Revised Common Lectionary (Complementary)
Si Yahweh ang Ating Tagapagtanggol
Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.
121 Do'n sa mga burol, ako'y napatingin—
sasaklolo sa akin, saan manggagaling?
2 Ang hangad kong tulong, kay Yahweh magmumula,
sa Diyos na lumikha ng langit at ng lupa.
3 Di niya ako hahayaang mabuwal,
siya'y di matutulog, ako'y babantayan.
4 Ang tagapagtanggol ng bayang Israel,
hindi natutulog at palaging gising!
5 Si Yahweh ang ating Tagapag-ingat,
laging nasa piling, upang magsanggalang.
6 Di ka maaano sa init ng araw,
kung gabi ay di ka sasaktan ng buwan.
7 Si Yahweh ang siyang sa iyo'y mag-iingat,
sa mga panganib, ika'y ililigtas.
8 Si Yahweh ang siyang sa iyo'y mag-iingat
saanman naroon, ika'y iingatan, di ka maaano kahit na kailan.
Ang Kasunduan ni Jacob at ni Laban
43 Sinabi ni Laban kay Jacob, “Ang lahat ng dala mo'y akin: aking mga anak, aking mga apo at aking mga kawan. Ngunit ano pa ang magagawa ko? 44 Ang mabuti'y gumawa tayo ng kasunduan. Magbunton tayo ng bato na siyang magpapaalaala ng ating kasunduan.”
45 Naglagay si Jacob ng isang bato bilang isang alaala. 46 Sinabi niya sa kanyang mga tauhan na maglagay rin doon ng bato. Pagkatapos, kumain sila sa tabi ng bunton ng mga bato. 47 Ito'y tinawag ni Laban na Jegar-sahaduta,[a] at Gal-ed[b] naman ang itinawag doon ni Jacob, 48 sapagkat sinabi ni Laban, “Ang buntong ito ng mga bato ang tagapagpaalala ng kasunduan nating dalawa.” 49 Tinawag ding Mizpa[c] ang lugar na iyon sapagkat sinabi ni Laban, “Bantayan nawa tayo ni Yahweh samantalang tayo'y magkalayo. 50 Kapag inapi mo ang aking mga anak, o nag-asawa ka ng iba, alalahanin mo na wala man ako roon, ang Diyos ang saksi sa ating kasunduan.” 51 Pagkatapos, sinabi pa ni Laban, “Narito sa pagitan natin ang mga batong ibinunton ko, at narito rin ang batong inilagay mo. 52 Ang mga ito ang ating palatandaan. Ito rin ang magiging hanggahan natin upang maiwasan ang paglusob sa isa't isa. 53 Ang Diyos ni Abraham at ang Diyos ni Nahor ang hahatol sa atin.” At sa pangalan ng Diyos na sinamba ng ama niyang si Isaac ay sumumpa si Jacob na tutupad siya sa kasunduang ito. 54 Pagkatapos, nagpatay siya ng isang hayop at ito'y inihandog doon sa bundok. Nagsalu-salo sila at doon na rin nagpalipas ng gabi. 55 Kinaumagahan, umuwi na si Laban matapos hagkan ang kanyang mga anak at mga apo.
Humanda si Jacob na Salubungin si Esau
32 Nagpatuloy si Jacob sa paglalakbay at sinalubong siya ng mga anghel ng Diyos. 2 Kaya't sinabi niya, “Ito ang hukbo ng Diyos,” kaya tinawag niyang Mahanaim[d] ang lugar na iyon.
Tapat na Lingkod ni Cristo
14 Ipaalala mo sa kanila ang mga bagay na ito at pagbilinan mo sila, sa pangalan ng Diyos, na iwasan nila ang mga pagtatalo tungkol sa mga salita na walang kabuluhan at walang ibinubungang mabuti; sa halip, ito'y nagpapahamak lamang sa mga nakikinig. 15 Sikapin mong maging kalugud-lugod sa paningin ng Diyos, isang manggagawang walang dapat ikahiya at tama ang paggamit sa salita ng katotohanan. 16 Iwasan mo ang mga usapang walang paggalang sa Diyos, sapagkat ang mga iyan ang lalong naglalayo ng mga tao sa Diyos. 17 Ang mga salita nila ay parang ganggrena na kumakalat sa katawan. Kabilang sa mga nagturo ng ganito ay sina Himeneo at Fileto. 18 Lumihis sila sa katotohanan at ginugulo nila ang pananampalataya ng iba sa pamamagitan ng pagtuturo na ang muling pagkabuhay ay naganap na. 19 Ngunit(A) matibay ang pundasyong itinatag ng Diyos, at doo'y nakatatak: “Kilala ng Panginoon kung sinu-sino ang tunay na kanya,” at, “Ang bawat nagsasabing siya'y sa Panginoon ay dapat lumayo sa kasamaan.”
20 Sa isang malaking bahay ay may iba't ibang uri ng kasangkapan; may yari sa ginto o pilak, at mayroon namang yari sa kahoy o putik. May ginagamit para sa mga tanging okasyon at mayroon namang pang-araw-araw. 21 Ang sinumang lumalayo sa kasamaan ay katulad ng sisidlang natatangi, malinis at karapat-dapat gamitin ng may-ari para sa lahat ng mabubuting gawain. 22 Kaya nga, iwasan mo ang masasamang hilig ng kabataan, sa halip ay pagsikapan mong maging matuwid, tapat, mapagmahal at mapayapa, kasama ng mga taong may pusong malinis na tumatawag sa Panginoon. 23 Iwasan mo ang mga hangal at walang kabuluhang pakikipagtalo sapagkat alam mo namang nauuwi lamang iyan sa mga pag-aaway. 24 Ang lingkod ng Panginoon ay hindi dapat makipag-away, sa halip ay dapat siyang maging mabait sa lahat, mahusay magturo at matiyaga. 25 Mahinahon niyang itinutuwid ang mga sumasalungat sa kanya, baka sakaling sila'y bigyan ng Diyos ng pagkakataong magsisi't tumalikod sa kanilang mga kasalanan at malaman nila ang katotohanan. 26 Sa gayon, maliliwanagan ang kanilang isip at makakawala sila sa bitag ng diyablo na bumihag sa kanila upang kanilang sundin ang kagustuhan niya.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.