Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
1 Samuel 4-6

Ang Pagkabihag sa Kaban ng Tipan

Ang salita ni Samuel ay dumating sa buong Israel. Ngayo'y lumabas ang Israel upang makipaglaban sa mga Filisteo. Sila'y humimpil sa Ebenezer, at ang mga Filisteo ay humimpil sa Afec.

Ang mga Filisteo ay humanay laban sa Israel, at nang sila'y magsagupa, ang Israel ay nagapi ng mga Filisteo na pumatay ng halos apat na libong katao sa larangan ng digmaan.

Nang ang mga kawal ay dumating sa kampo, sinabi ng matatanda ng Israel, “Bakit ipinatalo tayo ngayon ng Panginoon sa harapan ng mga Filisteo? Dalhin natin dito ang kaban ng tipan ng Panginoon mula sa Shilo upang siya ay makasama natin at iligtas tayo sa kamay ng ating mga kaaway.”

Kaya't(A) nagpasugo ang bayan sa Shilo, at kanilang dinala mula roon ang kaban ng tipan ng Panginoon ng mga hukbo, na nakaupo sa mga kerubin. Ang dalawang anak ni Eli, na sina Hofni at Finehas, ay naroroon at binabantayan ang kaban ng tipan ng Diyos.

Nang ang kaban ng tipan ng Panginoon ay dumating sa kampo, ang buong Israel ay sumigaw nang malakas, kaya't umalingawngaw ang lupa.

Nang marinig ng mga Filisteo ang ingay ng sigawan ay sinabi nila, “Ano ang kahulugan ng ingay nitong malakas na sigawan sa kampo ng mga Hebreo?” At nang kanilang nalaman na ang kaban ng Panginoon ay dumating sa kampo,

ang mga Filisteo ay natakot, sapagkat kanilang sinabi, “May diyos na dumating sa kampo.” Kanilang sinabi, “Kahabag-habag tayo! Sapagkat hindi pa nagkaroon ng ganyang bagay kailanman.

Kahabag-habag tayo! Sino ang magliligtas sa atin sa kamay ng mga makapangyarihang diyos na ito? Ito ang mga diyos na pumuksa sa mga taga-Ehipto sa pamamagitan ng sari-saring salot sa ilang.

Kayo'y magpakatapang at magpakalalaki, O kayong mga Filisteo. Baka kayo'y maging mga alipin ng mga Hebreo na gaya ng naging kalagayan nila sa inyo. Kayo'y magpakalalaki at lumaban.”

10 Ang mga Filisteo ay lumaban at ang Israel ay natalo at tumakas ang bawat isa sa kanila patungo sa kanya-kanyang tahanan. Nagkaroon ng malaking patayan sapagkat ang nabuwal sa Israel ay tatlumpung libong kawal na lakad.

11 Ang kaban ng Diyos ay nakuha at ang dalawang anak ni Eli, sina Hofni at Finehas ay napatay.

Namatay si Eli

12 May isang lalaking taga-Benjamin ang nakatakbo mula sa labanan, at nagtungo sa Shilo nang araw ding iyon na punit ang damit at may lupa sa kanyang ulo.

13 Nang siya'y dumating, si Eli ay nakaupo sa kanyang upuan sa tabi ng daan at nagbabantay sapagkat ang kanyang puso'y nanginginig dahil sa kaban ng Diyos. Nang ang lalaki ay pumasok sa lunsod at sinabi ang balita, ang taong-bayan ay nanangis.

14 Nang marinig ni Eli ang ingay ng sigawan ay kanyang sinabi, “Ano ang kahulugan ng ingay na ito?” At ang lalaki ay nagmadali, lumapit at nagbalita kay Eli.

15 Si Eli noon ay siyamnapu't walong taon at ang kanyang mga mata'y malalabo na kaya't siya'y hindi na makakita.

16 Sinabi ng lalaki kay Eli, “Kagagaling ko lamang sa labanan, at ako'y tumakas ngayon mula sa labanan.” At kanyang sinabi, “Paano ang nangyari, anak ko?”

17 Ang nagdala ng balita ay sumagot, “Ang Israel ay tumakas mula sa harap ng mga Filisteo. Nagkaroon din doon ng isang malaking patayan sa gitna ng mga hukbo. Ang iyong dalawang anak, sina Hofni at Finehas ay patay na, at ang kaban ng Diyos ay nakuha.”

18 Nang kanyang banggitin ang kaban ng Diyos, si Eli ay nabuwal na patalikod sa kanyang upuan sa tabi ng pintuang-bayan. Nabalian siya sa leeg, at siya'y namatay sapagkat siya'y isang lalaking matanda at mabigat. Naging hukom siya ng Israel sa loob ng apatnapung taon.

19 Samantala, ang kanyang manugang, na asawa ni Finehas ay buntis at malapit nang manganak. Nang marinig niya ang balita na ang kaban ng Diyos ay nakuha at ang kanyang biyenan at asawa ay patay na, yumukod siya at napaanak, sapagkat ang kanyang pagdaramdam ay dumating sa kanya.

20 Nang malapit na siyang mamatay, sinabi sa kanya ng mga babaing nakatayo sa tabi niya, “Huwag kang matakot sapagkat ikaw ay nanganak ng isang lalaki.” Ngunit hindi siya sumagot, o nakinig man.

21 Pinangalanan niya ang bata na Icabod[a] na sinasabi, “Ang kaluwalhatian ay umalis sa Israel,” sapagkat ang kaban ng Diyos ay nakuha at dahil sa kanyang biyenan at sa kanyang asawa.

22 Kanyang sinabi, “Ang kaluwalhatian ng Diyos ay umalis sa Israel, sapagkat ang kaban ng Diyos ay nakuha.”

Ang Kaban ng Tipan sa mga Filisteo

Nang makuha ng mga Filisteo ang kaban ng Diyos, ito ay kanilang dinala sa Asdod mula sa Ebenezer.

Pagkatapos ay kinuha ng mga Filisteo ang kaban ng Diyos at ipinasok sa bahay ni Dagon, at inilagay sa tabi ni Dagon.

Kinaumagahan, nang bumangong maaga ang mga taga-Asdod, si Dagon ay buwal na nakasubsob doon sa lupa sa harap ng kaban ng Panginoon. Kanilang kinuha si Dagon at muli siyang inilagay sa kanyang puwesto.

Subalit nang sila'y maagang bumangon kinaumagahan, si Dagon ay buwal na nakasubsob sa lupa sa harap ng kaban ng Panginoon. Ang ulo ni Dagon, gayundin ang kanyang mga kamay ay putol at nasa bungad ng pintuan; tanging ang katawan ni Dagon lamang ang naiwan sa kanya.

Dahil dito ang mga pari ni Dagon at ang lahat ng pumapasok sa bahay ni Dagon ay hindi tumutuntong sa bungad ng pintuan ni Dagon sa Asdod, hanggang sa araw na ito.

Ang mga Bayan ng Filisteo ay Pinarusahan

Ang kamay ng Panginoon ay mabigat sa mga taga-Asdod. Kanyang tinakot sila at sinaktan ng mga bukol, ang Asdod at ang mga nasasakupan nito.

Nang makita ng mga lalaki sa Asdod ang nangyayari ay kanilang sinabi, “Ang kaban ng Diyos ng Israel ay hindi dapat manatiling kasama natin sapagkat ang kanyang kamay ay mabigat sa atin at kay Dagon na ating diyos.”

Kaya't kanilang ipinatawag at tinipon ang lahat ng mga panginoon ng mga Filisteo at sinabi, “Ano ang ating gagawin sa kaban ng Diyos ng Israel?” At sila'y sumagot, “Dalhin sa Gat ang kaban ng Diyos ng Israel.” At kanilang dinala roon ang kaban ng Diyos ng Israel.

Subalit pagkatapos na kanilang madala, ang kamay ng Panginoon ay naging laban sa lunsod na nagdulot ng malaking ligalig. Sinaktan niya ang mga tao sa lunsod, maging bata o matanda, kaya't may mga bukol na tumubo sa kanila.

10 Kanilang ipinadala ang kaban ng Diyos sa Ekron. Subalit pagdating ng kaban ng Diyos sa Ekron, ang mga taga-Ekron ay sumigaw, “Kanilang dinala sa atin ang kaban ng Diyos ng Israel upang patayin tayo at ang ating taong-bayan.”

11 Kaya't ipinatawag nila at tinipon ang lahat ng panginoon ng mga Filisteo, at kanilang sinabi, “Ilayo ninyo ang kaban ng Diyos ng Israel at ibalik ninyo sa kanyang sariling lugar, upang huwag nito kaming patayin at ang aming taong-bayan.” Sapagkat nagkaroon ng nakakamatay na pagkakagulo[b] sa buong lunsod. Ang kamay ng Diyos ay lubhang mabigat doon.

12 Ang mga lalaking hindi namatay ay nagkaroon ng mga bukol, at ang daing ng lunsod ay umabot hanggang sa langit.

Ibinalik ang Kaban ng Tipan

Ang kaban ng Panginoon ay nasa lupain ng mga Filisteo sa loob ng pitong buwan.

Ipinatawag ng mga Filisteo ang mga pari at ang mga manghuhula, na sinasabi, “Anong aming gagawin sa kaban ng Panginoon? Sabihin ninyo sa amin kung anong aming ipapadala kasama nito sa kanyang dako.”

At kanilang sinabi, “Kung inyong ipapadala ang kaban ng Diyos ng Israel, huwag ninyong ipadalang walang laman, kundi gawin ninyo ang lahat ng paraan na maibalik siya na may handog para sa budhing nagkasala. Kung magkagayo'y gagaling kayo at malalaman ninyo kung bakit ang kanyang kamay ay hindi humihiwalay sa inyo.”

Kanilang sinabi, “Ano ang handog para sa budhing nagkasala na aming ibabalik sa kanya?” At kanilang sinabi, “Limang gintong bukol, at limang gintong daga ayon sa bilang ng mga panginoon ng mga Filisteo; sapagkat iisang salot ang dumating sa inyong lahat at sa inyong mga panginoon.

Kaya't kailangang gumawa kayo ng mga anyo ng inyong mga bukol at daga na sumira ng lupain, at inyong bigyan ng kaluwalhatian ang Diyos ng Israel, baka sakaling kanyang pagaanin ang kanyang kamay sa inyo, sa inyong mga diyos, at sa inyong lupain.

Bakit ninyo pinagmamatigas ang inyong puso gaya ng mga taga-Ehipto at ni Faraon na pinagmatigas ang kanilang puso? Pagkatapos na siya'y makagawa ng kahanga-hanga sa kanila, di ba pinahintulutan nilang umalis ang bayan, at sila'y umalis?

Ngayo'y kumuha kayo at maghanda ng isang bagong kariton, at dalawang bagong bakang gatasan na hindi pa napatungan ng pamatok; at ikabit ninyo ang mga baka sa kariton ngunit iuwi ninyo ang kanilang mga guya.

Kunin ninyo ang kaban ng Panginoon, ilagay ninyo sa kariton, at isilid ninyo sa isang kahon na nasa tabi niyon ang mga hiyas na ginto na inyong ibabalik sa kanya bilang handog para sa budhing nagkasala. Pagkatapos ay paalisin na ninyo, at hayaang lumakad.

Masdan ninyo. Kung umahon sa daang patungo sa kanyang sariling lupain sa Bet-shemes, kung gayon ay siya nga ang gumawa sa atin ng malaking pinsalang ito. Ngunit kung hindi, malalaman natin na hindi ang kanyang kamay ang nanakit sa atin, ito ay pangyayaring nagkataon lamang.”

10 Gayon ang ginawa ng mga lalaki, at kumuha ng dalawang bagong bakang gatasan at ikinabit sa kariton, at ikinulong ang kanilang mga guya sa bahay.

11 Kanilang inilagay ang kaban ng Panginoon sa kariton at ang kahon na may mga dagang ginto at mga anyo ng kanilang mga bukol.

12 Ang mga baka ay tuluy-tuloy sa daang patungo sa Bet-shemes; sila'y nagpatuloy sa lansangan, na umuungal habang humahayo. Sila'y hindi lumiko sa kanan o sa kaliwa; at ang mga panginoon ng mga Filisteo ay sumunod sa kanila hanggang sa hangganan ng Bet-shemes.

13 Noon ang mga taga-Bet-shemes ay nag-aani ng kanilang trigo sa libis. Nang sila'y tumingin at nakita ang kaban, sila ay nagalak na makita iyon.

14 Ang kariton ay dumating sa bukid ni Josue na taga-Bet-shemes at huminto roon. Isang malaking bato ang naroroon; at kanilang biniyak ang kahoy ng kariton at inihandog sa Panginoon ang mga baka bilang handog na sinusunog.

15 Ibinaba ng mga Levita ang kaban ng Panginoon at ang kahon na nasa tagiliran niyon na may lamang mga hiyas na ginto, at ipinatong sa malaking bato. Ang mga lalaki sa Bet-shemes ay naghandog ng mga handog na sinusunog at nag-alay ng mga alay sa Panginoon nang araw ding iyon.

16 Nang makita ito ng limang panginoon ng mga Filisteo, sila ay bumalik sa Ekron nang araw ding iyon.

17 Ito ang mga gintong bukol na ibinalik ng mga Filisteo sa Panginoon bilang handog para sa budhing nagkasala: isa sa Asdod, isa sa Gaza, isa sa Ascalon, isa sa Gat, at isa sa Ekron.

18 Ang mga dagang ginto, ayon sa bilang ng lahat ng mga lunsod ng mga Filisteo na sakop ng limang panginoon, ang mga lunsod na nakukutaan at mga nayon sa kaparangan. Ang malaking bato na kanilang pinagbabaan ng kaban ng Panginoon ay isang saksi hanggang sa araw na ito sa bukid ni Josue na taga-Bet-shemes.

19 Kanyang pinatay ang ilan sa mga tao sa Bet-shemes, sapagkat kanilang tiningnan ang loob ng kaban ng Panginoon. Pumatay siya sa bayan ng pitumpung lalaki at limampung libong katao. Ang bayan ay nagluksa sapagkat ang Panginoon ay gumawa ng malaking pagpatay sa taong-bayan.

20 Sinabi ng mga lalaking taga-Bet-shemes, “Sino ang makakatayo sa harap ng Panginoon, dito sa banal na Diyos? Kanino niya ito ipadadala upang mapalayo sa atin?”

21 Kaya't sila'y nagpadala ng mga sugo sa mga naninirahan sa Kiryat-jearim, na nagsasabi, “Ibinalik na ng mga Filisteo ang kaban ng Panginoon; kayo'y lumusong at iahon ninyo sa inyo.”

Lucas 9:1-17

Isinugo ni Jesus ang Labindalawang Alagad(A)

Pagkatapos ay tinipon ni Jesus[a] ang labindalawa, at binigyan sila ng kapangyarihan at awtoridad sa lahat ng mga demonyo at magpagaling ng mga sakit.

Sila'y sinugo niya upang ipangaral ang kaharian ng Diyos at upang magpagaling ng mga may sakit.

At sinabi niya sa kanila, “Huwag kayong magdala ng kahit ano sa inyong paglalakbay, kahit tungkod man, o supot, o tinapay, o salapi, at huwag ding magkaroon ng dalawang tunika.

Sa alinmang bahay kayo pumasok, doon kayo tumigil, at buhat doo'y umalis kayo.

Saanman(B) (C) kayo hindi tanggapin, sa pag-alis ninyo sa bayang iyon ay ipagpag ninyo ang alikabok sa inyong mga paa, bilang patotoo laban sa kanila.”

At sila'y umalis at nagtungo sa lahat ng mga nayon na ipinangangaral ang magandang balita at nagpapagaling ng mga sakit sa lahat ng lugar.

Naguluhan si Herodes(D)

Nabalitaan(E) noon ni Herodes na tetrarka ang lahat nang nangyari at siya'y naguluhan, sapagkat sinasabi ng ilan na si Juan ay muling binuhay mula sa mga patay,

at ng ilan na si Elias ay nagpakita, at ng mga iba, na isa sa mga propeta noong unang panahon ay bumangon.

Sinabi ni Herodes, “Si Juan ay pinugutan ko ng ulo, subalit sino ang taong ito na marami akong naririnig tungkol sa kanya na gayong mga bagay?” At pinagsikapan niyang makita si Jesus.[b]

Pinakain ni Jesus ang Limang Libong Tao(F)

10 Sa kanilang pagbabalik, ibinalita ng mga apostol kay Jesus[c] ang mga bagay na kanilang ginawa. Kanyang isinama sila at palihim na nagtungo sa isang bayan na tinatawag na Bethsaida.

11 Subalit nang malaman ito ng napakaraming tao, sila ay sumunod sa kanya. Sila'y masaya niyang tinanggap at nagsalita sa kanila tungkol sa kaharian ng Diyos at pinagaling niya ang mga nangangailangan ng pagpapagaling.

12 Nang patapos na ang araw na iyon, lumapit ang labindalawa at sinabi sa kanya, “Paalisin mo ang mga tao upang sila'y makapunta sa mga nayon at sa mga lupaing nasa palibot at makahanap ng matutuluyan at makakain, sapagkat tayo'y narito sa isang ilang na dako.”

13 Subalit sinabi niya sa kanila, “Bigyan ninyo sila ng makakain.” At sinabi nila, “Mayroon tayong hindi hihigit sa limang tinapay at dalawang isda, malibang kami'y umalis at bumili ng pagkain para sa lahat ng mga taong ito.”

14 Sapagkat mayroon doong halos limang libong lalaki at sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Paupuin ninyo sila ng pangkat-pangkat na may tiglilimampu bawat isa.”

15 Ginawa nila iyon at pinaupo silang lahat.

16 At pagkakuha niya sa limang tinapay at sa dalawang isda, tumingala siya sa langit, pinagpala, at pinagputul-putol ang mga ito. Ibinigay niya ang mga ito sa mga alagad upang ihain sa napakaraming tao.

17 Silang lahat ay kumain at nabusog at pinulot nila ang lahat ng natira, labindalawang kaing ng mga pinagputul-putol.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001