Old/New Testament
Dinaya ni Delila si Samson
16 Minsan ay pumunta si Samson sa Gaza at nakakita siya roon ng isang bayarang babae[a] at ito'y kanyang sinipingan.
2 Ibinalita sa mga taga-Gaza, “Si Samson ay dumating dito.” Kanilang pinalibutan, at inabangan siya nang buong gabi sa pintuang-lunsod. Nanatili silang tahimik buong gabi, na sinasabi, “Maghintay tayo hanggang magbukang-liwayway, saka natin siya patayin.”
3 Ngunit si Samson ay humiga hanggang hatinggabi, at nang hatinggabi na ay bumangon. Hinawakan niya ang pinto ng pintuang-lunsod, at kapwa binunot, pati ang bakal. Pinasan niya ang mga ito at dinala sa taluktok ng bundok na nasa tapat ng Hebron.
4 Pagkaraan ng ilang panahon, siya'y umibig sa isang babaing taga-libis ng Sorec, na ang pangala'y Delila.
5 Pinuntahan ng mga pinuno ng mga Filisteo ang babae, at sinabi sa kanya, “Akitin mo siya. Alamin mo kung bakit napakalakas niya, at sa anong paraan kami magtatagumpay laban sa kanya upang aming matalian at matalo siya. Bibigyan ka ng bawat isa sa amin ng isang libo't isang daang pirasong pilak.”
6 Sinabi ni Delila kay Samson, “Hinihiling ko sa iyo na sabihin mo sa akin, kung ano ang nagbibigay sa iyo ng matinding lakas, at kung paanong matatalian ka upang ikaw ay matalo.”
7 Sinabi ni Samson sa kanya, “Kung tatalian nila ako ng pitong sariwang yantok na hindi natuyo ay hihina ako, at ako'y magiging gaya ng sinumang tao.”
8 Nang magkagayo'y nagdala sa kanya ang mga pinuno ng mga Filisteo ng pitong sariwang yantok na hindi pa natutuyo, at ipinangtali nila sa kanya.
9 Noon ay may mga nakaabang na sa silid sa loob. At sinabi niya sa kanya, “Narito na ang mga Filisteo, Samson.” Kanyang pinutol ang mga yantok na tulad sa taling sinulid na napuputol kapag nadidikitan ng apoy. Sa gayo'y hindi nalaman ang lihim ng kanyang lakas.
10 Sinabi ni Delila kay Samson, “Tingnan mo, pinaglaruan mo ako, at nagsinungaling ka sa akin. Ipinapakiusap ko ngayon sa iyo na sabihin mo sa akin kung paano ka matatalian.”
11 Sumagot si Samson, “Kung tatalian lamang nila ako ng mga bagong lubid na hindi pa nagagamit ay hihina ako at magiging gaya ng sinumang tao.”
12 Sa gayo'y kumuha si Delila ng mga bagong lubid at itinali sa kanya, at sinabi sa kanya, “Narito na ang mga Filisteo, Samson.” Noon, ang mga nakaabang ay nasa silid sa loob na ng silid. Ngunit pawang pinutol niya ang mga lubid sa kanyang mga bisig na parang sinulid.
13 At sinabi ni Delila kay Samson, “Hanggang ngayon ay pinaglalaruan mo ako at nagsisinungaling ka sa akin. Sabihin mo sa akin kung paanong matatalian ka.” At sinabi niya sa kanya, “Kung iyong hahabihin ang pitong tirintas sa aking ulo ng hinabing kayo at higpitan mo ng pang-ipit, manghihina ako at magiging tulad ng sinumang tao.”
14 Kaya't habang siya'y natutulog, hinawakan ni Delila ang pitong tirintas ng kanyang ulo at hinabi. At sinabi sa kanya, “Narito na ang mga Filisteo, Samson.” Siya'y gumising sa kanyang pagkakatulog, at binunot ang pang-ipit ng panghabi at ang hinabi.
15 Sinabi niya sa kanya, “Bakit nasasabi mo na, ‘Iniibig kita,’ gayong ang iyong pag-ibig ay wala sa akin? Pinaglaruan mo ako ng tatlong ulit, at hindi mo sinasabi sa akin kung ano ang nagbibigay sa iyo ng matinding lakas.”
16 Sa wakas, pagkatapos niyang pilitin siya araw-araw sa pamamagitan ng kanyang kasasalita upang mahimok siya, halos mamatay siya sa pagkainis.
17 Kaya't ibinunyag niya kay Delila[b] ang kanyang lihim, at sinabi sa kanya, “Walang pang-ahit na dumaan sa aking ulo sapagkat ako'y naging Nazirita[c] sa Diyos mula pa sa tiyan ng aking ina. Kung ako'y ahitan, hihiwalay sa akin ang aking lakas, ako'y hihina, at magiging gaya ng sinumang tao.”
18 Nang mabatid ni Delila na sinabi na sa kanya ni Samson ang buong lihim niya, nagsugo siya at tinawag ang mga pinuno ng mga Filisteo, na sinasabi, “Umahon pa kayong minsan, sapagkat sinabi na niya sa akin ang buong lihim niya.” Nang magkagayo'y umahon ang mga pinuno ng mga Filisteo, at nagdala ng salapi.
19 Kanyang pinatulog ito sa kanyang kandungan; at nagpatawag siya ng isang lalaki at ipinaahit ang pitong tirintas sa ulo nito. Nagpasimula itong manghina, at ang lakas nito ay nawala.
20 Sinabi niya, “Narito na ang mga Filisteo, Samson.” At siya'y gumising sa kanyang pagkakatulog, at sinabi, “Ako'y lalabas na gaya nang dati, at ako'y magpupumiglas.” Ngunit hindi niya batid na ang Panginoon ay humiwalay na sa kanya.
21 Hinuli siya ng mga Filisteo at dinukit ang kanyang mga mata. Kanilang dinala siya sa Gaza, at ginapos siya ng mga tanikalang tanso, at siya'y pinagtrabaho sa gilingan sa bilangguan.
22 Gayunman, pagkatapos na siya'y maahitan, muling tumubo ang buhok ng kanyang ulo.
Naghiganti si Samson
23 Nagtitipon noon ang mga pinuno ng mga Filisteo upang maghandog ng isang dakilang alay kay Dagon na kanilang diyos at upang magsaya, sapagkat kanilang sinabi, “Ibinigay ng ating diyos sa ating kamay si Samson na ating kaaway.”
24 Nang makita siya ng taong-bayan, pinuri nila ang kanilang diyos, sapagkat kanilang sinabi, “Ibinigay ng ating diyos sa atin ang ating kaaway, ang tagawasak sa ating lupain, na pumatay ng marami sa atin.”
25 At nangyari, nang natutuwa na ang kanilang puso, ay kanilang sinabi, “Tawagin si Samson, upang siya'y ating mapaglaruan.” At tinawag nga si Samson mula sa bilangguan; at siya'y pinaglaruan nila. Siya'y kanilang inilagay sa pagitan ng mga haligi.
26 Sinabi ni Samson sa batang lalaki na umaakay sa kanya sa kamay, “Ipahawak mo sa akin ang mga haliging kinasasaligan ng bahay upang aking mahiligan.”
27 Noon ang bahay nga ay puno ng mga lalaki at babae, at ang lahat ng mga pinuno ng mga Filisteo ay naroon. Sa bubungan ay may tatlong libong lalaki at babae na nanonood samantalang pinagkakatuwaan si Samson.
28 Pagkatapos ay tumawag si Samson sa Panginoon, at sinabi, “O Panginoong Diyos, idinadalangin ko sa iyo na alalahanin mo ako, at idinadalangin ko sa iyong palakasin mo ako, na minsan na lamang, O Diyos, upang maipaghiganti kong minsan sa mga Filisteo ang aking dalawang mata.”
29 Si Samson ay humawak sa dalawang gitnang haligi na kinasasaligan ng bahay, at inihilig ang kanyang mga bigat sa mga iyon, ang kanyang kanang kamay sa isa, at ang kanyang kaliwa sa kabila.
30 Sinabi ni Samson, “Hayaan mo akong mamatay na kasama ng mga Filisteo.” Ibinuhos niya ang kanyang buong lakas, at ang bahay ay bumagsak sa mga pinuno at sa lahat ng mga taong nasa loob. Sa gayo'y ang mga namatay na kanyang pinatay sa kanyang kamatayan ay higit kaysa pinatay niya noong siya'y buháy pa.
31 Pagkatapos ay dumating ang kanyang mga kapatid at ang buong sambahayan ng kanyang ama, at kinuha siya. Iniahon siya at inilibing sa pagitan ng Sora at Estaol sa libingan ni Manoa na kanyang ama. Naghukom siya sa Israel sa loob ng dalawampung taon.
Si Micaias at ang Kanyang Larawang Inanyuan
17 May isang lalaki sa lupaing maburol ng Efraim, na ang pangalan ay Micaias.
2 Sinabi niya sa kanyang ina, “Ang isang libo at isandaang pirasong pilak na kinuha sa iyo, na kaya ka nagsalita ng sumpa, at sinalita mo rin sa aking mga pandinig,—ang pilak ay nasa akin; kinuha ko at ngayon ay isasauli ko sa iyo.”[d] At sinabi ng kanyang ina, “Pagpalain nawa ng Panginoon ang aking anak.”
3 At isinauli niya ang isang libo at isandaang pirasong pilak sa kanyang ina, at sinabi ng kanyang ina, “Aking itinatalaga mula sa aking kamay ang pilak na ito sa Panginoon, na ukol sa aking anak, upang igawa ng isang larawang inanyuan na yari sa bakal.”
4 Nang kanyang isauli ang salapi sa kanyang ina kinuha ng kanyang ina ang dalawang daang pirasong pilak na ibinigay sa mga manghuhulma na siyang gumawa ng isang larawang inanyuan na yari sa bakal; at iyon ay nasa bahay ni Micaias.
5 Ang lalaking si Micaias ay mayroong isang bahay ng mga diyos, at siya'y gumawa ng isang efod at terafim at itinalaga ang isa sa kanyang mga anak upang maging kanyang pari.
6 Nang(A) mga araw na iyon ay walang hari sa Israel. Ginawa ng lahat ng tao kung ano ang matuwid sa kanilang sariling paningin.
7 Noon ay may isang kabataang lalaki sa Bethlehem sa Juda mula sa angkan ni Juda. Siya ay isang Levita na naninirahan doon.
8 Ang lalaki ay umalis sa bayan ng Bethlehem sa Juda, upang manirahan kung saan siya makakakita ng matutuluyan. Habang siya'y naglalakbay, nakarating siya sa bahay ni Micaias sa lupaing maburol ng Efraim, upang ipagpatuloy ang kanyang gawain.
9 Sinabi ni Micaias sa kanya, “Saan ka nanggaling?” At sinabi niya sa kanya, “Ako'y isang Levita mula sa Bethlehem sa Juda, at ako'y maninirahan kung saan ako makakakita ng matutuluyan.”
10 Sinabi ni Micaias sa kanya, “Manirahan ka sa akin, at ikaw ay maging aking ama at pari. Bibigyan kita ng sampung pirasong pilak bawat taon, ng bihisan, at ng ikabubuhay,” at ang Levita ay pumasok.
11 Ang Levita ay pumayag na manirahang kasama ng lalaki, at ang binata ay itinuring niyang isa sa kanyang mga anak na lalaki.
12 Itinalaga ni Micaias ang Levita at ang binata ay naging kanyang pari, at nanirahan sa bahay ni Micaias.
13 Nang magkagayo'y sinabi ni Micaias, “Ngayo'y alam ko na ako'y pasasaganain ng Panginoon, yamang ako'y may isang paring Levita.”
Nilibot ng mga Espiya ang Buong Lupain
18 Nang mga araw na iyon ay walang hari sa Israel. At nang panahong iyon ay humahanap ang lipi ng mga Danita ng isang lupaing matitirahan sapagkat hanggang sa araw na iyon ay wala pang lupain mula sa mga lipi ng Israel ang naibigay sa kanila.
2 Kaya't ang mga anak ni Dan ay nagsugo ng limang lalaki mula sa kabuuang bilang ng kanilang angkan, mula sa Sora at sa Estaol, upang tiktikan ang lupain, at galugarin. At sinabi nila sa kanila, “Kayo'y humayo at inyong siyasatin ang lupain.” At sila'y pumunta sa lupaing maburol ng Efraim, sa bahay ni Micaias, at tumuloy roon.
3 Nang sila'y malapit na sa bahay ni Micaias nakilala nila ang tinig ng binatang Levita. Kaya't sila'y pumasok roon, at sinabi nila sa kanya, “Sinong nagdala sa iyo rito? At ano ang iyong ginagawa sa dakong ito? Anong pakay mo rito?”
4 At sinabi niya sa kanila, “Ganito't ganoon ang ginawa sa akin ni Micaias. Kanyang inupahan ako, at ako'y naging kanyang pari.”
5 Sinabi nila sa kanya, “Ipinapakiusap namin sa iyo na sumangguni ka sa Diyos, upang aming malaman, kung ang aming misyon ay magtatagumpay.”
6 Sinabi ng pari sa kanila, “Humayo kayong payapa. Ang inyong lakad ay nasa ilalim ng pagmamatyag ng Panginoon.”
7 Nang magkagayo'y lumakad ang limang lalaki at dumating sa Lais. Kanilang nakita ang mga taong naroon na naninirahang tiwasay na gaya ng mga Sidonio, tahimik at hindi nanghihina, hindi nagkukulang ng anuman sa daigdig, at nagtataglay ng kayamanan.
8 Nang sila'y dumating sa kanilang mga kapatid sa Sora at Estaol, kanilang sinabi sa kanila, “Ano ang inyong masasabi?”
9 At kanilang sinabi, “Tumindig kayo at tayo'y umahon laban sa kanila, sapagkat aming nakita ang lupain at, ito'y napakabuti. Wala ba kayong gagawin? Huwag kayong maging makupad na humayo kundi iyong pasukin at angkinin ang lupain.
10 Paglakad ninyo'y darating kayo sa isang bayang panatag. Ang lupain ay malawak—ibinigay na iyon ng Diyos sa inyong kamay, isang dakong hindi nagkukulang ng anumang bagay sa lupa.”
Kinuha ng Danita ang mga Inanyuang Larawan ni Micaias
11 Umalis mula roon ang animnaraang lalaki sa angkan ng mga Danita, mula sa Sora at sa Estaol, na may sandata ng mga sandatang pandigma.
12 Sila'y humayo at nagkampo sa Kiryat-jearim sa Juda; kaya't kanilang tinawag ang dakong iyon na Mahanedan hanggang sa araw na ito. Iyon ay nasa likod ng Kiryat-jearim.
13 Sila'y nagdaan doon hanggang sa lupaing maburol ng Efraim, at dumating sa bahay ni Micaias.
14 Nang magkagayo'y nagsalita ang limang lalaki na naniktik sa lupain ng Lais, at sinabi sa kanilang mga kapatid, “Nalalaman ba ninyo na sa mga gusaling ito ay mayroong efod, terafim, at isang larawang inanyuan na yari sa bakal? Isipin ninyo ngayon ang inyong gagawin.”
15 Sila'y lumiko roon, at dumating sa bahay ng binatang Levita, sa bahay ni Micaias, at tinanong siya sa kanyang kalagayan.
16 Samantala, ang animnaraang lalaki na may mga sandatang pandigma, na pawang mga anak ni Dan ay nakatayo sa pasukan ng pintuang-bayan.
17 Ang limang lalaking humayo upang tiktikan ang lupain ay umahon at pumasok doon at kinuha ang larawang inanyuan, ang efod, at ang terafim. Ang pari ay nakatayo sa pasukan ng pintuang-bayan na kasama ng animnaraang lalaki na may mga sandatang pandigma.
18 Nang pumasok ang mga ito sa bahay ni Micaias, at makuha ang larawang inanyuan, ang efod, ang terafim, ay sinabi ng pari sa kanila, “Anong ginagawa ninyo?”
19 At sinabi nila sa kanya, “Tumahimik ka, itakip mo ang iyong kamay sa iyong bibig, sumama ka sa amin, at maging ama at pari ka namin. Mabuti ba kaya sa iyo ang maging pari sa bahay ng isang lalaki o maging pari sa isang lipi at sa isang angkan sa Israel?”
20 Tinanggap ng pari ang alok. Kanyang kinuha ang efod, ang terafim, ang larawang inanyuan, at humayo sa gitna ng bayan.
21 Kaya't ipinagpatuloy nila ang kanilang paglalakbay at inilagay ang mga bata, ang kawan, at ang mga dala-dalahan sa unahan nila.
22 Nang sila'y malayu-layo na sa bahay ni Micaias, ang mga lalaking nasa mga bahay na malapit sa bahay ni Micaias ay tinawagan at inabutan nila ang mga anak ni Dan.
23 Kanilang sinigawan ang mga anak ni Dan. Sila'y lumingon at sinabi kay Micaias, “Ano ang nangyari at ikaw ay naparitong kasama ang ganyang karaming tao?”
24 Siya'y sumagot, “Inyong kinuha ang aking mga diyos na aking ginawa, at ang pari, at kayo'y umalis, at ano pang naiwan sa akin? Bakit ninyo ako tinatanong, ‘Ano ang nangyari?’”
25 Sinabi ng mga anak ni Dan sa kanya, “Huwag nang marinig ang iyong tinig, baka daluhungin ka ng mapupusok na kasama namin, at mawala ang iyong buhay, pati ang buhay ng iyong sambahayan.”
26 Ipinagpatuloy ng mga anak ni Dan ang kanilang lakad, at nang makita ni Micaias na sila'y higit na malakas kaysa kanya, bumalik siya at umuwi sa kanyang bahay.
27 Kanilang kinuha ang ginawa ni Micaias, at ang kanyang pari. Dumating sila sa Lais, na isang bayang tahimik at tiwasay, pinatay sila ng tabak at sinunog nila ang lunsod.
28 Walang tumulong sapagkat malayo ito sa Sidon at sila'y walang pakikipag-ugnayan sa kaninuman.[e] Iyon ay nasa libis na bahagi ng Betrehob. At kanilang itinayo ang lunsod, at tinahanan nila.
29 Kanilang tinawag na Dan ang lunsod, ayon sa pangalan ni Dan na kanilang ama na ipinanganak sa Israel; gayunma'y ang pangalan ng bayan nang una ay Lais.
30 At itinayo ng mga anak ni Dan para sa kanilang sarili ang larawang inanyuan. Si Jonathan na anak ni Gershon, na anak ni Moises, at ang kanyang mga anak ang siyang naging mga pari sa lipi ng mga Danita hanggang sa araw na mabihag ang lupain.
31 Kaya't kanilang itinuring na kanila ang larawang inanyuang ginawa ni Micaias sa buong panahon na ang bahay ng Diyos ay nasa Shilo.
Pinagaling ni Jesus ang Alipin ng Isang Senturion(A)
7 Nang matapos na ni Jesus[a] ang kanyang mga salita sa pandinig ng mga tao, pumasok siya sa Capernaum.
2 May isang senturion[b] doon na may aliping minamahal niya na maysakit at malapit nang mamatay.
3 Nang marinig niya ang tungkol kay Jesus, isinugo niya sa kanya ang matatanda sa mga Judio, na nakikiusap sa kanya na pumunta at pagalingin ang kanyang alipin.
4 Nang dumating sila kay Jesus, nakiusap silang mabuti sa kanya na sinasabi, “Siya ay karapat-dapat na gawan mo nito,
5 sapagkat mahal niya ang ating bansa at nagtayo siya ng sinagoga para sa atin.”
6 At si Jesus ay sumama sa kanila. Nang siya'y nasa di-kalayuan sa bahay, nagsugo ang senturion ng mga kaibigan sa kanya na nagsasabi sa kanya, “Panginoon, huwag ka nang mag-abala pa, sapagkat hindi ako karapat-dapat na ikaw ay papasukin sa ilalim ng aking bubungan;
7 kaya, hindi ko itinuring ang aking sarili na karapat-dapat na lumapit sa iyo. Ngunit sabihin mo ang salita at hayaang gumaling ang aking alipin.
8 Sapagkat ako man ay taong inilagay sa ilalim ng kapangyarihan at may mga kawal na nasasakupan ko. At sinasabi ko sa isa, ‘Humayo ka’ at siya'y humahayo; at sa isa naman, ‘Halika,’ at siya'y lumalapit; at sa aking alipin, ‘Gawin mo ito,’ at ito'y kanyang ginagawa.”
9 Nang marinig ni Jesus ang mga bagay na ito ay namangha siya sa kanya. Lumingon siya at sinabi sa maraming tao na sumusunod sa kanya, “Sinasabi ko sa inyo, maging sa Israel ay hindi pa ako nakakita ng ganito kalaking pananampalataya.”
10 At nang ang mga sugo ay bumalik na sa bahay, nadatnan nilang magaling na ang alipin.
Binuhay ni Jesus ang Anak ng Balo
11 Kinabukasan[c] siya ay tumuloy sa isang bayan na tinatawag na Nain, kasama ang kanyang mga alagad at ang napakaraming tao.
12 At nang siya'y papalapit na sa pintuan ng bayan, inilalabas ang isang taong namatay. Siya'y nag-iisang anak na lalaki ng kanyang ina na isang balo. Kasama niya ang napakaraming tao mula sa bayan.
13 Nang makita siya ng Panginoon, siya'y nahabag sa balo at sinabi rito, “Huwag kang umiyak.”
14 Siya'y lumapit at hinipo ang kabaong at ang mga nagbubuhat ay tumigil. At sinabi niya, “Binata, sinasabi ko sa iyo, ‘Bumangon ka.’”
15 Umupo ang patay at nagpasimulang magsalita. At siya'y ibinigay ni Jesus[d] sa kanyang ina.
16 Sinakmal ng takot ang lahat at niluwalhati nila ang Diyos, na sinasabi, “Lumitaw sa gitna natin ang isang dakilang propeta at dinalaw ng Diyos ang kanyang sambayanan.”
17 Ang balitang ito tungkol sa kanya ay kumalat sa buong Judea at sa lahat ng nakapaligid na lupain.
Ang mga Sugo mula kay Juan na Tagapagbautismo(B)
18 Ibinalita sa kanya ng mga alagad ni Juan ang lahat ng mga bagay na ito.
19 Kaya't tinawag ni Juan ang dalawa sa kanyang mga alagad at sinugo sila sa Panginoon na nagsasabi, “Ikaw ba ang darating o maghihintay pa kami ng iba?”
20 At pagdating ng mga lalaki kay Jesus ay kanilang sinabi, “Sinugo kami sa iyo ni Juan na Tagapagbautismo na nagsasabi, ‘Ikaw ba ang darating o maghihintay pa kami ng iba?’”
21 Nang oras na iyon ay pinagaling ni Jesus[e] ang marami sa mga sakit, salot at masasamang espiritu, at ang maraming bulag ay binigyan niya ng paningin.
22 At(C) sumagot siya sa kanila, “Humayo kayo at sabihin ninyo kay Juan ang inyong nakikita at naririnig: ang mga bulag ay nakakakita, ang mga pilay ay nakakalakad, ang mga ketongin ay nalilinis, ang mga bingi ay nakakarinig, ang mga patay ay muling binubuhay, sa mga dukha ay ipinangangaral ang magandang balita.
23 At mapalad ang sinumang hindi natitisod sa akin.”
24 Nang makaalis na ang mga sugo ni Juan ay nagpasimula siyang magsalita sa maraming tao tungkol kay Juan. “Ano ang pinuntahan ninyo sa ilang upang makita? Isa bang tambo na inuuga ng hangin?
25 Subalit ano ang pinuntahan ninyo upang makita? Isa bang taong nakasuot ng mga damit na malambot? Masdan ninyo, ang nagdadamit ng magagara at namumuhay ng marangya ay nasa mga palasyo ng mga hari.
26 Subalit ano ang pinuntahan ninyo upang makita? Isa bang propeta? Oo, sinasabi ko sa inyo, at higit pa sa isang propeta.
27 Ito(D) yaong tungkol sa kanya ay nasusulat,
‘Narito, ipinapadala ko ang aking sugo sa iyong unahan[f]
na maghahanda ng iyong daan sa iyong harapan.’
28 Sinasabi ko sa inyo, sa mga ipinanganak ng mga babae ay walang higit na dakila kay Juan, subalit ang pinakamaliit sa kaharian ng Diyos ay higit na dakila kaysa kanya.”
29 (Nang(E) marinig ito ng buong bayan at ng mga maniningil ng buwis ay kanilang kinilala ang katuwiran ng Diyos, sapagkat sila ay nagpabautismo sa bautismo ni Juan.
30 Subalit tinanggihan ng mga Fariseo at ng mga dalubhasa sa Kautusan ang layunin ng Diyos para sa kanila sa hindi nila pagpapabautismo sa kanya.)
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001