Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 84:8-12

Dinggin mo ang dalangin ko, O Yahweh, Makapangyarihang Diyos,
    O ikaw na Diyos ni Jacob, dinggin mo ang iyong lingkod. (Selah)[a]

Basbasan mo, aming Diyos, itong hari naming mahal,
    pagpalain mo po siya pagkat ikaw ang humirang.

10 Kahit isang araw lamang, mas gusto ko sa templo mo,
    kaysa isang libong araw na iba ang tahanan ko.
Gusto ko pang maging bantay sa pinto ng iyong templo,
    kaysa ako'y tumira sa bahay ng mga palalo.
11 Pagkat ang Panginoong Yahweh, pag-asa at sanggalang,
    kami'y pinagpapala mo sa pag-ibig mo at dangal.
Hindi siya nagkakait ng mabuting mga bagay
    sa sinumang ang gawain ay matuwid at marangal.
12 O Yahweh, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat,
    ang magtiwala sa iyo'y masasabing mapalad!

1 Samuel 2:1-10

Ang Panalangin ni Ana

Ganito(A) ang naging panalangin ni Ana:

“Pinupuri kita, Yahweh,
    dahil sa iyong kaloob sa akin.
Aking mga kaaway, ngayo'y aking pinagtatawanan,
    sapagkat iniligtas mo ako sa lubos na kahihiyan.

“Si Yahweh lamang ang banal.
    Wala siyang katulad,
    walang ibang tagapagtanggol liban sa ating Diyos.
Walang maaaring magyabang sa iyo, Yahweh,
    walang maaaring maghambog,
sapagkat alam mo ang lahat ng bagay,
    ikaw ang hahatol sa lahat ng ginagawa ng tao.
Ginapi mo ang mga makapangyarihan,
    at pinapalakas ninyo ang mahihina.
Kaya't ang dating mayayaman ay nagpapaupa para may makain.
    Masagana ngayon ang dating maralita.
Nagsilang ng pito ang dating baog,
    at ang maraming anak ngayo'y nalulungkot.
Ikaw,(B) O Yahweh, ang may kapangyarihang magbigay o bumawi ng buhay.
    Maaari mo kaming itapon sa daigdig ng mga patay, at maaari ring buhayin muli.
Maaari mo kaming payamanin o paghirapin,
    maaari ring ibaba o itaas.
Mapapadakila mo kahit ang pinakaaba,
    mahahango sa kahirapan kahit ang pinakadukha.
Maihahanay mo sila sa mga maharlika,
    mabibigyan ng karangalan kahit na ang mga hampaslupa.
Hawak mo ang langit na nilikha,
    at sa iyo nasasalig ang lahat ng iyong gawa.

“Papatnubayan mo ang tapat sa iyo,
    ngunit ang masasama ay isasadlak sa karimlan.
    Walang sinumang magtatagumpay sa sariling lakas.
10 Lahat ng lumalaban sa iyo ay manginginig sa takot;
    kapag pinapadagundong mo ang mga kulog.
Hahatulan mo ang buong daigdig,
    at pagtatagumpayin ang hinirang mong hari.”

1 Pedro 4:12-19

Ang Pagtitiis ng Cristiano

12 Mga minamahal, huwag na kayong magtaka sa mabibigat na pagsubok na inyong dinaranas na para bang ito'y di pangkaraniwan. 13 Sa halip, magalak kayo sa inyong pakikibahagi sa mga paghihirap ni Cristo upang maging lubos ang inyong kagalakan kapag nahayag na ang kanyang kaluwalhatian. 14 Pinagpala kayo kung kayo'y kinukutya dahil kay Cristo, sapagkat sumasainyo ang Espiritu ng kaluwalhatian, ang Espiritu ng Diyos. 15 Huwag nawang mangyaring magdusa ang sinuman sa inyo dahil siya'y mamamatay-tao, magnanakaw, salarin o pakialamero. 16 Ngunit kung kayo'y magdusa dahil sa pagiging Cristiano, huwag ninyong ikahiya ito; sa halip, magpasalamat kayo sa Diyos sapagkat taglay ninyo ang pangalan ni Cristo.

17 Dumating na ang panahon ng paghuhukom, at ito'y magsisimula sa sambahayan ng Diyos. At kung sa atin ito magsisimula, ano kaya ang magiging wakas ng mga hindi sumusunod sa Magandang Balita ng Diyos? 18 Tulad(A) ng sinasabi ng kasulatan,

“Kung ang taong matuwid ay napakahirap maligtas,
    ano kaya ang kahihinatnan ng mga makasalanan at hindi kumikilala sa Diyos?”

19 Kaya nga, ang mga nagdurusa ayon sa kalooban ng Diyos ay dapat magtiwala sa Lumikha, at magpatuloy sa paggawa ng mabuti. Ang Diyos ay laging tapat sa kanyang pangako.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.