Old/New Testament
7 Ngunit sinabi ni Eliseo, “Pakinggan ninyo ang salita ng Panginoon. Ganito ang sabi ng Panginoon: Bukas sa ganitong oras, ang isang takal ng piling harina ay ipagbibili ng isang siklo, at ang dalawang takal ng sebada sa isang siklo sa pintuang-bayan ng Samaria.”
2 Nang magkagayon, ang punong-kawal na sa kanyang kamay ay nakahilig ang hari, ay sumagot sa tao ng Diyos, “Kung mismong ang Panginoon ang gagawa ng mga dungawan sa langit, ito na kaya iyon?” Ngunit kanyang sinabi, “Makikita mo iyon ng iyong mga mata, ngunit hindi ka kakain mula roon.”
Umalis ang Hukbo ng Siria
3 Noon ay mayroong apat na ketongin sa pasukan ng pintuang-bayan; at kanilang sinabi sa isa't isa, “Bakit nauupo tayo rito hanggang sa tayo'y mamatay?
4 Kung ating sabihin, ‘Pumasok tayo sa lunsod,’ ang taggutom ay nasa lunsod, at mamamatay tayo roon; at kung tayo'y uupo rito, tayo'y mamamatay rin. Kaya't tayo na, pumunta tayo sa kampo ng mga taga-Siria. Kung ililigtas nila ang ating buhay, tayo'y mabubuhay; at kung tayo'y patayin nila, talagang tayo'y mamamatay.”
5 Kaya't sila'y nagsitindig nang magtatakip-silim upang pumunta sa kampo ng mga taga-Siria. Ngunit nang sila'y dumating sa hangganan ng kampo ng mga taga-Siria ay walang tao roon.
6 Sapagkat ipinarinig ng Panginoon sa hukbo ng mga taga-Siria ang dagundong ng mga karwahe, ng mga kabayo, at ang dagundong ng isang malaking hukbo, kaya't sinabi nila sa isa't isa, “Inupahan ng hari ng Israel laban sa atin ang mga hari ng mga Heteo, at ang mga hari ng mga Ehipcio upang sumalakay sa atin.”
7 Kaya't sila'y nagsitakas nang takipsilim at iniwan ang kanilang mga tolda, ang kanilang mga kabayo, asno, at iniwan ang buong kampo sa dati nitong kaayusan at tumakas dahil sa kanilang buhay.
8 Nang ang mga ketonging ito ay dumating sa gilid ng kampo, sila'y pumasok sa isang tolda, kumain at uminom, at nagsikuha ng pilak, ginto, at bihisan, at humayo at itinago ang mga iyon. Muli silang bumalik at pumasok sa ibang tolda, at kumuha ng mga bagay roon, at umalis at itinago ang mga iyon.
9 Pagkatapos ay sinabi nila sa isa't isa, “Hindi tama ang ginagawa natin. Ang araw na ito ay araw ng mabuting balita. Kung tayo'y mananahimik at maghihintay ng liwanag sa kinaumagahan, parusa ang aabot sa atin. Tayo na ngayon, umalis na tayo at ating sabihin sa sambahayan ng hari.”
10 Kaya't sila'y umalis at tinawag ang mga bantay-pinto ng lunsod at kanilang sinabi sa kanila, “Kami ay pumunta sa kampo ng mga taga-Siria, ngunit walang taong makikita o maririnig doon, liban sa mga nakataling kabayo, mga nakataling asno, at ang mga tolda sa dati nilang kaayusan.”
11 At nagbalita ang mga bantay-pinto, at napabalita iyon sa loob ng sambahayan ng hari.
12 Ang hari ay bumangon nang gabi, at sinabi sa kanyang mga lingkod, “Sasabihin ko sa inyo ngayon kung ano ang ginawa ng mga taga-Siria laban sa atin. Kanilang nalalaman na tayo'y gutom. Kaya't sila'y nagsilabas ng kampo upang kumubli sa parang, na iniisip na, ‘Kapag sila'y nagsilabas sa lunsod, kukunin natin silang buháy at papasok tayo sa lunsod.’”
13 Sinabi ng isa sa kanyang mga lingkod, “Hayaan mong ang ilang tauhan ay kumuha ng lima sa mga kabayong nalalabi, yamang ang mga nalalabi rito ay magiging gaya rin lamang ng buong karamihan ng Israel na nangamatay na. Tayo'y magsugo at ating tingnan.”
14 Kaya't sila'y nagsikuha ng dalawang lalaking naka-karwahe at sila ay sinugo ng hari upang tingnan ang hukbo ng mga taga-Siria, na sinasabi, “Humayo kayo at tingnan ninyo.”
15 Kaya't kanilang sinundan sila hanggang sa Jordan; nakakalat sa buong daan ang mga kasuotan at mga kasangkapan na inihagis ng mga taga-Siria sa kanilang pagmamadali. Kaya't ang mga sugo ay bumalik at nagsalaysay sa hari.
16 Pagkatapos ang taong-bayan ay lumabas at sinamsaman ang kampo ng mga taga-Siria. Kaya't ang isang takal ng mainam na harina ay naipagbili ng isang siklo, at ang dalawang takal ng sebada ay isang siklo, ayon sa salita ng Panginoon.
17 At inihabilin ng hari sa punong-kawal na sinasandalan ng kanyang kamay sa pangangasiwa sa pintuang-bayan, at pinagtatapakan siya ng taong-bayan sa pintuang-bayan, kaya't siya'y namatay na gaya ng sinabi ng tao ng Diyos nang pumunta ang hari sa kanya.
18 At nangyari, gaya ng sinabi ng tao ng Diyos sa hari, na sinasabi, “Ang dalawang takal ng sebada ay maipagbibili ng isang siklo, at ang isang takal ng mainam na harina ay isang siklo, bukas sa mga ganitong oras sa pintuang-bayan ng Samaria;”
19 ang punong-kawal ay sumagot sa tao ng Diyos, at nagsabi, “Kung mismong ang Panginoon ay gagawa ng mga durungawan sa langit, mangyayari ba ang gayong bagay?” At kanyang sinabi, “Makikita mo iyon ng iyong mga mata, ngunit hindi ka kakain mula roon.”
20 Kaya't iyon ang nangyari sa kanya, sapagkat tinapakan siya ng taong-bayan hanggang sa namatay sa pintuang-bayan.
Bumalik ang Babae mula sa Sunem
8 At(A) sinabi ni Eliseo sa babae na ang anak ay kanyang muling binuhay, “Bumangon ka, at umalis kang kasama ang iyong sambahayan. Mangibang bayan ka kung saan ka makarating sapagkat tumawag ang Panginoon ng taggutom at ito ay darating sa lupain sa loob ng pitong taon.”
2 Kaya't ang babae ay bumangon, at ginawa ang ayon sa salita ng tao ng Diyos. Siya'y umalis na kasama ang kanyang sambahayan, at nangibang bayan sa lupain ng mga Filisteo sa loob ng pitong taon.
3 At nangyari, sa katapusan ng ikapitong taon, pagbalik ng babae mula sa lupain ng mga Filisteo, siya'y humayo upang makiusap sa hari tungkol sa kanyang bahay at lupa.
4 Ang hari noon ay nakikipag-usap kay Gehazi na lingkod ng tao ng Diyos, na sinasabi, “Sabihin mo sa akin ang lahat ng mga dakilang bagay na ginawa ni Eliseo.”
5 At nangyari, samantalang kanyang sinasabi sa hari kung paanong kanyang ibinalik ang buhay ng patay, ang babae na ang anak ay kanyang muling binuhay ay nakiusap sa hari para sa kanyang bahay at lupa. Sinabi ni Gehazi, “Panginoon ko, O hari, ito ang babae, at ito ang kanyang anak na muling binuhay ni Eliseo.”
6 Nang tanungin ng hari ang babae, ay isinalaysay niya ito sa kanya. Kaya't humirang ang hari ng isang pinuno para sa kanya na sinasabi, “Isauli mo ang lahat ng kanya, pati ang lahat ng bunga ng bukirin mula nang araw na kanyang iwan ang lupain hanggang ngayon.”
Si Eliseo at si Haring Ben-hadad ng Siria
7 Si Eliseo ay pumunta sa Damasco samantalang si Ben-hadad na hari ng Siria ay may sakit. At nagsalita sa kanya, na sinasabi, “Ang tao ng Diyos ay naparito,”
8 at sinabi ng hari kay Hazael, “Magdala ka ng isang kaloob, at humayo ka upang salubungin ang tao ng Diyos, at sumangguni ka sa Panginoon sa pamamagitan niya, na sinasabi, “Gagaling ba ako sa sakit na ito?”
9 Kaya't umalis si Hazael upang salubungin siya, at nagdala siya ng kaloob, ng bawat mabuting bagay sa Damasco, na apatnapung pasang kamelyo. Nang siya'y dumating at tumayo sa harapan niya, ay sinabi niya, “Sinugo ako sa iyo ng anak mong si Ben-hadad na hari ng Siria, na sinasabi, ‘Gagaling ba ako sa sakit na ito?’”
10 Sinabi ni Eliseo sa kanya, “Humayo ka, sabihin mo sa kanya, ‘Ikaw ay tiyak na gagaling,’ subalit ipinakita sa akin ng Panginoon na siya'y tiyak na mamamatay.”
11 Kanyang itinuon ang kanyang paningin at tumitig sa kanya, hanggang sa siya'y napahiya. At ang tao ng Diyos ay umiyak.
12 At sinabi ni Hazael, “Bakit umiiyak ang aking panginoon?” At siya'y sumagot, “Sapagkat nalalaman ko ang kasamaan na iyong gagawin sa mga anak ni Israel. Ang kanilang mga tanggulan ay iyong susunugin ng apoy, at ang kanilang mga kabataang lalaki ay iyong papatayin ng tabak, at dudurugin ang kanilang mga bata, at iyong bibiyakin ang tiyan ng mga babaing buntis.”
13 At(B) sinabi ni Hazael, “Magagawa ba ng iyong lingkod na isang aso lamang ang ganitong napakalaking bagay?” At sumagot si Eliseo, “Ipinakita sa akin ng Panginoon na ikaw ay magiging hari sa Siria.”
14 Pagkatapos ay iniwan niya si Eliseo at pumaroon sa kanyang panginoon, na nagsabi sa kanya, “Ano ang sinabi ni Eliseo sa iyo?” At siya'y sumagot, “Kanyang sinabi sa akin na tiyak na ikaw ay gagaling.”
15 Subalit kinabukasan, kanyang kinuha ang munting kumot at binasa sa tubig, at iniladlad sa mukha niya hanggang siya'y namatay. At si Hazael ay naging hari na kapalit niya.
Si Haring Jehoram ng Juda(C)
16 Nang ikalimang taon ni Joram na anak ni Ahab, na hari ng Israel, noong si Jehoshafat ay hari sa Juda, si Jehoram na anak ni Jehoshafat na hari ng Juda ay nagpasimulang maghari.
17 Siya'y tatlumpu't dalawang taong gulang nang siya'y maging hari; at siya'y walong taong naghari sa Jerusalem.
18 Siya'y lumakad sa landas ng mga hari ng Israel, gaya ng ginawa ng sambahayan ni Ahab, sapagkat ang anak ni Ahab ay kanyang asawa. Siya'y gumawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon.
19 Gayunma'y(D) ayaw wasakin ng Panginoon ang Juda, alang-alang kay David na kanyang lingkod, yamang kanyang ipinangako na magbibigay siya ng isang ilawan sa kanya at sa kanyang mga anak magpakailanman.
20 Sa(E) kanyang mga araw ay naghimagsik ang Edom sa ilalim ng pamamahala ng Juda, at naglagay sila ng kanilang hari.
21 Pagkatapos ay dumaan si Joram sa Seir kasama ang lahat niyang mga karwahe. Siya'y bumangon nang gabi, at pinatay niya at ng kanyang mga pinuno ang mga Edomita na nakapalibot sa kanya; ngunit ang kanyang mga tauhan ay tumakas sa kani-kanilang mga tolda.
22 Sa gayo'y naghimagsik ang Edom laban sa pamumuno ng Juda, hanggang sa araw na ito. Ang Libna ay naghimagsik din nang panahon ding iyon.
23 At ang iba pa sa mga gawa ni Joram, at ang lahat niyang ginawa, di ba nasusulat sa Aklat ng mga Kasaysayan[a] ng mga Hari ng Juda?
24 At si Joram ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno, at inilibing na kasama nila sa lunsod ni David. Si Ahazias na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.
Si Haring Ahazias ng Juda(F)
25 Nang ikalabindalawang taon ni Joram na anak ni Ahab, na hari ng Israel, nagsimulang maghari si Ahazias na anak ni Jehoram na hari sa Juda.
26 Si Ahazias ay dalawampu't dalawang taong gulang nang siya'y magsimulang maghari; at siya'y naghari sa loob ng isang taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Atalia na apo ni Omri na hari ng Israel.
27 Siya'y lumakad din sa landas ng sambahayan ni Ahab, at gumawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon, gaya ng ginawa ng sambahayan ni Ahab, sapagkat siya'y manugang sa sambahayan ni Ahab.
28 Siya'y sumama kay Joram na anak ni Ahab upang makipagdigma laban kay Hazael na hari ng Siria sa Ramot-gilead, na doon ay sinugatan ng mga taga-Siria si Joram.
29 Si Haring Joram ay bumalik sa Jezreel upang magpagaling sa kanyang mga sugat na likha ng mga taga-Siria sa Rama nang siya'y lumaban kay Hazael na hari ng Siria. Si Ahazias na anak ni Jehoram, na hari ng Juda ay lumusong upang tingnan si Joram na anak ni Ahab sa Jezreel, sapagkat siya'y sugatan.
Si Jehu ay Pinahiran ng Langis Bilang Hari ng Israel
9 At tinawag ni Eliseo na propeta ang isa sa mga anak ng mga propeta at sinabi sa kanya, “Bigkisan mo ang iyong mga balakang, at hawakan mo ang sisidlang ito ng langis at pumunta ka sa Ramot-gilead.
2 Pagdating mo, hanapin mo roon si Jehu na anak ni Jehoshafat, na anak ni Nimsi. Pasukin mo siya at paalisin mo siya sa kanyang mga kasamahan at dalhin mo siya sa isang silid sa loob.
3 Pagkatapos ay kunin mo ang sisidlan ng langis, at ibuhos mo sa kanyang ulo, at iyong sabihin, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon, Binubuhusan kita upang maging hari ng Israel.’ Pagkatapos ay buksan mo ang pintuan at tumakas ka, huwag ka ng maghintay.”
4 Kaya't ang batang lalaki, ang lingkod ng propeta ay pumunta sa Ramot-gilead.
5 Nang siya'y dumating, ang mga punong-kawal ng hukbo ay nagpupulong. At kanyang sinabi, “Ako'y may sasabihin sa iyo, O punong-kawal.” At sinabi ni Jehu, “Sino sa aming lahat?” At kanyang sinabi, “Sa iyo, O punong-kawal.”
6 Kaya't(G) siya'y tumindig at pumasok sa bahay, at ibinuhos niya ang langis sa kanyang ulo, na sinasabi sa kanya, “Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos ng Israel, Aking binuhusan ka upang maging hari sa bayan ng Panginoon, samakatuwid ay sa Israel.
7 Ibabagsak mo ang sambahayan ni Ahab na iyong panginoon, upang aking maipaghiganti ang dugo ng aking mga lingkod na mga propeta, at ang dugo ng lahat ng lingkod ng Panginoon sa kamay ni Jezebel.
8 Sapagkat ang buong sambahayan ni Ahab ay malilipol at aking ihihiwalay kay Ahab ang bawat batang lalaki, bihag man o malaya, sa Israel.
9 Aking gagawin ang sambahayan ni Ahab na gaya ng sambahayan ni Jeroboam na anak ni Nebat, at gaya ng sambahayan ni Baasa na anak ni Ahia.
10 Lalapain(H) ng mga aso si Jezebel sa nasasakupan ng Jezreel, at walang maglilibing sa kanya.” Pagkatapos ay kanyang binuksan ang pintuan, at tumakas.
11 Nang lumabas si Jehu patungo sa mga lingkod ng kanyang panginoon, kanilang sinabi sa kanya, “Lahat ba'y mabuti? Bakit naparito ang ulol na taong ito sa iyo?” At sinabi niya sa kanila, “Kilala ninyo ang lalaki at ang kanyang pananalita.”
12 Kanilang sinabi, “Ito'y isang kasinungalingan, sabihin mo sa amin ngayon.” At kanyang sinabi, “Ganito lamang ang sinabi niya sa akin: ‘Ganito at ganito ang sabi ng Panginoon, Binuhusan kita ng langis upang maging hari sa Israel.’”
13 At dali-daling kinuha ng bawat isa ang kanya-kanyang kasuotan at iniladlad para sa kanya sa ibabaw ng hagdan, at kanilang hinipan ang trumpeta, at ipinahayag, “Si Jehu ay hari.”
Napatay si Haring Joram ng Israel
14 Gayon nakipagsabwatan si Jehu na anak ni Jehoshafat, na anak ni Nimsi, laban kay Joram. Si Joram at ang buong Israel ay nagbabantay sa Ramot-gilead laban kay Haring Hazael ng Siria;
15 ngunit nakabalik na si Haring Joram sa Jezreel upang magpagaling sa kanyang mga sugat na likha ng mga taga-Siria, nang siya'y lumaban kay Hazael na hari ng Siria. Kaya't sinabi ni Jehu, “Kung ito ang inyong iniisip, huwag hayaang makalabas ang sinuman sa lunsod at magsabi ng balita sa Jezreel.”
16 Sumakay si Jehu sa karwahe at pumunta sa Jezreel, sapagkat si Joram ay nakaratay roon. At si Ahazias na hari ng Juda ay bumaba upang dalawin si Joram.
17 Noon ang tanod ay nakatayo sa muog sa Jezreel, at kanyang natanaw ang pulutong ni Jehu habang dumarating siya, at nagsabi, “Ako'y nakakakita ng isang pulutong.” At sinabi ni Joram, “Kumuha ka ng isang mangangabayo, at iyong suguin upang salubungin sila, at magsabi, ‘Kapayapaan ba?’”
18 Kaya't pumaroon ang isang nangangabayo upang salubungin siya, at sinabi, “Ganito ang sabi ng hari, ‘Kapayapaan ba?’” At sinabi ni Jehu, “Anong pakialam mo sa kapayapaan? Bumalik kang kasunod ko.” At nag-ulat ang tagatanod, “Ang sugo ay nakarating sa kanila, ngunit siya'y hindi bumabalik.”
19 Pagkatapos ay nagsugo siya ng ikalawang mangangabayo na dumating sa kanila, at nagsabi, “Ganito ang sabi ng hari, ‘Kapayapaan ba?’” At sumagot si Jehu, “Ano ang iyong pakialam sa kapayapaan? Bumalik kang kasunod ko.”
20 At muling nag-ulat ang tanod, “Siya'y dumating sa kanila, subalit siya'y hindi bumabalik. At ang pagpapatakbo ay gaya ng pagpapatakbo ni Jehu, na anak ni Nimsi, sapagkat siya'y napakatuling magpatakbo.”
21 Sinabi ni Joram, “Maghanda kayo.” At kanilang inihanda ang kanyang karwahe. Si Joram na hari ng Israel at si Ahazias na hari ng Juda ay nagsilabas, bawat isa sa kanyang karwahe, at sila'y umalis upang salubungin si Jehu, at nasalubong siya sa lupang pag-aari ni Nabat na Jezreelita.
22 Nang makita ni Joram si Jehu, ay kanyang sinabi, “Kapayapaan ba, Jehu?” At siya'y sumagot, “Paanong magkakaroon ng kapayapaan, habang ang mga pakikiapid at mga pangkukulam ng iyong inang si Jezebel ay napakarami?”
23 Kaya't pumihit si Joram at tumakas, na sinasabi kay Ahazias, “Pagtataksil, O Ahazias!”
24 Binunot ni Jehu ng kanyang buong lakas ang pana at pinana si Joram sa pagitan ng kanyang mga balikat. Ang pana ay tumagos sa kanyang puso, at siya'y nabuwal sa kanyang karwahe.
25 Sinabi ni Jehu kay Bidkar na kanyang punong-kawal, “Buhatin mo siya at ihagis sa lupang pag-aari ni Nabat na Jezreelita. Sapagkat naaalala ko, nang ako't ikaw ay nakasakay na magkasama na kasunod ni Ahab na kanyang ama, kung paanong binigkas ng Panginoon ang salitang ito laban sa kanya:
26 ‘Kung(I) paanong tunay na aking nakita kahapon ang dugo ni Nabat, at ang dugo ng kanyang mga anak, sabi ng Panginoon, pagbabayarin kita sa lupang ito.’ Ngayon nga'y buhatin mo siya at ihagis mo sa lupa, ayon sa salita ng Panginoon.”
Napatay si Haring Ahazias ng Juda
27 Ngunit nang makita ito ni Ahazias na hari ng Juda, siya'y tumakas patungo sa Bet-hagan. At siya'y hinabol ni Jehu, at sinabi, “Panain mo rin siya;” at pinana nila siya sa karwahe sa ahunan sa Gur na malapit sa Ibleam. At siya'y tumakas patungo sa Megido, at namatay roon.
28 Dinala siya ng kanyang mga lingkod sa isang karwahe patungo sa Jerusalem, at inilibing siya sa kanyang libingan na kasama ng kanyang mga ninuno sa lunsod ni David.
29 Nang ikalabing-isang taon ni Joram na anak ni Ahab, nagsimulang maghari si Ahazias sa Juda.
Pinatay si Jezebel
30 Nang si Jehu ay dumating sa Jezreel, nabalitaan ito ni Jezebel. Kanyang kinulayan ang kanyang mga mata, at ginayakan ang kanyang ulo, at dumungaw sa bintana.
31 At habang pumapasok si Jehu sa pintuang-bayan, kanyang sinabi, “Kapayapaan ba, ikaw Zimri, ikaw na mamamatay ng iyong panginoon?”
32 Siya ay tumingala sa bintana, at sinabi, “Sino ang sa aking panig? Sino?” Dalawa o tatlong eunuko ang dumungaw sa kanya.
33 Kanyang sinabi, “Ihulog ninyo siya.” Kaya't kanilang inihulog siya at ang iba niyang dugo ay tumilamsik sa pader at sa mga kabayo, at siya'y kanyang niyurakan.
34 Pagkatapos ay pumasok siya at kumain at uminom. At kanyang sinabi, “Tingnan ninyo ngayon ang isinumpang babaing ito. Ilibing ninyo siya, sapagkat siya'y anak ng hari.”
35 Ngunit nang sila'y lumabas upang ilibing siya, wala na silang natagpuan sa kanya maliban sa bungo, mga paa, at ang mga palad ng kanyang mga kamay.
36 Nang(J) sila'y bumalik at sabihin sa kanya, ay sinabi niya, “Ito ang salita ng Panginoon, na kanyang sinabi sa pamamagitan ng kanyang lingkod na si Elias na Tisbita, ‘Sa nasasakupan ng Jezreel, kakainin ng mga aso ang laman ni Jezebel;
37 ang bangkay ni Jezebel ay magiging gaya ng dumi sa ibabaw ng bukid sa nasasakupan ng Jezreel, upang walang makapagsabi, Ito si Jezebel.’”
Ang Salita ng Buhay
1 Sa simula ay ang Salita, at ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay Diyos.
2 Sa simula ay kasama na siya ng Diyos.
3 Lahat ng mga bagay ay ginawa sa pamamagitan niya at kung wala siya ay hindi nagawa ang anumang bagay na ginawa.
4 Nasa sa kanya ang buhay at ang buhay ay siyang ilaw ng mga tao.
5 Ang ilaw ay lumiliwanag sa kadiliman; at ito'y hindi nagapi ng kadiliman.
6 Mayroong(A) isang tao na isinugo mula sa Diyos na ang pangalan ay Juan.
7 Siya ay dumating bilang saksi, upang magpatotoo tungkol sa ilaw, upang sa pamamagitan niya'y sumampalataya ang lahat.
8 Hindi siya ang ilaw, kundi dumating siya upang magpatotoo tungkol sa ilaw.
9 Siya ang tunay na ilaw na tumatanglaw sa bawat dumarating sa sanlibutan.
10 Siya noon ay nasa sanlibutan at ang sanlibutan ay ginawa sa pamamagitan niya, gayunma'y hindi siya nakilala ng sanlibutan.
11 Siya'y naparito sa kanyang sariling tahanan at siya'y hindi tinanggap ng kanyang sariling bayan.
12 Subalit ang lahat ng tumanggap sa kanya na sumasampalataya sa kanyang pangalan ay kanyang pinagkalooban sila ng karapatan na maging mga anak ng Diyos,
13 na ipinanganak hindi sa dugo, o sa kalooban ng laman, o sa kalooban ng tao, kundi ng Diyos.
14 At naging tao[a] ang Salita at tumahang kasama namin, at nakita namin ang kanyang kaluwalhatian, kaluwalhatiang gaya ng sa tanging Anak ng Ama, puspos ng biyaya at katotohanan.
15 Nagpatotoo si Juan tungkol sa kanya at sumigaw, “Siya yaong aking sinasabi, ‘Ang dumarating na kasunod ko ay naging una sa akin sapagkat siya'y nauna sa akin.’”
16 At mula sa kanyang kapuspusan ay tumanggap tayong lahat, biyaya na sinundan pa ng ibang biyaya.
17 Sapagkat ibinigay sa pamamagitan ni Moises ang kautusan; ang biyaya at ang katotohanan ay dumating sa pamamagitan ni Jesu-Cristo.
18 Walang sinumang nakakita kailanman sa Diyos. Ang Diyos na tanging Anak[b] na nasa kandungan ng Ama ang nagpakilala sa kanya.
Ang Patotoo ni Juan na Tagapagbautismo(B)
19 Ito ang patotoo ni Juan nang suguin ng mga Judio ang mga pari at mga Levita mula sa Jerusalem upang siya'y tanungin, “Sino ka ba?”
20 Siya'y nagpahayag at hindi ikinaila kundi sinabing, “Hindi ako ang Cristo.”
21 Siya'y(C) kanilang tinanong, “Kung gayo'y, ikaw ba si Elias?” At sinabi niya, “Hindi ako.” “Ikaw ba ang propeta?” At siya'y sumagot, “Hindi.”
22 Sinabi nila sa kanya, “Sino ka ba? Bigyan mo kami ng isasagot sa mga nagsugo sa amin. Ano ang masasabi mo tungkol sa iyong sarili?”
23 Sinabi(D) niya, “Ako ang tinig ng isang sumisigaw sa ilang na lugar, ‘Tuwirin ninyo ang daan ng Panginoon, gaya ng sinabi ng propeta Isaias.’”
24 Sila'y mga sugo buhat sa mga Fariseo.
25 Siya'y tinanong nila, “Kung gayo'y bakit ka nagbabautismo, kung hindi ikaw ang Cristo, o si Elias, o ang propeta?”
26 Sila'y sinagot ni Juan, “Ako'y nagbabautismo sa tubig; sa gitna ninyo'y may isang nakatayo na hindi ninyo kilala,
27 na pumaparitong kasunod ko at hindi ako karapat-dapat magkalag ng panali ng kanyang sandalyas.”
28 Ang mga bagay na ito'y nangyari sa Betania, sa kabilang ibayo ng Jordan, na pinagbabautismuhan ni Juan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001