Old/New Testament
10 Yaong mga naglagay ng kanilang tatak ay sina Nehemias na tagapamahala, na anak ni Hachalias, at si Zedekias,
2 Seraya, Azarias, Jeremias,
3 Pashur, Amarias, Malkia,
4 Hatus, Sebanias, Malluc,
5 Harim, Meremot, Obadias,
6 si Daniel, Gineton, Baruc,
7 Mesulam, Abias, Mijamin,
8 Maasias, Bilgai at si Shemaya: ang mga ito'y mga pari.
9 Ang mga Levita: sina Jeshua na anak ni Azanias, si Binui sa mga anak ni Henadad, si Cadmiel,
10 at ang kanilang mga kapatid na sina Sebanias, Hodias, Kelita, Pelaia, Hanan,
11 Mica, Rehob, Hashabias,
12 Zacur, Sherebias, Sebanias,
13 Hodias, Bani, at si Beninu.
14 Ang mga puno ng bayan: sina Paros, Pahat-moab, Elam, Zatu, Bani,
15 Buni, Azgad, Bebai,
16 Adonias, Bigvai, Adin,
17 Ater, Hezekias, Azur,
18 Hodias, Hasum, Bezai,
19 Arif, Anatot, Nebai,
20 Magpias, Mesulam, Hezir,
21 Mesezabel, Zadok, Jadua,
22 Pelatias, Hanan, Anaias,
23 Hosheas, Hananias, Hashub,
24 Hallohes, Pilha, Sobec,
25 Rehum, Hasabna, si Maasias,
26 Ahijas, Hanan, Anan,
27 Malluc, Harim, at si Baana.
Ang Kasunduan
28 At ang iba pa sa taong-bayan, ang mga pari, mga Levita, mga bantay-pinto, mga mang-aawit, mga lingkod sa templo, at lahat ng humiwalay sa mga mamamayan ng mga lupain sa kautusan ng Diyos, ang kanilang mga asawa, ang kanilang mga anak na lalaki at babae, lahat ng may kaalaman at pagkaunawa,
29 ay sumama sa kanilang mga kapatid, sa kanilang mga maharlika, at nanumpa na may panata na lalakad sa kautusan ng Diyos na ibinigay sa pamamagitan ni Moises na lingkod ng Diyos, at upang ganapin at gawin ang lahat ng utos ng Panginoon na aming Panginoon, at ang kanyang mga batas at mga tuntunin.
30 Hindi(A) ibibigay ang aming mga anak na babae sa mga mamamayan ng lupain, o papag-aasawahin man ang kanilang mga anak na babae sa aming mga anak na lalaki.
31 Kung(B) ang mga mamamayan ng lupain ay magdala ng mga kalakal o ng anumang butil sa araw ng Sabbath upang ipagbili, kami ay hindi bibili sa kanila sa Sabbath, o sa isang banal na araw. Aming hahayaan ang mga anihin sa ikapitong taon at ang pagsingil ng bawat utang.
32 Ipinapataw(C) din namin sa aming sarili ang katungkulang singilin ang aming sarili sa taun-taon ng ikatlong bahagi ng isang siklo para sa paglilingkod sa bahay ng aming Diyos:
33 para sa tinapay na handog, sa patuloy na handog na butil, sa patuloy na handog na sinusunog, sa mga Sabbath, sa mga bagong buwan, sa mga takdang kapistahan, sa mga banal na bagay, at sa mga handog pangkasalanan upang itubos sa Israel at sa lahat ng gawain sa bahay ng aming Diyos.
34 Kami ay nagpalabunutan din na kasama ang mga pari, mga Levita, at ang taong-bayan, para sa kaloob na panggatong upang dalhin ito sa bahay ng aming Diyos, ayon sa mga sambahayan ng aming mga ninuno sa mga panahong itinakda, taun-taon, upang sunugin sa ibabaw ng dambana ng Panginoon naming Diyos, gaya ng nakasulat sa kautusan.
35 Itinatakda(D) namin sa aming sarili na dalhin ang mga unang bunga ng aming lupa at ang mga unang bunga ng lahat ng bunga ng bawat punungkahoy, taun-taon, sa bahay ng Panginoon;
36 at(E) upang dalhin din sa bahay ng aming Diyos, sa mga pari na nangangasiwa sa bahay ng aming Diyos, ang panganay sa aming mga anak na lalaki at ng aming hayop, gaya ng nakasulat sa kautusan, at ang mga panganay ng aming bakahan at ng aming mga kawan;
37 at(F) upang aming dalhin ang mga unang bahagi ng aming harina, ang aming mga ambag, ang bunga ng bawat punungkahoy, ang alak at ang langis, sa mga pari, sa mga silid ng bahay ng aming Diyos; at upang dalhin ang mga ikasampung bahagi ng aming lupa sa mga Levita; sapagkat ang mga Levita ang lumilikom ng mga ikasampung bahagi sa lahat ng aming mga bayan sa kabukiran.
38 Ang(G) pari na anak ni Aaron ay sasama sa mga Levita kapag tumatanggap ang mga Levita ng mga ikasampung bahagi. At iaakyat ng mga Levita ang ikasampung bahagi ng mga ikasampung bahagi sa bahay ng aming Diyos, sa mga silid ng bahay-imbakan.
39 Sapagkat dadalhin ng mga anak ni Israel at ng mga anak ni Levi ang mga handog na trigo, alak, at langis sa mga silid na kinaroroonan ng mga sisidlan ng santuwaryo, at ng mga pari na nangangasiwa at ng mga bantay-pinto at mga mang-aawit. Hindi namin pababayaan ang bahay ng aming Diyos.
Ang mga Taong Nanirahan sa Jerusalem
11 Ang mga pinuno ng bayan ay nanirahan sa Jerusalem; at ang iba naman sa taong-bayan ay nagpalabunutan upang kunin ang isa sa bawat sampu na maninirahan sa Jerusalem, na lunsod na banal, habang ang siyam na bahagi ay nanatili sa ibang mga bayan.
2 Binasbasan ng taong-bayan ang lahat ng mga lalaki na nagkusang tumira sa Jerusalem.
3 Ang(H) mga ito ang mga puno sa lalawigan na nanirahan sa Jerusalem; ngunit sa bayan ng Juda ay nanirahan ang bawat isa sa kanya-kanyang ari-arian sa kanilang mga bayan: ang Israel, mga pari, mga Levita, mga lingkod sa templo, at ang mga anak ng mga lingkod ni Solomon.
4 Sa Jerusalem ay nanirahan ang ilan sa mga anak ni Juda at sa mga anak ni Benjamin. Sa mga anak ni Juda: si Ataias na anak ni Uzias, na anak ni Zacarias, na anak ni Amarias, na anak ni Shefatias na anak ni Mahalalel, sa mga anak ni Perez;
5 at si Maasias na anak ni Baruc, na anak ni Colhoze, na anak ni Hazaias, na anak ni Adaya, na anak ni Joiarib, na anak ni Zacarias, na anak ng Shilonita.
6 Ang lahat ng mga anak ni Perez na nanirahan sa Jerusalem ay apatnaraan at animnapu't walong matatapang na mandirigma.
7 At ang mga ito ang mga anak ni Benjamin: si Sallu na anak ni Mesulam, na anak ni Joed, na anak ni Pedaya, na anak ni Kolaias, na anak ni Maasias, na anak ni Ithiel, na anak ni Jeshaias.
8 Kasunod niya ay si Gabai, si Sallai, na siyamnaraan at dalawampu't walo.
9 At si Joel na anak ni Zicri ang kanilang tagapamahala; at si Juda na anak ni Hasenua ang pangalawa sa lunsod.
10 Sa mga pari: sina Jedias na anak ni Joiarib, Jakin,
11 Seraya na anak ni Hilkias, na anak ni Mesulam, na anak ni Zadok, na anak ni Meraiot, na anak ni Ahitub, na pinuno sa bahay ng Diyos,
12 at ang kanilang mga kapatid na nagsigawa ng gawain sa bahay, walong daan at dalawampu't dalawa; at si Adaya na anak ni Jeroham, na anak ni Pelalias, na anak ni Amsi, na anak ni Zacarias, na anak ni Pashur, na anak ni Malkia,
13 at ang kanyang mga kapatid, na mga puno sa mga sambahayan ng mga ninuno, dalawandaan at apatnapu't dalawa; at si Amasai na anak ni Azarel, na anak ni Azai, na anak ni Mesillemot, na anak ni Imer,
14 at ang kanilang mga kapatid, matatapang na mandirigma, isandaan at dalawampu't walo; at ang kanilang tagapamahala ay si Zabdiel na anak ni Hagedolim.
15 At sa mga Levita: si Shemaya na anak ni Hashub, na anak ni Azricam, na anak ni Hashabias, na anak ni Buni;
16 at si Sabetai at si Jozabad, sa mga pinuno ng mga Levita, na silang namahala sa mga gawain sa labas sa bahay ng Diyos;
17 at si Matanias, na anak ni Mica, na anak ni Zabdi, na anak ni Asaf, na siyang pinuno upang pasimulan ang pagpapasalamat sa panalangin, at si Bakbukias, ang ikalawa sa kanyang mga kapatid; at si Abda na anak ni Samua, na anak ni Galal, na anak ni Jedutun.
18 Lahat ng mga Levita sa lunsod na banal ay dalawandaan at walumpu't apat.
19 Ang mga bantay-pinto na sina Akub, Talmon, at ang kanilang mga kapatid, na nagbabantay sa mga pintuan ay isandaan at pitumpu't dalawa.
20 At ang iba pa sa Israel, sa mga pari, at sa mga Levita ay nasa lahat ng mga bayan ng Juda, bawat isa'y sa kanya-kanyang mana.
21 Ngunit ang mga lingkod sa templo ay tumira sa Ofel; at sina Ziha at Gispa ay namuno sa mga lingkod sa templo.
22 Ang tagapamahala sa mga Levita na nasa Jerusalem ay si Uzi na anak ni Bani, na anak ni Hashabias, na anak ni Matanias, na anak ni Mica, sa mga anak ni Asaf, na mga mang-aawit, na nasa mga gawain sa bahay ng Diyos.
23 Sapagkat may utos mula sa hari tungkol sa kanila, at takdang panustos para sa mga mang-aawit, ayon sa kailangan sa bawat araw.
24 At si Petaya na anak ni Mesezabel, sa mga anak ni Zera na anak ni Juda, ay nasa kapangyarihan ng hari sa lahat ng mga bagay na tungkol sa mga tao.
Ang mga Tao sa Iba Pang mga Bayan at Lunsod
25 At tungkol sa mga nayon, pati ang kanilang mga bukid, ang ilan sa mga anak ni Juda ay nanirahan sa Kiryat-arba at sa mga nayon nito, at sa Dibon at sa mga nayon nito, at sa Jecabzeel at sa mga nayon nito;
26 at sa Jeshua, Molada, at Bet-pelet;
27 sa Hazarshual, sa Beer-seba, at sa mga nayon nito;
28 sa Siclag, Mecona, at sa mga nayon nito;
29 sa Enrimmon, Sora, at sa Jarmut;
30 sa Zanoa, sa Adullam, at sa mga nayon nito, sa Lakish at sa mga parang nito, sa Azeka at sa mga nayon nito. Gayon sila nagkampo mula sa Beer-seba hanggang sa libis ng Hinom.
31 Ang mga anak ni Benjamin ay nanirahan din mula sa Geba, hanggang sa Mikmas, Aia, at sa Bethel at sa mga nayon nito;
32 sa Anatot, Nob, at sa Ananias;
33 sa Hazor, Rama, Gitaim;
34 Hadid, Zeboim, Neballat;
35 Lod, at sa Ono na libis ng mga manggagawa.
36 Ilan sa mga pangkat ng Levita sa Juda ay isinama sa Benjamin.
Humarap sina Pedro at Juan sa Sanhedrin
4 Habang si Pedro at si Juan[a] ay nagsasalita pa sa taong-bayan, lumapit sa kanila ang mga pari, ang pinuno sa templo, at ang mga Saduceo,
2 na lubhang nayayamot sapagkat nagtuturo sila sa mga tao, at nagpapahayag na kay Jesus ay may muling pagkabuhay sa mga patay.
3 Sila'y kanilang dinakip at ibinilanggo hanggang sa kinabukasan sapagkat noon ay gabi na.
4 Ngunit marami sa mga nakarinig ang sumampalataya; at ang bilang nila ay mga limang libo.
5 Nang sumunod na araw, nagtipon sa Jerusalem ang kanilang mga pinuno, ang matatanda at ang mga eskriba;
6 at si Anas, na pinakapunong pari, si Caifas, si Juan, si Alejandro, at ang buong angkan ng pinakapunong pari.
7 Nang kanilang mailagay na ang mga bilanggo sa gitna nila, sila ay kanilang tinanong, “Sa anong kapangyarihan, o sa anong pangalan ninyo ginawa ito?”
8 At si Pedro na puspos ng Espiritu Santo ay sumagot sa kanila, “Kayong mga pinuno ng bayan at matatanda,
9 kung kami sa araw na ito'y sinisiyasat dahil sa kabutihang ginawa sa isang taong may kapansanan, na tinatanong kung paano napagaling ang taong ito,
10 dapat malaman ninyong lahat at ng buong sambahayan ng Israel, na nakatayo ang taong ito sa inyong harapan na walang sakit sa pangalan ni Jesu-Cristong taga-Nazaret, na inyong ipinako sa krus, at binuhay ng Diyos mula sa mga patay.
11 Itong si Jesus,[b]
‘ang(A) bato na itinakuwil ninyong mga tagapagtayo
ang siyang naging batong panulukan.’
12 Walang kaligtasan sa kanino pa man, sapagkat walang ibang pangalan sa ilalim ng langit na ibinigay sa mga tao na ating ikaliligtas.”
13 Nang makita nila ang katapangan nina Pedro at Juan, at nang malamang sila'y mga taong walang pinag-aralan at mga karaniwan lamang, ay namangha sila at kanilang nakilala na sila'y mga kasama ni Jesus.
14 At yamang nakikita nila ang taong pinagaling na nakatayong kasama nila ay wala silang masabing pagtutol.
15 Kaya't kanilang inutusan sila na umalis sa kapulungan, samantalang pinag-uusapan pa nila ang pangyayari.
16 Kanilang sinabi, “Anong gagawin natin sa mga taong ito? Sapagkat hayag sa lahat ng naninirahan sa Jerusalem ang isang kapansin-pansing tanda na ginawa sa pamamagitan nila; at hindi natin ito maikakaila.
17 Ngunit upang huwag na itong lalo pang kumalat sa bayan, atin silang bigyan ng babala na huwag na silang magsalita pa sa kaninuman sa pangalang ito.”
18 Kaya't sila'y ipinatawag nila at inutusan na sa anumang paraan ay huwag na silang magsalita ni magturo sa pangalan ni Jesus.
19 Ngunit sumagot sa kanila si Pedro at si Juan, “Kung matuwid sa paningin ng Diyos na makinig muna sa inyo sa halip na sa Diyos, kayo ang humatol,
20 sapagkat hindi maaaring hindi namin sabihin ang aming nakita at narinig.”
21 Pagkatapos na muling bigyan ng babala, kanilang hinayaan silang umalis na walang nakitang anumang bagay upang sila'y kanilang maparusahan dahil sa mga tao, sapagkat niluluwalhati nilang lahat ang Diyos dahil sa nangyari.
22 Sapagkat mahigit nang apatnapung taong gulang ang tao na ginawan nitong himala ng pagpapagaling.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001