kapalit niya.

Juan 18:19-40

Tinanong ng Pinakapunong Pari si Jesus(A)

19 Tinanong ng pinakapunong pari si Jesus tungkol sa kanyang mga alagad at sa kanyang itinuturo.

20 Sinagot siya ni Jesus, “Ako'y hayagang nagsalita sa sanlibutan. Ako'y laging nagtuturo sa mga sinagoga at sa templo, na pinagtitipunan ng lahat ng mga Judio, at wala akong sinabi sa lihim.

21 Bakit ako'y iyong tinatanong? Tanungin mo silang nakarinig sa akin, kung anong sinabi ko sa kanila. Ang mga ito ang nakakaalam ng mga bagay na sinabi ko.”

22 At nang kanyang masabi ito ay sinampal si Jesus ng isa sa mga punong-kawal na nakatayo roon, na nagsasabi, “Ganyan ka bang sumagot sa pinakapunong pari?”

23 Sinagot siya ni Jesus, “Kung ako'y nagsalita ng masama, patunayan mo ang kasamaan, subalit kung mabuti, bakit mo ako sinasampal?”

24 Pagkatapos ay ipinadala siyang nakagapos ni Anas kay Caifas na pinakapunong pari.

Muling Ipinagkaila ni Pedro si Jesus(B)

25 Nakatayo si Pedro na nagpapainit ng sarili. Sinabi nila sa kanya, “Hindi ba ikaw ay isa rin sa kanyang mga alagad?” Ikinaila niya ito at sinabi, “Hindi.”

26 Sinabi ng isa sa mga alipin ng pinakapunong pari, na kamag-anak ng tinagpasan ni Pedro ng tainga, “Hindi ba ikaw ang nakita kong kasama niya sa halamanan?”

27 Muling nagkaila si Pedro at kaagad tumilaok ang isang manok.

Si Jesus sa Harapan ni Pilato(C)

28 Pagkatapos ay dinala nila si Jesus mula kay Caifas hanggang sa palasyo ng gobernador.[a] Noon ay maaga pa at sila'y hindi pumasok sa punong-himpilan, upang hindi marumihan,[b] at upang sila'y makakain ng kordero ng paskuwa.

29 Kaya't lumabas si Pilato at sinabi sa kanila, “Anong paratang ang dala ninyo laban sa taong ito?”

30 Sila'y sumagot at sinabi sa kanya, “Kung ang taong ito'y hindi gumawa ng masama, ay hindi sana namin dinala sa iyo.”

31 Sinabi ni Pilato sa kanila, “Kunin ninyo siya, at siya'y inyong hatulan ayon sa inyong batas.” Sinabi ng mga Judio sa kanya, “Hindi kami pinahihintulutan na ipapatay ang sinumang tao.”

32 Ito(D) ay upang matupad ang salitang sinabi ni Jesus, nang kanyang ipahiwatig kung sa anong paraan ng kamatayan siya mamamatay.

33 Si Pilato ay muling pumasok sa palasyo ng gobernador, at tinawag si Jesus, at sinabi sa kanya, “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?”

34 Sumagot si Jesus, “Sinasabi mo ba ito mula sa iyong sarili, o may ibang nagsabi sa iyo tungkol sa akin?”

35 Si Pilato ay sumagot, “Ako ba'y Judio? Ang iyong sariling bansa at ang mga punong pari ang nagdala sa iyo sa akin. Ano bang ginawa mo?”

36 Sumagot si Jesus, “Ang kaharian ko ay hindi mula sa sanlibutang ito. Kung ang kaharian ko ay mula sa sanlibutang ito, ang aking mga tauhan ay makikipaglaban sana upang ako'y huwag maibigay sa mga Judio; ngunit ang aking kaharian ay hindi mula rito.”

37 Sinabi sa kanya ni Pilato, “Kung gayon, ikaw ay hari?” Sumagot si Jesus, “Ikaw ang nagsasabing ako'y hari. Ako'y ipinanganak dahil dito, at dahil dito ay pumarito ako sa sanlibutan, upang magpatotoo sa katotohanan. Ang bawat isang panig sa katotohanan ay nakikinig sa aking tinig.”

Hinatulan si Jesus na Mamatay(E)

38 Sinabi sa kanya ni Pilato, “Ano ang katotohanan?”

At nang masabi niya ito ay lumabas siyang muli sa mga Judio at sa kanila'y sinabi, “Wala akong makitang anumang kasalanan sa kanya.

39 Ngunit kayo'y may kaugalian na maaari kong pakawalan ang isang tao para sa inyo sa Paskuwa. Gusto ba ninyong pakawalan ko para sa inyo ang Hari ng mga Judio?”

40 Sila'y sumigaw na muli, “Hindi ang taong ito, kundi si Barabas.” Si Barabas ay isang tulisan.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001