Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
1 Cronica 16-18

Nag-alay ng mga Handog na Sinusunog

16 Kanilang ipinasok ang kaban ng Diyos, at inilagay sa gitna ng tolda na itinayo ni David para rito, at sila'y naghandog ng mga handog na sinusunog, at mga handog pangkapayapaan sa harapan ng Diyos.

Pagkatapos makapaghandog si David ng handog na sinusunog at ng mga handog pangkapayapaan, kanyang binasbasan ang bayan sa pangalan ng Panginoon.

Siya'y namahagi sa buong Israel, sa lalaki at gayundin sa babae, sa bawat isa ng isang tinapay at isang bahaging laman, at mga tinapay na pasas.

Bukod dito'y hinirang niya ang ilan sa mga Levita upang maglingkod sa harapan ng kaban ng Panginoon, at upang manalangin, magpasalamat, at magpuri sa Panginoon, ang Diyos ng Israel.

Si Asaf ang pinuno, at ang ikalawa'y sina Zacarias, Jeiel, Semiramot, Jehiel, Matithias, Eliab, Benaya, Obed-edom, at si Jeiel, na sila ang tutugtog sa mga alpa at mga lira. Si Asaf ang magpapatunog ng pompiyang,

at sina Benaya at Jahaziel na mga pari ang patuloy na hihihip sa mga tambuli sa harapan ng kaban ng tipan ng Diyos.

Nang araw na iyon ay unang iniutos ni David na ang pagpapasalamat ay awitin sa Panginoon, sa pamamagitan ni Asaf at ng kanyang mga kapatid.

Ang Awit ng Pagpapasalamat(A)

O kayo'y magpasalamat sa Panginoon, tumawag kayo sa kanyang pangalan;
    ipakilala ninyo sa mga bayan ang kanyang mga gawa.
Umawit kayo sa kanya, magsiawit kayo ng mga papuri sa kanya;
    ipahayag ninyo ang lahat niyang mga kamanghamanghang gawa.
10 Lumuwalhati kayo sa kanyang banal na pangalan;
    magalak ang puso ng mga nagsisihanap sa Panginoon.
11 Hanapin ninyo ang Panginoon at ang kanyang lakas;
    palagi ninyong hanapin ang kanyang pakikiharap.
12 Alalahanin ninyo ang kanyang kamanghamanghang mga gawa na kanyang ginawa;
    ang kanyang mga kababalaghan, ang mga hatol na kanyang binigkas,
13 O kayong binhi ni Israel na kanyang lingkod,
    kayong mga anak ni Jacob na kanyang pinili.
14 Siya ang Panginoon nating Diyos;
    ang kanyang mga hatol ay nasa buong lupa.
15 Alalahanin ninyo ang kanyang tipan magpakailanman,
    ang salita na kanyang iniutos sa libu-libong salinlahi;
16 ang(B) tipan na kanyang ginawa kay Abraham,
    at ang kanyang pangakong isinumpa kay Isaac,
17 na(C) kanyang pinagtibay bilang isang tuntunin kay Jacob,
    bilang isang walang hanggang tipan kay Israel,
18 na sinasabi, “Ibibigay ko sa iyo ang lupain ng Canaan,
    ang bahagi ng inyong mana.”
19 Noong sila'y kakaunti sa bilang;
    at wala pang gasinong halaga, at nakikipamayan doon;
20 na nagpagala-gala sa iba't ibang bansa,
    mula sa isang kaharian hanggang sa ibang bayan,
21 hindi(D) niya hinayaan na pagmalupitan sila ng sinuman,
    kanyang sinaway ang mga hari dahil sa kanila;
22 na sinasabi, “Huwag ninyong galawin ang aking mga pinahiran ng langis,
    huwag ninyong saktan ang aking mga propeta!”
23 Kayo'y magsiawit sa Panginoon, buong lupa,
    ihayag ninyo ang kanyang pagliligtas sa araw-araw.
24 Ipahayag ninyo ang kanyang kaluwalhatian sa gitna ng mga bansa,
    ang kanyang mga kamanghamanghang gawa sa gitna ng lahat ng mga bayan.
25 Sapagkat dakila ang Panginoon at karapat-dapat purihin.
    Siya'y marapat na katakutan nang higit sa lahat ng diyos.
26 Sapagkat lahat ng diyos ng mga bayan ay mga diyus-diyosan;
    ngunit ang Panginoon ang gumawa ng mga langit.
27 Karangalan at kamahalan ang nasa harapan niya,
    kalakasan at kasayahan ang nasa kanyang tahanan.
28 Iukol ninyo sa Panginoon, kayong mga angkan ng mga bayan,
    iukol ninyo sa Panginoon ang kaluwalhatian at ang kalakasan.
29 Iukol ninyo sa Panginoon ang kaluwalhatiang marapat sa kanyang pangalan;
    magdala kayo ng handog, at magsiparoon kayo sa harap niya.
Inyong sambahin ang Panginoon sa banal na kaayusan.
30 Manginig sa harap niya ang buong lupa:
    oo, ang sanlibuta'y nakatayong matatag, hindi kailanman makikilos.
31 Magsaya ang mga langit, at magalak ang lupa;
    at sabihin nila sa gitna ng mga bansa, “Ang Panginoon ay naghahari!”
32 Hayaang umugong ang dagat at ang lahat ng pumupuno dito,
    matuwa ang parang at ang lahat ng naroon;
33 kung magkagayo'y aawit ang mga punungkahoy sa gubat dahil sa kagalakan
    sa harapan ng Panginoon, sapagkat siya'y dumarating upang hatulan ang lupa.
34 O(E) magpasalamat kayo sa Panginoon sapagkat siya'y mabuti;
    sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay nananatili magpakailanman.
35 Sabihin din ninyo:
“Iligtas mo kami, O Diyos ng aming kaligtasan,
    at tipunin mo kami, at iligtas mo kami sa mga bansa,
upang kami'y magpasalamat sa iyong banal na pangalan,
    at lumuwalhati sa iyong kapurihan.
36 Purihin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel,
    mula sa walang pasimula hanggang sa walang hanggan.”

At sinabi ng buong bayan, “Amen!” at pinuri ang Panginoon.

Tagapangasiwa sa Harap ng Kaban

37 Kaya't iniwan ni David doon si Asaf at ang kanyang mga kapatid sa harapan ng kaban ng tipan ng Panginoon, upang patuloy na mangasiwa sa harap ng kaban, gaya ng kailangang gawain sa araw-araw.

38 Gayundin si Obed-edom at ang kanyang animnapu't walong kapatid; samantalang si Obed-edom na anak ni Jedutun at si Asa ay magiging mga bantay sa pinto.

39 At kanyang iniwan ang paring si Zadok at ang kanyang mga kapatid na mga pari sa harapan ng tolda ng Panginoon sa mataas na dako na nasa Gibeon,

40 upang patuloy na maghandog ng mga handog na sinusunog sa Panginoon sa ibabaw ng dambana ng handog na sinusunog sa umaga at hapon, ayon sa lahat nang nasusulat sa kautusan ng Panginoon na kanyang iniutos sa Israel.

41 Kasama nila si Heman at si Jedutun, at ang nalabi sa mga pinili at itinalaga sa pamamagitan ng pangalan upang magpasalamat sa Panginoon, sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman.

42 Sina Heman at Jedutun ay may mga trumpeta at mga pompiyang para sa tugtugin at mga panugtog para sa mga banal na awitin. Ang mga anak ni Jedutun ay inilagay sa pintuan.

43 At(F) ang buong bayan ay nagsiuwi sa kani-kanilang bahay, at si David ay umuwi upang basbasan ang kanyang sambahayan.

Ang Sinabi ng Panginoon kay David(G)

17 Nang si David ay nanirahan sa kanyang bahay, sinabi ni David kay propeta Natan, “Tingnan mo, ako'y nakatira sa isang bahay na sedro, ngunit ang kaban ng tipan ng Panginoon ay nasa loob ng isang tolda.”

At sinabi ni Natan kay David, “Gawin mo ang lahat ng nasa iyong puso, sapagkat ang Diyos ay kasama mo.”

Ngunit nang gabi ring iyon ang salita ng Diyos ay dumating kay Natan,

“Humayo ka at sabihin mo kay David na aking lingkod, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon: Hindi mo ako ipagtatayo ng bahay na matitirahan.

Sapagkat hindi pa ako nanirahan sa isang bahay mula nang araw na aking iahon ang Israel hanggang sa araw na ito; kundi ako'y nagpalipat-lipat sa mga tolda at sa mga tirahan.

Sa lahat ng mga dako na aking nilakaran na kasama ang buong Israel, ako ba'y nagsalita sa sinuman sa mga hukom ng Israel, na siyang aking inutusang maging pastol sa aking bayan, “Bakit hindi ninyo ako ipinagtayo ng bahay na sedro?”’

Ngayon nga'y ganito ang iyong sasabihin sa aking lingkod na si David, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Kinuha kita sa sabsaban, mula sa pagsunod sa mga tupa upang ikaw ay maging pinuno sa aking bayang Israel.

Ako'y naging kasama mo saan ka man pumunta, at aking pinuksa ang lahat ng iyong mga kaaway sa harapan mo. At igagawa kita ng pangalan na gaya ng pangalan ng mga dakilang tao sa lupa.

Magtatalaga ako ng isang lugar para sa aking bayang Israel, at itatatag sila, upang sila'y makapanirahan sa kanilang sariling lugar, at huwag nang magambala pa. At hindi na sila pahihirapan pa ng mga mararahas na tao, na gaya nang una,

10 mula sa panahon na nagtalaga ako ng mga hukom upang mamuno sa aking bayang Israel; at aking pasusukuin ang lahat ninyong mga kaaway. Bukod dito'y ipinahahayag ko sa iyo na ipagtatayo ka ng Panginoon ng isang bahay.

11 Kapag ang iyong mga araw ay naganap na upang ikaw ay humayo upang makasama ng iyong mga ninuno, ibabangon ko ang iyong binhi pagkamatay mo, isa sa iyong sariling mga anak, at aking itatatag ang kanyang kaharian.

12 Ipagtatayo niya ako ng isang bahay, at itatatag ko ang kanyang trono magpakailanman.

13 Ako'y(H) magiging kanyang ama, at siya'y magiging aking anak, at hindi ko aalisin ang aking tapat na pag-ibig sa kanya, gaya ng aking pagkakuha doon sa nauna sa iyo.

14 Kundi ilalagay ko siya sa aking bahay at sa aking kaharian magpakailanman; at ang kanyang trono ay matatatag magpakailanman.’”

15 Ayon sa lahat ng mga salitang ito, at ayon sa lahat ng mga pangitaing ito, ay gayon ang sinabi ni Natan kay David.

Ang Panalangin ni David(I)

16 Pagkatapos ay pumasok si Haring David at naupo sa harap ng Panginoon, at kanyang sinabi, “Sino ako, O Panginoong Diyos, at ano ang aking sambahayan at dinala mo ako sa ganitong kalagayan?

17 At ito'y munting bagay sa iyong paningin, O Diyos; sinabi mo rin ang tungkol sa sambahayan ng iyong lingkod hanggang sa mga panahong darating, at ipinakita mo sa akin ang darating na mga salinlahi, O Diyos!

18 Ano pa ang masasabi ni David sa iyo sa pagpaparangal mo sa iyong lingkod? Sapagkat kilala mo ang iyong lingkod.

19 O Panginoon, alang-alang sa iyong lingkod, at ayon sa iyong sariling puso, ay iyong ginawa ang lahat ng kadakilaang ito, upang ipaalam ang lahat ng dakilang bagay na ito.

20 O Panginoon, walang gaya mo, at walang Diyos liban sa iyo, ayon sa lahat ng narinig ng aming mga tainga.

21 Anong bansa sa lupa ang gaya ng iyong bayang Israel, isang bansa sa lupa na tinubos ng Diyos upang maging kanyang sariling bayan na gumawa ng pangalan para sa iyong sarili sa pamamagitan ng dakila at kakilakilabot na mga bagay, sa pagpapalayas ng mga bansa sa harap ng iyong bayan na iyong tinubos mula sa Ehipto?

22 At ang iyong bayang Israel ay ginawa mong iyong sariling bayan magpakailanman; at ikaw, Panginoon, ay naging kanilang Diyos.

23 Ngayon, O Panginoon, maitatag nawa ang salita na iyong ipinahayag tungkol sa iyong lingkod, at tungkol sa kanyang sambahayan magpakailanman, at gawin mo nawa na gaya ng iyong sinalita,

24 at ang iyong pangalan ay maitatag at maging dakila magpakailanman, na sinasabi, ‘Ang Panginoon ng mga hukbo ay Diyos ng Israel,’ samakatuwid ay ang Diyos ng Israel, at ang sambahayan ni David na iyong lingkod ay matatatag sa harapan mo.

25 Sapagkat ikaw, O aking Diyos, ay nagpahayag sa iyong lingkod na ipagtatayo mo siya ng bahay; kaya't ang iyong lingkod ay nagkaroon ng tapang na manalangin sa harapan mo.

26 At ngayon, O Panginoon, ikaw ay Diyos, at ipinangako mo ang mabuting bagay na ito sa iyong lingkod;

27 at ngayo'y ikinalulugod mo na pagpalain ang sambahayan ng iyong lingkod, upang mamalagi magpakailanman sa harap mo, sapagkat ang iyong pinagpala, O Panginoon, ay magiging mapalad magpakailanman.”

Naging Matatag at Lumawak ang Kaharian ni David(J)

18 Pagkatapos nito'y sinalakay ni David ang mga Filisteo at sinakop sila; kinuha niya ang Gat at ang mga nayon niyon sa kamay ng mga Filisteo.

Tinalo niya ang Moab, at ang mga Moabita ay naging alipin ni David, at sila'y nagdala ng mga kaloob.

Tinalo rin ni David sa Hamat si Hadadezer na hari ng Soba, habang siya'y papunta sa Hamat upang itatag ang kanyang kapangyarihan sa tabi ng Ilog Eufrates.

Kumuha si David sa kanya ng isang libong karwahe, pitong libong mangangabayo, at dalawampung libong kawal na lakad; at pinilayan ni David ang lahat ng mga kabayo ng mga karwahe, ngunit nagtira nang sapat para sa isandaang karwahe.

Nang ang mga taga-Aram sa Damasco ay dumating upang sumaklolo kay Hadadezer na hari ng Soba, nakapatay si David ng dalawampu't dalawang libong lalaking mga taga-Aram.

Pagkatapos ay naglagay si David ng mga himpilan sa Aram ng Damasco; at ang mga taga-Aram ay naging mga alipin ni David, at nagsipagdala ng mga kaloob. At binigyan ng Panginoon ng tagumpay si David saanman siya pumunta.

Kinuha ni David ang mga kalasag na ginto na dala ng mga lingkod ni Hadadezer, at dinala ang mga iyon sa Jerusalem.

Mula(K) sa Thibath at Chun na mga bayan ni Hadadezer, ay kumuha si David ng napakaraming tanso na siyang ginawa ni Solomon na dagat-dagatang tanso, mga haligi, at mga sisidlang tanso.

Nang mabalitaan ni Tou na hari ng Hamat na natalo ni David ang buong hukbo ni Hadadezer na hari ng Soba,

10 sinugo niya ang kanyang anak na si Hadoram kay Haring David, upang bumati sa kanya, at purihin siya, sapagkat siya'y lumaban kay Hadadezer at tinalo niya ito sapagkat si Hadadezer ay laging nakikipagdigma kay Tou. At siya'y nagpadala ng lahat ng uri ng kasangkapang ginto, pilak, at tanso.

11 Ang mga ito naman ay itinalaga ni Haring David sa Panginoon, pati ang pilak at ginto na kanyang kinuha sa lahat ng bansa; mula sa Edom, Moab, sa mga anak ni Ammon, sa mga Filisteo, at mula sa Amalek.

12 At(L) pinatay ni Abisai na anak ni Zeruia ang labingwalong libong mga Edomita sa Libis ng Asin.

13 Naglagay siya ng mga himpilan sa Edom; at lahat ng mga Edomita ay naging mga alipin ni David. At binigyan ng Panginoon ng pagtatagumpay si David saanman siya pumunta.

14 Kaya't si David ay naghari sa buong Israel at siya'y naglapat ng katarungan at pagkakapantay-pantay sa buong bayan niya.

15 Si Joab na anak ni Zeruia ang namuno sa hukbo; si Jehoshafat na anak ni Ahilud ay tagapagtala.

16 Si Zadok na anak ni Ahitub, at si Abimelec na anak ni Abiatar ay mga pari at si Sausa ay kalihim;

17 si Benaya na anak ni Jehoiada ay namamahala sa mga Kereteo at sa mga Peleteo; at ang mga anak ni David ay mga pinuno na naglilingkod sa hari.

Juan 7:28-53

28 Sumigaw si Jesus habang nagtuturo sa templo, “Ako'y inyong nakikilala at nalalaman din ninyo kung taga-saan ako. Hindi ako pumarito sa aking sariling awtoridad,[a] subalit ang nagsugo sa akin ay siyang totoo, na hindi ninyo nakikilala.

29 Nakikilala ko siya sapagkat ako'y mula sa kanya, at siya ang nagsugo sa akin.”

30 Kaya't sinikap nilang siya'y hulihin, subalit walang taong sumunggab sa kanya, sapagkat hindi pa dumating ang kanyang oras.

31 Gayunma'y marami sa mga tao ang sumampalataya sa kanya at kanilang sinabi, “Pagdating ng Cristo, gagawa ba siya ng mas maraming tanda kaysa mga ginawa ng taong ito?”

Nagpadala ng mga Kawal upang Dakpin si Jesus

32 Narinig ng mga Fariseo ang bulung-bulungan ng mga tao tungkol kay Jesus.[b] Nagsugo ang mga punong pari at ang mga Fariseo ng mga kawal upang siya'y hulihin.

33 Sinabi ni Jesus, “Makakasama pa ninyo ako ng kaunting panahon, at ako'y paroroon sa nagsugo sa akin.

34 Hahanapin ninyo ako, ngunit hindi ninyo ako matatagpuan, at kung saan ako naroroon ay hindi kayo makakapunta roon.”

35 Kaya't sinabi ng mga Judio sa isa't isa, “Saan pupunta ang taong ito na hindi natin siya matatagpuan? Pupunta kaya siya sa mga lupain kung saan nagkalat[c] ang ating mga kababayan sa lupain ng mga Griyego at magtuturo sa mga Griyego?

36 Ano ang salitang ito na kanyang sinabi, ‘Hahanapin ninyo ako, ngunit hindi ninyo ako matatagpuan, at kung saan ako naroroon, ay hindi kayo makakapunta roon’!”

Mga Daloy ng Tubig na Buháy

37 Nang(A) huling araw ng dakilang araw ng pista, si Jesus ay tumayo at sumigaw na nagsasabi, “Kung ang sinuman ay nauuhaw, lumapit siya sa akin at uminom.

38 Ang(B) sumasampalataya sa akin,[d] gaya ng sinasabi ng kasulatan, ‘Mula sa kanyang puso[e] ay dadaloy ang mga ilog ng tubig na buháy.’”

39 Ngunit ito'y sinabi niya tungkol sa Espiritu, na tatanggapin ng mga sumasampalataya sa kanya, sapagkat hindi pa ipinagkakaloob ang Espiritu, sapagkat si Jesus ay hindi pa niluluwalhati.

40 Nang marinig ng ilan mula sa maraming tao ang mga salitang ito, sila ay nagsabi, “Tunay na ito nga ang propeta.”

41 Sinasabi ng iba, “Ito ang Cristo.” Subalit sinasabi ng ilan, “Sa Galilea ba manggagaling ang Cristo?

42 Hindi(C) ba sinabi ng kasulatan na ang Cristo ay manggagaling sa binhi ni David, at mula sa Bethlehem, ang bayan ni David?”

43 Kaya't nagkaroon ng pagkakahati-hati sa maraming tao dahil sa kanya.

44 Nais ng ilan sa kanila na siya'y hulihin, subalit walang taong sumunggab sa kanya.

Ang Di-Paniniwala ng mga Pinunong Judio

45 Bumalik ang mga kawal sa mga punong pari at sa mga Fariseo, at sinabi ng mga ito sa kanila, “Bakit hindi ninyo siya dinakip?”

46 Sumagot ang mga kawal, “Kailanma'y walang taong nagsalita nang gayon.”

47 Sinagot sila ng mga Fariseo, “Kayo ba naman ay nailigaw na rin?

48 Mayroon ba sa mga pinuno, o sa mga Fariseo na sumasampalataya sa kanya?

49 Subalit ang mga taong ito na hindi nakakaalam ng kautusan ay mga sinumpa.”

50 Sinabi(D) sa kanila ni Nicodemo (iyong pumunta kay Jesus noon at isa sa kanila),

51 “Hinahatulan ba ng ating kautusan ang isang tao, malibang siya'y atin munang dinggin at alamin kung ano ang kanyang ginagawa?”

52 Sila'y sumagot sa kanya, “Ikaw ba'y taga-Galilea rin? Siyasatin mo at iyong makikita na sa Galilea ay walang lumitaw na propeta.”

[53 At ang bawat isa sa kanila ay umuwi sa kanya-kanyang sariling bahay.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001