Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 3

Panalangin sa Umaga

Awit(A) ni David nang siya'y tumatakas mula kay Absalom.

O Yahweh, napakarami pong kaaway,
    na sa akin ay kumakalaban!
Ang lagi nilang pinag-uusapan,
    ako raw, O Diyos, ay di mo tutulungan! (Selah)[a]

Ngunit ikaw, Yahweh, ang aking sanggalang,
    binibigyan mo ako ng tagumpay at karangalan.
Tumatawag ako kay Yahweh at humihingi ng tulong,
    sinasagot niya ako mula sa banal na bundok. (Selah)[b]

Ako'y nakakatulog at nagigising,
    buong gabi'y si Yahweh ang tumitingin.
Sa maraming kalaba'y di ako matatakot,
    magsipag-abang man sila sa aking palibot.

Yahweh na aking Diyos, iligtas mo ako!
Parusahang lahat, mga kaaway ko,
    kapangyarihan nila'y iyong igupo.
Si Yahweh ang nagbibigay ng tagumpay;
    pagpalain mo nawa ang iyong bayan! (Selah)[c]

Habakuk 2:5-11

Ang Kapahamakan ng mga Makasalanan

Ang kayamanan[a] ay mandaraya.
    Ang ganid sa salapi ay hindi makukuntento.
Ang kanyang katakawan ay kasinlawak ng libingan,
    tulad ng kamatayan na walang kasiyahan.
Kaya sinasakop niya ang mga bansa,
    upang maging kanya ang mga mamamayan.
Darating ang araw na hahamakin ng mga nasakop ang mga sumakop sa kanila.
Sasabihin nila, “Kinuha ninyo ang hindi sa inyo, kaya't kayo'y mapapahamak!
    Hanggang kailan pa kayo magpapayaman, habang pinipilit na magbayad ang mga may utang sa inyo?”
Biglang darating ang panahon na kayo naman ang mangungutang,
    at pipiliting magbayad ng interes.
Darating ang inyong kaaway at sisindakin kayo.
    Pagnanakawan nila kayo!
Sinalanta ninyo ang maraming bansa,
    iyan din ang gagawin sa inyo ng mga nakaligtas.
Uusigin kayo dahil sa dugong inyong pinadanak,
    dahil sa inyong karahasan sa mga tao,
    sa daigdig at sa mga lunsod nito.

Mapapahamak kayong mga nagpayaman ng inyong pamilya sa pamamagitan ng inyong mga ninakaw.
    Ngayo'y nagsisikap kayong ilayo sa kapahamakan at panganib ang inyong sambahayan.
10 Ang inyong mga pagbabalak ang nagbigay ng kahihiyan sa inyong sambahayan.
    Winasak ninyo ang maraming bansa,
    kaya kayo naman ngayon ang wawasakin.
11 Sisigaw laban sa inyo ang mga bato ng pader,
    at aalingawngaw sa buong kabahayan.

1 Juan 5:1-5

Napagtagumpayan Natin ang Sanlibutan

Ang bawat sumasampalataya na si Jesus ang siyang Cristo ay anak ng Diyos. At ang sinumang umiibig sa ama ay umiibig din sa anak. Ito ang palatandaang iniibig natin ang mga anak ng Diyos: kung iniibig natin ang Diyos at tinutupad ang kanyang mga utos, sapagkat(A) ang tunay na pag-ibig sa Diyos ay ang pagtupad sa kanyang mga utos. Hindi naman napakahirap sundin ang kanyang mga utos, sapagkat napapagtagumpayan ng mga anak ng Diyos ang sanlibutan; at nagtatagumpay tayo sa pamamagitan ng pananampalataya. Sino ang nagtatagumpay laban sa sanlibutan? Ang sumasampalataya na si Jesus ang Anak ng Diyos.

1 Juan 5:13-21

Ang Buhay na Walang Hanggan

13 Isinusulat ko ito sa inyo upang malaman ninyo na kayong sumasampalataya sa Anak ng Diyos ay may buhay na walang hanggan. 14 May lakas-loob tayong lumapit sa kanya dahil alam nating ibibigay niya ang anumang hingin natin kung ito'y naaayon sa kanyang kalooban. 15 At dahil alam nating pinapakinggan nga niya tayo, alam din nating ibinibigay niya ang bawat hinihiling natin sa kanya.

16 Kung makita ninuman na ang kanyang kapatid ay gumagawa ng kasalanang hindi hahantong sa kamatayan, ipanalangin niya ang kapatid na iyon sa Diyos na magbibigay sa taong iyon ng bagong buhay. Ito'y para sa mga kapatid na ang kasalanan ay hindi humahantong sa kamatayan. May kasalanang hahantong sa kamatayan, at hindi ko sinasabing idalangin ninyo ang sinumang gumagawa nito. 17 Ang lahat ng gawaing di matuwid ay kasalanan, ngunit may kasalanang hindi hahantong sa kamatayan.

18 Alam nating ang mga anak ng Diyos ay hindi nagpapatuloy sa pagkakasala, sapagkat iniingatan sila ng Anak ng Diyos, at hindi sila maaaring galawin ng diyablo.

19 Alam nating tayo'y sa Diyos, kahit na ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng diyablo.

20 At nalalaman nating naparito na ang Anak ng Diyos at binigyan niya tayo ng pang-unawa upang makilala natin ang tunay na Diyos, at tayo'y nasa tunay na Diyos, sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo. Siya ang tunay na Diyos at buhay na walang hanggan.

21 Mga anak, lumayo kayo sa mga diyus-diyosan.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.