Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Job 11-13

Ang Sinabi ni Zofar Tungkol kay Job

11 Nang magkagayo'y sumagot si Zofar na Naamatita, at sinabi,

“Hindi ba sasagutin ang karamihan ng mga salita?
    At mapawalang-sala ang lalaking madada?
Patatahimikin ba ang mga tao ng iyong kangangawa,
    wala bang hihiya sa iyo kapag ikaw ay nanunuya?
Sapagkat iyong sinasabi, ‘Ang aking aral ay dalisay,
    at ako'y malinis sa iyong mga mata!’
Ngunit ang Diyos nawa'y magsalita,
    at ibuka ang kanyang mga labi sa iyo;
at ipakilala nawa sa iyo ang mga lihim ng karunungan!
    Pagka't siya ay sagana sa kaunawaan.
Alamin mo na sinisingil ka ng Diyos ng kulang pa kaysa nararapat sa iyong kasalanan.

“Matatagpuan mo ba ang malalalim na bagay ng Diyos?
    Matatagpuan mo ba ang hangganan ng Makapangyarihan sa lahat?
Ito ay mataas kaysa langit; anong iyong magagawa?
    Malalim kaysa Sheol—anong iyong malalaman?
Ang sukat nito ay mas mahaba kaysa lupa,
    at mas malawak kaysa dagat.
10 Kung siya'y dumaan, at magbilanggo,
    at tumawag ng paglilitis, sinong makakapigil sa kanya?
11 Sapagkat nakikilala niya ang mga taong walang kabuluhan,
    kapag nakakita siya ng kasamaan, hindi ba niya ito isasaalang-alang?
12 Ngunit ang taong hangal ay magkakaroon ng pagkaunawa,
    kapag ang asno ay ipinanganak na tao.

Pinapaglilinis ni Zofar si Job sa mga Kasalanan

13 “Kung itutuwid mo ang iyong puso,
    iuunat mo ang iyong kamay sa kanya.
14 Kung ang kasamaan ay nasa iyong kamay, ilayo mo ito,
    at huwag nawang manirahan ang kasamaan sa iyong mga tolda.
15 Walang pagsala ngang itataas mo ang iyong mukha na walang kapintasan;
ikaw ay hindi matatakot at magiging tiwasay.
16 Malilimutan mo ang iyong kahirapan,
iyong maaalala ito na parang tubig na umagos.
17 At ang iyong buhay ay magiging lalong maliwanag kaysa katanghalian
at magiging gaya ng umaga ang kanyang kadiliman.
18 At ikaw ay mapapanatag sapagkat may pag-asa;
ikaw ay mapapangalagaan, at tiwasay kang magpapahinga.
19 Ikaw nama'y hihiga at walang mananakot sa iyo;
maraming hihingi ng kalinga mo.
20 Ngunit ang mga mata ng masama ay manghihina,
    at mawawalan sila ng daang tatakasan,
    at ang kanilang pag-asa ay hininga'y malagutan.”

Pinatunayan ni Job ang Kapangyarihan ng Diyos

12 Nang magkagayo'y sumagot si Job, at sinabi,

“Walang pag-aalinlangan na kayo ang bayan,
    at mamamatay na kasama ninyo ang karunungan.
Ngunit ako'y may pagkaunawa na gaya ninyo;
    hindi ako mas mababa sa inyo.
    Sinong hindi nakaalam ng mga bagay na gaya nito?
Ako'y katatawanan sa aking mga kaibigan,
    ako na tumawag sa Diyos, at ako'y sinagot niya,
    isang ganap at taong sakdal, ay katatawanan.
Sa pag-iisip ng isang nasa katiwasayan ay may pagkutya sa kasawian;
    nakahanda iyon sa mga nadudulas ang mga paa.
Ang mga tolda ng mga magnanakaw ay may kapayapaan,
    at silang nanggagalit sa Diyos ay tiwasay;
    na inilalagay ang kanilang diyos sa kanilang kamay.

“Ngunit ngayo'y tanungin mo ang mga hayop, at tuturuan ka nila;
    ang mga ibon sa himpapawid, at kanilang sasabihin sa iyo;
o ang mga halaman sa lupa, at tuturuan ka nila;
    at ang mga isda sa dagat ay magpapahayag sa iyo.
Sinong hindi nakakaalam sa lahat ng mga ito,
    na ang kamay ng Panginoon ang gumawa nito?
10 “Nasa kamay niya ang buhay ng bawat bagay na may buhay,
    at ang hininga ng lahat ng mga tao.
11 Hindi ba sumusubok ang mga salita ng pandinig,
    gaya ng ngalangala na lumalasa ng pagkain?
12 Nasa matatanda ang karunungan,
    ang haba ng buhay ay ang kaunawaan.
13 “Nasa Diyos ang karunungan at kalakasan;
    kanya ang payo at kaunawaan.
14 Kapag siya'y nagpabagsak, walang makakapagtayo,
    kapag ikinulong niya ang tao, walang makakapagbukas.
15 Kapag kanyang pinigil ang tubig, natutuyo ito;
    kapag kanyang pinaagos, ang lupa ay inaapawan nito.
16 Nasa kanya ang kalakasan at ang karunungan,
    ang nadaya at ang mandaraya ay kanya.
17 Kanyang pinalalakad na hubad ang mga tagapayo,
    at ginagawa niyang hangal ang mga hukom.
18 Kanyang kinakalag ang gapos ng mga hari,
    at binibigkisan ang kanilang mga baywang ng pamigkis.
19 Ang mga pari ay hubad niyang pinalalakad,
    at pinababagsak ang makapangyarihan.
20 Kanyang inaalisan ng pananalita ang pinagtitiwalaan,
    at inaalis ang pagkaunawa ng mga nakakatanda.
21 Siya'y nagbubuhos ng kutya sa mga pinuno,
    at kinakalag ang pamigkis ng malakas.
22 Inililitaw niya ang malalalim mula sa kadiliman,
    at inilalabas sa liwanag ang pusikit na kadiliman.
23 Kanyang pinadadakila ang mga bansa, at winawasak ang mga ito.
    Kanyang pinalalaki ang mga bansa, at itinataboy ang mga ito.
24 Kanyang inaalis ang pang-unawa mula sa mga pinuno ng bayan sa lupa,
    at kanyang pinalalaboy sila sa ilang na walang lansangan.
25 Sila'y nangangapa sa dilim na walang liwanag,
    at kanyang pinasusuray sila na gaya ng isang lasing.

Ipinilit ni Job na Wala Siyang Kasalanan

13 “Narito, nakita ang lahat ng ito ng aking mata,
    ang aking tainga ay nakarinig at nakaunawa.
Kung ano ang iyong nalalaman, ay nalalaman ko rin naman:
    Hindi ako mababa sa inyo.
Ngunit ako'y magsasalita sa Makapangyarihan sa lahat,
    at nais kong ipagtanggol ang aking usapin sa Diyos.
Ngunit kayo'y mapagkatha ng mga kabulaanan,
    kayong lahat ay mga manggagamot na walang kabuluhan.
Nawa ay tumahimik kayong lahat,
    at magiging inyong karunungan!
Dinggin ninyo ngayon ang aking pangangatuwiran,
    at ang mga pakikiusap ng aking mga labi ay inyong pakinggan.
Kayo ba'y magsasalita ng kabulaanan para sa Diyos,
    at mangungusap na may pandaraya para sa kanya?
Kayo ba'y magpapakita ng pagpanig sa kanya?
    Ipapakiusap ba ninyo ang usapin para sa Diyos?
Makakabuti ba sa inyo kapag siniyasat niya kayo?
    O madadaya mo ba siya tulad ng pandaraya sa isang tao?
10 Walang pagsalang sasawayin niya kayo,
    kung sa lihim ay magpapakita kayo ng pagtatangi.
11 Hindi ba kayo tatakutin ng kanyang kamahalan,
    at ang sindak sa kanya ay sasainyo?
12 Ang inyong mga di-malilimot na kasabihan ay kawikaang abo,
    ang inyong mga sanggalang ay mga sanggalang na putik.

13 “Bigyan ninyo ako ng katahimikan, at ako'y magsasalita,
    at hayaang dumating sa akin ang anuman.
14 Bakit kakagatin ng aking mga ngipin ang aking laman,
    at ilalagay ko ang aking buhay sa aking kamay?
15 Bagaman ako'y patayin niya, ako'y aasa pa rin sa kanya,
    gayunma'y ipagtatanggol ko ang aking mga lakad sa harapan niya.
16 Ito ang aking magiging kaligtasan,
    na ang isang masamang tao ay hindi haharap sa kanya.
17 Pakinggan ninyong mabuti ang mga salita ko,
    at sumainyong mga pakinig ang pahayag ko.
18 Narito ngayon, inihanda ko ang aking usapin;
    alam ko na ako'y mapapawalang sala.
19 Sino ang makikipagtalo sa akin?
    Sapagkat kung gayo'y tatahimik ako at mamamatay.

20 Dalawang bagay lamang ang ipagkaloob mo sa akin,
    kung magkagayo'y hindi ako magkukubli sa iyong mukha:
21 iurong mo nang malayo sa akin ang kamay mo;
    at huwag akong takutin ng sindak sa iyo.
22 Kung magkagayo'y tumawag ka, at ako'y sasagot;
    o papagsalitain mo ako, at sa akin ikaw ay sumagot.
23 Ilan ang aking mga kasamaan at mga kasalanan?
    Ipakilala mo sa akin ang aking pagsalangsang at ang aking kasalanan.
24 Bakit mo ikinukubli ang iyong mukha,
    at itinuturing mo akong iyong kaaway?
25 Iyo bang tatakutin ang isang dahong pinapaspas ng hangin,
    at ang tuyong ipa ay iyo bang hahabulin?
26 Sapagkat ikaw ay sumusulat laban sa akin ng mapapait na bagay,
    at ipinamamana mo sa akin ang mga kasamaan ng aking kabataan.
27 Iyo(A) ring inilalagay ang aking mga paa sa kadenahan,
    at minamanmanan mo ang lahat kong daan,
    ikaw ay naglalagay ng hangganan sa aking talampakan.
28 Bagaman ako'y parang bagay na bulok na natutunaw,
    na parang damit na kinakain ng bukbok.

Mga Gawa 9:1-21

Tinawag si Saulo(A)

Samantala, si Saulo na may masidhing pagbabanta ng kamatayan laban sa mga alagad ng Panginoon ay pumunta sa pinakapunong pari.

Humingi siya sa pinakapunong pari[a] ng mga sulat para sa mga sinagoga sa Damasco upang kung siya'y makatagpo ng sinumang kabilang sa Daan, mga lalaki o mga babae, ay dadalhin niya silang nakagapos sa Jerusalem.

Sa kanyang paglalakbay, dumating siya sa malapit sa Damasco, biglang kumislap sa palibot niya ang isang liwanag mula sa langit.

Bumagsak siya sa lupa at nakarinig ng isang tinig na sa kanya'y nagsasabi, “Saulo, Saulo, bakit mo ako inuusig?”

Sinabi niya, “Sino ka, Panginoon?” At siya'y sumagot, “Ako si Jesus na iyong inuusig.

Tumindig ka at pumasok sa lunsod, at sasabihin sa iyo ang dapat mong gawin.”

Ang mga taong naglalakbay na kasama niya ay hindi makapagsalita, sapagkat naririnig nila ang tinig ngunit walang nakikitang sinuman.

Tumindig si Saulo mula sa lupa; at pagmulat ng kanyang mga mata, ay wala siyang makita; kaya't kanilang inakay siya sa kamay at ipinasok siya sa Damasco.

Sa loob ng tatlong araw, siya'y walang paningin at hindi kumain ni uminom man.

10 Noon ay may isang alagad sa Damasco na ang pangalan ay Ananias. Sinabi sa kanya ng Panginoon sa isang pangitain, “Ananias.” At sinabi niya, “Narito ako, Panginoon.”

11 Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Tumindig ka at pumunta sa lansangang tinatawag na Tuwid. Ipagtanong mo sa bahay ni Judas ang isang lalaking taga-Tarso na ang pangalan ay Saulo. Sa sandaling ito'y nananalangin siya,

12 at nakita niya sa pangitain ang isang lalaking ang pangalan ay Ananias na pumapasok, at ipinapatong ang kanyang mga kamay sa kanya upang muli niyang tanggapin ang kanyang paningin.”

13 Ngunit sumagot si Ananias, “Panginoon, nabalitaan ko mula sa marami ang tungkol sa lalaking ito, kung gaano katindi ang kasamaang ginawa niya sa iyong mga banal sa Jerusalem;

14 at siya'y may pahintulot mula sa mga punong pari na gapusin ang lahat ng mga tumatawag sa iyong pangalan.”

15 Ngunit sinabi sa kanya ng Panginoon, “Pumunta ka sapagkat siya'y isang kasangkapang pinili ko upang dalhin ang aking pangalan sa harapan ng mga Hentil at ng mga hari, at ng mga anak ni Israel;

16 sapagkat ipapakita ko sa kanya kung gaano karaming bagay ang dapat niyang tiisin alang-alang sa aking pangalan.”

17 Kaya't umalis si Ananias at pumasok sa bahay. Ipinatong niya ang kanyang mga kamay kay Saulo[b] at sinabi niya, “Kapatid na Saulo, isinugo ako ng Panginoong Jesus na nagpakita sa iyo sa daan sa iyong pagpunta rito upang muli mong tanggapin ang iyong paningin, at mapuspos ka ng Espiritu Santo.”

18 Agad nalaglag mula sa kanyang mata ang bagay na parang mga kaliskis, at nakakita siyang muli. At siya'y tumayo at binautismuhan,

19 at pagkatapos kumain ay muli siyang lumakas. Sa loob ng ilang araw ay kasama siya ng mga alagad na nasa Damasco.

Ang Pangangaral ni Saulo sa Damasco

20 Agad niyang ipinangaral sa mga sinagoga si Jesus, na sinasabing siya ang Anak ng Diyos.

21 Lahat nang nakarinig sa kanya ay namangha, at nagsabi, “Hindi ba ito ang lalaking pumuksa sa Jerusalem sa mga tumatawag sa pangalang ito? At naparito siya para sa layuning ito, upang sila'y dalhing nakagapos sa harap ng mga punong pari.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001