Old/New Testament
Si Haring Josias ng Juda(A)
34 Si(B) Josias ay walong taong gulang nang siya'y nagsimulang maghari; at siya'y naghari ng tatlumpu't isang taon sa Jerusalem.
2 Kanyang ginawa ang matuwid sa paningin ng Panginoon, at lumakad sa mga landas ni David na kanyang ninuno, at hindi siya lumiko sa kanan o sa kaliwa.
3 Sapagkat sa ikawalong taon ng kanyang paghahari, samantalang siya'y bata pa, kanyang pinasimulang hanapin ang Diyos ni David na kanyang ninuno. At sa ikalabindalawang taon ay kanyang pinasimulang linisin ang Juda at Jerusalem sa matataas na dako, mga sagradong poste,[a] mga larawang inukit, at mga larawang hinulma.
Sinira ni Josias ang Pagsambang Pagano
4 At(C) kanilang winasak ang mga dambana ng mga Baal sa kanyang harapan; at kanyang ibinagsak ang mga dambana ng insenso na nasa ibabaw nila. Ang mga sagradong poste,[b] mga larawang inukit, at mga larawang hinulma ay kanyang pinagputul-putol, dinurog, at isinabog sa mga libingan ng naghandog sa kanila.
5 Sinunog(D) din niya ang mga buto ng mga pari sa kanilang mga dambana, at nilinis ang Juda at ang Jerusalem.
6 At sa mga bayan ng Manases, Efraim, at Simeon, hanggang sa Neftali, sa kanilang mga guho sa palibot,
7 ay kanyang winasak ang mga dambana at dinurog ang mga sagradong poste[c] at mga larawang inukit hanggang maging alabok, at pinagputul-putol ang lahat ng dambana ng insenso sa buong lupain ng Israel. Pagkatapos ay bumalik siya sa Jerusalem.
Natuklasan ang Aklat ng Kautusan(E)
8 Sa ikalabingwalong taon ng kanyang paghahari, nang kanyang malinis na ang lupain at ang bahay, ay kanyang sinugo si Safan na anak ni Azalia, at si Maasias na tagapamahala ng lunsod, at si Joah na anak ni Joahaz na tagapagtala, upang kumpunihin ang bahay ng Panginoon niyang Diyos.
9 Sila'y pumunta kay Hilkias na pinakapunong pari at ibinigay ang salapi na dinala sa bahay ng Diyos na nalikom ng mga Levita at mga bantay sa pintuan mula sa kamay ng Manases at ng Efraim, at sa lahat ng nalabi sa Israel, Juda, Benjamin, at sa mga naninirahan sa Jerusalem.
10 Iyon ay kanilang ibinigay sa mga manggagawang namamahala sa bahay ng Panginoon; at ibinigay iyon ng mga manggagawa na gumagawa sa bahay ng Panginoon upang kumpunihin at isaayos ang bahay.
11 Ibinigay nila iyon sa mga karpintero at sa mga tagapagtayo upang ibili ng mga batong tinabas, at ng mga trosong panghalang at mga biga para sa mga gusaling hinayaang magiba ng mga hari ng Juda.
12 At matapat na ginawa ng taong-bayan ang gawain. Inilagay na mga tagapamahala sa kanila sina Jahat at Obadias na mga Levita, mula sa mga anak ni Merari; at sina Zacarias at Mesulam, mula sa mga anak ng mga Kohatita upang mangasiwa. Ang mga Levita, na pawang bihasa sa mga kagamitang panugtog,
13 ay namahala sa mga tagabuhat ng mga pasan at pinamamahalaan ang lahat ng gumagawa sa bawat uri ng paglilingkod; at ang ibang mga Levita ay mga manunulat, mga pinuno, at mga bantay-pinto.
14 Samantalang kanilang inilalabas ang salaping ipinasok sa bahay ng Panginoon, natagpuan ni Hilkias na pari ang aklat ng kautusan ng Panginoon na ibinigay sa pamamagitan ni Moises.
15 Sinabi ni Hilkias kay Safan na kalihim, “Aking natagpuan ang aklat ng kautusan sa bahay ng Panginoon.” At ibinigay ni Hilkias ang aklat kay Safan.
16 Dinala ni Safan ang aklat sa hari, at bukod dito'y iniulat pa sa hari, “Lahat ng ipinamahala sa iyong mga lingkod ay kanilang ginagawa.
17 Kanilang kinuhang lahat ang salaping natagpuan sa bahay ng Panginoon at ibinigay ito sa kamay ng mga tagapamahala at mga manggagawa.”
18 At sinabi ni Safan na kalihim sa hari, “Si Hilkias na pari ay nagbigay sa akin ng isang aklat.” At binasa ito ni Safan sa harapan ng hari.
19 Nang marinig ng hari ang mga salita ng kautusan, pinunit niya ang kanyang suot.
20 At inutusan ng hari sina Hilkias, Ahicam na anak ni Safan, Abdon na anak ni Micaias, Safan na kalihim, at si Asaya na lingkod ng hari, na sinasabi,
21 “Humayo kayo at sumangguni sa Panginoon, para sa akin at sa kanila na naiwan sa Israel at Juda, tungkol sa mga salita ng aklat na natagpuan sapagkat malaki ang poot ng Panginoon na nabubuhos sa atin. Sapagkat hindi iningatan ng ating mga ninuno ang salita ng Panginoon, upang gawin ang ayon sa lahat ng nasusulat sa aklat na ito.”
22 Kaya't si Hilkias at silang mga sinugo ng hari, ay pumunta kay Hulda na babaing propeta, na asawa ni Shallum na anak ni Tokhat, na anak ni Haras, na tagapag-ingat ng silid ng kasuotan; (siya nga'y nakatira sa Jerusalem sa Ikalawang Bahagi;) at kanilang sinabi sa kanya ang gayon.
23 At sinabi niya sa kanila, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel: ‘Sabihin ninyo sa lalaking nagsugo sa inyo sa akin,
24 Ganito ang sabi ng Panginoon, Ako'y magdadala ng kasamaan sa lugar na ito at sa mga naninirahan dito, lahat ng sumpa na nakasulat sa aklat na binasa sa harapan ng hari ng Juda.
25 Sapagkat tinalikuran nila ako at nagsunog sila ng insenso sa ibang mga diyos, upang galitin sa pamamagitan ng lahat ng gawa ng kanilang mga kamay; kaya't ang aking poot ay ibubuhos sa dakong ito at hindi mapapawi.
26 Ngunit sa hari ng Juda na nagsugo sa inyo upang sumangguni sa Panginoon, ganito ang sasabihin ninyo sa kanya, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel: Tungkol sa mga salitang iyong narinig,
27 sapagkat ang iyong puso ay nagsisisi, at ikaw ay nagpakumbaba sa harapan ng Diyos nang iyong marinig ang kanyang mga salita laban sa dakong ito, at sa mga mamamayan nito, at ikaw ay nagpakumbaba sa harapan ko, at pinunit mo ang iyong suot, at umiyak sa harapan ko; dininig din kita, sabi ng Panginoon.
28 Ilalakip kita sa iyong mga ninuno, at ikaw ay mapapalakip na payapa sa iyong libingan. Hindi makikita ng iyong mga mata ang lahat ng kasamaang aking dadalhin sa lugar na ito at sa mamamayan nito.’” At kanilang dinala ang mensahe sa hari.
Nakipagtipan si Josias upang Sundin ang Panginoon(F)
29 Nang magkagayo'y nagsugo ang hari at tinipon ang lahat ng matatanda sa Juda at sa Jerusalem.
30 Umakyat ang hari sa bahay ng Panginoon, kasama ang lahat ng mamamayan ng Juda at Jerusalem, ang mga pari at mga Levita, at lahat ng mga tao, maging dakila at hamak. Kanyang binasa sa kanilang mga pandinig ang lahat ng salita ng aklat ng tipan na natagpuan sa bahay ng Panginoon.
31 Ang hari ay tumayo sa kanyang lugar at nakipagtipan sa harapan ng Panginoon, upang lumakad nang ayon sa Panginoon at ingatan ang kanyang mga utos, mga patotoo, at mga tuntunin, ng kanyang buong puso at kaluluwa, upang isagawa ang mga salita ng tipan na nasusulat sa aklat na ito.
32 Kanyang pinanumpa rito ang lahat ng nasa Jerusalem at Benjamin. At ginawa ng mga naninirahan sa Jerusalem ang ayon sa tipan ng Diyos ng kanilang mga ninuno.
33 At inalis ni Josias ang lahat ng karumaldumal sa lahat ng lupaing pag-aari ng mga anak ni Israel, at ang lahat ng nasa Israel ay pinapaglingkod sa Panginoon nilang Diyos. Sa lahat ng kanyang mga araw ay hindi sila humiwalay sa pagsunod sa Panginoong Diyos ng kanilang mga ninuno.
Ipinagdiwang ni Josias ang Paskuwa(G)
35 Nagdiwang si Josias sa Jerusalem ng isang paskuwa sa Panginoon; at kanilang kinatay ang kordero ng paskuwa sa ikalabing-apat na araw ng unang buwan.
2 Kanyang hinirang ang mga pari sa kanilang mga katungkulan at pinasigla sila sa paglilingkod sa bahay ng Panginoon.
3 At sinabi niya sa mga Levita na nagturo sa buong Israel, na mga banal sa Panginoon, “Ilagay ninyo ang banal na kaban sa bahay na itinayo ni Solomon, na anak ni David, na hari ng Israel. Hindi na ninyo kailangan pang pasanin iyon sa inyong mga balikat. Maglingkod kayo ngayon sa Panginoon ninyong Diyos at sa kanyang bayang Israel.
4 Ihanda(H) ninyo ang inyong mga sarili ayon sa mga sambahayan ng inyong mga ninuno, ayon sa inyong mga pangkat, alinsunod sa nakasulat na tagubilin ni David na hari ng Israel at sa nakasulat na tagubilin ni Solomon na kanyang anak.
5 Tumayo kayo sa dakong banal ayon sa mga pangkat ng mga sambahayan ng mga ninuno ng inyong mga kapatid na mga anak ng bayan, at magkaroon ang bawat isa ng isang bahagi ng sambahayan ng mga ninuno ng mga Levita.
6 Katayin ninyo ang kordero ng paskuwa, at magpakabanal kayo, at ihanda ninyo para sa inyong mga kapatid, upang gawin ang ayon sa salita ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.”
7 At si Josias ay nagkaloob sa mga taong-bayan, bilang mga handog sa paskuwa para sa lahat ng naroroon, ng mga kordero at ng mga anak ng kambing mula sa kawan, na ang bilang niyon ay tatlumpung libo at tatlong libong toro; ang mga ito'y mula sa mga ari-arian ng hari.
8 Ang kanyang mga pinuno ay kusang-loob na nagbigay sa taong-bayan, sa mga pari, at sa mga Levita. Sina Hilkias, Zacarias, at Jeiel, na mga pinuno sa bahay ng Diyos, ay nagbigay sa mga pari ng mga handog sa paskuwa ng dalawang libo at animnaraang tupa at mga kambing at tatlong daang toro.
9 Gayundin sina Conanias, Shemaya, si Natanael na kanyang mga kapatid, at si Hashabias, Jeiel, at Josabad, na mga pinuno ng mga Levita, ay nagbigay sa mga Levita ng mga handog sa paskuwa ng limang libong tupa at kambing, at limang daang toro.
10 Nang nakapaghanda na para sa paglilingkod, ang mga pari ay nagsitayo sa kanilang lugar, at ang mga Levita ayon sa kanilang mga pangkat ayon sa utos ng hari.
11 Kanilang kinatay ang kordero ng paskuwa, at iwinisik ng mga pari ang dugo na kanilang tinanggap mula sa kanila samantalang binabalatan ng mga Levita ang mga hayop.
12 At kanilang ibinukod ang mga handog na sinusunog, upang kanilang maipamahagi ang mga iyon ayon sa mga pangkat ng mga sambahayan ng mga ninuno ng taong-bayan, upang ihandog sa Panginoon, gaya ng nakasulat sa aklat ni Moises. At gayundin ang ginawa nila sa mga toro.
13 Kanilang(I) inihaw ang kordero ng paskuwa sa apoy ayon sa batas; at ang mga banal na handog ay kanilang nilaga sa mga palayok, sa mga kaldero, at sa mga kawali, at mabilis na dinala sa lahat ng taong-bayan.
14 Pagkatapos ay naghanda sila para sa kanilang sarili at sa mga pari; sapagkat ang mga pari na mga anak ni Aaron ay abala sa paghahandog ng mga handog na sinusunog at ng taba hanggang sa kinagabihan. Kaya't ang mga Levita ay naghanda para sa kanilang sarili at sa mga pari na mga anak ni Aaron.
15 Ang(J) mga mang-aawit na mga anak ni Asaf ay nasa kanilang lugar, ayon sa utos nina David, Asaf, Heman, at ni Jedutun na propeta ng hari. Ang mga bantay-pinto ay nasa bawat pintuan. Hindi na sila kailangang umalis sa kanilang paglilingkod, sapagkat ipinaghanda sila ng kanilang mga kapatid na mga Levita.
16 Kaya't ang lahat ng paglilingkod sa Panginoon ay naihanda nang araw na iyon, upang ipagdiwang ang paskuwa at upang mag-alay ng mga handog na sinusunog sa ibabaw ng dambana ng Panginoon, ayon sa utos ni Haring Josias.
17 Ang(K) mga anak ni Israel na naroroon ay nagdiwang ng paskuwa nang panahong iyon, at ng kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa sa loob ng pitong araw.
18 Walang paskuwa na gaya nito ang ipinagdiwang sa Israel mula sa mga araw ni propeta Samuel. Walang sinuman sa mga hari ng Israel ang nagdiwang ng gayong paskuwa na gaya ng ipinagdiwang ni Josias, ng mga pari, ng mga Levita, ng buong Juda at Israel na naroroon, at ng mga naninirahan sa Jerusalem.
19 Nang ikalabingwalong taon ng paghahari ni Josias ipinagdiwang ang paskuwang ito.
Ang Katapusan ng Paghahari ni Josias(L)
20 Pagkatapos ng lahat ng ito, nang maihanda ni Josias ang templo, si Neco na hari ng Ehipto ay umahon upang makipaglaban sa Carquemis sa Eufrates at si Josias ay lumabas laban sa kanya.
21 Ngunit siya'y nagsugo ng mga sugo sa kanya, na ipinasasabi, “Anong pakialam natin sa isa't isa, ikaw na hari ng Juda? Ako'y hindi dumarating laban sa iyo sa araw na ito, kundi laban sa sambahayan na aking dinidigma, at iniutos sa akin ng Diyos na ako'y magmadali. Tumigil ka sa pagsalungat sa Diyos na siyang kasama ko, baka puksain ka niya.”
22 Gayunma'y ayaw siyang iwan ni Josias, sa halip ay nagbalatkayo siya upang labanan siya. Hindi siya nakinig sa mga salita ni Neco na mula sa bibig ng Diyos, kundi sumamang nakipaglaban sa kapatagan ng Megido.
23 Pinana ng mga mamamana si Haring Josias: at sinabi ng hari sa kanyang mga lingkod, “Ilabas ninyo ako; sapagkat ako'y malubhang nasugatan.”
24 Kaya't inalis siya ng kanyang mga lingkod sa karwahe at dinala siya sa kanyang ikalawang karwahe at dinala siya sa Jerusalem. Siya'y namatay at inilibing sa libingan ng kanyang mga ninuno. Ang buong Juda at Jerusalem ay tumangis kay Josias.
25 Iniyakan din ni Jeremias si Josias; at ang lahat ng mang-aawit na lalaki at babae ay nagsalita tungkol kay Josias sa kanilang mga panaghoy hanggang sa araw na ito. Ginawa nila itong isang tuntunin sa Israel at ang mga ito ay nakasulat sa Mga Panaghoy.
26 Ang iba pa sa mga ginawa ni Josias at ang kanyang mabubuting gawa, ayon sa nakasulat sa kautusan ng Panginoon,
27 at ang kanyang mga gawa, ang una at huli ay nakasulat sa Aklat ng mga Hari ng Israel at Juda.
Si Haring Jehoahaz ng Juda(M)
36 Kinuha ng mga tao ng lupain si Jehoahaz na anak ni Josias at ginawa siyang hari na kapalit ng kanyang ama sa Jerusalem.
2 Si Jehoahaz ay dalawampu't tatlong taong gulang nang siya'y nagsimulang maghari; at siya'y naghari ng tatlong buwan sa Jerusalem.
3 Pagkatapos ay pinaalis siya sa Jerusalem ng hari ng Ehipto at pinagbuwis ang lupain ng isandaang talentong pilak at ng isang talentong ginto.
4 At(N) ginawa ng hari ng Ehipto bilang hari sa Juda si Eliakim na kanyang kapatid, at pinalitan ang kanyang pangalan ng Jehoiakim; ngunit kinuha ni Neco si Jehoahaz na kanyang kapatid, at kanyang dinala siya sa Ehipto.
Si Haring Jehoiakim ng Juda(O)
5 Si(P) Jehoiakim ay dalawampu't limang taong gulang nang siya'y nagsimulang maghari at siya'y naghari ng labing-isang taon sa Jerusalem. Kanyang ginawa ang masama sa paningin ng Panginoon niyang Diyos.
6 Laban(Q) sa kanya ay umahon si Nebukadnezar na hari ng Babilonia, at ginapos siya ng tanikala, upang dalhin siya sa Babilonia.
7 Dinala rin ni Nebukadnezar ang ilan sa mga kagamitan sa bahay ng Panginoon sa Babilonia at inilagay ang mga iyon sa kanyang palasyo sa Babilonia.
8 Ang iba pa sa mga gawa ni Jehoiakim, at ang mga karumaldumal na kanyang ginawa, at ang natagpuan laban sa kanya ay nakasulat sa Aklat ng mga Hari ng Israel at Juda. At si Jehoiakin na kanyang anak ay naghari na kapalit niya.
Si Haring Jehoiakin ng Juda(R)
9 Si Jehoiakin ay walong taong gulang nang siya'y nagsimulang maghari, at siya'y naghari ng tatlong buwan at sampung araw sa Jerusalem. At kanyang ginawa ang masama sa paningin ng Panginoon.
10 Sa(S) tagsibol ng taon, si Nebukadnezar ay nagsugo at dinala siya sa Babilonia, pati ang mahahalagang kagamitan sa bahay ng Panginoon at si Zedekias na kanyang kapatid ay ginawang hari ng Juda at Jerusalem.
Si Haring Zedekias ng Juda(T)
11 Si(U) Zedekias ay dalawampu't isang taong gulang nang siya'y nagsimulang maghari; at siya'y naghari ng labing-isang taon sa Jerusalem.
12 Kanyang ginawa ang masama sa paningin ng Panginoon niyang Diyos; siya'y hindi nagpakababa sa harapan ni propeta Jeremias na nagsalita mula sa bibig ng Panginoon.
Ang Pagbagsak ng Jerusalem(V)
13 Naghimagsik(W) din siya laban kay Haring Nebukadnezar, na siyang nagpasumpa sa kanya sa pangalan ng Diyos, ngunit pinapagmatigas niya ang kanyang leeg at pinapagmatigas niya ang kanyang puso laban sa panunumbalik sa Panginoon, ang Diyos ng Israel.
14 Bukod dito'y lahat ng mga namumunong pari at ang taong-bayan ay gumawa ng maraming paglabag at sumusunod sa lahat ng karumaldumal ng mga bansa. Kanilang dinumihan ang bahay ng Panginoon na kanyang itinalaga sa Jerusalem.
15 At ang Panginoon, ang Diyos ng kanilang mga ninuno ay paulit-ulit na nagsugo sa kanila sa pamamagitan ng kanyang mga sugo, sapagkat siya'y may habag sa kanyang bayan, at sa kanyang tahanang dako.
16 Ngunit patuloy nilang tinuya ang mga sugo ng Diyos, hinahamak ang kanyang mga salita, at nililibak ang kanyang mga propeta, hanggang sa ang poot ng Panginoon ay tumindi laban sa kanyang bayan, hanggang sa wala nang lunas.
17 Kaya't(X) dinala niya sa kanila ang hari ng mga Caldeo, na siyang pumatay sa kanilang mga kabataang lalaki sa pamamagitan ng tabak sa bahay ng kanilang santuwaryo, at hindi naawa sa binata o sa dalaga, sa matanda o sa may uban. Kanyang ibinigay silang lahat sa kanyang kamay.
18 Lahat ng mga kagamitan sa bahay ng Diyos, malaki at maliit, ang mga kayamanan sa bahay ng Panginoon, at ang mga kayamanan ng hari at ng kanyang mga pinuno ay dinala niyang lahat sa Babilonia.
19 At(Y) sinunog nila ang bahay ng Diyos, at giniba ang pader ng Jerusalem, at sinunog sa apoy ang lahat ng mga palasyo nito at sinira ang lahat ng mahahalagang sisidlan nito.
20 Kanyang dinalang-bihag sa Babilonia ang mga nakatakas sa tabak, at sila'y naging alipin niya at ng kanyang mga anak hanggang sa pagkatatag ng kaharian ng Persia,
21 upang(Z) matupad ang salita ng Panginoon sa pamamagitan ng bibig ni Jeremias, hanggang sa matamasa ng lupain ang mga Sabbath nito. Sa lahat ng mga araw na ito ay naiwang wasak, ito ay nangilin ng Sabbath, upang ganapin ang pitumpung taon.
Pinabalik ni Ciro ang mga Judio(AA)
22 Sa unang taon ni Ciro na hari ng Persia, upang ang salita ng Panginoon sa pamamagitan ng bibig ni Jeremias ay maganap, kinilos ng Panginoon ang espiritu ni Ciro na hari ng Persia, kaya't siya'y nagpahayag sa kanyang buong kaharian, at ito ay kanya ring isinulat.
23 “Ganito(AB) ang sabi ni Ciro na hari ng Persia, ‘Lahat ng kaharian sa lupa ay ibinigay sa akin ng Panginoon, ang Diyos ng langit. Kanyang inatasan ako na ipagtayo siya ng isang bahay sa Jerusalem, na nasa Juda. Sinuman sa inyo ang kabilang sa kanyang buong bayan, sumakanya nawa ang Panginoon niyang Diyos! Hayaan siyang umahon.’”
19 Pagkatapos ay kinuha ni Pilato si Jesus at siya'y hinagupit.
2 Ang mga kawal ay gumawa ng isang koronang tinik, ipinatong sa kanyang ulo, at siya'y sinuotan ng isang balabal na kulay-ube.
3 Sila'y lumapit sa kanya, na nagsasabi, “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!” At siya'y kanilang pinagsusuntok.
4 Si Pilato ay muling lumabas at sa kanila'y sinabi, “Tingnan ninyo, ilalabas ko siya sa inyo upang inyong malaman na wala akong nakitang anumang kasalanan sa kanya.”
5 Lumabas nga si Jesus, na may koronang tinik at balabal na kulay-ube. Sinabi ni Pilato sa kanila, “Narito ang tao!”
6 Nang siya ay makita ng mga punong pari at ng mga punong-kawal, sila'y nagsigawan, “Ipako siya sa krus, ipako siya sa krus!” Sinabi sa kanila ni Pilato, “Kunin ninyo siya, at ipako ninyo siya sa krus, sapagkat ako'y walang nakitang kasalanan sa kanya.”
7 Sumagot sa kanya ang mga Judio, “Kami'y mayroong isang kautusan, at ayon sa kautusang iyon ay dapat siyang mamatay, sapagkat inaangkin niya na siya ay Anak ng Diyos.”
8 Nang marinig ni Pilato ang salitang ito ay lalo siyang natakot.
9 Siya'y muling pumasok sa palasyo ng gobernador, at sinabi kay Jesus, “Taga-saan ka?” Ngunit hindi siya sinagot ni Jesus.
10 Kaya't sinabi sa kanya ni Pilato, “Ayaw mong makipag-usap sa akin? Hindi mo ba alam na ako'y may kapangyarihang ikaw ay pakawalan at may kapangyarihang ikaw ay ipako sa krus?”
11 Sumagot si Jesus sa kanya, “Hindi ka magkakaroon ng anumang kapangyarihan laban sa akin malibang ito'y ibinigay sa iyo mula sa itaas. Kaya't ang nagdala sa akin sa iyo ay may mas malaking kasalanan.”
12 Mula noo'y sinikap ni Pilato na siya'y pakawalan. Ngunit ang mga Judio ay nagsisigawang, “Kung pakakawalan mo ang taong ito ay hindi ka kaibigan ni Cesar.[a] Ang bawat nag-aangkin na siya'y hari ay nagsasalita ng laban kay Cesar.”
13 Nang marinig ni Pilato ang mga salitang ito ay inilabas niya si Jesus, at siya'y naupo sa hukuman sa dakong tinatawag na Plataporma (sa Hebreo ay Gabbatha).
14 Noon ay Paghahanda ng Paskuwa, at noo'y mag-iikaanim na oras.[b] Sinabi niya sa mga Judio, “Narito ang inyong Hari!”
15 Sila'y nagsigawan, “Ilayo siya, ilayo siya, ipako siya sa krus!” Sinabi sa kanila ni Pilato, “Ipapako ko ba sa krus ang inyong Hari?” Sumagot ang mga punong pari, “Wala kaming hari liban kay Cesar.”
Ipinako si Jesus sa Krus(A)
16 At ibinigay ni Pilato[c] si Jesus[d] sa kanila upang maipako sa krus.
17 Kinuha nila si Jesus, at siya'y lumabas na pasan niya ang krus, patungo sa tinatawag na Pook ng Bungo, na sa wikang Hebreo ay tinatawag na Golgota.
18 Doon ay kanilang ipinako siya at kasama niya ang dalawa pa, isa sa bawat tagiliran, at sa gitna nila ay si Jesus.
19 Sumulat din si Pilato ng isang pamagat, at inilagay sa itaas ng krus. At ang nakasulat ay “Jesus na Taga-Nazaret, ang Hari ng mga Judio.”
20 Marami sa mga Judio ang nakabasa ng pamagat na ito, sapagkat ang dakong pinagpakuan kay Jesus ay malapit sa lunsod, at ito'y isinulat sa Hebreo, sa Latin, at sa Griyego.
21 Kaya't sinabi kay Pilato ng mga punong pari ng mga Judio, “Huwag mong isulat, ‘Ang Hari ng mga Judio,’ kundi, ‘Sinasabi ng taong ito, Ako ang Hari ng mga Judio.’”
22 Sumagot si Pilato, “Ang naisulat ko ay naisulat ko na.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001