Old/New Testament
Si Mordecai ay Pinarangalan ng Hari
6 Nang gabing iyon ay hindi makatulog ang hari kaya't kanyang iniutos na dalhin ang aklat ng mahahalagang mga gawa, ang mga kasaysayan, at ang mga ito ay binasa sa harapan ng hari.
2 Natuklasang(A) nakasulat kung paanong sinabi ni Mordecai ang tungkol kina Bigtana at Teres, dalawa sa mga eunuko ng hari, na nagbabantay sa pintuan na nagbalak patayin si Haring Ahasuerus.
3 At sinabi ng hari, “Anong karangalan at kadakilaan ang ibinigay kay Mordecai dahil dito?” Sinabi ng mga lingkod ng hari na naglilingkod sa kanya, “Walang anumang ginawa para sa kanya.”
4 Sinabi ng hari, “Sino ang nasa bulwagan?” Kapapasok pa lamang ni Haman sa bulwagan ng palasyo ng hari, upang magsalita sa hari na bitayin si Mordecai sa bitayan na inihanda niya sa kanya.
5 At ang mga lingkod ng hari ay nagsabi sa kanya, “Naroon si Haman, nakatayo sa bulwagan.” At sinabi ng hari, “Papasukin siya.”
6 Sa gayo'y pumasok si Haman at sinabi ng hari sa kanya, “Anong gagawin sa lalaking kinalulugdang parangalan ng hari?” Sinabi ni Haman sa kanyang sarili, “Sino ang kinalulugdang parangalan ng hari nang higit kaysa akin?”
7 At sinabi ni Haman sa hari, “Para sa lalaking kinalulugdang parangalan ng hari,
8 ay ipakuha ang damit-hari na isinuot ng hari, at ang kabayo na sinakyan ng hari, at ang korona ng hari para sa kanyang ulo,
9 at ibigay ang bihisan at ang kabayo sa isa sa pinakapangunahing pinuno ng hari. Bihisan niya ang lalaking kinalulugdang parangalan ng hari, at ilibot sa buong lunsod na nakasakay sa kabayo, at ipahayag na nauuna sa kanya: ‘Ganito ang gagawin sa lalaking kinalulugdang parangalan ng hari.’”
10 Nang magkagayo'y sinabi ng hari kay Haman, “Ikaw ay magmadali, at kunin mo ang bihisan at ang kabayo, gaya ng iyong sinabi, at gayon ang gawin mo kay Mordecai, na Judio na umuupo sa pintuan ng hari. Huwag mong bawasan ang anumang bagay na iyong sinabi.”
11 Nang magkagayo'y kinuha ni Haman ang bihisan at ang kabayo, at binihisan si Mordecai, at sakay na inilibot sa buong lunsod at ipinahahayag na nauuna sa kanya: “Ganito ang gagawin sa lalaking kinalulugdang parangalan ng hari.”
12 Pagkatapos ay bumalik si Mordecai sa pintuan ng hari. Ngunit si Haman ay nagmadaling umuwi, tumatangis at may takip ang ulo.
13 At ibinalita ni Haman kay Zeres na kanyang asawa at sa lahat ng kanyang mga kaibigan ang lahat ng bagay na nangyari sa kanya. Nang magkagayo'y sinabi sa kanya ng kanyang mga pantas na lalaki at ni Zeres na kanyang asawa, “Kung si Mordecai, na siyang pinagsimulan ng iyong pagbagsak, ay mula sa bayan ng mga Judio, hindi ka magtatagumpay laban sa kanya, kundi ikaw ay tiyak na mahuhulog sa harapan niya.”
14 Samantalang sila'y nakikipag-usap pa sa kanya, dumating ang mga eunuko ng hari at nagmamadaling dinala si Haman sa salu-salo na inihanda ni Esther.
Si Haman ay Binitay
7 Kaya't ang hari at si Haman ang pumunta sa kapistahan na kasama ni Reyna Esther.
2 Nang ikalawang araw, samantalang sila'y umiinom ng alak, muling sinabi ng hari kay Esther, “Ano ang iyong kahilingan, Reyna Esther? Ibibigay iyon sa iyo. Ano ang iyong kahilingan? Kahit kalahati ng kaharian ay ipagkakaloob sa iyo.”
3 At sumagot si Reyna Esther, “Kung ako'y naging mabuti sa iyong paningin, O hari, at kung kalulugdan ng hari, ipagkaloob sa akin ang aking buhay ayon sa aking pakiusap at ang aking mga kababayan ayon sa aking kahilingan.
4 Sapagkat kami ay ipinagbili, ako at ang aking bayan upang ipahamak, upang patayin, at upang lipulin. Kung kami ay ipinagbili lamang bilang mga aliping lalaki at babae, ako'y tumahimik na sana, sapagkat ang aming kapighatian ay hindi dapat ihambing sa mawawala sa hari.”
5 Nang magkagayo'y sinabi ni Haring Ahasuerus kay Reyna Esther, “Sino siya, at saan naroon siya na mag-aakalang gumawa nang ganito?”
6 Sinabi ni Esther, “Ang isang kaaway at kalaban! Itong masamang si Haman!” Nang magkagayo'y natakot si Haman sa harapan ng hari at ng reyna.
7 At ang hari ay galit na tumayo at iniwan ang kapistahan ng alak at pumunta sa halamanan ng palasyo; ngunit si Haman ay nanatili upang ipagmakaawa ang kanyang buhay kay Reyna Esther, sapagkat nakita niya na may kasamaang ipinasiya laban sa kanya ang hari.
8 Nang magkagayo'y bumalik ang hari mula sa halamanan ng palasyo patungo sa lugar kung saan sila umiinom ng alak, habang si Haman ay nakasubsob sa upuan na kinaroroonan ni Esther. Sinabi ng hari, “Kanya bang gagawan ng masama ang reyna sa harapan ko, sa sarili kong bahay?” Pagkalabas ng mga salita sa bibig ng hari ay kanilang tinakpan ang mukha ni Haman.
9 Nang magkagayo'y sinabi ni Harbona, na isa sa eunuko na nasa harapan ng hari, “Ang bitayan na may limampung siko ang taas, na ginawa ni Haman para kay Mordecai, na ang salita ay siyang nagligtas sa hari, ay nakatayo sa bahay ni Haman.” At sinabi ng hari, “Bitayin siya roon.”
10 Kaya't binigti nila si Haman sa bitayan na inihanda niya para kay Mordecai. At humupa ang poot ng hari.
Hinirang si Mordecai
8 Nang araw na iyon ay ibinigay ni Haring Ahasuerus kay Esther ang bahay ni Haman na kaaway ng mga Judio. At si Mordecai ay humarap sa hari; sapagkat sinabi ni Esther kung ano ang kaugnayan niya sa kanya.
2 At hinubad ng hari ang kanyang singsing na inalis niya kay Haman, at ibinigay kay Mordecai. At ipinamahala ni Esther kay Mordecai ang bahay ni Haman.
Ang Bagong Kahilingan ni Esther
3 At si Esther ay muling nagsalita sa harapan ng hari, at nagpatirapa sa kanyang mga paa, at nagsumamo sa kanya na may mga luha na hadlangan ang masamang panukala ni Haman na Agageo, at ang pakana na kanyang binalak laban sa mga Judio.
4 Nang magkagayo'y inilawit ng hari kay Esther ang gintong setro.
5 Sa gayo'y tumindig si Esther at tumayo sa harapan ng hari. At sinabi niya, “Kung ikalulugod ng hari, at kung ako'y nakatagpo ng lingap sa kanyang paningin, at kung ang bagay ay inaakalang matuwid sa harapan ng hari, at ako'y nakakalugod sa kanyang mga mata, nawa'y isulat ang isang utos upang pawalang-bisa ang mga sulat na binalak ni Haman na anak ni Amedata, na Agageo, na kanyang sinulat upang lipulin ang mga Judio na nasa lahat ng lalawigan ng hari.
6 Sapagkat paano ko matitiis na makita ang kapahamakang darating sa aking mga kababayan? O paano ko matitiis na makita ang pagpatay sa aking mga kamag-anak?”
7 Nang magkagayo'y sinabi ni Haring Ahasuerus kina Reyna Esther at Mordecai na Judio, “Tingnan ninyo, ibinigay ko kay Esther ang bahay ni Haman, at kanilang binigti siya sa bitayan, sapagkat kanyang binalak na patayin ang mga Judio.
8 Maaari kang sumulat ng ayon sa nais mo tungkol sa mga Judio, sa pangalan ng hari, at tatakan ito ng singsing ng hari; sapagkat ang utos na isinulat sa pangalan ng hari at natatakan ng singsing ng hari ay hindi maaaring pawalang-bisa.”
9 Ang mga kalihim ng hari ay ipinatawag nang panahong iyon, sa ikadalawampu't tatlong araw ng ikatlong buwan, na siyang buwan ng Sivan. Iisang utos ang isinulat ayon sa lahat na iniutos ni Mordecai tungkol sa mga Judio, sa mga gobernador, at sa mga tagapamahala at mga pinuno ng mga lalawigan mula sa India hanggang sa Etiopia, na isandaan at dalawampu't pitong lalawigan. Ito ay para sa bawat lalawigan ayon sa sarili nitong pagsulat, at sa bawat bayan ayon sa wika nila, at sa mga Judio ayon sa pagsulat at wika nila.
10 Ang pagkasulat ay sa pangalan ni Haring Ahasuerus at tinatakan ng singsing ng hari, at ipinadala ang mga sulat sa pamamagitan ng mga sugong mangangabayo na nakasakay sa matutuling kabayo na ginagamit sa paglilingkod sa hari, na inalagaan mula sa kulungan ng hari.
11 Sa pamamagitan ng mga ito, pinahihintulutan ng hari ang mga Judio na nasa bawat lunsod, na magtipun-tipon at ipagsanggalang ang kanilang buhay, upang puksain, patayin, at lipulin ang anumang sandatahang lakas ng alinmang bayan at lalawigan na sasalakay sa kanila, kasama ang kanilang mga bata at mga babae, at samsamin ang kanilang ari-arian.
12 Ito ay sa isang araw sa lahat ng lalawigan ni Haring Ahasuerus, sa ikalabintatlong araw ng ikalabindalawang buwan, na siyang buwan ng Adar.
13 Isang sipi ng kasulatan ang ilalabas bilang utos sa bawat lalawigan, at ipahahayag sa lahat ng mga bayan, at ang mga Judio ay maghanda sa araw na iyon na maghiganti sa kanilang mga kaaway.
14 Sa gayo'y ang mga sugo na sumasakay sa matutuling kabayo na ginagamit sa paglilingkod sa hari ay nagmamadaling sumakay dahil sa utos ng hari; at ang utos ay pinalabas sa kastilyo ng Susa.
15 At si Mordecai ay lumabas mula sa harapan ng hari na nakadamit-hari na asul at puti, at may malaking koronang ginto, at may balabal na pinong lino at kulay ube, samantalang ang bayan ng Susa ay sumigaw at natuwa.
16 Nagkaroon ang mga Judio ng kaginhawahan, kasayahan, kagalakan, at karangalan.
17 At sa bawat lalawigan at bayan, saanman dumating ang utos ng hari, ay nagkaroon ang mga Judio ng kasayahan, kagalakan, at kapistahan. At maraming mula sa mga tao ng lupain ay tinawag ang kanilang sarili na mga Judio; sapagkat ang takot sa mga Judio ay dumating sa kanila.
Ang Pagpili sa Pitong Tagapaglingkod
6 Nang mga araw ngang ito, nang dumarami ang bilang ng mga alagad, nagreklamo ang mga Helenista[a] laban sa mga Hebreo, sapagkat ang kanilang mga babaing balo ay napapabayaan sa pang-araw-araw na pamamahagi.
2 Tinawag ng labindalawa ang buong kapulungan ng mga alagad, at sinabi, “Hindi nararapat na aming pabayaan ang salita ng Diyos, at maglingkod sa mga hapag.
3 Kaya mga kapatid, pumili kayo sa inyo ng pitong lalaking may mabuting pagkatao, puspos ng Espiritu at ng karunungan, na aming maitatalaga sa tungkuling ito,
4 samantalang kami, bilang aming bahagi, ay mag-uukol ng aming sarili sa pananalangin at sa paglilingkod sa salita.”
5 Nasiyahan ang buong kapulungan sa kanilang sinabi at pinili nila si Esteban, lalaking puspos ng pananampalataya at ng Espiritu Santo, kasama sina Felipe, Procoro, Nicanor, Timon, Parmenas, at si Nicolas na isang naging Judio na taga-Antioquia.
6 Kanilang pinaharap sila sa mga apostol at sila'y ipinanalangin at ipinatong ang kanilang mga kamay sa kanila.
7 Patuloy na lumaganap ang salita ng Diyos at dumaming lubha ang bilang ng mga alagad sa Jerusalem at napakaraming pari ang sumunod sa pananampalataya.
Dinakip si Esteban
8 Si Esteban, na puspos ng biyaya at ng kapangyarihan ay gumawa ng mga dakilang kababalaghan at mga tanda sa mga tao.
9 Ngunit tumayo ang ilan mula sa sinagoga, na tinatawag na Mga Pinalaya at ng mga Cireneo, at ng mga Alejandrino, at ng mga taga-Cilicia, at taga-Asia, at nakipagtalo kay Esteban.
10 Ngunit hindi sila makasalungat sa karunungan at sa Espiritu na sa pamamagitan nito'y nagsasalita siya.
11 Nang magkagayo'y lihim nilang sinulsulan ang ilang lalaki, na nagsasabi, “Narinig naming nagsasalita siya ng mga salitang kalapastanganan laban kay Moises at sa Diyos.”
12 Kanilang sinulsulan ang mga taong-bayan, maging ang matatanda, at ang mga eskriba. Siya'y kanilang hinarap, hinuli at dinala sa Sanhedrin.
13 Nagharap sila ng mga sinungaling na saksi na nagsabi, “Ang taong ito'y hindi tumitigil sa pagsasalita ng mga salitang laban sa Dakong Banal na ito at sa Kautusan.
14 Sapagkat narinig naming kanyang sinabi na wawasakin nitong si Jesus na taga-Nazaret ang dakong ito, at babaguhin ang mga kaugaliang ipinamana sa atin ni Moises.”
15 Nakita ng lahat ng nakaupo sa Sanhedrin na nakatitig sa kanya na ang kanyang mukha ay katulad ng mukha ng isang anghel.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001