Old/New Testament
Nanirahan si David sa mga Filisteo
27 Sinabi ni David sa kanyang puso, “Balang araw ako'y mamamatay sa kamay ni Saul. Walang higit na mabuti sa akin kundi ang tumakas tungo sa lupain ng mga Filisteo. Si Saul ay mawawalan ng pag-asa na ako'y hanapin pa sa nasasakupan ng Israel; at ako'y makakatakas mula sa kanyang kamay.”
2 Kaya't si David at ang animnaraang lalaking kasama niya ay umalis at pumunta kay Achis na anak ni Maoch na hari ng Gat.
3 Nanirahan si David na kasama ni Achis sa Gat, siya at ang kanyang mga tauhan, bawat lalaki at ang kanyang sambahayan, si David at ang kanyang dalawang asawa, si Ahinoam na taga-Jezreel at si Abigail na taga-Carmel na balo ni Nabal.
4 Nang ibalita kay Saul na si David ay tumakas na patungo sa Gat ay hindi na niya hinanap siyang muli.
5 At sinabi ni David kay Achis, “Kung ngayo'y nakatagpo ako ng biyaya sa iyong paningin, bigyan nila ako ng isang matitirahan sa isa sa mga bayan sa kabukiran upang ako'y manirahan doon; sapagkat bakit maninirahang kasama mo ang iyong lingkod sa lunsod ng hari?”
6 Kaya't ibinigay ni Achis sa kanya ang Siclag nang araw na iyon. Kaya't ang Siclag ay naging sakop ng mga hari ng Juda hanggang sa araw na ito.
7 At ang bilang ng mga araw na tumira si David sa lupain ng mga Filisteo ay isang taon at apat na buwan.
8 Noon ay umahon si David at ang kanyang mga tauhan at sinalakay ang mga Gesureo, mga Gerzeo, at ang mga Amalekita; sapagkat sila ang mga dating mamamayan sa lupain, sa daang patungo sa Shur, hanggang sa lupain ng Ehipto.
9 Sinalakay ni David ang lupain, at walang itinirang buháy kahit lalaki o babae man, at tinangay ang mga tupa, baka, asno, kamelyo, at ang mga kasuotan, at bumalik kay Achis.
10 Kapag nagtanong si Achis, “Laban kanino kayo sumalakay ngayon?” ay sasabihin ni David, “Laban sa Negeb ng Juda,” o “laban sa Negeb ng mga Jerameelita,” o “laban sa Negeb ng mga Kineo.”
11 Walang iniligtas na buháy si David kahit lalaki o babae man, upang walang makapagbalita sa Gat, na sinasabi, “Baka sila'y magsumbong laban sa atin, na sabihin, ‘Ganito't ganoon ang ginawa ni David.’” Palaging gayon ang kanyang ginagawa sa buong panahong siya'y nakatira sa lupain ng mga Filisteo.
12 Nagtiwala si Achis kay David, na inaakalang, “Ginawa niya ang kanyang sarili na kasuklamsuklam sa bayang Israel kaya't siya'y magiging lingkod ko magpakailanman.”
Si Saul at ang Babaing may Masamang Espiritu sa Endor
28 Nang mga araw na iyon, tinipon ng mga Filisteo ang kanilang mga hukbong pandigma upang labanan ang Israel. At sinabi ni Achis kay David, “Tandaan mo na ikaw at ang iyong mga tauhan ay lalabas na kasama ko sa hukbo.”
2 Sinabi ni David kay Achis, “Napakabuti, malalaman mo kung anong magagawa ng iyong lingkod.” At sinabi ni Achis kay David, “Napakabuti, gagawin kitang bantay ko habang buhay.”
3 Si(A) Samuel noon ay patay na, at tumangis ang buong Israel at inilibing siya sa Rama, na kanyang sariling lunsod. At pinalayas ni Saul mula sa lupain ang mga sumasangguni sa mga espiritu at ang mga mangkukulam.
4 Nagtipun-tipon ang mga Filisteo, at dumating at humimpil sa Sunem. Tinipon ni Saul ang buong Israel at sila'y humimpil sa Gilboa.
5 Nang makita ni Saul ang hukbo ng mga Filisteo, siya'y natakot at ang kanyang puso ay lubhang nanginig.
6 Nang(B) sumangguni si Saul sa Panginoon, hindi siya sinagot ng Panginoon, maging sa pamamagitan ng panaginip ni sa Urim, ni sa pamamagitan man ng mga propeta.
7 Nang magkagayo'y sinabi ni Saul sa kanyang mga lingkod, “Ihanap ninyo ako ng isang babae na sumasangguni sa mga espiritu, upang ako'y makapunta at makasangguni sa kanya.” At sinabi sa kanya ng kanyang mga lingkod, “May isang babae sa Endor na sumasangguni sa mga espiritu.”
8 Kaya't nagbalatkayo si Saul, nagsuot ng ibang kasuotan at pumaroon, siya at ang dalawang lalaking kasama niya. Sila'y dumating sa babae nang kinagabihan. At kanyang sinabi, “Humula ka para sa akin sa pamamagitan ng espiritu, at iahon mo sa akin ang sinumang babanggitin ko sa iyo.”
9 Sinabi ng babae sa kanya, “Tiyak na nalalaman mo ang ginawa ni Saul, kung paanong kanyang nilipol ang mga sumasangguni sa mga espiritu at ang mga mangkukulam sa lupain. Bakit ka naglalagay ng bitag sa aking buhay upang ipapatay ako?”
10 Ngunit sumumpa si Saul sa kanya sa pamamagitan ng Panginoon, na sinasabi, “Habang buháy ang Panginoon, walang parusang darating sa iyo dahil sa bagay na ito.”
11 Nang magkagayo'y sinabi ng babae, “Sinong iaahon ko para sa iyo?” At kanyang sinabi, “Iahon mo si Samuel para sa akin.”
12 Nang makita ng babae si Samuel, siya ay sumigaw nang malakas at sinabi ng babae kay Saul, “Bakit mo ako dinaya? Ikaw si Saul.”
13 Sinabi ng hari sa kanya, “Huwag kang matakot. Ano ang iyong nakikita?” At sinabi ng babae kay Saul, “Nakikita ko ang isang diyos na umaahon mula sa lupa.”
14 Sinabi niya sa kanya, “Ano ang kanyang anyo?” At sinabi niya, “Isang matandang lalaki ang lumilitaw, at siya'y nababalot ng isang balabal.” At nakilala ni Saul na iyon ay si Samuel, at siya'y yumukod sa lupa at nagbigay galang.
Sinabi ni Samuel ang Kasawian ni Saul
15 Sinabi ni Samuel kay Saul, “Bakit mo ako ginambala sa pagpapaahon sa akin?” At sumagot si Saul, “Ako'y labis na naguguluhan, sapagkat ang mga Filisteo ay nandirigma laban sa akin. Ang Diyos ay humiwalay na sa akin, at hindi na ako sinasagot, maging sa pamamagitan ng mga propeta, ni ng panaginip man; kaya tinawag kita upang sabihin mo sa akin kung ano ang aking gagawin.”
16 At sinabi ni Samuel, “Bakit ka pa nagtatanong sa akin, gayong ang Panginoon ay humiwalay na sa iyo at naging kaaway mo na?
17 Ginawa(C) ng Panginoon ang gaya ng sinabi niya sa pamamagitan ko; sapagkat inalis ng Panginoon ang kaharian sa iyong kamay at ibinigay sa iyong kapwa Israelita na si David.
18 Sapagkat(D) hindi mo sinunod ang tinig ng Panginoon, at hindi mo iginawad ang kanyang mabagsik na galit laban sa Amalek, kaya't ginawa ng Panginoon ang bagay na ito sa iyo sa araw na ito.
19 Bukod dito'y ibibigay ng Panginoon ang Israel sa kamay ng mga Filisteo. Bukas, ikaw at ang iyong mga anak ay makakasama ko; ibibigay ng Panginoon ang hukbo ng Israel sa kamay ng mga Filisteo.”
20 Pagkatapos ay biglang bumulagta si Saul sa lupa, at siya'y napuno ng takot, dahil sa mga salita ni Samuel. Nawalan siya ng lakas, sapagkat hindi siya kumain nang anuman buong araw at buong gabi.
21 At lumapit ang babae kay Saul at nang makitang siya'y natatakot, ay sinabi sa kanya, “Narinig ng iyong lingkod ang iyong tinig, at aking inilagay ang aking buhay sa aking kamay, at aking pinakinggan ang iyong mga salita na sinabi mo sa akin.
22 Kaya't ngayon ay makinig ka rin sa tinig ng iyong lingkod. Hayaan mong ipaghanda kita ng kaunting tinapay. Kumain ka, upang ikaw ay lumakas, kapag nagpatuloy ka sa iyong lakad.”
23 Ngunit siya'y tumanggi at nagsabi, “Hindi ako kakain.” Ngunit hinimok siya ng kanyang mga lingkod pati ng babae, at pinakinggan niya ang kanilang tinig. Kaya't siya'y bumangon sa lupa at umupo sa higaan.
24 Ang babae ay mayroong isang matabang guyang baka sa bahay. Dali-dali niyang pinatay ito, siya'y kumuha ng harina at kanyang minasa, at siya'y nagluto ng tinapay na walang pampaalsa.
25 Ito ay kanyang dinala sa harap ni Saul at ng kanyang mga lingkod at sila'y kumain. Pagkatapos, sila'y tumindig at umalis nang gabing iyon.
Tinipon ng mga Filisteo ang Kanilang Hukbo sa Afec
29 Samantala, tinipon ng mga Filisteo ang lahat nilang hukbo sa Afec at ang mga Israelita naman ay humimpil sa may bukal na nasa Jezreel.
2 Habang ang mga daan-daan at libu-libong panginoon ng mga Filisteo ay nagdaraan, at si David at ang kanyang mga tauhan ay nagdaraan sa hulihan kasama ni Achis,
3 ay sinabi ng mga pinuno ng mga Filisteo, “Ano ang ginagawa ng mga Hebreong ito?” At sumagot si Achis sa mga pinuno ng mga Filisteo, “Hindi ba ito ay si David, ang lingkod ni Saul na hari ng Israel na nakasama ko nang maraming araw at mga taon? Simula nang siya'y sumama sa akin ay wala akong natagpuang anumang pagkakamali sa kanya hanggang sa araw na ito.”
4 Ngunit ang mga pinuno ng mga Filisteo ay nagalit sa kanya; at sinabi ng mga pinuno ng mga Filisteo sa kanya, “Pabalikin mo ang taong iyan upang siya'y makabalik sa lugar na iyong pinaglagyan sa kanya. Hindi siya bababang kasama natin sa labanan, baka sa labanan ay maging kaaway natin siya. Sapagkat paanong makikipagkasundo ito sa kanyang panginoon? Hindi ba sa pamamagitan ng mga ulo ng mga taong ito?
5 Hindi(E) ba ito si David na sa kanya'y umaawit sila sa isa't isa na may pagsasayaw,
‘Pinatay ni Saul ang kanyang libu-libo,
at ni David ang kanyang laksa-laksa’?”
Hindi Nagtiwala kay David ang Filisteo
6 Nang magkagayo'y tinawag ni Achis si David, at sinabi sa kanya, “Kung paanong buháy ang Panginoon, ikaw ay naging tapat, at para sa akin ay matuwid lamang na ikaw ay makasama ko sa pagsalakay. Wala akong natagpuang kasamaan sa iyo mula sa araw ng iyong pagdating sa akin hanggang sa araw na ito. Gayunma'y hindi nalugod sa iyo ang mga panginoon.
7 Kaya't bumalik ka na ngayon at umalis na payapa, upang huwag mong galitin ang mga panginoon ng mga Filisteo.”
8 Sinabi ni David kay Achis, “Ngunit anong aking ginawa? Anong natagpuan mo sa iyong lingkod mula ng araw na ako'y naglingkod sa iyo hanggang sa araw na ito, upang ako'y huwag sumama at lumaban sa mga kaaway ng aking panginoong hari?”
9 At sumagot si Achis kay David, “Nalalaman ko na ikaw ay walang kapintasan sa aking paningin, na gaya ng isang anghel ng Diyos. Gayunma'y sinabi ng mga pinuno ng mga Filisteo, ‘Hindi siya aahong kasama natin sa labanan.’
10 Kaya't maaga kang bumangon kinaumagahan na kasama ng mga lingkod ng iyong panginoon na pumaritong kasama mo; at maaga kayong kumilos sa kinaumagahan, at umalis agad sa pagliliwanag.”
11 Kaya't bumangong maaga si David at ang kanyang mga tauhan, upang umalis sa kinaumagahan pabalik sa lupain ng mga Filisteo. Subalit ang mga Filisteo ay umahon sa Jezreel.
Magsisi o Mamatay
13 Nang panahong iyon, mayroong ilan na naroon na nagsabi sa kanya tungkol sa mga taga-Galilea, na ang dugo ng mga iyon ay inihalo ni Pilato sa mga alay nila.
2 At sinabi niya sa kanila, “Akala ba ninyo na ang mga taga-Galileang iyon ay higit na makasalanan kaysa lahat ng mga taga-Galilea, dahil sila'y nagdusa nang gayon?
3 Sinasabi ko sa inyo, Hindi! Subalit malibang kayo'y magsisi, mapapahamak din kayong lahat tulad nila.
4 O ang labingwalo na nabagsakan ng tore sa Siloam at sila'y napatay, inaakala ba ninyo na sila'y higit na maysala kaysa lahat ng taong naninirahan sa Jerusalem?
5 Sinasabi ko sa inyo, Hindi! Subalit malibang kayo'y magsisi, kayong lahat ay mapapahamak ding tulad nila.”
Talinghaga ng Punong Igos na Walang Bunga
6 Isinalaysay niya ang talinghagang ito: “Ang isang tao ay may isang puno ng igos na nakatanim sa kanyang ubasan. Siya'y pumunta upang maghanap ng bunga roon, subalit walang nakita.
7 Sinabi niya sa tagapag-alaga ng ubasan, ‘Tingnan ninyo, tatlong taon na akong pumaparito na humahanap ng bunga sa punong igos na ito, at wala akong makita. Putulin mo ito. Bakit sinasayang nito ang lupa?’
8 At sumagot siya sa kanya, “Panginoon, hayaan mo muna sa taóng ito, hanggang sa aking mahukayan sa palibot at malagyan ng pataba.
9 At kung ito ay magbunga sa susunod na taon, ay mabuti; subalit kung hindi, maaari mo na itong putulin.”
Pinagaling ni Jesus nang Araw ng Sabbath ang Babaing may Sakit
10 Noon ay nagtuturo siya sa isa sa mga sinagoga nang araw ng Sabbath.
11 At naroon ang isang babae na may espiritu ng karamdaman sa loob ng labingwalong taon. Siya ay baluktot at hindi niya kayang tumayo ng talagang matuwid.
12 Nang siya'y makita ni Jesus, kanyang tinawag siya at sinabi sa kanya, “Babae, pinalaya ka na sa iyong sakit.”
13 Ipinatong ni Jesus ang kanyang mga kamay sa kanya at kaagad siyang naunat at niluwalhati niya ang Diyos.
14 Subalit(A) ang pinuno ng sinagoga, na galit sapagkat si Jesus ay nagpagaling sa Sabbath, ay nagsabi sa maraming tao, “May anim na araw na dapat gumawa, pumarito kayo sa mga araw na iyon at kayo'y pagagalingin at hindi sa araw ng Sabbath.”
15 At sinabi sa kanya ng Panginoon, “Kayong mga mapagkunwari! Hindi ba kinakalagan ng bawat isa sa inyo sa Sabbath ang kanyang bakang lalaki o ang kanyang asno mula sa sabsaban at ito'y inilalabas upang painumin?
16 At hindi ba dapat na ang babaing ito na anak ni Abraham, na ginapos ni Satanas sa loob ng labingwalong taon ay kalagan sa pagkagapos na ito sa araw ng Sabbath?”
17 Nang sabihin niya ang mga bagay na ito, napahiya ang lahat ng kanyang mga kaaway at nagalak ang maraming tao dahil sa lahat ng maluwalhating bagay na kanyang ginawa.
Talinghaga ng Butil ng Mustasa(B)
18 Sinabi niya, “Ano ang katulad ng kaharian ng Diyos at sa ano ko ito ihahambing?
19 Ito ay tulad sa isang butil ng mustasa na kinuha ng isang tao at inihasik sa kanyang halamanan. Ito'y tumubo, naging isang punungkahoy at dumapo sa mga sanga nito ang mga ibon sa himpapawid.”
Talinghaga ng Pampaalsa(C)
20 At muling sinabi niya, “Sa ano ko ihahambing ang kaharian ng Diyos?
21 Ito ay tulad sa pampaalsa na kinuha ng isang babae at inihalo[a] sa tatlong takal na harina, hanggang sa ito'y nahaluang lahat ng pampaalsa.”
Ang Makipot na Pintuan(D)
22 Si Jesus[b] ay nagpatuloy sa kanyang lakad sa mga bayan at mga nayon na nagtuturo habang naglalakbay patungo sa Jerusalem.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001