Old/New Testament
Si Job ay Itinuwid ng Diyos
5 “Tumawag ka ngayon; may sasagot ba sa iyo?
At kanino sa mga banal ka babaling?
2 Tunay na pinapatay ng pagkayamot ang taong hangal,
at pinapatay ng panibugho ang mangmang.
3 Nakakita na ako ng hangal na nag-uugat,
ngunit bigla kong sinumpa ang kanyang tirahan.
4 Ang mga anak niya ay malayo sa kaligtasan,
sila'y dinudurog sa pintuan
at walang magligtas sa kanila isa man.
5 Ang kanyang ani ay kinakain ng gutom,
at kinukuha niya ito maging mula sa mga tinik,
at ang bitag ay naghahangad sa kanilang kayamanan.
6 Sapagkat ang paghihirap ay hindi nanggagaling sa alabok,
ni ang kaguluhan ay sumisibol man sa lupa;
7 kundi ang tao ay ipinanganak tungo sa kaguluhan,
kung paanong ang siklab, sa itaas ay pumapailanglang.
8 “Ngunit sa ganang akin, ang Diyos ay aking hahanapin,
at sa Diyos ko ipagkakatiwala ang aking usapin,
9 na siyang gumagawa ng mga dakilang bagay at hindi maintindihan,
mga kamanghamanghang bagay na hindi mabilang,
10 nagbibigay siya ng ulan sa lupa,
at nagdadala ng tubig sa mga bukid;
11 kanyang itinataas ang mga mapagpakumbaba,
at ang mga tumatangis ay itinataas sa katiwasayan.
12 Kanyang binibigo ang mga pakana ng tuso,
anupa't ang kanilang mga kamay ay hindi nagkakamit ng tagumpay.
13 Kanyang(A) hinuhuli ang marunong sa kanilang sariling katusuhan;
at ang balak ng madaya ay dagling nawawakasan.
14 Nakakasalubong nila sa araw ang kadiliman,
at nangangapa na gaya nang sa gabi kahit katanghalian.
15 Ngunit siya'y nagliligtas mula sa tabak ng kanilang bibig,
at ang maralita mula sa kamay ng makapangyarihan.
16 Kaya't ang dukha ay may pag-asa,
at itinitikom ng kawalang-katarungan ang bibig niya.
Ang Kagalingan ng Parusa
17 “Narito,(B) mapalad ang tao na sinasaway ng Diyos,
kaya't huwag mong hamakin ang pagtutuwid ng Makapangyarihan sa lahat.
18 Sapagkat(C) siya'y sumusugat, ngunit kanyang tinatalian;
siya'y nananakit, ngunit nagpapagaling ang kanyang mga kamay.
19 Ililigtas ka niya mula sa anim na kaguluhan;
sa ikapito ay walang kasamaang gagalaw sa iyo.
20 Sa taggutom ay tutubusin ka niya mula sa kamatayan;
at sa digmaan, mula sa tabak na makapangyarihan.
21 Ikaw ay ikukubli mula sa hagupit ng dila;
at hindi ka matatakot sa pagkawasak kapag ito'y dumating.
22 Sa pagkawasak at taggutom, ikaw ay tatawa,
at hindi ka matatakot sa mababangis na hayop sa lupa.
23 Sapagkat ikaw ay makakasundo ng mga bato sa parang;
at ang mga ganid sa parang sa iyo ay makikipagpayapaan.
24 Malalaman mo na ang iyong tolda ay ligtas,
at dadalawin mo ang iyong kulungan, at walang nawawalang anuman.
25 Malalaman mo rin na ang iyong lahi ay magiging marami,
at ang iyong supling ay magiging gaya ng damo sa lupa.
26 Tutungo ka sa iyong libingan sa ganap na katandaan,
gaya ng bigkis ng trigo na dumarating sa giikan sa kanyang kapanahunan.
27 Narito, siniyasat namin ito; ito ay totoo.
Dinggin mo, at alamin mo para sa kabutihan mo.”
Inilarawan ni Job ang Kanyang Kasawian
6 Pagkatapos ay sumagot si Job at sinabi,
2 “O tinimbang sana ang aking pagkayamot,
at lahat ng aking mga sakuna ay inilagay sana sa mga timbangan.
3 Sapagkat kung gayon iyon ay magiging mas mabigat pa kaysa buhangin sa dagat;
kaya't ang aking mga salita ay naging padalus-dalos.
4 Sapagkat ang mga palaso ng Makapangyarihan sa lahat ay nasa akin,
iniinom ng aking espiritu ang kanilang lason;
ang mga kilabot ng Diyos ay nakahanay laban sa akin.
5 Umuungal ba ang mailap na asno kapag mayroon siyang damo?
O inuungalan ba ng baka ang kanyang pagkain?
6 Ang wala bang lasa ay makakain nang walang asin?
O mayroon bang lasa ang puti ng isang itlog?
7 Wala akong ganang hawakan ang mga iyon;
ang mga iyon ay parang nakakapandiring pagkain sa akin.
8 “Makamit ko nawa ang aking kahilingan;
at ipagkaloob nawa ng Diyos ang aking minimithi;
9 na kalugdan nawa ng Diyos na durugin ako;
na ibitaw niya ang kanyang kamay, at putulin ako!
10 Ito nga ang magiging kaaliwan ko;
magsasaya pa ako sa walang tigil na sakit;
sapagkat hindi ko itinakuwil ang mga salita ng Banal.
11 Ano ang aking lakas, upang ako'y maghintay?
At ano ang aking wakas upang ako'y magtiis?
12 Ang lakas ko ba ay lakas ng mga bato,
o ang laman ko ba ay tanso?
13 Sa totoo ay walang tulong sa akin,
at anumang mapagkukunan ay inilayo sa akin.
Ang Daya at Lupit ng Kanyang mga Kaibigan
14 “Siyang nagkakait ng kagandahang-loob sa kanyang kaibigan
ay nagtatakuwil ng takot sa Makapangyarihan sa lahat.
15 Ang aking mga kapatid ay mapandayang tulad sa batis,
na parang daluyan ng mga batis na lumilipas,
16 na madilim dahil sa yelo,
malabo dahil sa natutunaw na niyebe.
17 Sa panahon ng init, sila'y nawawala;
kapag mainit, sila'y nawawala sa kanilang kinalalagyan.
18 Ang mga pangkat ng manlalakbay ay lumilihis sa kanilang daan;
umaakyat sila sa pagkapahamak at namamatay.
19 Tumitingin ang mga pulutong ng manlalakbay mula sa Tema,
umaasa ang mga manlalakbay mula sa Sheba.
20 Sila'y nabigo, sapagkat sila'y nagtiwala;
sila'y pumaroon at sila'y nalito.
21 Naging ganyan kayo ngayon sa akin,
nakikita ninyo ang aking kasawian at kayo'y natatakot.
22 Sinabi ko ba: ‘Bigyan ninyo ako ng kaloob?’
O, ‘Mula sa inyong yaman ay handugan ninyo ako ng suhol?’
23 O, ‘Iligtas ninyo ako mula sa kamay ng kaaway?’
O, ‘Tubusin ninyo ako mula sa kamay ng mga manlulupig?’
24 “Turuan ninyo ako, at ako'y tatahimik;
ipaunawa ninyo sa akin kung paano ako nagkamali.
25 Napakatindi ng mga tapat na salita!
Ngunit ang inyong saway, ano bang sinasaway?
26 Sa akala ba ninyo ay masasaway ninyo ang mga salita,
gayong ang mga salita ng taong sawi ay hangin?
27 Magpapalabunutan nga kayo para sa ulila,
at magtatawaran para sa inyong kaibigan.
28 “Subalit ngayon, tumingin kayo sa akin na may kaluguran,
sapagkat hindi ako magsisinungaling sa inyong harapan.
29 Bumalik kayo, isinasamo ko sa inyo, huwag magkaroon ng kamalian.
Oo, kayo'y magsibalik, nakataya rito ang aking katuwiran.
30 May masama ba sa aking dila?
Hindi ba nakakabatid ng kasawian ang aking panlasa?
Nagreklamo si Job sa Diyos
7 “Wala bang mahirap na paglilingkod ang tao sa ibabaw ng lupa?
At hindi ba ang kanyang mga araw ay gaya ng mga araw ng isang taong upahan?
2 Gaya ng alipin na naghahangad ng lilim,
at gaya ng upahang manggagawa na sa kanyang sahod ay tumitingin,
3 gayon ako pinaglaanan ng mga buwan na walang kabuluhan,
at itinakda sa akin ang mga gabi ng kalungkutan.
4 Kapag ako'y nahihiga, aking sinasabi, ‘Kailan ako babangon?’
Ngunit mahaba ang gabi,
at ako'y pabali-baligtad hanggang sa pagbubukang-liwayway.
5 Ang aking laman ay nadaramtan ng mga uod at ng libag;
tumitigas ang aking balat, pagkatapos ay namumutok.
6 Ang aking mga araw ay matulin kaysa panghabi ng manghahabi,
at nagwawakas na walang pag-asa.
7 “Alalahanin mo na ang aking buhay ay isang hininga;
hindi na muling makakakita ng mabuti ang aking mata.
8 Ang mata niyang nakatingin sa akin ay hindi na ako muling makikita;
habang ang iyong mga mata ay nakatuon sa akin, ako ay maglalaho.
9 Kung paanong ang ulap ay napapawi at nawawala,
gayon hindi na aahon pa ang taong sa Sheol ay bumababa.
10 Hindi na siya babalik pa sa kanyang bahay,
ni hindi na siya makikilala ng kanyang lugar.
11 “Kaya't hindi ko pipigilan ang aking bibig;
ako'y magsasalita sa kadalamhatian ng aking espiritu;
ako'y dadaing sa kapaitan ng aking kaluluwa.
12 Ako ba'y dagat, o dambuhala sa dagat,
upang maglagay ka ng bantay sa akin?
13 Kapag sinasabi ko, ‘Aaliwin ako ng aking tulugan,
pagagaanin ng aking higaan ang aking pagdaramdam.’
14 Kung magkagayo'y tinatakot mo ako ng mga panaginip,
at sinisindak ako ng mga pangitain,
15 anupa't pinipili ng aking kaluluwa ang pagkabigti
at ang kamatayan kaysa aking mga buto.
16 Kinasusuklaman ko ang aking buhay; ayaw kong mabuhay magpakailanman.
Hayaan mo akong mag-isa, sapagkat ang aking mga araw ay parang isang hininga.
17 Ano(D) ang tao, na itinuturing mong dakila,
at iyong itinutuon ang iyong isip sa kanya,
18 at iyong dinadalaw siya tuwing umaga,
at sinusubok siya sa tuwi-tuwina?
19 Gaano katagal mo akong hindi titingnan
ni babayaan akong nag-iisa hanggang sa malunok ko ang aking laway?
20 Kung ako'y nagkasala, ano ang aking magagawa sa iyo, O ikaw na bantay sa mga tao?
Bakit ginawa mo akong iyong tudlaan?
Bakit ako'y naging iyong pasan?
21 At bakit hindi mo ipinatatawad ang aking pagsalangsang,
at inaalis ang aking kasamaan?
Sapagkat ngayo'y mahihiga ako sa alabok;
ako'y hahanapin mo ngunit ako'y hindi matatagpuan.”
8 Si Saulo ay sumang-ayon sa pagpatay sa kanya.
Pinag-usig ni Saulo ang Iglesya
Nang araw na iyon, nagkaroon ng malawakang pag-uusig laban sa iglesya na nasa Jerusalem; at lahat ay nagkahiwa-hiwalay sa buong lupain ng Judea at Samaria, maliban sa mga apostol.
2 Inilibing si Esteban ng mga taong masipag sa kabanalan, at sila'y tumangis nang malakas dahil sa kanya.
3 Ngunit(A) winawasak ni Saul ang iglesya sa pamamagitan ng pagpasok sa bahay-bahay, kinakaladkad ang mga lalaki't babae, at sila'y ipinapasok sa bilangguan.
Ipinangaral sa Samaria ang Magandang Balita
4 Ang mga nagkawatak-watak ay naglakbay na ipinangangaral ang salita.
5 Si Felipe ay bumaba sa bayan ng Samaria at ipinangaral sa kanila ang Cristo.
6 Ang maraming tao ay nagkakaisang nakikinig sa mga sinabi ni Felipe nang kanilang marinig siya at nakita ang mga tanda na ginawa niya.
7 Sapagkat lumabas ang masasamang espiritu sa maraming sinapian na nagsisisigaw nang malakas; at maraming lumpo at pilay ang pinagaling.
8 At nagkaroon ng malaking kagalakan sa lunsod na iyon.
9 Ngunit may isang tao na ang pangalan ay Simon, na noong una ay gumagamit ng salamangka sa lunsod at pinahanga ang mga tao sa Samaria, ang nagsasabing siya'y isang dakila.
10 Silang lahat ay nakinig sa kanya buhat sa pinakaaba hanggang sa pinakadakila, na sinasabi, “Ang taong ito ang kapangyarihan ng Diyos na tinatawag na Dakila.”
11 Siya'y pinakinggan nila, sapagkat sa loob ng mahabang panahon ay kanyang pinahahanga sila ng kanyang mga salamangka.
12 Ngunit nang naniwala sila kay Felipe na nangangaral ng mabuting balita tungkol sa kaharian ng Diyos at sa pangalan ni Jesu-Cristo, sila ay nabautismuhan, mga lalaki at mga babae.
13 Maging si Simon mismo ay naniwala at pagkatapos mabautismuhan, nanatili siyang kasama ni Felipe. Namangha siya nang makakita ng mga tanda at ng mga dakilang himalang ginawa.
14 Nang mabalitaan ng mga apostol na nasa Jerusalem na tinanggap ng Samaria ang salita ng Diyos, sinugo nila sa kanila sina Pedro at Juan.
15 Ang dalawa ay bumaba at ipinanalangin sila upang kanilang tanggapin ang Espiritu Santo,
16 sapagkat hindi pa ito dumarating sa kaninuman sa kanila, kundi sila'y nabautismuhan lamang sa pangalan ng Panginoong Jesus.
17 Ipinatong nina Pedro at Juan[a] ang kanilang mga kamay sa kanila at tinanggap nila ang Espiritu Santo.
18 Nang makita ni Simon na ibinibigay ang Espiritu sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay ng mga apostol, sila'y inalok niya ng salapi,
19 na sinasabi, “Bigyan din ninyo ako ng kapangyarihang ito, upang sinumang patungan ko ng aking mga kamay ay tumanggap ng Espiritu Santo.”
20 Ngunit sinabi sa kanya ni Pedro, “Ang iyong salapi'y mapahamak na kasama mo, sapagkat inakala mong makukuha mo ang kaloob ng Diyos sa pamamagitan ng salapi!
21 Wala kang bahagi ni karapatan man sa bagay na ito, sapagkat ang puso mo'y hindi matuwid sa harapan ng Diyos.
22 Kaya't pagsisihan mo ang kasamaan mong ito. Manalangin ka sa Panginoon at baka sakaling ipatawad sa iyo ang hangarin ng iyong puso.
23 Sapagkat nakikita kong ikaw ay nasa apdo ng kapaitan at nasa gapos ng kasamaan.”
24 Sumagot si Simon, “Ipanalangin ninyo ako sa Panginoon upang wala sa mga sinabi ninyo ang mangyari sa akin.”
25 Sina Pedro at Juan,[b] pagkatapos na makapagpatotoo at masabi na nila ang salita ng Panginoon, ay bumalik sa Jerusalem na ipinangaral ang ebanghelyo sa maraming nayon ng mga Samaritano.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001