Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
2 Mga Hari 17-18

Si Haring Hosheas ng Israel

17 Nang ikalabindalawang taon ni Ahaz na hari ng Juda, si Hosheas na anak ni Ela ay nagsimulang maghari sa Samaria sa Israel, at siya ay naghari sa loob ng siyam na taon.

Gumawa siya ng masama sa paningin ng Panginoon, bagaman hindi gaya ng mga hari ng Israel na nauna sa kanya.

Umahon laban sa kanya si Shalmaneser na hari ng Asiria; at si Hosheas ay naging sakop niya at nagbayad sa kanya ng buwis.

Subalit ang hari ng Asiria ay nakakita ng pagtataksil kay Hosheas, sapagkat siya'y nagpadala ng mga sugo kay So na hari ng Ehipto, at hindi nagbigay ng buwis sa hari ng Asiria, tulad ng kanyang ginagawa taun-taon. Kaya't kinulong siya ng hari ng Asiria at iginapos sa bilangguan.

Bumagsak ang Samaria

Pagkatapos ay sinalakay ng hari ng Asiria ang buong lupain at dumating sa Samaria at kinubkob ito sa loob ng tatlong taon.

Nang ikasiyam na taon ni Hosheas, sinakop ng hari ng Asiria ang Samaria. Dinala niya ang mga Israelita sa Asiria, at inilagay sila sa Hala, at sa Habor, sa ilog ng Gozan, at sa mga lunsod ng mga Medo.

Ito ay nangyari sapagkat ang bayang Israel ay nagkasala laban sa Panginoon nilang Diyos, na siyang naglabas sa kanila sa lupain ng Ehipto, mula sa kamay ni Faraon na hari ng Ehipto. Sila'y natakot sa ibang mga diyos,

at lumakad sa mga kaugalian ng mga bansa na pinalayas ng Panginoon sa harapan ng mga anak ni Israel, at sa mga kaugaliang pinasimulan ng mga hari ng Israel.

Ang bayang Israel ay palihim na nagsigawa ng mga bagay na hindi matuwid laban sa Panginoon nilang Diyos. Sila'y nagtayo para sa kanila ng matataas na dako sa lahat nilang mga bayan, mula sa muog hanggang sa lunsod na may kuta.

10 Sila'y(A) nagtindig ng mga haligi at Ashera sa bawat mataas na burol, at sa ilalim ng bawat luntiang punungkahoy.

11 Nagsunog sila doon ng insenso sa lahat ng matataas na dako, gaya ng ginawa ng mga bansang pinalayas ng Panginoon sa harapan nila. Sila'y gumawa ng masasamang bagay na siyang ikinagalit ng Panginoon.

12 Sila'y naglingkod sa mga diyus-diyosan, na tungkol dito ay sinabi ng Panginoon, “Huwag ninyong gagawin ang bagay na ito.”

13 Gayunma'y binalaan ng Panginoon ang Israel at Juda sa pamamagitan ng bawat propeta at bawat nakakakita ng pangitain, na sinasabi, “Layuan ninyo ang inyong masasamang lakad at tuparin ninyo ang aking mga utos at mga tuntunin, ayon sa buong kautusan na aking iniutos sa inyong mga ninuno, at aking ipinadala sa inyo sa pamamagitan ng aking mga lingkod na mga propeta.”

14 Ngunit ayaw nilang makinig, kundi pinatigas ang kanilang ulo na gaya ng kanilang mga ninuno na hindi sumampalataya sa Panginoon nilang Diyos.

15 Kanilang itinakuwil ang kanyang mga tuntunin at ang kanyang tipan na ginawa niya sa kanilang mga ninuno, at ang mga babala na kanyang ibinigay sa kanila. Sila'y nagsisunod sa mga walang kabuluhan at naging walang kabuluhan at nagsisunod sa mga bansa na nasa palibot nila, na iniutos ng Panginoon na huwag silang gumawa ng tulad nila.

16 At(B) kanilang itinakuwil ang lahat ng mga utos ng Panginoon nilang Diyos, at gumawa para sa kanilang sarili ng mga larawang hinulma na dalawang guya, at nagsigawa ng sagradong poste,[a] at sinamba ang hukbo ng langit, at naglingkod kay Baal.

17 Kanilang(C) pinaraan sa apoy ang kanilang mga anak na lalaki at babae at gumamit ng panghuhula at pangkukulam, at ipinagbili ang kanilang sarili upang gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon, na siyang ikinagalit niya.

18 Kaya't ang Panginoon ay galit na galit sa Israel, at inalis sila sa kanyang paningin. Walang naiwan maliban sa lipi ni Juda lamang.

19 Hindi rin iningatan ng Juda ang mga utos ng Panginoon nilang Diyos, kundi lumakad sa mga kaugaliang pinasimulan ng Israel.

20 At itinakuwil ng Panginoon ang lahat ng mga anak ni Israel, at pinahirapan sila at ibinigay sila sa kamay ng mga mananamsam hanggang sa kanyang mapalayas sila sa kanyang paningin.

21 Nang kanyang maihiwalay ang Israel sa sambahayan ni David, kanilang ginawang hari si Jeroboam na anak ni Nebat. At inilayo ni Jeroboam ang Israel sa pagsunod sa Panginoon at naging dahilan upang makagawa sila ng malaking kasalanan.

22 At ang bayang Israel ay nagsilakad sa lahat ng kasalanan na ginawa ni Jeroboam; hindi nila hiniwalayan ang mga iyon,

23 hanggang sa alisin ng Panginoon ang Israel sa kanyang paningin, gaya ng kanyang sinabi sa pamamagitan ng lahat niyang lingkod na mga propeta. Kaya't ang Israel ay itinapon sa Asiria mula sa kanilang sariling lupain hanggang sa araw na ito.

24 Ang hari ng Asiria ay nagdala ng mga tao mula sa Babilonia, Kut, Iva, Hamat, at Sefarvaim at inilagay sila sa mga bayan ng Samaria sa halip na mga mamamayan ng Israel. Kanilang inangkin ang Samaria at nanirahan sa mga lunsod nito.

25 Sa pasimula ng kanilang paninirahan doon, hindi sila natakot sa Panginoon kaya't ang Panginoon ay nagsugo ng mga leon sa gitna nila at pinatay ang ilan sa kanila.

26 Kaya't sinabi sa hari ng Asiria, “Hindi nalalaman ng mga bansa na iyong dinala at inilagay sa mga lunsod ng Samaria ang kautusan ng diyos ng lupain. Kaya't siya'y nagsugo ng mga leon sa gitna nila, at kanilang pinapatay sila sapagkat hindi nila nalalaman ang batas ng diyos sa lupain.”

27 Kaya't nag-utos ang hari ng Asiria, “Dalhin ninyo roon ang isa sa mga pari na inyong dinala mula roon. Hayaan siyang umalis at tumira roon at kanyang turuan sila ng kautusan ng diyos ng lupain.”

28 Kaya't isa sa mga pari na kanilang dinala mula sa Samaria ay dumating at nanirahan sa Bethel, at tinuruan sila kung paano dapat matakot sa Panginoon.

29 Ngunit bawat bansa ay gumawa pa rin ng kanilang sariling mga diyos at inilagay sa matataas na dako na ginawa ng mga Samaritano, bawat bansa sa mga lunsod na kanilang tinitirhan;

30 ginawa ng mamamayan ng Babilonia ang Sucot-benot, ginawa ng mamamayan ng Kut ang Nergal, at ginawa ng mamamayan ng Hamat ang Asima.

31 Ginawa naman ng mga Aveo ang Nibhaz at Tartac, at sinunog ng mga Sefarvita ang kanilang mga anak sa apoy sa Adramalec at sa Anamelec, na mga diyos ng Sefarvaim.

32 Natakot din sila sa Panginoon, at pumili sa gitna nila ng lahat ng uri ng mga tao bilang mga pari sa matataas na dako, na naghandog para sa kanila sa mga dambana ng matataas na dako.

33 Sa gayon sila natakot sa Panginoon, subalit naglingkod din sa kanilang sariling mga diyos, ayon sa paraan ng mga bansang pinagkunan sa kanila.

34 Hanggang(D) sa araw na ito ay ginagawa nila ang ayon sa mga dating kaugalian. Sila'y hindi natatakot sa Panginoon, at hindi sila sumusunod sa mga tuntunin, ni utos, ni batas, ni mga kautusan na iniutos ng Panginoon sa mga anak ni Jacob, na kanyang pinangalanang Israel.

35 Ang(E) Panginoon ay nakipagtipan sa kanila at inutusan sila, “Kayo'y huwag matatakot sa ibang mga diyos, o magsisiyukod man sa kanila, o maglilingkod man sa kanila, o maghahandog man sa kanila;

36 kundi(F) matatakot kayo sa Panginoon, na siyang naglabas sa inyo mula sa lupain ng Ehipto na may dakilang kapangyarihan at may nakaunat na kamay. Luluhod kayo sa kanya, at sa kanya kayo maghahandog.

37 Ang mga tuntunin, mga batas, ang kautusan, at ang utos na kanyang sinulat para sa inyo ay lagi ninyong maingat na gawin. Kayo'y huwag matatakot sa ibang mga diyos,

38 at huwag ninyong kalilimutan ang tipan na aking ginawa sa inyo. Huwag kayong matakot sa ibang mga diyos,

39 kundi matakot kayo sa Panginoon ninyong Diyos at kanyang ililigtas kayo sa kamay ng lahat ninyong mga kaaway.”

40 Gayunma'y ayaw nilang makinig kundi kanilang ginawa ang ayon sa kanilang dating kaugalian.

41 Kaya't habang ang mga bansang ito ay natatakot sa Panginoon, ay naglingkod din sila sa kanilang mga larawang inanyuan. Gayundin ang kanilang mga anak, at ang mga anak ng kanilang mga anak—kung ano ang ginawa ng kanilang mga ninuno ay gayon ang ginawa nila hanggang sa araw na ito.

Si Haring Hezekias ng Juda(G)

18 Nang ikatlong taon ni Hosheas na anak ni Ela na hari ng Israel, si Hezekias na anak ni Ahaz na hari ng Juda ay nagsimulang maghari.

Siya ay dalawampu't limang taon nang magsimulang maghari, at siya'y naghari sa loob ng dalawampu't siyam na taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Abi na anak ni Zacarias.

Siya'y gumawa ng matuwid sa paningin[b] ng Panginoon, ayon sa lahat ng ginawa ni David na kanyang ninuno.

Kanyang(H) inalis ang matataas na dako, winasak ang mga haligi, at ibinagsak ang mga sagradong poste.[c] Kanyang pinagputul-putol ang ahas na tanso na ginawa ni Moises, sapagkat hanggang sa mga araw na iyon ay pinagsusunugan ito ng insenso ng mga anak ni Israel; ito ay tinawag na Nehustan.

Siya'y nagtiwala sa Panginoong Diyos ng Israel at walang naging gaya niya sa lahat ng mga hari ng Juda pagkatapos niya o maging sa mga nauna sa kanya.

Sapagkat siya'y humawak nang mahigpit sa Panginoon; siya'y hindi humiwalay sa pagsunod sa kanya, kundi iningatan ang kanyang mga utos na iniutos ng Panginoon kay Moises.

Ang Panginoon ay kasama niya; saanman siya magtungo ay nagtatagumpay siya. Siya'y naghimagsik laban sa hari ng Asiria, at ayaw niyang maglingkod sa kanya.

Kanyang nilusob ang mga Filisteo hanggang sa Gaza at sa mga nasasakupan nito, mula sa muog-bantayan hanggang sa lunsod na may kuta.

Nang ikaapat na taon ni Haring Hezekias, na siyang ikapitong taon ni Hosheas na anak ni Ela na hari ng Israel, si Shalmaneser na hari ng Asiria ay umahon laban sa Samaria at kinubkob niya iyon,

10 at sa katapusan ng tatlong taon ay kanilang sinakop iyon. Nang ikaanim na taon ni Hezekias, na siyang ikasiyam na taon ni Hosheas na hari ng Israel, ang Samaria ay sinakop.

11 Dinala ng hari ng Asiria ang mga Israelita sa Asiria, at inilagay sila sa Hala, at sa Habor, ang ilog ng Gozan, at sa mga lunsod ng mga Medo,

12 sapagkat hindi nila sinunod ang tinig ng Panginoon nilang Diyos, kundi kanilang nilabag ang kanyang tipan, maging ang lahat ng iniutos ni Moises na lingkod ng Panginoon. Hindi sila nakinig ni sumunod.

Pinagbantaan ng Taga-Asiria ang Jerusalem(I)

13 Nang ikalabing-apat na taon ni Haring Hezekias, si Senakerib na hari ng Asiria ay umahon laban sa lahat ng bayang nakukutaan ng Juda at sinakop ang mga iyon.

14 Si Hezekias na hari ng Juda ay nagsugo sa hari ng Asiria sa Lakish, na nagsasabi, “Ako'y nagkamali; iwan mo ako. Anumang ipataw mo sa akin ay aking papasanin.” At pinatawan ng hari ng Asiria si Hezekias na hari ng Juda ng tatlongdaang talentong pilak at tatlumpung talentong ginto.

15 Ibinigay ni Hezekias sa kanya ang lahat ng pilak na natagpuan sa bahay ng Panginoon, at sa kabang-yaman ng bahay ng hari.

16 Nang panahong yaon ay inalis ni Hezekias ang ginto mula sa mga pintuan ng templo ng Panginoon at mula sa mga haligi na binalutan ni Hezekias na hari ng Juda at ibinigay ito sa hari ng Asiria.

17 Isinugo ng hari ng Asiria ang Tartan, ang Rabsaris, at ang Rabsake na may malaking hukbo mula sa Lakish patungo kay Haring Hezekias sa Jerusalem. At sila'y umahon at nakarating sa Jerusalem. Nang sila'y makarating, sila'y pumasok at tumayo sa tabi ng daluyan ng tubig ng mataas na tipunan ng tubig na nasa lansangan patungo sa Parang na Bilaran.

18 Nang matawag na nila ang hari, lumabas sa kanila si Eliakim na anak ni Hilkias, na siyang katiwala ng bahay, at si Sebna na kalihim, at si Joah na anak ni Asaf na tagapagtala.

19 At sinabi ng Rabsake sa kanila, “Sabihin ninyo kay Hezekias, ‘Ganito ang sabi ng dakilang hari, ang hari ng Asiria: Sa ano ninyo ibinabatay ang pagtitiwala ninyong ito?

20 Iyong sinasabi (ngunit mga salitang walang kabuluhan lamang) may payo at kalakasan sa pakikidigma. Ngayon, kanino ka nagtitiwala, na ikaw ay maghimagsik laban sa akin?

21 Narito ngayon, ikaw ay umaasa sa Ehipto, sa baling tungkod na iyon na tutusok sa kamay ng sinumang taong sasandal doon. Gayon si Faraon na hari ng Ehipto sa lahat ng umaasa sa kanya.

22 Ngunit kung inyong sasabihin sa akin, “Kami ay umaasa sa Panginoon naming Diyos,” hindi ba siya yaong inalisan ni Hezekias ng matataas na dako at ng mga dambana, na sinasabi sa Juda at Jerusalem, “Kayo'y sasamba sa dambanang ito sa Jerusalem?”

23 Halika ngayon, makipagpustahan ka sa aking panginoong hari ng Asiria. Bibigyan kita ng dalawang libong kabayo, kung makakaya mong lagyan ng mga mangangabayo ang mga iyon.

24 Paano mo maitataboy ang isang punong-kawal mula sa pinakamahina sa mga lingkod ng aking panginoon, samantalang umaasa ka sa Ehipto para sa mga karwahe at mga mangangabayo?

25 Bukod dito, ako ba'y umahon na hindi ko kasama ang Panginoon laban sa lugar na ito upang ito'y wasakin? Sinabi ng Panginoon sa akin, Umahon ka laban sa lupaing ito, at wasakin mo ito.’”

26 Nang magkagayo'y sinabi ni Eliakim na anak ni Hilkias, at nina Sebna at Joah sa Rabsake, “Hinihiling ko sa iyo, magsalita ka sa iyong mga lingkod sa wikang Aramaico sapagkat naiintindihan namin iyon. Huwag kang magsalita sa amin sa wikang Juda, sa mga pandinig ng taong-bayan na nasa pader.”

27 Ngunit sinabi ng Rabsake sa kanila, “Sinugo ba ako ng aking panginoon upang sabihin ang mga salitang ito sa iyong panginoon at sa inyo, at hindi sa mga lalaking nakaupo sa pader na nakatadhanang kasama ninyo na kumain ng kanilang sariling dumi at uminom ng kanilang sariling ihi?”

28 Pagkatapos ay tumayo ang Rabsake at sumigaw ng malakas sa wikang Juda, “Pakinggan ninyo ang salita ng dakilang hari, ang hari ng Asiria!”

29 Ganito ang sabi ng hari, “Huwag kayong padaya kay Hezekias, sapagkat kayo'y hindi niya maililigtas sa aking kamay.

30 Huwag ninyong hayaang pagtiwalain kayo ni Hezekias sa Panginoon sa pagsasabing, ‘Tiyak na ililigtas tayo ng Panginoon, at ang lunsod na ito ay hindi ibibigay sa kamay ng hari ng Asiria.’

31 Huwag kayong makinig kay Hezekias, sapagkat ganito ang sabi ng hari ng Asiria, ‘Makipagpayapaan kayo sa akin at lumabas kayo sa akin; at ang bawat isa sa inyo ay kakain mula sa kanyang sariling puno ng ubas, at ang bawat isa mula sa kanyang sariling puno ng igos, at ang bawat isa sa inyo ay iinom ng tubig sa kanyang sariling balon;

32 hanggang sa ako'y dumating at dalhin ko kayo sa isang lupaing gaya ng inyong sariling lupain, isang lupain ng trigo at ng alak, isang lupain ng tinapay at ng mga ubasan, isang lupain ng langis na olibo at ng pulot, upang kayo'y mabuhay at hindi mamatay. At huwag kayong makinig kay Hezekias kapag kayo'y ililigaw niya sa pagsasabing, Ililigtas tayo ng Panginoon.

33 Mayroon na bang sinuman sa mga diyos ng mga bansa na nakapagligtas ng lupain niya sa kamay ng hari ng Asiria?

34 Nasaan ang mga diyos ng Hamat at Arpad? Nasaan ang mga diyos ng Sefarvaim, Hena at Iva? Nailigtas ba nila ang Samaria sa aking kamay?

35 Sino sa lahat ng mga diyos ng mga lupain ang nakapagligtas ng kanilang lupain sa aking kamay, na anupa't ililigtas ng Panginoon ang Jerusalem sa aking kamay?’”

36 Ngunit ang bayan ay tahimik, at hindi siya sinagot ng kahit isang salita, sapagkat ang utos ng hari ay, “Huwag ninyo siyang sagutin.”

37 Nang magkagayon, si Eliakim na anak ni Hilkias, na katiwala ng sambahayan, si Sebna na kalihim, at si Joah na anak ni Asaf, ang tagapagtala, ay pumunta kay Hezekias na punit ang kanilang suot at sinabi sa kanya ang mga salita ng Rabsake.

Juan 3:19-36

19 At ito ang kahatulan, na naparito ang ilaw sa sanlibutan, at inibig pa ng mga tao ang kadiliman kaysa ilaw sapagkat ang kanilang mga gawa ay masasama.

20 Sapagkat ang bawat isa na gumagawa ng masama ay napopoot sa ilaw, at hindi lumalapit sa ilaw, upang ang kanyang mga gawa ay huwag malantad.

21 Subalit ang gumagawa ng katotohanan ay lumalapit sa ilaw, upang malinaw na mahayag na ang kanyang mga gawa ay naaayon[a] sa Diyos.”

Si Jesus at si Juan na Tagapagbautismo

22 Pagkatapos ng mga bagay na ito, si Jesus at ang kanyang mga alagad ay pumunta sa lupain ng Judea. Doon ay nanatili siyang kasama nila at nagbabautismo.

23 Nagbabautismo rin si Juan sa Enon na malapit sa Salim, sapagkat doo'y maraming tubig. Ang mga tao'y pumunta roon at nabautismuhan.

24 Sapagkat(A) si Juan ay hindi pa ipinapasok sa bilangguan.

25 Noon ay nagkaroon ng isang pagtatalo ang mga alagad ni Juan at ang isang Judio tungkol sa paglilinis.

26 Sila'y lumapit kay Juan, at sa kanya'y sinabi, “Rabi, iyong kasama mo sa kabila ng Jordan na iyong pinatotohanan ay nagbabautismo at ang lahat ay lumalapit sa kanya.”

27 Sumagot si Juan, “Hindi makakatanggap ng anuman ang isang tao, malibang ito'y ipinagkaloob sa kanya mula sa langit.

28 Kayo(B) mismo ay aking mga saksi na sinabi kong, ‘Hindi ako ang Cristo, kundi ako'y sinugong una sa kanya.’

29 Ang babaing ikakasal ay para sa lalaking ikakasal. Ngunit ang kaibigan ng lalaking ikakasal na nakatayo at nakikinig sa kanya ay lubos na nagagalak dahil sa tinig ng lalaking ikakasal. Kaya't ang kaligayahan kong ito ay ganap na.

30 Siya'y kailangang tumaas, nguni't ako'y kailangang bumaba.”[b]

Siya na Mula sa Langit

31 Ang nanggagaling sa itaas ay mataas sa lahat, ang galing sa lupa ay taga-lupa nga, at nagsasalita tungkol sa mga bagay sa lupa; ang nanggagaling sa langit ay mataas sa lahat.

32 Nagpapatotoo siya ng kanyang nakita at narinig, ngunit walang taong tumatanggap ng kanyang patotoo.

33 Ang tumatanggap ng kanyang patotoo ay nagpapatunay[c] dito na ang Diyos ay totoo.

34 Sapagkat siya na sinugo ng Diyos ay nagsasalita ng mga salita ng Diyos, sapagkat hindi niya sinusukat ang pagbibigay niya ng Espiritu.

35 Minamahal(C) ng Ama ang Anak at inilagay sa kanyang kamay ang lahat ng mga bagay.

36 Ang sumasampalataya sa Anak ay may buhay na walang hanggan; ngunit ang hindi sumusunod sa Anak ay hindi makakakita ng buhay, kundi ang poot ng Diyos ay nananatili sa kanya.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001