Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 62

Pagtitiwala sa Pag-iingat ng Diyos

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit na si Jeduthun.

62 Tanging sa Diyos lamang ako ay aasa;
    ang kaligtasa'y nagbubuhat sa kanya.
Tanging siya lamang ang tagapagligtas,
    tagapagtanggol ko at aking kalasag;
    akin ang tagumpay sa lahat ng oras!

Hanggang kailan ba ninyo lulupigin ang sinuman na nais ninyong patayin?
    Tulad ng isang pader siya'y ibagsak, gaya ng bakod siya'y mawawasak.
Nais lamang ninyong siya ay siraan, sa inyong adhikang ibaba ang dangal;
    ang magsinungaling, inyong kasiyahan.
Pangungusap ninyo, kunwa'y pagpapala,
    subalit sa puso'y inyong sinusumpa. (Selah)[a]

Tanging sa Diyos lang ako umaasa;
    ang aking pag-asa'y tanging nasa kanya.
Tanging siya lamang ang tagapagligtas,
    tagapagtanggol ko at aking kalasag;
    akin ang tagumpay sa lahat ng oras!
Ang kaligtasan ko't aking karangalan ay buhat sa Diyos, nasa kanya lamang.
    Siya'y malakas kong tagapagsanggalang,
    matibay na muog na aking kanlungan.

Mga kababayan, sa lahat ng oras magtiwala sa Diyos; sa kanya ilagak
    ang inyong pasaning ngayo'y dinaranas;
    siya ang kublihang may dulot na lunas. (Selah)[b]

Ang taong nilalang ay katulad lamang
    ng ating hiningang madaling mapatid.
Pagsamahin mo ma't dalhin sa timbangan,
    katumbas na bigat ay hininga lamang.
10 Huwag kang magtiwala sa gawang marahas,
    ni sa panghaharang, umasang uunlad;
kahit umunlad pa ang iyong kabuhayan
    ang lahat ng ito'y di dapat asahan.

11 Hindi na miminsang aking napakinggan
    na taglay ng Diyos ang kapangyarihan,
12     at(A) di magbabago kanyang pagmamahal.
Ayon sa ginawa ng sinumang tao, doon nababatay ang gantimpala mo.

Hosea 12:2-14

May paratang si Yahweh laban sa Juda.
    Paparusahan niya si Jacob ayon sa masama nitong pamumuhay,
    at gagantihan ayon sa kanyang mga gawa.
Nang(A) (B) sila'y nasa sinapupunan pa, dinaya na ni Jacob ang kanyang kakambal,
    at nakipagbuno sa Diyos nang siya'y malaki na.
Nakipagbuno(C) siya sa anghel at nagwagi,
    umiyak siya at nakiusap na nawa'y pagpalain.
Nakatagpo niya ang Diyos doon sa Bethel,
    at ito'y nakipag-usap sa kanya.
Si Yahweh ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat,
    Yahweh ang kanyang pangalan.
Kaya't manumbalik kayo sa Diyos,
    at mamuhay kayong may pag-ibig at katarungan,
    patuloy kayong umasa sa kanya.

Sinabi ni Yahweh, “Gustung-gusto nilang gamitin
    ang timbangang may daya.
Nais nilang apihin ang kanilang kapwa.
Sinasabi nila, ‘Ako'y talagang mayaman,
    nakamtan ko ang kayamanang ito para sa aking sarili.’
Ngunit lahat man ng kanyang kayamanan ay hindi sapat,
    pambayad sa nagawa niyang kasalanan.
Ako(D) si Yahweh, ang Diyos
    na naglabas sa inyo sa Egipto;
muli ko kayong papatirahin sa mga tolda,
    gaya nang panahon ng mga itinakdang kapistahan.

10 “Nagsalita ako sa pamamagitan ng mga propeta;
    at sa kanila'y nagbigay ng maraming pangitain.
    Maraming talinghaga rin ang sa kanila'y aking itinagubilin.
11 Laganap sa Gilead ang pagsamba sa diyus-diyosan,
    at lahat ng sumasamba rito'y nakalaang mamatay.
Naghahandog sa mga diyus-diyosang toro ang mga taga-Gilgal,
    at ang mga altar nila'y mawawasak
    magiging mga bunton ng bato sa gitna ng kabukiran.”

12 Tumakas(E) si Jacob papuntang Aram,
    at doo'y nakatagpo ng mapapangasawa.
Nagpastol siya roon ng mga tupa
    upang makamtan ang kamay ng isang dalaga.
13 Inilabas(F) ni Yahweh ang Israel sa Egipto sa pamamagitan ng isang propeta.
    At sa pamamagitan din ng propetang ito ay pinangalagaan niya ang Israel.
14 Matindi na ang galit ni Yahweh kay Efraim, dahil sa kasamaang ginagawa nito.
    Kaya't siya'y paparusahan ni Yahweh,
    at pagbabayarin sa kanyang mga kasalanan.

Mateo 19:16-22

Ang Binatang Mayaman(A)

16 May isa namang lalaking lumapit kay Jesus at nagtanong, “Guro, anong mabuting bagay ang dapat kong gawin upang makamtan ko ang buhay na walang hanggan?”

17 Sumagot si Jesus, “Bakit mo ako tinatanong kung ano ang mabuti? Iisa lang ang mabuti. Ngunit kung nais mong magkamit ng buhay na walang hanggan, sundin mo ang mga utos ng Diyos.”

18 “Alin(B) sa mga iyon?” tanong niya.

Sumagot si Jesus, “Huwag kang papatay; huwag kang mangangalunya; huwag kang magnanakaw; huwag kang sasaksi nang walang katotohanan; 19 igalang(C) mo ang iyong ama at ina; at ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.”

20 Sinabi ng binata, “Sinunod ko na po ang lahat ng iyan. Ano pa po ang dapat kong gawin?”

21 Sumagot si Jesus, “Kung ibig mong maging ganap, ipagbili mo ang lahat ng iyong ari-arian at ipamahagi sa mga mahihirap. At magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod ka sa akin.” 22 Pagkarinig nito, malungkot na umalis ang binata sapagkat siya'y napakayaman.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.