Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
2 Mga Hari 24-25

24 Nang(A) kanyang kapanahunan, dumating si Nebukadnezar na hari ng Babilonia, at si Jehoiakim ay naging kanyang alipin sa loob ng tatlong taon; pagkatapos ay bumalik siya at naghimagsik laban sa kanya.

Ang Panginoon ay nagsugo laban sa kanya ng mga pulutong ng mga Caldeo, mga pulutong ng mga taga-Siria, ng mga Moabita, at ng mga anak ni Ammon, at sinugo sila laban sa Juda upang lipulin ito, ayon sa salita ng Panginoon na kanyang sinabi sa pamamagitan ng kanyang mga lingkod na mga propeta.

Tunay na ito ay dumating sa Juda ayon sa utos ng Panginoon, upang alisin sila sa kanyang paningin, dahil sa mga kasalanan ni Manases, ayon sa lahat niyang ginawa,

at gayundin dahil sa walang salang dugo na kanyang pinadanak, sapagkat kanyang pinuno ang Jerusalem ng walang salang dugo, at ang Panginoon ay ayaw magpatawad.

Ang iba pa sa mga gawa ni Jehoiakim, at ang lahat niyang ginawa, di ba nakasulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan[a] ng mga Hari ng Juda?

Kaya't natulog si Jehoiakim na kasama ng kanyang mga ninuno, at si Jehoiakin na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.

Ang hari ng Ehipto ay hindi na bumalik pa mula sa kanyang lupain, sapagkat sinakop ng hari ng Babilonia ang lahat ng pag-aari ng hari ng Ehipto mula sa batis ng Ehipto hanggang sa Ilog Eufrates.

Si Haring Jehoiakin ng Juda(B)

Si Jehoiakin ay labingwalong taon nang siya'y magsimulang maghari; at siya'y naghari sa Jerusalem sa loob ng tatlong buwan. Ang pangalan ng kanyang ina ay Nehusta na anak na babae ni Elnatan na taga-Jerusalem.

Siya'y gumawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon, gaya ng lahat ng ginawa ng kanyang ama.

10 Nang panahong iyon ang mga lingkod ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia ay nagsiahon sa Jerusalem, at ang lunsod ay kinubkob.

11 Si Haring Nebukadnezar ng Babilonia ay dumating sa lunsod, habang kinukubkob ito ng kanyang mga lingkod.

12 Nilabas(C) ni Jehoiakin na hari sa Juda ang hari ng Babilonia, siya, ang kanyang ina, mga lingkod, ang mga prinsipe, at ang mga pinuno ng kanyang palasyo. Kinuha siya ng hari ng Babilonia bilang bihag sa ikawalong taon ng kanyang paghahari.

13 Tinangay ang lahat ng kayamanan sa bahay ng Panginoon, at ang mga kayamanan sa bahay ng hari, at pinagputul-putol ang lahat ng sisidlang ginto na ginawa ni Haring Solomon sa templo ng Panginoon, gaya ng sinabi nang una ng Panginoon.

14 Kanyang tinangay ang buong Jerusalem, ang lahat ng pinuno, mga magigiting na mandirigma, sampung libong bihag, at ang lahat ng manggagawa at mga panday; walang nalabi maliban sa mga pinakadukha sa mamamayan ng lupain.

15 Dinala(D) niya si Jehoiakin sa Babilonia; ang ina ng hari, at mga asawa ng hari, at ang kanyang mga pinuno at pangunahing lalaki sa lupain ay dinala niyang bihag mula sa Jerusalem patungo sa Babilonia.

16 Dinalang-bihag sa Babilonia ng hari ng Babilonia ang lahat ng mandirigma na may bilang na pitong libo, at ang mga manggagawa at ang mga panday ay isanlibo, lahat sila ay malakas at angkop sa pakikidigma.

17 Ginawa(E) ng hari ng Babilonia na hari si Matanias, tiyuhin ni Jehoiakin bilang haring kapalit niya, at pinalitan ang kanyang pangalan ng Zedekias.

Si Haring Zedekias ng Juda(F)

18 Si(G) Zedekias ay dalawampu't isang taon nang magsimulang maghari, at siya'y naghari sa loob ng labing-isang taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Hamutal na anak ni Jeremias na taga-Libna.

19 Siya'y gumawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon, ayon sa lahat ng ginawa ni Jehoiakim.

20 Sapagkat(H) dahil sa galit ng Panginoon ay nangyari sa Jerusalem at sa Juda na sila ay kanyang itinaboy sa kanyang harapan. At si Zedekias ay naghimagsik sa hari ng Babilonia.

Bumagsak ang Jerusalem(I)

25 Sa(J) ikasiyam na taon ng kanyang paghahari, sa ikasampung araw ng ikasampung buwan, si Nebukadnezar na hari ng Babilonia ay dumating kasama ang lahat niyang hukbo laban sa Jerusalem, at kinubkob ito; at nagtayo sila ng mga kutang pagkubkob sa palibot nito.

Kaya't nakubkob ang lunsod hanggang sa ikalabing-isang taon ni Haring Zedekias.

Nang ikasiyam na araw ng ikaapat na buwan, ang taggutom ay napakatindi sa lunsod, anupa't walang pagkain para sa mamamayan ng lupain.

Nang(K) magkagayo'y gumawa ng isang butas sa lunsod; ang hari kasama ang lahat ng lalaking mandirigma ay tumakas sa gabi sa daan ng pintuang-bayan sa pagitan ng dalawang pader na nasa tabi ng halamanan ng hari, bagaman ang mga Caldeo ay nasa palibot ng lunsod. At sila ay humayo sa daang patungo sa Araba.

Ngunit hinabol ng hukbo ng mga Caldeo ang hari, at kanilang inabutan siya sa mga kapatagan ng Jerico at ang lahat niyang hukbo ay nangalat at iniwan siya.

Dinakip nila ang hari at kanilang dinala siya sa hari ng Babilonia sa Ribla na naggawad ng hatol sa kanya.

Kanilang(L) pinatay ang mga anak ni Zedekias sa kanyang harapan at dinukit ang mga mata ni Zedekias at siya'y ginapos ng tanikala at dinala sa Babilonia.

Giniba ang Templo(M)

Nang ikapitong araw ng ikalimang buwan, na siyang ikalabinsiyam na taon ni Haring Nebukadnezar, na hari ng Babilonia, si Nebuzaradan na punong-kawal ng bantay, na lingkod ng hari ng Babilonia ay dumating sa Jerusalem.

Kanyang(N) sinunog ang bahay ng Panginoon, ang bahay ng hari, at ang lahat ng mga bahay sa Jerusalem; bawat malaking bahay ay sinunog niya.

10 Ibinagsak ang mga pader sa palibot ng Jerusalem ng lahat ng hukbo ng mga Caldeo na kasama ng punong-kawal ng bantay.

11 Ang nalabing mga tao na naiwan sa lunsod, at ang mga tumakas patungo sa hari ng Babilonia, at ang nalabi sa napakaraming tao ay dinalang-bihag ni Nebuzaradan na punong-kawal ng bantay.

12 Ngunit iniwan ng punong-kawal ng bantay ang mga pinakadukha sa lupain upang maging mag-uubas at magsasaka.

13 Ang(O) mga haliging tanso na nasa bahay ng Panginoon at ang mga patungan at ang sisidlang tanso na nasa bahay ng Panginoon, ay pinagputul-putol ng mga Caldeo at dinala ang tanso sa Babilonia.

14 At(P) kanilang tinangay ang mga palayok, mga pala, mga pamutol ng mitsa, mga pinggan para sa insenso, lahat ng kagamitang tanso na ginagamit sa paglilingkod sa templo,

15 gayundin ang mga apuyan at ang mga mangkok. Ang anumang yari sa ginto at sa pilak ay dinalang lahat ng punong-kawal ng bantay.

16 Ang dalawang haligi, sisidlang tanso, at sa mga patungang ginawa ni Solomon para sa bahay ng Panginoon, ang tanso ng lahat ng kasangkapang ito ay hindi kayang timbangin.

17 Ang taas ng isang haligi ay labing walong siko, at isang kapitel na tanso ang nasa dulo niyon; ang taas ng kapitel ay tatlong siko na may palamuti at granada na pawang yari sa tanso ang nasa kapitel sa palibot. At ang ikalawang haligi ay gaya rin niyon at may palamuti.

Dinala ang Mamamayan ng Juda sa Babilonia(Q)

18 At kinuha ng punong-kawal ng bantay si Seraya na punong pari, si Sefanias na ikalawang pari, at ang tatlong bantay-pinto;

19 at mula sa lunsod ay kumuha siya ng isang pinuno na nangangasiwa sa mga lalaking mandirigma, limang lalaki sa sanggunian ng hari na natagpuan sa lunsod, ang kalihim ng punong-kawal ng hukbo na nagtipon ng mga tao ng lupain, at animnapung lalaki sa taong-bayan ng lupain na natagpuan sa lunsod.

20 Kinuha sila ni Nebuzaradan na punong-kawal ng bantay at dinala sila sa hari ng Babilonia sa Ribla.

21 Pinuksa sila ng hari ng Babilonia at pinatay sila sa Ribla, sa lupain ng Hamat. Sa gayon dinalang-bihag ang Juda mula sa kanyang lupain.

Si Gedalias, Tagapamahala ng Juda(R)

22 Sa(S) mga taong-bayang naiwan sa lupain ng Juda na iniwan ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia, hinirang niyang tagapamahala si Gedalias na anak ni Ahicam, na anak ni Safan.

23 Nang mabalitaan ng lahat ng pinuno ng mga hukbo at ng kanilang mga kalalakihan na ginawang tagapamahala si Gedalias ng hari sa Babilonia, ay pumunta sila kay Gedalias sa Mizpah. Sila ay sina Ismael na anak ni Netanias, si Johanan na anak ni Carea, si Seraya na anak ni Tanhumet na Netofatita, at si Jaazanias na anak ng Maacatita.

24 At si Gedalias ay sumumpa sa kanila at sa kanilang mga kalalakihan na sinasabi, “Kayo'y huwag mangatakot ng dahil sa mga pinunong Caldeo. Manirahan kayo sa lupain at paglingkuran ninyo ang hari ng Babilonia, at ito ay sa ikabubuti ninyo.”

25 Ngunit(T) nang ikapitong buwan, si Ismael na anak ni Netanias, na anak ni Elisama, na mula sa angkan ng hari, ay dumating kasama ng sampung lalaki at sinaktan si Gedalias, kaya't siya'y namatay kasama ang mga Judio at mga Caldeo na mga kasama niya sa Mizpah.

26 Pagkatapos(U) ang buong bayan, hamak at dakila, at ang mga pinuno ng hukbo ay tumindig at pumunta sa Ehipto, sapagkat sila'y takot sa mga Caldeo.

Si Jehoiakin ay Pinalaya sa Bilangguan(V)

27 At nangyari, nang ikadalawampu't pitong araw, nang ikalabindalawang buwan ng ikatatlumpu't pitong taon ng pagkabihag ni Jehoiakin na hari ng Juda, si Evil-merodac na hari ng Babilonia, nang taong siya'y magsimulang maghari, ay pinalaya sa bilangguan si Jehoiakin na hari ng Juda.

28 Siya'y nagsalita na may kabaitan sa kanya, at binigyan siya ng upuan sa itaas ng mga upuan ng mga haring kasama niya sa Babilonia.

29 Kaya't hinubad ni Jehoiakin ang kanyang damit-bilangguan. At sa bawat araw ng kanyang buhay ay palagi siyang kumakain sa hapag ng hari;

30 at para sa pantustos sa kanya, may palagiang panustos na ibinibigay sa kanya ang hari, bawat araw ay isang bahagi, habang siya ay nabubuhay.

Juan 5:1-24

Pinagaling ang Isang Lumpo

Pagkaraan nito ay nagkaroon ng pista ang mga Judio, at umahon si Jesus patungo sa Jerusalem.

Sa Jerusalem nga'y may isang tipunan ng tubig sa tabi ng Pintuan ng mga Tupa, na sa wikang Hebreo ay tinatawag na Bet-zatha[a] na may limang portiko.

Sa mga ito ay nakahiga ang maraming maysakit, mga bulag, mga pilay, at mga lumpo.[b]

[Sapagkat lumulusong ang isang anghel ng Panginoon sa mga tanging panahon sa tipunan ng tubig at kinakalawkaw ang tubig; at ang unang manaog sa tipunan ng tubig, pagkatapos na makalawkaw ang tubig ay gumagaling sa anumang sakit na dinaramdam.]

Naroon ang isang lalaki na may tatlumpu't walong taon nang maysakit.

Nang makita ni Jesus na siya'y nakahiga at nalamang siya'y matagal nang may sakit, ay sinabi niya sa kanya, “Ibig mo bang gumaling?”

Sumagot sa kanya ang lalaking may sakit, “Ginoo, walang taong maglusong sa akin sa tipunan ng tubig kapag kinakalawkaw ang tubig; at samantalang ako'y lumalapit ay nakalusong na muna ang iba bago ako.”

Sinabi sa kanya ni Jesus, “Bumangon ka, buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka.”

At kaagad gumaling ang lalaki, binuhat ang kanyang higaan at lumakad. Noon nga'y araw ng Sabbath.

10 Kaya't(A) sinabi ng mga Judio sa taong pinagaling, “Ngayo'y araw ng Sabbath, at hindi ipinahihintulot na buhatin mo ang iyong higaan.”

11 Ngunit sila'y sinagot niya, “Ang nagpagaling sa akin ang siyang nagsabi sa akin, ‘Buhatin mo ang iyong higaan, at lumakad ka.’”

12 Siya'y kanilang tinanong, “Sino ang taong nagsabi sa iyo, ‘Buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka?’”

13 Ngunit hindi nakilala ng taong pinagaling kung sino iyon, sapagkat si Jesus ay umalis na sa maraming tao na naroroon.

14 Pagkatapos ay natagpuan siya ni Jesus sa templo, at sinabi sa kanya, “Tingnan mo, ikaw ay gumaling na; huwag ka nang magkasala, baka may mangyari pa sa iyo na lalong masama.”

15 Umalis ang lalaki at ibinalita sa mga Judio na si Jesus ang nagpagaling sa kanya.

16 Dahil dito'y inusig ng mga Judio si Jesus sapagkat ginagawa niya ang mga bagay na ito sa araw ng Sabbath.

17 Subalit sinagot sila ni Jesus, “Hanggang ngayo'y patuloy sa paggawa ang aking Ama, at ako'y patuloy rin sa paggawa.”

18 Dahil dito ay lalong pinagsikapan ng mga Judio na siya'y patayin sapagkat hindi lamang nilabag niya ang araw ng Sabbath, kundi tinatawag din na kanyang sariling Ama ang Diyos, at ginagawa ang sarili niya na kapantay ng Diyos.

Ang Kapangyarihan ng Anak

19 Kaya't sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, hindi makakagawa ng anuman ang Anak sa kanyang sarili kundi ang nakikita niyang ginagawa ng Ama. Sapagkat ang lahat ng mga bagay na kanyang ginagawa ay siya ring ginagawa ng Anak.

20 Sapagkat minamahal ng Ama ang Anak, at sa kanya'y ipinapakita ang lahat ng mga bagay na kanyang ginagawa, at lalong dakilang mga gawa kaysa mga ito ang ipapakita niya sa kanya upang kayo'y mamangha.

21 Sapagkat kung paanong ibinabangon ng Ama ang mga patay at sila'y binubuhay, gayundin naman binubuhay ng Anak ang sinumang nais niya.

22 Ang Ama'y hindi humahatol sa kanino mang tao, kundi ipinagkaloob niya sa Anak ang buong paghatol;

23 upang parangalan ng lahat ang Anak, na gaya rin ng kanilang pagpaparangal sa Ama. Ang hindi nagpaparangal sa Anak ay hindi nagpaparangal sa Ama na sa kanya'y nagsugo.

24 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang nakikinig ng aking salita at sumasampalataya sa kanya na nagsugo sa akin ay may buhay na walang hanggan, at hindi darating sa kahatulan kundi lumipat na sa buhay mula sa kamatayan.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001