Old/New Testament
Natalo ng mga Judio ang Kanilang Kaaway
9 Sa ikalabintatlong araw ng ikalabindalawang buwan, na siyang buwan ng Adar, nang ang utos at pasiya ng hari ay malapit nang ipatupad, nang araw na iyon na inaasahan ng mga kaaway ng mga Judio na makapaghari sila sa kanila, ngunit ito ay binago upang maging araw na ang mga Judio ang siyang maghahari sa kanilang mga kaaway,
2 ang mga Judio ay nagtipun-tipon sa kanilang mga lunsod sa lahat ng lalawigan ni Haring Ahasuerus, upang patayin ang mga naghahangad ng kanilang kapahamakan. Walang makatalo sa kanila, sapagkat ang pagkatakot sa kanila ay dumating sa lahat ng mga tao.
3 Lahat ng mga pinuno ng mga lalawigan, mga gobernador, mga tagapamahala, at ang mga pinuno ng kaharian, ay tumulong sa mga Judio; sapagkat ang takot kay Mordecai ay dumating sa kanila.
4 Sapagkat si Mordecai ay makapangyarihan sa bahay ng hari, at ang kanyang katanyagan ay lumaganap sa lahat ng mga lalawigan, sapagkat ang lalaking si Mordecai ay lalo pang naging makapangyarihan.
5 Kaya't pinagpapatay ng mga Judio ang lahat ng kanilang mga kaaway sa pamamagitan ng tabak at pinuksa sila, at ginawa ang maibigan nila sa mga napopoot sa kanila.
6 At sa kabisera ng Susa ay pumatay at pumuksa ang mga Judio ng limang daang lalaki,
7 at pinatay rin sina Forsandata, Dalfon, Asfata,
8 Forata, Ahalia, Aridata,
9 Farmasta, Arisai, Aridai, at Vaizata,
10 na sampung anak ni Haman, na anak ni Amedata, na kaaway ng mga Judio; ngunit hindi nila ginalaw ang mga samsam.
11 Nang araw na iyon ang bilang ng napatay sa kabisera ng Susa ay iniulat sa hari.
12 At sinabi ng hari kay Reyna Esther; “Sa Susa na kabisera, ang mga Judio ay pumatay ng limang daang lalaki at ng sampung anak ni Haman. Ano kaya ang kanilang ginawa sa ibang mga lalawigan ng hari? Ngayon, ano pa ang iyong pakiusap? Ipagkakaloob sa iyo. Ano pa ang iyong kahilingan? Iyon ay gagawin.”
13 Nang magkagayo'y sinabi ni Esther, “Kung ikalulugod ng hari, ipahintulot sa mga Judio na nasa Susa na gawin din bukas ang ayon sa utos sa araw na ito, at ang sampung anak ni Haman ay ibitin sa bitayan.”
14 At iniutos ng hari na ito ay gawin; ang utos ay ipinalabas sa Susa, at ang sampung anak ni Haman ay ibinitin.
15 Ang mga Judio na nasa Susa ay nagtipon din nang ikalabing-apat na araw ng buwan ng Adar, at kanilang pinatay ang tatlong daang lalaki sa Susa ngunit hindi nila ginalaw ang mga samsam.
16 At ang ibang mga Judio na nasa mga lalawigan ng hari ay nagtipon din upang ipagsanggalang ang kanilang buhay, at nagkaroon ng kapahingahan sa kanilang mga kaaway, at pumatay ng pitumpu't limang libo sa mga napopoot sa kanila, ngunit hindi nila ginalaw ang mga samsam.
17 Ito'y nang ikalabintatlong araw ng buwan ng Adar, at nang ikalabing-apat na araw ay nagpahinga sila, at ginawang araw ng kapistahan at kasayahan.
18 Ngunit ang mga Judio na nasa Susa ay nagtipon nang ikalabintatlo at ikalabing-apat na araw; at nang ikalabinlimang araw ay nagpahinga sila, at ginawa iyon na araw ng kapistahan at kasayahan.
19 Kaya't ipinagdiwang ng mga Judio sa mga nayon na naninirahan sa mga bayang walang pader ang ikalabing-apat na araw ng buwan ng Adar bilang araw ng kasayahan at kapistahan. Sa araw na iyon ay nagpadala sila ng handog na pagkain para sa isa't isa.
Ang Pista ng Purim ay Ginawa
20 Itinala ni Mordecai ang mga bagay na ito, at nagpadala ng mga sulat sa lahat ng Judio, na nasa lahat ng lalawigan ni Haring Ahasuerus, sa malapit at gayundin sa malayo,
21 na ipinagbilin sa kanila na kanilang ipagdiwang ang ikalabing-apat na araw ng buwan ng Adar, at ang ikalabinlima niyon, taun-taon,
22 bilang mga araw na nagkaroon ng kapahingahan ang mga Judio sa kanilang mga kaaway, at ang buwan na ang kapanglawan ay naging kasayahan para sa kanila, at mula sa pagtangis ay naging mga araw ng kapistahan. Gagawin nila ang mga iyon na mga araw ng pagsasaya at kagalakan, mga araw para sa pagdadala ng mga piling bahagi ng handog na pagkain para sa isa't isa at kaloob para sa mga dukha.
23 At ginawang kaugalian ng mga Judio ang bagay na kanilang sinimulan, at gaya ng isinulat ni Mordecai sa kanila.
24 Si(A) Haman na anak ni Amedata na Agageo, na kaaway ng lahat na Judio ay nagbalak laban sa mga Judio upang lipulin sila, at pinagpalabunutan ang Pur, upang durugin, at lipulin sila.
25 Ngunit nang si Esther ay humarap sa hari, siya ay nagbigay ng utos na nakasulat na ang kanyang masamang balak laban sa mga Judio ay mauwi sa kanyang sariling ulo; at siya at ang kanyang mga anak ay dapat ibitin sa bitayan.
26 Kaya't kanilang tinawag ang mga araw na ito na Purim, ayon sa katagang Pur. Iyon ay dahil sa lahat ng nakasulat sa sulat na ito, at dahil sa naranasan nila sa bagay na ito, at dahil sa lahat ng dumating sa kanila,
27 ang mga Judio ay nagpasiya at nangako sa kanilang sarili at sa kanilang mga anak, at sa lahat ng umanib sa kanila, na walang pagsalang kanilang ipagdiriwang ang dalawang araw na ito ayon sa nakasulat, at ayon sa panahong itinakda taun-taon.
28 Ang mga araw na ito ay aalalahanin at ipagdiriwang ng bawat salinlahi, sa bawat angkan, lalawigan, at lunsod. At ang mga araw na ito ng Purim ay hindi lilipas sa mga Judio, o ang alaala man sa mga iyon ay lilipas sa kanilang mga anak.
29 Nang magkagayo'y si Reyna Esther na anak ni Abihail, at si Mordecai na Judio, ay nagbigay ng buong nakasulat na kapamahalaan, upang pagtibayin ang ikalawang sulat tungkol sa Purim.
30 Ang sulat ay ipinadala sa lahat ng mga Judio, sa isandaan at dalawampu't pitong lalawigan ng kaharian ni Ahasuerus, na may mga salita ng kapayapaan at katotohanan,
31 na ang mga araw na ito ng Purim ay ipagdiwang sa kanilang mga takdang panahon, ayon sa ibinilin sa mga Judio nina Mordecai na Judio at ni Reyna Esther, at ayon sa kanilang ipinasiya sa kanilang sarili at para sa kanilang mga anak, tungkol sa kanilang mga pag-aayuno at pagdaing.
32 At pinagtibay ng utos ni Reyna Esther ang mga kaugaliang ito ng Purim, at iyon ay itinala.
Ang Kadakilaan ni Mordecai
10 Si Haring Ahasuerus ay nagpataw ng buwis sa lupain at sa mga baybayin ng dagat.
2 At lahat ng mga gawa ng kanyang kapangyarihan at kalakasan, at ang buong kasaysayan ng mataas na karangalan ni Mordecai na ibinigay sa kanya ng hari, hindi ba nakasulat sa Aklat ng mga Kasaysayan ng mga Hari ng Media at Persia?
3 Sapagkat si Mordecai na Judio ay pangalawa kay Haring Ahasuerus, at siya ay makapangyarihan sa gitna ng mga Judio at bantog sa karamihan ng kanyang mga kamag-anak, sapagkat inuna niya ang kapakanan ng kanyang bayan, at namagitan para sa ikabubuti ng lahat niyang mga kababayan.
Nangaral si Esteban
7 Sinabi ng pinakapunong pari, “Totoo ba ang mga bagay na ito?”
2 At(A) sumagot si Esteban, “Mga ginoo, mga kapatid, at mga magulang, makinig kayo. Ang Diyos ng kaluwalhatian ay nagpakita kay Abraham na ating ama noong siya'y nasa Mesopotamia, bago siya nanirahan sa Haran.
3 Sinabi sa kanya, ‘Iwan mo ang iyong lupain at ang iyong mga kamag-anak at pumunta ka sa lupaing ipapakita ko sa iyo.’
4 Nang(B) magkagayo'y umalis siya sa lupain ng mga Caldeo at nanirahan sa Haran. At mula roon, pagkamatay ng kanyang ama, ay inilipat siya ng Diyos sa lupain na inyong tinitirhan ngayon.
5 Hindi(C) siya binigyan ng anuman doon bilang mana, kahit man lamang isang hakbang na lupa. Subalit ipinangakong ibibigay iyon sa kanya bilang ari-arian niya at sa kanyang mga anak[a] na susunod sa kanya bagaman wala pa siyang anak.
6 Ganito(D) ang sinabi ng Diyos, na ang kanyang binhi ay maninirahan sa lupain ng iba, at sila'y magiging alipin nila at aapihin nang apatnaraang taon.
7 ‘At(E) ang bansang aalipin sa kanila ay aking hahatulan,’ sabi ng Diyos. ‘Pagkatapos ng mga bagay na ito ay lalabas sila at sasambahin nila ako sa dakong ito.’
8 Pagkatapos(F) ay ibinigay niya sa kanya ang tipan ng pagtutuli. Kaya't si Abraham[b] ay naging ama ni Isaac, at ito'y tinuli nang ikawalong araw; at si Isaac ay naging ama ni Jacob, at si Jacob ng labindalawang patriyarka.
9 “Ang(G) mga patriyarka, dahil sa inggit kay Jose ay ipinagbili siya sa Ehipto, ngunit ang Diyos ay kasama niya.
10 Siya'y(H) iniligtas sa lahat ng kanyang kapighatian, at binigyan siya ng biyaya at karunungan sa harapan ng Faraon na hari ng Ehipto; at kanyang pinili siya upang mamahala sa Ehipto at sa buong bahay niya.
11 Dumating(I) noon ang taggutom sa buong Ehipto at sa Canaan, at nagkaroon ng malaking kahirapan, at walang matagpuang pagkain ang ating mga ninuno.
12 Ngunit nang mabalitaan ni Jacob na may trigo sa Ehipto, sinugo niyang una ang ating mga ninuno.
13 At(J) sa ikalawang pagdalaw ay nagpakilala si Jose sa kanyang mga kapatid at nakilala ng Faraon ang pamilya ni Jose.
14 Pagkatapos(K) ay nagsugo si Jose, inanyayahan niya si Jacob na kanyang ama, at ang lahat niyang kamag-anak na pitumpu't limang katao.
15 Kaya't(L) nagtungo si Jacob sa Ehipto. Doon ay namatay siya at ang ating mga ninuno.
16 Sila'y(M) ibinalik sa Shekem at inilagay sa libingang binili ni Abraham sa halaga ng pilak mula sa mga anak ni Hamor sa Shekem.
17 “Ngunit(N) nang nalalapit na ang panahong ipinangako ng Diyos kay Abraham, ang ating sambayanan ay lumago at dumami sa Ehipto,
18 hanggang sa lumitaw ang isang hari sa Ehipto na hindi nakakakilala kay Jose.
19 Pinagsamantalahan(O) nito ang ating bansa at pinilit ang ating mga ninuno na itapon ang kanilang mga sanggol upang mamatay[c] ang mga iyon.
20 Nang(P) panahong ito, si Moises ay ipinanganak at siya'y kasiya-siya sa Diyos. Siya'y inalagaan ng tatlong buwan sa bahay ng kanyang ama.
21 Nang(Q) siya'y itapon, inampon siya ng anak na babae ng Faraon, at siya'y inalagaang gaya ng sariling anak niya.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001