Old/New Testament
Ang Pagtatayo ng Templo
6 Nang ikaapatnaraan at walumpung taon pagkatapos na ang mga anak ni Israel ay lumabas sa lupain ng Ehipto, nang ikaapat na taon ng paghahari ni Solomon sa Israel, nang buwan ng Zif, na siyang ikalawang buwan, kanyang pinasimulang itayo ang bahay ng Panginoon.
2 Ang bahay na itinayo ni Haring Solomon para sa Panginoon ay may habang animnapung siko, may luwang na dalawampung siko, at may taas na tatlumpung siko.
3 Ang pasilyo sa harap ng kalagitnaang bahagi ng bahay ay may dalawampung siko ang haba, katumbas ng luwang ng bahay; at sampung siko ang lalim niyon sa harap ng bahay.
4 At iginawa niya ang bahay ng mga bintana na may mga magagarang balangkas.
5 Gumawa rin siya ng silid sa tabi ng pader ng bahay, na nasa palibot ng bahay, ang gitna at panloob na bahagi ng santuwaryo; at gumawa siya ng mga silid sa tagiliran sa buong palibot.
6 Ang pinakamababang palapag ay may limang siko ang luwang, at ang pangalawang palapag ay may anim na siko ang luwang, at ang ikatlo ay may pitong siko ang luwang, sapagkat siya'y gumawa ng mga tuntungan sa labas ng bahay sa palibot, upang ang mga biga ay hindi maipasok sa mga pader ng bahay.
7 Nang itinatayo pa ang bahay ay ginawa ito sa batong inihanda na sa tibagan, kaya't wala kahit martilyo o palakol man, o anumang kasangkapang bakal ang narinig sa bahay, samantalang itinatayo ito.
8 Ang pasukan sa pinakamababang palapag ay nasa gawing timog ng bahay; at isa sa pamamagitan ng hagdanan paakyat sa gitnang palapag, at mula sa pangalawang palapag hanggang sa ikatlo.
9 Gayon niya itinayo ang bahay at tinapos ito; at binubungan niya ang bahay ng mga biga at tablang sedro.
10 At kanyang ginawa ang mga palapag na karatig ng buong bahay, na bawat isa'y limang siko ang taas, at ikinabit sa bahay sa pamamagitan ng mga kahoy na sedro.
Ang Tipan ng Diyos
11 At dumating ang salita ng Panginoon kay Solomon, na sinasabi,
12 “Tungkol sa bahay na ito na iyong itinatayo, kung ikaw ay lalakad sa aking mga tuntunin, susundin ang aking mga batas, tutuparin ang lahat ng aking mga utos, at lumakad sa mga ito, aking pagtitibayin ang aking salita sa iyo na aking sinabi kay David na iyong ama.
13 Ako'y maninirahang kasama ng mga anak ni Israel, at hindi ko pababayaan ang aking bayang Israel.”
14 Gayon itinayo ni Solomon ang bahay at tinapos ito.
15 Kanyang binalutan ang mga dingding sa loob ng bahay ng kahoy na sedro; mula sa sahig ng bahay hanggang sa mga dingding ng kisame, na kanyang binalot ng kahoy sa loob at kanyang binalutan ang sahig ng bahay ng mga tabla ng sipres.
16 Siya'y(A) gumawa ng isang silid na dalawampung siko sa pinakaloob ng bahay, ng tabla na sedro mula sa sahig hanggang sa mga panig sa itaas at kanyang ginawa sa loob bilang panloob na santuwaryo na siyang dakong kabanal-banalan.
17 At ang bahay, samakatuwid ay ang silid sa harap ng panloob na santuwaryo ay apatnapung siko ang haba.
18 Ang sedro sa loob ng bahay ay inukit na hugis tapayan at mga nakabukang bulaklak; lahat ay sedro at walang batong makikita.
19 Inihanda niya ang panloob na santuwaryo sa kaloob-looban ng bahay, upang ilagay roon ang kaban ng tipan ng Panginoon.
20 Ang panloob na santuwaryo ay may dalawampung siko ang haba, at dalawampung siko ang luwang, at dalawampung siko ang taas; at binalot niya ng lantay na ginto. Gumawa rin siya ng dambanang yari sa sedro.
21 Binalot ni Solomon ang loob ng bahay ng lantay na ginto; at kanyang ginuhitan ng mga tanikalang ginto ang harapan ng santuwaryo; at binalot iyon ng ginto.
22 Kanyang(B) binalot ng ginto ang buong bahay, hanggang sa ang bahay ay nayari. Gayundin, ang buong dambana na nauukol sa panloob na santuwaryo ay kanyang binalot ng ginto.
Dalawang Kerubin
23 Sa(C) panloob na santuwaryo ay gumawa siya ng dalawang kerubin na yari sa kahoy na olibo, bawat isa'y may sampung siko ang taas.
24 Limang siko ang haba ng isang pakpak ng kerubin, at limang siko ang haba ng kabilang pakpak ng kerubin, mula sa dulo ng isang pakpak hanggang sa dulo ng kabila ay sampung siko.
25 Ang isang kerubin ay sampung siko; ang dalawang kerubin ay may parehong sukat at parehong anyo.
26 Ang taas ng isang kerubin ay sampung siko, gayundin ang isa pang kerubin.
27 Kanyang inilagay ang mga kerubin sa pinakaloob ng bahay, at ang mga pakpak ng mga kerubin ay nakabuka kaya't ang pakpak ng isa ay nakalapat sa isang dingding, at ang pakpak ng ikalawang kerubin ay lumalapat sa kabilang dingding. Ang kanilang tig-isa pang pakpak ay nagkakalapat sa gitna ng bahay.
28 At kanyang binalutan ng ginto ang mga kerubin.
Mga Ukit sa Palibot at sa mga Pintuan
29 Kanyang inukitan ang lahat na panig ng bahay sa palibot ng mga ukit na larawan ng mga kerubin, at ng mga puno ng palma, at ng mga nakabukang bulaklak, sa mga silid sa loob at sa labas.
30 At ang sahig ng bahay ay binalot niya ng ginto, sa loob at sa labas.
31 Sa pasukan ng panloob na santuwaryo, siya'y gumawa ng mga pintuang yari sa kahoy na olibo; ang itaas ng pintuan at ang mga haligi niyon na may limang gilid.
32 Binalutan niya ang dalawang pinto na yari sa kahoy na olibo, ng mga ukit na mga kerubin, mga puno ng palma, at mga nakabukang bulaklak, at binalot niya ng ginto; at kanyang kinalatan ng ginto ang mga kerubin at ang mga puno ng palma.
33 Gayundin ang kanyang ginawa sa pasukan ng bulwagan na yari sa kahoy na olibo, na may apat na gilid,
34 at dalawang pinto na yari sa kahoy na sipres; ang dalawang paypay ng isang pinto ay naititiklop, at ang dalawang paypay ng kabilang pinto ay naititiklop.
35 Kanyang inukitan ang mga ito ng mga kerubin, ng mga puno ng palma, at mga nakabukang bulaklak. Ang mga ito ay binalot niya ng ginto at maayos na inilagay sa mga gawang inukit.
36 Ginawa niya ang panloob na bulwagan na may tatlong hanay na batong tinabas, at isang hanay ng mga biga ng kahoy na sedro.
37 Nang ikaapat na taon, sa buwan ng Ziv, inilagay ang mga pundasyon ng bahay ng Panginoon.
38 Nang ikalabing-isang taon, sa buwan ng Bul, na siyang ikawalong buwan, natapos ang lahat ng bahagi ng bahay ayon sa buong plano niyon. Pitong taon niyang itinayo iyon.
Ang Palasyo ni Solomon
7 Itinayo ni Solomon ang kanyang sariling bahay sa loob ng labintatlong taon, at kanyang natapos ang kanyang buong bahay.
2 Kanyang itinayo ang Bahay sa Gubat ng Lebanon; ang haba ay isandaang siko, at ang luwang ay limampung siko, at ang taas ay tatlumpung siko, sa apat na hanay na haliging sedro na may mga bigang sedro sa ibabaw ng mga haligi.
3 Natatakpan ito ng sedro sa ibabaw ng mga silid na nasa ibabaw ng apatnapu't limang haligi, labinlima sa bawat hanay.
4 May mga balangkas ng bintana na tatlong hanay, at bintana sa katapat na bintana na tatlong hanay.
5 Ang lahat ng pintuan at mga bintana ay pawang parisukat ang mga balangkas, at ang mga bintana ay magkakatapat sa tatlong hanay.
6 Siya'y gumawa ng Bulwagan ng mga Haligi; ang haba niyon ay limampung siko, at ang luwang niyon ay tatlumpung siko, at may isang pasilyo na nasa harap ng mga iyon na may mga haligi at may lambong sa harap ng mga iyon.
7 Siya'y gumawa ng Bulwagan ng Trono kung saan niya ipinahahayag ang kanyang hatol, samakatuwid ay ang Bulwagan ng Paghuhukom. Nababalot iyon ng sedro mula sa sahig hanggang sa kisame.
8 At(D) ang bahay na kanyang tirahan sa isa pang looban sa likod ng bulwagan ay pareho ang pagkakagawa. Iginawa rin ni Solomon ng bahay na tulad ng bulwagang ito ang anak na babae ni Faraon na naging asawa niya.
9 Ang lahat ng ito'y gawa sa mamahaling bato, mga batong tinabas ayon sa sukat, na nilagari ng mga lagari, sa likod at sa harap, mula sa mga saligan hanggang sa kataas-taasan, at mula sa bulwagan ng bahay ng Panginoon hanggang sa malaking bulwagan.
10 Ang saligan ay mga mamahaling bato, malalaking bato, mga batong may walo at sampung siko.
11 Sa ibabaw ay mga mamahaling bato na mga batong tinabas ayon sa sukat, at sedro.
12 At ang malaking bulwagan sa palibot ay may tatlong hanay ng batong tinabas, at isang hanay ng mga bigang sedro; gaya ng pinakaloob na bulwagan ng bahay ng Panginoon, at ng pasilyo ng bahay.
Si Hiram ay Gumawa sa Templo
13 Nagsugo si Haring Solomon at ipinasundo si Hiram mula sa Tiro.
14 Siya'y anak ng isang babaing balo sa lipi ni Neftali, at ang kanyang ama ay lalaking taga-Tiro, isang manggagawa sa tanso; at siya'y puspos ng karunungan, pang-unawa, at kahusayan sa paggawa ng lahat ng gawain sa tanso. Siya'y naparoon kay Haring Solomon, at ginawa ang lahat niyang gawain.
15 Siya'y naghulma ng dalawang haliging tanso. Labingwalong siko ang taas ng bawat isa, at isang panukat na tali na may labindalawang siko ang sukat ng kabilugan nito; ito ay may guwang sa loob at ang kapal nito ay apat na daliri, at ang ikalawang haligi ay gayundin.
16 Siya'y gumawa ng dalawang kapitel na hinulmang tanso, upang ilagay sa mga dulo ng mga haligi; ang taas ng isang kapitel ay limang siko at ang taas ng isa pang kapitel ay limang siko.
17 May mga lambat na nilala, at mga tirintas na yaring tanikala para sa mga kapitel na nasa dulo ng mga haligi; pito[a] sa isang kapitel, at pito[b] sa isa pang kapitel.
18 Gayundin, gumawa siya ng mga granada sa dalawang hanay sa palibot ng isang yaring lambat upang takpan ang mga kapitel na nasa itaas ng mga granada, gayundin ang ginawa niya sa kabilang kapitel.
19 Ang mga kapitel na nasa ibabaw ng mga haligi sa pasilyo ay mga yaring liryo, na apat na siko.
20 Ang mga kapitel ay nasa ibabaw ng dalawang haligi at sa itaas ng nakausling pabilog na nasa tabi ng yaring lambat. Ang mga granada ay dalawandaan na dalawang hanay sa palibot; at gayundin sa ibang kapitel.
21 Kanyang itinayo ang mga haligi sa pasilyo ng templo, at kanyang itinayo ang haligi sa timog, at pinangalanang Jakin[c] at kanyang itinayo ang isa pang haligi sa hilaga, at pinangalanang Boaz.[d]
22 At sa ibabaw ng mga haligi ay may mga nililok yaring liryo. Sa gayo'y ang gawain sa mga haligi ay nayari.
Ang Hinulmang Tangke ng Tubig, Patungang Tanso, at Hugasang Tanso(E)
23 Pagkatapos ay gumawa siya ng hinulmang tangke ng tubig.[e] Ito ay bilog na sampung siko mula sa labi hanggang sa kabilang labi, ang taas ay limang siko; at isang panukat na tali na may tatlumpung siko ang pabilog nito.
24 Sa ilalim ng labi sa paligid ay may mga palamuting hugis upo, para sa tatlumpung siko, na nakaligid sa dagat-dagatan sa palibot. Ang mga palamuting hugis upo ay dalawang hanay, na kasama itong hinulma nang ito'y hulmahin.
25 Nakapatong ito sa labindalawang baka, ang tatlo'y nakaharap sa hilaga, ang tatlo'y nakaharap sa kanluran, ang tatlo'y nakaharap sa timog, at ang tatlo'y nakaharap sa silangan; at ang dagat ay nakapatong sa mga iyon, at ang lahat na puwitan ng mga iyon ay nasa loob.
26 Ang kapal nito ay isang dangkal; at ang labi niyon ay yaring gaya ng labi ng isang tasa, gaya ng bulaklak na liryo; naglalaman ito ng dalawang libong bat.[f]
27 Siya'y gumawa rin ng sampung patungang tanso; apat na siko ang haba ng bawat isa at apat na siko ang luwang, at tatlong siko ang taas.
28 At ang pagkayari ng mga patungan ay ganito: may mga gilid na takip sa pagitan ng mga dugtungan.
29 Sa mga gilid na takip na nasa pagitan ng mga dugtungan ay may mga leon, mga baka, at mga kerubin. Sa itaas ng mga dugtungan ay mga sugpong na may tuntungan sa ibabaw; at sa ibaba ng mga leon, at mga baka, ay may mga tirintas na mga gawang nakabitin.
30 Bawat patungan ay may apat na gulong na tanso, at mga eheng tanso: at ang apat na paa niyon ay may mga lapatan: sa ilalim ng hugasan ay may mga lapatan na binubo, na may mga tirintas sa siping ng bawat isa.
31 Ang bunganga nito ay nasa loob ng isang kapitel, at ang taas ay may isang siko; at ang bunganga niyon ay bilog ayon sa pagkayari ng tuntungan, na may isang siko't kalahati ang lalim. At sa bunganga niyon ay may mga ukit, at ang mga gilid ng mga iyon ay parisukat, hindi bilog.
32 Ang apat na gulong ay nasa ibaba ng mga gilid; at ang mga ehe ng mga gulong ay kaisang piraso ng patungan; at ang taas ng bawat gulong ay isang siko at kalahati.
33 Ang pagkagawa ng mga gulong ay gaya ng pagkagawa ng mga gulong ng karwahe, ang mga ehe ng mga iyon, at ang mga masa ng mga iyon, at ang mga rayos ng mga iyon at ang mga panggitna niyon ay pawang hinulma.
34 May apat na tukod sa apat na panulok ng bawat patungan: ang mga tukod ay karugtong ng mga patungan.
35 Sa ibabaw ng patungan ay may isang nakabalot na kalahating siko ang taas; at sa ibabaw ng patunga'y nandoon ang mga panghawak, at ang mga gilid ay karugtong niyon.
36 Sa ibabaw ng mga panghawak niyon at sa mga gilid niyon, ay kanyang inukitan ng mga kerubin, mga leon, at mga puno ng palma ayon sa pagitan ng bawat isa, na may mga tirintas sa palibot.
37 Ayon sa paraang ito ay kanyang ginawa ang sampung patungan; lahat ng iyon ay iisa ang pagkabubo, iisa ang sukat, at iisa ang anyo.
38 At(F) siya'y gumawa ng sampung hugasang tanso; ang bawat hugasan ay naglalaman ng apatnapung bat: bawat hugasan ay may apat na siko; at may isang hugasan sa bawat isa ng sampung patungan.
39 Kanyang inilagay ang mga patungan, lima sa gawing timog ng bahay, at lima sa gawing hilaga ng bahay; at kanyang inilagay ang tangke sa timog-silangang sulok ng bahay.
40 Gumawa rin si Hiram ng mga kaldero, ng mga pala, at ng mga palanggana. Gayon tinapos ni Hiram ang lahat ng gawaing kanyang ginawa para kay Haring Solomon, sa bahay ng Panginoon:
41 ang dalawang haligi, ang dalawang kabilugan sa mga kapitel na nasa dulo ng mga haligi; at ang dalawang yaring lambat na nakatakip sa dalawang kabilugan ng mga kapitel na nasa dulo ng mga haligi;
42 at ang apatnaraang granada para sa dalawang yaring lambat; ang dalawang hanay na granada sa bawat yaring lambat, upang makaligid sa dalawang kabilugan ng mga kapitel na nasa dulo ng mga haligi;
43 ang sampung patungan, at ang sampung hugasan sa ibabaw ng mga patungan;
44 at ang isang tangke ng tubig, at ang labindalawang baka sa ilalim ng tangke.
45 Ang mga kaldero, ang mga pala, at ang mga palanggana, lahat ng kasangkapang ito sa bahay ng Panginoon na ginawa ni Hiram para kay Haring Solomon, ay yari sa pinitpit na tanso.
46 Sa kapatagan ng Jordan hinulma ang mga ito ng hari, sa luwad na nasa pagitan ng Sucot at ng Zaretan.
47 Ang lahat ng kasangkapan ay hindi tinimbang ni Solomon, sapagkat lubhang napakarami; ang timbang ng tanso ay hindi natiyak.
48 Sa(G) gayon ginawa ni Solomon ang lahat ng kasangkapan na nasa bahay ng Panginoon: ang gintong dambana, at ang gintong hapag para sa tinapay na handog;
49 ang(H) mga ilawan na yari sa lantay na ginto, lima sa gawing timog, lima sa hilaga, sa harap ng panloob na santuwaryo; ang mga bulaklak, ang mga ilaw, at mga pang-ipit ay yari sa ginto;
50 ang mga saro, mga panggupit ng mitsa, mga palanggana, mga lalagyan ng insenso, at mga apuyan ay pawang yari sa lantay na ginto; at ang mga pihitan para sa mga pinto sa kaloob-looban ng bahay, ang kabanal-banalang dako, at ang mga pinto sa gitnang bahagi ng templo ay yari sa ginto.
51 Ganito(I) nayari ang lahat ng ginawa ni Haring Solomon sa bahay ng Panginoon. Ipinasok ni Solomon ang mga bagay na itinalaga ni David na kanyang ama, ang pilak, ginto, mga lalagyan, at itinago sa mga silid ng kabang-yaman ng bahay ng Panginoon.
Ang Muling Pagkabuhay ng mga Patay(A)
27 May(B) lumapit sa kanyang ilang Saduceo, na nagsasabing walang muling pagkabuhay.
28 At(C) kanilang tinanong siya, “Guro, isinulat ni Moises para sa amin na kung ang kapatid na lalaki ng isang tao ay mamatay, na may iniwang asawa subalit walang anak, pakakasalan ng lalaki ang balo at bibigyan ng anak ang kanyang kapatid.
29 Ngayon, mayroong pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay, at namatay na walang anak;
30 gayundin ang pangalawa;
31 at pinakasalan ng pangatlo ang babae, at namatay ang pito na pawang walang iniwang anak.
32 Pagkatapos ay namatay naman ang babae.
33 Kaya't sa muling pagkabuhay, sino ang magiging asawa ng babaing iyon sapagkat siya'y naging asawa ng pito.
34 At sinabi sa kanila ni Jesus, “Ang mga anak ng panahong ito ay nag-aasawa at pinag-aasawa,
35 subalit ang mga itinuturing na karapat-dapat makaabot sa panahong iyon at sa muling pagkabuhay mula sa mga patay, ay hindi nag-aasawa o pinag-aasawa.
36 Hindi na sila mamamatay pa, sapagkat katulad na sila ng mga anghel at sila'y mga anak ng Diyos, palibhasa'y mga anak ng muling pagkabuhay.
37 Subalit(D) ang tungkol sa muling pagkabuhay ng mga patay ay ipinakita maging ni Moises sa kasaysayan tungkol sa mababang punungkahoy, na doon ay tinawag niya ang Panginoon na Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac, at Diyos ni Jacob.
38 Ngunit siya'y hindi Diyos ng mga patay, kundi ng mga buháy, sapagkat sa kanya silang lahat ay nabubuhay.”
39 At ang ilan sa mga eskriba ay sumagot, “Guro, mahusay ang iyong pagsagot.”
40 Sapagkat hindi na sila nangahas magtanong pa sa kanya ng anuman.
Mga Tanong tungkol sa Anak ni David(E)
41 Kaya't sinabi niya sa kanila, “Paano nila nasasabi na ang Cristo ay anak ni David?
42 Gayong(F) si David mismo ang nagsasabi sa aklat ng Mga Awit,
‘Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon;
“Maupo ka sa aking kanan,
43 hanggang sa ang iyong mga kaaway ay gawin kong tuntungan ng iyong mga paa.”’
44 Tinatawag siya ni David na Panginoon, kaya't paanong siya'y naging anak niya?”
Ang Babala tungkol sa mga Eskriba(G)
45 At sa pandinig ng lahat ng mga tao ay sinabi niya sa kanyang mga alagad,
46 “Mag-ingat kayo sa mga eskriba na nagnanais lumakad na may mahahabang damit, at gustung-gusto ang mga pagpupugay sa mga pamilihan, ang pangunahing upuan sa mga sinagoga, at ang mga mararangal na lugar sa mga handaan.
47 Nilalamon nila ang mga bahay ng mga balo, at sa pagkukunwari ay nananalangin sila ng mahahaba. Sila ay tatanggap ng lalong malaking kahatulan.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001