Old/New Testament
Ang Unang Pagsasalita ni Job
3 Pagkatapos(A) nito'y ibinuka ni Job ang kanyang bibig at sinumpa ang araw ng kanyang kapanganakan.
2 Sinabi ni Job:
3 “Maglaho nawa ang araw nang ako'y isilang,
at ang gabi na nagsabi,
‘May batang lalaking ipinaglihi.’
4 Magdilim nawa ang araw na iyon!
Huwag nawang hanapin iyon ng Diyos sa itaas,
ni silayan man iyon ng liwanag.
5 Hayaang angkinin iyon ng mapanglaw at pusikit na kadiliman.
Tirahan nawa iyon ng ulap;
takutin nawa iyon ng kadiliman ng araw.
6 Ang gabing iyon—sakmalin nawa ng makapal na kadiliman!
Huwag itong magsaya na kasama ng mga araw ng taon,
huwag nawa itong mapasama sa bilang ng mga buwan.
7 Oo, ang gabing iyon nawa ay maging baog,
huwag marinig doon ang tinig ng kagalakan.
8 Sumpain nawa iyon ng mga sumusumpa sa araw,
ng mga bihasa sa paggising sa Leviatan.[a]
9 Magdilim nawa ang mga bituin ng pagbubukang-liwayway niyon;
hayaang umasa ito ng liwanag, ngunit hindi magkakaroon,
ni mamalas ang mga talukap-mata ng umaga,
10 sapagkat hindi nito tinakpan ang mga pinto ng sinapupunan ng aking ina,
o ikinubli man ang kaguluhan sa aking mga mata.
11 “Bakit hindi pa ako namatay nang ako'y isilang?
Bakit hindi ako nalagutan ng hininga nang ako'y iluwal?
12 Bakit tinanggap ako ng mga tuhod?
O bakit ang mga dibdib, na aking sususuhan?
13 Sapagkat nahihimlay at natatahimik na sana ako,
ako sana'y natutulog; nagpapahinga na sana ako;
14 kasama ng mga hari at ng mga tagapayo ng daigdig,
na muling nagtayo ng mga guho para sa kanilang sarili,
15 o kasama ng mga prinsipeng may mga ginto,
na pinuno ng pilak ang kanilang bahay.
16 Bakit hindi pa ako inilibing tulad ng batang patay nang isilang,
gaya ng sanggol na hindi nakakita ng liwanag kailanman?
17 Doon ang masama ay tumitigil sa paggambala,
at doo'y ang pagod ay nagpapahinga.
18 Doon ang mga bilanggo ay sama-samang nagiginhawahan,
hindi nila naririnig ang tinig ng nag-aatang ng pasan.
19 Ang hamak at ang dakila ay naroroon,
at ang alipin ay malaya sa kanyang panginoon.
20 “Bakit binibigyan ng liwanag ang nasa kahirapan,
at ng buhay ang kaluluwang nasa kapighatian,
21 na(B) nasasabik sa kamatayan, ngunit hindi ito dumarating;
at naghuhukay dito ng higit kaysa mga kayamanang nakalibing;
22 na labis ang kagalakan,
at natutuwa kapag natagpuan nila ang libingan?
23 Bakit ang liwanag ay ibibigay sa taong ang daan ay nakatago,
at ang taong binakuran ng Diyos?
24 Sapagkat ang buntong-hininga ko ay dumarating na parang aking pagkain,[b]
at ang aking mga daing ay bumubuhos na parang tubig.
25 Sapagkat ang bagay na aking kinatatakutan ay dumarating sa akin,
at ang aking pinangingilabutan ay nangyayari sa akin.
26 Hindi ako mapalagay at hindi rin matahimik,
wala akong kapahingahan; kundi dumarating ang kaguluhan.”
Ang Unang Pagsasalita ni Elifaz: Pinatunayan Niya ang Katarungan ng Diyos
4 Pagkatapos ay sumagot si Elifaz na Temanita, na sinasabi,
2 “Kung may isang mangahas magsalita sa iyo, magdaramdam ka ba?
Ngunit sinong makakapigil ng pagsasalita?
3 Tingnan mo, marami kang tinuruan,
at pinalakas mo ang mahihinang kamay.
4 Ang mga salita mo ay umalalay sa mga natitisod,
at pinalakas mo ang mahihinang tuhod.
5 Subalit ngayo'y inabutan ka nito, at ikaw ay naiinip;
ito'y nakarating sa iyo, at ikaw ay balisa.
6 Hindi ba ang iyong takot sa Diyos ay ang iyong tiwala,
at ang katapatan ng iyong mga lakad ang iyong pag-asa?
7 “Isipin mo ngayon, sino ba ang walang sala na napahamak?
O saan ang mga matuwid ay winasak?
8 Ayon sa aking nakita, ang mga nag-aararo ng kasamaan
at naghahasik ng kaguluhan ay gayundin ang inaani.
9 Sa hininga ng Diyos sila'y namamatay,
at sa bugso ng kanyang galit sila'y natutupok.
10 Ang ungal ng leon, at ang tinig ng mabangis na leon,
at ang mga ngipin ng mga batang leon ay nababali.
11 Ang malakas na leon ay namamatay dahil walang nasisila,
at ang mga anak ng inahing leon ay nagkalat.
Ang Kawalang Kabuluhan ng Tao sa Harapan ng Diyos
12 “Ngayo'y may salitang dinala sa akin nang lihim,
at tinanggap ng aking tainga ang bulong niyon.
13 Sa(C) gitna ng mga pag-iisip mula sa mga panggabing pangitain,
kapag ang mahimbing na tulog sa mga tao ay dumarating;
14 ang takot ay dumating sa akin, at ang pangingilabot,
na nagpanginig sa lahat ng aking mga buto.
15 At dumaan ang isang espiritu sa harap ng aking mukha;
ang balahibo ng aking balat ay nagtindigan.
16 Tumayo iyon,
ngunit hindi ko mawari ang anyo niyon.
Isang anyo ang nasa harap ng aking mga mata;
nagkaroon ng katahimikan, at ako'y nakarinig ng isang tinig:
17 ‘Maaari bang maging matuwid ang taong may kamatayan sa harapan ng Diyos?
Maaari bang maging malinis ang tao sa harapan ng kanyang Lumikha?
18 Maging sa kanyang mga lingkod ay hindi siya nagtitiwala,
at ang kanyang mga anghel ay pinaparatangan niya ng kamalian;
19 gaano pa kaya silang tumatahan sa mga bahay na putik,
na ang pundasyon ay nasa alabok,
na napipisang gaya ng gamu-gamo.
20 Sa pagitan ng umaga at gabi, sila ay nawawasak;
sila'y namamatay magpakailanman na walang pumapansin.
21 Kung nalalagot ang tali ng kanilang tolda sa loob nila,
hindi ba sila'y namamatay na walang karunungan?’
44 “Nasa(A) ating mga ninuno sa ilang ang tabernakulo ng patotoo, ayon sa itinakda ng nagsalita kay Moises, na kanyang gawin alinsunod sa anyo na kanyang nakita.
45 Dinala(B) rin ito ng ating mga ninuno na kasama ni Josue nang kanilang sakupin ang mga bansa na pinalayas ng Diyos sa harapan ng ating mga ninuno. Ito ay nanatili roon hanggang sa mga araw ni David,
46 na(C) nakatagpo ng biyaya sa paningin ng Diyos, at huminging makatagpo ng isang tahanang ukol sa Diyos ni Jacob.[a]
47 Subalit(D) si Solomon ang nagtayo ng bahay para sa kanya.
48 Gayunma'y ang Kataas-taasan ay hindi naninirahan sa mga bahay na gawa ng mga kamay; gaya ng sinasabi ng propeta,
49 ‘Ang(E) langit ang aking luklukan,
at ang lupa ang tuntungan ng aking mga paa.
Anong uri ng bahay ang itatayo ninyo para sa akin? sabi ng Panginoon,
o anong dako ang aking pahingahan?
50 Hindi ba ang aking kamay ang gumawa ng lahat ng mga bagay na ito?’
51 “Kayong(F) matitigas ang ulo at hindi tuli ang puso't mga tainga, kayo'y laging sumasalungat sa Espiritu Santo. Kung ano ang ginawa ng inyong mga ninuno, ay gayundin ang ginagawa ninyo.
52 Alin sa mga propeta ang hindi inusig ng inyong mga ninuno? Kanilang pinatay ang mga nagpahayag noong una tungkol sa pagdating ng Matuwid, at ngayon kayo'y naging kanyang mga tagapagkanulo at mamamatay-tao.
53 Kayo ang tumanggap ng kautusan ayon sa pangangasiwa ng mga anghel, at hindi ninyo ito tinupad.”
Pinagbabato si Esteban
54 Nang marinig nila ang mga bagay na ito, sila ay nagalit at nagngalit ang kanilang mga ngipin laban kay Esteban.[b]
55 Ngunit siya, palibhasa'y puspos ng Espiritu Santo, ay tumitig sa langit at nakita niya ang kaluwalhatian ng Diyos, at si Jesus na nakatayo sa kanan ng Diyos.
56 Sinabi niya, “Tingnan ninyo, nakikita kong bukas ang mga langit at ang Anak ng Tao na nakatindig sa kanan ng Diyos.”
57 Subalit sila'y nagtakip ng kanilang mga tainga at sumigaw nang malakas at sama-samang sinugod siya.
58 Siya'y kanilang kinaladkad sa labas ng lunsod at pinagbabato; at inilagay ng mga saksi ang kanilang mga damit sa paanan ng isang binata na ang pangalan ay Saulo.
59 Habang binabato nila si Esteban ay nananalangin siya, “Panginoong Jesus, tanggapin mo ang aking espiritu.”
60 Siya'y lumuhod at sumigaw nang malakas, “Panginoon, huwag mo silang papanagutin sa kasalanang ito.” At pagkasabi niya nito ay namatay[c] siya.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001