Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
1 Cronica 13-15

Ang Kaban ay Dinala sa Bahay ni Obed-edom(A)

13 Sumangguni si David sa mga pinunong-kawal ng mga libu-libo, at mga daan-daan, at sa bawat pinuno.

Sinabi ni David sa buong kapulungan ng Israel, “Kung inaakala ninyong mabuti at kung kalooban ng Panginoon nating Diyos, ay ipatawag natin ang ating mga kapatid na nananatili sa buong lupain ng Israel, kabilang ang mga pari at mga Levita sa kanilang mga bayan na may mga pastulan, upang sila'y sama-samang pumarito sa atin.

Pagkatapos ay muli nating dalhin ang kaban ng ating Diyos sa atin, sapagkat ito'y kinaligtaan natin sa mga araw ni Saul.”

At ang buong kapulungan ay sumang-ayon na kanilang gawin ang gayon, sapagkat iyon ay matuwid sa paningin ng buong bayan.

Kaya't(B) tinipon ni David ang buong Israel mula sa Sihor ng Ehipto hanggang sa pasukan sa Hamat, upang dalhin ang kaban ng Diyos mula sa Kiryat-jearim.

At(C) si David at ang buong Israel ay umahon sa Baala, samakatuwid ay sa Kiryat-jearim na sakop ng Juda, upang dalhin mula roon ang kaban ng Diyos, tinatawag ayon sa pangalan ng Panginoon na nakaupo sa ibabaw ng kerubin.

Kanilang dinala ang kaban ng Diyos na nakasakay sa isang bagong kariton mula sa bahay ni Abinadab. Sina Uzah at Ahio ang nagpapatakbo ng kariton.

At si David at ang buong Israel ay nagkakasayahan sa harapan ng Diyos nang buong lakas nila, na may mga awit, mga alpa, mga lira, mga tamburin, mga pompiyang, at mga trumpeta.

Nang sila'y dumating sa giikan ng Kidon, iniunat ni Uzah ang kanyang kamay upang hawakan ang kaban, sapagkat natisod ang mga baka.

10 At ang galit ng Panginoon ay nagningas laban kay Uzah, at siya'y kanyang sinaktan sapagkat siya'y humawak sa kaban, at doo'y namatay siya sa harapan ng Diyos.

11 Kaya't sumama ang loob ni David sapagkat nagalit ang Panginoon kay Uzah, at kanyang tinawag ang dakong iyon na Perez-uza[a] hanggang sa araw na ito.

12 At si David ay natakot sa Diyos nang araw na iyon, na nagsasabi, “Paano ko maiuuwi ang kaban ng Diyos?”

13 Kaya't hindi inilipat ni David ang kaban sa lunsod ni David, kundi ito'y dinala sa bahay ni Obed-edom na Geteo.

14 Ang(D) kaban ng Diyos ay nanatili sa sambahayan ni Obed-edom sa kanyang bahay nang tatlong buwan. At pinagpala ng Panginoon ang sambahayan ni Obed-edom, at ang lahat niyang ari-arian.

Ang Sambahayan ni David(E)

14 Si Hiram na hari ng Tiro ay nagpadala ng mga sugo kay David, at ng mga puno ng sedro, mga tagatapyas ng bato at mga karpintero upang ipagtayo siya ng bahay.

At nabatid ni David na itinatag siya ng Panginoon bilang hari ng Israel, at ang kanyang kaharian ay itinaas nang mataas alang-alang sa kanyang bayang Israel.

Si David ay kumuha pa ng mga asawa sa Jerusalem. Si David ay nagkaanak pa ng mga lalaki at mga babae.

Ito ang mga pangalan ng mga naging anak niya sa Jerusalem: sina Samua, Sobab, Natan, Solomon,

sina Ibhar, Elisua, Elfelet;

Noga, Nefeg, Jafia;

Elisama, Beeliada, at Elifelet.

Nang mabalitaan ng mga Filisteo na si David ay binuhusan ng langis upang maging hari sa buong Israel, nagsiahon ang lahat ng Filisteo upang hanapin si David. Nabalitaan ito ni David at siya'y lumabas laban sa kanila.

Ang mga Filisteo ay dumating at gumawa ng pagsalakay sa libis ng Refaim.

10 At si David ay sumangguni sa Diyos, na nagsasabi, “Aahon ba ako laban sa mga Filisteo? Ibibigay mo ba sila sa aking kamay?” At sinabi ng Panginoon sa kanya, “Umahon ka, sapagkat ibibigay ko sila sa iyong kamay.”

11 Kaya't umahon sila sa Baal-perazim[b] at doo'y nagapi sila ni David. At sinabi ni David, “Sinambulat ng Diyos ang aking mga kaaway sa pamamagitan ng aking kamay na gaya ng sumambulat na baha.” Kaya't kanilang tinawag ang dakong iyon na Baal-perazim.[c]

12 Kanilang iniwan doon ang kanilang mga diyos at ipinag-utos ni David na sunugin ang mga iyon.

13 At muling sumalakay ang mga Filisteo sa libis.

14 Nang si David ay muling sumangguni sa Diyos, sinabi ng Diyos sa kanya, “Huwag kang aahong kasunod nila; lumigid ka at salakayin mo sila sa tapat ng mga puno ng balsamo.

15 Kapag iyong narinig ang hugong ng lakad sa mga dulo ng mga puno ng balsamo, ikaw nga ay lalabas sa pakikipaglaban, sapagkat ang Diyos ay humayo sa unahan mo upang lupigin ang hukbo ng mga Filisteo.”

16 Ginawa ni David kung ano ang iniutos sa kanya ng Diyos; at kanilang pinatay ang hukbo ng mga Filisteo mula sa Gibeon hanggang sa Gezer.

17 At ang katanyagan ni David ay lumaganap sa lahat ng lupain; nilagyan ng Panginoon ng takot sa kanya ang lahat ng mga bansa.

Paghahanda Upang Ilipat ang Kaban

15 Gumawa si David[d] ng mga bahay para sa kanya sa lunsod ni David; at ipinaghanda niya ng isang dako ang kaban ng Diyos, at nagtayo para roon ng isang tolda.

Nang(F) magkagayo'y sinabi ni David, “Walang dapat magdala ng kaban ng Diyos kundi ang mga Levita, sapagkat sila ang pinili ng Panginoon upang magdala ng kaban ng Diyos at maglingkod sa kanya magpakailanman.”

Tinipon ni David ang buong Israel sa Jerusalem upang iahon ang kaban ng Panginoon sa lugar nito na kanyang inihanda para rito.

At tinipon ni David ang mga anak ni Aaron at ang mga Levita;

sa mga anak ni Kohat: si Uriel na pinuno at ang kanyang mga kapatid, isandaan at dalawampu;

sa mga anak ni Merari: si Asaya na pinuno at ang dalawandaan at dalawampu sa kanyang mga kapatid,

sa mga anak ni Gershon: si Joel na pinuno, at ang isandaan at tatlumpu sa kanyang mga kapatid,

sa mga anak ni Elisafan: si Shemaya na pinuno, at ang dalawandaan sa kanyang kapatid,

sa mga anak ni Hebron: si Eliel na pinuno, at ang kanyang walumpung mga kapatid,

10 sa mga anak ni Uziel: si Aminadab na pinuno, at ang kanyang isandaan at labindalawang mga kapatid.

11 Ipinatawag ni David ang mga paring sina Zadok at Abiatar, at ang mga Levita na sina Uriel, Asaya, Joel, Shemaya, Eliel, at Aminadab,

12 at kanyang sinabi sa kanila, “Kayo ang mga pinuno sa mga sambahayan ng mga Levita. Magpakabanal kayo, kayo at ang inyong mga kapatid, upang inyong maiahon ang kaban ng Panginoon, ang Diyos ng Israel, sa dakong aking inihanda para rito.

13 Sapagkat dahil sa hindi ninyo dinala ito nang una, ang Panginoon nating Diyos ay nagalit sa atin, sapagkat hindi natin siya hinanap ayon sa utos.”

14 Sa gayo'y ang mga pari at ang mga Levita ay nagpakabanal upang iahon ang kaban ng Panginoon, ang Diyos ng Israel.

15 At(G) binuhat ng mga anak ng mga Levita ang kaban ng Diyos sa kanilang mga balikat sa pamamagitan ng mga pasanan, gaya ng iniutos ni Moises ayon sa salita ng Panginoon.

Ang Kaban ay Dinala ng mga Levita sa Jerusalem(H)

16 Inutusan rin ni David ang pinuno ng mga Levita na italaga ang kanilang mga kapatid bilang mga mang-aawit na tutugtog sa mga panugtog, mga alpa, mga lira at mga pompiyang, upang magpailanglang ng mga tunog na may kagalakan.

17 Kaya't hinirang ng mga Levita si Heman na anak ni Joel; at sa kanyang mga kapatid ay si Asaf na anak ni Berequias; at sa mga anak ni Merari na kanilang mga kapatid ay si Etan na anak ni Cusaias.

18 Kasama nila ang kanilang mga kapatid mula sa ikalawang pangkat: sina Zacarias, Ben, Jaaziel, Semiramot, Jehiel, Uni, Eliab, Benaya, Maasias, Matithias, Eliphelehu, Micnias, Obed-edom, at Jehiel, na mga bantay sa pinto.

19 Ang mga mang-aawit na sina Heman, Asaf, at Etan, ay tutugtog ng mga pompiyang na tanso,

20 sina Zacarias, Aziel, Semiramot, Jehiel, Uni, Eliab, Maasias, at Benaya, ay tutugtog ng mga alpa ayon kay Alamot;

21 ngunit sina Matithias, Elifelehu, Micnias, Obed-edom, Jehiel, at si Azazias, ay mangunguna sa pagtugtog ng mga alpa ayon sa Sheminith.

22 Si Kenanias na pinuno ng mga Levita sa musika ay siyang mangangasiwa sa pag-awit sapagkat nauunawaan niya ito.

23 Sina Berequias, at Elkana ay mga bantay ng pintuan para sa kaban.

24 Sina Sebanias, Joshafat, Natanael, Amasai, Zacarias, Benaya at si Eliezer na mga pari, ang magsisihihip ng mga trumpeta sa harapan ng kaban ng Diyos. Sina Obed-edom at Jehias ay mga bantay rin sa pintuan para sa kaban.

25 Kaya't si David at ang matatanda sa Israel at ang mga punong-kawal sa mga libu-libo, ay umalis upang iahon na may kagalakan ang kaban ng tipan ng Panginoon mula sa bahay ni Obed-edom:

26 Sapagkat tinulungan ng Diyos ang mga Levita na nagdadala ng kaban ng tipan ng Panginoon, sila'y naghandog ng pitong baka at pitong tupa.

27 Si David ay may suot na isang balabal na pinong lino, gayundin ang lahat ng Levita na nagpapasan ng kaban, at ang mga mang-aawit, si Kenanias na tagapamahala sa awit ng mga mang-aawit; at si David ay may suot na efod na lino.

28 Sa gayon iniahon ng buong Israel ang kaban ng tipan ng Panginoon na may mga sigawan, may mga tunog ng tambuli, mga trumpeta at may mga pompiyang, at tumugtog nang malakas sa mga alpa at mga lira.

29 Nangyari nga, samantalang ang kaban ng tipan ng Panginoon ay dumarating sa lunsod ni David, si Mical na anak ni Saul ay tumanaw sa bintana, at nakita niya si Haring David na sumasayaw at nagsasaya; at kanyang hinamak siya sa kanyang puso.

Juan 7:1-27

Si Jesus at ang Kanyang mga Kapatid

Pagkatapos ng mga bagay na ito ay pumunta si Jesus sa Galilea. Ayaw niyang dumaan sa Judea, sapagkat pinagsisikapan ng mga Judio na siya'y patayin.

Malapit(A) na noon ang pista ng mga Judio, ang pista ng mga Tabernakulo.[a]

Sinabi sa kanya ng kanyang mga kapatid, “Umalis ka rito at pumunta ka sa Judea, upang makita ng iyong mga alagad ang iyong mga ginagawa.

Sapagkat walang taong nagnanais makilala ang gumagawa ng anumang bagay sa lihim. Kung ginagawa mo ang mga bagay na ito ay ipakilala mo ang iyong sarili sa sanlibutan.”

Sapagkat maging ang kanyang mga kapatid man ay hindi sumampalataya sa kanya.

Sinabi sa kanila ni Jesus, “Hindi pa dumating ang aking oras, subalit ang inyong oras ay laging naririyan.

Hindi kayo maaaring kapootan ng sanlibutan, ngunit ako'y kinapopootan nito, sapagkat ako'y nagpapatotoo laban dito na masasama ang kanyang mga gawa.

Kayo na ang pumunta sa pista. Ako'y hindi pupunta sa pistang ito, sapagkat hindi pa dumating ang aking oras.”

At nang masabi ang mga bagay na ito ay nanatili siya sa Galilea.

Si Jesus sa Pista ng mga Tabernakulo

10 Subalit nang makaahon na ang kanyang mga kapatid para sa pista, saka naman siya umahon, hindi hayagan kundi palihim.

11 Hinahanap nga siya ng mga Judio sa pista, at kanilang sinasabi, “Saan siya naroroon?”

12 Nagkaroon ng maraming bulung-bulungan tungkol sa kanya ang mga tao. Sinasabi ng ilan, “Siya'y mabuting tao.” Sinasabi naman ng iba, “Hindi, inililigaw niya ang mga tao.”

13 Subalit walang taong nagsalita nang hayag tungkol sa kanya dahil sa takot sa mga Judio.

14 Nang ang kapistahan ay nasa kalagitnaan na ay pumunta si Jesus sa templo at nagturo.

15 Namangha ang mga Judio, na nagsasabi, “Paanong nagkaroon ang taong ito ng karunungan, gayong hindi naman nag-aral kailanman?”

16 Sinagot sila ni Jesus, “Ang turo ko ay hindi akin, kundi sa kanya na nagsugo sa akin.

17 Kung ang sinuman ay nagnanais gumawa ng kalooban ng Diyos[b] ay makikilala niya kung ang turo ay mula sa Diyos, o kung ako'y nagsasalita mula sa aking sarili.

18 Ang nagsasalita nang mula sa kanyang sarili ay humahanap ng kanyang sariling kaluwalhatian; subalit ang humahanap ng kaluwalhatian ng nagsugo sa kanya ay siyang totoo, at sa kanya'y walang kasinungalingan.

19 Hindi ba ibinigay sa inyo ni Moises ang kautusan? Subalit wala sa inyong tumutupad ng kautusan. Bakit ninyo pinagsisikapang ako'y patayin?”

20 Sumagot ang maraming tao, “Mayroon kang demonyo! Sino ang nagsisikap na ikaw ay patayin?”

21 Sumagot si Jesus sa kanila, “Isang bagay ang aking ginawa at pinagtatakhan ninyong lahat ito.

22 Ibinigay(B) sa inyo ni Moises ang pagtutuli (hindi sa ito'y kay Moises, kundi mula sa mga patriyarka); at tinutuli ninyo sa Sabbath ang isang lalaki.

23 Kung(C) ang isang lalaki ay tumatanggap ng pagtutuli sa Sabbath, upang huwag malabag ang kautusan ni Moises, nagagalit ba kayo sa akin dahil sa pinagaling ko ang buong katawan ng isang tao sa Sabbath?

24 Huwag kayong humatol batay sa anyo, kundi humatol kayo nang matuwid na paghatol.”

Siya ba ang Cristo?

25 Sinabi ng ilang taga-Jerusalem, “Hindi ba ito ang taong kanilang pinagsisikapang patayin?

26 At narito, siya'y hayag na nagsasalita, at sila'y walang anumang sinasabi sa kanya. Tunay kayang nakikilala ng mga pinuno na ito ang Cristo?

27 Subalit nalalaman natin kung saan nagmula ang taong ito, subalit ang Cristo, pagdating niya ay walang makakaalam kung saan siya magmumula.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001