Revised Common Lectionary (Complementary)
Panalangin sa Umaga
Awit(A) ni David nang siya'y tumatakas mula kay Absalom.
3 O Yahweh, napakarami pong kaaway,
na sa akin ay kumakalaban!
2 Ang lagi nilang pinag-uusapan,
ako raw, O Diyos, ay di mo tutulungan! (Selah)[a]
3 Ngunit ikaw, Yahweh, ang aking sanggalang,
binibigyan mo ako ng tagumpay at karangalan.
4 Tumatawag ako kay Yahweh at humihingi ng tulong,
sinasagot niya ako mula sa banal na bundok. (Selah)[b]
5 Ako'y nakakatulog at nagigising,
buong gabi'y si Yahweh ang tumitingin.
6 Sa maraming kalaba'y di ako matatakot,
magsipag-abang man sila sa aking palibot.
7 Yahweh na aking Diyos, iligtas mo ako!
Parusahang lahat, mga kaaway ko,
kapangyarihan nila'y iyong igupo.
8 Si Yahweh ang nagbibigay ng tagumpay;
pagpalain mo nawa ang iyong bayan! (Selah)[c]
Ang Tugon ni Yahweh
5 Pagkatapos(A) ay sinabi ni Yahweh sa kanyang bayan,
“Masdan mo ang mga bansang nakapalibot sa iyo
at mamamangha ka at magugulat sa iyong makikita.
Hindi magtatagal at mayroon akong gagawing
hindi mo paniniwalaan kapag nabalitaan mo.
6 Papalakarin(B) ko sa kapangyarihan ang mga taga-Babilonia—
ang bansang kilala sa kalupitan at karahasan.
Sinasalakay nila ang lahat ng dako ng daigdig
upang sakupin ang lupaing hindi kanila.
7 Naghahasik sila ng takot at sindak;
ipinagmamapuri nila na sila mismo ang batas.
8 Ang mga kabayo nila'y mas mabibilis kaysa mga leopardo,
mas mababangis kaysa mga asong-gubat pagsapit ng gabi.
Ang kanilang mga mangangabayo ay rumaragasa mula sa malalayong lupain;
para silang mga agila na dumadagit sa kanilang biktima.
9 Ang kanilang mga hukbo ay marahas na sumasalakay,
at lahat ay nasisindak habang sila'y nananakop.
Di mabilang na parang buhangin ang kanilang mga bihag.
10 Hinahamak nila ang mga hari,
at walang pinunong iginagalang.
Pinagtatawanan lamang nila ang bawat muog,
sapagkat ito'y kanilang nilulusob at madaling nakukuha.
11 Pagkatapos ay nagpapatuloy silang parang malakas na hangin;
walang dinidiyos
kundi ang sarili nilang lakas.”
Muling Dumaing si Habakuk
12 O Yahweh, kayo ay Diyos na walang hanggan.
Kayo ang aking Diyos, banal at magpakailanman.
O Yahweh, aking Diyos at tanggulan,
pinili ninyo ang mga taga-Babilonia at sila'y inyong pinalakas.
O Batong matibay, inilagay mo sila upang kami'y pahirapan,
upang kami'y parusahan.
13 Ngunit paano ninyo natitiis ang mga taksil at masasamang taong ito?
Napakabanal ng inyong paningin upang masdan ang kasamaan.
Hindi ninyo matitiis ang mga taong gumagawa ng mali.
Bakit hindi kayo kumikibo gayong pinupuksa nila
ang mga taong higit na mabuti kaysa kanila?
14 Itinuturing mo ang mga tao na gaya ng mga isda,
o gaya ng mga kulisap na walang mangunguna sa kanila.
15 Binibingwit sila ng mga taga-Babilonia na wari'y isda.
Itinataboy nila ang mga ito sa mga lambat,
at pagkatapos ay nagsisigawan sa galak!
16 Kaya't sinasamba pa nila ang kanilang mga lambat,
at nag-aalay ng mga handog;
sapagkat ito ang nagbibigay sa kanila ng karangyaan.
17 Patuloy ba nilang gagamitin ang kanilang tabak
at walang awang pupuksain ang mga bansa?
Pananampalataya at Karunungan
2 Mga(A) kapatid, magalak kayo kapag kayo'y dumaranas ng iba't ibang uri ng pagsubok. 3 Dapat ninyong malaman na nagiging matatag ang inyong pananampalataya sa pamamagitan ng mga pagsubok. 4 At dapat kayong magpakatatag hanggang wakas upang kayo'y maging ganap at walang pagkukulang.
5 Ngunit(B) kung ang sinuman sa inyo ay kulang sa karunungan, humingi siya sa Diyos at siya'y bibigyan, sapagkat ang Diyos ay nagbibigay nang sagana at hindi nanunumbat. 6 Subalit ang humihingi ay dapat magtiwala sa Diyos at huwag mag-alinlangan, sapagkat ang nag-aalinlangan ay parang alon sa dagat na itinataboy ng hangin kahit saan. 7 Huwag umasang tatanggap ng anuman mula sa Panginoon ang taong 8 pabagu-bago ang isip at di alam kung ano talaga ang nais niya.
Ang Mahirap at ang Mayaman
9 Dapat magalak ang mahirap na kapatid kapag siya'y itinataas ng Diyos, 10 at(C) gayundin naman ang mayamang kapatid kapag siya'y ibinababâ, sapagkat ang mayaman ay lilipas na gaya ng bulaklak ng damo. 11 Ang damo ay nalalanta sa matinding sikat ng araw, nalalagas ang kanyang mga bulaklak at kumukupas ang kanyang kagandahan. Gayundin naman, ang mayaman ay mamamatay sa gitna ng kanyang mga kaabalahan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.